Trizia hated everything with T that day. Kinaltasan siya ng malaking tax, nahuli niya ang boyfriend niyang taksil na si Toby. And because there were no taxis around, she was harassed by some thugs.
Mabuti na lang at dumating si Zairo Montevedra at iniligtas siya. Wala siyang balak na pagkatiwalaan ito noong una pa lang. Tingin kasi niya ay malala pa ito sa boyfriend niyang si Toby. Hamak na mas bolero ito at mabulaklak ang dila. And he spelled only one name for her. Trouble.
But Zairo was ready to prove that he could easily tease his way inside her heart. And he would make sure that she couldn’t resist him.
“Sobrang laki naman ng tax ko ngayon. Halos ubusin ang lahat ng sweldo ko,” nanlulumong sabi ni Trizia nang makita kung magkano na lang ang natira sa sweldo niya. Napaupo na lang siya sa isang sulok sa loob ng bookstore kung saan dalawang taon na siyang nagtatrabaho bilang supervisor.
Napabuntong-hininga siya. Di niya inaasahan na ganoon kaliit ang sweldo niya para sa katapusang iyon. Ibig palang sabihin ay wala ring silbi ang mga overtime niya. Halos wala na naman siyang maiipon dahil wala na namang matitira sa kakarampot niyang sweldo.
“Single ka pa kasi. Pero kapag may asawa ka na, hindi ka na masyadong magpepenetensiya sa tax,” sabi ni Jothela, ang area manager niya. Ito ang madalas niyang sabihan ng mga problema niya at itinuturing din niyang matalik na kaibigan.
Nanghaba ang nguso niya habang tinitingnan ang mga numero. “Pakiramdam ko talaga masyado siyang malaki. Di naman ganito kalaki ang tax ko dati. Mag-I-inquire nga ako sa accounting department bukas.” Alas sais na kasi ng gabi kaya wala nang tao pa sa main office nang mga oras na iyon.
“Maaga ang off mo ngayon. May date ba kayo ng boyfriend mo?”
“Wala nga kaming usapan ni Toby ngayon,” aniya at inayos ang salansan ng mga stocks ng children’s book sa rack.
Tatlong taon na niyang boyfriend si Toby. Kababata niya ito at matagal ding nanligaw sa kanya. High school pa sila ay gusto na siya nito. At dahil tinapos muna niya ang pag-aaral bago magkanobyo, pinagtiyagaan pa rin siya nitong ligawan at hintayin. Sa ngayon ay manager ito para sa isang fast food chain.
“Wala ba kayong balak na magpakasal pa?” usisa nito. “Hindi ba graduate naman na ang kapatid mo at nagtatrabaho na? Tapos ang alam ko siya din naman wala na ring pinag-aaral na kapatid.”
“Hindi pa rin kasi namin napag-uusapan hanggang ngayon ang tungkol sa kasal.” Nagkibit-balikat siya. “Mga bata pa naman kami.”
“Bata? Twenty-four ka na. Samantalang ako pakiramdam ko sobrang tanda ko nang noong mag-asawa ako noong twenty-three ako.”
Natawa siya. Marami pa siyang hindi nagagawa sa edad na twenty-four. At ganoon din si Toby. Marami pa silang pangarap para sa sarili. Naniniwala din sila pareho na dapat nilang paghandaang mabuti ang kinabukasan nila bago tuluyang sumubo sa kasal.
“Hindi naman kami nagmamadali,” sagot na lang niya.
Tinapik nito ang braso niya. “Hoy! Anong hindi nagmamadali? Baka mamaya bigla kang masingitan dahil masyado kang kampante.”
Iling agad ang naisagot niya. “Hindi. Walang ibang maganda sa paningin niya kundi ako lang. High school pa lang kami, marami nang naghahabol na babae sa kanya pero di naman niya pinansin]. Ako pa rin ang niligawan niya. Ngayon pa ba ako matatakot na maagaw siya ng iba?”
Ni minsan ay hindi sila nagkaroon ng isyu tungkol sa ibang mga babae. Natitiyak niya na faithful sa kanya si Toby. Wala siyang magiging problema dito.
“Sandali. Sa tagal ng relasyon ninyo ni Toby, ni minsan wala kang nababanggit na nag-away kayong dalawa.”
Gumuhit ang ngiti sa labi niya. “Ni minsan hindi kami nag-away.”
Halos lumuwa ang mata nito sa pagkabigla. “Ano? You must be kidding. Tatlong taon mo nang boyfriend at ni minsan di pa kayo nag-aaway? Anong tawag mo sa boyfriend mo? Robot? Abnormal naman yata ang relasyon ninyo.”
“Wala akong magagawa. Hindi talaga kami nag-aaway. Bakit ko naman aawayin ang boyfriend ko samantalang ubod naman siya ng bait?”
Pumalatak ito. “Sa tingin ko talaga hindi kayo normal. There must be something wrong with you two.”
“Hindi na kami bata. Kung may mga problema kami, we face it head on. DI na namin pinatatagal pa ng kahit isang oras. Saka sobrang bait ng boyfriend ko. Very understanding. Nakakakonsensiya naman kung aawayin ko siya.”
She believed that they had a perfect relationship and she had a perfect boyfriend. Guwapo na, matalino pa at mabait. Ano pang hihilingin niya? Madalang nang makatagpo ng katulad nito.
“Triz, mas nakakatakot ang mga ganyang klaseng relasyon. Lalo na iyang mabait mong boyfriend. Parang dormant volcano na lang siya na sasabog anytime at hind mo alam kung kailan.”
“Don’t worry. Sa palagay ko hindi naman kami aabot sa punto na sasabog siya. Si Toby pa. Ni minsan hindi ko nga siya nakitang magalit.”
Pinagkrus nito ang mga braso sa dibdib. “Hindi mo rin nasasabi. Ako nga mas nakilala ko lang ang asawa ko noong kasal na kami. Kaya hindi mo masasabi ang tunay niyang ugali hangga’t di kayo magkasama sa iisang bubong. Baka mamaya iyon pang mga maliliit na bagay ang hindi ninyo pagkasunduan.”
“Tulad ng...”
Jothela smiled sheepishly. “Na isa akong professional na tagasunog ng sinaing. Habang gusto naman niya sa babae magaling magluto.”
“Ah! Huwag kang mag-alala. Di ako makakasunog ng sinaing.”
Siniko siya nito. “Triz, dapat mo munang matiyak kung anong klaseng lalaki ang boyfriend mo. Hindi mo siya naguguwardiyahan twenty-four hours a day. Hindi natin alam kung ano ang ginagawa niya kapag nakatalikod ka na. Dapat siguro maranasan muna ninyong magkaroon ng isang malaking away bago ninyo matiyak kung makaka-survive ang relasyon ninyo o hindi na.”
“At paano kung hindi ko magugustuhan ang magiging resulta. Paano kung mawawala rin si Toby sa akin?”
“Wala nang kwenta na ipagpatuloy pa ang relasyon ninyo.”
Naipadyak niya ang paa. “Nananahimik kaming dalawa tapos biglang gusto mo kaming bigyan ng problema. Naku! Tama na nga iyan.”
“Ano ka ba? Seryoso ako. Mas mabuti nang maranasan ninyong minsan na mag-away para mas mapatunayan ninyo kung gaano nga katatag ang relasyon ninyo. Kapag nakalusot kayong dalawa,saka lang ako magiging masaya para sa ‘yo.”
KAGAT ni Trizia ang labi habang pinagmamasdan ang mga nakahilerang cake sa estante. Takam na takam siya dahil gustong-gusto niya ng matatamis.
“Yes, Miss?” tanong sa kanya ng attendant ng bakeshop.
“Ah… isang rocky road nga.” Kumunot ang noo niya at pinagmasdan ulit ang iba pang cake. “Mango cream na lang.” At tiningnan ulit ang estante.
“Mukhang hindi kayo desidido kung ano ang bibilhin ninyo, Ma’am,” pabirong sabi ng crew sa kanya. “Saan po ba kayo nagke-crave ngayon?”
“Hindi naman kasi para sa akin iyan. Para sa boyfriend ko.”
Gusto sana niyang pasalubungan ng cake si Toby. Sorpresa niya itong dadalawin sa apartment nito. Na-realize kasi niya na isang linggo na rin pala silang di nagkikita. Halos di pa sila nag-usap dahil pagod na siya noon sa trabaho. Gusto lang niyang makabawi dito.
“Hindi ba ninyo alam kung ano ang paborito ng boyfriend ninyo, Miss?”
“Mango cake na lang talaga,” aniya at pilit na ngumiti.
Nahiya siya sa sinabi ng crew. Bigla niyang naisip na di niya alam kung anong paboritong cake ni Toby. O kung mahilig man ito sa cake at matatamis. Basta kasi magkasama sila, kung ano ang order niya ay iyon na rin ang ino-order nito. Kaya nga sa palagay niya ay nagkakasundo silang dalawa.
Nasa taxi na siya nang I-dial niya ang numero ni Toby sa cellphone at tawagan. “Hello!” bati niya dito sa masiglang boses.
“Triz! Bigla kang napatawag,” gulat nitong sabi.
“Bigla? Bakit? Masama bang tawagan ang boyfriend ko?”
“Hindi lang kasi ako sanay nang tinatawagan mo ng ganitong oras. Nasa bookstore ka pa rin ba hanggang ngayon?”
“Pauwi na ako. Day off mo ngayon, hindi ba? Ni hindi mo man lang ako niyayang lumabas samantalang sweldo ko rin naman,” nagtatampo niyang sabi.
“I am sorry. May inasikaso lang akong importante. Sa susunod na lang.”
“Anong ginagawa mo? Nanonood ng TV?” usisa niya.
“Oo. Saka nagpapaantok na rin ako.”
“Huwag ka munang matutulog. Mag-uusap pa tayo.”
“Huwag na. Magpahinga ka na lang.”
Nagtaka siya. “Bakit parang ayaw mo yata akong makausap? Hindi mo siguro ako nami-miss, no?”
“Nami-miss. Pero kailangan mo nang magpahinga. Alam ko naman kung gaano ka ka-busy sa trabaho.”
“Basta mag-usap tayo mamaya. Huwag ka munang matutulog.” Sakto namang napansin niya na malapit na siya sa street kung saan nakatira si Toby. “Manong, iliko po ninyo sa Domingo Street. Itigil na lang po ninyo sa duplex apartment na kulay peach ang gate,” utos niya sa driver.
Maliit lang ang apartment ni Toby na solo nitong inuupahan pero malapit lang iyon sa trabaho nito. Isa pa ay nag-iipon na rin ito para sa sarili nitong bahay. Sa magiging bahay daw nila. Gusto nga sana niyang mag-share pero ayon dito ay responsibilidad daw ng isang lalaki na magpatayo ng bahay para sa magiging pamilya nito. Siguro ay yayayain na siya nitong magpakasal kapag ready na ang bahay. Bigla siyang na-excite. Inaabangan na niya ang panahon kung kailan magpo-propose na ito ng kasal sa kanya.
“Nandito na tayo, Miss,” untag sa kanya ng taxi driver.
Ibinigay niya ang bayad sa driver. “Thank you po.”
Huminga muna siya nang malalim bago nag-doorbell sa gate ng apartment ni Toby. Saka niya naisip na noon lang niya ito sorpresang dadalawin sa apartment nito. Mukhang dapat ay dalas-dalasan niya iyon. Tiyak na matutuwa si Toby dahil na-miss niya ito. Sana nga lang ay magustuhan nito ang mango cream cake. Kung hindi man nito magugustuhan, titiyakin niya na aalamin niya ang gusto nito.
Isang babae na mas bata sa kanya ng dalawa o tatlong taon ang nagbukas ng pinto. Hindi niya kilala kung sino ang babae. Hula niya ay kamag-anak ito ni Toby. Ilang beses na kasing may kamag-anak ito mula sa probinsiya na bumibisita o kaya ay naghahanap ng trabaho o nag-aaral at dito nakikituloy. Dahil matagal na siyang di nadadalaw kaya di niya alam na may nakikituloy ulit na kamag-anak doon.
“Hello! I am Trizia. Nandiyan ba si Toby?” tanong niya at bahagyang sumilip.
“Naliligo pa siya.”
“Ah! Papasok na ako, ha?” aniya at tumuloy na sa loob.
“Pero Miss…” akmang tututol ang babae at pinigilan pa siya sa braso.
Ngumiti lang siya dito. “Hindi ako masamang tao. Girlfriend niya ako. Dadalawin ko lang siya. Saka may dala akong cake para sa kanya. Ano nga pala ang pangalan mo?”
“Macy,” sagot nito at bahagyang yumuko. Parang hiyang-hiya ito sa kanya.
Kinamayan niya ito. “Nice meeting you, Macy. Saka huwag ka nang mahihiya sa akin.” Tumuloy siya sa kusina at inilapag ang cake sa mesa. Kusa na siyang kumuha ng platito at tinidor sa dish rack. “Gaano ka na katagal dito?”
“Mga dalawang linggo na rin,” may kahinaan nitong sagot.
“Nag-aaral ka ba?” Umiling ito. “Nagbabakasyon ka lang ba o naghahanap ng trabaho? Kung naghahanap ka ng trabaho, pwede kitang tulungan.”
Umiling ito. “Hindi. Hindi na kailangan.”
“Macy, sino ang kausap mo?” narinig niyang tanong ni Toby na pababa na ng hagdan. Tapos na itong maligo.
Sinalubong agad niya ito. “Hi!”
Muntik na itong madulas sa hagdan sa sobrang gulat nang makita siya. “Trizia! Anong ginagawa mo dito? Wala naman tayong usapan, hindi ba?”
Humalik siya sa pisngi nito. “Wala. Na-miss lang kita. Saka gusto lang kitang I-surprise.” Pinisil niya ito sa balikat. “Relax. Namumutla ka. Mabuti pa kumain na lang tayo ng cake na dala ko.”
“Nag-abala ka pa,” sabi ni Toby.
“Wala akong ganang kumain.” At nagtatakbo si Macy paakyat sa taas.
“Anong problema?” tanong niya at sinundan ng tingin si Macy. “May nasabi ba akong hindi maganda sa pinsan mo? O masyado lang siyang mahiyain?”
Bumuntong-hininga si Toby. “Sana magsabi ka muna sa susunod kung pupunta ka. Hindi iyong nagugulat na lang ako sa iyo.”
Maging sa reaksiyon ni Toby ay nagtaka siya. Parang ayaw siya nitong makita. “I just want to surprise you. Kung ayaw mo, aalis na lang ako.”
“Hindi ikaw ang aalis. Ako na lang ang aalis.”
Nang lumingon siya ay dala na ni Macy ang mga bag nito. Nilapitan agad ito ni Toby. “Macy, ano bang ginagawa mo? Pag-usapan natin ito.”
Umiyak si Macy subalit bakas sa mukha ang galit. “Ang sabi mo sa akin break na kayo. Na nasabi mo na sa kanya ang tungkol sa atin. Bakit wala siyang alam?”
Natigagal siya. “A-Anong ibig sabihin nito?” usal niya.
Hinarap siya ni Macy. “Hindi pa ba malinaw? Nagsasama na kami ng magaling na lalaking ito. Naging girlfriend niya ako habang girlfriend ka pa niya. At buntis na ako!”
Parang tinamaan siya ng kidlat. Buntis si Macy sa anak ni Toby at matagal nang nagsasama ang mga ito. Mukha siyang tanga. Wala siyang kaalam-alam. Animo’y lumulutang ang pakiramdam niya. Ang lalaking pinagkatiwalaan niya sa loob ng tatlong taon ay di pala perpekto. At ang relasyon nila na inaasahan niyang habambuhay na magtatagal ay gumuhong lahat sa harapan niya. Isa lang malaking kasinungalingan.
Nakuyom niya ang palad. “Matagal na pala itong nangyayari at di ko alam?” Mukha namang normal si Toby tuwing nagkikita sila. O di lang niya napapansin? Naging balisa ba ito noong nakakaraang araw? Hindi niya alam!
“Tauhan ko si Macy sa store. Biglaan ang mga nangyari. Wala na akong oras para sabihin sa iyo. Hindi ko alam kung saan ako kukuha ng lakas ng loob.”
“Dahil duwag ka!” sigaw niya sa sobrang galit. Nang mga oras na iyon ay pinipiga ang puso niya. “Gumagawa ka ng kalokohan pero hindi mo naman kayang pangatawanan. Bakit ba ganito ang ginagawa mo sa akin? May ginawa ba akong masama sa iyo? May kulang ba sa relasyon natin?”
“Wala. Kasalanan ko ang lahat,” nakayukong sabi ni Toby.
Niyugyog ni Macy ang balikat nito. “Bakit hindi mo sabihin sa kanya ang totoo? Na nabo-bore ka na sa relasyon ninyo. Nasasakal ka na dahil lagi kang sunud-sunuran. Na hindi ka na makakatagal na makasama siya.”
“T-Totoo ba iyon?” pagalit niyang tanong.
“Nahihirapan lang ako na laging ikaw ang may boses sa relasyon nating dalawa. Ni hindi ko masabi kung ano ang gusto ko.”
“Ah! Kasalanan ko pa pala. Hindi mo naman sinasabi sa akin kung ano ang gusto mo. Tuwing tinatanong kita, lagi mo na lang sinasabi na bahala na ako. Iyon pala ayaw mo na. Kung sasabihin mo ang gusto mo matatanggap ko naman.”
Mabigat na mabigat ang loob niya. Di niya magawang umiyak. Galit na galit siya. Ito ang walang backbone na magsabi ng nararamdaman nito. Pagkatapos ay siya ang bigla nitong sisisihin dahil bumaling ito sa ibang babae.
“Natatakot lang ako na masaktan ka,” mahinang usal ni Toby.
“Ang sabihin mo duwag ka. Lagi ka na lang natatakot. Hindi naman ako ang natatakot mong saktan. Sarili mo lang ang iniisip mo. Dahil kung talagang ayaw mo akong saktan, hindi mo ako pagtataksilan in the first place,” matigas niyang sabi. “Wala ka lang talagang buto. Parang hindi ka lalaki.”
Hinawakan nito ang kamay niya. “Saktan mo ako kung gusto mo. Tatanggapin ko rin ang lahat ng salitang sasabihin mo. Kasalanan ko ang lahat. I deserve all the insults. Kung gusto mo lumuhod pa ako sa harap mo. Basta palayain mo lang ako.”
The nerve! “Bakit? Umaasa ka ba na magmamakaawa akong bumalik ka sa akin? Hindi naman ako kasing tanga ng iniisip mo.” Ang tanging gusto lang niya nang mga oras na iyon ay di na ito makita kahit kailan.
“Narinig mo naman na siguro ang lahat ng dapat mong marinig. Kaya sana pabayaan mo na kami, Miss,” sabi ni Macy. “Ako na ang mahal niya at ang magiging anak namin.”
Ang mang-aagaw pang babaeng ito ang may ganang magtaboy sa kanya. Nagmamalaki ito sa kanya dahil buntis na ito? “Ito ba ang lalaking gusto mo, Miss? Mahal ka? Ni hindi ka nga niya maipagmalaki sa akin. Kung di ko pa kayo mahuhuli, sa palagay mo ba sasabihin niya ang tungkol sa inyo?”
Napalunok si Macy. “Kumukuha lang siya ng pagkakataon…”
“Did he take you in or you just force yourself inside his house?” she asked.
Napayuko si Macy. “Kailangan kong magpilit dahil ayaw niya akong tanggapin noong una. Saka na daw kapag tuluyan na kayong nagkahiwalay.”
“Na hindi naman agad nangyari. Sinabi lang niya na hiwalay na kami para mapanatag ang loob mo later on, di ba?” wika niya. “Kung gusto mo siya, sa iyo na! Thank you for making me realize how stupid I am.”
Taas-noo siyang naglakad palabas ng apartment ni Toby. Desidido ang bawat hakbang niya palayo. Ayaw na niyang magtagal pa sa lugar na iyon.
Hinabol siya ni Toby at pinigilan sa braso. “Triz, mahal pa rin kita. Pero…”
“Toby! Mamili ka sa aming dalawa. Siya o ako!” sigaw ni Macy na lumabas na rin ng apartment para habulin si Toby.
Pinagmasdan siya nito at pagkatapos ay si Macy. Nalilito ito. “Bumalik ka na kay Macy, Toby. Bawal sa buntis ang mahamugan,” aniya sa malamig na boses.
Nang tumalikod siya, alam niyang di na siya lilingon pa. Manhid na manhid ang pakiramdam niya lalo na ang puso niya.
Tama si Jothela. Walang perpekto sa mundo. Kapag nawala na ang maskara ng perpeksiyon, saka niya matutuklasang kasinungalingan lang ang lahat.