Stallion Series (Sofia Edition) Chapter 232

Good night. Sweet dreams.

Parehong hindi nangyari iyon kay Gianna nang nagdaang gabi dahil wala naman siyang tulog. Buong gabi siyang nakikiramdam kay Eizhiro na mukhang himbing na himbing pa ito sa pagtulog. Nang magising siya ay masaya pa itong nakikipag-karera kay Don Lorenzo habang humalakhak.

Isa pa iyon na nakapagpagulat sa kanya. Humahalakhak si Eizhiro. Mukhang nagising lang siya sa isang panaginip. Pero tiyak na di siya nananaginip. Masakit ang mata niya sa tama ng sikat ng araw at masakit ang ulo niya dahil sa puyat.

“Good morning!” bati ni Eizhiro sa kanya nang lapitan siya. Sumunod na lang siya sa clearing ground kung saan maaring patakbuhin ang mga kabayo sa kahit anong direksyon. The horse and the rider were free ro roam around.

Kinusot niya ang mata. Hindi pa rin kasi siya makapaniwala na ngumingiti ito. “Anong maganda sa morning? Inaantok pa nga ako,” aniya at humikab.

“Ano ba ang nangyari at puyat na puyat ka?” inosenteng tanong ni Eizhiro.

Matalim niya itong tiningnan. Parang hindi kasi nito alam kung ano ang nangyari nang nagdaang gabi. How could he kiss her so passionately then sleep soundly? Habang siya naman ay namamaga ang mata dahil sa kaiisip dito.

“You missed the early morning ride. Nag-enjoy kaming dalawa ni Eizhiro na manood ng sunrise,” malambing na sabi ni Katrina at humawak sa braso ni Eizhiro.

Masama ang tingin niya sa kamay ni Katrina na nakakapit kay Eizhiro. Bakit di man lang pumipiksi si Eizhiro? As if he was enjoying it. Ano ba ang nangyayari? Tinanghali lang siya ng gising ay nag-iba na ang ihip ng hangin.

“Kids, mag-breakfast na tayo,” yaya ni Don Lorenzo na sakay ng kabayo nito. “I want a Filipino breakfast kaya sa Lakeside Café tayo.”

“Let’s have a race, Eiz!” yaya ni Katrina at kinawayan ito.

“Hindi pwede. I have to ride double with Gianna. Mauna na kayo.”

Humalukipkip siya. “Bakit kailangan mo pa akong iangkas? Sasakay na lang ako sa service. Magkarera na lang kayo.”

“My, my, you are a bit testy today.” Inilahad nito ang kamay sa kanya. “Siguro gutom lang iyan kaya masungit ka.”

Atubili man siya ay tinanggap niya ang kamay nito at sumampa rin sa kabayo. “Hindi ako masungit,” kaila niya nang nakaupo na sa harap nito.

“Siguro kulang ka lang talaga sa tulog.”

Mariing nagdikit ang labi niya. “How about you? Mukhang sinapian ka ng mabuting espiritu. Nakangiti ka na. Anong hanging nalanghap mo at parang ngayon ka lang nagising nang maganda.”

Inilapit nito ang labi sa tainga niya. “Secret.”

Pumiksi siya. “Well, I hate secrets.”

And there was this particular secret they share together that she hated a lot. That one stupid kiss. At nagwawala siya dahil lang sa halik na iyon. Dahil sa halik na iyon, pakiramdam niya ay pag-aari niya si Eizhiro. Wala itong karapatan na makipagngitian kay Katrina o sa kahit sino pang babae. Sa kanya lang.

“Hija, mukhang malalim yata ang iniisip mo,” untag sa kanya ni Don Lorenzo. “Are you with us today?”

“Po?” aniya at inikot ang tingin. Ito, si Eizhiro at maging si Katrina ay nakatingin sa kanya. “Ano po ba ang pinag-uusapan natin?”

“We are asking about your order,” anang si Eizhiro.

“Ano bang nangyari at mukhang tulala ka ngayon, hija? Akala ko ba maaga kang natulog kagabi?” tanong ni Don Lorenzo.

“Secret,” sa halip ay sagot ni Eizhiro.

“Eiz, that is not fair! I-share mo naman sa akin,” lambing ni Katrina at hinampas ito sa braso. Awtomatikong tumalim ang tingin niya. Lalong naging matalim ang tingin niya nang ngumiti si Eizhiro. He was enjoying it.

Wala siyang kibo habang nagkakasiyahan ang dalawa. Maging nang namamasyal sila sa tabi ng lake habang hila ang mga kabayo ay patuloy pa rin sa pagkukulitan ang dalawa. Ang dating supladong Eizhiro ay wala nang ginawa kundi ang ngumiti. Parang miss na miss nito ang ngumiti.

“Hija, hindi ka naman siguro nagseselos sa kanila. Sana pagbigyan mo na si Katrina dahil malapit na siyang umalis,” sabi ni Don Lorenzo.

“Saan po pupunta si Katrina?”

“Sa States. Mag-aaral. Tumigil siya sa pag-aaral para lang sundan si Eizhiro. Sa sobrang kagustuhan niya na mapansin ni Eiz, sinundan niya ang lahat ng kilos nito. Gusto niyang bumalik sa dati si Eiz. Yes, suplado nga siya noon sa babae pero hindi naman siya nagtatago sa mundo. Sabi niya babalik lang siya kapag nakakatawa na ulit si Eizhiro. And I guess you did a great job.”

“Po? Bakit po ako?”

“Kayo lang naman ni Eizhiro ang nakakaalam, hindi ba? Ano nga ba ang ginawa mo at kaninang paggising niya nakangiti na siya.”

Anong ginawa nila? Anong ginawa nila?

Hindi naman siguro dahil hinalikan siya nito kaya nakakatawa na ito. Sabi nga nito ay walang epekto ang halik nila sa isa’t isa. Hindi ito interesado sa kanya. No. imposibleng dahil iyon sa halik.

“Ano po… nag-usap na po kami. Siguro po na-realize niya na di naman niya pwedeng ibunton sa lahat ng tao ang galit niya,” sagot niya.

Tumango-tango ito. “Mabuti naman kung ganoon, hija. Mukhang ikaw lang ang kailangan niya para mawala ang galit niya. Bata pa lang ang apo ko, marami na siyang hirap na pinagdaanan. Natanim iyon lahat sa utak niya. At sa pagdating mo sa buhay niya, parang nagsisimula siyang muli.”

“Sana nga po talagang nakakatulong ako.”

Sana nga ay siya ang dahilan kung bakit may ngiti sa labi ni Eizhiro. Nang mga oras na iyon ay masaya na siya na makita ang ngiti nito. Na marinig ang mga halakhak nito. Dahil doon ay mapupuno na rin ng kaligayahan ang puso niya.

“MADALI lang naman ang gumawa ng effects sa picture,” sabi ni Gianna habang tinuturuan ng iba’t ibang klase ng effects sa Adobe Photoshop si Katrina. Gusto daw kasi nitong gawan ng design ang mga picture ni Eizhiro. “Kailangan lang marunong kang mag-experiment. Kung di mo nagustuhan, pwede mong I-undo.”

Nakatitig lang sa kanya si Katrina sa halip na sa ginagawa niya. “Hindi ka ba galit sa akin nang guluhin kita para paghiwalayin kayo ni Eiz.”

“I am not mad. Naiinis lang ako. Kung kailan kasi mas nangangailangan ako, saka pa ako lalong ginigipit. Hindi ko alam kung bakit kailangan pang gawing miserable ng isang tao ang kapwa niya para maging masaya.”

Yumuko si Katrina. “I am sorry about that. Ang totoo, marami akong problema sa sarili ko. Sa sobrang paghahanap ko ang atensiyon, hindi na pala normal ang ikinikilos ko. As long as I have the money, I will use it.”

“But it doesn’t work all the time.”

“You are right. Kahit kasi anong gawin ko, nandiyan pa rin si Eizhiro para sa iyo. At habang sinasaktan kita, lalo lang siyang lumalayo sa akin.”

“Pero close na kayong dalawa, hindi ba?”

Ngumiti ito. “Originally, I want to take him away from you. Pero noong pangalawang araw ko dito, kinausap niya akong mabuti. Kung hindi na kita sasaktan, magiging mas mabuting magkaibigan daw kami.”

“Talaga? Sinabi niya iyon sa iyo?”

Nagkibit-balikat ito. “I also find it absurd. Lalo na’t pinilit kong matulog sa kuwarto katabi siya. Only to find out that he left me alone anyway.” Sumandal ito sa swivel chair. “Ah! Siguro talagang in love na in love siya sa iyo.”

Iyon siguro ang isang malaking himala. Ang ma-in love si Eizhiro Figueroa. Kapag nangyari iyon, magpapamisa siya. At kung sa kanya mai-in love si Eizhiro…

Bakit biglang gumulong ang puso niya sa posibilidad na iyon? Bakit masayang masaya siya samantalang naiirita naman siya kapag sa ibang babae mai-in love si Eizhiro? Nagseselos ba siya? O baka in love siya!

“Mahal mo naman si Eiz, hindi ba?” untag sa kanya ni Katrina.

“S-Siyempre naman. Hindi ako makakatagal sa kasungitan niya kung hindi ko siya mahal.” It sounded so natural. Parang iyon talaga ang nararamdaman niya. Na handa siyang pagtiisan ang kasungitan ni Eizhiro alang-alang sa pag-ibig.

Nagiging corny na rin siya!

Niyakap siya ni Katrina. “Please take care of Eiz. Importante pa rin siya sa akin kahit na alam kong hindi niya ako mahal.”

“Don’t worry. I will take care of him.”

“I know you will.”

“ANG sungit naman ng kabayo mo. Mukhang nagmana sa iyo,” angal ni Gianna sa kabayo ni Eizhiro na si Steadfast. Sinubukan kasi niyang hawakan ito pero bigla itong nagwala. Mabuti na lang ay nailayo agad siya ni Eizhiro.

“He’s just a bit shy with women,” katwiran nito.

“Shy? Shy ba iyon? Muntik na niya akong talampakin. Ayoko namang sa mga paa lang niya matapos ang kagandahan ko.”

“As if I would allow that to happen,” anito at iniwan sa groom si Steadfast. “Habang nandito ka sa riding club, responsibilidad kita.”

“Hindi ka ba nalulungkot na aalis na si Katrina? Mawawalan ka na ng admirer,” tukso niya dito nang lumabas sila ng stable.

Umasim ang mukha nito. “Come to think of it. Muntik na niyang paputiin ang lahat ng buhok ko sa sobrang konsumisyon. Pagkatapos noong ngumiti lang ako, parang nagnormal na siya. Masaya na daw siya sa isang ngiti ko lang.”

Humalakhak siya. “I think that is crazy.”

“Ikaw. Ano ba ang bagay na magpapasaya sa iyo?”

“Pera. Basta may pera lang sa mga kamay ko at makabayad lang ako utang, tiyak na makakahinga na ako ng maluwag.”

“Wala ka na talagang bukambibig kundi ang pera.”

“Hindi naman pera ng iba. Pinaghirapan ko iyon.”

“Oh, yes. You and your pride. Isang linggo ka dito sa riding club. You refused to accept my help.”

“Makukuha ko na rin ang separation pay ko. Minamadali ni Sir Conrad. Kaya magkakapera na rin ako. Sabi ko sa iyo. Nandito ako di para sa pera. Nandito lang ako para tulungan ka.”

“Bakit hindi ka na lang bumalik sa kompanya? They are asking you to come back. Hindi na rin threat sa iyo si Katrina.”

Sumampa siya sa corral at umupo sa ibabaw ng fence habang pinapanood ang mga kabayo na naglalabas-masok sa stable. “May maganda na rin namang offer sa akin. And I am interested with that animation studio. Nakita ko ang isang project nila na ipinalabas sa Hollywood. I want to be a part of their team.”

Kumunot ang no nito. “Basta tiyakin mo lang na ang boss mo matino. Hindi iyong aalukin kang maging girlfriend niya sa oras ng pangangailangan.”

Hinaplos niya ang nakakunot nitong noo. “Ano naman sa iyo ngayon kung may ganoon akong klaseng boss?”

“Hindi mo pwedeng tanggapin ang proposal niya dahil boyfriend mo ako.”

Humawak siya sa balikat nito. “Sandali! Ang alam ko tatlong araw na lang ang itatagal ni Lolo dito sa riding club. Tapos babalik na siya sa Cebu. So ibig sabihin tapos na rin ang pagiging girlfriend ko sa iyo.”

Hinawakan nito ang baywang niya para alalayan sa pag-upo sa wooden fence. “Wala naman sigurong masama kung ie-extend natin, hindi ba?”

Hindi niya iyon inaasahan. Ang alam niya ay allergic ito sa relasyon. “Ano naman ang nakain mo at biglang gusto mo pa rin akong maging girlfriend? Wala ka naman nang problema. Hindi ka na guguluhin ni Katrina. And I am sure Lolo Lorenzo will understand if we break up. Wala namang perpekto sa mundo.”

“I feel good when you are around. Kapag kasama kita, natutunaw ang lahat ng galit ko. I built a world full of prejudices. Ayoko kasing magtiwala lalo na sa katulad mo. But you proved me wrong in the end. Ipinakita mo sa akin na dapat kang pagkatiwalaan at dapat din akong magtiwala.”

“Pero dahilan ba iyon para ituloy natin na magkunwari? Parang niloloko lang naman natin ang sarili natin.”

Gumuhit ang ngiti sa labi nito. “Gawin na lang nating totoo.”

Umiling siya. “No! I don’t like that kind of relationship. We don’t really like each other. I made you realize a few things but it doesn’t mean that you like me. Kung magkaka-boyfriend man ako, gusto ko na-in love ako at in love din sa akin.”

Para sa kanya, iyon ang pinaka-importanteng parte ng relasyon. Ang pagmamahal. Kung hindi lang din siya nito kayang mahalin, huwag na lang.

Hinawakan nito ang dalawang kamay niya at kinintalan ang likod ng palad. Nang titigan nito ang mga mata niya, parang unti-unting natutunaw ang puso niya. Bakit kung titigan siya nito ay parang siya ang pinaka-importanteng babae sa buhay nito? Kapag ba sinabi nitong mahal siya nito, dapat ba siyang maniwala?

“I will be frank with you. I am not sure if I have love to give. Pakiramdam ko kasi ine-exploit ng maraming tao ang emosyon na iyon. But I trust you.”

“So it means that you are pretty sure that I won’t exploit your trust?”

“I just have a feeling that you won’t do anything to deliberately hurt me.”

Tiwala. Nang mga oras na iyon, parang kasing halaga na rin iyon ng pagmamahal. At para sa isang katulad ni Eizhiro, maswerte na siyang ambunan nito ng tiwala. “One more factor. Wala naman tayong epekto sa isa’t isa. We kissed and there was no spark.”

“Talaga? Walang spark?”

“Oo. Nakalimutan mo na ba? Mabuti pang maging magkaibigan na lang tayo kung magiging platonic lang din naman ang relasyon natin.”

Napakaboring naman niyang girlfriend kung wala itong kainte-interes sa kanya. At insulto lang din iyon sa kagandahan niya. Hindi na nga siya mahal, hindi pa siya kanasa-nasa. Masyado naman siya nitong minamaliit.

“Sandali. Mukhang may memory gap ako. Hindi ko yata maalala kung may spark nga tayong dalawa o wala.”

Hinawakan nito ang batok niya at inangkin ang labi niya. Pakiramdam niya ay umugong ang tainga niya sa sobrang pagkabigla. He leaned against her and their lips touched. The sensation that his kisses evoked sent shivers to her spine.

She opened her lips and deepened the kiss. Naramdaman ulit niya ang kakaibang kalayaan na nararamdaman niya tuwing magkasama sila.

Isinubsob niya ang mukha sa dibdib nito dahil di niya magawang salubungin ang tingin nito. Tahimik din ito habang hinahaplos ang buhok niya. “Walang spark?”

Umiling siya. “Wala. Walang spark.”

“Well, it wasn’t a simple spark. It was an explosion.” Hinawakan ito ang baywang niya at ibinaba siya sa lupa. “Let’s eat out. Mukhang nanlalambot ka na.”

“It was your fault, dummy!” Iyon mismo ang epekto nito sa kanya.

Hinawakan nito ang kamay niya. “Get used to it. Ayokong sabihan ako ng boring.”

Ngumiti siya at tiningala ito. She knew it was crazy. It was against her rule. Pero nang mga oras na iyon ay walang ibang magpapasaya sa kanya kundi ang makasama ito.

DINIG na dinig ang malakas na tawa ni Gianna sa computer shop. Pasado alas onse na noon ng gabi at sarado na ang computer shop. Ang tanging nandoon ay siya, si Jason at si Eizhiro.

Kinalabit siya ni Eizhiro. “Gia, hindi ka pa ba uuwi? Gabi na.”

Matamis siyang ngumiti dito. “Hindi ba mag-o-overnight tayo dito? Saka maganda itong pinapanood kong video stream. Kaya mag-relax ka lang diyan.”

“Gabing-gabi na!” mas mariin nitong sabi. “At sino naman ang may sabi na mag-o-overnight ka dito?”

“Kuya Eiz, hindi mo mapapatayo diyan si Among Tunay,” singit ni Jason na may tinatapos pang typing job. “Sanay na sanay iyan sa puyatan. At kapag inalis mo iyan sa harap ng computer, baka malagutan iyan ng hininga.”

“Ipinagpapalit niya ako sa internet. Pwede namang sa riding club na lang mag-internet kung bakit nagpipilit pa dito.”

“Hindi ako makapag-internet magdamag sa riding club. Inaantok ako. Saka college pa lang ako, pangarap ko nang magbabad sa computer shop magdamag. Kaya nga ako nagpatayo ng computer shop dahil doon.”

“Ang mahal naman ng pangarap mo. Magpahinga ka na nga. Hindi ka ba napagod sa job interview mo?”

“Pasok naman na ako sa trabaho. Consider this as a celebration.”

“Celebration? Ikaw lang naman ang nagse-celebrate. Kung gusto mong mag-celebrate, pumunta tayo sa Paris. May exhibit doon ang kaibigan ko. O kaya sa isang publication sa Singapore. Interesado silang isama ako sa compilation ng mga top photographers ng decade na ito na gagawing libro.”

“Really? Dapat nga tayong mag-celebrate.” Na-excite siyang malaman na nare-recognize ang mga gawa ni Eizhiro. Sabi nga sa kanya ng kaibigan nitong si Danrick ay marami na itong international awards na nakuha noong active pa.

“Wow! Paris! Singapore. Sama ako!” singit ni Jason.

“Ano? Uuwi na ba tayo para mai-ready na natin ang trip?” tanong ni Eizhiro.

Humarap ulit siya sa computer. “Bukas na lang tayo mag-usap. Hindi naman aalis ang Singapore at ang Paris.”

Tinalikuran siya nito. “Jason, tayo na lang ang pumunta sa Singapore.”

Nang tingnan niya ang dalawa ay nag-uusap ang mga ito. Tigdulo silang computer ni Jason. Mukhang nagkakasundo naman ang mga ito kaya sa palagay niya ay malilibang naman si Eizhiro kasama ito.

Sa mga panahong nagkasama sila, mas nasanay na maging malapit si Eizhiro sa mga babae. Kasundo na nga nito ang kapatid niyang si Princess at maging si Elaine. Nagsusungit lang naman ito sa ibang babaeng nagkaka-interes dito. At lagi na lang nitong idinidiin na girlfriend siya nito.

Nagulat siya nang bigla ay kusang gumalaw ang mouse niya kahit di naman niya hawak. Bigla ring nag-minimize ang internet site kung saan siya nanonood ng video stream ng Korean film na pinapanood niya.

“Ha? Anong nangyari?” usal niya. Sinubukan ulit niyang galawin ang mouse subalit ayaw pa ring gumana. “May sira yata.”

Binitiwan niya ang mouse subalit sa panggigilalas niya ay kusa iyong gumalaw mag-isa. Bigla siyang tumili sa sobrang takot at nagtatakbo kay Eizhiro na kausap pa rin si Jason habang nakaharap sa computer.

“Bakit? Anong nangyari?” tanong ni Eizhiro.

Yumakap siya dito. “May multo! May multo! Mukhang cursed ang computer ko. B-Baka iyong dating may-ari niyan namatay na kaya ibinenta…”

Hinaplos ni Eizhiro ang buhok niya. “Ayan! Mahilig kasing manood ng kung anu-ano kaya kung ano-ano ang nakikita mo. Tingnan nga natin.”

Lalo niyang hinigpitan ng yakap dito. “Ayoko!”

“Oo nga. Mukhang haunted ang computer mo,” pananakot ni Eizhiro.

Sumiksik siya ng yakap dito subalit bahagya niyang sinulyapan ang monitor ng computer. Naka-flash doon ang mga salitang “I love you, Gia”. At sa likod ng mga letra ay ang slide show na ang background ay pictures nila ni Eizhiro.

“Ikaw?” bulalas niya at tiningala si Eizhiro.

“Sabi ko naman sa iyo hindi ka dapat matakot, hindi ba?”

“That’s so sweet. Akala ko naman may multo.” Sinulyapan niya si Jason na alam niyang kasabwat ni Eizhiro. Saka niya naalala na may program ito mula sa server na kayang kumontrol sa iba pang computer. “I am impressed. Mukhang lalo akong mai-in love sa iyo.”

“Amo, tataaasan mo din ba ang sweldo ko?” tanong ni Jason.

“Ako na lang ang magbibigay ng bonus sa iyo,” sabi ni Eizhiro saka ibinalik ulit ang tingin sa kanya. “Gusto mo na bang umuwi?”

Tumango siya. “Sige.”

At pansamantala muna niyang isasantabi ang pagka-addict niya sa internet. Mas magiging masaya siya kung si Eizhiro ang kasama niya.

NovelDark

Your free library of light novels, web novels and translations. Romance, fantasy, action, drama — thousands of chapters updated daily, no signup needed.

Genres

© 2026 Noveldark. All rights reserved.