Ready na ready na si Gianna para sumali sa isang baduy na game show. Pakiramdam kasi niya ay iyon na lang ang pag-asa niya para makabayad sa lahat ng pagkakautang niya dahil sa papalubog na niyang computer shop.
Subalit sa malas ay mukhang di siya kinakasihan ng tadhana. Sa gitna ng malakas na ulan, isang rumaragasang asul na sportscar ang nagpaligo sa kanya ng madumi at nakakapandiring tubig baha. Nasira tuloy ang make up niya, ang maganda niyang buhok at pati ang bago niyang damit at sapatos.
“Excuse me!” sigaw niya at kinatok ang tinted na windshield ng sasakyan.
Napanganga na lang siya nang bumaba ang windhshield at dumungaw ang driver. It was Eizhiro Figueroa, The King of Frown. At iyon na yata ang simula ng lahat ng kamalasan sa buhay niya. Dahil kahit saan siya pumunta ay wala na itong dinala sa kanya kundi kamalasan.
Subalit sa malas ba ay raragasain nito pati ang puso niya?
Hindi maalis ni Gianna ang tingin sa salamin. Ilang beses niyang ipinaling-paling ang mukha para tingnan kung saan ang magandang anggulo.
Ngumiti siya at sinapo ang pisngi. “Kahit saan ko naman tingnan, wala talaga akong makitang pangit sa akin. Ang ganda ko.” Saka siya humalakhak.
Napapitlag siya nang kalabitin siya ng kapatid niyang si Princess. Di niya napansing lumabas ito ng kuwarto. Magkasama sila sa isang apartment sa Quezon City. Opening ang pasok ng kapatid niya sa isang boutique bilang sales assistant kaya maagang gumising. “Ano ka ba naman, Ate? Mukha kang tanga diyan. Ngingiti-ngiti ka pa sa salamin. Baka mabasag iyan.”
Lalo pa niyang inilapit ang mukha sa salamin. “Pinagmamasdan ko lang mabuti ang kagandahan ko.”
Tiningnan siya nito mula ulo hanggang paa. “Bihis na bihis tayo, ah! May gwapo ba sa opisina ninyo at ganyan ka kaganda?”
Umismid siya. “Walang guwapo sa office namin. Puro nerd ang lalaki doon.” Isa siyang graphics artist sa para sa isang company sa Makati. “Sasali ako sa Step No, Step Yes.”
“Step No, Step Yes?” Nanlaki ang mata nito. “Oh, no! That’s the biggest joke I’ve ever heard. You mean you will join that cheap game? Yuck, Ate!”
Ang Step No, Step Yes ay isang game sa isang noontime show. Nang nakaraang araw ay mga graphics artist ang tinawagan para maglaro.
“Isinama lang naman ako ni Elaine. Saka huwag ka ngang yuck ng yuck diyan. Pera din naman ang mapapalunan doon. Malaking pera. Paano kung doon pala ang swerte ko? Eh, di sayang naman.”
“Tapos makikita ka ng mga kapitbahay at ng mga kamag-anak natin sa TV. Tapos magsisigaw ka at magtatalon na mukhang baliw.” Iniikot nito ang mata. “It’s so ka-cheap-an. Ikaw pa mismo ang nagsabi sa akin na cheap ang show na ‘yon.”
Ibinaba niya ang tingin sa bagong sapatos na binili niya kahapon lang nang makapasa siya sa audition para sa laro. Tama ito. Baduy ang tingin niya sa mga sumasali sa game show na iyon. “Alam mo naman na kailangang-kailangan ko ng pera, hindi ba?”
“At ganyan ka na ba kadesperada sa pera para magpakabaduy?”
Malungkot niya itong tiningnan at tumango. “Kahit ano gagawin ko para lang huwag tuluyang lumubog ang computer shop namin.”
Siyam na buwan na ang nakakaraan nang magtayo siya ng computer shop kasama ang tatlo pang mga kaibigan. Masyadong malaki ang nailabas niyang pera dahil bukod sa paunang puhunan, kailangan pa niyang alalayan ang bayarin at pangangailangan sa shop. Nagkaka-problema din sila sa mga computers na nabili. Kaunti lang kasi ang puhunan nila kaya iyon lang ang pinagkasya nila. Inaasahan niyang marunong tumingin ang mga kasama ng magandang klase pero sirain din ang kinabagsakan nila. Doon nagsimula ang problema nila. Dahil sirain ang mga computers ay nahihirapang kumita ang shop nila.
Sa ngayon ay dalawa na lang silang nagme-maintain ng kaibigan niyang si Princess dahil sila ang mas malaki ang sweldo. Nasa abroad na ang dalawa at di man lang nagpapadala ng tulong sa kanila. Personal na niyang pera ang ginagamit niya para mai-maintain ang shop at hindi na siya makahinga. Ngayon ay nahaharap sila sa pagkalaki-laking utang. Napipinto na ring magsara ang computer shop.
“Mabuti pa isara na lang ninyo ang shop, Ate,” payo ni Princess. “Lalo ka lang namang mababaon sa utang.”
“Sayang naman kasi ang pinaghirapan naming magkakaibigan. Alam mo naman na matagal ko nang pangarap na magtayo ng computer shop. Lulunukin ko na lang ang pride ko. Di ako magkakapera sa pride.”
Ginagap nito ang kamay niya at ngumiti. “Sige na. Ako na muna ang magpapadala kay Nanay at Tatay sa probinsiya. Naiintindihan naman nila na malaki ang nagastos mo sa shop. Hindi mo na kailangang sumali sa game show na iyan dahil promoted na ako. Assistant supervisor na ako.”
Umiling siya. “Hindi. Ate mo pa rin ako. Responsibilidad ko iyon kaya haharapin ko. Saka ayoko nang pati ikaw nagtitipid dahil sa kapalpakan ko.”
“Walang guarantee na mananalo ka diyan.”
“I just want to try my luck. Malay mo ito na ang pag-asa ko para makaahon sa kahirapan. Sayang naman iyon.”
“Mas gusto ko nang magtipid kaysa naman mamatay ako sa kahihiyan.” Huminga ito nang malalim at uminom ng tubig. “Ate, hangga’t maari doon ka pupunta sa likod. Huwag ka masyado sa harap at huwag kang masyadong magpapakita sa camera. Sayang ang ganda mo.”
Hinawakan niya ang palda niya at umikot. “Sayang naman ang kagandahan ko kung hindi ako makikita sa TV. Saka matagal nang pangarap ni Nanay na isa sa atin ang maging artista, hindi ba?”
“Artista at hindi isang baliw na contestant sa show.”
“Pero pumapayag ka nang sumali sa ako?”
Bumuntong-hininga ito. “May magagawa pa ba ako? Mukhang desidido ka nang magpakabaduy. Then go ahead.”
“Thank you!” Hinila niya ang kamay nito. “Sabay na tayong mag-agahan. Ipinagluto kita ng favorite mong tuyo.”
Humalakhak ito. “Dapat ka na nga yatang sumali sa game na iyan. At tiyakin mo lang sana na mananalo ka, Ate. Para naman di sayang pagpapakabaduy mo.”
“Mabuti pa samahan mo na rin ako. Kailangan daw kasing magsama ng kamag-anak sabi ng production assistant sa amin.”
Nanlaki ang mata nito. “No!”
“Hindi mo naman kailangang sumigaw. Nasa harap ng pagkain.”
“Ayoko ngang makita ka sa kabaduyang show na iyon tapos pasasamahin mo pa ako. Gusto mong masira ang aking magandang imahe.”
“Para naman saan ang magandang imahe na iyan?”
“Paano pa ako makakapasok sa Stallion Riding Club kung tarnished na ang image ko?” At ngumiti na parang nangangarap.
Ang Stallion Riding Club ay isang eksklusibong club para sa mayayaman at guwapong lalaki sa Pilipinas. Lahat yata ng babae ay gustong doon makapasok para maging mala-Cinderella ang buhay. Lahat yata ng lalaki doon ay prinsipe. At di makakapasok ang sinuman doon nang walang imbitasyon mula sa Stallion members.
“Umaasa ka pa rin ba na makakapasok ka doon? Mas madali pa yatang manalo sa lotto kaysa makapasok sa Stallion Riding Club.”
“Heh! Hind ko pa rin isinusuko ang pangarap ko. Kaya pag-isipan mo muna ang pagsali sa game na iyan bago ka pa tuluyang ayawan na pumasok sa riding club. As far as I know, bawal doon ang may mark ng kabaduyan.”
Sumubo siya ng sinangag. “Hindi naman talaga tayo makakapasok sa riding club na iyan. Saka di rin naman sila makakatulong sa problema ko.”
Sa ngayon ay sarili lang niya ang maasahan niya. Kaya kailangan niyang manalo. Panahon na para magbago ang buhay niya. Ayaw na niya sa utang. Gusto niyang yumaman at guminhawa sa buhay!
KAHIT nasa istasyon ng LRT-2 ay kuntodo smile si Gianna. Pina-practice pa rin niya ang anggulong pinag-aralan sa harap ng salamin. Baduy na kung baduy. Nakakahiya rin na matalo pero at least maganda siya sa TV.
“Miss,” untag sa kanya ng lalaking katabi.
“Yes?” nakangiti pa niyang tanong.
“Nagri-ring ang cellphone mo. Bingi ka ba? Sagutin mo nga!”
Nahindik siya dahil tinarayan siya ng di kaguwapuhang lalaki. “S-Sorry.”
“Mukhang tanga. Pangiti-ngiti pa,” usal ng lalaki.
Sinagot niya ang tawag. Minsan na lang siya nag-tren, may magsusungit pa sa kanya. Kapag yumaman siya, bibilhin niya ang LRT at di niya pasasakayin ang impaktong lalaking iyon.
“Hello, Gia!” anang kaibigan niyang si Elaine. “Bakit ang tagal mo? Naiinip na ako dito. Eight thirty daw dapat nandito na tayong lahat.”
“Oo. Malapit na ako. Cubao Station na ako.”
Ang kaibigan niyang si Elaine ay isa sa mga kasosyo niya sa computer shop. Pero dahil parehong naghihirap, pareho silang napilitan na sumali sa game show. Isa lang naman ang pakay nilang dalawa sa pagsali sa contest na iyon. Ang makabayad sa lahat ng mga pagkakautang nila at ma-improve ang kondisyon ng shop.
“Nagsusungit nga iyong production assistant. Magpaganda pa daw kami para naman daw di pangit sa TV. Di pa pala ako maganda sa lagay na ito.”
“Don’t worry. Maganda ako kaya di siya magrereklamo.”
“Basta kailangan nating manalo para naman makabalik tayo sa dati nating buhay. Gusto ko naman na makapag-relax sa trabaho. Di tulad ngayon, kailangan ko pang mag-sideline at halos di na matulog para lang mabuhay,” anito at bumuntong-hininga. Malaki ang problema nito dahil nag-iisa lang itong nagtatrabaho sa pamilya. Sa pagdating ng shop, nahirapan na itong mag-budget tulad niya. Minsan nga ay ikakain na lang nila, kailangan pang ibigay para sa gastusin sa shop.
“Basta mananalo tayo,” sabi niya.
“Yes! Mananalo tayo!” anito at nagtitili. Lalo siyang nabuhayan nang marinig ang masayang boses nito. Dapat nga silang manalo.
“Yes! Mananalo tayo!” sigaw din niya. Napansin na lang niya nagtitinginan sa kanya ang ibang pasahero na parang baliw siya. Alanganin siyang ngumiti. “Sorry po! Nagpa-practice lang.”
“Anong nangyari?” untag sa kanya ni Elaine.
“Nasa LRT pa ako. Mamaya na lang ulit kapag dumating na ako diyan.”
“Tawagan mo na at I-text ang lahat ng gusto mong tawagan at I-text. Isu-surrender natin ang cellphone natin bago pumasok ng studio.”
“Okay.” Wala naman na siyang ite-text at tatawagan. Ayaw niyang magpaka-drama pa sa text dahil kakantiyawan lang siya ng kapatid na si Princess. Saka na siya magmamalaki kapag nanalo siya.
Bumaba siya sa destinasyon niya. Ilang metro na lang mula sa binabaang statlon ay naroon na ang studio kaya lalakarin na lang niya.
Paglabas niya ng train station ay malakas ang buhos ng ulan. Mukhang hindi iyon magandang pangitain para sa kanya. May kataasan na rin ang tubig sa mismong kalsada at napipintong umabot sa sidewalk.
Ayaw na ayaw niya sa lahat ay ang ulan at ang baha.
“Hindi! Hindi ako magpapatalo sa ulan!” aniya at kinuyom ang palad. “Hindi ako natatakot sa ulan. Mananalo ako!”
May dumaang sasakyan at naramdaman na lang niya na nagtalamsikan ang tubig sa katawan niya. Huminga siya nang malalim at hinaplos ang mukha niya. Nanlaki ang mata niya nang pumlastada sa katawan niya ang basang-basang damit. Maging ang buhok niya tumutulo-tulo pa ang tubig.
Saka lang niya na-realize kung ano ang itsura niya. She was wet from head to foot. Mula sa kanyang magandang buhok na ginamitan pa niya ang Stallion Shampoo and Conditioner, sa kanyang magandang mukha na ingat na ingat pa mandin siya sa paglalagay ng make up, sa kanyang paboritong damit hanggang sa kanyang bagong biling sapatos. She looked like a mess.
Ano na lang ang itsura niya pagharap sa TV? Hindi na siya makakaharap sa mga madlang people! At lalong hindi na siya makakasali pa sa game show! Wala na ang pag-asa niyang guminhawa sa buhay at maging mayaman! Wala na!
Gusto sana niyang maglulupasay sa inis subalit hindi iyon ang oras para doon. Matalim niyang sinundan ng tingin ang salarin na bumasa sa kanya. Ang kulay asul na sports car na walang pakundangan kung magmaneho ang driver.
Kasalukuyang nakatigil ang kotse dahil pula ang ilaw ng traffic light. “Humanda ka sa akin ngayon!” kuyom ang palad niyang usal.
At parang susugod sa giyera niyang tinungo ang sasakyan. Wala siyang pakialam kung nabasa man ang paa niya dahil sa tubig baha. Ang importante ay pagbayaran ng walang kwentang driver na iyon ang lahat ng kamasalang inabot niya. Tuturuan talaga niya ito ng leksiyon.
Kinatok niya ang tinted na windshield ng sasakyan. Hindi agad bumukas ang sasakyan. Kinatok niya iyon ulit. “Excuse me!”
Maganda ang sportscar na iyon kaya siguro walang pakundangan ang driver. She bet, katulad din iyon ng aroganteng lalaki sa LRT na di naman kaguwapuhan pero ubod ng antipatiko. Ayaw sigurong buksan ang sasakyan dahil ayaw nitong makita ng ibang tao ang kapangitan nito. Kadalasan naman ay ganoon. Ang mga feeling guwapo ay nagda-drive ng mamahaling kotse para maging guwapo.
And perhaps the way he drove recklessly was a cool act. For her it wasn’t.
Unti-unting bumaba ang windshield at sumungaw mula sa bintana ang driver. Nakakunot ang noo nito. “Yes, Miss?”
Napanganga na lang siya nang magsalubong ang mata nila ng driver. Maganda ang mata nito. He had smoky eyes. Matangos ang ilong nito. Maganda din ang porma ng labi na parang gustong magpahalik. Guwapo ito. Hindi. Hindi lang ito basta guwapo. Marami naman siyang nakikitang guwapo pero di naman siya natutulala tulad ngayon. She was sure that he had more character. He was more than just a pretty face. Nakadagdag pa sa karisma nito ang morenong balat.
Nagsalubong ang kilay nito. “Ano bang kailangan mo, Miss?”
His voice was so manly. Nakakapanginig ng tuhod. Wala sa sariling hinaplos niya ang basang buhok. Dapat kahit paano ay maganda siya sa paningin nito.
“Miss, you see I am in hurry,” he said in an impatient voice. Inis din nitong isinuklay ang daliri sa may kahabaang buhok. “I guess I am wasting my time here.”
“Ha?” Saka lang niya naalala kung ano ang pakay niya. Ito ang dahilan kung bakit basang-basa siya at nasira ang get up para sa game show. Ito ang kaskaserong driver na sisira sa mga pangarap niya. Kasalanan nito ang lahat!
Subalit bago pa niya masabi iyon ay nakita na niyang itinataas nitong muli ang windshield ng sasakyan. “Sandali lang!” aniya at biglang isiningit ang kamay para pigilan ang pagtaas ng windshield. Napasigaw si Gianna nang maipit ang kamay niya sa windshield. “Aray!”
Dali dali ulit ibinaba ng lalaki ang windshield. “Miss, ano bang ginagawa mo?” asik nito at di pa rin nawala ang kunot sa noo.
“May sasabihin pa ako pero isinara mo agad iyong windshield,” mangiyak-ngiyak niyang sabi.
Nanlaki ang mata nito at hinawakan ang kamay niya. “Damn!” usal nito nang makita ang pulang marka sa kamay niya.