Stallion Series (Sofia Edition) Chapter 230

Magaang-magaan ang pakiramdam ni Gianna pagdating ng opisina. Today is a brand new day. Wala na siyang problema sa computer shop. Kailangan lang siguro niya ng kaunti pang puhunan at mapapalitan na nila ang mga computers. Basta kailangan lang niyang pagbutihin pa ang trabaho niya para magka-bonus siya.

“Good morning!” bati niya pagpasok sa department niya. Walang sinuman sa mga kasamahan niya ang bumati sa kanya. Lahat ng mga ito ay malungkot lang siyang tiningnan. “Anong problema, Tessa? Nasermunan ba tayo ni Boss? May problema ba tayo sa project natin?”

Madalas kasi ay naghahabol sa deadline ang mga kasamahan niya. Mabuti na lang at palagi siyang on time kung makatapos ng trabaho.

“Wala namang problema. Ipinapatawag ka lang ni Sir Conrad sa office niya.”

Tumayo siya. “Ah, okay. Ngayon na ba?”

Marahan itong tumango. Sa gulat niya ay bigla nitong hinawakan ang kamay niya. “Basta kahit anong mangyari magpakatatag ka, ha?”

Nagtataka siya sa ikinikilos ng mga kasamahan niya. Lahat ng mga ito ay malungkot lang siyang pinagmasdan. Nasalubong pa niya sa hallway si Conrad. “Oh, Gia! Mabuti at nandito ka na. Sasalubungin na sana kita sa lobby.”

Napansin niya na maging ito ay aligaga rin. “Bakit, Sir? May problema po?”

“Come!” At iginiya siya nito papasok ng private office nito. “Hindi ko talaga alam kung paano sasabihin ito.”

“Sir, sabihin na ninyo sa akin. Mamamatay na ako sa tensiyon. Lahat na lang yata ng makita ko ngayon mukhang Biyernes Santo ang mukha.”

“Huwag ka sanang magagalit pero kinausap ako ni Papa tungkol sa iyo.” Tumigil ito sandali at napalunok. “He wants me to fire you.”

“Ha? Bakit? Anong masamang ginawa ko?”

Daig pa niya ang binagsakan ng tone-toneladang metal. Pakiramdam niya ay nabaon na siya ng buhay. Bakit bigla siyang tatanggalin sa trabaho?

Naramdaman na lang niya ang pangingilid ng luha niya. Iyon yata ang pinakamasamang balitang natanggap niya nang nakakaraang araw.

“Please! Huwag ka namang umiyak, Gia.”

“Anong huwag umiyak? Ang alam ko naman ginagawa ko ang lahat para sa kumpanya. Wala akong late. Wala akong absent. Naiipon na nga ang vacation leave ko dahil mas priority ko ang kompanya kaysa sa bakasyon. I am excellent with my job. Then why the sudden decision? What have I done wrong.”

Ang masama pa ay mula pa sa mismong superior ng kompanya nanggaling ang desisyon. Natalo na siya nang walang kalaban-laban.

“Looks like you enraged someone. Katrina Pineda.”

Nakuyom niya ang palad. She should have known. Sa simula pa lang ay gulo na talaga ang babaeng iyon. “Hindi na talaga niya ako titigilan.”

“Hindi ko alam kung bakit galit na galit siya sa iyo. Ayaw ko rin sana na tanggalin ka sa kompanya pero malaki ang naitulong ng pamilya niya kay Papa nang mga panahong nagsisimula pa lang ang ad firm. Pasensiya na kung hindi makatanggi si Papa sa kanya,” malungkot nitong usal.

“It is not your fault. I understand.” Sa ugali ni Katrina, tiyak na madadamay ang lahat ng di susunod sa gusto nito. Madadamay pati ang kompanya.

“Kaya ipinaalam ko na ito agad sa iyo.”

Malungkot niya itong pinagmasdan. “Do I have to leave right away? Baka naman pwede ninyo akong bigyan ng oras para makahanap ng trabaho o kaya tapusin ang mga projects na nasa akin. I just need time. Aalis din ako.”

Sana lang ay hindi labis ang hinihingi niyang oras. Kailangan din naman niyang mabuhay. May pamilya din naman siya. Kung kailan nagsisimula na siyang makabawi mula sa mga problema sa computer shop, saka pa siya mawawalan ng trabaho. Isa na naman itong malaking dagok para sa kanya.

Ginagap ni Conrad ang kamay niya. “I don’t want you to go.”

“Salamat na lang po sa pagdamay, Sir.”

“Alam mo naman na hindi lang simpleng empleyada ang tingin ko sa iyo. You know how special you are. Kaya may alam akong paraan para di ka umalis dito.”

“Ano iyon, Sir?” Kung mayroon lang naman kahit kaunting pag-asa na manatili sa kompanya na pinagsilbihan niya ng apat na taon, susunggaban na niya.

“Be my girlfriend.”

ILANG beses na bumuntong-hininga si Gianna habang hinanalo ang milk tea na binili niya sa 24-hour convenience store na nasa tapat lang ng building ng ad firm na pinasukan niya. Nanghihina siya. Nag-submit na siya ng resignation letter kanina. Sa pakiusap niya, isang linggo na lang ang itatagal niya sa kompanya.

Inisa-isa niya ang listahan ng mga kompanya na may job opening na babagay sa kakayahan niya. Bigay iyon ng mga kasamahan niyang concern sa kanya. Bukas na siya magpapadala ng resume sa mga ito. Sa ngayon ay gusto lang niyang panoorin ang mundo mula sa salamin ng convenience store. Patuloy pa rin sa paggalaw ang lahat habang parang tumigil naman ang mundo para sa kanya.

Nag-ring ang cellphone niya. Nakalimang ring na yata iyon bago pa niya sinagot. “Hello!” aniya sa matamlay na boses.

“Gianna, it’s me.” Boses iyon ng isang lalaki.

“Eizhiro?” Tiningnan niya ang nakarehistrong pangalan ng caller. “O! Bakit bigla kang napatawag?”

“Nasaan ka? Susunduin kita diyan. Let’s talk.”

“Nandito lang ako sa convenience store sa tapat ng building namin.”

“Huwag kang aalis diyan. Pupuntahan kita diyan.”

Nang mawala ang boses ni Eizhiro ay ibinaba lang niya ang cellphone at hinayaan iyong kusang mag-lock. She was so tardy she didn’t want to do anything. Hindi nga niya alam kung makakausap din siya ni Eizhiro nang matino.

Lumipas ang ilang minuto ay dumating na ito. “Gianna, are you okay? Totoo ba na inalis ka na nila sa trabaho?”

Maang siyang tumingin dito. “Paano mo nalaman?”

Ni hindi pa nga nalalaman nina Elaine o ni Princess ang nangyari sa kanya. Baka kasi maiyak lang siya kapag nagkwento sa mga ito.

“Sinabi sa akin ni Katrina. Tinanggal ka daw sa trabaho dahil sa utos niya.”

Iniwas niya ang tingin nang pumatak ang luha niya. “Pakitanong sa kanya kung ano pa ang plano niyang gawin para masira ako. Baka kasi sakaling wala na siyang maisip, may mai-suggest pa ako sa kanya.”

“Huwag ka namang ganyan magsalita. Parang wala ka nang pag-asa.”

“Wala na talaga akong pag-asa, Eizhiro! Importante sa akin ang trabaho ko. Kaya nakakaya ko pang I-sustain ang computer shop dahil sumusweldo ako. Tapos bigla na lang akong walang trabaho. Parang isda rin ako na nawala sa tubig.”

“Yes. I know. Pero hindi pa ito ang oras para mawalan ka ng pag-asa.”

Pinalis niya ang luha sa mata niya. “Hindi ko na talaga alam kung ano pa ang gagawin ko. Pwede naman daw akong huwag umalis sabi ng boss ko. Basta daw pumayag ako na maging girlfriend niya.”

“Ano? At pumayag ka naman? Talaga bang gagawin mo ang lahat para lang sa pera? Papayag kang maging boyfriend ang lalaking hindi mo mahal para lang hindi ka matanggal sa trabaho mo?” singhal nito sa kanya.

Bigla siyang tumuwid ng upo nang makitang nagtitinginan sa kanya ang mga customer at pati ang staff ng convenience store. Bumaba siya sa stool. “Akala ko naman makakausap kita ng matino. Hindi pa rin pala.”

Sumunod ito sa kanya palabas ng convenience store. “Teka! Hindi pa ako tapos na kausapin ka. Pumayag kang maging boyfriend siya, hindi ba?”

Tumigil siya sa paglalakad at hinarap ito. “Hindi! Kung pumayag akong maging boyfriend niya, hindi ako magsa-submit ng resignation letter. Alam ko na gusto ako ni Sir Conrad pero unfair iyon sa aming dalawa. Saka hindi ako magbo-boyfriend para lang gamitin siya.”

Tumango ito. “Good. Akala ko kasi pumayag ka na maging boyfriend siya,” anito sa mas mahinahong boses. “Sa kotse na tayo mag-usap.”

“Kung magsalita ka, parang sa iyo nagpropose at hindi sa akin.”

“Ayoko lang kasi sa mga taong tatanga-tanga. Tulad ng ayoko sa mga taong sinasamantala ang kahinaan ng iba.”

“Pwes, hindi ako tatanga-tanga at hindi ako basta-basta napapaikot. I hate hoax and one-sided relationships. Hindi ko ugaling gawing laro ang lahat. And I won’t allow myself to be anybody’s prey.”

“Nag-apply ka na ba ng trabaho?” tanong nito.

“Bukas pa lang ako magsa-submit ng resume thru email.”

Tinapik-tapik nito ang manibela. “May naisip kasi akong paraan para tuluyan ka nang hindi guluhin ni Katrina.”

“Tiyakin mo lang na maganda ang idea mo na iyan.”

Mataman siya nitong tinitigan. “Be my girlfriend, Gianna.”

HALOS umusok ang tainga ni Gianna sa sobrang inis. Gusto niyang tumawa nang nakakainsulto at magsisigaw sa sobrang irita. Ano ba ang nangyayari at parang pinagtutulungan siya ng lahat? Gusto ba ng mga ito na tuluyan na siyang mabaliw?

“Ano? Pumapayag ka nang bang maging girlfriend ko?” tanong ni Eizhiro sa kanya nang di agad siya sumagot.

“Hindi! Bakit naman ako papayag na maging girlfriend mo? Akala ko iba ka. Parehong-pareho lang kayo ni Sir Conrad. Sabi na nga ba may HD ka sa akin.”

“HD? Anong HD?”

“Hidden Desire!” Kunyari lang itong nagsusungit-sungitan para tuluyan niyang isipin na ayaw nito sa mga babae. Pero ang totoo ay naghihintay lang ito ng pagkakataon para tuluyang makalapit sa kanya.

“Look! Hindi iyon katulad ng iniisip mo.”

“Huh! Anong ipinagkaiba mo sa boss kong oportunista na patay na patay sa akin? Pareho lang naman kayo ng offer. You wanted to prey on my weakness.”

Napapalatak ito. “Ako na nga ang nag-o-offer ng tulong, ako pa ang masama. Saka hindi ako katulad ng boss mo. Wala akong interes na maging girlfriend ka. Pero kailangan ko ng babaeng magkukunwari na girlfriend ko.”

“O! Bakit kailangan mong bigla ng girlfriend?”

“My grandfather is coming. Magbabakasyon si Lolo sa riding club. Kung wala akong isasamang girlfriend, tiyak na gagawa ng paraan si Lolo para ma-engage kami ni Katrina. Matagal na silang nagkasundo ng lolo ni Katrina na ipapakasal kami.”

“Bakit hindi ka na lang tumakas?” tanong niya.

“I used to. Ginagawa kong paraan ang pagbiyahe ko sa iba’t ibang lugar para lang takasan si Katrina. Ngayong napirmi ako sa riding club, di ako makakawala.”

“At kung kasama mo ako, igi-give up na ng lolo mo ang idea na ipakasal pa kayo ni Katrina, right?” tanong niya.

Tumango ito. “Abnormal ang tingin ni Lolo sa akin dahil ayokong makipag-relasyon sa mga babae. Bata pa lang ako ilag na ako sa mga tulad ninyo. Natakot siya na tumanda akong binata kaya kinuha niya si Katrina. Kung may girlfriend ako, hindi na niya ipipilit sa akin si Katrina. Wala na ring rason si Katrina para guluhin pa tayong dalawa oras na magkasundo kayo ni Lolo.”

“Kung nagkukunwari tayo at naghiwalay din tayo sa huli, hindi ba guguluhin ka rin ulit ni Katrina? Ipipilit ulit siya sa iyo ng Lolo mo.”

“Nah! I don’t think so. Sa palagay ko ang gusto lang ni Lolo magkaroon ako ng normal na relasyon sa mga babae. Kung nagka-girlfriend na ako, I am sure he will think that I am capable of having a relationship. Masaya na siya doon.”

“Alam mo gusto naman kitang tulungan. Ayoko naman na makasal ka sa babaeng hindi mo gusto. Kaso may problema.”

“Ano? Iyong kailangan mong mag-stay sa riding club? Maraming kuwarto sa villa ko doon. And since I am not interested with you, I can assure that you are safe. Wala ka pa namang trabaho, hindi ba?”

“Iyon nga ang problema. Wala akong trabaho.”

“I can help you find a job. Marami akong koneksiyon sa riding club. Magkano nga ba dapat ang mapapanalunan mo sa jackpot sa game show? Ibibigay ko para lang pumayag ka na maging girlfriend ko.”

“Kaya ko nang maghanap ng sarili kong trabaho. Thank you. At hindi mo na ako kailangang bayaran. I really want to help. Iisipin ko na lang na bakasyon ko ang pagpunta sa riding club.” Ayaw naman niyang lumabas na oportunista.

Hindi niya alam kung bakit nasasabi niya ang mga iyon. Ayaw talaga niyang bumagsak si Eizhiro sa galamay ni Katrina. Pero di niya alam kung bakit mukha siyang baliw na gusto itong protektahan ng walang kapalit. Alam niyang mabait siya. Pero para makasama ang isang lalaki sa riding club, mag-stay sa bahay nito at magpanggap na nobya nito, nababaliw ba siya?

“So ano pa ba ang problema mo?”

“Hindi pa ako nagkaka-boyfriend kahit na kailan.”

“WOW! Mas maganda pala ang Stallion Riding Club kaysa sa mga nakikita ko lang sa magazine, TV at sa commercial,” humahangang sabi ni Gianna habang naglalakad sa wooden boardwalk mula sa bahay ni Eizhiro patungo sa wooden dock. Isang lake cabin ang pag-aari ni nito sa riding club. And she really liked it. Nakaka-relax.

“Huwag kang masyadong lalayo sa akin. Alalahanin mo na girlfriend kita,” sabi nito at hinawakan ang kamay niya nang mahigpit.

“Ito naman parang bata ang kasamang namamasyal. Hindi ako mawawala.”

Hindi siya nito pinawalan. “Dapat ka nang masanay. Boyfriend mo ako.”

“Boyfriend kita? Tingnan mo nga ang itsura mo. Parang tinutukan kita ng baril para maging boyfriend ko. Ngumiti ka naman.”

Tumikhim ito. “Hindi ko na kailangang ngumiti. Basta hawakan mo ang kamay ko.”

Di niya maiwasang ngumiti nang sulyapan si Eizhiro. Mukhang mas naiilang pa yata ito kaysa sa kanya. Sa una lang naman siya naiilang pero nasanay na rin siya. Pero mukhang si Eizhiro ang hindi masasanay sa simpleng holding hands lang.

“Huwag mong kalilimutan ang love story nating dalawa.”

“Ganoon din. Kung paano tayo nagkakilala,” sabi niya. “Huwag kang mag-alala. Tandang-tanda ko iyon. Minsan lang ako naligo sa tubig-baha sa buong buhay ko.”

“But you looked cute at that time. Kung may camera lang akong dala, kukunan kita. I am sure people will have a good laugh.”

Inirapan niya ito. “Go ahead. Have a laugh on other people’s misfortune.”

“Noong active pa ako sa coverage, gustong-gusto kong kunan ang emosyon ng mga tao. Masaya, galit, malungkot… lahat na.” Biglang lumungkot ang mukha nito. “Parang nakaka-miss ang mga ginagawa ko dati.”

“Bakit hindi ka bumalik sa photojournalism? Sayang ang talent mo.”

“Hindi na ako bagay doon,” anito at tumalikod. “Stay here. May kakausapin ako.”

Naiwan siya sa may wooden path nang pumasok si Eizhiro sa Lakeside Café and Restaurant. Napansin niya ang isang pick up truck na may lamang iba’t ibang klase ng buhay. Nilapitan niya iyon. “Wow! Mukhang masarap saka sariwa pa.”

“Gusto mo ng gulay, Miss?” tanong ng isang lalaki na mukhang cowboy.

“Manong, pwede bang bumili ng isang head ng lettuce, mga one-fourth na carrots, one-fourth na pipino, ito ring mushroom saka…”

“Miss, hindi ako masyadong matanda para tawagin mong manong. Call me Danrick. At hindi ako palengke para kilu-kiluhin ko lang ang mga products ko.”

“May importanteng dinner kasi mamaya. Gusto ko lang magluto para sa mga bisita.” Pinagsalikop niya ang palad. “Please. May pera naman ako. Magbabayad ako.”

Humalukipkip ito. “Hindi mo naman kailangang magbayad. Kiss me. Then you may take everything for free.”

“Ha? Kiss? Para lang sa mga gulay mo.”

“Cut if off, Danrick! That girl is mine,” saklolo ni Eizhiro at inakbayan siya.

Di makapaniwalang nagpapalit-palit ang tingin ni Danrick sa kanila. “Your girl? Sigurado ka? Alam mo ang salitang girlfriend?”

Lalong siyang hinapit palapit ni Eizhiro. “Hindi ka ba naniniwala na may girlfriend ako. Si Gianna nga!” giit nito.

“Talaga bang girlfriend ka ng lalaking ito, Miss?” tanong ni Danrick. “Baka naman tinamaan siya ng kidlat noong nagkakilala kayo. Allergic iyan sa babae.”

“Girlfriend talaga niya ako.” Hindi yata ito kumbinsido na magnobyo sila ni Eizhiro. Mataman kasi sila nitong pinagmamasdan. Kung hindi nila ito makukumbinsi ni Eizhiro na magnobyo sila, paano pa ang lolo ni Eizhiro at ang ibang tao.

“May angal ka ba?” maangas na tanong ni Eizhiro kay Danrick.

Yumakap siya sa baywang ni Eizhiro. “Huwag ka namang masyadong magselos sa kaibigan mo. Tinitingnan ko lang naman ang paninda niyang gulay.”

“Mabuti pa isama mo siya sa farm ko minsan. Malapit lang naman iyon,” sabi ni Danrick.

“Bakit ko naman siya dadalhin sa farm mo?” supladong tanong ni Eizhiro.

“Hindi mo ba alam na mahilig ang girlfriend mo sa gulay?” Kumuha si Danrick ng ilang piraso ng mga gulay na sinabi niya kanina. “Organic ang mga iyan, Gia. I am sure matatauhan ka kapag natikman mo iyan at ipagpapalit mo si Eizhiro sa akin.”

“Bumalik ka na nga sa bukid mo,” pagtataboy ni Eizhiro dito.

Humalakhak lang si Danrick. “Kung ayaw mong iwan ka ng girlfriend mo, maging sweet ka naman nang kaunti sa kanya. Baka kailangan mo ng advice mula sa expert.”

“Hindi ko kailangan ng advice mo.” Hinila siya ni Eizhiro palayo. “Umuwi na tayo.”

“Bakit naman masyado kang masungit kay Danrick?” tanong niya pagdating sa cabin nito.

“Akala mo kasi kung sinong magaling pagdating sa pakikipagrelasyon.”

“Kasalanan mo. Nahahalata nila na hindi tayo sweet.”

“Anong magagawa mo kung hindi ako sanay na maging sweet sa babae?”

“Oo na. Galit ka na sa babae. Pero kung ayaw mong masayang ang pagpapanggap natin.”

“Ah! This is starting to take a toll on me. I don’t think this a good idea at all,” wika nito at mabigat ang hakbang na lumabas ng lake cabin.

Mabigat pa rin ang dinadala ni Eizhiro. May harang pa rin na di niya kayang buwagin. At alam niyang sa lugar na iyon, nananatili pa rin si Eizhiro na mag-isa.

NovelDark

Your free library of light novels, web novels and translations. Romance, fantasy, action, drama — thousands of chapters updated daily, no signup needed.

Genres

© 2026 Noveldark. All rights reserved.