“Uyyy! Amoy Stallion Shampoo si Ma’am Brescia,” tukso ni Doreen paglabas niya ng banyo. “Mukhang maganda ang gising natin, ah!”
Alas sais pa lang ng umaga noon. Tanghali pa ang pasok niya pero nasanay na siyang maagang gumising.
“Anong palagay mo sa akin? Nagsa-shampoo lang kapag maganda ang gising?” singhal niya habang tinutuyo ang buhok.
“Hindi naman sa ganoon, Ma’am. Tingin ko lang blooming kayo. Dahil ba madalas na umali-aligid sa inyo si Sir Joziah?”
Natigil siya sa pagtuyo ng buhok. “At kailan ka pa naging tsismosa?”
Humagikgik ito. “Matagal na po, Ma’am. Hindi lang halata dahil ngayon lang naman kayo nagka-lovelife.”
“Huwag ka ngang masyadong magdidikit kay Celestine. Nagka-boyfriend lang iyon ng taga-showbiz naging intrigera na rin.” Si Celestine naman kasi ang promotor na nagkakalat sa lahat na may relasyong namamagitan sa kanila ni Joziah. Pati tuloy ang mga staff niya ay tinutukso na rin siya.
“Obvious naman na gusto kayo ni Sir Joziah. Nagpapakipot lang kayo. Kung may ganoon kaguwapong member ng riding club na magkakagusto sa akin, hindi ko na pakakawalan,” kinikilig nitong sabi.
Halos lahat naman ng babae sa Pilipinas ay gustong makapasok sa riding club na pugad ng mga nagguguwapuhang kalalakihan. At ang mga nasa loob na ng riding club ay nag-aambisyong may makapansin sa kagandahan ng mga ito.
“Hindi ako nagpunta dito sa riding club para magka-boyfriend. Nandito ako para magtrabaho. At iyan din ang ilagay mo sa isip mo. Kailangan mo nang pumasok sa trabaho dahil si Ma’am Danzelle Ann ang may hawak sa inyo ngayong umaga.” At mahigpit si Danzelle Ann sa oras kapag ito ang nagbabantay ng restaurant.
“Ma’am, may padala po pala sa inyo na breakfast si Sir Joziah. Sana sagutin na ninyo siya, Ma’am,” pahabol pa nito bago umalis.
Binuksan niya ang dish cover. Muntik na siyang maglaway nang makita ang strawberry waffle na padala ni Joziah. Naging ugali na nitong padalhan siya ng agahan dahil wala daw siyang hilig na mag-agahan. Nadala itong sabayan siya na mag-breakfast dahil lagi niya itong tinataguan. Di tulad kapag nagpadala ito ng pagkain ay tiyak na kakainin niya dahil ayaw niyang masayang ang pagkain.
She was touched. Naroon kasi ang effort nito na ipakita ang pag-aalala sa kanya. Sinisikap din nito na alagaan siya. Iyon ang hindi nagbago kay Joziah. Kahit noong college pa sila ay maalaga na ito.
Dati ay lagi siyang nagkakaroon ng pagkataon na pasalamatan ito. Ngayon naman ay ni hindi niya ito kinikibo. She felt bad. Kahit man lang kasi simpleng appreciation ay di niya maipakita dito. And that was not her.
Kailangan nyang makabawi kay Joziah. She had to thank him.
Matapos magbihis ay naglakad-lakad siya sa riding club. Kahit pa puyat nang nagdaang gabi sa pagbabantay sa music lounge ay nagjo-jogging pa rin si Joziah. Health buff kasi ito at gusto nito ang hangin sa riding club kapag umaga.
Palinga-linga siya at tinatalasan ang mga mata dahil baka nasa paligid lang si Joziah. Di niya maipaliwanag ang excitement na nararamdaman niya. Parang ang naramdaman niya noong first date nila, magpapasalamat lang naman siya dito. Ni hindi nga sila magde-date.
Naglalakad-lakad siya papunta sa Forest Ridge nang matanaw niya si Joziah. Kung dati ay umiirap siya kapag nakikita ito, ngayon ay awtomatiko siyang ngumiti. Subalit naglaho ang ngiti sa labi niya nang makitang nakasunod dito ang tumatakbo din na si Yana na nakasuot ng maiksing shorts.
“Joz, wait for me!” sigaw nito. Nang di tumigil si Joziah ay bumagsak na lang ito at napasigaw sa sakit.
Tumigil sa pagtakbo si Joziah at dinaluhan ito. “Yana, okay ka lang?”
“Masakit ang kamay ko saka may sugat ang tuhod ko,” mangiyak-ngiyak na sabi ni Yana. “Magagalit ang mommy ko. Di na ako magiging Miss Universe. Hindi mo na siguro ako magugustuhan dahil pangit na ang legs ko.”
“Tumahan ka na. Mabuti pa dadalhin na kita sa clinic,” anang si Joziah at pinara ang dumaang golf cart na nagsisilbing mode of transportation sa riding club.
Sa pag-aalala nito kay Yana ay di man lang nito napansin na nasa di kalayuan lang siya at pinanonood ito.
Di maiwasang bumangon ang inis niya kay Joziah. Pagdating talaga sa ibang babae ay sasaklolo ito nang walang sabi-sabi. At siya na naman ang naiwan sa huli.
“BRESCIA! Kumusta naman ang kagandahan natin ngayon? Pinasasabi pala si Sir Joziah kung pwede ka daw sumama mamaya sa…”
“Hanggang diyan ka lang!” nakapamaywang niyang harang dito bago pa ito makatuntong sa Lakeside Café and Restaurant. “At pakisabi sa boss mo hindi ako interesadong pumunta sa kahit saan na nandoon siya lalo na sa teritoryo niya.”
“Ano na naman ito? May LQ na naman kayo ni Boss?”
“Masyado kasi siyang nagpapauto sa babae. Nagdapa-dapaan lang ang Yana na iyon at kunyari nagasgasan, naniwala naman siya. Idinala pa niya sa clinic. It was obviously a fake!”
Lagi nilang nagiging problema iyon ni Joziah noon pa man. Basta may babaeng nangangailangan ng tulong nito, di ito mangingiming lumapit kahit na ilang beses pa itong mapahamak dahil sa pagmamagandang-loob nito.
Sumandal ito sa wooden rail ng hagdan. “Ah! So nagseselos ka pala.”
“Ako? Nagseselos? Hindi ka ba nakikinig? Pagdating sa mga babae, masyado siyang mabilis na magpauto. May umiyak lang sa harap niya, inaalalayan agad niya. Obvious naman na gusto lang mapalapit ng babaeng iyon sa kanya.”
“Kaya siguro nag-break kayo noon dahil selosa ka.”
Ipinadyak niya ang paa. “Nakakainis ka na! Hindi ka naman nakikinig.”
“I am listening, Brescia. Di ba naiinis ka dahil matulungin at gentleman si Sir Joziah. Kahit alam niyang niloloko siya ng babae, tinutulungan pa rin niya dahil sadyang gentleman at generous siya. Aba’y selosa ka nga!”
“Oo na. Ako na ang mali. Kampi ka na naman doon sa boss mo.”
Ano pa ba ang inaasahan niya? Amo nga pala nito si Joziah. Sa halip na siya ang kampihan ay gusto pa nitong I-promote ang pagiging mabait ni Joziah sa ibang babae. At hindi siya nagseselos. Mas tamang sabihin na naiinis siya.
“Bakit hindi mo na lang kasi aminin na nagseselos ka?”
“Hindi nga ako nagseselos!” giit niya.
“Hindi ka lang selosa. In denial ka pa. Mabuti pa bawas-bawasan mo ang pagiging masungit mo. Hindi habambuhay pagtitiisan niya ang kagandahan mo. Samantalang marami namang babae diyan na sweet na lapit nang lapit sa kanya.”
Nanghaba ang nguso niya. “Sino ba ang may sabi na lapitan niya ako? Mabuti nga na doon na lang siya sa mga babae niya.”
“Talaga, ha? Sinabi mo iyan. Masabi na nga rin kay Boss,” anito at nagpaalam na sa kanya. Lalo tuloy sumama ang mood niya habang nagtatrabaho.
Nasa isang table siya at pinag-aaralan ang mga preparation na ihahanda niya sa muling pagbubukas ng Lakeside Café and Restaurant matapos ang renovation nang lapitan siya ni Chef Henry.
“Hindi ka pa daw nagdi-dinner,” untag nito sa kanya.
“Wala pa akong gana. Uunahin ko na muna ito.” Marami na kasing magbabago sa Lakeside Café and Restaurant. Kailangan niyang tiyakin na magiging maayos ang transition ng lahat pati na ang program sa mismong opening.
“Mahirap ang nalilipasan ng gutom. Ginawan kita ng hardinera sandwich.” At inilapag nito ang plato ng sandwich.
“Hindi mo naman ako kailangang ipagluto nito.”
“Ikaw kasi ang unang nag-approve nito para sa menu.”
Isa iyong pagkain ng mga taga-Quezon. Parang morcon na embutido. Hindi siya masyadong mahilig sa karne pero nagustuhan niya.
“Masarap naman kasi ang luto mo,” aniya at bahagyang ngumiti.
“Kaya dapat mong kainin iyan. Ubusin mo. Ayoko rin na may nakikitang nagugutom dito samantalang kaya ko namang magluto.”
“Thank you. Don’t worry, kakainin ko iyan.”
Bumalik si Chef Henry sa kusina kaya itinuloy na niya ang trabaho niya. Nagsisimula na siyang matakam sa sandwich nang biglang sumulpot si Joziah.
“Wow! Ang sweet naman ng chef mo at ginawan ka pa ng sandwich.”
“Hindi pa kasi ako kumakain kaya ipinagluto niya ako.”
Saka niya naalala na naiinis pa siya dito kaya wala siyang ganang kumain. Kung kailan siya natatakam, saka pa ito sumulpot. Mukhang ayaw siyang pakainin.
“Ako rin hindi pa kumakain,” anito at kinagatan ang sandwich niya.
Nanlaki ang mata niya. “Hoy! Bakit mo kinakain iyan?”
“Mukhang mataas ito sa calories. Um-order ka na lang ng iba. Sagot ko.”
“Bakit hindi na lang ikaw ang um-order ng pagkain mo?”
“Malay ko ba kung may gayuma ito. Eh, di nagayuma ka pa niya.”
“Bakit naman ako gagayumahin ni Chef Henry?”
“Bakit ka naman niya ipagluluto ng walang dahilan?” ganting-tanong nito. “Saka observant ako. Nararamdaman ko na lagi siyang nakatingin sa iyo.”
“Ano naman sa iyo kung nakatingin siya sa akin? Nagpunta ka lang ba dito para tingnan kung may love interest sa akin ang chef namin?”
Gusto lang yata nitong lalong sirain ang araw niya. Hindi na ito nasiyahan sa pagkalong-kalong kay Yana, lalagyan pa nito ng ibang kulay ang pagmamagandang-loob sa kanya ni Henry.
“Nagpunta ako dito para itanong kung nagustuhan mo ang strawberry waffle na ipinadala ko kaninang umaga. Tapos makikita ko lang na sweet na sweet kayo ng chef na iyon. Siguro gusto mo rin siya, ‘no?”
“He is nice to me. Natural lang na maging mabait din ako sa kanya.”
“Nice din naman ako sa iyo. Bakit hindi ka mabait sa akin? Lagi mo na lang akong sinusungitan.”
“Kung ayaw mong sinusungitan kita, huwag ka na lang magpakita. Huwag ka na lang lalapit sa akin. Doon ka na lang sa ibang babae na naghahabol sa iyo. I am sure mas maa-appreciate nila ang atensiyon mo.”
Dumilim ang anyo nito. “Tama ka. Siguro nga wala namang mangyayari sa akin dahil di mo naman naa-appreciate ang presensiya ko.” Tumayo ito. “Don’t worry. Hindi ko na kayo aabalahin ng chef mo.”
“Stupid! Wala kaming relasyon ni Chef Henry,” mahina niyang usal habang palayo ito. Kung kaya lang sana niyang sabihin na nagseselos siya kaya nagiging masungit siya dito. But she won’t do that.
Ito ang gusto niya. Ang dumistansiya si Joziah sa kanya. Pero bakit hindi siya masaya? Bakit gusto niyang bumalik ulit ito sa kanya?
“NAG-MEMBER nga ng Stallion Riding Club si Dryan pero puro trabaho din naman ang aasikasuhin niya kapag nandito kami. Buti na lang dito ka rin nagtatrabaho kundi mamamatay ako sa inip dito,” angal ni Ederlyn habang nagmimiryenda sila sa Rider’s Verandah. Kasalukuyang nire-renovate ang Lakeside Café and Restaurant kaya iyon lang ang available na restaurant sa riding club.
“Maiinip ka rin dito lalo na kung hindi ka marunong mag-horseback riding. Malamang sa ganito ka na lang babagsak. Sa pakikipagkwentuhan.”
“Mabuti naman at nahatak kita ngayon. Kahit naman nire-renovate ang restaurant ninyo, busy ka pa rin sa trabaho.”
Nagkibit-balikat siya. “I can’t help it. Marami kaming bagong staff na kailangang I-orient. Pati ang mga dati naming staff kailangang masanay.”
Magbabagong-bihis na ang Lakeside Café and Restaurant. Kasabay niyon ay kailangang mai-orient ang staff sa mga bagong feature at menu ng restaurant. Karamihan sa mga guest ay di pamilyar sa mga Filipino menu and beverages nila. Kaya kailangan din silang mag-focus doon.
“Baka naman magkasakit ka tulad ni Joziah sa sobrang pagtatrabaho.”
“May sakit si Joziah?” bulalas niya.
“Hindi mo ba napapansin? Mukhang malulungkutin siya ngayon. Di tulad dati na palaging nakangiti at makulit. Siguro kasalanan mo.”
Iniwas niya ang tingin dito. Hindi na nagagawi si Joziah sa Lakeside Café and Restaurant mula nang sabihin nitong di na magpapakita sa kanya. “Oo na. Kasalanan ko na. Inaway ko na siya. Kokonsensiyahin mo pa ako!”
“Talaga? Nag-away na naman kayong dalawa?”
“Kunyari ka pa na hindi mo alam. I am sure nagsumbong sa iyo ‘yon.” At tuwing may away sila ni Joziah, laging sa kay Joziah ito kumakampi.
“I am sure nasaktan siya sa nangyari. Ano ba kasi ang ginawa mo?” may halo na agad paninising sabi nito.
“Sukat ba naman pagbintangan kami na may relasyon ni Chef Henry. Nakakainis! Samantalang siya nga nagpapauto ibang babae. Nagdapa-dapaan lang sa harap niya, binuhat naman niya at idinala sa clinic.”
“Ah! Nagselos ka sa kanya kaya pinagselos mo rin sa pamamagitan ng chef ninyo. Kaya naman pala matamlay iyong isa.”
Nasapo niya ang sariling pisngi. “Teka. Lumalala na yata ito. Hindi ako nagseselos sa babae niya. Ang sa akin lang, mabilis siyang magpauto. At hindi ko siya pinagseselos kay Chef Henry. Nagmagandang-loob lang iyong tao na ipagluto ako ng pagkain, nang makita niya binombard agad kami na may relasyon kami.”
“Intindihin mo na lang. Alam mo naman kung gaano ka-in love sa iyo si Joziah. Kaya pagpasensiyahan mo na lang. At huwag ka na ring magselos kung may ibang babae siyang tinutulungan. That’s Joziah anyway. Hindi siya makakatiis na may babaeng nahihirapan. Huwag mo siyang parusahan dahil doon.”
Saglit siyang natahimik. Kahit naman siguro magalit pa siya kay Joziah, hindi na maalis dito ang maging gentleman at mabait sa mga babae.
“Sige na. Susubukan ko nang makipag-usap sa kanya.”