Stallion Series (Sofia Edition) Chapter 185

“Dafhny, what do you think about the color scheme of Marion’s pad?” tanong ni Mae sa kanya habang nasa conference room sila ng DCM Designs naa pag-aari nila at ng isa pang kaibigan na si Cherie.

They were college friends. They decided to put up their own design company a couple of years ago. Hindi madali sa una pero naging pang-akit nila ang mga fresh at eccentric designs nila. Kaya naman nagsimula na silang makagawa ng pangalan sa industriya ng interior designing.

Pinakatitigan niya ang kulay. “He is supposedly a rockstar. Parang masyadong mapusyaw ang kulay na ginamit mo, Mae. Use something darker.”

“Huh!” anito at ni Cherie. Ikinaway ni Cherie ang kamay sa harap ng mukha niya. “Okay ka lang, Dafhny? Ang tingkad kaya ng kulay na ginamit niya. May black pa nga. Malabo na ba ang mata mo?”

“Ganoon ba?” usal niya at yumukyok sa desk. “Inaantok na kasi ako, eh!”

Isinara ni Cherie ang folder ng design ng concept nito. “Ano ang nangyari at parang wala kang tulog? Minsan na lang tayo magkikita, parang wala ka pa sa sarili mo,” angal nito. Lagi kasi silang busy na magkakaibigan sa kanya-kanyang schedule ng mga projects. Kaya ang ilang minutong discussion ay parang bonding session na.

“Di ko matandaan kung anong oras na ako nakatulog kanina. O kung nakatulog pa nga ba ako. Parang lumulutang pa rin ang utak ko,” usal niya at ipinikit ang mga mata. Di pa rin mapahinga ang utak niya hanggang ngayon.

“Nanood ka siguro ng porn at di mo maalis sa utak mo ang napanood mo kaya puyat na puyat ka ngayon,” tanong ni Mae at humagikgik.

“Shut up! Di porn ang problema ko. Si Gianpaolo kasi nagpadala ng email sa akin. I’m sorry pa ang nakalagay sa subject. Akala ko naman nagso-sorry siya dahil pinadalhan niya ng Sukob at Feng Shui sila Mommy. Aba! Hindi pala. Tiniyak niyang makakanood ako ng horror. Nagpadala siya ng video ng white lady. Binangungot tuloy ako. Parang di ko na kayang pumikit dahil nakikita ko lagi ang babaeng iyon.”

Kapag nagkita sila, titirisin talaga niya ang lalaking iyon! Nawalan siya ng katiwasayan sa buhay. Wala na ba siyang karapatan na matulog?

“Gianpaolo na naman?” tanong ni Cherie. “Sagutin mo na kaya para tigilan ka? Nagpapapansin lang iyan, eh!”

“Don’t even think about it!” kontra ni Mae. “He is a certified womanizer. Tingin niya sa sarili niya ay isang biyaya ng langit. Isa kaya siyang sumpa, no? A curse! Parang halimaw sa banga.” Saka ito tumawa ng nang-iinis.

Malaki ang galit ni Mae kay Gianpaolo. Allergic ito sa mga playboy at lalaking manloloko. At si Gianpaolo ang numero-uno sa blacklist nito.

“Bakit si Roland akala natin matino tapos ipinagpalit din si Dafhny sa iba?”

Si Roland Villarin ay ang architect na kasama niya sa project. Isa ito sa mga architect ng Aragon Architectural Firm na pinamumunuan ng kapatid ni Gianpaolo na si Ariel. Dati niyang nobyo si Roland. He was nice, intelligent and understanding. Magkasundo sila sa maraming bagay. And he was faithful… or so she thought.

Busy sila noon sa kanya-kanyang project at madalang magkita nang makilala nito ang bagong accountant sa kompanya at naging girlfriend nito sa loob lang ng ilang araw. She was devastated. Doon niya naisip na kahit na gaano pa kabait ang isang lalaki, may posibilidad na hindi ito maging faithful. At ayaw na niyang magtiwala.

“Pwede ba? Pare-pareho lang iyang mga lalaki!” bulalas niya. “Di na dapat pinaniniwalaan ang mga iyan.”

“At masarap gantihan ang mga lalaking manloloko!” nakataas ang kilay na sabi ni Mae. “Dapat ipakita natin sa kanila na di tayo mga tanga.”

“Paasahin, saktan at ibigay sa akin,” wika naman ni Cherie.

Matalim nila itong tiningnan. “Eh, di sa iyo rin pala babagsak iyon?”

“At least pinagsawaan na ninyo!” nakangisi nitong sabi.

Mabuti pa nga sigurong walang lalaki para matahimik ang buhay niya. Tahimik naman talaga ang buhay niya kundi dahil kay Gianpaolo Aragon.

Kailan kaya siya nito titigilan sa pangungulit?

“WE’LL meet you at Stallion Riding Club, Dafhny. Hindi ka pwedeng mawala sa dinner sa bahay ni Gianpaolo. Gusto kang makita ni Ninia. And I want to see Gianpaolo’s new house. Di pa rin ako nakakapasok sa riding club,” excited na sabi ng mommy niya habang kausap sa cellphone. Alas tres na ng hapon noon.

Sinapo niya ang ulo dahil hilong-hilo na siya. Ni hindi siya makatulog nang maayos at natambakan pa siya ng trabaho. Naramdaman niya na malapit nang bumigay ang katawan niya. Ni di siya makatayo nang maayos.

“Pwede ko po bang di ako sumama? I didn’t get enough sleep the other night. Baka mamaya madisgrasya pa ako sa daan,” sabi niya at sumandal sa swivel chair at isinandig ang ulo.

“Hija, pinlano na natin ito. Matagal na. Ngayon na lang ulit na tayo makakapag-get together dahil dumating na si Nina.” Si Ninia ang nakatatandang kapatid ni Gianpaolo na dumating galing sa London. Parang kapatid na rin ang trato nito sa kanya. Malapit ito sa kanya dahil nag-iisa itong babae.

“Mom, I am really sleepy. Susubukan ko pong humabol,” aniya at nagpaalam na dito. Kinausap naman niya sa intercom ang assistant. “Rei, may appointment pa ba ako hanggang mamaya?”

“Wala na po, Ma’am. Open na siya para sa dinner ninyo sa Stallion Riding Club. Aalis na po ba kayo, Ma’am?”

“Hindi na ako matutuloy. Antok na antok ako kaya hayaan mo na lang akong matulog, ha? At ayokong magpapa-istorbo.”

“Pwede bang ako na lang ang mag-represent sa inyo, Ma’am? Gusto ko talagang makapasok ulit sa riding club. Ang daming guwapo,” kinikilig nitong sabi.

Gumuhit ang ngiti sa labi niya. “Magpa-plastic surgery ka muna para maging magkamukha tayo at makapasok ka.”

“Ay, Ma’am! Mahal po iyon!” angal nito.

“Then let me go to sleep for now, okay? Wag mo nang isiping mag-sub sa akin.” Matapos itong kausapin ay halos hilahin niya ang sarili patungo sa couch na naroon. Tinanggal niya ang pumps at humiga. Inilagay din niya sa tainga ang I-pod at nagpatugtog ng soothing music. Sa sobrang tensiyon ay di niya naisip na gawin iyon nang nakaraang gabi. Pagpikit niya ay bumigay na siya sa antok.

Sa pagtulog niya, di na niya kailangan pang harapin ang tunay na multo sa buhay niya – Gianpaolo. Sa ngayon ay matatahimik siya.

Naalimpungatan siya at nakita niyang papadilim na sa labas. Sarado ang ilaw ng office niya. dahan-dahan siyang bumangon. Isinusuot niya ang pumps niya nang tumayo ang mumunting balahibo niya sa batok. Parang may nakatingin sa kanya. Hindi siya ang nag-iisang nilalang sa kuwartong iyon. May iba pa. Maaring hindi tao.

Pasado alas sais na ng gabi. Ibig sabihin ay oras na para lumabas ang mga maligno at laman-lupa.Ibig sabihin ay may ganoong klaseng nilalang sa opisina niya.

Dahan-dahan siyang lumingon. Anino ng tao ang nasa tabi ng bintana. iNaaninag niya ang matangkad nitong pigura na nakasandig ang balikat sa pinto. Nakatingin ito sa kanya. Kapre ba ito? May kapre sa opisina niya. Baka I-abduct siya at dalhin siya sa kaharian ng mga engkanto. No way! Paano ang beauty niya?

Isang malakas na sigaw ang pumunit sa katahimikan ng opisina niya. Kasunod niyon ay bumaha ang ilaw. Patuloy lang siya sa pagsigaw habang nakapikit. Ayaw niyang makita ang itsura ng kapre. Babangungutin ulit siya. Baka di na siya makatulog o sa pagtulog niya ay tuluyan na siyang hindi magising.

Naramdaman niyang may yumugyog sa balikat niya. “Dafhny, it’s me. Gianpaolo. Are you okay?”

Natigilan siya at napatitig dito. “G-Gianpaolo?” Hinaplos niya ang pisngi nito. “Totoo ka? Hindi ka nagpapanggap na Gianpaolo?”

“Are you okay? Nananaginip ka pa yata.”

“Tingnan ko nga kung nananaginip lang ako.”

Kinurot niya ang pisngi nito at napaigik ito sa sakit. “Ouch! That hurts, Dafh! Bakit ako ang kinurot mo?”

Tinapik-tapik niya ang pisng nito. “Para mapatunayan ko kung tao ka nga. Si Gianpaolo ka nga.”

“Ano bang nangyari sa iyo at nagtititili ka kanina?”

“Nakita ko kasi may nakatayo sa pinto. Akala ko kapre.”

“Ako lang iyong nakita mo. Mas guwapo naman ako sa kapre.”

Unti-unti na siyang nahimasmasan. Walang maligno o multo. Ito lang ang nakita niya. “Ano nga palang ginagawa mo dito? nananakot na naman?” mataray niyang tanong. Sabi na nga ba’t puro horror ang dala nito sa buhay niya.

“Hindi. Susunduin kita. Sabi ni Tita di ka daw makakapunta dahil di ka nakatulog. Mukhang puyat na puyat ka, ah!”

Inirapan niya ito. “Your fault! Kung di mo ipinadala ang video na iyon, di sana ako mapupuyat nang ganito.” Mangiyak-ngiyak siyang sumandal sa sofa. “Kapag nagkasakit ako, kasalanan mo!”

“Oo na. Sorry na,” malambing nitong sabi at hinaplos ang noo niya. “Hindi na talaga mauulit iyon.”

“Sorry! Ano pang magagawa ng sorry mo? Tapos ngayon gusto mo pa akong pumunta sa bahay mo?”

Pumalatak ito. “Kaya nga bumabawi ako, eh! Magagalit si Ate Ninia sa akin kapag hindi ka nakapunta. Ako na naman ang sisisihin niya.”

“Ikaw naman talaga ang dapat na sisihin.”

“Babawi na nga. Kung gusto mo tanungin mo pa ang menu ngayon sa chef na kinuha ko para sa dinner. Sinadya kong ipaluto ang mga paborito mo. Saka ako na rin ang maghahatid sa iyo. Ano pa ba ang gusto mo?”

“Matulog. Mainit lang naman ang ulo ko dahil kulang ako sa tulog. Kaya ayokong pumunta sa party dahil baka matulog ako habang nasa manibela.”

“Kaya ako na ang magiging driver mo.” He patted her head. “Matulog ka na lang sa biyahe. Gigisingin kita kapag nasa riding club na tayo. Friends na ulit tayo?” tanong nito at inilahad ang palad sa kanya.

Iningusan niya ito at naglakad papunta sa restroom. “Pag-iisipan ko. Lagi ka na lang kasing nangangako na di mo na ako tatakutin.”

“Kung ayaw mong friends, lovers na lang,” pahabol pa nito pagpasok niya sa restroom. “Mas pabor sa akin iyon.”

Sumungaw siya at inambaan ito ng suntok. “Ito gusto mo?”

“Siyempre hindi. Kiss na lang!” hirit pa rin nito.

“No way! At wag mo akong subukan na nakawan ako ng halik habang natutulog ako mamaya kung ayaw mong ikaw naman ang bangungutin,” banta niya at binagsakan ito ng pinto.

He was incorrigible. She didn’t know how to deal with him!

“WOW! This is marvelous, Gianpaolo. Your house is like a living art gallery. I like the interior. The paintings are so impressive,” di maitagong paghanga ng mommy ni Dafhny habang nag-iikot sa bahay ni Gianpaolo. Habang siya ay nagkasya na lang sa labas ng bahay dahil mas gusto niya ang view sa labas.

“What do you think, hija?” tanong ni Zenia, ang mama ni Gianpaolo na isang art connoisseur at hangang-hanga rin sa bahay.

Bahagya na siyang nakabawi ng tulog habang bumibiyahe sila ni Gianpaolo kaya naman kitang-kita niya ang detalye ng interior ng bahay nito. “I hope nobody will get offended. Pero hindi ko maintindihan ang interior bahay niya.”

“Anong hindi mo maintindihan?” tanong ni Gianpaolo na di inaasahan ang isasagot niya sa kabila ng papuri ng bawat isa. Sa halos lahat ng bagay, tingin ni Gianpaolo ay perpekto ito. At kapag may kumontra ay kontrabida ang tingin nito.

“The architecture and the interior simply don’t jive. Your house’s design is Moroccan. Walang specific color scheme ang loob ng bahay mo. Parang…” Ngumiwi siya at nagkibit-balikat. “It’s like an abstract design. Wala akong maintindihan. Halo-halo ang kulay. Hindi naman art gallery ang bahay mo, eh!”

Bahagyang napipilan si Gianpaolo. “My ex-girlfriend who designed the interior of this house was an abstract artist.”

“Bakit naman hindi mo sa isang sikat na interior designer ipinagawa?” tanong ni Zenia, ang Mama nito na biglang pumanig sa kanya.

“Girlfriend ko lang ang pwedeng gumalaw ng bahay ko,” sagot ni Gianpaolo at tinungga ang brandy. Napahiya yata ito sa pag-criticise niya.

“Break na kayo ni Ruby, di ba? Bakit hindi mo na lang ipagawa kay Dafhny ang interior. Anong maisa-suggest mo, hija?” tanong ni Zenia sa kanya.

Naglaro ang ngiti sa labi niya dahil gumagana na sa isip niya ang bagay na design sa bahay ni Gianpaolo. “Mosaics would be nice. Then there’s the combination of scarlet Berber rug on the floor. It is perfect against cherry wood and leather furnishings. Actually, I have an Arabian theme in mind.”

“That is perfect, hija!” anang si Zenia at pumalakpak.

“I must agree with the idea,” anang si Gianpaolo at yumakap ang isang kamay sa baywang niya. “Would you like to renovate the interior of my house?”

Tumaas ang kilay niya nang nagsalubong sila ng nanunukso nitong ngiti. There was a double connotation there. Di lang ang pagdedesign ng bahay nito ang inaalok nito sa kanya. Inaalok din siya nitong maging girlfriend.

Tinanggal niya ang kamay nito sa baywang niya. “I am busy.”

“In-invite ko siya na mag-submit ng design niya para sa Casa Rojo,” wika naman ni Ariel, ang nakatatandang kapatid ni Gianpaolo.

“Si Dafhny? Dadalhin mo sa Costa Brava?” bulalas ni Gianpaolo.

“Why not? Nakita ko na ang mga pictures. I am interested.”

Costa Brava was an island in Bicol, which faced the Pacific Ocean. Ipinamana kina Gianpaolo ang Casa Rojo o Bahay na Pula, ang mansion na pag-aari ng kapatid ng lolo nito. Wala namang naging anak ang namayapa nitong lolo at kaya ang mga ito ang nagmana ng lahat.

Isang eleganteng mansion ang Casa Rojo na itinayo noong panahon ng Amerikano. Subalit dahil sa tagal ng panahon at di na rin masyadong natitirahan dahil sa Manila na nag-stay ang lolo nito, nasira na iyon nang tuluyan. Nagdesisyon ang mga Aragon na I-develop ang lugar sa isang resort. At ang Casa Rojo ang magsisilbing hotel.

Malaki ang bahay at mahigit tatlumpu ang mga kuwarto. Dati kasing shipping magnate ang lolo nito at maraming mayayaman at kilalang tao ang nag-stay sa lugar. Malalaking parties ang ginaganap doon noong araw. Masasabi nga na isa rin iyong historical site. Nais ng lolo ni Gianpaolo na manatili ang bahay sa pamilya.

At bilang isang interior designer, interesado siyang maging bahagi ng restoration nito. Matagal na siyang interesado sa pagbuhay sa mga lumang bahay.

“Sigurado ka na pupunta ka sa Costa Brava?” paniniyak ni Gianpaolo nang sila na lang dalawa sa pavilion room. His face was grim.

“Ano naman ang problema? Ayaw mo akong maging part ng project, no? I am sorry but I won’t miss this chance.” Sa larawan lang niya nakita ang Casa Rojo pero marami na siyang ideas para doon. At magkakaroon na siya ng pangalan sa mundo ng interior design. Matutupad na ang pangarap niya.

“Makakatagal ka kaya doon?”

“Bakit naman hindi? Sabihin mo na sa akin ang problema!”

Matagal na sandali siya nitong tinitigan at pagkatapos ay binawi rin ang tingin. “Huwag na! Baka mamaya awayin mo pa ako.”

Hinila niya ang manggas ng polo nito. “Mas aawayin kita kapag di mo sinabi.”

Iwinaksi nito ang kamay. “Pumasok na lang tayo sa loob.”

Hangos silang nilapitan ni Ariel na galing sa garden dahil may importanteng tawag itong natanggap. “Gianpaolo, may problema tayo sa Costa Brava.”

“Bakit? Anong nangyari?” tanong nito. Nabahala din siya dahil ilang araw na lang ay tutungo na siya sa Costa Brava para tingnan ang mismong bahay.

“Nag-quit ang maraming trabahador natin sa site.” Namumutla na si Ariel at napalunok. “May nakakita ng multo ng babae sa may bintana.”

NovelDark

Your free library of light novels, web novels and translations. Romance, fantasy, action, drama — thousands of chapters updated daily, no signup needed.

Genres

© 2026 Noveldark. All rights reserved.