Stallion Series (Sofia Edition) Chapter 188

Matapos mag-shower ni Dafhny at magbihis ay lumabas na siya ng kuwarto para maghapunan. Nagulat pa siya nang makitang nag-aabang sa labas ng kuwarto niya si Gianpaolo. “O, bakit hindi ka pa bumababa?”

“Hinihintay kita. Baka mamaya matakot ka na naman, nandito lang ako para yakapin mo.”

Hinampas niya ang braso nito. “Hindi intentional iyon.”

Iningusan niya ito at nagpatiunang maglakad. Dalawang tao na naabutan nila sa dining area. May labindalawang upuan na nakapaligid sa malaking molave table. Bukod kay Arneth ay may lima pa siyang kasama na head ng project.

“Dafhny, dito ka na umupo,” sabi ni Roland.

Ito ang nakikita niyang isa sa malaking problema niya. Nagiging sweet sa kanya ang dating nobyo. Sabagay, natural na itong gentleman.

Kanina nang magkita sila ay parang tuwang-tuwa itong makita siya. Civil ang pakikitungo niya dito. Ang masama, iniisip yata nito na interesado pa siya dito.

Di na lang niya minasama ang pagyayaya nito sa kanya. He was trying to be cordial. Ayaw siguro nitong mailang pa siya dito.

Napansin niya na mapapagitnaan siya nina Roland at Arneth kapag doon siya umupo. Di naman niya pwedeng hiwalayan si Gianpaolo dahil bisita niya ito.

“Dito na lang siya sa tabi ko,” sabi ni Gianpaolo na hawak ang sandalan ng upuan na nasa tapat ng upuang itinalaga ni Roland para sa kanya.

Naglabanan ng tingin ang dalawang lalaki. Magkasingtangkad lang ang dalawa pero mas matikas ang pangangatawan ni Gianpaolo. Medyo payat kasi si Roland. And he looked like a nerd with his glasses.

The two had a history as well. Sabay na nanligaw sa kanya ang dalawa noong nasa college. Gianpaolo was graduating in Architecture. Nasa fourth year naman si Roland noon. At nagimbal ang lahat kasama na si Gianpaolo nang ang nerd na si Roland ang sinagot niya at hindi ito.

Nagpapalit-palit ang tingin ni Arneth sa dalawa. Ramdam din nito ang tensiyon. “Dito na lang ako sa tabi mo, Roland. Doon si Ma’am Dafhny sa upuan ni Sir Gianpaolo.”

Umupo na lang siya sa upuang itinalaga ni Gianpaolo. Dapat niyang ipagpasalamat na sumingit si Arneth. Di siya mahihirapan na magsabi kay Roland na mas gusto niyang makatabi si Gianpaolo.

Maya maya pa ay dumating na ang iba pang project head at nag-agahan na sila. “May prinsesa na pala tayo,” sabi ni Rudolph, ang site engineer. “Hindi na tayo pwedeng magkwentuhan ng green jokes.”

“Dati pa naman kayong may prinsesa. Ako!” anang si Arneth.

“Ikaw pa rin ang prinsesa, Arneth,” nakangiti niyang sabi. “Isa pa, di pa naman ako sigurado kung makukuha nga ako.”

“Huwag ka nang pa-humble,” wika ni Gianpaolo. “I can smell it. You want to own this project so badly.”

“Gusto mo ba ng calamares, Dafhny?” alok ni Roland. Nasa tapat kasi nito ang calamares. “Masarap ang calamares ni Aling Suling.”

“Mas gusto ni Dafhny ang kare kare,” kontra naman ni Gianpaolo. “Paborito na niya iyan mga bata pa lang kami.”

“Pero kahit minsan di ko pa siya nakitang kumain ng kare-kare,” kontra ni Roland. “Hindi ba, Dafhny? Madalas calamares ang ino-order namin dati.”

Mas gusto talaga niya ang kare-kare. Pero di naman kumakain ng kare-kare si Roland noong nobyo pa niya ito kaya di siya umo-order. Ang paborito nitong calamares ang madalas na ino-order nila.

Tumalim ang tingin ni Gianpaolo. “Mas marunong ka pa sa akin. Kaya nga nag-request ako kay Manang Suling kanina dahil iyan ang gusto ni Dafhny.”

Tumikhim siya dahil lahat ay nakatingin na sa kanila. Ni hindi na nga makakain ang mga kasama nila dahil sa away ng dalawa. “Boys, pwede bang mamaya na kayo magtalo? Kumain na lang tayo.”

Kumuha siya ng kare-kare at nakita niya ang paglungkot ng mga mata ni Roland. Ayaw naman niya itong saktan. Pero di na niya ito nobyo. Wala na siyang damdamin nito na dapat pang ikonsidera.

Nilingon niya si Gianpaolo na ngiting-ngiti habang kumakain. Ito pa mismo ang nangulit kay Aling Suling na ipagluto siya ng paborito niya. That was Gianpaolo. Alam nito kung ano ang gusto niya.

Pero inaalala niya ang banggaan ng dalawang lalaki. Parang magpapatuloy ang giyera ng mga ito. Mukhang nakatakdang sumakit ang ulo niya.

“ALAS siyete pa lang ng gabi dito pero sobrang tahimik na,” sabi ni Gianpaolo habang nakaupo sila sa wooden wheel chair na nasa lanai. Katatapos lang nilang mag-dinner at kasalukuyang nagkakape.

“Ako nga mahilig sa nightlife pero maaga akong nakakatulog dito,” wika ni Arneth. “Wala naman kasing masyadong ginagawa.”

Ang mga trabahador naman ay nanonood ng DVD. Ang iba ay nagkakantahan sa saliw ng gitara sa tabing dagat. Di nga lang nila pinapayagan ang pag-inom ng alak maliban na lang kung walang pasok kinabukasan.

“Ang tapang mo, Dafhny,” wika ni Rudolph. “Ikaw lang ang nag-iisang babae dito. Tapos may bali-balita pa tungkol sa multo. Nandito ka pa rin.”

“Rudolph, it is my job. Hindi ako natatakot sa kahit anong multo. Gagawin ko lang ang trabaho ko,” sabi niya at nilagyan ng creamer ang kape niya.

“I don’t think it is wise for you to stay here,” Roland expressed. Seryoso rin ito habang hinahalo ang kape. “Yes, you are talented. But this is Casa Rojo. Alam naman natin na takot ka sa multo.”

“Nandito rin ako para protektahan siya,” sabi ni Gianpaolo at inakbayan siya. “Kaya hindi ninyo kailangang mag-alala kay Dafhny. Ako ang bahala sa kanya.”

“Sa palagay mo ba totoo ang mga multong nakikita nila dito?” tanong ni Arneth kay Gianpaolo. “Sayang nga hindi ko nakita.”

“Must be a figment of their imagination. Alam naman ninyo ang isip ng tao, malakas talaga,” sabi naman ni Roland. “Katulad lang iyan ng mga istorya.”

“Naku! Ang kwento sa akin nung isang umalis na trabahador, doon daw niya nakita ang white lady sa kuwarto mo, Gian. Ang sabi ni Aling Suling, baka daw iyon ang kaluluwa ng babae na namatay sa araw ng kasal niya. Di kasi dumating ang kasintahan niya kaya tumalon siya sa bintana,” kwento ni Rudolph.

“S-Sa kuwarto ko?”

“Ah, oo! Iyon daw iyong naririnig dati na may babaeng umiiyak,” sabi naman ni Arneth. “Sabi pa nga ni Aling Suling, may naririnig din ang asawa niya na tumutugtog ng piano kahit na walang tao. Ayun! Simula noon bumalik na lang sa pangingisda ang asawa niya at di na bumalik dito.”

Napalingon siya kay Gianpaolo nang maradaman niyang humigpit ang pagkakahapit nito sa balikat niya. “Okay ka lang?” tanong nito.

Humigop siya ng kape at di ito nilingon. “Okay lang ako.”

She could imagine the lady in white in her wedding dress. Standing by the window, waiting for her lover to come back. Parang inaakit siyang lumingon sa taas na silid. Kinikilabutan talaga siya.

“Iba na lang ang pagkwentuhan natin,” sabi niya.

“Bakit? Natatakot ka ba?” tanong ni Roland. “Hindi mo naman sa kuwarto nakita ang white lady. Doon sa kuwarto ni Gianpaolo.”

“Hindi ka ba natatakot na may white lady sa kuwarto mo, Gianpaolo?” tanong ni Rudolph at mataman itong tinitigan.

“Hindi! Hindi naman ako naniniwala sa mga multo.”

“Paano kung makatabi mo paggising mo? Di ka matatakot?” tanong niya.

He shook his head profusely. “Hindi! Wala ngang multo! Kaya hindi ako magigising nang walang white lady. Kasi walang white lady! Walang multo!. Iba na lang ang pag-usapan. Natatakot si Dafhny. Iyong masaya naman!”

“Natatakot ka ba, Dafhny?” tanong ni Arneth.

Pilit siyang umiling. “Hindi. Sige. Magkwento pa kayo.”

Kung gusto niyang makuha ang project na iyon, dapat ay di niya ipakita na naduduwag siya. She wanted the project so badly. Kung masasanay siya sa mga kwento ng multo, di na siya magugulat sa mga kwento sa susunod. They were just stories. Wala naman siyang makikita. At di na lang niya papansinin ang panlalamig ng palad niya. Di na lang siya iinom ng kape para di nerbiyusin.

“Aba! Marami pa akong pwedeng ikwento kung ganoon,” sabi ni Rudolph. “Marami akong alam na kwento kasi nakakausap ko si Aling Suling. Diyan sa may bangin pagtawid ng hanging bridge, may lalaki daw na nagpapakita. Kapag bilog ang buwan tulad ngayon madalas makita ang mga multo at maligno.”

Hanggang magpaalam sila para matulog na ay nanatili siyang tahimik. Subalit di siya iniwan ni Gianpaolo. Mahigpit ang hawak nito sa kamay niya.

Tumigil na siya sa kuwarto niya pero parang wala pa rin ito sa sarili. Naglalakad pa rin ito hawak ang kamay niya.

“Gianpaolo, dito na ang kuwarto ko.”

Saka lang ito natauhan. “Ha? Dito ka na ba?”

Tinapik niya ang pisngi nito. “Bakit parang nanlalamig ka? Saka kanina ka pa walang kibo. May problema ba?”

Umiling ito at pilit na ngumiti. “Wala. Goodnight!”

Saka niya naalala na nasa kuwarto nito ang white lady. “Pwede ka pang magbago ng isip kung gusto mong lumipat ng kuwarto,” pahabol niya nang papasok ito ng kuwarto.

“Anong palagay mo sa akin? Naduduwag sa multo?”

“Wala akong sinasabi. Sabi ko lang kung gusto mong lumipat.”

Lakas-loob nitong binuksan ang pinto ng kuwarto nito. “Tingnan mo! Walang multo! Matapang ako! Mga multo, magpakita kayo! Hindi ako natatakot sa inyo!”

Ngingiti-ngiti siyang pumasok sa kuwarto niya. Dapat nga siyang maging matapang. Gagayahin niya si Gianpaolo. Kung di ito takot sa multo, ganoon din dapat siya. May maganda rin naman palang impluwensiya si Gianpaolo sa kanya.

MAGANDA ang sikat ng buwan at ang repleksiyon niyon sa dagat. Gustong-gusto rin ni Dafhny ang malamig na simoy ng dagat. Tiyak na mapapasarap ang tulog niya. Nagsisimula na niyang maramdaman ang pagod sa biyahe niya.

Gusto niya ang atmosphere ng tahimik na isla. Kahit sinong bisita ay tiyak na makakapag-relax doon. Excited na siyang matapos ang Casa Rojo at magbukas bilang isang hotel. Kaunting panahon na lang.

Nag-aagaw na ang antok niya nang mabulahaw ang katahimikan ng gabi sa sunud-sunod na malakakas na katok.

“Dafhny! Dafhny!” tawag ni Gianpaolo sa kanya.

Umungol siya at ipinikit pa rin ang mata. “Ano ba?”

“Dafhny, buksan mo ang pinto!” Halos kalabugin na nito ang pinto. “Kapag hindi mo ito binuksan, babalyahin ko ito.”

“Sandali lang!” sigaw niya at napilitang buksan ang pinto. Napagbuksan niya itong nakasuot ng pajama at katernong pajama top na di nakabutones. “Bakit ba? Ang sarap-sarap na sana ng tulog ko, nambubulaw ka pa!”

Niyakap siya nito na labis niyang ikinabigla. “Are you okay?” Iginala nito ang mata sa paligid. “May nararamdaman ka bang kakaiba? Nararamdaman mo ba na may nakatingin sa iyo kahit na wala namang tao?”

“Ha?” Pilit niya itong itinulak palayo. “Gianpaolo, ano ba?”

Gusto ba nitong sumabog ang utak niya? Yakap-yakap siya nito. Ramdam niya ang init ng katawan nito sa malamig na gabing iyon. And he was tickling her imagination because his bare chest brushed her bare skin.

Lalo lang nitong hinigpitan ang pagkakayakap sa kanya at kinabig ang ulo niya sa dibdib nito. “Don’t worry, Dafhny. Huwag kang matakot dahil sasamahan kita dito. Walang multo na pwedeng kumanti sa iyo. Kahit pa sa mga lamok di kita padadapuan. Nothing can harm you, baby.”

Nanlalambot na ang tuhod niya. Hindi siya makahinga. Parang napakasarap ng pakiramdam na poprotektahan siya nito. Kung may white lady man siguro, baka ma-in love pa dito. Ilang sandali na lang ay matutunaw na ang buto niya.

Ano bang ginagawa niya sa sarili niya? Bakit hinahayaan niya itong yakapin siya? Bakit kailangan siya nitong protektahan? Hindi ba dapat nga ay ito ang katakutan niya at hindi ang kung anumang multo?

“S-Sandali!” Itinulak niya ito nang mas malakas. “Ano ba ang sinasabi mo diyan? Walang multo dito! Wala ring lamok! Ano bang ginagawa mo dito?”

“Dito na ako matutulog!” sabi nito at kinuha sa tabi ng punto ang sleeping bag, kumot at unan nito. “Babantayan kita kaya huwag ka nang matakot.”

Nasapo niya ang sentido niya nang simulan na nitong maglatag sa baba ng kama. “Sandali! Sandali! Sino ang may sabi sa iyo na dito ka matulog?’

“Ako! Nagpiprisinta na nga ako, di ba?”

“HIndi ka pwedeng matulog dito. Bumalik ka na sa kuwarto mo.”

Inayos nito ang kumot at unan sa ibabaw ng sleeping bag. “Huwag ka nang mahiyang magsabi sa akin. Alam ko naman na gusto mong magkasama tayong matulog. Nahihiya ka pang aminin na natatakot ka. Naiintindihan ko naman na kailangan kitang samahan dito kahit na nanganganib ang puri ko sa iyo.”

“Puri? Mayroon ka ba noon?” sarkastiko niyang sabi.

“Kaya nga! Nagsasakripisyo na ako para protektahan ka. Titiisin kong matulog dito sa lapag kahit na dapat ay sa malambot na kama ako natutulog.”

Napanganga siya. Sakripisyo? Basta na lang siya nitong binulahaw at ginugulo ang privacy niya at sasabihin nitong nagsasakripisyo ito? “Gianpaolo…”

Umupo ito sa kama niya. “Mas gusto mo bang sa kama tayo magtabi? Mukhang takot na takot ka nga, ah! Dala siguro iyan ng mga narinig mong kwento kanina. Sige. Okay lang na dito na ako matulog.”

Sumandal ito sa headboard ng kama at humalukipkip. He looked like the master of the bedroom. He looked good enough to eat. Parang inaakit siya nito na animo’y isang pagkain. At natatakam naman siya.

“Gianpaolo Aragon!” tili niya sa sobrang iritasyon dito at sa sarili. Di naman kasi ito nakikinig sa kahit anong sabihin niya. “Lumabas ka sa kuwarto ko! Labas!”

Bumakas ang pagtataka sa mukha nito. “Bakit?”

“Hindi kita kailangan dito! Get out!”

Bumangon ito at isinuklay ang daliri sa buhok. “Nagmamagandang-loob na nga ako na protektahan ka, ako pa ang masama.”

“First and foremost, I didn’t ask for your help. Kung kailangan ko ng kasama dito dahil takot ako, sasabihin ko agad sa iyo. Ang sabihin mo, takot ka sa white lady sa kuwarto mo kaya nagsusumiksik ka dito sa kuwarto ko.”

Nanlaki ang mata nito. “Ako? Natatakot?” Itinuro nito ang sarili. “Huh! White lady lang matatakot ako? Wala akong kinatatakutan!”

“Eh, di doon ka sa kuwarto mo.”

Naputol ang pagtatalo nila nang may kumatok sa pinto. “Dafhny, si Roland ito. May problema ba?”

NovelDark

Your free library of light novels, web novels and translations. Romance, fantasy, action, drama — thousands of chapters updated daily, no signup needed.

Genres

© 2026 Noveldark. All rights reserved.