Stallion Series (Sofia Edition) Chapter 231

“Masarap ang salad, hija. Nakuha mo ang gusto kong dressing,” anang si Don Lorenzo habang kumakain sila ng dinner sa lake cabin ni Eizhiro.

“Thank you, Lolo,” magalang na sagot ni Gianna at mabagal na sumubo ng salad. Parang nagbabara ang pagkain sa lalamunan niya at di niya malulon.

It was a perfect night for an outdoor dinner. Maliwanag ang buwan at nagkalat ang mga bituin. Kalmado rin ang tubig sa lawa.

Nilingon niya si Eizhiro. Tahimik lang itong kumakain. Habang si Katrina naman ay di maipinta ang mukha. Ni hindi nito magalaw ang pagkain.

Oh, yes! It was perfect indeed. A perfect disaster.

“Katrina, bakit parang hindi mo yata ginagalaw ang pagkain mo?” untag ni Don Lorenzo. “Hindi ba paborito mo ang salad?”

“It isn’t as great as you claimed, Lolo. I know you are just being polite to that woman. Hindi naman natin kailangang tiisin ang luto niya,” angal ni Katrina. She was really a brat through and through. Mula nang dumating ito sa riding club ay wala na itong ginawa kundi umangal nang umangal.

“Pasensiya ka na kung hindi mo nagustuhan ang luto ni Gianna. Ginawa naman niya lahat para I-please kayo. If I only knew that you will be rude to her and to the food, you shouldn’t have joined us for dinner instead.”

Napipilan si Katrina. “Galit ka? Nagsasabi lang naman ako ng totoo.”

“Children, nasa harap tayo ng pagkain,” paalala ni Don Lorenzo. “Wala namang namimilit sa iyo na kumain, Katrina. Pero gusto ko ang timpla ni Gianna. Naalala ko tuloy ang luto ng lola ni Eiz.”

Lalong hindi nakakibo si Katrina at tahimik na lang na uminom ng juice. Namayani na naman ang katahimikan. Kung hindi yata magsasalita si Don Lorenzo ay pipiliin na lang nilang manahimik na lang. Tumitindi ang tensiyon na nararadaman niya sa paglipas ng mga oras.

“Eiz, natutuwa ako at sa wakas ay nagka-girlfriend ka na. Gia must be having a hard time dealing with you,” sabi ni Don Lorenzo.

“We clash most of the time. I am getting used to it,” wika ni Eizhiro.

Ngumiti siya. “Marami po siyang mga paniniwala na mahirap baluktutin. At hindi ko naman po ugali na basta basta sumunod sa mga gusto niya.”

“A woman with spunk. I like that,” tuwang-tuwang wika ni Don Lorenzo.

“I guess she is just another gold digger,” nakangising sabi ni Katrina.

“That is a pretty harsh accusation. Ang alam ko wala pa akong nakuha sa buhay ko na hindi ko pinaghirapan,” di niya mapigilang isagot. Pero ano ba ang alam ng isang babaeng walang ginawa kundi magtapon lang ang perang di naman nito pinaghirapan. Mukha siyang pera pero di siya gumagamit nang di iya pinaghirapan.

“Nasabi sa akin ni Katrina na may computer shop ka na malapit nang magsara. You must really need a lot of money,” wika ni Don Lorenzo.

“I am trying to work on it.”

“But she is jobless right now, Lolo. I am sure wala na siyang magagawa kundi dumepende na lang sa boyfriend niya. That’s what women like her do,” maasidong wika ni Katrina. She was really trying to push the button.

Pinigil niyang mapalingon dito at tingnan ito nang matalim. Pero malapit na talaga siyang sumabog. Malapit na malapit na.

“Gianna is very hardworking. Compassionate din siya. Pwede naman niyang isuko ang computer shop and live a comfortable life. Pero di niya ginawa dahil ayaw niyang mawalan ng trabaho ang trabahador niya. If not for a vicious woman, she would still be a part of that company. What a pity. Siya ang pinakamasipag sa department nila. And she is very creative,” depensa ni Eizhiro sa kanya at ginagap ang kamay niya. Sa pagkakataong iyon, alam niyang di lang ito nagpapanggap. He wholeheartedly cared for her. Hindi siya nito iniiwan.

“Don’t worry, Gianna. With your talent, you will surely find another job. Marami akong koneksiyon,” sabi ni Don Lorenzo.

“But she’s too stubborn to accept help,” wika naman ni Eizhiro.

Iniikot ni Katrina ang mga mata. “This is becoming melodramatic. By the way, Eiz. Nami-miss ko nang makita ang mga pictures mo.”

“Tama, hijo. Kailan ka ba babalik sa trabaho?”

Nagkibit-balikat si Eizhiro. “I don’t know yet.”

“At ano naman ang gagawin mo sa buhay mo kung di ka babalik sa pagiging photojournalist. You can’t stay here forever,” tanong ni Don Lorenzo. “That isn’t a Figueroan way. Mag-iisang taon ka nang di halos lumalabas ng riding club.”

“Lolo, huwag muna natin itong pag-usapan. I will go back to my job in my own sweet time. You don’t have to force me,” wika ni Eizhiro at tahimik na kumain. Subalit bakas ang pagkabahala sa mukha nito.

“Hindi ka mananalo ng Pulitzer’s Prize kung nandito ka lang sa riding club. Nasaan na ang drive mo, hijo?” giit pa rin ni Don Lorenzo.

“I don’t care about the Pulitzer, Lolo. Sa kanila na iyon. I am happy and content here. I just don’t want to go back to the rat race yet. Ilang taon ko nang ginagawa iyon. I am just sick and tired of it.”

Noong una ay nakikita niyang nami-miss ni Eizhiro ang trabaho nito. Subalit nang mga oras na iyon, wala siyang nakikita kundi pagkapagod sa mga mata nito. Mukhang may mga bagay na itong tinatakbuhan at ayaw balikan.

“Huwag na natin iyang pag-usapan kung ayaw ni Eiz, Lolo. Bakit hindi na lang natin pag-usapan ang tungkol sa party ni Tito Martin at Tita Nancy. Kailan ba ang balik nila sa Pilipinas? Hindi ba next month na?”

Naramdaman niya ang tensiyon kay Eizhiro. Mas matindi pa sa tensiyon na kanina pa niya nararamdaman. Bigla itong tumayo. “Good night, everyone.”

His eyes were cold. Freezing cold. Nang makita niya ang mga mata nito ay parang tinusok siya ng matalim na yelo sa puso niya. Galit na galit ito.

Natutop ni Katrina ang labi. “Oh, Eiz! I am sorry!”

Hindi pinansin ni Eizhiro ang paghingi nito ng paumanhin. Tumalikod lang ito at tuluyan nang pumasok sa loob ng cabin.

Akmang susundan niya ito nang pigilan siya ni Don Lorenzo. “Pabayaan mo na siya, hija. Wala kang magagawa sa kanya para ngayon.”

She felt helpless. Siya ang nobya ni Eizhiro subalit wala siyang magawa para dito. Ano ang dahilan kung bakit nasasaktan ito?

INIWAN ni Gianna sina Don Lorenzo at Katrina na nagkakape sa may verandah. Hindi niya matiis na di kausapin si Eizhiro. O makita man lang ito. Alam niyang nasasaktan ito. At pakiramdam niya ay nararamdaman din niya ang sakit na nararamdaman nito kahit na hindi niya alam ang dahilan.

Kinatok niya ang pinto. “Eizhiro!”

Nang walang sumagot ay pinihit niya ang doorknob. Hindi iyon naka-lock. Dahan-dahan niyang binuksan ang pinto. Natagpuan niya ang nagkalat na mga pictures sa carpet ng kuwarto ni Eizhiro. Habang si Eizhiro ay nakatayo sa may bintana. “Anong kailangan mo?”

“Ipinagdala lang kita ng tea. Aalis din ako.”

“No! Stay! Matagal ka nang nagtatanong kung bakit masungit ako, hindi ba? Kung bakit galit ako sa babae at bakit ayokong bumalik sa photography. Now it is your time to listen.”

“Kung ayaw mong magkwento, hindi naman kita pipilitin.”

“No! Makinig ka sa akin. Minsan ko lang gugustuhin na may makinig sa akin kaya pagtiisan mong makinig.” It was more like a plea than a command. Gusto man niyang bigyan na lang ito ng privacy subalit natagpuan na lang niya ang sarili na nakaupo sa couch nito habang hinihintay ito na magkwento.

“For starters, I hate my mom. Pinakasalan niya si Papa para lang iahon ang pamilya niya sa hirap. Nang ipanganak niya ako, she ran away with her former lover. Iniwan niya ang Papa ko na halos magpakamatay dahil sa kanya.”

“Kaya ba mailap ka sa mga babae?”

Nilingon siya nito. “Normal naman akong makisama sa mga babae noong una. Pero nagkaisip ako at sinabi rin sa akin ni Lolo ang totoo. Nang mawalan ng pera si Mama, bumalik siya sa amin.” Kinuyom nito ang palad at ibinayo sa bintana. “At nang hindi ko siya matanggap, siya pa rin ang piniling makasama ni Papa. Sa ibang bansa sila nanirahan. Since then, I hate to see them together. Hindi ko alam kung ano ang plano ng nanay ko. But I am sure she’s not capable of loving.”

Gusto niyang sabihin dito na maaring nagbago na ang nanay nito. Na baka gusto nitong mabuo na ang pamilya nito. Pero hindi iyon ang oras para magbigay siya ng payo. Ang kailangan lang nito ay makikinig dito.

“Kaya siguro wala ka nang tiwala sa pakikipag-relasyon.”

“Iyon din ang dahilan kung bakit hindi ako komportable na maging sweet sa iyo. Lagi kong naiisip si Papa. Kung paano siya paikutin ni Mama. Isang lambing lang ni Mama, sunud-sunuran na si Papa sa kanya. Wala siyang ipinagkaiba kay Raymond. Sunud-sunuran lang sa babae.”

“Who is Raymond?” At bakit may galit ito sa pagbanggit sa pangalang iyon?

“Raymond is my bestfriend. Tulad ko, photojournalist din siya. He was an American photojournalist. Madalas niyang I-cover ang mga rebelde sa Brazil na nakatira sa Amazon jungle. May girlfriend siyang reporter din na nakatira sa Brazil. Si Karina. Marami siyang pangarap para kay Karina. He was willing to marry her. Mamumuhay sila ng tahimik kapag nakaipon na sila.”

“Anong nangyari sa kanila?”

“Akala naming lahat sila ang perfect couple. Hanggang mag-cover sila. Sabi ni Karina exclusive daw iyon na interview para sa kagustuhan ng mga rebelde na sumuko. But it was a trap. Raymond was held hostage. Nanghihingi ng maraming demands ang mga rebelde. Gusto nila ng pera at kung anu-ano pa kasama ng amnesty. Nang hindi ibigay ng gobyerno, pinatay nila si Raymond. And guess what. Si Karina mismo ang girlfriend ng leader ng mga rebelde.”

“Oh, no!” bulalas niya at nasapo ang dibdib niya.

“Mula noon, nawalan na ako ng gana na basta basta magtiwala. Dahil doon, hindi ako makapag-concentrate sa trabaho ko. It affected my judgment on some issues. Tingin ko sa lahat ng babae masama. Lahat may ulterior motive. So I decided to take a vacation. Nag-stay ako dito sa riding club. Mas madali sa akin na makaiwas sa mga babae dito. And I just wish that things would stay that way.”

Malungkot siyang ngumiti at hinawakan ang kamay nito. “Pero alam mong hindi iyon ang solusyon sa problema mo. Hindi ka habambuhay na magtatago dito sa riding club. Di dahil nandito ka, mababago na opinion mo sa mundo. To erase distrust, you must learn to trust again.”

Umiling ito. “No. I don’t think it is that easy.”

Tinapik niya ang kamay nito. “Hey! Look at me. Hindi ka naman kasing unfeeling tulad ng iniisip mo. You still know how to care. Look at me. Sino ang nagtanggol sa akin kay Katrina. Hindi ba ikaw? Inalalayan mo rin ako nang kailangan ko ng tulong. You are not so bad, Eizhiro.”

“Siguro hindi ako galit sa lahat ng mga babae. Ayoko lang makipag-relasyon. I know Katrina is trying her best. Pero wala talaga akong balak na magtiwala sa isang babae. Wala akong balak na makipag-relasyon.”

“But you are doing good as a boyfriend?”

“Ha?” bulalas nito. “Kunwari lang naman ang lahat sa atin.”

“Pero pinagkatiwalaan mo pa rin ako to play the part. And you are not totally indifferent. Kanina ipinagtanggol mo ulit ako kay Katrina. Sa palagay ko magiging mas effective pa iyon kung babaeng mahal mo ang ipagtatanggol ko.”

Binitiwan nito ang kamay niya at umiling. “Nah! That is something that won’t happen ever. Narinig mo ba ako? Hindi ako marunong magmahal.”

“Mahirap magsalita ng tapos, Eiz. Kapag naramdaman mo nang in love ka, may magagawa ka pa ba?” Tumayo siya. “Sige na. Magpahinga ka na.”

Wala itong sinabi subalit bago niya isara ang pinto ay nakita niyang ininom nito ang tsaa niya. She would love to see the day that Eizhiro would fall in love. Hindi niya alam pero excited siya para sa araw na iyon.

MAHIMBING na mahimbing ang tulog ni Gianna. Parang musika sa kanya ang alon sa dagat. Nasa kalagitnaan siya ng tulog nang makarinig siya ng katok. Nang idilat niya ang mata, naulinigan niyanghindi iyon galing sa pinto kundi mula sa French door mula sa verandah ng kuwarto niya.

Muntik na siyang mapatili nang isang anino ng lalaki ang naroon at kumakatok. Nang aninagin niyang mabuti ay si Eizhiro pala iyon.

Dali-dali niyang binuksan ang pinto. “Eiz, anong ginagawa mo dito.”

Binitbit nito ang manipis nitong kutson, unan at kumot. “Dito muna ako matutulog. Pinasok ako ni Katrina sa kuwarto ko. Ayokong mapikot.”

“Ha? Nandoon pa rin sjya sa kuwarto mo?”

Tumango ito at inilatag ang kutson sa lapag. “Nang magising ako kanina, nakahiga na lang siya sa tabi ko. Kaya dali-dali akong lumipat dito.”

Pinisil niya ang pisngi nito. “Kawawa ka naman. Talagang mahal na mahal ka ni Katrina at gagawin niya ang lahat para maangkin ka lang.”

“This is not funny!” anito at nagtalukbong ng kumot.

“Paano ka naman nakakasiguro na hindi kita pipikutin?” tanong niya. “Guwapo ka. Tapos mayaman ka din. Kapag tinotoo kong boyfriend kita, makakapagpatayo tiyak ako ng maraming computer shop.”

Bumangon ito. “Hindi mo na magagamit sa akin ang strategy na iyan. Alam ko naman na hindi ka interesado sa katawan ko at kayamanan ko. I am safe here.”

Umupo siya sa tabi nito. “Sigurado ka. Wala akong interes sa iyo?”

“Oo naman. Wala kang epekto sa akin.”

Ngumiti siya at inilapit ang mukha dito. “Kahit na ganito kalapit?”

Kinabig nito ang batok niya. “Kahit na halikan pa kita.”

Hindi niya inaasahan ang biglang pagsasanib ng labi nila. His lips captured hers in a slow kiss. Parang isa siyang mamahaling porselana na iniingatan nito. Di pa niya naramdaman na pinahalagahan siya ng isang lalaki ng ganoong paraan. Then there was a shower of sensation.

Bigla silang naghiwalay. Ilang saglit silang napatitig sa isa’t isa. Parehong gulat na gulat sa nangyari. Dali dali itong humiga at bumaling palayo sa kanya. Habang siya ay sumampa naman sa kama at nagtalukbong.

Ramdam na ramdam niya ang mabilis na tibok ng puso niya. Walang nangyari. Walang epekto ang halik nito sa kanya. Hindi siya naaakit dito.

Subalit kahit anong gawin niya ay parang nakapagkit pa rin ang labi nito sa kanya. She could still feel the caress of his hand on her skin as if he branded her.

Mali iyon! Dapat ay wala siyang naramdaman. Madali siyang makalimot.

“Eiz, hindi ba wala namang epekto sa iyo ang nangyari?”

“Wala,” tanggi agad nito. “Ano nga ba ang nangyari?”

“Wala!” Mariin siyang pumikit. “Matulog na lang tayo.” Kung walang epekto dito, dapat ay wala rin iyong epekto sa kanya.

“Good night. Sweet dreams.”

NovelDark

Your free library of light novels, web novels and translations. Romance, fantasy, action, drama — thousands of chapters updated daily, no signup needed.

Genres

© 2026 Noveldark. All rights reserved.