Stallion Series (Sofia Edition) Chapter 229

Hindi makakibo si Aling Beth habang pinapaliwanagan ng abogado. Inulan kasi ito ng leksiyon tungkol sa batas ng pagpapaupa. At inisa-isa din nito ang mga karapatang nilalabag sa pagpapaalis sa kanila.

“Aling Beth, hindi po pwede ang ginagawa ninyo sa kliyente ko. Wala naman pala siyang palya sa pagbabayad ng upa. At isang taon ang kontrata ninyo sa kanya. Magsi-siyam na buwan pa lang siya sa inyo. At sa dami ng ginastos nila sa pwesto nila, hindi sapat ang panahon. NI hindi pa nga sila nakakabawi. Sa palagay ba ninyo tama ang pagtratong ginagawa ninyo sa kanya?” tanong ni Attorney Dominico.

“Pasensiya na po, Attorney,” nakayukong sabi ni Aling Beth. “Ang totoo ay nasilaw lang naman po ako sa alok sa akin. Kung makukuha daw po ng mas maaga ang pwesto sa shop, bibigyan pa daw po ako ng bonus.”

“Sa palagay ba ninyo na tamang ipagpalit ninyo ang kontrata ninyo para sa pera? Wala naman pala kayong konsiderasyon sa nangungupahan sa inyo,” di mapigil na sabi ni Eizhiro. Mukhang inis na inis na din ito.

“Hindi ko naman alam na may personal silang away,” kagat-labing sabi ni Aling Beth. “Akala ko…”

“Ayon sa kontrata, mali pa rin po ang ginawa ninyo. Naghahanap-buhay naman sila nang maayos at pinakikisamahan kayo,” sabi ni Attorney Dominico.

“Aling Beth, kahit saang anggulo tingnan, mali pa rin na basta na lang ninyong paalisin sila Gianna sa pwesto nila,” anang si Eizhiro sa tinitimping galit. “And I know Katrina. Let’s say babayaran nga niya kayo pero aalis din naman siya agad. And she will make sure that she’ll get her money’s worth. Baka kayo pa ang mapahamak sa huli kapag wala na kayong maibalik.”

“Paano iyan? Naipang-shopping na kasi ng anak ko iyong perang ibinayad niya sa akin. Anong gagawin ko ngayon?” natutulirong sabi ni Aling Beth.

Humugot na lang siya ng malalim na hininga. Hindi na niya problema pa ang problema ni Aling Beth. Ito naman kasi ang kumuha ng batong ipupukpok sa ulo nito. Ang importante ay nabawasan siya ng isang problema.

“Salamat po sa tulong, Attorney,” aniya at kinamayan ang abogado nang ihatid ito sa sasakyan nito.

“Walang problema, hija. Simpleng problema lang naman ang kinakaharap mo. Nakausap ko na nang masinsinan si Aling Beth. Hindi daw niya kayo paaalisin at bibigyan pa kayo ng mas mahabang gracing period sakaling di agad kayo makabayad,” paliwanag ni Attorney Dominico.

“Mabuti naman at mas bumait siya sa iyo,” sabi ni Eizhiro habang nakasakay sila ng kotse nito papunta sa shop.

“Dapat lang.” Pumikit siya. “Pagod na ako para problemahin pa siya. Thank you nga pala sa pagtulong ninyo sa amin.”

“It is nothing. Kasalanan ko naman kung bakit ginugulo kayo ni Katrina.”

Gumuhit ang ngiti sa labi niya. “It must be hell with women like her running after you. Wala sigurong gustong pumalit sa pwesto mo.”

“Kahit naman dati hindi na ako sanay sa atensiyon ng mga babae. Or maybe I just simply despise it.”

“Bakit nga ba may allergy ka sa mga babae?”

Sa halip na sagutin ang tanong ay itinigil nito ang sasakyan. “Ito na ang computer shop ninyo, hindi ba?” Bumaba ito at tiningnan ang tarpaulin sign na may iba’t ibang anime character. “Puro bata siguro ang mga customers ninyo.”

“Yes. At karamihan sa kanila maingay at magulo.” Pumasok sila sa loob ng computer shop. Naabutan nila si Jason na naglilinis ng computers. “This is Jason. Siya ang bantay namin. Siya na rin ang technician namin.”

“Medyo may kalumaan na yata ang mga computers ninyo. Hindi na nakapagtataka kung mahihirapan kayong makabawi,” komento ni Eizhiro.

“Huwag ninyong mamaliitin ang computers namin, Bosing. Kahit na luma iyan, napapatakbo namin ang pinaka-latest na version ng Windows diyan,” pagmamalaki ni Jason. “Saka mabilis ang takbo niyan kahit mukhang bukbukin.”

“Mukhang maganda ang training mo. Saan ka nag-training?”

Napakamot sa ulo si Jason. “High school graduate lang pero mabilis akong matuto. Kaya nga gusto ko rin sanang mag-ipon ng pera para makapag-aral pa.”

“Malayo ang mararating mo, Jason. Magsumikap ka lang.”

Parang hindi si Eizhiro ang kilala niya na madalas sumimangot at mamintas. Magaan kasi ang boses nito habang nakikipag-usap kay Jason.

“Himala. Hindi ka naging suplado kay Jason.”

“Natutuwa ako sa mga batang nagsusumikap sa buhay. Saka nakita ko sa kanya na magaling siya at matalino. Hindi na ako nagtataka kung bakit ayaw mong isara itong computer shop dahil sa kanya.”

“I know many will say that it is silly. Isa na si Jason sa dahilan kung bakit ayokong isara ang computer shop. Mag-isa lang siyang nagtatrabaho sa kanila. Saka gusto kong dumating ang panahon na magiging freelance artist na lang ako. Hindi ko na kailangan pang magtrabaho sa opisina. At magiging komportable na rin ang buhay ko dahil may computer shop na ako.”

“Parang wala yata ang boyfriend o asawa sa plano mo?”

“Sa palagay mo saan ko ilalagay ang boyfriend at asawa sa schedule ko? Mahirap pa ang buhay. Saka na siguro kapag mayaman na ako.”

“Sasali ka ulit sa baduy na game show?”

Humalakhak siya. “Hindi mo na kailangang ipaalala iyan sa akin.” Natigilan siya nang makita niya itong nakatitig sa kanya. “Bakit? May problema?”

“Parang napakadali sa iyo na tumawa kahit na marami kang problema.”

“Hindi naman kasi mawawala ang problema. Saka mas madali na maging masaya sa mga simpleng bagay. Katulad ngayon. Halika! Ililibre kita.”

“Saan mo naman ako ililibre?”

“May masarap na chicken balls diyan sa kabila. Saka masarap din ang turon nila. I am sure magugustuhan mo iyon.” Kapag tinanggihan nito ang panlilibre niya, tuluyan na siyang maiinis dito. Ayaw niya sa lalaking maarte.

“Saan ba pwedeng bumili ng ice cream? Masarap iyong turon na may vanilla ice cream sa ibabaw,” takam na takam na sabi nito.

Humalakhak siya. “Really? Kumakain ka pala ng turon.”

“Oo naman. Hindi naman ako maselan sa pagkain.” May tindang ice cream cup sa katabing canteen at in-enjoy nito ang pagkain ng turon.

“Hmmm… Mukhang enjoy na enjoy ka.”

“Sa Stallion Riding Club, ito ang madalas kong order-in. Naranasan ko dati na mag-cover ng isang tribe sa Amazon jungle. Masaya na ako na makakain ng pamilyar sa akin. Kung alam mo lang ang kinain ko doon para maka-survive.”

“Photographer ka? Sa iyo ang mga picture na nakita ko sa penthouse mo?”

“Photojournalist ako para sa isang international magazine. Medyo nagpahinga lang ako. Wala pa akong ganang bumalik sa trabaho.” May pinaghalong lungkot at galit sa mga mata nito. Babae ba ang dahilan kung bakit ayaw pa nitong bumalik sa trabahong mahal na mahal nito?

“Okay lang sa akin kung ayaw mong magkwento. Hindi kita pipilitin.” Sa palagay nga niya ay masyado na itong maraming nasabi sa kanya.

“Hindi. Baka nga nabo-bore ka na sa kwento ko.”

Umiling siya. “Of course not. Nag-e-enjoy nga ako. Buti nga ikaw nakakabiyahe ka sa iba’t ibang lugar. Samantalang ako naka-stuck sa computer.”

“Bakit? Saan mo ba gustong pumunta?”

“Kami ng kapatid ko saka mga kaibigan ko gustong makapasok sa Stallion Riding Club. Siguro dahil iyon din ang pangarap ng ibang babae sa Pilipinas.”

“That is the perfect getaway. Malayo sa polusyon. Malayo din sa gulo. At kung pipiliin ko, malayo sa mga makukulit na babae.”

Napaubo siya. “Wala na akong sinabi.”

“But I think this is new. Nagkukwento ako sa sarili ko sa isang babae. Siguro dahil maganda lang ang gising ko.”

“Sana lagi na lang maganda ang gising mo.”

Tumayo ito. Akala niya ay nagalit ito sa sinabi niya. “Libre mo ito, di ba? Okay lang ba kung um-order pa ako ng turon saka ice cream?”

Nakahinga siya nang maluwag. Hindi pala ito galit. “Sure.”

Pabalik na sila ng shop ay nagkukwentuhan pa rin sila. Natigilan sila nang makita niyang nakatayo si Katrina sa tabi ng kotse ni Eizhiro. Hindi maipinta ang mukha nito. At lalo iyong nagdilim nang makita silang magkasama ni Eizhiro.

Dali-dali itong lumapit sa kanila at dinuro siya. “You liar! Ngayon mo sabihin sa akin na wala kayong relasyon ni Eizhiro. You look happy together.”

AWTOMATIKONG natigilan si Gianna at kumapit sa braso ni Eizhiro. Nakadama siya ng takot. O siguro dahil wala siyang tulog at pahinga. Wala siya sa kondisyon na lumaban. “Katrina, this is enough. Hindi ka pa ba masaya na ginulo mo sila Gianna?” anang si Eizhiro na pumagitna agad sa kanila.

Mapait na ngumiti si Katrina. “Now you are defending her. Samantalang ako pa ang lumalabas na kontrabida ngayon.”

“Ikaw lang ang nagpapasama sa sarili mo,” anang si Eizhiro sa malamig na boses. “Kung hindi mo ginugulo si Gianna, hindi mangyayari ito.”

“Dapat lang iyan sa kanya dahil inaagaw ka niya sa akin,” mariing wika ni Katrina. “Ayoko ng kaagaw, Eiz. Wala akong pakialam kung masama man ang tingin mo sa akin. I intend to make you mine. Hangga’t hindi ka iniiwan ng babaeng iyan, hindi mo rin ako masisisi sa mga pwede kong gawin sa kanya.”

Hinawakan nang mahigpit ni Eizhiro ang kamay niya. “Tuwing sasaktan mo si Gianna, lalo mo lang kaming pinaglalapit. At hindi rin mag-iiba ang pagtrato ko sa iyo. Hindi pa rin kita mamahalin, Katrina.”

Tiningala niya si Eizhiro at ngumiti. Hindi niya inaasahan na maririnig niya ang magagandang salitang iyon mula dito. He was ready to protect her. Nakakatuwa. Parang iyon ang sasabihin ng kahit sinong lalaki sa babaeng gusto nito. And it felt so right. Napakasarap pakinggan.

Naputol ang pangangarap niya nang maramdaman niyang may tumama sa noo niya. Nasapo niya ang noo. Nang makita niya ay takong pala iyon ng sapatos ni Katrina na tumama sa noo niya. NI hindi niya napansin na binato siya nito. Masyado kasi siyang busy sa pangangarap.

Napaupo siya. “Aray! Nabasag yata ang bungo ko,” mangiyak-ngiyak niyang sabi. Bakit ba tatanga-tanga siya? Ni hindi siya nakailag.

“That suits you fine! Ngingiti-ngiti ka pa!” sigaw ni Katrina.

Pinigilan ito ni Eizhiro at inilayo sa kanya. “Tama na, Katrina. Sumosobra ka na. Kapag hindi ka pa tumigil, baka ako ang mapilitan na magsampa ng restraining order laban sa iyo.”

“No. You can’t do that! Hindi ka papayag na masira ang relasyon ng mga pamilya natin. Your grandfather will hate you!”

Padarag na binitiwan ni Eizhiro si Katrina. “SA pagkakataong ito, maiintindihan ako ni Lolo at ng pamilya mo. I am sure they will take away all your resources from you. Tingnan natin kung anong magagawa mo.”

Napahagulgol ng iyak si Katrina na parang inaapi. “I just want to love you.”

Malungkot niyang pinagmasdan si Katrina. Parang isa itong bata na walang kakampi. Nagmamahal nga lang ito. Di lang nito alam kung paano iha-handle.

“Umuwi ka na, Katrina. Stop following me around. Get a life!”

Lumapit kay Katrina ang driver nito. “Ma’am, umuwi na po tayo. Nakakahiya naman sa mga tao dito.”

“Wala akong pakialam. Gusto ko si Eizhiro! Gusto ko siya!”

Hinila siya patayo ni Eizhiro. “Pumasok na tayo sa loob ng shop.”

“Anong nangyari kay Ate Gia?” tanong ni Jason.

“Sinalo ng noo niya iyong takong ng sapatos. Pakibili nga ng yelo sandali.”

“Areglado, Bosing,” sabi ni Jason matapos iwan ang pera sa kanila.

Pumalatak si Eizhiro nang dalhin siya sa may sink sa likuran ng shop. “Kita mo na. Namumula na ang noo mo. Nakita mo nang binato ka. Bakit hindi ka man lang umilag?”

“Hindi ko napansin, eh. Ikaw nakita mo na pala na babatuhin ako ni hindi mo man lang ako dinepensahan,” angal niya.

“Akala ko naman nakita mo na. Sinubukan kong iilag ka pero huli na. Ikaw yata ang kung anu-anong iniisip.”

Masyado kasi niyang inaliw ang sarili sa pag-aalala nito sa kanya. Wala naman siyang maidedepensa. Baka nga mas lalo pa itong mairita sa kanya kapag sinabi niya ang dahilan kung bakit di niya nailagan si Katrina.

“Bosing, heto na ang yelo,” sabi ni Jason at ibinigay ang yelo kay Eizhiro.

Ibinagsak ni Eizhiro ang yelo sa tiled na lababo. Kumuha ito ng isang piraso at binalot sa ulo mo. “Maging alerto ka naman sa susunod.”

“Paano si Katrina?” tanong niya habang dinadampian nito ng yelo ang noo niya. “Hindi mo ba siya aayuin?”

“She’s old enough. Sanay na sanay siya na inaayo ng mga tao sa paligid niya. Hindi pwedeng pati ako makisali sa mga kapritso niya.”

“Alam mo kawawa rin si Katrina.”

Matalim siya nitong tinitigan. “Sa kanya ka pa naawa. Ikaw nga itong nasaktan. I really don’t understand you at all.”

“Naisip ko lang na mahirap siguro na nagmamahal ka. Ginagawa mo ang lahat para sa taong iyon pero hindi ka rin naman mamahalin.”

“I didn’t give her any false hope. Sinabi ko na hindi ko siya mahal. At unfair sa kanya kung mamahalin pa rin niya ako. Pero siya ang mapili.”

“Bakit nga ba ayaw mong magmahal at mahalin?” usisa niya.

Hinawakan nito ang kamay niya at ihinawak sa yelong nasa noo niya. “Ikaw na ang magtuloy. Mawawala rin ang pamamaga niyan. Uuwi na ako.”

Muntik na niyang batukan ang sarili niya. Hindi na siya dapat nag-usisa. “Sorry. Hindi na ako dapat magtanong.”

Hinila siya nito patayo. “Ihahatid na kita pauwi.”

Nagpatianod na lang siya. Akala kasi niya ay tuluyan na itong nagalit sa kanya. Mukhang nakabuti ang pagkakabato ng sapatos ni Katrina sa kanya. Mas mahaba ang pasensiya nito sa kanya.

“Ate, uuwi na kayo?” tanong ni Jason nang makita sila.

“Hindi. Magde-date kami,” aniya at humawak sa braso ni Eizhiro.

“Anong magde-date? Itulog mo na lang iyang bukol mo. Kulang ka lang sa tulog,” sabi nito at di siya nilingon.

“Ito naman hindi na mabiro,” aniya at lumabi.

“Wala akong oras sa mga kalokohan mo.”

“Sungit!” usal niya pagsakay ng kotse nito. Mukhang malabo nang dumating pa ang panahon na makikita niya itong ngumiti.

NovelDark

Your free library of light novels, web novels and translations. Romance, fantasy, action, drama — thousands of chapters updated daily, no signup needed.

Genres

© 2026 Noveldark. All rights reserved.