Stallion Series (Sofia Edition) Chapter 2

“Good evening….” Natigil siya sa pagbati nang makita si Gino. Nakahalukipkip ito at nakangiti sa kanya. Binati siya nito. Luminga siya at naghanap ng iba pang Miles. Pero wala namang customer sa likuran niya nang mga oras na iyon. Lahat ng guests nila ay nasa loob ng restaurant. Itinuro niya ang sarili. “Ako po, Sir?”

Naglakad ito palapit sa kanya. “Yes. You are Miles, right?”

Tumango siya at umiwas ng tingin dito. Ano kaya ang nakain nito at bigla siyang binati? Kilala pa rin siya nito. Samantalang di na siya nakasuot nang uniform. Sino ba naman makakalimot sa eskandalo kanina? Natural alam na niya kung sino ang palpak na service crew na ineskandalo ng girlfriend niya.

“Papasok ba kayo, Sir?” Ipinagbukas niya ito ng pinto. “Welcome and good night.” Tumalikod siya at naglakad palayo. Takas na! Baka eskandaluhin din siya nito tulad ng girlfriend nito dahil walang skim milk ang kape nito.

Hinarangan nito ang dinadaanan niya. “Wait! Can we talk?”

“Talk?” Luminga siya. Hinahanap ang girlfriend nito.

“Mitchell is not with me so you have nothing to worry about.”

“Good.” Na-phobia na kasi siya sa eskandalo. “Tatawagin ko lang po ang manager ko kung gusto ninyo akong makausap tungkol sa nangyari kanina.”

“Nakausap ko na siya. Ikaw na lang ang hindi pa.”

Ipapatanggal na ba niya ako sa trabaho? Di siya nakisabay sa pagwawala ng girlfriend niya. Pero malay ko ba kung ano ang kaya niyang gawin.

Bigla siyang nanlambot. “Upo tayo, Sir. Gusto ninyo ng coffee?”

He was smiling at her. “Gusto mo ba?”

Umiling siya. Ninenerbiyos na nga siya, iinom pa siya ng kape. Naiilang siya sa kangingiti nito. Huwag kang ngingiti-ngiti diyan. Kahit guwapo ka, papatulan kita. Sasakalin ko kayo ng girlfriend mo kapag nawalan ako ng trabaho.

“Look, I just want to apologize.”

“Ha? Mag-a-apologize kayo?”

“Yeah! Dapat lang naman, hindi ba? Mitchell did you wrong. Hindi ka niya dapat ipinahiya sa maraming tao.”

She couldn’t believe it. Gino Santayana was apologizing to her. Sa isang hamak na service crew lang tulad niya? “Hindi ninyo ako irereklamo?”

“Bakit naman kita irereklamo? Si Mitchell ang may kasalanan sa iyo. Wala siyang binanggit tungkol sa skim milk. I heard it. So I told your manager to disregard the complaint against you. Hindi lang masabi sa harap ni Mitchell dahil lalo siyang nagwawala kapag siya ang sinasabihan nang mali.”

Nag-aksaya pa ito ng oras para lang mag-apologize sa kanya. Samantalang ang ibang mga tao ay wala nang pakialam kapag ineeskandalo sila. Na kahit mali ang ginawa ng mga kasama ay hinahayaan na lang. Na parang malaking kabawasan sa pagkatao ng mga ito na mag-sorry. But not Gino Santayana.

“Nagtatrabaho ako nang maayos. I am very keen with our customer’s demands. Di niya ako dapat ipinapahiya at pinagbabantaan na tatanggalin sa trabaho ko. And I love my job.”

He smiled as he stared at her. “And I won’t allow that to happen. Wala ka naman kasing kasalanan. Why should you lose a job you love? Am I forgiven?”

“Apology accepted. Girlfriend mo ang may kasalanan at hindi ikaw. Bakit hindi na lang siya ang mag-apologize sa akin?”

“Mitchell won’t apologize to anyone. I asked her to. Pero kung pipilitin ko daw siyang mag-sorry, magagalit siya sa akin.”

“Kaya ikaw na lang ang nag-sorry?”

“Ayaw din niyang mag-apologize ako sa iyo. Kapag ginawa ko daw iyon, break na daw kami.”

“Ha? At nag-sorry ka pa rin kahit na magbe-break na kayo?”

Di maiwasang makonsensiya ni Miles. Kailangan ba talagang humantong sa ganoon ang relasyon nina Mitchell at Gino dahil sa kanya? Okay lang iyan! Impakta naman ang girlfriend niya. Dapat lang na maghiwalay sila.

Tumawa lang ito na parang balewala ang pakikipaghiwalay ng nobya. “Okay lang. Hindi ko naman talaga siya girlfriend.”

“Hindi mo siya girlfriend pero super sweet kayong dalawa. Ganyan ba talaga kayong mga lalaki?” Natutop niya ang bibig. Masyado na siyang nagiging madaldal. “Sorry, Sir. I mean it’s none of my business really. Huwag na ninyong isipin iyon, Sir. Alam ninyo, marami pang babae diyan.”

“Alam ko,” kaswal nitong sabi at tumayo. “Ihahatid na kita.”

“Naku! Huwag na po, Sir.” Ayaw niyang gumawa pa ng tsismis. Kanina lang ay kaaway niya ang girlfriend nito tapos ngayon ay nagpapahatid na siya.

“Please call me Gino.”

“Gino.” It was so unusual. Di siya sanay na sabihin ang pangalan nito. Pero parang ang sarap banggitin. “Sige, Sir Gino. Sana bumalik pa rin kayo sa restaurant namin kahit na ganoon ang nangyari.”

“Siyempre naman. At gusto ko ikaw ang magse-serve sa akin.” Lumapit ito sa kanya. “Because you are so pretty when you smile.”

Bahagya siyang yumuko. “Thank you, Sir.” She was flattered. A heartthrob like him called her pretty. Ang haba ng hair ko!

Hinaplos nito ang pisngi niya. “Kaya huwag ka nang iiyak kahit na sino pa ang umapi sa iyo. Just hold your head high. You are good at your job.”

Wala sa sarili siyang nakangiti habang sinusundan ng tingin si Gino nang papunta ito sa kotse nito. Nakatulala siya habang nakahawak sa pisngi niyang hinaplos nito. “Maganda pala ang smile ko. Ngayon ko lang nalaman.”

Nagising siya sa pangangarap nang kalabitin siya ni Weng. “Hoy! Akala ko ba umuwi ka na? Bawal ang tambay dito, Miss.”

“Weng, maganda pala ang smile ko.”

“Naniwala ka naman.Kung sinuman ang nagsabi,malamang binobola ka lang.”

“Talaga?” Bigla siyang napag-isip. Baka nga binobola lang ako ng Gino na iyon. Naniwala naman ako. Sobrang guwapo niya. Bakit naman siya magagandahan sa ordinaryong babae tulad ko? Ano ba ang aasahan niya sa isang playboy?

“Thanks, Weng. Sige, uuwi na ako! Goodnight!”

Nainis siya dahil nauto siya ni Gino. Sinabi lang nito na maganda siya bilang pakonswelo sa pag-eeskandalo ng Mitchell na iyon.

Isinipa niya ang paa. “Hay, naku! Sa susunod na sabihin ni Gino na maganda ako, hindi na talaga ako maniniwala. Sinungaling siya!”

PASIMPLENG inayos ni Miles ang uniform niya at nag-practice ng ngiti habang hinihintay ang mga orders na ise-serve sa mga guest nila.

“Uy! Nagmamaganda na naman siya,” tukso ni Weng na katatapos lang mag-dish out ng pinagkainan ng mga kaaalis lang na guests.

“Siyempre, nandiyan si Alain.” Mukhang kagagaling lang nito sa trabaho. Isang kaibigan lang ang kasama nito. Kung tutuusin ay wala si Alain sa kalingkingan ng kaguwapuhan ni Gino. Pero mas gusto naman niya si Alain dahil wala pa itong isinamang babae sa Dome. Puro workmates lang nito.

Baka hinihintay lang niya ako para maging girlfriend niya.

Nakahanda na ang magandang ngiti niya nang dalhin ang order ng mga ito. “Here are your café lattes. Enjoy!”

“Thank you,” anang si Alain. Kumpleto na ang araw niya dahil nakapag-thank you na ito. Patalikod na siya nang tawagin ulit siya nito. “Miss, wait!”

“Yes, Sir?”

“I just want to ask if you have a boyfriend.”

Umiling agad siya. “None, Sir.” Anong nakain niya at bigla siyang nagka-interes sa akin? Sa wakas ba ay napansin niyang maganda ako?

Tumango-tango ito. “Good. Available ka ba this Friday?”

“What do you mean available, Sir?”

“May cocktail party kasi ang company namin,” singit ng kaibigan nito. “Wala pang ka-date si Alain.”

“Will you be my date?” tanong ni Alain.

“MILES, huwag ka ngang malikot. Hindi ko matinuan ang paglalagay sa make up mo. Sige ka, ikaw rin. Papangit ka at baka magbago na ang isip ni Alain na kunin kang ka-date.” Alas sais pa lang ng hapon ay inaayusan na siya ni Weng. Wala siyang pasok at maaga naman itong nag-out sa trabaho para tulungan siyang mag-ayos.

Nasa boarding house siya nito sa Boni dahil mas malapit iyon sa Shangri La Makati kung saan gaganapin ang cocktail party ng company ni Alain.

“Kinakabahan kasi ako. Mantakin mo, hindi lang ito basta first date namin ni Alain. Makakasama ko pa sa party ang mga movers and shakers ng Manila. Nandoon din ang mga most eligible bachelors sa Pilipinas.”

“Huwag mo na akong inggitin na umaapaw ng kaguwapuhan sa party na iyon. Frustrating na di ko sila makikita. Kung pwede nga lang pakunan ko ng picture sa iyo ang mga guwapo. Sabihin mo sa akin kapag nakita mo si Gino, ha?”

“At sasabihin ko rin sa iyo kung sino ang babaeng kasama niya.”

Tiyak na bago na naman ang kasama nito. Wala siyang pakialam kung sinuman iyon. Basta mag-e-enjoy siya sa date nila ni Alain.

“Ayan! Ang ganda mo!” sabi nito nang matapos siyang lagyan ng make up.

“Hindi ko nakilala ang sarili ko. Saka ang ganda ng damit.” Green georgette dress ang suot niya. Di siya sanay na magsuot ng dress o gown. Kahit nga palda ay ayaw niya. Bagay naman pala sa kanya.

“Buti na lang nabili ko ang damit na iyan sa ukay-ukay,” kantiyaw nito.

Hinampas niya ito sa braso. “Huwag mo nang ipaalala.”

“Hindi naman halata. Sayang nga dahil di masyadong maganda ang buhok mo. Ilulugay sana natin.”

Hinaplos niya ang naka-bun na buhok. “Pwede na iyan. Wala naman akong pera pampa-salon. Gastos lang iyon.” Mabuti nga may damit at sapatos na naipahiram si Weng. Kundi ay wala siyang isusuot sa date nila ni Alain. Pero sa nakita niyang transformation, sa tingin niya ay magugustuhan siya ni Alain.

“Ready to go?” anang si Alain nang sunduin siya. “Good thing you are early.”

“Ayokong paghintayin ka.”

“Let’s go!” sabi nito at inalalayan siya sa kotse.

Nadismaya siya nang di man lang siya nito pinuri. Hindi yata niya nagustuhan ang ayos ko. Baka nga pangit ako. Nakuyom niya ang palad na nakapatong sa bag. Hindi! Maganda ako! Di lang siguro niya ako mapuri dahil speechless siya sa kagandahan ko. Basta mag-e-enjoy ako sa date namin!

NASA lalamunan na ni Miles ang puso niya nang dumating sila sa hotel. Halos wala naman kasing sinasabi sa kanya si Alain. Ganoon ba ang date? Parang wala naman siyang pakialam sa akin. Baka naman hindi lang niya alam ang sasabihin.

“Kinakabahan ka ba?” sa wakas ay naitanong nito.

“Not really,” usal niya. Kahit ang totoo ay nanginginig na ang tuhod niya. She was used to dealing with people from high society. Bilang isang service crew. Hindi pa niya naranasan na um-attend sa eleganteng party. Hindi niya alam kung paano niya pakikisamahan nang normal ang mga ito.

Papasok na sila ng ballroom nang may tumawag kay Alain. “Alain! I never thought I’d see you here. I thought you are not coming.” Nakilala niya ang babae bilang isa sa mga kasamahang agent ni Alain sa kompanyang pinapasukan nito. Ito ang crush ni Marlon dahil sa magandang buhok ng babae kahit na maikli lang.

“Of course I won’t miss the occasion, Darlen.” Hinawakan ni Alain ang braso niya. “This is Miles, my date. Miles, this is Darlen, my colleague.”

Ngumiti siya. “Hi! It is a pleasure to meet you.”

“I know you!” sabi ni Darlen. “You are that girl from…”

“I am from DOME Shangri La,” dugtong niya.

“Yes. One of the service crews,” kaswal na sabi ni Darlen. If there was something belittling on her tone, she just ignored it. Bumaling ito kay Alain. “Hindi ko alam na may ka-date ka pala.”

“Why are you chatting here?” tanong ni Gino nang lumapit sa kanila. “I thought the party is in the ballroom.”

“Papasok na kami,” wika ni Alain.

“Is she your date?” tanong ni Gino. “Hi, I am Gino Santayana.”

Ginagap nito ang palad niya at hinalikan ang likod niyon. “I’m…” Nakalimutan niyang bigla kung ano ang pangalan niya. Pakiramdam kasi niya ay dumaloy ang kuryente sa kamay niya mula sa labi nito. And he was looking at her as if she was a completely different woman. As if she was so beautiful.

Tumuwid ito ng tayo. “You look familiar.”

“I am Miles…”

Recognition flashed in his eyes. “Oh, yes! Miles! Hindi na kita nakilala. God! Look at you! You are so pretty tonight!”

“Thank you, Mr. Santayana,” aniya at di mapigilang ngumiti.

That was the comment she had been waiting for. Mga salita na hindi man lang sinabi sa kanya ni Alain. Kay Gino pa pala niya maririnig.

Ano naman ang aasahan ko sa lalaking iyan? Natural playboy si Gino. Alam niya kung ano ang makakapagpasaya sa isang babae. Expert na iyan. Nauto na naman niyang maganda ako. Kapag si Alain ang nagsabi, saka ako maniniwala.

“Looks like you don’t have a date tonight, Gino,” Darlen noticed.

“For a change,” usal nito. “Come on. Let’s go inside.”

Nakaalalay sa tabi niya si Gino. Mas nakadikit pa nga ito sa kanya kaysa kay Alain na siyang ka-date niya. At kapag nililingon niya ito ay nakatingin ito sa kanya at nakangiti. Matapos iyon ay lilingon ulit siya kay Alain pero parang gustong bumalik ng tingin niya kay Gino.

Huwag kang masyadong dumikit sa akin, Gino. Please! Ayokong pagtaksilan si Alain. First date namin ito at huwag mo akong demonyohin. Bakit kasi di ka na lang nagsama ng ka-date mo para di ako ang inaakit mo?

“Hindi ko alam na kilala mo pala si Gino,” aniya kay Alain nang nasa table na sila at nagsisimula na ang dinner.

“Mas nauna ako ng isang batch sa kanya,” sabi ni Alain. “Pareho kaming student ng Saint Benilde. We are not the best buddies but we are friends. And he had always been a playboy.”

“At ikaw, wala pa ring girlfriend hanggang ngayon,” ganti ni Gino.

Humagikgik naman si Darlen. “You got it right, Gino.” Sa kanya naman tumingin si Darlen. “How about you, Miles. From what school were you from?”

“Pamantasan ng Pasig,” kaswal niyang sagot.

“What? Is there such a school?” bulalas ni Darlen at bahagyang tumawa. Na para bang mula pa sa ibang planeta ang school niya.

“I never heard it before,” dagdag pa ni Alain. Ni hindi man lang siya dinepensahan kahit paano. Parang nakilait pa ito sa school niya.

Oo nga, di siya galing sa sikat na eskwelahan. State university lang ang pinanggalingan niya. Pero maganda naman ang quality ng turo sa kanila. Di na lang siya nagsalita. Sa lugar yata na iyon, bawal ang taga-public school.

“Hindi ninyo iyon alam?” anang si Gino. “Nakakaawa naman kayo. Doon ako madalas dati dahil doon galing iyong girlfriend ko na naging candidate ng Binibining Pilipinas. Hindi ba ninyo natatandaan?”

“Ha? Talaga?” di makapaniwalang wika ni Darlen. “Wala akong matandaan.”

Parang ayaw niyang maniwala na may girlfriend nga ito doon. Kasi wala naman siyang matandaan na galing sa school nila na napasali sa Binibining Pilipinas.

“Now you know. Kaya nga gandang-ganda ako kay Miles. Kasi doon siya galing sa school ng ex-girlfriend ko. School ng magaganda,” wika pa ni Gino. “Ngayon huwag na ninyong kalilimutan ang school niya. Okay?”

Itinago na lang niya ang ngiti nang kindatan siya ni Gino. She was starting to like him. Really, really like him.

NovelDark

Your free library of light novels, web novels and translations. Romance, fantasy, action, drama — thousands of chapters updated daily, no signup needed.

Genres

© 2026 Noveldark. All rights reserved.