“Thank you, Sir. Please come again,” nakangiting wika ni Trizia sa huling customer na umalis.
Napapitlag siya nang kalabitin siya ng cashier niyang si Bambina. “Ma’am, alam ba ninyo na member iyon ng Stallion Riding Club?”
“So? Ano naman ang bago kung member siya ng Stallion Riding Club? Halos naman lahat ng customer natin dito member ng Stallion Riding Club,” sabi niya habang tine-turn over dito ang kaha. Nag-break ito kaya siya muna ang pansamantalang naging cashier.
“Ang guwapo din niya, no?” kinikilig nitong sabi.
“Lahat naman yata ng taga-Stallion Riding Club guwapo.” Minasahe niya ang batok niya. “Nakakapagod na yatang tumingin sa mga guwapo. Nakakasawa.”
Isang linggo na siyang manager sa bookstore na malapit lang sa Stallion Riding Club. Laging bumabaha ng mga guwapo doon na members ng riding club. Nahihirapan tuloy siyang mag-assist sa mga customers. Ang mga crew kasi niya ay busy sa pagpapa-cute sa mga members. Habang hindi naman siya magkandaduto sa pagkontrol sa security. May mga babae kasi na wala na yatang ginawa kundi mag-abang ng mga members ng riding club na papasok sa bookstore nila. Hindi na siya nagtataka kung bakit nag-resign ang huling manager doon. Mataas nga ang sales pero sakit naman sa ulo ang mga customer.
Narinig niya ang sigawan ng mga babae sa labas ng bookstore. “Richard Don! Richard Don! Ngumiti ka naman dito.”
“Ma’am, nandito na po ang admirer ninyo,” sabi ng isa sa mga crew niya na si Kass. “Ano kaya ang regalo niya sa inyo?”
“Naku! Nandito na pala si Don Typhoon,” usal niya at hindi alam kung saan magtatago. Isa si Richard Don Robles sa members ng Stallion Riding Club. Unang araw pa lang niya sa bookstore ay kinulit-kulit na siya nitong lumabas. Ito kasi ang may-ari Lakeside Café and Restaurant na nasa riding club din. Subalit ito ang klase ng lalaki na dapat niyang layuan. Phenomenal din kasi ito sa pagiging playboy.
Hinarangan agad siya ni Bambina. “Ma’am, huwag kayong magtatago. Alalahanin ninyo na maraming fans si Richard Don. Tiyak na dadami ang sales natin. Saka kayo lang ang ipinupunta niya dito. Pagkakitaan natin ang kagandahan ninyo.”
Pumiglas siya. “Tigilan nga ninyo ako. Que tumaas ang sales o hindi, wala rin namang ipinagkaiba. Paduduguin lang ng lalaking iyan ang tainga ko sa mga pambobola niya. Akala naman niya nakakatuwa siya.”
“Ma’am, huwag kang killjoy. Ang pores at lines lumilitaw,” paalala sa kanya ni Kass. “Hindi iyan maganda sa image natin.”
Nag-ipon muna siya ng maraming pasensiya para ihanda ang sarili sa paghaharap nilang muli ni Richard Don. “Good morning, Sir!” nakangiti na niyang bati kahit na nanginginig na ang gilid ng labi niya.
“Good morning, Trizia!” Inabutan siya nito ng isang long stem peach rose. “Pasensiya na kung medyo na-late ako ng dating. Gusto ko kasi na ma-miss ako nang kaunti. I can see that you are thrilled to see me.”
Mahinhing tawa lang ang naisagot niya. Ipinaalala niya sa sarili na papasakan niya ng tapon ang tainga niya sa susunod para hindi na niya masyadong marinig ang kabayangan nito. Kung bakit naman kasi pumayag pa siyang magpalipat sa branch na iyon. Gusto na rin yata niyang mag-resign.
Kung hindi lang nakaka-relax ang Taal Lake view na tanaw mula sa glass window ng bookstore ay baka first day pa lang ay nagpabalik na siya sa pinanggalingan niya. Nakakagaan kasi ng loob ang tanawin. At kung tititigang mabuti ay tanaw din doon ang Stallion Riding Club.
“Mamili lang po kayo ng gusto ninyo, Sir. May mga bago kaming paper back novels. Bahala na po ang crew ko na mag-assist sa inyo,” magalang niyang sabi. “Kass, paki-assist si Sir Richard Don.”
Kahit nang I-turn over na niya kay Kass ay hinabol pa rin siya ni Richard Don. “Trizia, gusto sana kitang yayaing mag-dinner sa riding club mamaya.”
Maasim siyang ngumiti. “Sir, hindi po talaga pwede. Late nang matatapos ang trabaho ko dito sa bookstore.”
“How about breakfast then?” patuloy na alok nito.
Umiling siya, “Next time na lang po, Sir. I still have work to do. Don’t worry. Hindi po kayo pababayaan ng mga crew ko,” magalang niyang sabi.
Umupo ito sa isa sa mga couch na naroon habang bitbit ang isa sa mga bagong paperback novels na nasa rack. “Sige. Hindi ako aalis dito hangga’t ka nakikipag-dinner sa akin.”
Napatigil siya at pinagmasdan ito. Parang isa itong bata. Hindi titigil hangga’t hindi pinagbibigyan. Kailan kaya nito mare-realize na kahit maging mummified na ito doon ay hindi pa rin siya papayag na makipag-date dito? Wala siyang planong mapasali sa koleksiyon nito ng mga babae.
“Ma’am, pumayag na kayong makipag-date,” sulsol sa kanya ni Kass.
“Ayoko nga. Playboy iyan,” bulong niya.
“Kahit na, Ma’am. Sayang din iyan. Once in a lifetime lang na may magyaya ng date sa katulad nating poorita na member ng riding club.”
“Mas mabuti nang poor kaysa naman magpauto ako diyan.”
Hindi naman siya katulad ng ibang babae na pwede nang mamatay sa kaligayahan may maka-date lang na member ng riding club. Wala nang pakialam kahit pa masaktan sa huli.
Naghiyawan ang mga babae sa labas ng bookstore kasabay ng pagparada ng isa pang kotse. Ang ibig sabihin ay may bagong miyembro na naman ng riding club na dumating. “Nandiyan si Fafa Zai!”
Pumasok ang isang lalaki na nakasuot ng jeans at plain black T-shirt. Nakasuot ito ng shades kaya di niya makita ang mata nito. Subalit parang pamilyar sa kanya ang kulot nitong buhok. Pero base sa tilian ng mga babae sa labas, mukhang malakas ang panghatak ng personalidad ng bagong dating.
She felt that familiar pull. Parang kilala niya ito.
Tinapik nito sa balikat si Richard Don. “Sabi ni Danzelle Ann dito ka lang daw naglalagi. Kanina pa siya tumatawag pero di mo daw sinasagot ang cellphone mo.”
“Hayaan mo na ang babaeng iyon na ma-miss ang kakisigan ko.”
“Araw-araw na lang kayong may lover’s quarrel ni Danzelle Ann. Pero ngayon mo lang yata di sinagot ang tawag niya. Dati nagkukumahog ka agad na makita siya. Baka kailangan ka niya sa restaurant.”
Tumalikod na lang siya at tiningnan kung anong mga libro ang kailangan ng stocks. Subalit bukas pa rin ang tainga niya. Pamilyar talaga sa kanya ang boses ng lalaki. Parang hinahanap-hanap nga niya ang boses nito.
“Huwag mo na ngang banggitin si Danzelle Ann. Baka mamaya marinig pa ni Trizia, isipin pa niya na may relasyon kami.”
“Trizia? Sinong Trizia?” tanong ng lalaki.
Nang lumingon siya ay nakatingin na sa kanya sina Richard Don pati na rin ang lalaki. Tinanggal ng huli ang shades nito.
Dumulas ang hawak niyang children’s book sa kamay niya nang makita ang mata ng lalaki. It was Zairo. Parang itinulos siya sa kinatatayuan. Malakas na malakas ang tibok ng puso niya nang magsalubong ang mata nila.
Kakaibang excited ang naramdaman niya at awtomatikong gumuhit ang ngiti sa labi niya. She was too excited that she found it hard to breathe. Parang gusto na lang niyang titigan ang mga mata nito.
Saka niya naalala na marami siyang gustong sabihin dito. Gusto niyang magpasalamat. Lalapit sana siya dito nang maalala niyang may kayakap itong babae nang huli niyang makita. Ang babae na mukhang mahal na mahal nito.
Biglang namatay ang matinding tuwa sa dibdib niya. Tumalikod siya at pinulot ang librong nalaglag saka ibinalik sa rack. Hindi na rin niya magawang tumawa. Kung bakit kasi naalala pa niya ang eksenang iyon. Masaya na nga siyang makita ito.
Lumapit ito sa kanya. “Trizia! You are Trizia Kintanar, right?”
Bahagyang kumunot ang noo niya na parang kinikilala ito. “Yes, Sir.”
“Hindi mo ba ako nakikilala? Ako si Zairo! Zantino Roberto Montevedra…”
“The Third,” dugtong niya. Di rin pala niya kayang magkunwaring hindi ito kilala. “Yes! Naalala ko na po kayo, Sir.”
“I am hurt. Matapos ang mga nangyari sa atin, hindi ko inaakala na makakalimutan mo agad ako.”
Narinig niya ang pagsinghap ni Kass nakatayo di kalayuan niya. Nakikinig pala ito. Alam niyang binibigyan nito ng masamang kahulugan ang sinabi ni Zairo. Baka iniisip nito na nagkaroon sila ng relasyon ni Zairo. Ang masama, baka pisikal pa na relasyon ang iniisip nito.
“Hindi ko po makakalimutan ang pagliligtas ninyo sa akin, Sir,” mariin niyang sabi para tuluyan na ring mabura ang malisya sa utak ni Kass.
“Kaya nga nagtatampo ako dahil nakalimutan mo na agad ako. Hindi ka pa naman matanda para maging makakalimutin. Hindi rin naman tayo ganoon katagal nang huling magkita dalawang linggo na ba o tatlo?”
“Mga ganoon na nga, Sir,” sagot na lang niya.
Pero tandang-tanda pa niya. Three weeks nang una silang magkita at dalawang linggo nang huli niya itong makita. Di naman kasi nito alam na nakita niya itong may kayakap na ibang babae.
Hindi lang nito alam kung gaano katindi ang panibughong nararamdaman niya tuwing naiisip na kayakap nito ang babaeng iyon. At naiinis talaga siya. Hindi pa rin kasi niya alam hanggang ngayon kung bakit kailangan siyang mainis dito. Wala naman silang relasyon. Hindi rin naman niya ito pag-aari.
Hinawakan nito ang balikat niya. “I hope you are feeling better. Gusto sana kitang dalawin pero masyadong busy ang schedule ko. Ang totoo kadarating ko lang galing sa Canada. Two weeks ako doon.”
Baka busy ito sa Canada. Kasama nito ang babaeng kayakap nito. Bakit kailangan pa siya nitong alalahanin samantalang may iba na itong babae?
“Hindi na ninyo ako kailangang intindihin, Sir.”
“Hindi ka na ba ginugulo ng ex-boyfriend mo?” usisa nito.
Umiling siya. “Malamang nakahinga na siya ng maluwag dahil malaya na sila ng babae niya. Sana lang maging masaya siya sa buhay niya.” Ni hindi na nga niya si Toby. Basta hindi niya ito makikita, wala siyang magiging problema.
Pinisil nito ang balikat niya. “Great! That’s great!”
Habang mukhang masayang-masaya ito para sa kanya, nanlalambot naman ang tuhod niya. Masyado yata itong feeling close sa kanya at may papisil-pisil pang nalalaman. Di yata nito alam na malapit nang bumigay ang nanginginig niyang tuhod. Idagdag pa ang ngiti nito, babagsak na lang siya doon. Bakit ba napakalakas ng charisma nito? Hindi naman nanginginig ang tuhod niya sa dati niyang boyfriend.
Tiningnan nito ang nameplate niya. “Ah! Ikaw pala ang bagong manager. Mukhang mas mapapadalas ang dalaw ko dito.”
“Dadalaw ka lang? Hindi ka bibili?” bigla ay naitanong niya.
“Bibili ako.” Kinuha nito ang isa sa mga children’s book na nasa rack. “Sleeping Beauty: The Legend of Mount Mating-oy. Maganda ba ito?”
“Hmmm… mukhang maganda naman ang istorya.”
“Happy ending ba?”
“Oo. Namatay ang bidang lalaki. Tapos namatay din iyong babae. Tapos sa pinaglibingan sa kanya, naging hugis ng isang babaeng natutulog.”
Bigla nitong ibinalik ang libro sa rack. “Hindi naman pala happy ending. Bakit kailangan ko pang bilhin iyan?”
“Bakit children’s book ang binibili mo? May anak ka na ba?”
Hindi kaya asawa na nito ang babaeng kayakap nito? Pero ang sabi nito ay single ito at unattached. Maglulupasay siya kapag may anak na ito.
“Bibilhin ko iyan para sa akin. Masarap kasing magbasa ng librong pambata lalo na iyong may happy ending.”
“Sa tanda mong iyan naniniwala ka pa sa happy ending?” Parang napaka-unusual yata niyon lalo na sa isang lalaking mature na katulad nito.
“Ano naman ang masama sa happy ending? Hindi ba lahat naman iyon ang gusto. Maliban na lang kung cynic ka.” Inilapit nito ang mukha sa kanya. “Hindi ka naman siguro cynic. Masyado kang maganda para maging cynic.”
Napasandal siya sa rack sa sobrang gulat. Subalit parang lalo lang siyang na-corner nito. Ngayon lang niya natitigang mabuti ang mata nito. It was hazel brown and it has a peculiar speckle. Kaya siguro kakaiba ang mata nito. Parang gusto siyang higupin ng mata nito sa isang mundo na masaya.
Biglang naputol ang kasiyahang iyon nang naramdaman niyang may nakatitig sa kanya. Hindi niya gusto ang aura na iyon. Mukhang naramdaman din iyon ni Zairo. Dahan-dahan silang lumingon at parehong nagulat nang nakalapit din ang mukha ni Richard Don sa tagiliran nila at titig na titig din sa kanila.
Bahagya itong itinulak ni Zairo sa balikat. “Pare, huwag ka namang masyadong nanggugulat. Nakakaabala ka sa pag-uusap namin.”
“Anong nag-uusap? Halos tunawin mo na nga si Trizia sa katititig mo. Ako na ang makaka-date niya, gusto mo pa yatang agawin.”
“Date?” Nilingon siya ni Zairo. “Pumayag kang makipag-date sa lalaking ito? Ilang libong babae na ang napaiyak nito.”
“Sincere ako sa kanya,” depensa naman ni Richard Don. “Handa na nga akong mag-vigil dito sa bookstore niya pumayag lang siyang makipag-date.”
“Huwag ka nang umasa. Poprotektahan ko si Trizia mula sa playboy na tulad mo. Hindi mo siya pwedeng bola-bolahin. Iba na lang ang utuin mo,” pagtataboy ni Zairo dito. Hindi niya inaasahan na iyon ang gagawin nito. Ang alam kasi niya ay magkakasabwat ang mga lalaki pagdating sa pambobola.
“Maniniwala akong poprotektahan mo siya. Ang sabihin mo ikaw naman ang mambobola sa kanya at magyayaya ng date.”
Hindi sumagot si Zairo at nakipaglabanan lang ng titigan kay Richard Don. Hindi naman siguro nag-aaway ang mga ito dahil sa kanya.
“Nasaan si Richard Don?” mataray na tanong ng babaeng kapapasok pa lang.
“Naku! Sinundan ka na dito ni Danzelle Ann. Lagot ka ngayon.”
“Hindi ako takot sa kanya.” Awtomatikong sumimangot si Richard Don nang harapin si Danzelle Ann. “Ano? Magso-sorry ka na ba sa akin dahil kontra ka nang kontra sa mga desisyon ko? Hindi pwedeng ikaw lagi ang masusunod…”
“Ikaw ang magbantay sa restaurant ngayon. May date kami ni Danrick.”
Napanganga si Richard Don at biglang nagbago ang timpla nito. “Anong date? Sandali! Sasama ako sa date ninyo.”
“Ayoko nga!” anang si Danzelle Ann at lumabas ng bookstore.
Nakabuntot si Richard Don dito. “Tayo na lang ang mag-date.”
“Girlfriend ba siya ni Richard Don?” pabulong niyang tanong.
“Hindi. Pero iyan ang nag-iisang babaeng nagpaiyak sa kanya. At dahil alam mo na ang sekreto niya, hindi na iyan magpipilit makipag-date sa iyo.”
“Mukhang nakahinga na ako ng maluwag sa araw na ito. Thank you.”
“Mukhang nagkautang ka na naman sa akin. Iniligtas na naman kita. Wala ka pang nababayaran sa akin kahit na isa.”
Nilingon niya ito. “Paano ba ako makakapagbayad sa iyo?”
Lumapad ang ngiti nito. “Makipag-date ka sa akin.”