Stallion Series (Sofia Edition) Chapter 235

“Ang tanga-tanga ko talaga, Jothela. Pinagmukha nila akong tanga. Tapos sasabihin pa niya sa akin na isang malaking failure ako sa relasyon namin.”

Tuluyan nang bumuhos ang luha ni Trizia nang mapag-isa na lang siya. Nakasakay na siya noon sa taxi. Ni hindi nga niya magawang umiyak.

Nang makakita siya ng bakeshop ay saka niya naalala ang dahilan ng kabiguan niya. Na kung di pa pala siya nagdala ng cake para kay Toby ay di pa niya malalaman ang malaking kataksilan nito.

Kaya nag-withdraw agad siya ng pera sa ATM… ang pera na dapat sana ay iipunin niya para sa kinabukasan nila ni Toby. Pumunta siya sa isang mamahaling tea and cake shop at sa isang sulok nag-iiyak. Nang di siya masiyahan ay tinawagan niya si Jothela. Mabuti na lang malapit lang ito sa tea and cake shop.

“Ang kapal naman ng mukha ng lalaking iyon. Sinabi niya iyon?” bulalas nito. “Siya na nga ang nagtaksil, siya pa ang may ganang magsabi na ikaw ang failure? Siya nga itong nagbabait-baitan. Nasa loob naman ang kulo.”

“Tapos iyong Macy na iyon, pinaalis pa ako. Samantalang siya ang naghabol at nang-akit kay Toby. Tapos buntis pa siya ngayon.”

“Well, at least hindi baog si Toby.”

Lalo siyang napahagulgol ng iyak. “Dapat ko bang ipagdiwang na may nabuntis siyang iba para lang patunayan na di siya baog?”

“Gaga! Huwag ka ngang mag-iiyak dito. Nakakahiya sa mga tao.”

“Bakit ako mahihiya? Hindi naman ako ang nanloko ng boyfriend. Buti nga masaya sila. Samantalang ako pinagtaksilan ng Toby na iyon.”

Aminado naman siya na may mali sila sa relasyon nila. Siguro ay may pagkakataon na naging insensitive siya. Hindi niya nag-insist na alamin ang mga gusto ni Toby. Lagi na lang nitong sinasabi na ang gusto niya ay gusto din nito. Dahil natutuwa siyang marinig iyon mula dito, di na siya nagtanong pa. Lagi na lang kasi itong gumagawa ng effort na I-please siya kahit di na pala ito masaya.

“Oo na. Bigo ka na. Pero pwede bang umayos ka naman? May guwapong nakaupo doon sa kabilang table. Tumitingin dito. Mukhang type ka.”

Bahagya lang niyang sinulyapan ang lalaki sa kabilang table. Nahuli niya itong nakatingin sa kanya. Guwapo nga ito. Pamatay ang ngiti. Sumikdo ang puso.

Mabilis siyang umirap. “Ano naman ngayon kung guwapo siya?”

“Malay mo type ka. Kaya huwag ka nang maggaga-gagahan sa Toby na iyan. Time na para naman makasilay ang kagandahan mo ng better man. Malay mo member pa ng Stallion Riding Club ang lalaking iyan. Guwapo at mayaman!”

Ang Stallion Riding Club ay isang eksklusibong club para sa mga mayayaman at guwapong lalaki sa Pilipinas. Minsan na rin siyang naloka sa mga lalaki doon nang makita niya sa isang commercial. Halos lahat ng mga babae ay gustong makapasok doon para daw magka-boyfriend ng mayaman at guwapo.

“Noon pa nga di ko ipinagpalit si Toby sa mga taga-riding club. Malamang mas babaero ang mga iyan. Kay Toby pa nga lang na inakala kong faithful nagka-problema na ako. Tapos gusto mo pa na pagpantasyahan ko ang mga lalaki na galing sa pugad ng mga babaero?”

“At ano naman ang plano mo? Iyakan na lang palagi ang taksil mong boyfriend? Naku! Sayang ang kagandahan mo kung magtitiis ka sa lamang-lupang iyon. Magsama sila ng mang-aakit na babaeng iyon.”

“Sino ang may sabi na iiyakan ko siya habambuhay? Ayoko nang mag-boyfriend. Lahat ng mga lalaki taksil!”

Napakatok ito sa coffee table. “Huwag kang ganyan. So far faithful ang asawa ko. Mahal na mahal niya ako.”

Kung tutuusin ay away-bati si Jothela at ang asawa nito. Pero nang lumaon ay nakita niya kung paanong buuin ng mga ito ang relasyon para lalong tumatag. Maraming napagdaanang unos kaya subok na ng panahon.

Iyon ang wala sa kanila ni Toby. Mga bagyong pagdadaanan na susubok sa tibay ng relasyon nila. Akala niya ay lagi na lang kalmado ang dagat. Hindi niya napaghandaan ang pagdating ng unos. Sa isang iglap ay nawasak ang relasyon na inaakala niyang perpekto. Nasayang lang ang tatlong taon na relasyon nila. Nasayang ang tatlong taon na nagbuhos siya ng pagmamahal dito.

“Triz, nag-text na sa akin si Hubby. Uuwi na ako. Hindi na daw niya mapatahan ang baby namin. Hinahanap ako.”

Lumungkot ang mga mata niya. Wala na pala siyang mapagbubuhusan ng sama ng loob. “Sige. Umuwi ka na.”

Niyakap siya nito. “Don’t worry. Everything will be okay.”

Matabang siyang ngumiti. Subalit hindi niya alam kung magiging okay nga siya. Masaya siguro si Toby at si Macy dahil naidispatsa na siya sa buhay ng mga ito. Paano naman siya na shock na shock pa rin hanggang ngayon? Ni ayaw nga niyang umuwi sa bahay dahil mag-isa lang siya doon. Mas lalo siyang malulungkot.

“Excuse me, Miss,” untag sa kanya ng isang lalaki.

“Yes?” aniya at inangat ang mga mata.

Nasalubong niya ang malamlam na mata ng isang lalaki. Saglit siyang natulala. Pero lalo pa siyang natulala nang makita ang kabuuan ng mukha nito. Guwapo. Mali. Hindi lang ito basta guwapo. There was a certain aura emanating around him. Parang gumagaan ang pakiramdam niya makita lang ito.

Matangkad ito. Kulot ang buhok nito na parang sa isang kerubin. His skin was sun-kissed. Mukha itong dignified sa suot na dark gray business suit. Pero kapag ngumiti naman ito ay nagmumukha itong mas bata sa edad nito. That boyish smile that would surely melt every girl’s heart.

“Mind if it sit here? Wala ka namang kasama, di ba?”

Sasamahan siya nito sa table niya? Bakit? Biglang may kumislap sa isip niya. “Insurance agent ka ba?” tanong niya. Minsan kasi ay strategy iyon ng mga nag-aahente lalo na at may hinahabol na quota.

“Hindi,” anito at biglang natawa.

Luminga-linga siya. “Marami namang ibang table dito sa shop na bakante. Bakit kailangan mo pang makiupo sa akin?”

Wala siya sa mood na makipag-usap sa isang guwapong lalaki ng mga oras na iyon. Pakiramdam niya ay nadodoble lang ang pighati niya.

“Mukha kasing kailangan mo ng kasama.”

Naningkit ang mata niya. Parang nang-aakit ang tawa nito kanina. Now his gentle voice was also enthralling. Alam na niya ang pakay nito sa kanya. “I am sorry. Pero hindi ako bumibili ng panandaliang aliw.” Bigo marahil siya sa pag-ibig pero hindi pa naman siya desperada at baliw.

“Panandaliang aliw? I am not a gigolo. Gusto ko lang umupo dito.”

“May mga bakante ngang table dito. At hindi ko kailangan ng kasama.”

Mas gusto nga niyang mapag-isa para makapag-isip-isip. Paano naman siya makakapag-isip ng maayos kung may kasama siyang isang guwapong lalaki na mukhang ang plano ay akitin siya sa pamamagitan ng ngiti at boses nito?

“Nasasabi mo lang na hindi mo ako kailangan. Pero nararamdaman ko na malungkot ka. Baka kailangan mo ng tulong ko para makalimot.”

“Ano? Gusto mong makalimot ako? One night stand naman ang gusto mo?” Mukhang wala na yatang matinong masasabi ang lalaking ito sa kanya.

“Miss, that’s not what I mean.” Inilahad nito ang palad. “Baka gusto mo ng kausap para mas gumaan ang pakiramdam mo. Ayoko kasing makakita ng babaeng umiiyak. Baka may maitutulong lang ako.”

Mapait siyang ngumiti at sumimsim ng iced tea. “Ayaw mong makita akong umiiyak? Talaga?”

“Oo. Sino ba ang lalaking gustong makakita ng babaeng nasasaktan?”

Matiim niya itong tinitigan. Wala na siyang kangiti-ngiti sa pagkakataong ito. “Alam mo, sinabi din ng boyfriend ko na ayaw niya akong saktan. Kaya nga kahit na nakabuntis na siya ng ibang babae, hindi niya masabi sa akin dahil ayaw din niya akong masaktan.”

“Then he’s not a man at all.”

“I agree.”

Ginagap nito ang kamay niya. “Kaya kalimutan mo na ang manloloko mong boyfriend. Makakatagpo ka pa ng lalaking totoong magmamahal sa iyo. Iyong hindi kasasaktan at hindi ka lolokohin.”

“Katulad mo?” nakataas ang kilay niyang tanong.

Tumikhim ito. “Well…”

“Sino ka ba para magsabi na dapat kong kalimutan ang boyfriend ko? Three years siyang naging faithful sa akin hanggang makilala niya ang babaeng iyon. Kumpara naman sa iyo, hamak na mukha kang mas playboy sa kanya. Ilang babae na ba ang naloko mo?”

Bigla nitong binitiwan ang kamay niya. “Sandali, Miss.”

“Ano? Eh, di hindi ka makasagot ngayon? Wala kang karapatan na punahin ang dumi sa mukha ng ibang tao. Baka mamaya mas marami pang uling sa mukha mo. Saka para sa akin, pare-pareho lang kayong mga lalaki.”

Naging alangan ang ngiti nito. “Miss, huwag ka namang ganyan. Gusto ko lang namang pagaanin ang loob mo. Relax!”

“Relax? Paano ako magre-relax kung may lalaking taksil sa harap ko? Mas lalo kong hindi makakalimutan ang boyfriend mo kung lagi kitang nakikita.” Tumayo siya at binitbit ang bag niya. “Ibang babae na lang ang lokohin mo.”

Tumakbo siya palabas ng coffee shop. Gusto lang naman niyang mapag-isa, bakit di pa siya mapagbigyan ng lalaking iyon? Por que ba guwapo ito ay kaya na nitong pasayahin ang lahat ng kababaihan? Maso-solve ba nito ang kataksilan ng boyfriend niya? Mukhang hindi naman. Nagmamagaling pa.

Dapat na talaga niyang tuluyang ibasura ang mga lalaki sa buhay niya.

NAGLAKAD-LAKAD pa si Trizia bago niya maisipang umuwi. Pagod na siya kaya malamang ay tulog na siya kapag nakauwi siya sa bahay. Ayaw na kasi niyang maalala ang mga nangyari sa araw na iyon. Ayaw na niyang maalala pa ang mga kataksilan ni Toby sa kanya.

Subalit mukhang sadyang minamalas siya. Walang dumadaang taxi sa area kung saan niya naisipang mag-abang. Nananakit na ang mga paa niya. Ni pampasaherong jeep yata ay wala na rin nang mga oras na iyon.

“Taxi! Kailangan ko ng taxi,” usal niya. Nabuhayan siya ng loob nang makitang may paparating na isa at dali-dali niyang pinara. “Manong, pa-Quezon City po ako. Sa may Diliman.”

“Sorry, Miss. Pa-Cavite na lang kasi ang biyahe ko.”

Napaawang ang labi niya. Nag-iisa na lang ngang taxi na dumaan ay di pa siya pwedeng ihatid. Palabag niyang isinara ang pinto. “Nakalagay pa sa taxi ninyo na Metro Manila to any point in Luzon. Bakit? Ang Cavite lang ba ang any point in Luzon?” sigaw niya sa papalayong taxi.

Sinipa niya ang batong nakaharang sa paanan niya. She hated that day. She really hated it. Pakiramdam siya ay pinagtutulungan siya ng lahat. Ang malas-malas niya.

“May mataas akong tax! May taxi na ayaw sumulpot. May susulpot nga tapos di rin ako pwedeng ihatid. Isa pa ang mga tax… taksil! Makarma sana kayong lahat dahil ginawa ninyong miserable ang buhay ko!” paulit-ulit niyang usal.

Ilang sandali pa ang lumipas ay isang van ang tumigil sa harap niya. May ilang kabataang lalaki na sumungaw sa bintana. “Miss, magkano ka?”

“Ha? Sorry. Nag-aabang lang ako ng taxi.”

Bumaba ang tatlo sa mga ito. Sa tingin niya ay nasa edad nineteen lang ang mga ito hanggang twenty-one. Itim ang lipstick at itim din ang nail polish sa kamay. Tadtad ng hikaw ang ilong, labi at tainga.

“Ihahatid ka na lang namin, Miss.”

Umiling siya at umurong. Hindi maganda ang pakiramdam niya sa mga ito. “Salamat na lang.”

Hinatak ng pinakamatangkad sa mga ito ang kamay niya. “Ihahatid ka na namin, Miss. Ihahatid ka na namin sa langit.”

Pumilag siya. “Bitawan mo nga ako.”

“Huwag ka nang pakipot, Miss,” sabi ng isa at pinigilan ang isang kamay niya.

“Baka naman virgin pa iyan, pare,” anang pangatlo at sinubukan siyang itulak papasok sa van.

Pumiglas siya at sinipa ang sinumang pwedeng maabot ng paa niya. “Subukan lang ninyo. Magkakamatayan talaga tayo.”

Naghalakhakan ang tatlo pati ang iba pang nasa van. “Don’t worry, Miss. Mag-e-enjoy ka naman sa amin,” sabi ng pinakamatangkad na tumatayong leader.

“Hindi ka rin masasaktan kung makikipag-cooperate ka sa amin,” sigaw ng driver ng van.

“Tulungan ninyo ako! Tulong!” sigaw niya. Hindi siya papayag na magalaw ng mga ito. Mas gugustuhin pa niyang magpasagasa na lang sa rumaragasang tren kaysa naman ma-gang rape. Wala iyon sa ambisyon niya.

Malas ba siya sa araw na iyon? O sadyang iyon na ang katapusan ng buhay niya. Gusto pa niyang makaranas ng kaligayahan. Ayaw pa niyang mamatay o magmistulang patay na buhay.

“Patahimikin ninyo iyan,” utos ng pinaka-leader.

Bago pa natakpan ng mga ito ang kamay niya ay kinagat agad niya ang kamay ng isang nakahawak sa kanya. Dahil napasigaw ito ay lumuwag ang hawak nito sa kanya. Lumuwag din ang hawak ng isa pang lalaking may hawak sa kanya kanya dahil nagulat sa sigaw.

Sinamantala niyang pagkakataon ay nagtatakbo palayo. Hindi siya pwedeng magpatalo nang hindi lumalaban.

Di man siya lumingon, alam niyang hinahabol pa rin siya ng mga lalaki. Hindi siya dapat magpahuli. Ayaw niyang lumutang-lutang sa Ilog Pasig kinabukasan.

Mabilis niyang hinarang ang isang paparating na sasakyan. Mabuti na lang at tumigil iyon. Kinatok niya ang windshield. “Tulungan po ninyo ako. Please.”

Lumabas ang driver ng kotse. “Anong problema, Miss?”

Saglit na tumigil ang puso niya. Iyon ang lalaking kumausap sa kanya sa tea shop kanina. Napagsalitaan niya ito ng hindi maganda. Tutulungan kaya siya nito?

“Hwag mo na kaming pahabulin sa iyo. Baka samain ka pa,” nakangising sabi ng pinaka-leader.

Napakapit siya sa braso ng guwapong lalaki.“Huwag mo akong ibibigay sa kanya.”

“Anong kaguluhan ito?” tanong ng guwapong lalaki.

“Girlfriend ko siya, pare. Kaya huwag kang makialam,” sabi ng leader.

“Girlfriend ka ng batang iyan? Iyan ba iyong nakabuntis ng ibang babae?” tanong sa kanya ni Guwapo.

Umiling siya. “Bakit naman ako magbo-boyfriend ng totoy?”

“Hindi totoy si Among Tunay!” sabad ng isa sa gangster.

“Magsiuwi na kayo dahil baka kayo ang samain sa akin, mga totoy,” nakangising sabi ni Guwapo at inakbayan siya.

Dinuro si Guwapo ng isa sa mga miyembro. “Hindi kami totoy!”

Takot na takot siya. Magkakainitan pa yata ang mga ito. Ano ang laban ni Guwapo sa mga batang basagulero. Baka mamaya ay may dalang sandata ang mga ito. Kawawa naman si Guwapo. Ayaw niya itong mapahamak.

Pinagsalikop niya ang palad. Wala naman siyang nais nang mga oas na iyon kundi ang makaligtas sila.

Akmang susugod ito nang pigilan ito ng leader. “Sibat na tayo. May police mobile na paparating.” At nagpulasan agad ang mga ito pasakay ng van.

NovelDark

Your free library of light novels, web novels and translations. Romance, fantasy, action, drama — thousands of chapters updated daily, no signup needed.

Genres

© 2026 Noveldark. All rights reserved.