Stallion Series (Sofia Edition) Chapter 219

Nabasan ang kaba ni Brescia nang marahan lang ang paglalakad ng kabayo nila ni Joziah. Mas na-appreciate nga niya ang kagandahan ng Stallion Riding Club at relaxing din na sumakay ng kabayo.

“Kaya naman pala ipino-promote din ng riding club ang horse therapy. Nakaka-relax kapag nakasakay sa kabayo,” sabi niya. Nang lumingon siya ay nahuli niyang ngingiti-ngiti si Joziah. “Anong nginingiti mo diyan?”

Iniwas nito ang tingin sa kanya subalit nakita pa rin niya ang pinipigil na ngiti sa labi nito. “Wala.”

“Wala pero ngiting-ngiti ka diyan. Pinagtatawanan mo siguro ako dahil hindi ako sanay sumakay ng kabayo, no? O kaya nabo-bore ka na dahil kasama mo ako.”

“Of course not. Pwede ba akong ma-bore kapag kasama ka? Masaya nga ako. Isipin mo, matagal ka na dito sa riding club pero wala ka namang sinamahan na makipag-date kundi sa akin lang?”

“Wala naman kasing kulit mo dito.” Kapag may nagyayaya sa kanya ng date at tinanggihan na niya ay di na siya ginugulo.

“Then I feel sorry for the other guys who asked you out. Hindi sila kasing guwapo ko kaya tinanggihan mo siya.”

Natawa siya sa mga biro nito. “Hindi ka pa rin nagbabago. Puro ka pa rin kalokohan at kayabangan hanggang ngayon.”

“Kaya ka nga na-in love sa akin, di ba?”

Ngiti lang ang isinagot niya. Noong boyfriend niya ito, wala na itong ginawa kundi ang patawanin at pangitiin siya. Naging magaan sa kanyang tanggapin ang pagkawala ng magulang niya dahil ipinaramdam nito na di siya nag-iisa. At iyon din ang ipinararamdam nito sa kanya ngayon.

“Okay lang ba sa iyo sa Forest Trail?” tanong ni Joziah. “Gusto ko kasi mabisita ang falls nila. Doon na tayo magpahinga at magmiryenda.”

“Minsan lang ako nakapunta sa falls tapos nilakad ko lang.”

Kasama niya ang ilan sa staff niya noon dahil di naman nila kayang mag-rent ng kabayo para makapasyal sa riding club.

“Kami ni Red Maiden ang bahala sa iyo.”

Papasok na sila sa Forest Trail nang may tumawag sa pangalan ni Joziah. “Joziah, wait! Wait for us!” tawag ni Yana dito habang sakay ng kabayo.

Kasama ni Yana ang dalawang kaibigang babae na guest din sa riding club. Mukhang naghahanap din ang mga ito ng makaka-date dahil walang escort na member. Subalit ang puntirya ni Yana ay si Joziah mismo kaya naman ihinahanda na niya ang sarili. Baka magpahulog ito sa kabayo mapansin lang ni Joziah. Hindi naman na iyon bago sa mga strategy ng mga babaeng nagpapansin lalo na si Yana.

“Oh, Yana! Akala ko nasa Australia ka,” wika ni Joziah na pinatigil ang kabayo nito. Hinila din niya ang renda ng kabayo niya para huminto.

“Mami-miss kita kaya hindi ako umalis. I thought we could spend more time together. Kaya nga sinundan ka namin ng friends ko.”

Matamis ang ngiti ni Yana kay Joziah subalit tinaasan siya ng kilay nang sulyapan siya. Maging ang mga kaibigan nito ay ganoon din.

“Ipinapasyal ko kasi si Brescia,” sabi ni Joziah.

“Napaka-generous mo naman sa waitress,” malambing na sabi ni Yana kahit na parang may asido ang bibig nito.

“She’s not a waitress. Manager siya ng Lakeside Café and Restaurant,” pagtatama ni Joziah.

Nagkibit-balikat si Yana. “Just the same. Hired help pa rin siya.”

“Does she even know how to ride?” tatawa-tawang tanong ng kaibigan ni Yana. “Mukhang hindi bagay sa kanya ang kabayo. Mukhang cheap.”

“Parang mas maganda yata kung tumatakbo ang kabayo at hindi naglalakad lang, hindi ba?” sabi ni Yana.

Di niya inaasahan nang tapikin nito nang may kalakasan si Red Maiden. Nagulat ang kabayo. Humalinghing ito at biglang tumakbo nang mabilis. Napatili na lang siya dahil di niya inaasahan ang reaksiyon ng kabayo. Sumibad ito ng takbo sa malawak na damuhan. Sa sobrang pagkatuliro niya ay hindi niya alam kung paano patitigilin ang kabayo. Napayakap na lang siya habang hinahampas ng malakas na pwersa ng hangin ang mukha niya.

“Joziah!” tili niya. Parang mamatay siya sa sobrang takot. Pakiramdam niya ay ilalaglag siya ng kabayo anumang oras kapag di iyon napatigil.

Pinasibad din ng takbo ni Joziah ang kabayo nito at hinabol siya. “Brescia, kumapit ka lang mabuti,” sigaw nito.

Sumubsob siya sa leeg ng kabayo. “Hindi ko na kaya. Baka mahulog ako.”

Di naman lingid sa kanya kung gaano kadelikadong mahulog sa kabayo. Wala siyang planong matapos nang maaga ang buhay niya. Ayaw pa niyang mawala sa mundo. Gusto pa niyang makasama si Joziah.

Nag-take over si Joziah at ihinarang nito ang kabayo nito sa dadaanan nila ni Red Maiden. Tumigil si Red Maiden at inabot ni Joziah ang renda nito. Bumaba si Joziah sa kabayo at dinaluhan siya.

Inabot nito ang kamay sa kanya. “You are safe now. Pwede ka nang bumaba,” anito sa malumanay na boses.

Nanatili pa rin siyang nakayakap kay Red Maiden. “Di ko na yata kayang bumaba. Nanginginig ang tuhod ko.”

Naroon pa rin ang matinding takot kahit na di naman siya bumagsak o ihinulog ni Red Maiden. At paano kung di rin tumigil si Red Maiden sa kabila ng pagharang ni Joziah dito? Baka pati si Joziah ay napahamak.

“Its okay now. Aalalayan kitang bumaba.”

Hinawakan siya ni Joziah sa baywang at hinayaan niyang mabuhat siya nito. Pag-apak pa lang ng paa niya sa lupa ay yumakap na agad siya dito. Kusa rin na yumakap ang mga kamay nito sa kanya.

“Natatakot ako, Joziah! Parang ayoko nang sumakay ng kabayo,” aniya sa nanginginig na boses.

“Hindi na kita pipilitin.” Mahigpit lang siya nitong niyakap at isinubsob ang mukha sa buhok niya. “Its okay now. I am here. You are safe.”

Bahagya siyang nakaramdam ng kapayapaan habang nasa bisig nito. Unti-unti ring naglalaho ang takot. Sapat na ang init ng yakap nito para kumalma siya. Sana ay lagi na lang itong nasa tabi niya. Basta’t magkasama sila, hindi na siguro niya iisipin ang kahit anong kinatatakutan niya.

Nakarinig sila ng mataginting na halakhak. Nang lumingon siya ay nakita niya ang grupo ni Yana na palapit sa kanila. “What a pity, Ronjie! Kitang-kita mo ba kung gaano siya kaputla. Parang kilawin,” sabi ni Yana na pinakamalakas ang tawa.

“Hindi ko kasi alam kung bakit nagpipilit pang sumakay sa mga mamahaling kabayo. Obviously, ayaw sa kanya ng kabayo. Tayo lang ang bagay na sumakay doon,” sabi ni Chariz na parang proud na proud pa sa ginawa ni Yana. Bagay na bagay ngang magsama ang mga bruha.

Nakita din niya ang pagtalim ng mga mata ni Joziah bago ilagay ang headset sa tainga. “Kindly send a medical team here. Muntik nang malaglag si Brescia sa kabayo. I want to make sure that she is okay.”

“Medical team? That’s a bit too much,” reklamo ni Yana. “Wala namang nangyaring masama sa kanya. Hindi naman siya nahulog sa kabayo.”

“Dapat yata iyong kabayo ang patingnan mo dahil baka na-allergic siya dahil nagpakasakay ka ng cheap na babae sa kanya,” gatong pa ni Ronjie.

Humigpit ang hawak ni Joziah sa renda nito saka hinarap ang grupo nila Yana. “Huwag ninyong hintayin na ibalik ko sa inyo ang mga sinabi ninyo. I am trying to be a gentleman here so don’t try my patience.”

Napipilan ang mga kaibigan ni Yana habang si Yana naman ay nagulat. “Bakit? May ginawa ba kaming di mo nagustuhan?” painosente nitong tanong.

“Muntik nang madisgrasya si Brescia dahil sa kagagawan mo. Sa palagay mo ba dapat kong ikatuwa iyon?” pagalit na tanong ni Joziah.

Pilit na ngumiti si Yana. “Hindi ko naman alam na di siya marunong na mag-kontrol sa kabayo niya. Dapat sana nag-aral siya noon.”

“Then you and your friends should be nicer. I will have you banned from the riding club,” walang kangiti-ngiting sabi ni Joziah.

Namutla si Yana at ang mga kasama nito. “No! That’s just a joke. You can’t do that to us.”

Ngumisi si Joziah. “Try me.”

Saka siya nito binuhat at inilapit sa cart ng medical team na dumating. Matapos ang initial check up ay isinakay din siya ni Joziah sa cart para dalhin sa clinic. Naramdaman niya ang matalim na tingin ng grupo nila Yana subalit wala siyang narinig na pagbawi mula kay Joziah sa banta nito.

“BAKIT dito mo pa gustong pumunta? Hindi ba dapat nagpapahinga ka na?” tanong ni Joziah kay Brescia habang nasa bench sila malapit sa wooden dock.

“Gusto ko dito dahil nare-relax akong panoorin ang mga ibon sa lake,” sabi niya at ikinuyakoy ang paa.

“Pero baka makasama sa iyo…”

“Walang nabali sa akin sabi ni Doc Kester,” maagap niyang sagot sa mga protesta nito. “Hindi naman ako nalaglag sa kabayo, hindi ba? I am safe.”

“Talaga? Sinabi niya na safe na safe ka?”

Tumango siya. “Pwede na ulit akong sumakay sa kabayo kung gusto mo.” Matapos ang nangyari kanina, parang mas lalo pa niyang gustong matutong sumakay ng kabayo. Marami pa siyang dapat na pag-aralan.

Naging malamlam ang mata nito nang haplusin ang buhok niya. “Hindi na lang kita pasasakayin ng kabayo kung madidisgrasya ka lang. Di mo lang alam kung gaano katindi ang takot ko kanina. Magagalit ako sa sarili ko kung nasaktan ka.”

“Mas magagalit naman ako sa sarili ko kung nasaktan ka dahil sa akin. Sana nag-aral akong mabuti sa pagsakay sa kabayo para di ko na kailanganin ang tulong mo. Simpleng pagpapatigil lang sa kabayo, di ko pa magawa.”

Minsan ay naiisip nga niya na tama ang grupo ni Yana. Hindi niya deserve na makasama si Joziah. Simpleng pagkontrol sa kabayo ay hindi siya marunong.

“No. It was never your fault. Kasalanan iyon nila Yana. Nahalata siguro nila na di ka sanay sumakay sa kabayo kaya gusto ka nilang ipahiya.”

“Kumusta na pala sila Yana? Siguro naman hindi mo sineryoso ang pagre-recommend sa kanila na ma-ban sa riding club.”

Kumunot ang noo nito. “Mukha ba akong di seryoso kanina? Sinabi ko na ipapa-ban ko sila, so I did it.”

“What?” bulalas niya. “Bakit naman ipina-ban mo pa sila?”

“Muntik ka nang mapahamak dahil sa kagagawan nila. They are vicious creatures. Ni hindi man lang sila nakonsensiya sa ginawa nila sa iyo. They were laughing so hard. Ano bang klaseng tao sila?” anitong di maitago ang galit. Di kasi niya inaasahan na magagalit nang todo si Joziah. Nasanay na siya sa pagiging malambing nito sa mga babae. Na parang di ito gagawa ng ikasasakit ng iba.

“Pero kawawa naman sila. Pinaghirapan nilang makapasok dito sa riding club. I am sure malulungkot sila dahil na-ban sila.”

“Wala akong pakialam sa hirap nila. Saka huwag mo silang kaawaan. Hindi dapat kinaawaan ang mga katulad nila. Nakita ng security ang ginawa nila sa iyo. Myco Gosiaco recommended the ban of those three himself.”

At kapag ang security head na si Myco ang nag-recommend ng pagba-ban ay agad na inaaprubahan iyon ni Reid Alleje. Mabilis ang desisyon sa pagba-ban sa mga non-members at guest lang ng riding club tulad nila Yana.

“Na-ban kasi sila dahil lang sa akin.”

Kinabig nito ang ulo niya at ihinilig sa balikat nito. “No! Don’t ever say that. Huwag mong minamaliit ang sarili mo.”

“Hindi naman ako nasaktan. Kaya kinalimutan ko na iyon.”

“Pwes, hindi ko iyon kalilimutan. Kung ako lang, kaya kong palagpasin. Mahaba ang pasensiya ko. Pero ibang usapan na kapag ikaw ang sasaktan nila. For me that is unforgivable.”

Tiningala niya ito at nakita niya ng ningas ng galit sa mata nito. Pakiramdam niya noon, balewala siya at ang nararamdaman niya basta may ibang babae na kasangkot. Na mas iniisip pa ni Joziah ang ibang babae at nasasantabi na siya. Subalit ngayon niya napatunayan na mahalaga nga siya dito. Na handa siya nitong protektahan basta siya ang nasa panganib.

Yumakap siya sa baywang nito. “Joziah, hindi ako sanay nang nagagalit ka. But thank you for taking care of me.”

“I will never tolerate people who have ill intention towards you. Lalo na kung sasaktan ka nila dahil sa akin. Kapag napahamak ka, sarili ko rin ang sisisihin. Mas mabuti nang ako ang masaktan kaysa ikaw.”

Umiling siya. “Mas malulungkot naman ako kapag ikaw ang nasaktan.”

Tinitigan siya nito at pilit na hinuli ang mata niya. “Ibig bang sabihin importante ako sa iyo?”

Kumalas siya sa yakap nito at iniwas ang tingin. “Lagi mo namang sinasabi at ipinagdidiinan sa akin na importante ka sa akin, di ba?”

“Iba pa rin kapag ikaw ang mismong magsasabi. Gusto kong marinig.”

Huminga siya nang malalim. Kahit noong boyfriend pa niya ito, hindi siya masyadong vocal sa nararamdaman niya para dito. “Yes. You are important to me.”

“Ibig din bang sabihin in love ka sa akin?”

Tumingala siya sa langit. Di kasi niya ito matingnan nang diretso. “Kailangan mo ba talaga akong I-torture nang ganito?”

“Sige. Huwag mong sabihin. Pumikit ka na lang kung in love ka pa sa akin.”

Bago pa siya makapag-isip ay kusang sumara ang mga mata niya. At naramdaman din niya ang dampi ng labi ni Joziah sa labi niya.

Their lips joined in a fiery fashion. It was heavenly. Nakapikit man siya at di tanaw ang langit subalit parang nararamdaman niyang nasa langit siya. Abot na niya ang ulap dahil lang sa halik ni Joziah. It had always been that way between them. He could always bring her to greater heights because of his love. At sa mahabang panahon ay noon lang niya muling naranasang lumutang sa alapaap.

“I love you, too,” bulong ni Joziah sa kanya at kinintalan ng halik ang noo niya. “I swear that I will protect you. Hangga’t kaya ko, hindi ako papayag na masaktan ka. I don’t want to lose you anymore.”

Naluha siya nang yakapin nito. “So do I.”

Seven years and she lived in emptiness. Parang humihinga lang siya subalit walang kabuluhan dahil wala si Joziah sa buhay niya. Ngayon lang ulit niya naramdaman kung paano ang mabuhay dahil sa pagbalik nito. And she never felt so happy. Kahit na ang takot na masaktang muli ay di na niya iniisip pa.

“Living without you was sheer hell. Hindi ko alam kung paano ako nabuhay sa loob ng pitong taon na wala ka sa buhay ko,” bulong nito. “Now, I just want to love you and take care of you. I will never let you go this time, Brescia.”

Sumilay ang ngiti sa labi niya nang muling yakapin nito. All those years, she had hated him. Parang nabuhay lang siya na tanging pagkamuhi at hinanakit ang naramdaman para dito.

Subalit ngayon ay wala na ang galit na kumain sa kanya sa loob ng pitong taon. Parang binura na iyong tuluyan ng malamig na simoy ng hangin as puso niya. And she never felt so happier compare to those seven years that she hated him.

At gagawin din niya ang lahat para protektahan ang pagmamahalan nila. Hindi rin niya ito pakakawalan pa.

NovelDark

Your free library of light novels, web novels and translations. Romance, fantasy, action, drama — thousands of chapters updated daily, no signup needed.

Genres

© 2026 Noveldark. All rights reserved.