Stallion Series (Sofia Edition) Chapter 214

Si Joziah ang bahagi ng nakaraan ni Brescia na ayaw na niyang balikan. Subalit paano kung ito mismo ang sumunod sa kanya para mahalin siyang muli?

Handa nang itama ni Joziah ang lahat ng mali sa pagmamahalan niya noon. Kaya ba niyang tanggapin ang pagmamahal nito? Kaya din ba niyang itama ang lahat at ihayag dito ang lahat ng sekretong itinatago niya sa puso niya?

“Look, Brescia! It’s so cute!” anang bestfriend niyang si Ederlyn at itinaas ang dalawang pares baby booties. “Ano ang mas maganda? Pink or yellow?”

Hinawakan niya ang pink na booties. “Ito. Bagay sa baby girl.”

Nasa baby section sila ng department store at nagwi-window shopping. Matagal na rin silang di nagkikitang magkaibigan. Ito ay busy sa pag-aasikaso sa pamilya nito. Kasal ito sa kaibigang si Dryan at may limang taong gulang na anak na lalaki. Plain housewife ito at pamilya ang priority.

Habang siya naman ay busy sa trabaho. Stay in siya bilang bagong manager ng Lakeside Café sa Stallion Riding Club kaya di siya nakakaluwas ng Manila. Ni di na rin siya halos nakakapag-shopping. Mabuti na lang at nagtugma ang schedule nilang magkaibigan kaya nakalabas sila.

“Exactly!” Bitbit ang booties ay pumunta ito sa mga crib. Pinaikot nito ang musical chime at pumailanlang ang kantang Mary Had a Little Lamb. “Ito ang bagay sa nursery room ni Adrienne.”

“Sinong Adrienne?” tanong niya.

“Ang baby girl ko.”

“Baby girl?” bulalas niya. “Buntis ka ba? Masusundan na si Cedric?”

“Hindi pa. Pero matagal ko nang gusto ng baby girl.”

“Sabagay. Ilang taon na si Cedie. Pwede na siyang sundan.”

“Kailangan na siguro niya ng kapatid. Sa tingin ko kaya na niya ang responsibilidad para maging kuya.”

“Sobrang bibo naman ng anak mo. Matalino pa. Di ba top one siya sa school?”

“Kaya nga tuwang-tuwa kami ni Dryan.”

Di tuloy niya maiwasang mainggit dito. College sweethearts ang mga ito. Classmate niya si Ederlyn. Parehong Management ang course nila. Habang si Dryan naman ay nasa Engineering. Nasa isang university lang sila. Siya ang nagpakilala sa dalawa. Di naglaon ay na-in love na ang mga ito.

Di pa man tapos ng college ay nagpakasal na ang mga ito. Nag-aalala pa nga siya noon dahil sobrang bata pa ng dalawa at baka di pa handang mag-asawa. Subalit sa nakikita niya ay mas nagiging matatag ang relasyon ng mga ito sa paglipas ng panahon. Di tulad ng ibang may asawa na naghihiwalay agad.

“I wish may baby girl na kayo. Para naman may mabibilhan na ako ng mga girlish na baby dress at may maaayusan na ako. Di naman kasi pwede si Cedric,” wika niya at kinuha mula dito ang pink na booties. “Ako na bibili.”

“Mas excited ka pa yata sa akin,” anito nang pumunta sila sa Thai restaurant na matagal na nilang gustong subukan..

“I love your son and you know that. Pero iba pa rin kapag baby girl. Madaling ayusan, madaling ihanap ng regalo at masarap damitan. Saka mas malambing ang mga girls. Iyong binata mo, hindi ko mapantayan ang pagiging active. Nauubos ang lakas ko. Tapos ayaw pang magpahalik dahil binata na daw siya.”

Kapag nga humahalik siya sa pisngi ni Cedric ay lagi nitong ipinapaling ang mukha palayo. Hindi na ito ang batang walang muwang na pwede niyang lamug-lamugin dahil wala pa itong kalaban-laban noon.

“Mas gusto niyang kasama ang daddy niya. Iniwan ko ngang naglalaro ng computer games. Naglalaban na silang mag-ama sa mga games. Hindi na nga siya natatakot sa akin. Lagi na siyang nakadepende sa daddy niya.”

Nakangiti niya itong pinagmasdan. “Time flies fast. Dati parang mga batang paslit pa lang tayo. Lagi pa tayong kinakantiyawan ng mga guwardiya sa university dahil mukha pa daw tayong high school kaya bawal pumasok. Tapos parang wala pa sa isip natin ang boyfriend-boyfriend na iyan.”

“Oo nga. Pero ngayon may binata na ako,” anito at humalakhak. “Akala ko nga mas mauuna ka pang mag-asawa sa akin. Kasi naman in love na in love kayo ni Joziah sa isa’t isa. Magtatanan na nga daw kayo, di ba? Tapos ang dami na ninyong plano dahil isasama ka pa niya kapag nag-aral siya sa abroad.”

Nawala ang ngiti sa labi niya. “Akala ko rin.”

Isa iyon sa masaya ngunit mapait na bahagi ng kanyang nakaraan. Parang kahapon lang. Naalala pa kasi niya ang lahat. Parang masamang panaginip na di na mabubura pa sa isipan niya. Minsan na siyang nagmahal, umasa at nabigo.

Doon niya napatunayan na di lahat ng magagandang bagay ay nagtatagal. At para sa tulad niyang lagi na lang pinagkakaitan ng kaligayahan, parang di patas. Subalit dahil doon, natuto siyang ipaglaban ang sarili niya. Di para maging masaya kundi para di na masaktan pang muli.

“After Joziah, di ka na nagka-interes pa sa lalaki.”

“What for? Di naman na sila kainte-interes. Magsasayang lang ako ng panahon sa mga lalaking iyan.”

“Ayaw mo bang subukan ulit? Malay mo makatagpo ka ng lalaking di ka iiwan at mamahalin ka talaga. Wala namang masamang mag-take chance.”

“Eds, I learn my lesson well. Nasaktan na ako. Dapat lang siguro na may matutunan ako mula doon. Tama nang minsan akong na-in love at nasaktan. Di ako masokista para kumuha pa ng lupid na pambigti sa leeg ko. Nakapag-move on na rin ako kaya kontento na ako sa buhay ko na walang lalaki.”

Mataman siya nitong pinagmasdan habang sumusubo ng Thai barbecue. “Ang tanong, nakapag-move on ka na nga ba?”

“Oo naman. Seven years na rin iyon.”

“Kung nakapag-move on ka na talaga, dapat di ka cynic sa pag-ibig. Dapat may bago ka nang boyfriend ngayon. Sa dami ng guwapong member sa Stallion Riding Club, di ka ba interesado sa kahit sino sa kanila?”

“Wala,” matabang niyang sagot.

Ang Stallion Riding Club ay isang ekslusibong lugar para sa bata, sikat at mayayamang kalalakihan ng bansa. Mahigpit ang pagtanggap ng members at pagtanggap ng bisita sa riding club. Naging sikat na ang naturang riding club dahil ang tingin yata ng mga kababaihan ay doon na nag-ipon-ipon ang lahat ng guwapo at mayamang kalalakihan sa Pilipinas. Mga ideal boyfriend at asawa.

Sa Stallion Riding Club din matatagpuan ang Lakeside Café and Restaurant kung saan siya nagtatrabaho bilang manager.

Sawang-sawa na siya sa pagmumukha ng mga members doon. Nakukulili na rin siya sa request ng ibang kakilala na kung maari ay makapasok din ang mga ito sa riding club. Inggit na inggit ang mga ito dahil napaliligiran daw siya ng mga guwapo.

Nagkakamali ang mga ito. Malas niya dahil napaliligiran siya ng klase ng mga lalaki na kinaiinisan niya – guwapo, mayaman, sobrang confident na pakiramdam yata ay sasambahin ang mga ito ng kababaihan basta masabing member ng prestihiyosong Stallion Riding Club. Nagtitiis lang naman siya dahil sayang ang malaking sinusweldo niya.

Tumingala si Ederlyn na parang nangangarap. “Nasa riding club ang mga inaambisyon natin dati na artistahing lalaki. O baka naman tinatamad ka nang mamili dahil sobrang dami ng guwapo.”

“Eds, hindi ko ugaling magpantasya. Di por que guwapo at mayaman, pwede na. Isa pa, di ko ugali na magka-boyfriend lang para masabi na may boyfriend ako. Basta wala nang maasahan ang mga lalaking iyan sa akin. Dala na ako.”

“Minsan ka lang nabigo, dalang-dala ka na agad?”

“Once is enough. Ayoko nang mag-take chance pa sa kanila. Hindi naman worthy ng tiwala ko ang mga lalaking iyan.”

“Oo na. Oo na. Akala ko naman makakapagpahinga ako sa teleserye ngayong Sabado. Hindi pa rin pala dahil madrama ka.”

Tinapik niya ang braso nito. “Hindi ako madrama.”

“Come on! Parang teleserye naman talaga ang buhay mo. Bata ka pa lang, puro ka na dusa. Pati sa pag-ibig puro ka pa rin kabiguan. Wala na ba akong maririnig na positive mula sa iyo?”

“Mayroon naman, ah! Natuto ako ng leksiyon sa kanila kaya mabuti nang hindi ako magpauto sa susunod.”

“Hindi iyan ang positive approach sa buhay. Dapat sabihin mo na gusto mong magmahal ulit. Na kahit na masaktan ka, susubukan mo pa ring maging masaya.”

“Hindi positive approach ang tawag doon. Kung hindi walang dala, malamang sadyang gustong magpaloko o kaya baliw na talaga!”

And she was none of the above. She was just a sane woman who preferred to love herself. Masaya na siyang walang lalaki sa kanyang buhay.

“Kung ayaw mo ng lalaki, kahit anak na lang. Tutal uso na lang iyon.”

Bumadha ang lungkot sa mga mata niya. A baby. A baby of her own. Minsan sa buhay niya ay ginusto niyang matupad ang pangarap na iyon. Subalit ipinagkait sa kanya ang pagkakataon na iyon.

“Mabuti pa kumain ka na lang,” aniya at tahimik na kumain.

Tama na. Masaya na siyang mag-isa. Di na niya kailangan pang asahan ang ibang tao na magmamahal sa kanya. Sapat nang mahalin niya ang sarili niya. Ayaw na niyang umasa pa. Kailangan na lang niyang pangatawanan ang pag-iisa. Kahit na ang katumbas niyon ay habambuhay na kalungkutan.

“I’M HOME!” wika ni Ederlyn pagpasok ng bahay nito. Kasunod nito si Brescia na bitbit ang mga pinamili. Matapos kasi nilang pag-initan ang mga gamit pambata ay nag-shopping naman ito ng kung anu-ano para sa mag-ama nito at mga gamit sa bahay. She was indeed the perfect housewife.

Lumabas si Dryan ng kusina at nakasuot ng apron. Humalik ito sa pisngi ni Ederlyn. “Hello, hon! Ako na ang nagluto ng dinner natin.”

Yumakap si Ederlyn sa asawa. “Super sweet naman ng Mister ko. Anong iniluto mo?”

“Pork asado,” abot-tainga ang ngiting sabi ni Dryan.

“Wow! Masarap iyon. Sakto dito magdi-dinner si Brescia. Pero makakain ba naman iyang iniluto mo? Baka mamaya bumula ang bibig niya. Minsan na lang siya magdi-dinner dito sa atin, maisusugod pa siya sa ospital.” Diskumpiyado kasi sila sa cooking skills ni Dryan na kahit simpleng pritong itlog ay pumapalpak pa.

“Huwag kang matatakot, Brescia. I am sure magugustuhan mo ang luto ko. Tinulungan kasi ako ni Joz.”

Kumunot ang noo niya. “Joz? You mean Joziah?”

Lumabas ng kusina ang isang lalaking matangkad at naka-apron din. May hawak pa itong sandok. “Narinig ko yata ang pangalan ko.”

Napanganga siya habang pinagmamasdan ito. Joziah Gatchalian. He was five feet, eleven inches tall. Bahagyang kulot ang mahaba nitong buhok. And he used to hate it so much. Maamo ang mata at laging nakangiti ang labi nito. Kahit sino yatang may problema ay makakalimutan ang problema kapag nakita ito.

Well, she used to be one of them. Nakakalimot siya sa kahit anong paghihirap na kinakaharap makita lang ito. He turned her tears into a smile. He was her first love. Dahil dito, nakalimutan niya kung paanong mag-isa. Hanggang ito mismo ang maging problema niya at di na siya makangiti nang totoo kahit kailan. Ito na ang nagparamdam sa kanya kung paano mag-isa at pinili niyang mag-isa na lang palagi.

“Aba! Safe naman pala ang dinner kung ganoon,” wika ni Ederlyn at siniko siya. “Gaganahan tiyak na kumain si Brescia.”

Ikinaway pa nito Joziah ang hawak na sandok. “Hi, Brescia!”

“Uhmmm…” aniya lang at tumango. Ni matabang na ngiti ay di niya ito mabigyan. She was scared that if she tried to fake a smile, she would just break down and cry. Nararamdaman pa rin niya ang pamilyar na damdamin sa dibdib niya na ayaw na niyang maramdaman.

Sa halip na magmukhang domesticated sa suot nitong apron ay lalo pa itong nagmukhang masculine. Ilang taon na ba ang nakakaraan mula nang huli silang magkita? Anim? Pito? That was the time that he wanted to marry her and she answered him with a big NO.

Parang di nito pinansin ang pagiging malamig niya at niyakap siya. “Ano ba namang welcome iyan? Miss na miss na kita.”

Naestatwa siya sa kinatatayuan. She wanted to cry for real. Naramdaman niya ang panginginig ng labi niya at ang pamamasa ng mata niya. Bakit kailangan pa siya nitong yakapin na parang mahal pa rin siya nito? Na parang walang nangyari? Na parang di siya nito nasaktan?

“Joziah, tama na,” aniya sa mahinang boses. Nanghihina siya sa yakap nito.

“Alam mo ba na ikaw ang naisip ko habang iniluluto ko ang pork asado. Sabi ni Dryan pwede ka daw isama ni Eds dito. Kaya nga pinagbutihan ko. Hindi ba sinagot mo ako dati nang ma-perfect ko ang pork asado na paborito mo.”

Nakuyom niya ang palad. She was trying not to remember at all. Dati ay isa iyon sa pinakamasayang bahagi ng buhay niya. Niyakap pa nga niya ito sa sobrang tuwa. And it was the first time that she kissed him.

“Hindi mo naman pwedeng makuha sa pork asado ang lahat,” aniya sa malamig na tinig. Sa halip na pangibabawin ang kahinaan niya ay pinili niyang pamanirin ang sarili sa kahit anong masayang emosyon.

“Joz, iyong niluluto,” anang si Ederlyn sa tensiyonadong boses.

Binitiwan siya ni Joziah. “Naku! Nakalimutan ko! Sandali lang, Brescia. Marami pa tayong pagku-kwentuhan, ha?” Saka ito tumakbo sa kusina.

“Susunod na rin ako,” anang si Dryan at alanganin niyang nginitian. Mabilis nitong iniwas ang tingin matapos niyang pandilatan. Alam kasi nitong ito ang gigisahin niya nang todo.

Nang mawala sa paningin niya si Dryan ay si Ederlyn ang hinarap niya. Hinang-hina siya. “Parang gusto ko nang umuwi.”

“Huwag ka namang ganyan. Hindi ko naman alam na nandito siya. I swear!”

“Pero hindi mo sinabi sa akin na nandito siya sa Pilipinas samantalang maghapon na tayong magkasama.” Sana man lang ay nakaiwas siya.

“Bakit ka nagagalit? I thought you are over him.”

“I am over him!” mariin niyang wika.

“Nah! You are not over him. You are just running away from him.”

“Sige. Dito ako magdi-dinner para wala ka nang masabi.”

Lumapad ang ngiti nito. “Ikaw ang nag-decide mag-stay. Hindi ako.” Parang tuwang-tuwa pa ito sa dilemma niya.

“Warning. Huwag lalapit-lapit sa akin ang Joziah na iyan. I don’t have plans to be nice to him. I don’t want to see him anymore.”

NovelDark

Your free library of light novels, web novels and translations. Romance, fantasy, action, drama — thousands of chapters updated daily, no signup needed.

Genres

© 2026 Noveldark. All rights reserved.