Natigilan sa pagtingin sa mga magazine si Brescia nang maramdaman ang pagtitig ni Joziah sa kanya. Nang lumingon siya ay halos di nga siya nito hinihiwalayan ng tingin.
Siya rin ang sumuko at binawi ang tingin. “Pwede kang kumurap. Hindi naman ako mawawala. Dito lang ako.”
Nasa bookstore sila ng SM Dasmariñas na siyang pinakamalapit sa Stallion Riding Club. Day off niya at pinili niyang ito ang makasama. Hindi niya inaasahan na sa mall sila magde-date. Mas madalas kasi na sa riding club lang sila o kaya ay dumadalaw sa mga kaibigan kapag magkasama sila.
Inipit nito ang ilang hibla ng buhok niya sa likod ng tainga niya. “I just can’t believe that you are here with me. Na nahahawakan ko na ulit ang kamay mo. Just like the old days.”
Nanginig ang kamay niya at muntik nang ibagsak ang magazine na hawak. Di na niya kailangan pang tingnan ang mga mata nito. She knew that they were hot with passion. And it reminded her of those times that they were intimate. She could turn into an ardent woman in his arms.
Ibinalik niya ang magazine sa rack. Nang lingunin niya ito ay matiim pa rin ang tingin nito sa kanya. Huminga siya nang malalim. “Joziah, stop looking at me like that.”
“Why? What’s wrong?” inosenteng tanong nito.
“Well, you have that look as if…”
Inilapit nito ang labi sa tainga niya. “As if I want to make love with you?”
Nahigit niya ang tingin. Lalo lang niyang naalala kung gaano sila kalapit noon sa isa’t isa. How she would easily melt in his arms with just a simple look. Yes, she was so young and carefree. At si Joziah lang ang hinahayaan niyang makakita ng bahagi niyang iyon. Kung gaano siya kahina pagdating dito.
Nakagat niya ang labi at bahagya siyang sumandig sa magazine rack para pigilan ang panginginig ng tuhod niya. “Well cut it off,” she hissed.
Parang hindi ang pampublikong lugar na iyon ang tamang lugar para pag-usapan iyon. And aside from a few fiery kisses, he didn’t insinuate or suggested that he wanted more from her. Ngayon lang.
“I am just looking. I am not asking you to do it with me even if I want to.” Ito naman ang nag-iwas ng tingin sa kanya. “I just miss those days. But for now, I am just happy to have you with me. Iyon naman ang importante, di ba?”
“Ano nga pala ang gagawin natin dito sa mall?” pag-iiba niya ng usapan. “Magwi-window shopping lang ba tayo? Kakain? Manonood ng sine?”
“Ah! Samahan mo akong ibili ng regalo ang inaanak ko. May pupuntahan kasi tayong binyagan next week.”
Takang-taka siya kung bakit mabibigat ang hakbang niya habang papunta sila sa baby section ng mall. Samantalang iyon ang pinakapaborito niyang section ng department store. Kapag pumupunta siya sa mall, di pwedeng di siya dumaan doon at bumili ng kahit anong mumunting bagay na makikita niya.
“Are you okay?” tanong ni Joziah.
“Ha? Bakit?” Nagulat na lang siya nang nanatili lang pala siyang nakatayo sa may entrance ng baby section. Parang nag-freeze na ang paa niya doon. “Of course, I am. Halika na.”
Hinawakan nito ang kamay niya. Parang mabigat ang katawan niya. Hindi na siya nasisiyahan sa iba’t ibang kulay na nakikita niya. Ano ba ang problema?
“Hindi ko talaga alam kung ano ang ibibigay ko sa anak ni Alizah. Five months na iyong bata. Sa palagay mo ba makaka-appreciate na siya ng music?” tanong nito habang hawak ang rattle.
“Sa palagay ko magandang ma-expose siya sa music sa ganyang age,” malamya niyang sagot habang pinagmamasdan ito sa pamimili ng regalo.
It was so weird. Sa lugar na iyon siya pinakamasaya. Dapat nga ay siya pa mismo ang namimili ng regalo at nagsa-suggest kay Joziah. Pero nanatili lang siyang nakatayo doon at pinanonood ito. There was a nagging pain in her heart. Parang paulit-ulit siyang sinasaksak.
Ngumiti si Joziah nang damputin ang pink teether. “This one is cute. Anong age ba nagkakaroon ng ngipin ang bata? Pwede na siguro sa five months.”
Parang winarat ang puso niya nang makita ang ngiti ni Joziah. Kung gaano ito kasaya na napaliligiran ng gamit na pambata. Ito ang dahilan kung bakit siya nasasaktan. Ito ang patuloy na pumapatay sa puso niya. Hindi niya magawang maging masaya sa lugar na iyon dahil minsan na nitong pinatay ang pangarap niya. Binawi nito sa kanya ang pagkakataon na maging buo.
“Sa shoe section muna ako.” Itinuro niya ang section ng mga sapatos di kalayuan sa baby section. “Doon na lang kita hihintayin.”
Hindi na siya makakatagal sa baby’s section na kasama ito. Parang unti-unti siyang pinapatay. And she had to get hold of herself.
Ibinaba nito ang mga bibilhin at hinawakan ang kamay niya. “Mabuti pa umuwi na lang tayo.”
Umiling siya. “Hindi. Bilhin mo muna ang bibilhin mo.”
“Next time na lang ako bibili. Mukhang hindi maganda ang pakiramdam mo.”
Kahit anong kumbinsi niya dito ay pinili pa rin nito na umuwi na lang sila. Tahimik lang ito hanggang makabalik sila sa riding club.
Kinintalan siya nito ng halik sa noo nang itigil nito ang sasakyan sa harap ng worker’s lodge na tinutuluyan niya. “Magpahinga ka na. Maaga pa ang pasok mo bukas. Kung hindi kaya ng katawan mo, huwag mo nang pilitin.”
She felt guilty. Alalang-alala ito sa kanya kahit na wala siyang sakit. Di naman niya masabi dito ang totoo niyang nararamdaman.
“I am sorry for spoiling your day, Joziah.”
“No. I should apologize. Hindi kita dapat pinilit na umalis kung hindi mo kaya. Gusto ko lang namang makasama ka.”
“So do I.”
Nang yakapin niya ito, naglaho ang lahat ng sakit na nararamdaman niya. Subalit magiging masaya ba siya kung nananatili pa rin ang sekreto niya?
“AKALA talaga naming lahat ikaw ang unang mag-aasawa sa atin. Pero tingnan mo naman. Lahat kami may mga anak na. Nakakaapat na nga si Loren pero hanggang ngayon wala ka pa rin,” kantiyaw ni Dryan kay Joziah.
Nasa binyagan sila kasama ang mga kaibigan nito noong kolehiyo. Nagmistulang children’s party ang binyagang iyon. Bawat isa ay may kanya-kanya nang bitbit na anak. Pinupuno ng halakhakan at iyakan ng mga bata ang paligid. At mukhang sila lang ni Joziah ang out of place.
“Brescia, nagpaparinig sila,” ungot ni Joziah at inakbayan siya.
Ngiti lang ang naisagot niya sa kantiyawan ng lahat. Hanggang ngayon kasi ay di pa rin nao-open ang tungkol sa kasal.
“Hindi ba dati pa kayo nagpaplanong magpakasal at magkaroon ng baby?” tanong ni Rachelle Lou, ang nanay ng bininyagan. “Gusto pa nga nitong si Joziah after ng graduation, magkaroon na kayo ng pamilya. Anong nangyari?”
“Iaayos din namin ang lahat. Huwag ninyo kaming I-pressure,” wika ni Joziah. “Sabihin na nating nililigawan ko pa rin si Brescia hanggang ngayon.”
“Huwag naman ninyong tagalan. Hindi ka na rin naman bumabata,” kantiyaw ni Ederlyn sa kanya. “Bilisan na ninyo ang ligawan na iyan.”
Dumating ang yaya ni Alizah bitbit ang baby. “Uy, gising na pala ang baby ko,” malambing na sabi ni Rachelle Lou at kinuha mula sa yaya ang naghihikab pang bata. “Sino ang wala pang picture kasama si Alizah?”
“Kami ni Brescia,” sagot ni Joziah.
“Ikaw na ang kumalong sa kanya,” sabi ni Rachelle Lou.
“Ha?” Napalunok siya nang makita ang bata. “Huwag na lang ako.”
“Parang practice na rin iyan!” kantiyaw ni Dryan.
Wala na siyang nagawa nang ilagay ni Rachelle Lou ang sanggol sa mga bisig niya. May sumakmal na lungkot sa puso niya nang ngumiti sa kanya ang sanggol. Napatitig siya sa maamong mukha nito. Naramdaman niya ang init nito sa bisig niya. Parang masarap din sa pakiramdam ang mabangong amoy nito. Gusto niyang pupugin ng halik ang sanggol at yakapin nang mahigpit.
Nagbanta ang pagbagsak ng luha sa mga mata niya. She wished she could have done something like that if she had her own child. She missed doing that. Hindi niya alam kung may pagkakataon pa siyang gawin iyon.
“Brescia, look at the camera,” untag sa kanya ni Joziah.
“Huh!” At gulat siyang napatingin dito.
“Kukunan tayo ng picture. Smile!” anito at umakbay sa kanya.
Pilit siyang ngumiti subalit parang gusto sumabog ng dibdib niya sa matinding sakit. Parang dam na bibigay ang puso niya sa labis na emosyon.
She was in a dilemma. Walang ideya si Joziah sa hirap na pinagdadaanan niya. Kung paanong nais niyang umiyak subalit di niya magawa dahil kailangan niyang ngumiti. Kung paanong nais niyang ipagsigawan ang sakit na nararamdaman niya subalit kailangan niyang kimkimin ang sakit.
Mabilis niyang ibinalik si Alizah kay Rachelle Lou. Di na niya matatagalan pang hawakan ang bata at magkunwaring di siya naaapektuhan.
“Brescia, laruin natin si Alizah,” wika ni Joziah.
Tumayo siya. “Excuse me.”
“Bakit? Saan ka pupunta?” tanong nito.
“Sa powder room,” sagot niya sa nanginginig na boses at mabibilis ang hakbang na lumayo dito.
Mabilis siyang nagkulong nang makarating sa powder room. Doon niya ibinuhos ang pinipigilang luha at lahat ng kinikimkim na emosyon.
Parang ayaw na niyang bumalik pa sa binyagan at makita ang sanggol na si Alizah. Parang ayaw na niyang makakita pa ng batang masaya at nagtatawanan.
There was a time when she would really love to have her own baby. Na kung natupad man iyon ay siya na ang pinakamasayang babae sa mundo.
Nagkaron na siya ng pagkakataong iyon subalit binawi rin sa kanya. Ni hindi man lang niya nahawakan ang anak niya. Hindi na ito nagkaroon pa ng pagkakataon na mabuhay sa mundo. Hindi rin niya naramdaman man lang ang paggalaw nito. Huli na para sagipin pa ito. Ni hindi nito naramdaman ang pagmamahal niya. Ni hindi nito nalaman ang pakiramdam ng mabuhay sa mundo.
Subalit siya lang ang nakakaalam ng lahat. Solo niyang dinala ang sakit ng isang ina. At wala nang iba pang maaring makaalam ng sakit na dinadala niya. Kahit ang ama pa nitong si Joziah.
Kaya pa ba niyang ipagpatuloy nang normal ang relasyon nila kung tuluyan nang nagmarka sa puso niya ang sakit na idinulot nito at di na mabubura pa?
“ALIZAH is so cute. She likes me. Nakita mo ba kung paano siya ngumiti at humalakhak tuwing nilalaro ko? Nakakatanggal ng pagod.”
Hindi matapos-tapos ang kwento ni Joziah tungkol kay Alizah mula nang manggaling sila sa binyag ng bata. Habang siya ay tahimik habang pauwi sila sa Stallion Riding Club. Matapos kalungin si Alizah, nawalan na siya ng mood na makisaya kay Joziah at sa mga kaibigan nito.
“Mukha ngang nag-enjoy ka nga,” matabang niyang komento.
“Kung ganoon siguro ka-cute ang madadatnan kong bata sa bahay, hindi ko na iindahin kahit na mapuyat ako sa trabaho.” Itinigil nito ang sasakyan. “Mas maganda siguro kung uuwi ako sa bahay na madadatnan ko kayo ng baby ko.”
Nanlamig ang pakiramdam niya at niyakap ang sarili. “Hindi ko pa masyadong naiisip ang tungkol diyan.”
Bumakas ang pagtataka sa mukha nito. “Hindi ba ikaw pa nga ang excited na magka-baby tayo dati. Gusto mo pagka-graduate mo ng college, magpakasal na tayo agad para makabuo na tayo ng pamilya natin.”
“That was before, Joziah.” Kamamatay pa lang ng magulang niya at malungkot siya. Si Joziah na ang naging buhay niya.
“Ayaw mo bang magka-baby tayo?”
Sumigid ang sakit sa sentido niya sa tanong nito. Gumapang ang matinding takot na naramdaman niya noon. Paano kung iwan ulit siya nito? Paano kung mawala na naman sa kanila ang magiging anak nila?
Natatakot siya. Hindi na niya kayang pagdaanan iyong muli.
“Joziah, please don’t pressure me on this.”
Bumuntong-hininga ito at itinuon ang tingin sa harap ng manibela. “Akala ko matutuwa ka kapag pinag-uusapan na natin ang future natin. Marami akong plano para sa atin pero bakit parang hindi ka interesado?”
Nahimigan niya ang hinanakit sa tono nito. Akala nito ay balewala sa kanya ang lahat ng mga planong sinasabi nito. She used to have plans before. Subalit nabura ang lahat ng iyon. Ngayon ay natatakot na siyang magplano at mabigo.
“This is not the right time for this,” mariin niyang sabi.
“At kailan pa natin ito pag-uusapan? We are not getting any younger. Para saan pa ang pagsusumikap ko para sa atin kung hindi rin naman mangyayari ang mga plano natin.” Ginagap nito ang kamay niya. “I want to have a family. Tell me. Iyon din ba ang nararamdaman mo?”
Saglit siyang napipilan sa tanong nito. “I am sorry. I am just tired. Nape-pressure ako sa reopening ng restaurant. Kung pag-uusapan natin ang tungkol dito, gusto ko iyong wala akong ibang iniisip.”
She also wanted to have a family with him. Subalit kailangan pa niya ng panahon. Naroon pa ang mga takot sa mga pinagdaanan niya noon. She didn’t know if she could get through them again. Pero ayaw din niyang mawala si Joziah sa buhay niya. He’s important for her so was her self-preservation.
“Sorry.” Niyakap siya nito. “Hindi kita dapat minamadali. Tama ka. Dapat natin itong pag-usapan sa tamang oras. Hindi pa ngayon.”
Parang dahan-dahan na siyang sinasakal ng sarili niyang sekreto at pati ang relasyon nila ni Joziah ay naaapektuhan na. Dapat na ba niyang sabihin dito?
Hindi niya kaya. At iyon ang pangako niya sa sarili. Kahit kailan ay di nito malalaman ang tungkol sa anak nila.