Dinig na dinig ang panaghoy ng Auntie Ediza niya at ng pinsan niyang si Zyrene sa buong restaurant. Ni hindi man lang nag-abala ang mga ito na hinaan ang pag-iyak. Parang gusto pa niyang ipagparangalan sa lahat. Hinayaan na lang niya ang mga ito. Pero kung siya ang masusunod, sana ay nakipagkita na lang siya sa mas tahimik na lugar kung saan di sila makakabulahaw ng ibang tao.
“We are broke, hija,” humihikbing wika ni Ediza. “We are so broke. Mabuti nga at may natira pa kaming pamasahe para makauwi ng Pilipinas. Pero walang-wala na talaga kami. Ni wala kaming tutuluyan.”
“Kasalanan ito ng abogado na iyon. He ditched us. Pinagkatiwalaan namin siya ni Mommy. Sabi niya ii-invest niya ang pera namin sa isang resort sa Jamaica. Pinagkatiwalaan namin siya. Iyon pala nasasalin na sa kanya ang mga pera namin,” galit na kwento ni Zyrene. “Tapos tumakas na siya tangay ang pera namin. Idinala niya kami sa Jamaica at pinagmukhang tanga. Iniwan niya kami sa hotel. Saka namin nalaman na wala na kaming kapera-pera.”
The two had a grand time of their lives. Nang mamatay ang lolo niya ay paunti-unting naibenta ang mga properties na minana ng mga ito sa Pilipinas para tustusan ang luho ng mga ito sa ibang bansa. They didn’t have to work. Pati ang kompanya ng lolo niya ay ibinenta ng mga ito palibhasa ay wala namang hilig ang mga ito sa negosyo. Their money could support them for life.
Nitong huli ay naisipan ng mga ito na mag-invest dahil sa pag-e-encourage ng abogado ng mga ito. Ni di man lang nakatunog ang mga ito na lolokohin lang ang mga ito. Akala yata ng mga ito ay ganoon lang kadaling magnegosyo.
“May mga pinirmahan ba kayong papeles, Tita?”
Napaisip si Ediza. “There’s this special power of attorney that he asked me to sign. Kailangan ko daw gawin iyon para mai-process niya ang mga transactions na kailangan namin. Di ko alam na uubusin na niya ang laman ng bank account namin.”
Tinapik niya ang kamay ng mga ito. “Huwag po kayong mag-alala. Pwede naman po nating hingan ng tulong si Attorney Cabral.”
“Ang dating abogado ni Papa?” tanong ni Ediza.
Tumango siya. “Di na po siya iba sa pamilya natin. I am sure he would be glad to be of help. Sa ngayon po magpahinga po muna kayo.”
Nagkatinginan ang mag-ina. “We checked in to this cheap hotel near the airport. Iyon lang ang pinagdalhan sa amin ng taxi driver dahil iyon lang naman daw ang kaya ng pera namin. Baka pwede mo naman kaming ilipat sa mas magandang hotel, Tamara,” pakiusap ni Zyrene.
“At kaunti na lang ang damit namin dahil naiwan na namin sa flat namin sa New York. Mga damit lang na dala namin sa Jamaica ang nandito,” dagdag ni Ediza. “Baka gusto mo rin kaming ipag-shopping, hija.”
Ura-urada talaga ang request ng mga ito na parang may patago sa kanyang pera. Mabuti na lang at kilala na niya ang ugali ng mga ito.
“Bukas na po ninyo isipin ang pagsa-shopping. Walang tao sa condo ko ngayon dahil stay in po ako sa work ko. Doon na muna kayo.”
Hinalikan siya ni Ediza. “You are a gem, hija. Katulad ka talaga ng mommy mo. Napakabait.”
Pilit siyang ngumiti. Sa unang pagkakataon ay narinig niyang pinuri siya nito. Pero dati ay halos manginig ang laman nito magtanong lang siya ng tungkol sa mommy niya. Binubulyawan na agad siya at ipinagtatabuyan. Naalala pa kaya nina Ediza at Zyrene ang pang-aapi ng mga ito sa kanya?
“Maliit lang pala ang condo mo, cuz,” komento ni Zyrene nang makapasok. “Tatlong beses nito ang laki ng condo namin ni Mama sa Manhattan.”
“Mag-isa lang naman ako dito. Di ko kailangan ng malaking lugar,” aniya.
Tuloy-tuloy na pumasok si Zyrene ng kuwarto niya nang walang pakundangan. As if she owned the place. Nakita nito ang mga nakahilerang stuffed toy sa ibabaw ng headboard ng kama niya.
Dinampot niya ang malaking panda bear. “Look, Mom! Hindi po ba may ganito rin akong panda bear dati?”
“Of course. Parang anak ko na itong si Tamara. Kaya kung anuman ang mayroon ka, ibinibili ko rin siya.”
Yes, she could remember those times. Kapag may bagong laruan sa toy store ay ibinibili agad si Zyrene. Makalipas ang ilang buwan ay saka pa lang siya ibibili ni Ediza. Hindi niya inilalabas ang mga laruan niyang bigay nito dahil tinutukso siya ng mga kaibigan ni Zyrene na inggitera. Kung ano daw kasi ang mayroon si Zyrene ay mayroon din siya.
“Ready na po ang guestroom, Auntie.”
Sumampa na si Zyrene sa kama niya. “Dito na ako matutulog.”
“Hayaan mo na ang pinsan mo dito, hija,” malumanay na wika ni Ediza. “Hindi rin naman kami makakatulog sa kama sa guestroom dahil maliit. Kahit nga ako pagtitiisan ko na lang.”
“Sige po. Babalik na lang ako dito bukas ng gabi. Mag-iiwan na lang po ako ng pera para sa inyo,” wika niya at nag-abot ng five thousand kay Ediza.
“Para ba ito sa breakfast?”
Five thousand para sa breakfast lang? Broke na broke na nga ang mga ito ay gusto pang masunod ang luho.
“Marami pong stocks sa ref at sa cupboard,” sabi niya. “Saka may grocery rin po sa kabilang street. Di po kayo mahihirapang maghanap ng iluluto. Goodnight po.”
Dali dali na siyang umalis bago pa makapag-protesta ang mga ito. Akala pa mandin niya ay masaya ang magiging reunion nila. Problema pa yata ang idadala ng mga ito sa kanya. Subalit kailangan niyang magtiis. Di niya pwedeng itapon ang kamag-anak niya.
“NO offense meant, Tamara. But do you think it is wise to bring them here?” tanong ni Reid habang papunta sila sa main gate ng Stallion Riding Club upang sunduin ang Auntie Ediza niya at si Zyrene.
“Reid, nagulat na lang ako nang basta na lang tumawag sa akin ang guardhouse at sinabing nasa gate ang mga kamag-anak ko,” wika niya.
Hindi makakapasok sa riding club hangga’t walang permiso mula sa isa sa mga members. Kaya kailangan niya si Reid para mapapasok ang mga ito.
He tugged her arm. “Alam ko na kamag-anak mo sila. Pero di nila ito pwedeng gawin. You know that they are not on my favorite’s list. Kita mo nga at itinaboy ka nila sa sarili mong condo.”
“Ito naman. Hindi ko na nga iniisip iyon.”
Nang dumating sila sa gate ay lukot na ang mukha ng mga ito. “Tamara, ano ba namang klase ang accommodation dito sa riding club na ito. Hindi ba kami kilala ng mga tao dito? Napagod na ako kahihintay,” reklamo ni Ediza.
“I am sorry, Ma’am. We are just following the rules of the riding club,” anang si Reid sa pormal na boses. But he didn’t look apologetic.
“Ang guwapo naman ng kasama mo,” kinikilig na sabi ni Zyrene at humalik sa pisngi ni Reid. “Hi! I am Zyrene, Tamara’s cousin.”
Hinila ito ni Ediza palayo. “Baka driver lang iyan dito. Hindi ka pwedeng dumikit sa mga driver lang. Masisira ang kutis mo, anak.”
Humawak sa braso ni Reid. “My boyfriend, Reid Alleje.”
“Reid Alleje?” Napaisip si Zyrene nang sumakay ng kotse. “May kapangalan ka! Hindi ba Reid Alleje rin ang may-ari nitong riding club?”
Di siya makatingin nang diretso kay Reid dahil umandar ang pagka-slow ng pinsan niya at pagiging matapobre ng tiyahin niya.
“Anak, hindi kaya siya ang may-ari nitong riding club?” bulong ni Ediza
“Mommy, sabi ninyo driver siya, eh!” angal ni Zyrene.
“Hija, siya ba ang may-ari?” tanong ni Ediza.
Tumango siya. “Opo.”
Nanlaki ang mata ni Ediza at iginala ang tingin sa buong riding club. At dahil sa Lakeside Café pa sila idinala ni Reid ay halos naikot na nila ang riding club.
“May class ka rin naman pala sa pagpili ng boyfriend,” wika ni Ediza. “At least hindi ka tumulad sa mommy mo.”
Nagkatinginan sila ni Reid. Di man ito magsalita ay naiirita ito sa sinabi ni Ediza. Di naman siya makakontra dahil nakatatanda ito. Kailangan pa bang idamay ang isang taong nananahimik na?
“Are you okay?” malambing na tanong ni Reid.
“Yes.”
“I am not!” mariin nitong sabi.
Pagdating sa Lakeside Café ay nagpaalam na si Reid na may aasikasuhin sa opisina. Subalit ang totoo ay nasasagad na ito sa kayabangan ng dalawa. Di yata nito matanggap na may mas mayabang dito at di niya mabara dahil mga babae.
“Aalis ka na agad?” malungkot na tanong ni Zyrene.
“Next time maybe. I have an important meeting to attend to,” pormal na wika ni Reid.
Nanghihinayang na lang itong sinundan ng tingin ni Zyrene. “Mommy, he is perfect, right?”
“Bagay kayong dalawa, anak,” narinig niyang bulong ni Ediza.
Paano ba siya nagkaroon ng ganitong klaseng kamag-anak? Alam namang nobyo niya si Reid ay pinag-iinteresan pa ng mga ito.
“Bakit po napadalaw kayo, Auntie?” tanong niya.
“Naiinip kami sa condo mo. Wala ka na palang cable,” sabi ni Ediza. “Sana nag-iwan ka ng pampa-salon namin.”
“Nasaan ang perang ibinigay ko sa inyo?”
“Pang-taxi lang iyon papunta dito,” sagot naman ni Zyrene.
Uminom siya ng summer fruit shake para kalmahin ang sarili. Malapit nang maputol ang pisi niya. “Sasamahan ko po kayo sa salon. Pero pagkatapos nito, ipapahatid ko na kayo pabalik sa Manila. Marami po akong trabaho.”
“Why are you suddenly so cold to us?” anang si Zyrene. “Matagal na nga tayong hindi nagkita tapos ganyan ka pa sa amin.”
Huminga siya nang malalim. “I don’t have all the time in world. Marami akong responsibilidad dito sa riding club.”
Palibhasa ay di naranasang magtrabaho ng mga ito. Kahit pa nobyo niya si Reid, di kailangang madamay doon ang trabaho niya. Hindi naman kasi iyon ang tamang oras para I-entertain ang mga ito.
“Zyrene, ang pagkakatanda ko may property banda dito ang lolo mo,” sabi ni Ediza habang papalayo na siya. “Natatandaan mo ba?”
“Wala po akong matandaan. Baka ibinenta na natin, Mommy.”
“Baka nga,” usal ni Ediza.
Bigla siyang kinabahan nang marinig iyon. Hindi ba alam ni Ediza na sa kanya ipinamana ang lupain sa lakeside?
Baka naman napag-usapan lang. Wala siyang dapat na ikatakot.
“HELLO, Attorney Cabral! How’s your appointment with Auntie Ediza? Matutulungan po ba ninyo sila sa paghabol sa abogadong naka-dispalko ng pera nila?” tanong niya nang tawagan ito sa cellphone. Katatapos lang niyang I-ultrasound ang mga pregnant mares.
“Wala namang problema, hija. Kaya naming habulin ang abogado nila. Nai-consult ko na iyon sa anak kong abogado sa States. Pero hindi naman iyon ang pinag-usapan namin ng auntie mo nang pumunta siya.”
“Ano po?”
“Tinatanong niya kung ano na ang nangyari sa lakeside estate na pag-aari ng lolo mo. Nakalimutan yata niya na sa iyo iyon ipinamana.” Di na marahil naalala ng auntie niya sa dami ng mga ari-ariang minana nito.
“Sinabi po ninyo ang tungkol sa testamento?”
“Oo. di pa ako tapos magsalita, galit na galit na silang umalis ng anak niya. Kaya mag-iingat ka, hija,” paalala nito. “Anuman ang mangyari, nandito lang naman ako para suportahan ka.”
Pagdating sa clinic ay lumapit sa kanya si Felix. “Ma’am, ipinapatawag po kayo ni Sir Reid sa Red House.” Ang Red House ay ang administrative building ng riding club kung saan nag-o-opisina si Reid.
Di niya maipaliwanag ang kabang nararamdaman niya habang papunta sa opisina ni Reid. Nang pumasok siya ay naroon na sina Ediza at Zyrene na matatalim ang tingin sa kanya.
“Come in, Tamara. May sinasabi sa akin ang auntie at pinsan mo. Sinasabi nila na sila ang may-ari ng lakeside estate na kinatatayuan ng Lakeside Mansions at hindi ikaw,” anang si Reid sa mababang boses.
“How dare you do this to us?” nanggagalaiting wika ni Ediza. “Sa amin ang lupaing iyon. Ayon sa testamento ni Papa, sa amin mapupunta ang lupa kapag tumuntong ka ng edad na twenty-five at wala ka pang asawa.”
“Wala kang karapatan doon.”
Naestatwa siya sa kinatatayuan. Pati ang lupang natitira sa kanya ay pinag-iinteresan na rin ng mga ito. At siya pa ngayon ang masama. Bakit naman nag-iwan na lang ng kamag-anak sa kanya ay iyon pang mga halimaw at gahaman sa pera. Matapos waldasin ang pamana sa mga ito, pati siya ay aagawan.
“I acquired that property in a legal way,” she said in a formal voice. Kinokontrol niya ang panginginig ng boses niya. Ang totoo ay nasasaktan siya. “Mapapatunayan iyon ni Attorney Cabral.”
“Magiging legal lang na sa iyo iyon kung may asawa ka.”
Napalunok siya at sinulyapan si Reid. “Kasal po ako.”
Nagimbal si Ediza. Napasinghap si Zyrene. “Oh, Reid! I am sorry. Niloko ka ng pinsan ko. Hindi mo alam na kasal siya, hindi ba? Niloko ka rin niya. She’s not the right woman for you.”
“Alam ko na kasal siya,” wika ni Reid at tumayo sa tabi niya.
“Alam mo?” di makapaniwalang usal ni Zyrene.
“Siyempre. I married her nine years ago.” Pinagsalikop ni Reid ang palad nila. “And until now, that marriage is legal and binding.”
“That’s not true!” nanggagalaiting wika ni Ediza. “It must be a fake wedding. Sa amin ang lakeside estate. Ipagsasabi namin sa press ang panloloko ninyo. I am sure they will have a field day. Masisira ang pangalan ninyo!”