Stallion Series (Sofia Edition) Chapter 236

Nanlulumong sumandal sa kotse si Trizia. Nasa loob siya ng kotse ng guwapong lalaki habang nagre-report ito sa pulis na nagpa-patrol sa area. Muntik na talaga siyang madigrasya kung hindi pa ito dumating. She was saved. Hindi niya inaasahan na malulusutan niya ang gulong iyon.

“Ma’am, gusto po ba ninyong magbigay ng statement sa presinto para makapagbigay kayo ng statement?” tanong sa kanya ng pulis.

“Pwede po bang bukas na lang? Pagod na pagod na po kasi ako.”

Ang gusto na lang niya ay umuwi sa bahay at magpahinga. At sana ay matapos na ang buong araw na iyon na puno ng kamalasan.

“Aasahan na lang namin kayo sa presinto kung ganoon.”

Kinausap naman ng pulis si Guwapo. Ito na ang umasikaso sa pagsusumbong sa mga pulis dahil nanginginig pa siya sa takot nang makaalis ang mga gangster. Unti-unti din siyang naidlip habang inaamoy ang panlalaking cologne na naiwan sa coat nito na ipinatong nito sa balikat niya kanina para hindi siya lamigin. Sa kauna-unahang pagkakataon ay nakadama siya ng kapanatagan sa araw na iyon.

Naramdaman na lang niya ang muling pagpasok ng lalaki sa kotse at ang pag-start nito sa sasakyan. Naulinigan din niya ang papalayong police mobile.

Bigla siyang nagising. “T-Teka! Nakaalis na iyong mga pulis! Bakit iniwan na nila ako?” bulalas niya.

“Sinabi ko na sa kanila na ako na ang maghahatid sa iyo.”

“Ha? Bakit ikaw?”

“Maraming trabaho ang mga iyan. Maliit lang naman ang sweldo nila. Kaya kung pwede lang din naman akong makatulong, tutulong ako.”

Diskumpiyado niya itong tiningnan. “Responsible citizen ka?”

“Parang hindi ka naniniwala. At ayaw mo ring maniwala na hindi ako masamang tao.” Pinatay ulit nito ang makina ng sasakyan at sinulyapan siya. “Look! I am not one of those thugs who tried to rape you. Hindi kita sasaktan. Makakauwi ka nang walang kagalos-galos basta kasama mo ako.”

Humalukipkip siya. Wala pa rin siyang tiwala sa sagot nito.

“Paano naman kita pagkakatiwalaan kung hind ko alam ang pangalan mo?” Wala na siyang ginawa kundi tawagin itong Guwapo sa isip niya.

“I am Zantino Roberto Montevedra III.”

Napangiwi siya. “Ang haba naman ng pangalan mo. Parang tagapagmana. Masyadong nakakalula. Wala bang mas ihahaba pa ang pangalan mo?”

Magaan itong humalakhak. “Call me Zairo. I am thirty-two years old, single and currently unattached. Bukod sa family business namin, I also have my own business. It is faring well. Kaya anytime pwede na akong mag-asawa.”

Pinagmasdan niya ito. Guwapo naman talaga ito. Di na siya magtataka kung maraming babae ang gustong mapangasawa ito. Pero mukhang wala naman sa itsura nito ang basta basta magseseryoso sa isang babae. Lalo na sa description nito sa sarili. Tiyak dudumugin ito ng mga babae.

“Ilang babae na ang pinaiyak mo?”

Halos bumagsak ang panga nito. “What?”

Nilingon niya ito. “Ilan na ang babaeng napaiyak mo?”

“Wala pa,” walang kagatol-gatol nitong sagot.

Tumawa siya ng pagak. “Oh, come on!” Iyon na yata ang pinakamalaking kalokohan na narinig niya sa araw na iyon.

“Marami na akong napaiyak sa kaligayahan. Pero wala pa akong napapaiyak dahil sinaktan ko sila. I swear.”

Matalim niya itong sinulyapan. “Paano ako magpapahatid sa iyo kung simpleng tanong lang hindi mo masagot ng maayos.” Wala siyang planong ipagkatiwala ang buhay niya sa taong katulad nito.

“Gumagawa ka ba ng excuse para hindi kita ihatid?”

“I want to make sure that you are trustworthy.”

Mariing nagdikit ang labi nito. Mukhang frustrated na ito sa kanya. “Sa tingin mo ba hindi ako mapagkakatiwalaan katulad ng boyfriend mo? Sinagip na nga kita kanina. Saka nag-iwan na ako ng information sa mga pulis. Kung may mangyayaring masama sa iyo, ako agad ang pagbibintangan nila.”

“Sinagip mo nga ako pero hindi ibig sabihin worth it ka na ng tiwala ko.”

“Miss, hindi ako ang boyfriend mo. At kung ang basehan man ng tiwala mo ay kung nanloko na ako ng babae o hindi pa, wala akong ebidensiya maliban sa salita ko lang. Ni hindi ko nga alam kung ano ang koneksiyon nito sa paghahatid ko sa iyo. Pero pagbibigyan na rin kita.” Pumihit ito patagilid sa kanya. “Kung ako ang nasa sitwasyon ng boyfriend mo at ayaw ko na sa iyo, sasabihin ko na agad. Kung may gusto man akong iba, I will have a clean breakup with you first. Saka ako manliligaw ng ibang babae para hindi unfair sa inyong dalawa.”

“Talaga? Gagawin mo iyon? Ganoon ka katapang?”

Naging malungkot ang mga mata nito. “Dapat inaalagaan ang mga babae. Kung hindi maiiwasang masaktan sila, at least malaman nila ang totoo. There is no use keeping her in the dark. Karapatan din naman niya na makahanap ng sarili niyang kaligayahan kung hindi ka niya kayang pasayahin.”

Iyon mismo ang sagot at panininindigan na hinahanap niya kay Toby. Sana ay noon pa nito sinabi na may problema pa ito sa kanya. Sana ay noon pa nila naisalba ang relasyon nila para hindi na lumala ang problema.

Handa naman siyang tanggapin ang totoo kahit na masakit. Kung hindi ito masaya sa kanya, dapat lang na palayain siya nito. Sana ay mas naghiwalay pa sila bilang magkaibigan man lang. Hindi sana siya nito nasaktan nang todo.

Bahagyang humupa ang galit na nararamdaman niya sa dibdib niya. “I am sorry. Hindi ko dapat ibinuhos sa iyo ang galit ko kay Toby. Siguro hindi ko lang nasabi sa kanya ang lahat ng gusto kong sabihin kaya sa iba ko inilalabas. Doon pa sa tao na wala namang kinalaman sa gulo naming dalawa.”

Mukha talaga siyang baliw. Di niya dapat sinabi iyon. Siguro ay galit na ito sa kanya sa mga sinabi niya. Ito na nga ang tumulong, ito pa ang ginawa niyang masama. Tama ito. Hindi naman ito si Toby. Wala itong kasalanan sa kanya. Isa pa, di naman nito kasalanan kung guwapo ito. At kung may napaiyak man itong babae o hindi, wala na siyang kinalaman doon.

“Naiintindihan ko kung irrational ka ngayon. Natural lang dahil nasaktan ka. Pero hindi naman lahat ng tao kasing understanding ko. Huwag mo nang uulitin,” anito at ngumiti sa kanya.

Iba ang ngiti nito. Parang gusto na rin niyang kalimutan na lang ang lahat ng problema at makingiti dito. Na parang wala siyang dahilan para sumimangot.

Napatitig siya dito. Ni hindi niya maalis ang tingin dito. Samantalang kanina lang ay halos isumpa na niya ito mula ulo hanggang paa.

Nilingon siya nito. “Bakit? May problema ba?”

“Pwede mo pa ba akong ihatid?” tanong niya.

“Sure. Ibigay mo lang sa akin ang address.”

Pinagsalikop niya ang palad matapos ibigay ang instruction dito. “Pasensiya na rin pala kung inaabala pa kita.” Bakit hindi siya makahinga nang maayos samantalang nakatitig lang siya dito?

“Hindi ka nakakaabala. Kung kaya kong makatulong, I am really willing to help. Baka mamaya bumalik pa ang mga iyon o kaya may iba namang masasamang loob na magtangka sa iyo. Konsensiya ko pa iyon.”

“Nag-aabang lang ako ng taxi kanina. Walang dumadaan. Tapos ‘nung dumating ang mga gangster na iyon, hindi ko na alam ang gagawin ko. Mabuti na lang dumating ka. Kundi baka lumulutang na ako sa Ilog Pasig bukas.”

Tumiim ang anyo nito. “Huwag mo na silang intindihin. Naghahanap lang ng thrill ang mga batang iyon. Ini-report na natin sila sa pulis. Nakita ko ang plate number ng sasakyan nila kaya mate-trace din sila. Mahirap na at baka may iba pa silang mabiktima. Kawawa naman.”

Sinapo niya ang sariling noo. “Sobrang malas ko sa araw na ito.”

“It is indeed a bad day. But you are safe, right? Iyon ang importante. You can easily start over again.”

“Sana ganoon lang kadali iyon.” Three years na umikot ang mundo niya kay Toby. Pagkatapos ay nakikita niya ang lahat ng pangarap nila na natutupad sa ibang babae. Parang hinihiwa ang puso niya.

”I think you are a strong woman. Makaka-survive ka. Kailangan mo lang siguro na humanap ng lalaki na hindi ka sasaktan.”

Sinulyapan niya ito. “Katulad mo na naman?”

Tumikhim ito. “Basta ang alam ko wala pa akong record na may sinaktan ako o pinaiyak na babae. Kung gusto mo itanong mo pa sa pulis.”

Natawa siya. “Ewan ko talaga kung maniniwala ako sa mga sinasabi mo. But you definitely make me feel better.”

Ito lang ang tao na mabilis na makapagpatawa sa kanya habang mabigat ang lahat ng pinagdadaanan niya. Hindi iyon magawa ng ibang malapit sa kanya.

“Oo nga. Nakakatawa ka na.”

“Dito na ako. Pakitigil na lang sa tabi,” utos niya dito. “Thank you sa paghahatid mo sa akin at sa pagliligtas mo sa akin.”

“I am glad to be of help. Ginagawa ko lang naman ang responsibilidad ko sa lahat ng mga babae na protektahan sila para di sila masaktan.”

“Don’t over do it, Mr. Montevedra. Hindi ikaw si Batman o si Superman. Hindi mo naman kayang iligtas ang lahat ng babae sa mundo.”

“And don’t pin over that stupid boyfriend of yours. Makakatagpo ka pa ng ibang lalaki na mamahalin ka.”

“Nope. Hindi na ako umaasa. Ayoko nang magka-boyfriend.”

“No! Don’t say that! Wait!” May kinuha ito sa backseat ng sasakyan at inabot sa kanya. “Ito na lang pala ang naidala ko. Read this.”

“Mulan? Pagbabasahin mo ako ng librong pambata?”

“Well, it’s not a fairy tale, I know. Pero maganda ang story niyan.”

“I know. Napanood ko iyan sa sinehan. Anong gagawin ko dito? Baka mamaya sa pamangkin mo pala ito.”

“There is a flower that blooms in adversary. And usually, it is the most beautiful at all. You should be more beautiful after everything you’ve been through. At kahit na nasaktan ka pa, magmamahal ka pa rin.”

Nakatanim sa isip niya ang lahat ng sinabi ni Zairo sa kanya hanggang sa matulog siya. At sa unang pagkakataon ay nakatulog siya ng mahimbing nang hindi si Toby ang huling nasa isip kundi si Zairo.

PINANOOD ni Trizia kung paanong isa-isang maubos ang lahat ng kopya ng Stallion Series sa pocketbook rack ng bookstore. At halos lahat ng mga babae na lumabas bitbit ang kopya ng bagong release na libro ng series ay may ngiti sa labi.

“May bago na naman kaming pagpapantasyahan ng asawa ko,” ngiting-ngiting sabi ni Jothela. “Sa wakas naka-release na si Reid Alleje. Come to think of it. Matagal na pala siyang kasal. Ni hindi nahintay ang annulment namin ni Hubby.”

“Totoo ba ang mga istorya diyan sa Stallion Series?” usisa niya.

“Sabi sa site ng author na nabasa ko na si Sindy, nakabase sa mga love story ng mga members at ng mga girlfriend o asawa nila ang nandito. Humingi sila ng permiso para gawing istorya iyon. Iyong iba kusang nagku-kwento. Kahit nga siya may sariling love story. Boyfriend kasi niya si Gabryel Honasan.”

“Feeling ko kasi ilusyon lang iyan.”

“Believe me! Nangyari talaga ang lahat dito. Kaya nga muntik na kaming magpa-annul ng asawa ko. Gusto ko talagang habulin si Reid Alleje.”

“At paano mo naman mapapasok ang Stallion Riding Club?”

“Doon ako magpapa-destino sa branch natin. It is just a few meters away from the riding club. Stop over iyon ng mga Stallion Boys.”

“Aba! Parang heaven naman pala ang branch natin doon.”

Tinapik nito ang braso niya. “Kaya nga swerte ka dahil ikaw na ang magiging manager doon. Baka ikaw na lang ang makatupad sa pangarap ko na makapag-asawa ng isang taga-riding club.”

Natupad na ang pangarap niyang makuha ang promotion na inaasam niya. Iyon nga lang, kailangan siyang ilipat ng branch sa labas ng Metro Manila. Dalaga naman siya kaya wala siyang problema sa pamilyang maiiwan. Medyo nagulat nga lang siya dahil bigla na lang sinabi sa kanya ng boss niya nang nagdaang araw.

Ganoon nga marahil ang malas sa pag-ibig. Sinuswerte naman sa trabaho. Kaya kahit panibagong adjustment na naman, tinanggap na rin niya. May nakahanda na ring bahay para sa kanya na di kalayuan sa bookstore. At sinasabi na rin ng lahat na isa pang benefit, ang makakita ng mga members ng Stallion Riding Club na pumaparada maya’t maya sa bookstore niya.

Natawa lang siya. “Sa palagay mo ba may papatol sa aking tagadoon?”

“Bakit? Wala ka bang tiwala sa kagandahan nating taglay? Lalo na ngayong wala na ang lamang-lupa na iyon sa buhay mo. Your skin is firmer at lines mo nawala. Saka weakness ng mga Stallion boys ang magaganda ang buhok.”

“Hindi ko naman inaambisyon na magka-boyfriend ng member ng riding club. Sa ngayon gusto ko lang ng bagong environment.”

“Bakit bagong environment lang? Bagong boyfriend na rin.”

Tipid siyang ngumiti. “Hindi ko naman minamadali ang lahat. Ayoko naman na magka-boyfriend agad ako para pamukhaan lang si Toby.”

“Gusto ko iyang sagot mo. Akala ko kasi iiyakan mo na naman sa akin ang Toby na iyon. O kaya maghahabol ka sa kanya.”

Tumaas ang kilay niya. “Naku! Excuse me lang. Wala akong planong habul-habulin siya. Doon ako sa lalaki na worth it ng atensiyon ko.”

Pinalakpakan siya nito. “Magaling! Magaling! Magaling! Mabuti at di mo na hahabulin ang lamanglupang iyon. Kaya mag-level up ka na. Dapat lang na member ng Stallion Riding Club ang susunod mong maging boyfriend. Samantalahin mo nang nasa malapit lang sila para makapagpa-cute ka sa kanila.”

“Magsasara na kami nitong bookstore. Sasabay na rin akong umuwi sa iyo,” sa halip ay sabi niya.

“Bakit naman sa akin ka pa sasabay? Mapapalayo ka.”

“Dadaan kasi ako sa cakeshop. Nagustuhan ko ang cake nila doon.”

“Tama. Gamot nga iyan sa mga brokenhearted.”

Ngiti lang ang isinagot niya. May isa pang gamot sa brokenhearted sa cakeshop na iyon. Si Zairo. Doon sila unang nagkita. Kaya naman binabalik-balikan niya ang lugar na iyon. Nagbabaka-sakali na magkikita pa sila. Hindi kasi niya nakuha ang impormasyon dito nang ihatid siya sa bahay.

Isang linggo na siyang pabalik-balik ay hindi pa rin niya ito nakikita. Pero hindi pa rin siya sumusuko. Marami siyang dapat ipagpasalamat dito. Hindi lang ang pagliligtas sa kanya ang dapat niyang ipagpasalamat. Pati na rin ang pagtulong nito sa kanya para maka-recover. Dahil dito, di lubusang nawala ang tiwala niya sa mga lalaki. Hindi lahat ay katulad ni Toby.

Nagpababa na lang siya kay Jothela sa kanto para di ito masyadong mapalayo. Naglakad na lang siya papunta sa cakeshop. Ilang metro pa ang layo nang may tumatakbong babae na lumabas sa cakeshop. Kasunod niyon si Zairo.

Lalapitan sana niya ito at tatawagin subalit niyakap ni Zairo ang babaeng umiiyak. “That’s enough, alright! Huwag mo nang hanapin si Reiven, Sofiajade.”

“I want to see him. Hindi ako titigil hangga’t hindi ko siya nakikita.”

“Kapag umalis ka pa, baka hindi na kita maprotektahan. At ayoko nang masaktan ka. It would kill me,” sabi ni Zairo at hinaplos ang buhok ng babae.

Mabilis siyang tumalikod at naglakad palayo. Parang may kutsilyong tumarak sa puso niya. May iba ding babae sa buhay ni Zairo na sinasabihan nito na poprotektahan. Ilang babae ba ang handa nitong protektahan?

Ang nakalungkot sa kanya ay iba ang pag-aalala nito sa babae. Parang espesyal na espesyal. Iba ang tono ng boses nito. Puno ng pagmamahal.

Bakit mas gusto niyang siya ang yakapin nito at ayu-ayuin? Gusto niyang siya ang sabihan nito ng magagandang salita at hindi at ang babaeng iyon.

Naipadyak niya ang paa nang makasakay na siya ng taxi palayo sa lugar na iyon. “Ano bang nangyayari sa iyo, Trizia?”

“Miss, may sinasabi ka ba?” tanong ng matandang driver.

“W-Wala po, Manong.”

Hindi niya gusto ang pakiramdam na iyon. Parang nagseselos siya.

Pero bakit naman siya magseselos? Ni hindi nga siya nagselos nang malaman niyang ipinagpalit siya ni Toby sa iba. Nagalit siya pero di siya nagselos.

Samantalang kay Zairo kanina ay parang pinipiga ang puso niya habang makitang may kayakap itong iba. Nababaliw na ba siya? Bakit kailangan niya iyong maramdaman sa lalaking minsan lang niyang nakita at nakilala.

She must get hold of herself. Hindi pa naman siguro siya baliw para basta na lang ma-in love kay Zairo Montevedra.

NovelDark

Your free library of light novels, web novels and translations. Romance, fantasy, action, drama — thousands of chapters updated daily, no signup needed.

Genres

© 2026 Noveldark. All rights reserved.