Stallion Series (Sofia Edition) Chapter 222

“Palilipasin ko lang ang araw na ito. Wala na kasi siyang nakita kundi si Felamay. Kaibigan ko lang iyong tao,” giit ni Dryan.

Humalukipkip si Brescia. Talagang dinedepensahan nito si Felamay. “Talaga? Sa nakita ko ba kanina, sa palagay mo iisipin ko lang na ordinaryo lang kayo? Ibig sabihin walang basehan ang pagseselos ni Ederlyn sa inyo?”

Kahit anong isip niya na huwag lagyan ng malisya ang nakita, di niya maiwasang magalit kapag naaalala kung gaano katindi ang sakit na idinulot niyon sa kaibigan niya. Masisira ang pamilya nito dahil sa ibang babae.

Matagal na sandali itong natahimik. “Kailangan ako ni Felamay. Kahihiwalay pa lang nila ng asawa niya. Kailangan niya ng kaibigan ngayon.”

“At kaibigan lang ba ang trato niya sa iyo?” Kung totoong kaibigan lang din ang trato ni Felamay dito, di ito magiging dahilan para masira ang isang pamilya.

Natigilan ito sa tanong niya. “B-Basta kaibigan ko siya.”

Natiyak na niya ang hinala niya. Gusto ni Felamay si Dryan. Ginagamit nito ang kalungkutan at ang pagkakaibigan nito at ni Dryan para ilayo ang huli sa pamilya nito. It left a bad taste in her mouth. Ipinaalala nito sa kanya si Joziah. Dahil sa pagmamalasakit nito sa ibang babae, iniwan siya nito. Pinabayaan sila ng magiging anak niya. Walang ipinagkaiba dito si Dryan.

Bakit hinahayaan itong manipulahin ng ibang babae habang nasasaktan ang asawa at anak nito? Hahayaan ba nitong masira ang pamilya nito dahil sa pagmamalasakit nito? Iyon ba ang tama?

“Tama na ang pananakit mo sa kaibigan ko. I can do the worst to stop this.”

“A-Anong gagawin mo?” nahihintatakutan nitong tanong.

“Mapipilitan akong I-report ito sa riding club. Ano kaya ang sasabihin ni Reid Alleje kapag ginagamit sa illicit affair ang riding club?”

Kahit pa sabihin na pribado ang mga nangyayari sa riding club, tinitiyak naman ng pamunuan na di iyon ginagamit sa illegal na gawain. At mahigpit na ipinagbabawal ang relasyon ng may asawang member sa ibang babae at gagamitin pa ang riding club para itago ang bawal na relasyon.

“You can’t do that! Wala kaming ginagawang masama!”

“Patunayan mo, Dryan! Patunayan mong si Ederlyn pa rin ang mahal mo at walang basehan ang mga pagseselos niya. Patunayan mo na mas mahalaga ang pamilya mo kaysa sa Felamay na iyon.”

Nakuyom nito ang palad. “Uuwi na ako ngayon.”

Nasiyahan siya sa sagot nito. Sana nga ay iyon na ang simula ng maayos na relasyon nito at ng asawa. Hindi na sana maulit pa ang gulong iyon.

Pagbalik nila sa music lounge ay siya namang pagdating ni Joziah na kasabay nila papasok. “O! Saan kayo galing na dalawa?”

Tinapik ito ni Dryan sa balikat. “Uuwi na ako ngayon, pare.”

“Akala ko ba bukas ka pa uuwi.”

“Kailangan na ako ng pamilya ko,” sagot nito at tuloy-tuloy na pumasok sa music lounge. Paglabas ni Dryan ay kasunod nito ang mangiyak-ngiyak na si Felamay. Nakabantay siya sa kilos ng dalawa. Subalit nananatili lang na nakamasid si Felamay hanggang makaalis si Dryan.

“Felamay, bakit ka umiiyak?” tanong ni Joziah at nilapitan ito.

Iniwas ni Felamay ang tingin at pinahid ang luha. “Wala. Babalik na ako sa guesthouse,” wika nito at pinara ang papadaang golf cart.

“Nag-away kaya silang dalawa?” tanong ni Joziah.

Hindi niya alam kung sadyang clueless lang ito o nagpapatay-malisya para iligtas sa kanya si Felamay?

“Hindi pa ba malinaw sa iyo? Nag-aaway ang mag-asawa dahil sa kanya. At ngayon, pinili ni Dryan na bumalik na sa pamilya niya.”

“Nasasaktan lang siguro si Felamay dahil pinaghihinalaan siyang may relasyon sila ni Dryan.”

Maang siyang napatitig dito. “Ano ka ba? Defense lawyer ni Felamay? O baka naman may kinalaman ka sa nangyayari dito?”

“Anong nangyayari? Wala akong alam.”

“Joziah, di ko alam kung manhid ka o nagbubulag-bulagan. Hindi pa ba obvious sa iyo na may gusto si Felamay kay Dryan? Sinisira niya ang relasyon ng mag-asawa. Bulag lang ang hindi makakakita noon.”

“Sa palagay ko magkaibigan lang talaga sila. Kailangan lang ni Felamay ang mga kaibigan niya. At si Dryan ang pinakamalapit sa kanya.”

“But is the friendship worth it? Nasisira na ang pamilya ni Dryan. Kailangan pa bang si Felamay ang intindihin mo?”

Huminga ito nang malalim. “Hindi ko alam na ganito na kalala. Pero masakit para sa akin na masabihan na home wrecker ang kaibigan ko.”

Mariin siyang pumikit. Ito pa rin ang dating Joziah na kilala niya. Handang depensahan ang kahit sinong babae. Hindi ba nito nakikita ang pinaka-importanteng bagay? Mas kakampihan pa nito si Felamay na nakakasira na ng relasyon.

“Joziah, tiyakin mo lang na inosente ka sa nangyayari dito. Na hindi mo kinukunsinti si Felamay kung sakali mang gusto niyang sirain ang relasyon nila Dryan at Ederlyn. Kung hindi, ako ang makakalaban mo.”

“S-Sandali!” Pinigilan nito ang balikat niya. “Sa palagay mo ba hahayaan ko sila kung may ginagawa silang mali?”

Tinitigan niya ito. “Paano kung akala mo tama ka pa rin dahil nabubulagan ka ng pagiging magkaibigan ninyo?”

“Brescia, huwag na sana tayong humalo sa gulo ng mag-asawa. It’s over. Bumalik na si Dryan sa pamilya niya. Sana huwag na nating palalain pa ang isyu na ito. Mabuti pa manood na lang tayo ng show sa loob.”

Nagpatianod siya kay Joziah. Subalit hindi pa rin humuhupa ang apoy sa dibdib niya. Nakikita niya ang sarili kay Ederlyn. Gusto lang nitong ipaglaban ang pagmamahal nito pero nababalewala naman.

Huwag sana itong magaya sa kanya na minsan nang nasira dahil lang sa pagmamalasakit ng lalaking mahal nito sa babae na ang intensiyon ay manira.

“OKAY na ba kayo ni Dryan?” tanong ni Brescia kay Ederlyn habang bumibiyahe sila. Nagkita sila sa isang mall at sinabi na may dadalawin sila.

“Oo naman. Sweet pa rin siya sa akin kaysa sa dati. Na-realize ko na wala naman palang nagbago sa pakikitungo niya sa akin.”

Ngumiti siya sa sinabi nito. “At mahal ka pa rin niya.”

Mahigit dalawang linggo na mula nang komprontahin niya si Dryan sa Stallion Riding Club. Mukhang nakabuti ang ginawa niya.

“Minsan kailangan talagang sabihin sa mga lalaki ang problema. At hindi kailangang manggaling sa atin mismo. Kailangan minsan sa ibang tao pa para lang matauhan sila. Kaya thank you, Brescia.”

“Alam mo naman na basta para sa iyo.”

“Kaya kung may problema kayo ni Joziah, sasabihin mo sa akin para ako naman ang makatulong sa iyo.”

Subalit di siya si Ederlyn na nagsasabi ng problema niya. Ugali niyang kimkimin iyon. Kahit na nasasaktan na siya o malala na ang sitwasyon, mas gusto niyang I-solve iyon nang mag-isa. O sa pagkakataong iyon, sila lang ni Joziah ang gusto niyang umayos.

“Teka, si Dryan ba ang dadalawin natin? Kailangan pa bang kasama ako kapag may surprise visit sa kanya?”

“No. Bibisitahin natin ang magaling niyang kaibigan.”

“Sino? Si Felamay? Akala ko okay na kayong mag-asawa.”

Dumilim ang mukha ni Ederlyn. “Hindi pa rin niya ako tinitigilan hanggang ngayon. Ilang gabi na siyang tumatawag sa bahay. Nakikiusap siya na mag-usap sila ni Dryan. Wala talaga siyang kahihiyan.”

“Sa tingin ko nga may problema ang babaeng iyon.” At susuportahan niya ang kaibigan. Karapatan nito na ipagtanggol ang pamilya nito.

Hindi sila nahirapang hanapin si Felamay. Sa lobby pa lang ng hotel ay nakasalubong na nila ito. “Hello!” bati nito sa kanila ni Ederlyn. “Wala dito ang asawa mo. What a pity! Ni hindi mo alam ang schedule niya.”

Isang demonyita ang tingin niya dito. Talagang gusto nitong galitin si Ederlyn. At sa labang iyon, hindi dapat mawala ang composure ng kaibigan niya.

“Alam ko na wala dito si Dryan. Ikaw ang pinuntahan ko dito. Gusto ko lang malaman kung bakit ayaw mo kaming tigilan ng asawa ko.”

Humalakhak si Felamay. “Iniisip mo pa rin ba na ikaw pa rin ang mahal niya hanggang ngayon? Pinakikisamahan ka na lang niya dahil naaawa siya sa iyo.”

“Naawa sa akin? Ako nga ang asawa niya. Sino ba sa atin ang gumagamit ng pagpapaawa para lang makakuha ng lalaki.”

Nang mga oras na iyon, hindi na niya iyon laban pa. Laban na lang iyon ni Ederlyn. Ang tangi niyang magagawa ay ibigay ang suporta niya dito. And she was doing good. Nakita kasi niya ang pamumutla ni Felamay. Nasapol ito.

Nanlisik ang mata nito. “Pinalalabas mo ba na parang nauubusan ako ng lalaki? How dare you!”

“Sino ba sa atin ang naghahabol sa asawa ng may asawa?”

Nangilid ang luha sa mata ni Felamay. “Mahal ko siya. Wala akong pakialam sa sasabihin mo o ng ibang tao. Mahal din niya ako. Nararamdaman ko iyon. Inaalagaan niya ako kapag kailangan ko siya. Mas gusto niyang kasama ako kaysa sa iyo. Alam ko naman na iiwan ka niya basta hingin ko lang.”

“Bakit hindi mo gawin para magkasubukan tayo?” hamon ni Ederlyn. “Wala ka talagang kahihiyan. Pinagtitinginan na tayo ng ibang tao dito pero wala kang pakialam. Huwag ka nang mag-ilusyon sa asawa ko. Kahit anong gawin mo, hindi mo kayang pantayan ang pagmamahal ko sa kanya. At ako ang pinili niya.”

“Hindi ako nahihiya sa pagmamahal ko kay Dryan. Wala akong pakialam kung ikaw ang pinili niya ngayon. Pero hindi ako titigil hangga’t hindi ko siya nakukuha. Tandaan mo na iyan.”

“Baliw ka na talaga!” bulalas ni Ederlyn.

Hindi lang basta baliw si Felamay kundi desperada na rin. Bakit may ganoong klaseng babae? Bakit kailangan nitong ipilit ang sarili sa isang lalaki na may iba nang mahal? Di tuloy mawala sa isip niya ang pagpili ni Dryan na pumunta sa States noon para samahang magpagamot ang babaeng may gusto dito. Nakiusap siya noon subalit di siya nito pinagbigyan. Natalo siya nang walang kalaban-laban.

Ni hindi niya nakompronta si Arnie Lei. Kung ginawa niya iyon, marahil ay siya pa ang sisisihin ni Joziah kapag may masamang nangyari dito. Pero gusto niyang lumaban noon. Gusto rin niyang depensahan ang relasyon nila ni Dryan. Gusto niya na hindi ito umalis sa tabi niya lalo na nang mga panahong kailangan niya ito. At dahil doon, malaki ang nawala sa kanya.

“Ederlyn, let’s go!” At inakay na niya palayo ang kaibigan. Nasabi na nito ang lahat ng dapat nitong sabihin. Tapos na ang laban at ito ang nanalo.

“Aagawin ko sa iyo si Dryan sa kahit anong paraan,” banta pa rin ni Felamay kahit na naglalakad na sila palayo.

Natigilan sa paglalakad si Ederlyn. “Bakit? Anong problema?”

Bumakas ang kirot sa mukha nito. Yumuko ito at napahawak sa sariling puson. “B-Brescia… masakit.”

Nagimbal siya nang makitang umaagos ang dugo sa binti nito.

NAKATULALA na lang si Brescia kahit nang ipasok na sa private ward nito si Ederlyn. Hinahayaan na lang niyang dumaan sa pandinig niya ang sinasabi ng doctor.

“Mr. Lozano, ligtas na po ang asawa ninyo. Ligtas na rin ang anak ninyo,” malumanay na wika ng doctor.

Inangat ni Dryan ang tingin mula sa pagkakayukyok sa hospital bed habang hawak ang kamay ng walang malay na si Ederlyn. “Buntis ang asawa ko?”

“Yes. Your wife is three months pregnant. Mukhang over fatigue at stress ang dahilan kung bakit nakunan ang bata. Makabubuti sa kanya kung magpapahinga muna siya. Sa ngayon huwag muna siyang magpapagod at mas mabuti kung hindi siya mag-iisip ng kahit anong negative.”

“Gagawin ko po iyon, Doc. Maraming salamat po,” wika ni Dryan at muling ibinalik ang atensiyon sa asawa.

“Brescia, okay ka lang ba?” tanong ni Joziah.

Marahan siyang tumango. “Yes. I am okay.”

Subalit iba ang epekto sa kanya ng nangyari kay Ederlyn. Pakiramdam niya ay siya ang dinudugo at hindi ito. Siya ang takot na takot na mawalan ng anak at hindi ito. She didn’t want to remember that day anymore. Ngunit nabuhay iyon dahil sa kay Ederlyn. Bumalik ang mga takot, galit at hinagpis sa dibdib niya.

Ang kaibahan lang ay nag-iisa siya nang mangyari iyon habang naroon siya para damayan ito. Hindi niya ito iniwan. Siya noon ay nag-iisa lang. Dumating ng asawa ng kaibigan niya kung kailan kailangan nito. At nabuhay ang bata. Hindi siya ganoon kapalad sa kahit anong aspeto.

Kinabig siya ng yakap ni Joziah. “Mabuti pa umuwi na lang tayo. Kailangan mo nang magpahinga.”

“I am sorry, Eds,” mangiyak-ngiyak na sabi ni Dryan habang hinahalikan ang kamay ng asawa. “Hindi naman mangyayari ito kung hindi dahil sa pag-iisip mo. Natatakot ka na iwan kita. Natatakot ka na ipagpalit kita kay Felamay.”

“Don’t be so hard on yourself, pare,” wika ni Joziah at tinapik ang balikat nito.

“Kasalanan ko. Hanggang ngayon iniisip pa rin ni Eds na may relasyon kami ni Felamay. Akala niya basta siya lang ang pinili ko. Pero mahal ko naman talaga siya. Nasobrahan lang ako ng pagmamalasakit kay Felamay. Bilang kaibigan, hindi ko siya magawang iwan. Hindi ako nakinig kahit nang nakikiusap si Eds sa akin. At si Felamay, iniisip na mahal ko din siya. Hindi siya nakikinig sa akin kahit na sabihin ko na asawa ko ang mahal ko. Ngayon pati ang magiging anak namin nameligro.”

Hinarap niya si Dryan. “Bakit ba ganyan kayong mga lalaki? Kailangan bang I-please na lang ninyo ang lahat ng babae? Tapos sasabihin ninyo na mahal ninyo kami pero ang ibang babae naman ang pinagmamalasakitan ninyo.”

Napamaang sina Dryan at Joziah. Namutla si Dryan at tumulo na lang ang luha sa labis na paghihinagpis. “I am sorry, Ederlyn. I am sorry.”

“I hate that word. Parang maitatama ng sorry ang lahat sa mundo,” maasido niyang komento at saka lumabas ng kuwarto.

Hinabol siya ni Joziah sa hallway ng ospital. Hinawakan nito nang mahigpit ang kamay niya subalit hindi ito kumibo. Habang bumibiyahe sila ay matiim ang anyo nito. Nagsalita na lang ito nang makapasok sila sa Stallion Riding Club. Ipinarada nito ang sasakyan kung saan tanaw nila ang buong riding club.

“Bakit sinabi mo iyon kay Dryan? Nakita mo na ngang depress na iyong tao dahil sinisisi niya ang sarili niya sa nangyari sa asawa niya. Muntik na siyang mawalan ng anak. Tapos ibo-bombard mo pa.”

“Dapat lang naman na marinig niya iyon in case wala pang nagsasabi sa kanya,” aniya sa malamig na boses. “Kulang pa nga iyon.”

“Bakit ba galit na galit ka sa kanya?”

Nanakit ang lalamunan niya sa pinipigilang luha. “Dahil pareho lang kayo ni Dryan. Bulag kayo kapag sinasamantala na kayo ng ibang babae. Basta may lumapit sa inyo, pagmamalasakitan ninyo. Wala kayong pakialam kung nasasaktan man ang mga taong nagmamahal sa inyo.”

Galit na galit siya nang mga oras na iyon. Wala siyang pakialam kahit na sino pa ang masaktan.

“Nag-sorry na si Dryan. I am sure tatanggapin iyon ni Ederlyn. And I thought this is issue is over. Akala ko napatawad mo na ako sa nangyari.”

“Hindi! Hindi iyon ganoon kasimple.”

Hinawakan nito ang balikat niya. “Alam mo na may dahilan ako kung bakit kailangan kitang iwan noon. Kailangan kong piliin si Arnie Lei dahil kasalanan ko kapag may nangyaring masama sa kanya.”

“At balewala lang ako sa iyo.”

“Hindi ka balewala sa akin. Ikaw ang mahal ko. You know that. Kung nasaktan man kita noon, I am sorry.”

“Para saan pa ang sorry kung nakasakit ka na? Maibabalik pa ba ng sorry ang lahat ng nawala sa akin? Mabubura ba ang sakit?”

Napailing ito. “Hindi kita maintindihan.”

“Kasalanan mo ang lahat. Kasalanan mo dahil hindi mo nakikita ang pagkakamali ng ibang babae. Kahit na nagsasamantala na, pinagbibigyan mo pa.”

“Si Felamay ba? I am sorry. Mali ako nang kampihan at depensahan ko siya. Tapos na iyon. Okay na ulit sila Dryan at Ederlyn.”

Umiling siya at patuloy na dumaloy ang luha sa mga mata niya. Bumubukal ang sakit. Ang matinding sakit at parang di na iyon mauubos. “Kasalanan mo kung bakit namatay ang baby, Joziah. Kasalanan mo.”

Niyugyog nito ang balikat niya. “Brescia, ano ba ang sinasabi mo? Buhay ang anak nila Ederlyn. Hindi iyon namatay.”

“Pinatay mo ang baby. Pinatay mo ang baby natin, Joziah.”

NovelDark

Your free library of light novels, web novels and translations. Romance, fantasy, action, drama — thousands of chapters updated daily, no signup needed.

Genres

© 2026 Noveldark. All rights reserved.