Stallion Series (Sofia Edition) Chapter 215

“So how does it feel to be back?” tanong ni Dryan kay Joziah habang nagdi-dinner sila. Tahimik lang si Brescia habang nakikinig sa usapan ng mga ito. Wala siyang planong magkaroon ng tsansa si Joziah na kausapin siya.

Bukod doon ay di rin siya makakain nang maayos. Parang goma ang pork asado sa bibig niya kahit na niluto pa iyon ni Joziah ayon sa gusto niya. Kaharap niya ito at ngumingiti sa kanya kaya nagugulo ang sistema niya. Mas nagko-concentrate kasi siya kung paano ito tataasan ng kilay kaysa sa kumain.

“Great! Sa wakas pinayagan na ako ni Papa na magkaroon ng sarili kong business. Mas interesado naman ang kapatid kong si Jen sa pagma-manage ng fruit farm namin kaysa sa akin.”

May fruit exporting business ang pamilya nito. United States, Canada, Central America, Europe at Australia ang sakop ng negosyo nito. Ito ang nagma-manage ng office sa States. Subalit nobya pa lang siya nito ay pangarap na nitong magkaroon ng sarili nitong negosyo kahit na maliit lang.

“Ang tagal mo rin sa States. Akala namin di ka na babalik,” wika ni Ederlyn.

“Hindi pwedeng hindi ako bumalik. Marami rin akong naiwan dito na kailangan kong balikan,” wika nito at saka siya sinulyapan.

Asa! Kung may babalikan ka.

Break na sila nang magpaalam itong pumunta ng States para mag-aral at sa negosyo ng pamilya nito. Sinabi niyang wala na siyang pakialaman. Tapos na sila. There was a time that she begged him to stay and he didn’t listen at all.

“Girlfriend mo po ba ang babalikan mo, Ninong? Iyong babaeng mahal mo?” tanong ni Cedric, ang kanyang bibo at matalinong inaanak.

Nagulat silang lahat. “Saan mo naman natutunan ang girlfriend, Cedric?” tanong niya. “Five years old ka pa lang.”

“Opo. Nanonood po kasi si Mommy ng mga teledrama. Sabi po ‘nung bidang lalaki sa TV bumalik daw po siya sa Pilipinas para sa babaeng mahal niya. Iyong dati niyang girlfriend. Parang si Ninong Joziah,” walang prenong sabi nito.

“Mas maganda kung manonood ka na lang ng Cartoon Network,” payo niya sa bata. “O kaya sa Animax. O kaya sa Hero Channel para puro anime.”

“Mabuti nga iyong bata pa may alam na sa love,” sabi ni Joziah. “Para kapag matanda na siya, mabilis niyang maintindihan ang mga babae.”

Iniikot niya ang tingin. “Men! Ano nga ba ang alam ninyo tungkol sa amin?” Ano rin ba ang alam ni Joziah sa tunay niyang nararamdaman o sa pagmamahal?

“Brescia, kumain ka lang nang kumain. Pinaghirapan ko ang pork asado na iyan,” sabi ni Joziah.

“Okay lang ako. Kaya ko ang sarili ko,” matabang niyang wika.

Di pa ito nasiyahan at lumigid. Ipinaglagay pa siya nito ng kanin at ulam sa plato. “Nangangayayat ka na.”

“Masyado iyang busy sa trabaho niya. Bagong manager kasi siya sa Lakeside Café and Restaurant,” sabi ni Ederlyn.

“Saan iyon?” tanong ni Joziah.

“Sa Stallion Riding Club,” sagot naman ni Dryan. “Iyon ang club na sasalihan ko, pare. Iyong matagal ko nang ikinu-kwento sa iyo.”

“Ah!” anang si Joziah at tumango. “Akala ko ba maganda doon? Bakit parang napapabayaan ni Brescia ang sarili niya?”

“Wala kasing nag-aalaga. Paano walang boyfriend,” wika ni Ederlyn at bumungisngis. At nairita siya sa tunog ng bungisngis nito.

“May mapapala ba ako sa boyfriend na iyan?” nakakunot ang noo niyang sagot at binigyan ng nagbababalang tingin si Ederlyn. Isa pa at magwo-walk out na siya. Kasehodang sabihin nito na lagi na lang siyang tumatakas at duwag siya.

“Iba pa rin kapag may nag-aalaga sa iyo,” anito sa magaang boses. As if he cared. As if he genuinely cared.

At sino naman ang inaasahan nitong mag-aalaga sa kanya? Ito? Sino naman ang niloloko nito? Parang gusto niyang tumawa nang malakas subalit parang sarili lang niya ang pagtatawanan niya. Minsan siyang naniwalang iingatan siya nito subalit wala ito kung kailan niya higit na kailangan.

“Sanay na akong alagaan ang sarili ko. And I am doing fine,” mariin niyang sabi. “At sa palagay ko wala ka sa lugar para sabihin sa akin kung ano ang dapat na gawin ko sa sarili ko.”

Nawala ang tuwa sa mga mata nito. “I am sorry.”

Sorry. She hated that word so much. Parang ganoon lang kasimple na humingi ng sorry matapos nitong makasakit.

“Ninang, galit po ba kayo kay Ninong?” untag ni Cedric sa kanila.

“Cedric, kumain ka lang at huwag makisali sa usapan ng matatanda,” saway ni Ederlyn dito at sinulyapan siya. Nawala sa isip niyang may bata doon.

Pinili niyang manahimik na lang at ipinagpatuloy ang pagkain. Sana ay naging duwag na lang siya at tumakbo palayo. Sana ay di na lang siya nagtapang-tapangan na harapin si Joziah.

MATAPOS ang hapunan ay tahimik na nag-tsaa si Brescia sa may verandah. Gusto na sana niyang umalis ngunit ayaw pa ni Ederlyn. Nangako pa ito na ipapahatid siya sa driver nito hanggang sa Stallion Riding Club huwag lang siyang umalis.

“Dito na muna ako, ha? Pinapatulog pa ng mag-asawa si Cedric,” untag ni Joziah nang lapitan siya at sumandig sa poste.

“Pareho lang naman tayong bisita dito.”

Huwag lang siya nitong masyadong pagkakausapin. At di rin niya ito masyadong titingnan. Kapag kasi nagsalubong na ang mga mata nila, malaki ang posibilidad na magbago ang lahat ng nararamdaman niya kasama na ang galit.

“Brescia, I am really sorry. Hindi ko sinasadya na ma-offend ka nang sabihin ko na mas maganda na may mag-aalaga sa iyo.”

Huminga siya nang malalim. “Don’t bother apologizing. Tapos na iyon. Alam mo naman ang ayokong makakarinig ng sorry.”

“Ayoko lang ng may mabigat na dinadala.”

Hinarap niya ito. “It always works that way, Joz! Ayaw mo ng mabigat na dinadala. Kapag may ginawa kang desisyon, sorry ka ng sorry kapag may nasaktan. Maluwag nga sa dibdib mo pero wala naman iyong ipinagkaiba sa taong nasaktan mo. Huwag ka na lang magsorry. It’s over. The damage had been done.”

“Alam ko nasaktan ka nang piliin kong pumunta sa America para samahang magpagamot si Arnie Lei. And I paid for it. I lost you.”

Si Arnie Lei ang kababata nito na gusto ng magulang nito para dito na may sakit sa puso. Sinabi ng pinsan ni Joziah na di ganoon kalubha ang sakit sa puso ni Arnie Lei. Sinadya iyon para paglayuin sila ni Joziah. Subalit di na nakinig sa kanya si Joziah. Si Arnie Lei talaga ang pinili nito. And it was over between them.

“Sinabi ko sa iyo na kapag umalis ka kasama ni Arnie Lei, wala ka nang babalikan.” Sinulyapan niya ito sa malamig na mata. “Kaya nga nagtataka ako kung bakit bumalik ka pa rin.”

Huminga ito nang malalim at umupo sa harap niya. “Dahil iyon naman talaga ang gusto ko. Ang makasama ka. Nang malaman ko na di naman ganoon kalala ang sakit ni Arnie Lei, umuwi agad ako para sa iyo.”

Sarkastiko siyang ngumiti. “Nakakatawa. Sinabi ko sa iyo na hindi totoong malubha ang sakit niya pero di mo ako pinakinggan. Saka ka magkukumahog na bumalik sa akin. Sana di mo na lang siya iniwan. Wala ka namang babalikan.”

Maraming nagbago sa isang buwang nawala ito. Kasama na doon ang Brescia na kilala nito. Ginawa niyang manhid ang sarili sa sobrang sakit na naramdaman niya. Pakiramdam niya noon ay iniwan siya ng mundo. Tinalikuran ng nag-iisang lalaking mahal niya. At mula noon, nangako siya na wala siyang ibang aasahan kundi ang sarili niya.

“Pero matagal na iyon. Sana naman wala ka nang galit sa akin. And I want us to be friends.” Saka nito inilahad ang palad sa kanya.

Pinagmasdan niya ang nakalahad nitong palad. Bakit ba napakasimple sa tulad nito na humingi ng sorry at makipagkaibigan? Mababago ba ng simpleng pakikipagkamay dito ang lahat ng pasakit na ibinigay nito sa kanya? Maghihilom na ba ang sugat kapag nakipagkaibigan siya dito?

Humalukipkip siya. “Mukha bang gusto kitang maging kaibigan?”

“Bakit naman hindi? Bago mo ako naging boyfriend, naging magkaibigan muna tayong dalawa. Let’s start over again.”

Marahan siyang umiling. “Hindi ko kayang makipagngitian sa iyo at tanggapin ang friendship na ino-offer mo, Joziah. Perhaps you are used to this but I am not. Lolokohin lang kita kapag sinabi kong ayos na sa atin ang lahat.”

Humugot ito ng malalim na hininga at ibinaba ang kamay. “You really hate me so much.”

“Come on, Joziah! Don’t give me that long face. Hindi bagay. Hindi naman ako malaking kawalan sa iyo. I am sure maraming babaeng gustong makipag-kaibigan sa iyo.” Tumayo siya. “Maraming magwe-welcome sa iyo dito.”

Saka naman pumasok ang mag-asawang Ederlyn at Dryan. “Pasensiya na kung natagalan kami sa pagpapatulog kay Cedric,” anang huli.

“Mukhang marami na kayong napagkwentuhan, ah!” wika naman ni Ederlyn.

Hinaklit niya ang bag at humalik sa pisngi ng mag-asawa. “I must be going. Maaga pa ako sa restaurant bukas. Gusto nila Sir Richard Don na sumama ako sa meeting nila ng interior designer.”

“Leaving so soon?” gulat na tanong ni Dryan. “Ni hindi pa nga nagkaka-kwentuhang mabuti ni Joziah. Ihahatid ka naman ng driver namin.”

“Mukhang malayo pa ang tutuluyan ni Brescia. Ipahatid mo na,” anang si Joziah. Nagtaka pa siya dahil ngiting-ngiti pa ito. She was expecting that he would insist that she stays.

“Sigurado ka? Pauuwiin mo na siya?” tanong ni Ederlyn.

“May next time pa naman, eh.”

Next time? Tingin ni Joziah ay magkikita pa sila ulit.

Hindi na! Ayaw na niya itong makita pa. Mas mabuting magkulong na lang siya sa Stallion Riding Club. Doon ay tahimika ng buhay niya. Walang gugulo sa damdamin niya. Walang pangit na nakaraan.

Subalit bakit parang lumukso ang puso niya nang sabihin ni Joziah na magkikita pa silang muli. Parang excited pa siyang makita itong muli.

Saan naman nanggaling ang excitement na iyon? Hindin iyon pwede! Isa lang ang malinaw sa kanya. Ayaw na niyang magkaroon ng kaugnayan dito.

ALAS DOS na ng hapon nang humupa ang mga tao sa Lakeside Café and Restaurant. Iyon na rin ang pagkakataon ni Brescia para makapag-lunch. Kadalasan kasi ay nagpapahuli na lang siya at pinapauna nang kumain ang ibang staff.

Kasabay niyang kumain ang kaibigang si Celestine. Medyo hilo pa nga ito dahil kagigising lang. Umaga na natapos ang duty nito bilang manager ng Lakeside Bistro and Music Lounge na di kalayuan sa restaurant nila.

“Hay! Grabe talaga ang mga tao sa music lounge. Parang ayaw pang magsiuwi. Gusto pa yata kaming gawing guest house,” bulalas nito habang sapo ang noo. Weekends kaya maraming tao sa riding club.

“Baka kamo di na nila mabuhat ang mga sarili nila sa kalasingan.”

“Okay na sa akin iyong lasing na humihilahod sa sahig namin. At least libre ang mop. Basta walang violence. Muntik na ngang may mag-away na dalawang babae kagabi dahil sa bagong boss ko.”

“Dumating na ang bagong boss mo?”

Ipinagbili na ng full owner na si Zairo ang kalahati ng music lounge. Subalit wala naman siyang ideya kung sino ang bagong may-ari. Iba’t iba kasi ang mga espekulasyon na lumalabas tungkol sa bagong may-ari. Busy rin naman siya sa sarili niyang trabaho kaya wala siyang oras na mag-usisa.

“Oo. At pagkasabi pa lang na siya ang bagong owner ng music lounge, naghurumentado na ang mga babae. Nakakaloka! Pati nga iyong mga staff ko gusto na ring maki-rumble. Ang guwapo naman kasi ni Sir.”

“Ganoon siya kaguwapo?” paniniyak niya.

Nangalumbaba ito. “Oo naman. Ang ganda-ganda ng ngiti niya. Parang laging sinasabi ng mga mata niya na ang ganda-ganda ko,” kinikilig nitong sabi.

Tinampal niya ang pisngi nito para gisingin ito sa pangangaparap. “Umayos ka nga, Celestine Gonzalo!” saway niya.

“What? What have I done?”

“Ipinaalala ko lang sa iyo na boyfriend mo na ang pinaka-hunkable guy sa showbiz. Sa iyo na si Philippe Jacobs. Masiyahan ka na doon, ha?”

Humalukipkip ito. “At sino naman ang may sabi na ipinagpapalit ko na si I love you, PJ? Ikino-convey ko lang sa iyo ang emosyon ng mga taong nakapaligid sa akin. Para mas maramdaman mo na guwapo talaga ang boss ko.”

“Maniniwala lang ako na guwapo iyan kapag nakita ko na,” sabi niya at nagpatuloy sa pagkain.

“Kapag ba nakita mo na siya, pwede ko na siyang ireto na boyfriend mo?”

“Bakit sa akin na naman bumagsak ang pagkakaroon ng boyfriend?”

“Dahil malungkot kapag walang nagmamahal.”

“Yeah, right!” Been there. Done that. Mas masaya na siya na mahalin ang sarili niya. At least ang sarili niya di siya ipagpapalit sa iba. Di rin siya sasaktan.

“O, andito na pala si Bossing!” Kumaway pa ito. “Bossing!”

Muntik na siyang magtago sa ilalim ng mesa nang makita si Joziah. Anong ginagawa nito sa Stallion Riding Club? Hindi naman niya nabalitaan mula sa mga kaibigan niya na miyembro na ito doon. Baka naman napadaan lang. Napadaan lang para sirain at wasakin ang tahimik niyang mundo.

He spotted their table. Kuntodo ngiti pa ito habang palapit sa kanila bitbit ang bouquet ng makukulay na mga bulaklak. Sumasal sa kaba ang dibdib niya. Tumayo siya agad kahit na nanginginig ang tuhod niya.

“Excuse me, Tin. May aasikasuhin lang ako sa loob,” aniya bago pa tuluyang makalapit sa kanya si Joziah. Kailangan niyang makatakas. Makalayo. Mas malayo kay Joziah, mas malayo rin siya sa disgrasya.

Pinigilan siya ni Celestine sa braso. “Teka lang. Wala ka pa namang gagawin dahil walang masyadong customer. Ipapakilala muna kita sa kay Boss Joziah.”

NovelDark

Your free library of light novels, web novels and translations. Romance, fantasy, action, drama — thousands of chapters updated daily, no signup needed.

Genres

© 2026 Noveldark. All rights reserved.