“Kung hindi mo naitatanong, fan din ako ng The Switch,” sabi ni Thyago habang nagda-drive ito patungo sa Shangri La Hotel. “Kaya dapat ako ang kasama mo. Wala naman kasing hilig sa mga bands si Elvin. Matanda na iyon.”
“Matanda ka na rin naman, ah!” aniya at sinulyapan ito.
“Hindi pa ako matanda. Nasa twenties pa rin naman ako, ah!” protesta nito.
“Late twenties,” pagdidiin niya.
“Bata pa rin ako,” giit nito. Tingin kasi niya dito ay ka-henerasyon ng Kuya Elvin niya na mas mahilig sa classic music.
“Sige nga. Kung fan ka talaga ng The Switch, ibig sabihin gumagamit ka rin ng Stallion Shampoo and Conditioner.”
He threw his head back and laugh. “Hindi naman ako babae. Bakit kailangan kong makisali diyan? Baka sa susunod tatanungin mo rin ako kung gusto kong makapasok sa Stallion Riding Club.”
“Why not? In the Philippines, that riding club is sensational.”
It was a leisure-riding club exclusive for rich young men in the Philippines. At hanggang sa mga bansa kung saan sikat ang The Switch ay nagiging usap-usapan na rin ang exclusive riding club na iyon. Balita nga niya ay plano ng King Power Polo team na sumali sa susunod na tournament ng naturang riding club.
“May offer sa akin para maging polo manager nila,” anito at nilingon siya.
Inalog niya nang bahagya ang balikat nito. “O? Talaga? Tinanggap mo ba?”
“Nope. May kontrata pa ako sa King Power Polo team at hindi ko pa maiwan ang kuya mo. I enjoy it here. Kayo na ang pamilya ko.”
Ulilang lubos na rin si Thyago tulad nila ng Kuya Elvin niya. Namatay sa plane crash ang magulang nito matapos manggaling sa bakasyon limang taon na ang nakakaraan. Kaya naman mahalaga dito ang mga ka-team mates at kaibigan lalo na ang Kuya Elvin niya na daig pa sa kapatid ang turing nito.
“Di ako sanay na nagdadrama ka. Bigla tuloy akong nagutom.”
“Saan mo gustong mag-dinner?”
Alas siyete pa lang ng gabi at alas nuwebe pa ang simula ng concert. Marami pa silang oras para kumain.
“Gusto ko doon sa restaurant kung saan may membership ka. Para naman mapakinabangan ko rin ang ipinagmamalaki mong membership.”
“Ha?” anito at naramdaman niya na bahagyang bumagal ang takbo ng sasakyan nila. “Ano… nalagpasan na natin. Sa iba na lang na mas malapit.”
“Bumalik tayo. Ang yabang-yabang mo pa noong niyayaya mo ako.” Minsan na lang niya matitikman ang katas ng sweldo nito, di pa niya mae-experience.
“Nagsasawa na kasi akong kumain doon.”
Taas-noo niya itong sinulyapan. “Hindi ko pa natitikman. Kapag si Kuya Elvin ang kasama ko, dinadala niya ako kahit saan ako gusto. Mas gusto ko talagang kasama si Kuya kapag umaalis.”
“Alright! Alright! Whatever the princess wishes.” Ibinalik nito ang sasakyan. Habang naka-stop sign ang traffic light ay tumawag ito sa restaurant. “I would like to reserve a table for two.”
Nagpaikot-ikot sila sa siyudad. “Thyago, saan ba talaga tayo pupunta? Lahat na yata ng kalsada dito sa Bangkok gusto mong daanan natin. Andon lang sa kabilang kanto iyong kalsada na dinaanan natin kanina.”
“Ha? Imagination mo lang iyon. Ganito talaga ang daan.”
Naniningkit ang mata niya itong pinagmasdan. “Ayaw mo talaga akong isama sa restaurant, no? Siguro may tinataguan kang babae doon.”
He smiled at her shyly. “You are right. May isa akong fan doon na waitress. Baka ma-harass pa ako kapag nakita ako. Kaya sa ibang restaurant na lang tayo.”
“Ayoko nga. Gusto ko doon talaga kumain.”
“Ipagtatanggol mo ba ako kapag sinugod ako ng fan ko?”
Ngumisi siya. “Depende kung magugustuhan ko ang pagkain nila. Kasi kasalanan mo iyan. Masyado kang guwapo. Wala kang kapintasan.”
“Parang sarcastic ang pamumuri mo,” sabi nito at nag-park sa harap ng Banyan Tree. Sa tuktok niyon ang Vertigo.
“Sarcastic nga,” sabi niya at ipinagbukas siya ng pinto ng steward.
She really loved annoying Thyago. Lalo na kapag ipinakikita niyang di siya masyadong nai-impress sa kaguwapuhan nito. Saka na siya mai-impress kapag mas magaling na ito sa polo kaysa sa Kuya Elvin niya.
Pagbaba niya ng kotse ay napansin niya ang isang babae at lalaki na magkaakbay na lumabas ng building. They were laughing. Natigilan siya nang marinig niya ang halakhak ng lalaki. So much like her brother’s. Pero imposible naman siguro na mapupunta doon ang kapatid niya. It was not his type of place.
Nang lingunin niya ang pareha ay natigagal siya nang makita ang Kuya Elvin niya na yakap-yakap si Eyna, ang dating girlfriend ni Thyago.
“Kuya Elvin!” tawag niya dito nang di nag-iisip.
“Liyah, don’t!” anang si Thyago at pinigilan ang kamay niya.
Pumiksi siya at malalaki ang hakbang na lumapit. Halatang nagulat din si Elvin. Shock was written all over his face. Parang nahuli itong gumawa ng isang krimen. Well, she was shock and mad at the same time. Masyadong maraming salita ang tumatakbo sa isipan niya at malapit na siyang sumabog.
Humabol si Thyago sa kanya at hinawakan ang kamay niya. Matalim niya itong sinibat ng tingin. Sa pagtataka niya ay nakangiti pa ito. He looked calm and composed. Parang di na ito nagulat sa nakita.
“Eyna! Elvin!” tawag nito sa dalawa at kumaway pa.
Malungkot na ngumiti si Eyna. “Good evening.”
The bitch! Ex-girlfriend nito si Thyago at ngayon naman ay ang Kuya Elvin niya ang kasama nito.
“Hello, brother!” walang kangiti-ngiti niyang wika habang pilit pinapahinahon ang sarili. “So what happened to your meeting with the sponsors? I hope everything turned out okay.” Baka naman okay dahil nagawa pa nitong makipagtawanan kay Eyna… kung talagang may meeting nga ito.
Tumikhim si Elvin, halatang naiilang. “Everything’s okay. How about you? Hindi ba dapat nasa concert na kayo ngayon?”
“Mamaya pang nine o’clock ang simula ng concert kaya magdi-dinner muna kami,” sagot ni Thyago. “Dito nagyaya si Liyah.”
“Funny. Dito rin pala ang meeting ninyo ng mga sponsors.”
At kailan pa nakasama sa meeting ng mga sponsors ang isang polo groupie? Unless Eyna’s father was also among the sponsors.
“No! Ipinakilala ko si Elvin sa daddy ko,” sabi ni Eyna at kumapit sa braso ni Elvin. “And I am glad that they really get along.”
“Hindi ba matagal na silang magkakilala?” tanong niya.
“But he never knew him as my boyfriend.”
Napanganga siya sa sobrang pagkabigla. “E-Excuse me?”
Anong sinasabi ng babaeng ito? Na girlfriend ito ng kapatid niya? Di niya alam kung si Eyna ang nahihibang o siya.
Nanghaba ang nguso ni Eyna. “Elvin, akala ko ba sasabihin mo kay Liyah na boyfriend mo na ako. You even told me that she’d prepare a dinner for us. Bakit parang di niya alam na girlfriend mo ako?”
“Hindi yata siya naniniwala,” sabi ni Elvin at iniwas ang tingin sa kanya. “Hindi ba ikaw nga ang first girlfriend ko? Ayan, ha! Ipaghanda mo na ng dinner ang Ate Eyna mo, Liyah. Pareho kayong mahilig kumain, alam mo ba?”
Dinner? Hinding-hindi niya ito ipaghahanda ng dinner kahit kailan. Lalo na bilang nobya ng kapatid niya. Baka lagyan pa niya ng pako ang ihahain dito.
Ate Eyna? No way! Hinding-hindi siya papayag na tawaging ate si Eyna. Ni hindi pa nga natatanggap ng utak niya na girlfriend nga ito ni Elvin.
“Frankly speaking, I have no idea that you are seeing each other,” walang kagatol-gatol niyang sabi. “So paano ko malalaman na girlfriend mo siya?”
“Liyah,” narinig niyang bulong sa kanya ni Thyago.
“Nagsasabi lang naman ako ng totoo. Anong masama?” asik niya.
Kailan pa itinatago ng kapatid niya ang relasyon ng mga ito? Kailan pa nagde-date ang mga ito? Ni wala pa yatang isang buwan mula nang mag-date sina Eyna at Thyago pagkatapos ay girlfriend na ito ng kapatid niya?
“Elvin, I want to go home. I don’t feel well,” anang si Eyna sa malamig na boses at naglakad palayo.
“Okay,” wika ni Elvin at inalalayan ito sa braso.
“Hindi mo na ba talaga tutuparin ang pangako mo na manonood tayo ng concert, Kuya?” naghihihinanakit niyang tanong.
Nilingon siya nito. “Kailangan kong ihatid si Eyna. I am sure you will enjoy Thyago’s company more.” Saka ito nagpunta sa kotse nito kasama si Eyna.
Parang itinulos siya sa kinatatayuan. Kuya Elvin ba talaga niya ang lalaking iyon? It was not so him. Iyon ang unang pagkakataon na tinanggihan siya nito para lang sumama sa isang babae.
Lagi na lang siya ang priority ng kapatid niya. Lagi nitong ipinadarama na mahal siya nito. Sa pagkakataong iyon, naramdaman niyang di siya nito mahal.
And for the first time in her life, she ran away from her brother.
“LIYAH, wait!” tawag ni Thyago sa kanya subalit patuloy lang siya sa paglalakad. Animo’y wala siyang narinig.
Umalis siya nang di nagtatangka ang Kuya Elvin niya na sundan at suyuin siya. She just wanted to get away. Wala siyang pakialam kung saan man siya dalhin ng paa niya. Ang tanging nararamdaman lang niya nang mga oras na iyon ay ang matinding hinanakit sa pagbalewala sa kanya ng kapatid niya.
Pinigilan siya ni Thyago sa braso. “Liyah, slow down!”
“Bakit ka ba sunud nang sunod?” asik niya.
“Natural. Dahil ako ang kasama mo. Saan ka ba pupunta?”
“Uuwi na ako. Wala na ako sa mood na manood ng concert. Sa palagay ko naman walang dahilan si Kuya na ma-guilty sa di ko pagpunta. He is obviously having fun with his girlfriend.” Ni di niya matawag ang pangalan ni Eyna.
“Now you are acting like a kid. Nalaman mo lang na may girlfriend ang kapatid mo, nasisintir ka na.”
“Ikaw ba hindi naiinis? Girlfriend ni Kuya ang ex-girlfriend mo!”
Nagkibit-balikat ito. “We went out once and I stopped seeing her when your brother told me that he likes Eyna. And I am happy for them.”
Umawang ang labi niya. “Alam mo na girlfriend niya ang babaeng iyon. At kaya ayaw mong pumunta sa restaurant dahil alam mong nandoon sila. You are conniving against me!”
“See? Kaya di agad masabi ng Kuya Elvin mo sa iyo na may girlfriend na siya dahil magagalit ka sa kanya.”
“Paanong hindi ako magagalit? You made me look stupid! At sa dinami-dami ng babae, doon pa siya sa flirt na iyon napunta. Nangako siya sa akin na kailangan gusto ko rin ang babaeng magiging girlfriend niya. alam naman niya na ayaw ko sa Eyna na iyon. She’s a major flirt.”
“He doesn’t need your consent, Liyah. Sa ayaw mo man o hindi sa babaeng mahal niya, wala ka nang magagawa. Labas ka na sa relasyon nila.”
“Paano mong nasasabi na wala akong karapatan sa relasyon nila? Ako ang kapatid ni Kuya. Anuman ang mangyari sa kanya, maaapektuhan ako.”
Paano kung saktan at lokohin lang ng babaeng iyon ang kapatid niya? Siya rin ang unang masasaktan. At ayaw niyang may mananakit sa kapatid niya.
“Your brother looks happy. So be happy for him.”
“He deserves someone better.”
“Magiging masaya ba siya sa someone better na sinasabi mo? Sa babaeng di naman niya mahal?” Napipilan siya saglit subalit nanatiling di maipinta ang mukha niya. “Your brother loves Eyna. Dadating ang panahon na magmamahal ka rin at wala ka na ring pakialam sa opinion ng ibang taong mahalaga sa iyo.”
Nangilid ang luha sa mata niya. “Kahit kailan di ko babalewalain ang nararamdaman ni Kuya para lang sa isang lalaki. Tapos babalewalain lang niya ako dahil sa babaeng iyon. Mahalaga pa ba ako sa kanya?”
Bumuntong-hininga si Thyago. “Liyah, di buong buhay ng kapatid mo iikot na lang sa iyo. He has a life. Di pwedeng lahat ng emosyon niya ibuhos niya sa iyo. Pangarap din naman niya na magkaroon ng asawa at anak.”
Tuluyan nang pumatak ang luha sa mga mata niya. Pakiramdam kasi niya ay tuluyan nang mawawala sa kanya ang Kuya Elvin niya. Tuluyan na itong ilalayo ni Eyna sa kanya. Paano na siya?
“Ayokong mawala sa akin si Kuya Elvin, Thyago. He’s all I’ve got. Siya na lang ang natitirang pamilya ko. I don’t know how to live without him.” Ang kapatid niya ang pinakamahalagang tao sa buhay niya.
Kinabig siya nito at hinaplos ang buhok. “Silly! Hindi mawawala sa iyo ang kapatid mo. Magkaka-girlfriend siya, mag-aasawa at magkakapamilya pero ikaw pa rin ang little sister niya. Nobody can replace that place.”
Nabawasan ang lungkot na nararamdaman niya. With Thyago’s arms around her, she felt safe and warm. And she liked the feeling. Noon lang siya nakadama ng comfort kahit naman hindi kapatid niya ang may yakap sa kanya.
“Thanks, Thyago. I feel better now. Susubukan kong pakisamahan si Eyna para kay Kuya Elvin. Magiging considerate ako sa relasyon nila.”
“Good.” Hinigpitan pa nito ang yakap sa kanya. Parang kontento na itong yakapin na lang siya maghapitan.
Saka lang niya napuna na nasa gilid sila ng kalsada at maraming tao na tumitingin sa kanila. “Thyago, I’m okay now. Pwede mo na akong pakawalan.”
“No, you’re not yet okay.” Hinaplos nito ang buhok niya at kinintalan siya ng halik sa noo. “Okay lang. Mag-share ka lang sa akin ng hinanakit mo.”
Kumunot ang noo niya. Mukhang hindi na ito basta nakikiramay lang. Parang kakaiba na ang gusto nitong ipahiwatig. Malakas niya itong itinulak sa dibdib. “Tama na, Thyago! Mukhang pinagsasamantalahan mo na ako, eh!”
“Ako? Of course not! Concern lang naman ako sa iyo,” inosente nitong sabi.
Umingos siya. “Mabuti pa bumalik na lang tayo sa restaurant.”
Habang naglalakad ay dumistansiya na siya dito. Nailang na siya kay Thyago. Di niya inaalala ang motibo nito sa pagyakap sa kanya. Mas natatakot siya sa epekto nito sa kanya. The sensation was so great, she almost didn’t want him to let her go.