Stallion Series (Sofia Edition) Chapter 221

Nakahinga nang maluwag si Brescia nang makita ang satisfaction sa mukha ng bawat guest na dumalo sa opening ng bagong Lakeside Café and Restaurant. Lahat ay nag-enjoy sa bagong Filipiniana ambiance ng lugar. Pakiramdam ng mga guest ay nakarating ang mga ito sa iba’t ibang lugar sa Pilipinas. Maging ang mga staff ay Filipiniana inspired din ang bagong uniform. Kaya naman festive ang mood at Filipinong-Filipino pati ang ihinahaing pagkain.

“Congrats, Brescia!” bati ni Joziah at niiyakap siya. “You did a great job.”

“Hindi lang naman ako. Lahat kami naghirap dito.”

“I just know that you are great. Sinabi ni Danzelle Ann na magaling kang organizer.” Inabot nito ang dalang bouquet sa kanya. “For you.”

“Thank you. Akala ko hindi ka na dadating.” Halos di kasi ito nagpakita nang mga nagdaang araw sa kanya. Naisip tuloy niya na nagtatampo pa rin ito dahil sa huling pagtatalo nila matapos ang binyag na pinuntahan nila.

“No. Alam ko kasi na busy ka at ayokong makaabala.”

“Masyadong paimportante ang isa diyan,” pagpapasaring ni Richard Don. “Late pang dumating para magpasikat.”

“Magpasalamat ka sa akin dahil hindi ko inabala si Brescia sa trabaho niya. Alam ko naman kung gaano kaimportante sa inyo ang opening,” depensa ni Joziah.

“Tama ka. Ano ang masasabi mo sa restaurant ko?” tanong ni Richard Don.

Iginala ni Joziah ang paligid. “Maganda. Very festive ang atmosphere. Nagustuhan ko ang rondalla. Parang nasa fiesta talaga ako.”

“Regular na ang rondalla na tutugtog dito sa restaurant ko. At siyempre, brilliant idea ko ang lahat ng ito kaya successful ang opening ng restaurant ko,” pagmamalaki ni Richard Don.

“Excuse me, Richard Don Robles. Baka nakakalimutan mo na nakamura ka sa mga materials mo dito dahil sa akin,” singit ni Danzelle Ann.

“O sige. Ikaw na ang magaling,” naiinis na sabi ni Richard Don dahil naputol ang pagpapasikat nito. Naagawan ito ng eksena ni Danzelle Ann.

“World peace,” paalala ng security head ng riding club na si Myco Gosiaco. Ito ang tagapagpaalala sa dalawa ng truce ng mga ito kapag nagtatalo. Makakasama nga naman sa negosyo kung kabubukas pa lang ay may giyera na.

“Ano na naman ang bagong issue ng love team natin?” tanong ng playboy na pinsan ni Richard Don na si Mark Ashley.

“Walang love team dito!” kontra ni Danzelle Ann at lumayo na lang sa grupo para iwasan ang panunukso dito at kay Richard Don.

“Makakatagal ba ang dalawang iyon nang di nag-aaway sa araw na ito?” tanong ni Joziah nang samahan niya itong kumain.

“I highly doubt it. Parang naging tourist attraction na yata dito sa riding club kapag magbabangga sila.” Di tuloy maiwasang tuksuhin ang dalawa.

Hinawakan nito ang kamay niya. “Buti na lang tayo bati na.”

Isa lang ang na-realize niya sa mga panahong nalayo ito sa kanya. She missed him. Kung anuman ang bumabagabag sa kanya sa mga nagdaang araw, kailangan na rin resolbahin para di na makasagabal sa relasyon nila. Nakaraan na iyon. Ang kailangan niyang harapin ay ang kasalukuyan.

“Mukhang mas sweet pa kayo kaysa sa cake na kinakain ninyo, ah!” tukso ng kadarating pa lang na si Dryan sa kanila.

“So dito ka na pala naglalagi,” anang babaeng kasama ni Dryan. Hindi iyon ang asawa nitong si Ederlyn.

“Felamay!” Hinalikan ni Joziah sa pisngi ang bagong dating. “Remember, Brescia? Siya ang girlfriend ko noong college pa tayo. Brescia, si Felamay. Siya iyong kaibigan at kababata ni Dryan.”

Kinamayan niya ang babae. Iba na ang itsura nito dahil may pagka-nerdy pa ito noon. “Hi! I guess it is your first time here.”

“Galing pa siya sa States. Kadarating pa lang niya,” paliwanag ni Dryan. “Isinama ko siya para I-check ang venue ng convention.”

Napag-alaman niya na anak si Felamay ng may-ari ng kompanyang pinapasukan ni Dryan at isa sa mga bagong executives sa kompanya.

“Bakit nga pala hindi mo isinama si Ederlyn?” Inaasahan niya na ang kaibigan niya ang kasama ni Dryan at hindi ibang babae.

“May inaasikaso siya sa grocery namin. Kaya si Felamay na lang muna ang isinama ko. Isinabay ko na rin sa pagpunta ko dito para sa convention.”

“Well, feel at home. And I hope that you enjoy your stay here at Stallion Riding Club, Felamay,” sabi niya bago iwan ang tatlo para harapin ang ibang guests.

“Oh! Ngayon pa lang nagugustuhan ko na dito. I love the native and ethnic design,” anito at hinaplos-haplos ang wooden table na may woven ethnic table runner. “Excited na akong um-order.”

Panaka-naka ay nililingon niya ang mesa nila Joziah. Napansin niya ang pagiging masyadong malapit ni Felamay kay Dryan. May pahawak-hawak pa ang babae sa braso ni Dryan. Tumaas ang kilay niya nang subuan ni Felamay ng tableya cake si Dryan na parang magnobya ang dalawa.

“Pagod ka na yata,” puna ni Joziah nang lapitan siya habang nakasandal sa wooden rail at pinagmamasdan ang dalawa.

“Hindi pa ako pagod. Medyo nangangawit lang tumayo. Mukhang masyadong sweet sina Dryan at Felamay,” komento niya habang pinanonood ang masayang pagkukwentuhan ng dalawa.

“Hindi ba bata pa lang magkaibigan na sila? Mas matagal pang kaibigan ni Dryan si Felamay kaysa sa akin. Noong una nga akala ko liligawan ni Dryan si Felamay pero hindi naman. Magkaibigan lang daw sila,” kwento ni Joziah.

“Tingnan mo sila. Parang mas sweet pa sila sa atin.”

“Naiinggit ka lang yata.”

“Silly. Iniisip ko lang na may asawa na si Dryan. Di magandang tingnan.”

Nilingon ni Joziah ang dalawa. “Wala naman sigurong malisya. Kilala ko silang dalawa. Magkaibigan lang talaga silang dalawa. Saka mahal na mahal ni Dryan si Ederlyn. Hindi siya gagawa ng ikasisira ng pamilya niya.”

“Sabagay.” Baka naman dati pa ay close na close na ang dalawa. May mga magkakaibigan na di nagbabago kahit na mag-asawa pa ang isa. “Pero kung may ganyan ka sigurong girl friend na super close sa iyo at mas sweet ka kaysa sa akin, hindi ako basta basta papayag.”

Humalakhak ito at pinisil ang dulo ng ilong niya. “Selosa. Hindi naman ako mawawala sa iyo.”

Subalit minsan nang nawala si Joziah sa kanya dahil sa kagagawan ng isang babae na gagawin ang lahat maagaw lang ito. Ayaw na niyang maulit pa iyon. Ayaw na niyang mawala pa ito sa kanya.

HINDI makapag-decide si Brescia kung anong cake ang bibilhin para kay Ederlyn. Dadalawin kasi niya ang kaibigan. Masyado siyang naging busy kaya di sila masyadong nagkakausap. Hindi naman ito isinasama ni Dryan sa Stallion Riding Club dahil puro negosyo ang inaasikaso nito doon.

Natuon na lang ang atensiyon niya sa mango cream cake at sa chocolate torte cake nang mag-ring ang cellphone niya. “Hello!”

“Brescia, pwede bang puntahan mo ako ngayon?”

“Papunta na talaga ako diyan, Ederlyn.” Kumunot ang noo niya nang marinig ang hikbi nito sa kabilang linya. “Umiiyak ka ba? Anong nangyari?”

Tuluyan na itong napahagulgol. “Please. Kailangan ko ng kausap.”

“Sige. Papunta na ako diyan.”

Hindi na niya naisip pa na mamili ng cake at pumara na agad ng taxi para magpahatid sa bahay nila Ederlyn. Nang dumating siya ay ang inaanak niyang si Cedric ang sumalubong sa kanya. “Ninang,” bati nito at humalik sa pisngi niya.

“Cedric, nasaan si Mommy?” tanong niya sa bata.

“Nasa room po niya. Ayaw lumabas.”

“Maglaro ka muna at pupuntahan ko si Mommy, ha?” Kumatok siya ng marahan sa pinto. “Eds, andito na ako.”

Dali-dali namang bumukas ang pinto at yumakap sa kanya ang kaibigan. “Brescia, wala na siya sa akin. Hindi niya ako mahal.”

Nagulat siya sa itsura nito. Gulo gulo ang buhok nito at magulo rin ang kuwarto nito at ni Dryan. Sarado ang mga bintana at madilim kahit na tirik ang sikat ng araw sa labas. “Anong nangyari sa iyo? Bakit ganyan ang itsura mo?”

“Hindi na ako mahal ni Dryan! May ibang babae na siya,” histerikal nitong sabi. “Ano bang ginawa kong mali?”

“Sandali. Ikukuha lang kita ng tubig.” Kumuha siya ng bote ng mineral water sa mini ref sa kuwarto at ipinagsalin ito sa baso. “Inumin mo muna. Kailangan mong mahimasmasan para makapag-usap tayo nang maayos.”

Sumunod naman ito sa kanya. Nababahala siya. Matagal na ang relasyon ng dalawa. She could tell that it was a perfect marriage. Devoted ang mag-asawa sa isa’t isa. First girlfriend pa nga ni Dryan si Ederlyn. Paanong magkakaroon ng problema ang mga ito kung kailan matagal nang nagsasama?

“May ibang babae ang asawa ko,” mahina subalit malinaw nitong sabi nang humupa ang paghikbi nito. “Magkasama sila ngayon ng babaeng iyon.”

“Babae? Sinong babae?”

“Si Felamay. Mas marami pa siyang oras sa babaeng iyon kaysa sa amin ni Cedric. Dapat magkasama kami ngayong pamilya pero pinili pa niyang pumunta sa riding club para sa babaeng iyon.”

“Hindi ba magkasama lang sila dahil sa trabaho? Baka naman masyado ka lang nagseselos. Hindi ka naman siguro lolokohin ng asawa mo.”

“Trabaho?” Mapait itong ngumiti. “Sa palagay ba nila maloloko nila ako? Kahit na gaano pa ka-busy si Dryan dati, hindi niya kami binabalewala nang ganito. I am sure, may relasyon silang dalawa. Niloloko nila ako.”

“May basehan ba ang lahat ng iyan?”

Kung siya ang tatanungin, iisipin niyang may relasyon nga ang dalawa ayon sa nakita niyang pagiging malapit ng mga ito. Magkaibigan lang daw sina Felamay at Dryan ayon kay Joziah. Ayaw naman niyang pasukan ng masamang ideya ang utak ni Ederlyn. Mas kailangan nilang maging objective ngayon sa pagharap sa problema. Naroon siya para tumulong at hindi para makabigat sa problema.

“Dati pa gusto ni Felamay si Dryan. Nararamdaman ko iyon. Ngayon bumalik siya para agawin ang asawa ko. At ginagawa niyang dahilan ang trabaho at ang pagpunta sa Stallion Riding Club para itago ang kalokohan nila.”

“Kinausap mo na ba si Dryan tungkol dito?”

Tumango ito. “Nag-away na kami dahil sa sobrang atensiyon na ibinibigay niya kay Felamay. Nagalit lang sa akin. Kung anu-ano daw ang pinaglalaro ko sa isip ko. Ako pa ang ginagawa niyang baliw ngayon. Hindi ko rin siya mapigilan na sumama sa babaeng iyon. At hangga’t hindi daw ako titigil sa masamang hinala ko sa kanila, hindi daw niya ako babalikan.”

“Hindi niya pwedeng gawin iyon sa iyo.”

Hindi niya alam kung tama nga ang hinala ng kaibigan tungkol sa relasyon ng asawa nito sa ibang babae. Subalit isa lang ang malinaw sa kanya. Nasasaktan si Ederlyn. At hindi niya matitiis na nakikita itong nasasaktan. Hindi siya papayag na hayaang masira ang relasyon nito at ng asawa.

Yumakap ito sa kanya. “Tulungan mo ako, Brescia. Ikaw na lang ang mapagkakatiwalaan ko. Ikaw lang ang pwedeng kumausap sa asawa ko. Kapag ako ang pumunta sa riding club, baka hindi ako makapagpigil sa sasabihin ko sa kanila.”

At mas lalala ang sitwasyon oras na ito ang humarap sa dalawa.

“Sige. Kakausapin ko si Dryan.”

“YOANNA, naka-check in pa rin ba ngayon si Dryan Lozano at si Felamay Francisco?” tanong niya sa manager ng Stallion Riding Club Guesthouse. Mula sa bahay nila Ederlyn ay bumalik agad siya sa riding club para ayusin ang problema. Ayaw na niyang patagalin pa ang paghihirap ng kaibigan niya.

“Yes. Nandito pa rin sila. Last day ng convention nila ngayon pero nagpaiwan pa rin yata ang iba para mag-celebrate. Ang sabi nila kanina pupunta sila sa music lounge. The Switch kasi ang magpe-perform ngayon.”

“Thanks.” Tinungo na agad niya ang direksyon ng music lounge.

“Brescia, puno na ngayon ang music lounge dahil sa The Switch,” sabi ni Celestine nang mamataan siyang pumasok. “Pero pwede pa rin kitang isingit kung gusto mo. Ikaw pa. Friend na nga kita, girlfriend ka pa ng boss ko.”

“Hindi ako manonood. May hinahanap lang ako.”

“Si Boss ba? Hindi pa siya dumadating, eh. Baka mamaya pa.”

“Hindi si Joziah. Nasaan ba ang grupo nila Dryan Lozano?”

“Ah! Si Sir Dryan. Nandoon siya sa may couch sa corner kasama ang mga staff niya. You won’t miss them. Grupo nila ang pinakamaingay.”

Hindi naman siya nahirapang hanapin si Dryan. Nakikipag-inuman ito kasama ang mga staff. At tama si Celestine. Masyadong maingay ang mga kasama nito dahil sa lakas ng tawanan sa mga green jokes. Katabi nito si Felamay na nakasubsob na sa balikat ni Dryan sa katatawa.

Nag-init ang mga mata niya nang pinag-krus ni Felamay ang bisig nito at ni Dryan saka in-offer na sabay tunggain ang wine na iniinom. They looked happy together like a perfect couple.

Hindi na siya nakatiis at nilapitan si Dryan. “Excuse me, Dryan. Pwede ka bang makausap?”

“Sure. Tungkol ba saan?” tanong nito.

Inikot niya ang mata sa paligid. Felamay looked at her with guarded eyes. Parang takot na takot ito sa pag-uusapan nila ni Dryan. “Sa labas tayo mag-usap. I don’t think gusto mong marinig ng iba ang pag-uusapan natin.”

Napilitang sumunod sa kanya si Dryan hanggang makarating sila malapit sa tabi ng lake kung saan walang tao nang mga oras na iyon.

“Tungkol ba ito sa aming mag-asawa?”

“Ayoko sanang makialam sa problema ninyo. Hindi ko lang maiwasang mag-alala. Iniwan mo ang asawa’t anak mo para lang mag-stay dito sa riding club tapos si Felamay ang kasama mo. Alam mo na ngang pinagseselosan siya ni Ederlyn.”

“Trabaho lang ang dahilan kaya magkasama kami.”

“At kailan mo balak na balikan ang asawa mo?”

NovelDark

Your free library of light novels, web novels and translations. Romance, fantasy, action, drama — thousands of chapters updated daily, no signup needed.

Genres

© 2026 Noveldark. All rights reserved.