Stallion Series (Sofia Edition) Chapter 226

Nakatulala sa kawalan si Gianna habang nasa computer shop. Nakatitig siya sa monitor niya na nakasara naman. Hanggang ngayon ay hinayang na hinayang pa rin siya dahil nawalan siya ng pagkakataong manalo sa game show.

Pumailanlang ang halakhak ang kaibigan niyang si Elaine. “Jason, ang ganda-ganda ko sa TV. Biglang nag-text sa akin iyong escort namin noong high school ako. Sabi niya kung pwede daw kaming mag-date,” kinikilig nitong sabi.

Di tulad niya, nakasali si Elaine sa paglalaro. Hindi nga ito nanalo pero nasiyahan na ito sa consolation prize. Siya kahit singkong duling ay walang nakuha.

“Maniwala ka naman na maganda ka, Ate Elaine,” anang si Jason, ang bantay nila sa shop. “Mukha ka kayang siopao sa TV.”

Nanlaki ang mata ni Elaine. “Gusto mong masaktan sa akin?”

Humalakhak lang si Jason at nilapitan siya. “Ate Gia, bakit hindi mo ginagalaw iyang pagkain mo? Magtatampo sa iyo si chicken joy.”

“Wala kasi akong ganang kumain,” aniya at pilit na ngumiti. “Kung gusto mo sa iyo na lang.”

“Masama yata ang loob mo dahil hindi ka nakasama sa game,” sabi ni Elaine na sige ang pagkain ng chicken joy. “Okay lang iyan, friend. Ikain mo na lang.”

“Nanghihinayang lang ako. Sayang din kasi ang pagkakataon, di ba? Maipapagawa na sana natin itong shop kung nanalo tayo.”

“Oo nga. Saka ang ganda mo ngayon, Ate Gia. Sayang ang exposure sa TV. Malay mo makuha ka pang artista.” Pumalatak si Jason. “Ang gara talaga ng get up mo. Baka iyon pang mga host ng show ang mailang sa iyo.”

“Oo nga pala. Saan mo nga pala nakuha iyang damit mo?” tanong ni Elaine na nagkakanda-buwalan na sa pagkain ng manok.

“Sa kay Eizhiro. Doon sa may-ari ng sportscar na bumasa sa akin,” nakakunot ang noo niyang sabi.

Nagtitili si Elaine na kilig na kilig at hinila-hila ang braso niya. “How sweet ! Nakatagpo ka ng guwapong lalaki sa gitna ng baha.”

“Ano ba? Nagmamantika ka ang kamay mo.” Pinunasan niya ng tissue ang braso niyang hinawakan nito. “Kumain ka na nga diyan.”

“Pero friend, hindi mo ba naiisip na maaring ang lalaking iyon na ang sagot sa panalangin mo. Super guwapo! At tingnan mo naman ang damit na bigay niya sa iyo. Si Jenna Rose pa ang fashion designer. Bumobongga!”

“Actually, si Jenna Rose mismo ang nagdala ng damit sa akin sa condo niya. Mukha yatang magkakilala silang dalawa,” matabang niyang sabi at sinimulang kumain. Bigla siyang nagutom nang maisip si Eizhiro. Ang guwapong si Eizhiro.

Nagtataka talaga siya sa lalaking iyon. Parang allergic sa mga babae. Akala yata nito ay magpapakamatay ang lahat ng babae dito. Kung di pa nga siya nag-iiyak ay baka hinayaan na lang siya nito sa gitna ng ulan.

Halos lumuwa ang mata nito sa sobrang paghanga. “Wow! Siguro close sila. Hindi kaya member din ng Stallion Riding Club si Eizhiro?”

Nagkibit-balikat siya. “Malay ko.”

Pero hindi malayo iyon dahil mayaman naman si Eizhiro at guwapo. Ang mga katulad nito ang kinukuhang member ng riding club.

Namula siya. Hinawakan nito ang kamay niya. Alam din nito kung ano ang size ng katawan niya. Hindi siya makapaniwalang posibleng nahawakan ng isang taga-Stallion Riding Club ang kamay niya.

“Ang swerte mo naman kung taga-riding club nga siya.” Inamoy-amoy siya nito. “Baka may naiwang amoy diyan.”

“Heh! Amoy Stallion Shampoo lang ako pero di ko kaamoy ang lalaking iyon.”

Umupo ito sa tabi niya. “Mare, jackpot ka na sa Eizhiro na iyon. Sus! Kung ganoon kaguwapo ang kasama ko mare-rape siya sa akin. Sana talaga hindi mo na siya pinakawalan. Magbubuhay-donya ka na doon.”

“Alam mo, sobra-sobrang ilusyon na iyan. At ang ilusyon hindi ko maipambabayad sa mga utang natin.” At paano naman siya makaka-jackpot sa lalaking siyang dahilan ng lahat ng kamalasan niya sa buhay? Nawawalan na tuloy siya ng pag-asa na mababayaran pa ang mga utang nila.

Nalungkot na rin si Elaine. “Oo nga pala. Hindi ko na rin makakayanan ang dami ng utang na babayaran natin. Iyon kasing dalawa, eh! Nag-abroad at hinayaan tayong magbayad ng utang. NI hindi man lang tayo matutulungan.”

“Ano nga pala ang mangyayari kapag hindi na natin mabayaran ang lahat ng utang dito sa shop?” tanong niya.

“Baka iparasara na lang natin,” sagot nito.

“Ate, huwag naman po!” angal ni Jason. “Kawawa naman po ako. Wala pa po akong makikitang trabaho ngayon. Mahirap pong maghanap.”

Dating kundoktor si Jason pero magaling naman sa computer kahit high school graduate lang. Nobyo ito ng kapatid ni Elaine. Madali itong matuto. Kapag may sira ang computers nila ay ito na ang nagre-repair. Bukod sa mapagkakatiwalaan ay masikap din ito sa buhay. Palibhasa ay ito lang ang nagtatrabaho sa pamilya nito. Sa computer shop lang nila ito umaasa.

“Huwag kang mag-alala, Jason. Gumagawa naman kami ng paraan para hindi tuluyang magsara itong shop.”

Sa shop na rin iyon nakasalalay ang katuparan ng mga pangarap niya at marami na siyang hirap na dinanas at isinakripisyo para lang matupad ang pangarap na iyon. Di siya pwedeng sumuko. Bukod sa kanya ay may iba pang tao na umaasa sa kanya at sa shop.

“Paano naman si Fafa Eizhiro?” tanong ni Elaine. “Hindi mo na ba tatawagan man lang at yayayaing mag-date?”

“Naku! Ayoko sa lalaking masungit. Saka hindi ko siya matantiya. Minsan mabait at minsan nagsusungit. Huwag na lang.”

Nangalumbaba ito. “Sa palagay mo ba may girlfriend na si Eizhiro?”

“Wala. SA sungit niyang iyon, walang babae na tatagal sa kanya. Saka sa palagay ko nga allergic siya sa mga babae.”

Tumayo ito at niyakap ang sariling katawan. “Kahit ba ang alindog ko hindi niya papatulan?” tanong nito.

“Ate Elaine, gutom lang iyan,” kantiyaw ni Jason.

Namaywang si Elaine. “Sige! Hindi kita pasuswelduhin ng isang linggo.”

“Ate Elaine, joke lang iyon. Alam ko naman na maganda ka. Kung hindi ba, bakit ko magiging girlfriend ang kapatid mong kasing ganda mo.”

“Iyan! Ganyan ang sagot,” anang si Elaine at humalakhak.

Ngumiti siya habang nagtatawanan ang dalawa. Ayaw niyang tuluyang mawala ang saya ng mga ito. Kailangan talaga niyang gumawa ng paraan para di tuluyang mawala ang computer shop sa kanya.

“THREE o’clock na, Gia. Why don’t you join me for snacks?” alok ng boss ni Gianna na si Conrad. Anak ito ng may-ari ng advertising company kung saan siya nagtatrabaho at madalas na umali-aligid sa kanya.

Saglit siyang tumigil sa ginagawa para lingunin ito. “Thank you, Sir. Parating naman na iyong in-order kong turon.” Nagtitipid kasi siya ngayon. Nagbabaon na rin siya ng ulam sa tanghalian para lang di bumili sa labas.

Tumawa ito at umupo sa gilid ng table niya. “Iniinsulto mo naman yata ako. Ipagpapalit mo ako sa turon? Come on! I will get you something decent.”

“Iyon lang po talaga ang gusto kong kainin. Next time na lang, Sir.”

Ginagap nito ang kamay niya. “Alam ko na mahirap ang pinagdadaanan mo ngayon. Nandito naman ako para tulungan ka. If you will just accept my love…”

Tumikhim siya at binawi agad ang kamay. “Nandito na iyong order ko, Sir. Pwede rin siguro sabayan na lang ninyo ako dito.”

Dali-dali itong lumayo sa kanya. “Next time na lang tayo mag-snack.” Allergic kasi ito sa mga mumurahing pagkain. At ayaw niya sa lalaking maarte.

“Anong problema mo at hindi mo tinanggap ang alok ni Sir?” tanong ng kasamahan niyang si Tessa. “Ilang beses na iyong nagyaya.”

“Boss natin siya at anak ng may-ari. I don’t think it is appropriate to go out with him. Isa pa, marami akong problema sa ngayon.”

“Ano pa ba ang aayawan mo kay Sir? Rich and gorgeous.”

“I am not interested.”

Mas nakatatak sa utak niya ang lalaking hindi mahilig ngumiti at ang pinakamataas nang papuri para sa kanya ay mukha siyang tao. Eizhiro Figueroa. She liked his brown skin and his long hair. Pati na rin ang mga mata nitong di ngumingiti. Sinapo niya ang pisngi at ngumiti. Nag-e-enjoy din siyang pikunin ito. Kahit yata anong pagsusungit ang gawin nito ay guwapo pa rin.

At sa mga panahon na problemado siya sa mundo, maisip lang niya ito ay napapangiti na siya. Magkikita pa kaya sila?

Kinalabit siya ni Tessa. “Hoy, gising!”

Napapitlag siya. “Bakit? Anong problema?”

“Iyong cellphone mo kanina pa nagri-ring. Baka importante iyan.”

Lipad na naman ang utak niya dahil kay Eizhiro kaya di niya napansin ang nagri-ring niyang cellphone. Baka naman may emergency na naman sa shop.

Natigilan siya sa pagdampot sa cellphone nang makita kung sino ang tumatawag. Eizhiro “Sungit” Figueroa ang naka-register na tumatawag. Ilang beses niyang kinusot ang mata. SI Eizhiro nga!

“Excuse me, Tessa.” Tumakbo papunta sa may hallway kung saan mas tahimik. “Hello!” aniya sa masaya at excited na boses.

Bakit kaya ito tumawag? May naiwan ba siyang gamit sa condo nito? O baka naman kukumustahin lang siya nito kung okay lang siya. O baka naman di rin siya mawala sa isip nito at gusto siyang yayain ng date. O all of the above? Sabi na nga ba niya’t malakas ang tama ni Eizhiro sa kanya.

“I want to see you now. We have something very important to discuss,” he said in a very commanding tone.

Bigla niyang nailayo ang cellphone sa tainga at pinagmasdan iyon. Siya ba talaga ang gusto nitong makausap? He didn’t sound like the man who was willing to ask a woman out on a date.

“Hello! Hello! Mr. Eizhiro Figueroa?”

“Yes! Ano na? Narinig mo ba ang mga sinabi ko sa iyo? I said I want to see you now so we can talk.”

“Yes! I heard you loud and clear. Sa lakas ng boses mo, halos mabasag na nga ang eardrums ko. Pero kilala mo ba kung sino ang tinatawagan mo?”

“Ikaw.”

“Sige. Sino ako?”

“Gi… Gizella? Graciella?”

Naiikot niya ang mga mata. “See? You can’t even remember my name!” The nerve of the man. Tumawag lang ba ito para insultuhin siya?

“Basta ikaw iyong babaeng gustong sumali sa cheap na gameshow. Ah! You are the girl with the size seven shoes and…”

“Hold it! Ako nga iyon at hindi mo na kailangan pang sabihin sa akin ang vital statistics ko. And my name is Gianna Javellano. Gianna! Hindi kung anong Gi!”

“It doesn’t matter. We have to talk.”

Humigpit ang hawak niya sa cellphone. Anong klaseng lalaki ito? Simpleng pangalan lang niya ay di mabigyan ng konsiderasyon. Napaka-insensitive!

“Well, it matters to me. Tatawag ka lang sa akin di mo pa alam ang pangalan ko. You don’t even have the decency to say hello. Common phone courtesy lang hindi mo pa alam!” At saka niya pinutol ang tawag.

She was really fuming. Kung kaharap lang niya ito, baka nasakal na niya ito sa sobrang inis. The arrogance of the man! Tatawagan siya pero ni di man lang matandaan ang pangalan niya. Mas natatandaan pa nito ang vital statistics niya. At kung makaasta pa ito ay parang nabili na siya nito.

Muling nag-ring ang cellphone niya. Si Eizhiro ulit ang tumatawag. Napilitan siyang sagutin iyon. “Bakit tumatawag ka pa rin?”

“You didn’t say goodbye so I guess the conversation isn’t over yet.”

“Ano pa bang kailangan mo sa akin?” Matutuyo na ang dugo niya dito. Sa dinami-dami ng lalaki sa mundo, bakit nakatagpo pa siya ng katulad nito? Insensitive, arogante, masungit, guwapo…

“Makikipagkita ka ba sa akin o ako mismo ang pupunta sa iyo?”

“Bakit pa tayo magkikita? Gaano ba kaimportante iyang sasabihin mo?”

“It is so important that I want to see you now.”

Gumuhit ang ngiti sa labi niya. “Ngayon na?” Hindi niya alam kung saan nanggaling ang excitement na makita itong muli.

“Ano? Pupuntahan na ba kita diyan? Nasa office ka, hindi ba?”

“Oo. Pero may trabaho pa ako. Hindi ako pwedeng umalis dito dahil lang inutos mo sa akin. Kung gusto mo akong makita, maghintay ka!”

Wala siyang planong magpa-bully dito. Akala naman niya por que guwapo ito ay magkakandarapa na siyang pumunta dito? No way!

“Then meet me at Okashi Restaurant.” Ibinigay nito ang lokasyon. “Huwag mo akong paghintayin nang matagal.”

Ngingiti-ngiti siya habang pabalik ng opisina. “Huh! Akala mo naman magpapasindak ako sa iyo. Ikaw ang may kailangan, ikaw ang maghintay.”

“Sino ang kausap mo diyan?” untag sa kanya ni Tessa.

“Wala. I am just talking to my self.”

“Mukhang may maganda kang balitang natanggap. Maganda ang ngiti mo, eh! I-share mo naman sa akin.”

“May date ako mamaya.”

“IRRASHAIMASE!” bati kay Gianna ng isang babaeng naka-kimono pagpasok niya ng Japanese restaurant na Okashi. Wala siyang hilig sa Japanese food pero na-appreciate niya ang magandang ambiance ng restaurant. Nakaka-relax.

“Mr. Eizhiro Figueroa is waiting for me,” sabi niya.

“This way, Ma’am.” At iginiya siya ng babae patungo sa isang private room.

Nakaupo si Eizhiro tatami mat habang umiinom ng tsaa. He looked so calm. Hindi katulad kanina habang kausap niya ito sa phone na parang makikipag-giyera.

But when he looked at her with sharp eyes, she could see war brewing in his eyes. “Sinadya mo bang paghintayin ako ng matagal?”

“Of course not. Tinapos ko pa ang trabaho ko. Sabi mo maghihintay ka. Bakit ka nagrereklamo?” Nang di ito kumibo ay binuklat niya ang menu. “Hindi mo ba alam na rule sa pakikipag-date na alamin muna ang gusto ng ka-date mo? Wala akong hilig sa Japanese food. I am not into raw stuff.”

“Well, this is not a date. So give stop dreaming about me.” Nilingon nito ang waitress. “Give her curry burger and rice.”

“Ayoko ng maanghang,” kontra agad niya.

Huminga nang malalim si Eizhiro. “Then don’t put too much chili powder.”

Pwede na rin ang curry. Masarap iyon at safe. “And I want orange juice,” pahabol niya. Parang wala na kasing plano si Eizhiro na papiliin pa siya sa menu. “Bakit parang nagmamadali ka?”

“I just want to finish our conversation soon.”

Pinagmasdan niya ang seryoso nitong mukha. Bumalik na naman ang kunot ng noo nito. “May problema ba?”

“Yes. You and your friend.”

“Ha? Friend? Sinong kaibigan ko?”

“A certain Elaine Lagdameo.”

“Si Elaine? Bakit? Anong ginawa niya? Nakikipag-textmate ba siya sa iyo?” Nasapo niya ang noo. Mukhang pinapantasya ni Elaine na miyembro ng Stallion Riding Club si Eizhiro. “Si Elaine talaga!”

“Huwag kang magkunwari na parang inosente ka dito.”

“Inosente saan? Aaminin ko na nasa kanya ang number mo. Naalala mo noong ipadala ko ang number mo sa kanya para…”

“I know the story!” Dumilim ang mukha nito. “At sinabi din niya sa akin na hindi ka nakasali sa game dahil kasalanan ko.”

“Ha? Sinabi niya iyon?”

“Yes. And she’s asking me to pay the damage. Two hundred thousand pesos.”

NovelDark

Your free library of light novels, web novels and translations. Romance, fantasy, action, drama — thousands of chapters updated daily, no signup needed.

Genres

© 2026 Noveldark. All rights reserved.