“Sorry po talaga, Mamang Guwapo. Hindi na talaga mauulit ang nangyari. Wala ring kinalaman si Gia sa pagtawag ko sa inyo. Gusto ko lang naman na humingi ng tulong. Wala akong planong mam-blackmail.”
Hindi halos magkandatuto si Elaine sa pagyuko sa harap ni Eizhiro. Nasa paborito silang Japanese restaurant ng binata para magpaliwanag dito. Katulad ng dati, di pa rin nawawala ang lukot sa mukha nito habang pinagmamasdan sila. Mga taong mapagsamantala nga naman ang tingin nito sa kanila.
“That is enough, Miss,” Eizhiro said in a low voice.
Nakangiti si Elaine nang iangat ang paningin. “Pinapatawad mo na ba kami? Hindi ka na galit sa amin?”
Bumuntong-hininga si Eizhiro. “Oo na. Basta matapos lang ito.”
“Hindi na kami magpapakita sa iyo. Promise iyon!” pangako ni Elaine at itinaas pa ang kanang kamay. “Hindi naman kami masamang tao, eh.”
“I just want you to keep your promise that you won’t bother me anymore. Tinitiyak mo rin ba iyon, Miss Javellano?”
“Ang totoo ayoko na sanang makita ka pa. Basta titiyakin mo lang na hindi na babalik ang babaeng ipinadala mo para guluhin kami,” sabi niya at umingos.
Bumadha ang pagtataka sa mukha nito. “Sinong babae?”
“A certain Katrina Pineda. Future wife mo daw,” sagot niya.
“Si Katrina? Nakipagkita sa inyo si Katrina?”
“Oo. Basta nagpakita siya sa amin na naka-wig na neon orange saka neon orange din ang blouse. Parang traffic enforcer,” anang si Elaine at humalakhak. “Kapag nasa gitna siya ng kalsada, tiyak na iiwasan siya ng mga sasakyan.”
“That’s Katrina, alright. Kung ano ang kulay ng wig niya, iyon din ang damit,” sang-ayon naman ni Eizhiro.
“Totoo ba na pakakasalan mo siya? Sana naman hindi. Hindi kasi kayo bagay,” walang habas na sabi ni Elaine.
“No. Hindi ko siya pakakasalan. Hindi ko siya girlfriend,” sagot ni Eizhiro. “Pero bakit naman siya nakipagkita sa inyo?”
“Now look who’s acting innocent,” maasido niyang komento. “Hindi ba ikaw ang nagpadala sa kanya para alukin kami ng pera. Don’t worry. Hindi namin iyon tinanggap. Hindi mo naman kailangan pang magpakahirap at magpadala ng tao para lang subukan kami. Lalayo naman talaga kami sa iyo.”
“Oo nga. Nag-offer pa siya ng two million,” sabi ni Elaine. “Parang maniniwala naman kami sa two million na iyon.”
“If it’s Katrina, two million is nothing. Gaya ng sinabi ko, wala akong kaugnayan sa kanya. She’s just a stalker who thinks that she owns me. Pinasusundan niya ang lahat ng kilos ko. Pati ang mga kasama ko,” kwento nito.
Stalker? May stalker ito?
Tumango-tango siya. “Kaya pala may mga kuha siya ng picture nating dalawa. Ang akala niya girlfriend mo ako. Galit na galit pa nga siya dahil isinama mo ako sa condo mo. Mukhang na-misinterpret niya ang lahat.”
Kung ganoon ay may dahilan nga para matakot si Eizhiro sa mga babaeng sumusunod-sunod dito. Mukhang hindi basta-basta babae si Katrina Pineda. Mukhang gagawin nga nito ang lahat para lang makuha si Eizhiro. Creepy woman.
“Kung hindi na tayo magkikita, siguro naman hindi na niya kayo guguluhin,” sabi ni Eizhiro. “I am sorry for that one.”
Nagkibit-balikat siya. “No harm done. Bukod sa nilait lang niya ang computer shop namin at tinawag na junk shop saka ginawa kaming mukhang pera, wala na siyang ibang damage na nagawa. Mas kawawa ka.”
“Thanks for the pity. I really need that,” he said acidly.
Nang mga oras na iyon, mas naramdaman niyang tao si Eizhiro. May kinatatakutan. May iniiwasan. Pero sapat na ba ang pagsunud-sunod dito ni Katrina para magalit ito sa mga babae? O mas malalim pa doon?
Ipinilig niya ang ulo. Wala na siyang pakialam pa dito. Problema na nito kung sakali mang manggulo pa rin si Katrina. Wala naman siyang maitutulong dito.
“We have to go, Mr. Figueroa. At salamat sa pagpapasensiya,” sabi niya nang sabay silang lumabas ng Japanese restaurant.
“Ano… mukhang walang taxi na dumadaan dito,” sabi ni Elaine. “Baka naman pwede na ihatid mo na rin kami sa bahay namin, Mamang Guwapo.”
Pinanlakihan niya ito ng mata. “Magtigil ka nga diyan.” Katatapos lang ng isang problema ay gusto na naman nitong gumawa ng panibago. Bahagya siyang tumango kay Eizhiro. “Mauuna na kami, Mr. Figueroa.”
“Gianna, wait!”
Nagulat siya nang bigla nitong hilahin ang kamay niya. Dahil di inaasahan ay nawalan siya ng balanse. Mabilis siyang inalalayan nito subalit sumalpok ang katawan niya sa katawan nito.
Pumulupot ang braso nito sa baywang niya. Nahigit niya ang hininga dahil sa kakaibang sensasyong naramdaman niya sa simpleng paglalapat ng katawan nila.
Nang tumingala siya ay nakatitig din ito sa kanya. There was so much intensity in his eyes. Hindi ito galit sa kanya subalit matindi ang emosyong nakikita niya doon. Sa sobrang tindi ay parang may magneto sa mata nito na humihigop sa kanyang kaluluwa at pagkatao.
“Okay lang ba kayong dalawa?” untag sa kanila ni Elaine.
Bigla silang natauhang dalawa at marahan siya nitong binitiwan. “I am sorry.”
“S-Sorry din,” aniya at pilit na tumayo ng tuwid. Saka niya natuklasan na nanginginig ulit ang tuhod niya.
“May sasabihin ka pa ba kay Gia, Mamang Guwapo? Nandiyan na kasi ang taxi namin,” sabi ni Elaine na pinipigil ang pagngisi.
“Yes. May gusto akong sabihin sa inyong dalawa. Kung nanggugulo man sa inyo si Katrina, sabihin lang ninyo sa akin.”
“Sa palagay ko hindi na niya kami guguluhin dahil hindi na tayo magkikita. Goodluck!” sabi niya at dali daling sumakay ng taxi. Parang hindi na siya tatagal pang makipag-usap dito nang matindi ang nararamdaman niyang kaba. Nag-aalala ito para sa kanya. Parang hindi totoo.
“Ayaw mo na ba talaga siyang makita?” tanong ni Elaine sa kanya nang bumibiyahe na sila pauwi.
“Bakit pa? Tapos na ang business natin sa kanya,” sagot niya.
“Paano kung guluhin ulit tayo ni Katrina?” tanong pa rin nito.
“Hindi na nga niya tayo guguluhin. Si Eizhiro lang naman ang dahilan kung bakit niya tayo ginugulo, hindi ba?”
“Sa palagay ko mas maganda kung magkikita ulit kayo. Kinikilig talaga ako kanina sa inyong dalawa!” tili nito.
Tinakpan ng palad niya ang bibig nito. “Tumahimik ka! Tahimik!”
No. Hindi na niya dapat pang makita si Eizhiro Figueroa. Ayaw niya na makadama ng emosyon na di niya makokontrol. And he made her feel that way. At ang problema ay di niya alam kung bakit pa niya nararamdaman iyon.
PAGOD na pagod ang pakiramdam ni Gianna. Tambak ang trabaho niya sa opisina. Mabuti na lang at mabilis siyang kumilos kaya nagawa niyang tapusin ang lahat bago pa ang deadline. Ayaw na kasi niyang pumasok pa ng Sabado sa opisina. Gusto na niyang magpahinga. Isa pa, may usapan sila ni Elaine na magkikita sa computer shop para magdamag na mag-Internet. Iyon na lang kasi ang libangan nila.
Pagdating niya ay naabutan niyang sambakol ang mukha ni Jason habang si Elaine ay namumugto ang mga mata. Parehong hinang-hina ang mga ito.
“Bakit ganyan ang itsura ninyo?” tanong niya. “Biyernes Santo ba?”
“Mas malala pa sa Biyernes Santo, Ate Gia,” sabi ni Jason.
“Pinaaalis na tayo dito ni Aling Beth dahil may iba na daw na uupa,” anang si Elaine at humagulgol ng iyak.
Nagulat siya. “Ano? Bakit tayo paaalisin dito sa shop? Good payer naman tayo. Nakakabayad tayo sa oras. Anong irereklamo niya?” tanong niya.
“May babae daw na gustong upahan itong pwesto para magtayo ng sosyal na internet café. Nag-offer daw ng mas malaking bayad. Thirty thousand a month.”
“Thirty thousand? Joke ba iyan? Anong pwesto ito? Sa mall?” bulalas niya.
Nasa harap sila ng isang state college sa Marikina. Nasa loob ng subdivision ang campus. Sino namang baliw ang magtatayo ng mamahaling café doon? Samantalang nuknukan ng kuripot ang mga estudyanteng customer nila.
“Kaya nga gusto kong makausap si Aling Beth. Pero kailangan dalawa tayo na makipag-usap sa kanya,” paliwanag nito.
Tiningnan niya ang relo. Alas otso pa lang ng gabi noon. “Pwede pa natin siyang makausap. Hindi tama ang ginagawa niya.”
Pakiramdam niya ay susugod siya sa giyera nang puntahan ang bahay ni Aling Beth, ang landlady nila. Ilang bloke lang ang bahay nito mula sa computer shop. Naabutan nila ito sa may lanai at nakikipagtawanan sa isang babae. Nakuha na agad niya kung bakit nangyayari ang lahat nang makita si Katrina Pineda.
“Aling Beth, pwede po ba namin kayong makausap?” tanong niya.
“Mga hija, mabuti at napadaan kayo. Nasabi na ba sa inyo ni Jason ang magandang balita? May kukuha na ng pwesto sa shop ninyo kaya kailangan na ninyong lumipat sa loob ng dalawang linggo.”
Napanganga siya. “Dalawang linggo? Anong dalawang linggo? Ni hindi pa nga namin nababawi ang puhunan namin tapos paaalisin na ninyo kami?”
“Kailangan ko ang pwesto na iyon,” sabat naman ni Katrina. “Nagbayad na ako kay Tita Beth ng three months advance. And I want to use the place right away. Kaya maibabalik na rin niya sa inyo ang nai-deposit ninyo dati.”
“Do you think that is enough, Miss?” Si Katrina ang hinarap niya. “Marami kaming naipuhunan sa pwesto na iyon. Paano naman iyon? Maibabalik ba sa amin? And this is not fair! We have a contract.”
Pumitik si Katrina. “That contract is nothing. It can be easily dissolved. Huwag kang mag-aalala. Kung wala pa kayong mahahanap na lilipatan, may alam kong bodega kung saan pwede ninyong itambak ang bukbuking computers ninyo.”
“Sumosobra ka na!” mangiyak-ngiyak na sabi ni Elaine. “Pinaghirapan namin ang lahat ng nandoon. Wala kang karapatan na balewalain iyon.”
“Kasalanan ninyong magkaibigan iyan. You didn’t heed my warning. Patuloy pa rin siyang nakipagkita kay Eizhiro. And that is unforgivable,” naniningkit ang matang sabi ni Katrina. “You won’t give up what’s mine so I will ruin what’s yours.”
Hinila niya palayo si Elaine. “Hayaan mo na sila. Wala na tayong magagawa sa mga ganyang klase ng tao. She’s sick.”
Hindi tumitigil sa pag-iyak si Elaine nang makabalik sila sa shop. “Natiis ko na di magbayad ng kuryente huwag lang masira ang shop. Di ako kumakain para sa shop. Ang dami-dami kong nai-sakripisyo tapos bigla na lang mawawala.”
“Ate, kailangang-kailangan talaga namin ng pera. Umuwi ng probinsiya si Mama dahil may sakit ang lolo ko,” malungkot na sabi ni Jason na maiiyak na rin.
Huminga siya nang malalim. Maging siya ay naiiyak na rin pero ayaw niyang magpatalo. Ayaw niyang sumuko. “Basta gagawan natin ng paraan.”
“GANOON ba? Wala nang available na pwesto? Thank you,” anang si Gianna at nagpaalam na sa dating kaklase noong high school. Naghahanap siya ng malilipatang pwesto kung saka-sakali. O kaya naman ay mahihiraman ng pera para makapag-simula ulit sila ng panibago.
“Ate, magpahinga ka naman,” sabi ng kapatid niyang si Princess na nabungaran pa rin siyang gising kahit na alas siyete na ng umaga.
“Hindi ako pwedeng magpahinga. Kailangan kong makahanap ng bagong pwesto para sa shop. Kailangan ko rin ng mauutangan ng pera.” Nilingon niya ito. “Baka naman may kilala ang mga kaibigan mo na Bumbay.”
“Ate, kung ako sa iyo naggi-give up na ako sa shop na iyan. Lahat na lang ng sign nagsasabi na dapat nang isara ang shop. Ibenta mo na lang ang lahat, kunin mo rin ang refund sa landlady ninyo at bayaran mo ang lahat ng mga utang mo. Hindi ka na gagastos. Tapos na ang problema.”
“Kung ako lang ang masusunod, pwede ko nang ipasara ang shop. Pero may iba pang taong umaasa sa shop. Hindi siya madaling I-give up.”
“Bahala ka na nga diyan,” anito at tinalikuran siya.
At lalong hindi siya pwedeng magpatalo sa laban. Lalo na sa Katrina Pineda na iyon na akala mo kung sino. Tingin yata nito sa bawat buka ng bibig nito ay pera ang lalabas. Wala siyang balak na hayaan itong sirain ang mga pangarap niya.
Naiidlip na siya sa sofa nang gisingin siya ni Princess. “Ate, may naghahanap sa iyong guwapo.”
Umungol siya. “Heh! Tigilan mo ako.” Hindi iyon ang tamang oras para sa mga kalokohan nito. Hindi iyon nakakatuwa lalo na’t problemado siya.
“Akala mo nagbibiro ako. Sige, nakakahiya ang itsura mo habang pinapanood ka niyang matulog diyan,” sabi nito at tinalikuran siya.
“HA?” Nang igala niya ang tingin ay nakaupo si Eizhiro sa katapat na sofa at nakatitig sa kanya. Bigla siyang bumalikwas ng bangon at awtomatikong inayos ang buhok. “Anong ginagawa mo dito?”
Dahil pagod ang isip niya, wala siyang maisip na sagot kung bakit naroon si Eizhiro. Maliban na lang kung di nito kayang mabuhay nang wala siya. O di nito matiis na di siya makita. Parang may mali sa dahilang iyon pero parang iyon ang gusto niyang maging dahilan kung bakit sinadya siya nito sa bahay niya.
“You don’t look good. Mukhang kailangan mong mag-relax muna bago kita kausapin. Babalik na lang ako mamaya.”
Mabilis niyang hinarangan ang dadaanan nito. “Hindi. Hindi. Sabihin mo na sa akin ang dahilan kung bakit ka nandito. Hindi ako magagalit.”
“Hindi ka galit kahit ako ang dahilan kung bakit pinaaalis kayo sa computer shop ninyo? Kung bakit ka ginugulo ni Katrina?”
Biglang nawala ang antok niya nang marinig ang pangalan ni Katrina. “Iyong babaeng iyon. Alam mo bang sinuhulan niya ang landlady namin. Anim na doble ang ini-offer niya na presyo kada buwan para mapaalis kami sa shop. At binigyan lang niya kami ng two weeks! Two weeks para umalis. Hindi pwede iyon.”
“Sinadya talaga iyon ni Katrina para guluhin ako. Bata pa lang kami, wala na siyang ginawa kundi I-terrorize ang mga tao sa paligid ko. May babae lang ako na kausap, inaaway na niya. And she worsen over the years.”
“Bakit hindi mo na lang siya patulan para matahimik siya?”
“I don’t like her. I don’t like relationships. And I hate scheming women,” he said firmly. At hindi niya ito masisisi.
“You are right. Hindi nga iyon makakatulong sa kanya at magiging miserable lang ang buhay mo.” Pinagsalikop niya ang palad. “Ano ngayon ang gagawin natin para tigilan na niya kami? Kakausapin mo ba siya?”
“No. We will fight her head on. Walang mangyayari kung kakausapin lang natin siya. Kung tutuusin maraming butas sa ginawa sa inyo ng landlady ninyo.”
“You are right. Good payer kami. Wala pa rin kaming isang taon doon. Isa pa, masyadong mabilis ang dalawang linggo para umalis kami sa pwesto namin.”
“Ilabas mo ang kontrata. We will meet your landlady with my lawyer.”