Humigpit ang hawak nito sa balikat niya. “Anong baby ang tinutukoy mo?”
Yumuko siya at humikbi. Masakit para sa kanya na pag-usapan nang anak nila. “Mas pinili mo si Arnie Lei kaysa sa amin ng anak mo. Mas gusto mong sumama sa kanya kaysa makasama kami. Nawala siya sa akin dahil iniwan mo kami. Iniwan mo kami kahit na anong pakiusap ko sa iyo.”
Nabitiwan siya nito na parang napaso. “Buntis ka bago ako pumunta sa States? Bakit hindi mo sinabi sa akin ang tungkol dito?”
“Hindi ko rin alam. Nalaman ko na lang, wala na siya sa akin!”
Nang umalis si Joziah para pumunta sa States at samahan sa pagpapagamot si Arnie Lei, isinubsob niya ang sarili sa trabaho. Subalit di pa rin tumigil ang pag-iisip niya kay Joziah. Iniinda pa rin niya ang paghihiwalay nila. Sa sobrang stress at pag-iisip ay nawala sa kanya ang bata. Huli na para doon.
Naisubsob nito ang mukha sa palad. “Oh, God! Hindi ko alam. Bakit hindi ko nalaman agad?”
“Kung nasabi ko man sa iyo, hindi ka ba pupunta kay Arnie Lei? Maniniwala ka kaya sa akin na hindi ganoon kalubha ang sakit niya?” Mapait siyang ngumiti kasabay ng pag-agos ng luha sa pisngi niya. “Nang bumalik ka, anong silbi pa para sabihin ko sa iyo? Wala na ang bata. At kasalanan mo ang lahat ng iyon.”
Naisubsob nito ang mukha sa manibela. “Kaya galit na galit ka sa akin. Kaya ayaw mo na akong tanggapin.”
There was anguish in his voice. Isang malaking lihim ang itinago niya dito. At unti-unting hinuhugot ang hininga niya sa sakit na naririnig niya mula sa tinig nito. Parang nadoble pa ang sakit na nararamdaman niya. He was suffering, too. Subalit wala iyong sinabi sa mahigit pitong taon na itinago niya ang lihim na iyon. Mag-isa siyang nasaktan. Mag-isa siyang naghirap.
“Ayoko na sanang malaman mo ang tungkol dito. Di ko lang napigilan.”
“Gusto mo ba akong parusahan? Akala mo ba wala akong pakialam sa iyo?”
“Pinabayaan mo ako, Joziah. Si Arnie Lei ang pinili mo.”
“Pero bumalik ako para sa iyo. Bakit hindi mo sinabi sa akin?”
“Ano pa ang silbi noon? Nawala na siya sa atin? And I suffered alone.” Sumandal siya at ipinikit ang mga mata. “Hindi mo lang alam kung ilang beses kong ipinagdasal na bumalik ka sa akin. Hindi ka dumating. Bumalik ka man, huli na.”
Tinangka siya nitong hawakan subalit kinuyom nito ang palad. Nakatingin na lang ang malamig na mga mata niya sa kawalan. Naging bato na ang puso niya. Nang mga oras na iyon, nabalewala ang pagmamahal niya. Nangibabaw ang matinding sakit at ang sugat ng nakaraan lang ang laman ng puso niya.
“I wish I knew. Sana nalaman ko ang tungkol sa anak natin. Sana nandoon din ako sa tabi mo kung kailangan mo ako.”
“Pero wala ka doon. Hindi na natin maibabalik ang nakaraan. At ngayon, napatunayan ko na kaya mo pa rin akong isakripisyo. Hindi ka pa rin nagbabago. At mananatili iyong pader na nakaharang sa ating dalawa.”
“Lagi mo na lang bang ibabato sa akin ang sisi? Kung ginawa ko man iyon dati, para rin iyon sa ating dalawa. Kung may choice lang ako, hindi kita iiwan.”
“You had a choice then. Sana pinaniwalaan mo ako. Sana nandoon ka na lang sa tabi mo. Katulad ni Dryan kay Felamay. Mukhang kapag dumating ang pagkakataon, iiwan mo pa rin ako kahit pa ako ang mahal mo.”
Ginagap nito nang mahigpit ang kamay niya. “Hanggang kailan ko pagbabayaran ang kasalanan ko sa iyo? Ano ba ang kailangan kong gawin para lang mapatawad mo ako?”
Malungkot niya itong pinagmasdan. “Hindi ko alam. Sinubukan ko nang kalimutan ang nangyari. Pero parang isa iyong multo. Pabalik-balik.”
Hindi sapat na nasaktan din ito sa natuklasan sa anak nila. Kulang pa iyon kumpara sa mga sakit na naranasan niya.
Dahan-dahan nitong binitiwan ang kamay niya. “I understand. I guess I don’t deserve your love after all.” Humugot nito ng malalim na hininga at ini-start ang kotse. “Ihahatid na kita sa lodge ninyo. And I won’t bother you anymore.”
Pakiramdam niya ay isang malaking butas ang pumalit sa dating kinalalagyan ng puso niya. Mas masakit pa iyon kaysa sa dati nilang paghihiwalay ni Joziah at nang itaboy niya ito. Sa pagkakataong ito, ito na ang sumusuko sa kanya.
Ito ba ang kapalit ng self-preservation niya? Bakit lalong naging miserable ang pakiramdam niya?
“MASYADO ka namang nagsisipag. Day off mo dapat ngayon pero sige ka pa rin sa trabaho. Aba! Namumutla ka na. Kumakain ka pa ba?” walang tigil na hirit ni Celestine nang dalawin si Brescia sa Lakeside Café and Restaurant. Alas dos na noon ng hapon at noon lang siya nakapag-breaktime.
“Hindi pa ba pagkain ang tawag mo dito?”
Itinuon nito ang tingin sa pagkain niya. “Pagkain ang tawag mo diyan? Toasted bread at kape? Aba! Marami namang masasarap na pagkain dito, ah! Bakit ka nagtitiis sa mga iyan?”
“Wala lang talaga akong ganang kumain.”
“Mukha ka nang bangkay, Brescia. Tulad ka na rin ni Sir Joziah. Puyat, hindi kumakain at laging busy sa trabaho. Ano bang ginagawa ninyo sa sarili ninyo?”
Nabahala siya. “Bakit naman pinababayaan niya ang sarili niya?”
“Ano bang pakialam mo? Break naman na kayong dalawa.” Nanlaki ang mata nito nang tumingin sa hagdan paakyat ng restaurant. “O! Si Sir Joziah iyon, ah!” Tumayo ito at kumaway. “Sir Joziah, kumain po tayo.”
Matabang na ngumiti si Joziah nang makita sila at kumaway din. Subalit simpleng kaway lang iyon. Parang wala itong enerhiya. “Salamat. Kayo na lang,” may katamlayan din itong sagot. Kasing tamlay ng mga mata nito.
Nakadama siya ng panlulumo nang naglakad na ito palayo ng restaurant at di na tumuloy. Mula nang maghiwalay sila dalawang linggo na ang nakaraan, sadyang iniiwasan na nitong lumapit sa kanya. Tinotoo nitong di na siya aabalahin pa.
“Kakain yata kaso di na lang tumuloy,” nanghahaba ang ngusong sabi ni Celestine at umupo ulit. “Kakain pa kaya si Sir ngayon?”
“Dito ka lang. Oorder lang ako para sa kanya.” Um-order siya ng dalawang meal ng hardinera para kay Joziah. “Ikaw na ang magbigay.”
“Bakit hindi na lang ikaw ang magbigay sa kanya? Ang drama-drama ninyo. You are still in love with each other. Halata naman na padaan-daan din iyon dito dahil gusto kang makita. Bakit pa pinahihirapan ninyo ang isa’t isa?”
“Masyadong komplikado. Hindi mo rin naman maiintindihan.”
“Wala talaga akong maiintindihan kasi wala ka namang sinasabi. Ano ba ang nangyari sa inyo? Kahit si Boss ayaw na ring magkwento sa akin.”
“Basta ibigay mo na lang ang ipabibigay ko, ha?”
Hindi siya mapakali sa maghapong iyon habang hinihintay ang tawag ni Celestine. Gusto niyang malaman kung kinain ba ni Joziah ang ipinadala niya.
“Ma’am, phone call po. Si Sir Joziah daw,” tawag sa kanya ni Doreen.
Muntik na niyang maibagsak ang laptop computer na hawak na dadalhin sana niya sa opisina ni Richard Don. “Thanks Doreen,” aniya nang lumapit sa counter. “Yes, Joziah?” Di lang boses niya ang nanginginig kundi maging ang kamay niya.
“Thank you. Sabi ni Celestine ikaw ang nagpabigay ng lunch sa akin.”
“Lunch mo pa lang iyon?” Parang bumagsak ang puso niya. “Bakit hindi ka kumakain sa oras? Kung di pa ako nagpadala ng pagkain, di ka pa kakain.”
“Akala ko wala ka nang pakialam sa akin.”
“Hindi pwede na wala akong pakialam sa iyo.” Kahit na ano pang galit niya dito, di pa rin niya maiiwasang mag-alala dito. “Kaya kung pwede ayusin mo ang sarili mo. Hindi kita mapapatawad kahit na mag-fasting ka pa.”
“Hindi ako nagsasakripisyo para mapatawad mo. Hindi ako nagpapaawa. Alam ko naman na hindi mo ako basta-basta mapapatawad kahit gaano pa kita kamahal.”
Humigpit ang hawak niya sa handset ng telepono. Parang pinira-piraso ang puso niya sa bawat bagsak ng salita nito. Di nga ba sapat ang pagmamahal nito sa kanya o siya ang di husto ang pagmamahal niya dito?
Mahal niya ito. Isinuko niya ang lahat dito minsan kasama na ang pride niya. Ano pa bang klase ng pagmamahal ang dapat niyang ibigay? Nagtira lang siya nang kaunti para sa sarili niya. She had to or she would lose her self-respect.
“Babalik na ako sa trabaho ko, Joziah.”
“I am sorry if I hurt you badly. Nang mga panahon na iyon, ginawa ko lang ang dapat. Hindi na ako magtataka kung bakit kahit anong pagpapa-intindi ko sa iyo, hindi mo nga ako mapapatawad. I just wish that I was there with you to grieve for our child. And I wish I could hold you again.”
Naluluha niyang ibinaba ang telepono. She missed him as well. Isang malaking torture sa kanya na marinig ang boses nito at makita ito subalit di naman niya ito mahawakan o mayakap.
Ganoon na ba kaimposible para sa kanya na patawarin ito? Kahit kailan, di naman siya nakadama ni katiting na kaligayahan tuwing sinasaktan niya ito. Mas nasasaktan pa nga siya kapag malayo ito sa kanya.
Gusto niyang maging masaya. Gusto niyang bumalik si Joziah sa kanya. Subalit hindi niya alam kung paano magpapatawad.
IBANG iba na ang Ederlyn na humarap kay Brescia nang dalawin niya ito. Bakas ang kaligayahan sa mukha nito. Puno ng stuffed toy at laruan ang nursery room. May crib na rin doon. Pinaghahandaan na ang pagdating ng bagong baby ng pamilya.
“Mukhang okay ka na. Hindi ka na ba ginugulo ni Felamay?” tanong niya.
“Malayo na si Felamay. Inilipat na siya sa Cebu. Makakahinga na rin ako nang maluwag. Anyway, kahit pa mag-stay siya sa Manila, di niya maaagaw sa akin ang asawa ko. Lalo na ngayon. Magkaka-baby girl na kami.”
“Mabuti naman at matutupad na ang pangarap mo.” Inabot niya dito ang pink na baby booties. “Siguro naman magagamit na ito ng baby mo.”
Niyakap siya nito. “Wow! Ito iyong nakita natin sa mall dati. Well, kukunin pa rin kitang ninang ng anak ko. I am sure Dryan will agree with me.”
“Napatawad mo na ba ang asawa mo, Eds?”
Tumango ito. “Oo. Kasi mahal ko siya.”
“Ganoon lang kasimple? Paano naman iyong mga panahon na naramdaman mong nabalewala ka dahil si Felamay ang sinamahan niya?”
“Hindi ko na lang iniisip iyon. Ang importante na-realize ni Dryan na mali ang ginawa niyang sobrang pagbibigay sa kaibigan niya. Saka bumalik naman siya sa akin at ako pa rin ang mahal niya. Iyon ang importante. At magiging masaya na kami. Ang mahalaga naman matuto kami pareho ng leksiyon sa nangyari.”
Pinagsalikop niya ang palad. Natuto naman siya ng leksiyon niya subalit lalo lang iyong naglayo sa kanila ni Joziah. “Paano mo ba mapapatawad nang ganoon kadali ang isang taong mahal mo pero sinaktan ka?”
“Isipin mo na lang kung gaano kalungkot ang buhay kung wala siya. Could you imagine yourself spending your life without him? Dahil lang mahal mo siya, madali na ang magpatawad. If you love each other then everything would be okay. Kahit na ano pang mali, magiging tama rin.”
Iyon ang problema niya. Hindi na niya binigyan pa ng pagkakataon si Joziah na itama ang pagkakamali nito. Masyadong naging bato ang puso niya. At sa huli di lang ito ang sinaktan niya kundi maging ang sarili niya. Ibig sabihin ay di lubusan ang pagmamahal niya dito para unawain din ito.
Nang bumalik siya sa riding club ay hinanap agad niya si Joziah. Sa katatanong niya ay nakarating siya sa tabi ng lake. Nakatanaw ito sa may wooden boardwalk habang pinaaanod sa tubig ang talulot ng pinira-piraso nitong bulaklak.
Nagkaroon siya ng pagkakataon na pagmasdan ang malungkot nitong mukha. And she was sure that it was mirroring hers. Walang kulay ang buhay niya dahil wala ito sa tabi niya. At kahit kailanman ay di na siya magiging masaya.
Naramdaman marahil nito ang presensiya niya at nilingon siya nito. Sumilay ang ngiti sa mga mata nito. “Brescia!”
“Pasensiya na. Nakakaabala yata ako.”
Umiling ito. “I am just mourning for our child. Kahit na ngayon ko lang nalaman ang tungkol sa kanya, nasasaktan pa rin ako. Alam ko na sinisisi mo ako. Kung hindi ka siguro masyadong nalungkot at iniisip mong binalewala kita, hindi siya mawawala sa iyo. Hindi siya mawawala sa atin.”
Nag-init ang mga mata niya sa nagbabantang luha. He was hurting so badly. Isang buwan na halos ang nagdaan mula nang malaman nito subalit naroon pa rin ang sakit. Anak din nito ang nawala. At dahil doon, di lang ito nawalan ng pagkakataon na maging isang ama. Nawala din siya dito. At bukod sa pagpaparusa niya, pinarurusahan din nito ang sarili.
Niyakap niya ito at tuluyan nang napaiyak. “Joziah, I am sorry. Naging selfish ako. Sarili ko lang ang iniisip ko. I am sorry.”
“Hindi mo naman kasalanan kung magalit ka man sa akin. Iniwan kita pero huwag mo sanang sabihin na tuluyan kitang pinabayaan. Kailangan kong umalis para di na tayo guluhin ng pamilya ko at ng pamilya ni Arnie Lei. I don’t want to take a chance. Ayokong pabayaan sila at pati ikaw guluhin nila. Iyon lang ang paraan ko para hindi ka nila saktan.”
“Really? Akala ko kasi nagbibingi-bingihan ka lang sa totoo.” Akala kasi niya ay nagpapadala lang ito sa guilt nito kahit na wala naman itong dapat ika-guilty. Na nasobrahan lang ito ng concern para kay Arnie Lei.
“May kasunduan naman talaga ang pamilya namin na ipakasal kami ni Arnie Lei. Hindi ko naman siya pwedeng pabayaan. Kahit man lang ang buhay niya ibalik ko sa kanya. Di ko naman alam na kayo ng anak natin ang mawawala sa akin.”
“Galit na galit ako sa iyo noon. I was deserted. Wala akong matakbuhan dahil nasa probinsiya sila Dryan at Ederlyn. Matapos mawala sa akin ang anak natin, sinabi ko sa sarili ko na di mo na ako masasaktan.”
“And when I came back, you shoved me away. Hindi ko na lang ipinilit ang sarili ko. Akala ko lilipas din ang galit mo sa akin paglipas ng panahon. Hindi ko alam na mas malalim pala ang pinanggalingan noon.”
“Pero bumalik ka pa rin sa akin matapos ang pitong taon.”
Hinaplos nito ang pisngi niya habang puno ng pagmamahal ang mga mata nito. “Dahil alam ko na ikaw lang ang babaeng mamahalin ko. I want to be the man that you deserve. Iyong hindi ka na iiwan kahit kailan. I want to be someone who is man enough to love you but it is not enough.”
“Hindi ko gusto na saktan ka. Gusto ko nang kalimutan ang tungkol sa anak natin. Pero nang makita ko ang nangyari kay Ederlyn, bumalik sa akin ang lahat. Hindi pa pala naghihilom ang sugat.”
“Dahil hindi mo pa hinaharap. At ngayong alam ko na, hindi kita pipilitin na patawarin ako. Hahayaan kong maghilom ang sugat sa puso mo.” Kinintalan nito ng halik ang mga mata niya. “Maghihintay ako kahit na gaano katagal.”
Tiningala niya at umiling. “No. Wala nang dahilan para maghintay ka pa. Pinapatawad na kita, Joziah.” Tumingkayad siya at kinintalan ng halik ang labi nito. “At sana mapatawad mo rin ako sa pananakit ko sa iyo.”
Hinaplos ng hinlalaki nito ang ilalim ng mata niya at ikinulong ang pisngi niya sa mga palad nito. “Brescia, no! Hindi mo madaliin ang sarili mo. At kung saktan mo man ako, I guess I deserve it.”
“Tama na. Ayoko nang saktan ka dahil sarili ko rin ang sinasaktan ko. Wala namang silbi kung patuloy akong maghihinanakit sa iyo. Pagod na pagod na akong dalhin ang galit sa dibdib ko. All I want is to be happy. And only your love can make me happy.” Niyakap niya ito. “Please love me again, Joziah.”
He nudged her chin and kissed her passionately. It was the sweetest kiss she had tasted. Wala nang pait na naiwan sa puso niya. Tanging naiwan na lang doon ay ang pagmamahal at ang kaligayahang naidulot nito sa kanya.
“Brescia, hindi ko maipapangako na di pa rin ako magiging concern sa ibang babae. That’s me. Ayokong may ibang taong nasasaktan. But I will make sure that I will stay with you. At di ko hahayaang masaktan ka.”
Natawa siya. “Tiyakin mo lang na concern lang iyon. Dahil oras na pagtaksilan mo ako, pwede kitang ipa-ban dito sa riding club.”
“Kailan ba naman kita pinagtaksilan?”
Yumakap siya sa baywang nito. “Sige na. Mahal mo na ako.”
Nang ihilig niya ang ulo sa dibdib nito, nakadama siya ng kapayapaan. Iyon pala ang pakiramdam ng walang anumang kinikimkim na galit. Parang inililipad siya sa ulap ng pagmamahal ni Joziah.
“Brescia, hindi na natin maibabalik ang buhay ng anak natin pero magsimula tayo ulit. Gusto ko nang buuin ang pamilya na pinapangarap natin.”
“So do I,” nakangiti niyang may sagot.
Nang muling magtagpo ang labi nila, alam niyang di na nila kailangan pa ng diamond ring para patibayan ang pagmamahalan nila. Sapat na ang sagot niya para matupad ang mga pangarap nila.
At sa pagkakataong ito, wala nang lihim pa na hahadlang sa kanila. Kahit ano pang bagyo ang dumating, handa silang harapin iyon.