Stallion Series (Sofia Edition) Chapter 216

Napanganga si Brescia kay Celestina. “Ha? Joziah?” Kilala nito si Joziah?

“Oo. Joziah Gatchalian. Iyong guwapong may dalang flowers. Bagong boss ko,” sagot nito kasama ang nagpapa-cute na ngiti.

Mas lalo na niyang gustong magkakaripas ng takbo palayo kundi lang naparalisa na siya sa kinatatayuan. Ang ibig sabihin ay ang guwapong bagong may-ari ng Lakeside Bistro and Music Lounge na pinagkaguluhan ng mga babae ay walang iba kundi si Joziah mismo?

Si Joziah na gusto niyang layuan. Si Joziah na wala nang ginawa kundi magdala ng gulo sa buhay niya. Si Joziah na parang gusto siyang tunawin ng mga ngiti at mga titig nang mga oras na iyon.

Dapat niyang iiwas ang tingin dito. Dapat na rin siyang makalayo. But it was too late. Nakalapit na si Joziah sa table nila. Napagkit na rin ang tingin niya dito.

Kung bakit di niya natandaan ang rule number one para di maakit kay Joziah Gatchalian. Huwag na huwag magkakamaling tumagal ng tatlong segundo ang pagtitig dito. Kundi ay daig pa niya ang insekto na na-trap sa sapot ng gagamba. Hindi na siya makakawala pa.

“Hello, Celestine! Hello, sweetheart!” bati ni Joziah.

Humagikgik si Celestine at hinampas ito sa braso. “Si Sir Joziah talaga, masyadong palabiro. May sweetheart pang nalalaman. May flowers pa!” Kinuha nito ang bulaklak mula kay Joziah. “I really appreciate it, Sir. Pero si PJ talaga ang mahal ko. Sorry. Hindi dalawa ang puso ko. Baka matsismis tayo nito.”

Akala yata nito ay para dito ang bulaklak na dala ni Joziah at ito rin ang sinusuyo ng binata.

“Celestine, hindi naman kailangang maging dalawa ang puso mo. Hindi naman para sa iyo iyang bulaklak at di rin ikaw ang sweetheart ko kaya ibalik mo na sa akin ang bulaklak,” malumanay na sabi ni Joziah.

Sinapo ni Celestine ang pisngi. “Kung hindi ako, sino ang sweetheart mo?”

Inabot ni Joziah ang bulaklak sa kanya. “Surprised to see me, Brescia?”

Pakiramdam niya ay hinagip siya ng impact ng malakas na pagsabog ng bulkan. Kitang-kita niya ang panlalaki ng mga singkit na mata ni Celestine. Maging siya rin naman ay nagulat sa inakto ni Joziah.

How could he do that? Di pa nga siya nakaka-recover na ito ang bagong may-ari ng isang establishment sa Stallion Riding Club, ngayon naman ay parang sinusuyo siya nito sa harap ng maraming tao. Sumosobra na ito.

“Wait! Wait lang, ha? I don’t understand. Pero matagal na ba kayong magkakilalang dalawa?” tanong ni Celestine.

“No!” sagot agad niya.

“Yes!” ngiting-ngiting sagot ni Joziah at pinagmasdan siya.

Lalong naguluhan si Celestine. “Sino ang nagsasabi ng totoo?”

“Ako!” maagap na sagot ni Joziah. “Gusto mo bang magpakita ako ng ebidensiya para malaman mo kung gaano katagal o kalalim ang pagkakakilala namin ni Brescia sa isa’t isa? May picture pa nga kami dito sa wallet ko.”

Namanhid ang sentido niya nang maisip kung anong picture iyon. Kuha nila iyon noong graduation niya. Kitang-kita doon kung gaano sila ka-sweet ni Joziah sa isa’t isa. Walang maipagkakaila kung gaano niya ito kamahal. Ayaw niyang may makakita ng kahangalan niya. Ayaw na rin niyang maalala.

“I wanna see! I wanna see!” wika ni Celestine at itinaas pa ang kamay.

“Huwag na!” mariin niyang tutol.

“Huwag ka namang killjoy,” ungot ni Celestine.

“Mukhang nagkakatuwaan tayo dito,” sabi ng kadarating pa lang na si Danzelle Ann. Kapatid ito ng isa sa may-ari ng Lakeside Café and Restaurant.

“Hi, Miss Danz!” bati ni Celestine at kumaway pa. “Bagong partner po ni Sir Zairo sa music lounge. Si Sir Joziah.”

Nakataas ang kilay ni Danzelle Ann nang kamayan si Joziah. “Yeah. Nabanggit ka na sa akin ni Richard Don. Mukhang hindi mo yata alam ang rule na bawal manligaw sa oras ng trabaho, Mr. Gatchalian.”

Sa wakas. Matatakasan din niya ang unwanted attention ni Joziah. Makakapag-hanapbuhay din siya ng matiwasay. Bayani talaga si Danzelle Ann kahit na kadalasan ay tinatarayan nito ang ibang crew sa pagka-istrikta.

“Wait! I think you should see this letter first,” wika ni Joziah at may inabot na sobre kay Danzelle Ann. Maging siya ay nagtaka kung ano ang laman niyon.

“What?” bulalas ni Danzelle Ann. “May permiso ka na bisitahin si Brescia mula one thirty hanggang two thirty basta walang masyadong customer?”

“Yes. And it is signed and approved by Richard Don Robles,” kampanteng sabi ni Joziah na hanggang noo na yata ng ngiti.

“Oh! Don’t give me that crap!” usal niya. Hindi niya magagawa ng boss niya iyon. Kailan pa nagkaroon ng ganoon klaseng kalokohan?

Pero naroon nga ang sulat na may pirma ni Richard Don. Kabisado niya ang pirma ng boss niya. Bakit nga ba di niya naisip na basta pagdating sa mga pabor na ibibigay sa members ng riding club ay hindi tatanggi ang amo niya. Isa pa rin itong negosyante. Tiyak na may kapalit ang lahat.

“Joziah!” tawag ni Richard Don dito. Namumula pa ang balat nito mula sa pagkakabilad sa araw at pamamasyal sakay ng kabayo.

“What’s the meaning of this!” galit na galit na bungad ni Danzelle Ann na halos ipagduldulan sa mukha nito ang sulat.

“Hindi ka ba marunong magbasa? English lang iyan. Hindi Latin,” anang si Richard Don at nilapitan siya. “Ikaw na muna ang bahala dito sa bisita mo, ha? Gusto ko na asikasuhin mong mabuti si Joziah lalo na’t bago pa lang siya dito.”

“Sir, may trabaho pa po ako,” paalala niya. Ayaw niyang sayangin ang ibinabayad sa kanya para lang asikasuhin ang lalaking ayaw niyang makaharap. Mas gusto niyang maging dishwasher na lang kaysa pakiharapan si Joziah.

“No problem. Joziah got everything covered,” anang si Richard Don.

“He got everything covered?” dahan-dahan niyang tanong.

“Ibinenta mo si Brescia? This is a decent restaurant, Richard Don! Yet you acted like a pimp. Ibinebenta mo sa mga lalaki ang empleyado natin. Hindi ka na nahiya,” litanya ni Danzelle Ann. “Magkano ang ibinayad ng lalaking ito sa iyo? You can’t do this. Ako ang makakalaban mo!”

“I am not a pimp!” kontra ni Richard Don. “I just find it romantic. Palibhasa walang gustong makipag-date sa iyo.”

“Kung katulad mo lang din naman ang makaka-date ko, huwag na!”

“Excuse us,” nakangiting sabi ni Richard Don at hinawakan nang mahigpit ang braso ni Danzelle Ann. “Histerikal na siya. Kailangan na niya ng tranquilizer.”

“Isusumbong ko kay Kuya ang ginagawa mo dito. You are abusing the rights of women!” sigaw ni Danzelle Ann habang hinihila ni Richard Don palayo.

“I am so happy for you, friend!” excited na sabi ni Celestine. “Kanina lang iniisip ko ang possibility na magustuhan mo si Sir Joziah. Hindi na pala ako mahihirapang mag-isip kasi may past na kayong dalawa.”

“Wala kaming past,” kaila niya.

She was caught off guard. Tiyak na makukulili siya sa mga tanong ni Celestine sa kanya. Kung member man ng Stallion Riding Club si Joziah, wala siyang planong pansinin ito o kilalanin. Pero parang nananadya pa ito na ipangalandakan sa lahat ang dati nilang relasyon.

“Sir Joz, kayo na lang po ang magkwento sa akin. Medyo killjoy kasi itong kaibigan ko. Walang ikinu-kwento tungkol sa love life niya,” hirit pa ni Celestine.

Tumikhim si Joziah. “Sa palagay ko hindi ito ang oras para sagutin ko ang mga tanong mo, Celestine,” mariin nitong sabi.

Nakuha naman ni Celestine ang ibig nitong sabihin. Na nakakaabala na ito sa kanila. “E-Excuse me. Naisin ko mang makipag-kwentuhan pero mukhang ayoko yatang makaabala sa date ninyong dalawa. So mag-enjoy kayo, okay?”

“HINDI talaga ako nagkamali ng pag-uwi sa Pilipinas at pagsali sa Stallion Riding Club. I have a good feeling about being here.”

Relax na relax si Joziah habang nakikipag-kwentuhan kay Brescia. At home na at home ito habang siya naman ay alumpihit sa kinauupuan. Kung di sana ito gumawa ng pakulo para magkasama sila, pwede siyang magkunwari na isa lang ito sa mga karaniwang miyembro ng riding club at di niya kilala. Pero naunahan siya nito at ngayon ay wala siyang kawala.

Ngayon ay ramdam niyang pinanonood ng mga tao sa paligid niya ang kilos niya. Guwapo si Joziah at dagdag na puntos dito ang pagiging bagong part owner ng Lakeside Bistor and Music Lounge. Idagdag pa ang malalagkit na tingin ni Joziah sa kanya, lalo tuloy siyang di mapakali.

“I don’t think your parents will agree. Hindi ba mas gusto nila na mag-stay sila sa States?” Nasa States ang negosyo ng pamilya at naroon din ang babaeng gusto ng mga ito para kay Joziah.

Pinagsalikop nito ang palad at doon ikinatang ang babae saka siya tinitigang mabuti. “Sa palagay mo ba ilang taon na ako, Brescia? I am twenty-eight. May sarili na akong isip. Hindi na ako basta-basta nagpapakontrol. Kaya kung inaalala mo na hahadlang sila sa relasyon natin, wala kang dapat ipag-alala. Kahit naman noon pa, ako pa rin ang pipili sa babaeng mamahalin ko at gusto kong makasama.”

Lumikha ng ingay sa sahig na kahoy ang pag-urong ng kinauupuan niya. “Wait! Naniniwala ako na may freedom ka nang gawin ang gusto mo ngayon pero wala na akong kinalaman diyan.”

Kumunot ang noo nito. “Sinasabi mo ba na ayaw mo nang magkaroon tayo ng relasyon? Ayaw mo nang bumalik sa akin?”

“Seven years! Hindi naman ganoon kasimple ang lahat. Are you expecting that after seven years I will be thrilled to see you? Anong sasabihin ko? I love you still, Joziah. And I want to take you back. Then I’ll accept you with open arms?”

Ngumisi ito. “Yes!”

She let out a sigh. “Jeez! You are exasperating!”

Iyon yata ang huling bagay na gagawin niya. Ang basta na lang itong tanggapin sa buhay niya nang maluwag sa loob niya. Hindi ganoon kadali na tanggapin ito matapos ang pitong taong sinubukan niya itong kalimutan.

He stared at her with gentle eyes. Ginagap nito ang kamay niya. Then he laced his fingers with hers. “No. I am not asking you to take me back right away. Hindi ko alam kung gaano kalalim ang sugat na naibigay ko sa iyo. But I will be patient. I intend to stay, Brescia. Nasa akin ang lahat ng oras para suyuin ka. Ang gusto ko lang naman, buksan mo ang puso mo sa akin.”

Nahigit niya ang hininga nang kintalan nito ng halik ang likod ng palad niya habang di siya hinihiwalayan ng tingin nito. Dapat nga ba siyang maniwala na mahal siya nito matapos ang pitong taong nagdaan? At dapat pa ba niya itong tanggapin matapos ang lahat ng pasakit na ibinigay nito sa kanya?

Hindi ang sagot ng isip niya. Napaghandaan na niya ang sitwasyon na iyon. Sa loob ng pitong taon, paulit-ulit niyang sinasabi na mali sila para sa isa’t isa. Isang malaking kahangalan kung hahayaan niya itong bumalik sa buhay niya.

But why did every word he said made he feel so good? And why did their hands snugly fit when interlaced? Bakit kahit anong pilit niyang mali ang lahat para sa kanila, prang tama naman sa pakiramdam niya ang lahat ng bagay na may kinalaman sa kanilang dalawa. Di ba siya ganoon kahina pagdating dito?

“Brescia, will you take me back?”

Her stupid heart wanted to scream yes. Gaga marahil siya kung tatanggapin niya ito matapos ng lahat ng pasakit na ibinigay nito sa kanya. Pero anong magagawa niya kung iyon ang nasa puso niya?

”Joziah! Joziah, my love!” tawag ng babaeng guest kay Joziah at pinagyayakap ito. Walang pakialam ang babae kung nakaka-eskandalo man ito. “Kanina pa ako hanap nang hanap sa iyo. Nandito ka lang pala.”

Bumadha ang pagtataka sa mukha ni Joziah. “Miss, ano ba? Hindi kita kilala. Sino ka ba?” iritadong tanong nito.

Lumabi ang babae. “I am Yana. Nagkwentuhan pa nga tayo sa music lounge kagabi. Huwag mong sabihing di mo ako matandaan?”

“Ah, Yana! I am afraid di na nga kita matandaan sa dami ng kausap ko. You see, I am busy at the moment. May kausap ako,” malumanay na wika ni Joziah.

Nakataas ang kilay siyang nilingon ni Yana. “Who? The waitress? Mukha namang hindi importante ang pinag-uusapan ninyo.”

Muntik na siyang mapamaang. Tinawag siyang waitress lang ng bruhang babae. Ni hindi nito nakita sa nameplate niya na manager ang nakalagay. Subalit di iyon ang oras para komprontahin ang guest. She saw it as an opportunity to escape.

Tumayo siya. “Excuse me, Sir, Ma’am.”

“Dalhan mo rin kami ng menu, waitress. Dito na kami mag-I-snack ng love ko,” sabi ni Yana at matamis na ngumiti kay Joziah.

“Don’t leave!” pakiusap ni Joziah at pinigilan siya sa braso.

“Kailangan ko pong asikasuhin ang customer, Sir.” Di na siya nagpapigil pa dito at tumuloy sa counter. “Doreen, pakiasikaso ang customer natin,” utos niya sa tauhan na nagpapahinga doon at nakikipag-kwentuhan.

“Such a social climbing freak! Sukat tawagin kang waitress lang samantalang nagsusumigaw sa nameplate mo na manager ka,” sabi ni Celestine nang lumapit sa kanya sa counter.

“Nandito ka pa?” bulalas niya.

“Siyempre. Binabantayan ko ang date ninyo ni Sir Joziah. Bakit hinayaan mong maagaw siya ng bruhang Yana na iyon?”

Nagkibit-balikat siya. “May trabaho ako. Ayokong sinasayang ang oras ko sa lalaki samantalang oras ngayon ng trabaho.”

“Hindi dapat ipinamimigay ang mga guwapong lalaki sa isang ambisyosang babae katulad niya.” Tinapik nito ang balikat niya. “Bumalik ka sa kanila. Dali! Hilahin mo ang buhok ng babaeng iyon. Bugawin mo!”

“Two-thirty na. Tapos na ang oras na ibinigay kay Joziah. Babalik na ako sa trabaho,” aniya sa malamig na boses at pumasok sa kitchen para di na makita si Joziah at ang babaeng kasama nito.

Oras na para bumalik sa trabaho. Oras na para kalimutan ang isinisigaw ng puso niya. Hangal siguro ang puso niya para mahalin si Joziah. Pero hindi na niya hahayaan ang sarili na sumugal ng masaktan. Tatalikod siya sa tawag ng pag-ibig.

NovelDark

Your free library of light novels, web novels and translations. Romance, fantasy, action, drama — thousands of chapters updated daily, no signup needed.

Genres

© 2026 Noveldark. All rights reserved.