Stallion Series (Sofia Edition) Chapter 24

Iningusan niya ito. “Drop it, Hiro!”

Ngayon lang ulit sila nagkausap ni Hiro nang matagal pero parang walang nagbago sa relasyon nila. It was still like yesterday. Nakakapagbiruan sila. Ni wala siyang nararamdaman na pagkailang dito. Maliban na lang kung mababanggit ang pagtanggi niyang magpakasal dito. She knew she missed a whole lot when she refused to marry him. Pero di na niya maibabalik ang nakaraan.

“Galit ka ba?” anito at pilit na hinuhuli ang tingin niya. “Mabuti pa ibibili na lang kita ng coffee. Wala ka pang order.”

“Hindi na. Okay lang muna sa akin ang mag-water.”

“Come on. It is my treat. Hanggang ngayon ba hindi ka pa rin nagpapalibre?”

Noong boyfriend niya ito, madalas silang magtalo dahil di siya pumapayag na magbayad ito kapag may gusto siyang bilhin.

Umiling siya. “Wala lang talaga ako sa mood mag-coffee.”

Kumunot ang noo nito. “Weird. Umaga, tanghali, gabi, wala kang gusto kundi kape. Doushitano?” tanong nito kung anong problema.

“Naka-water therapy ako.” Ang totoo ay wala pa siyang pera. Gusto niyang um-order kapag may pera na siyang pangkape. Pagdating pa iyon ni Mayi.

Hinawakan nito ang kamay niya at sinipat ang braso niya. “Pumapayat ka yata. Your boyfriend doesn’t take care of you.”

Uminom siya ng tubig sa tensiyon. “As if you don’t know me. Wala akong oras sa mga lalaki. Sobrang busy lang ako sa trabaho.”

Lumungkot ang mata nito. “Yes, you always thrive on work.”

Hiro was the same. Busy rin ito sa trabaho. Kaya naman kahit twenty-eight pa lang ito, successful na ito sa field nito. Marami kasing technology ang nai-launch ng kompanya nito na kilalang-kilala sa buong mundo.

Pero di ibig sabihin ay tulad niya ito na walang love life. Kapag may social gatherings, lagi itong may ka-date. And she was happy for him. At least hindi nito dinamdam ang paghihiwalay nila. Kahit pa nga gusto niyang pasabugin ang sinumang babae na nakaka-date nito.

“Minsan naman ipakilala mo ako sa girlfriend mo.”

“Sure. I will call you sometime. Ipapakilala kita.”

Uminom siya ng tubig pero parang hirap na iyong pumasok sa lalamunan niya. Aray! Nananantiya lang naman siya. Malay ba niyang may girlfriend na nga ito. Iba kasi ang impact na makita lang ito na may ka-date sa diyaryo o magazine. Iba pa rin kapag galing mismo sa bibig nito.

Makakasama kaya niya ang girlfriend niya sa Stallion Riding Club? Anong gagawin nila doon? Parang maloloka ako isipin ko lang na may kasama siyang iba.

“Oh, look who’s here! The ever gorgeous Suichiro Hinata.”

Nilingon ni Hiro ang bagong dating. “Mayi! You look great!”

“I always look great. I have to for my boyfriend.”

“That’s nice to hear. At last may boyfriend ka na.” Siya ang unang nagka-boyfriend sa mga kaibigan niya noong college at si Mayi naman ilang buwan pa lang ang nakakaraan mula nang ipakilala ang nobyong si Carriev.

“That’s good to here.” Tumayo si Hiro. “Sorry, ladies but I have to go.”

“Kadarating ko lang tapos aalis ka na?” tanong ni Mayi.

“Hay, naku! Magpapasarap pa iyan. Alam mo naman ang mayayaman, pabaka-bakasyon lang. Pare-relax-relax,” kantiyaw niya.

“You heard her. Itinataboy niya ako,” sabi ni Hiro.

Humalik si Mayi sa pisngi nito. “Good bye then!”

Kumaway siya dito at di humalik tulad ni Mayi. “Ja ne!”

Masama ang loob niyang sinundan ng tingin si Hiro habang paalis. Ang totoo ay ayaw pa niyang umalis ito. She just realized how much she missed him.

Tumigil ka, Jemaikha. He is not yours anymore.

“Hay! Guwapo pa rin ang ex mo. Akala ko naman nagkabalikan na kayo. At dahil mayaman siya, di ka na uutang sa akin.”

“Luka-luka! I need the money. Saka may girlfriend na si Hiro.”

Kulang pa rin ang two thousand na pahiram ni Mayi para patahimikin ang Tiya Vilma niya. Pwede na siguro ito. May Lunes pa naman, isip-isip niya.

Nag-ring ang cellphone niya. Ang kaibigang si Jaimee ang tumatawag. “Je, magkita tayo sa Gateway Mall. May ipapahiram ako sa iyo.”

“Ha? Akala ko ba wala kang pera?”

“May bonus akong nakuha. Akala ko kasi hindi dadating. Kahit di mo muna bayaran sa akin, okay lang. Di ko pa naman gagamitin.”

“Thanks, Jaimee!” Sa lovelife lang naman pala siya malas nang araw na iyon. Maswerte pa rin siya sa pera.

“ANO? Magsasara na ang kompanya ninyo? Wala ka nang trabaho?” bulalas ng Tiya Vilma ni Jemaikha. “Akala ko ba maganda at matatag ang kompanya na ‘yan?”

“Nagka-problema po ang kompanya ng boss ko sa Japan. Kaya kailangan nilang I-cut down ang gastos nila. Ititigil muna ng circulation ng newspaper. Sabi naman daw po nila, kapag ayos na ang problema makakabalik din kami sa trabaho.”

Nabigla siya sa announcement. Masayang-masaya pa siya na makuha ang sweldo niya nang nakaraang araw. Makakabayad na sana siya sa ilang pagkakautang niya. Iyon pala ay hindi pa rin. Mas malaking problema pa ang dumating.

Namaywang ito. “Hanggang kailan mo sila hihintayin na magbukas ka ulit at ibalik ka sa trabaho? Kapag tirik na ang mga mata natin sa gutom.”

Nagpapautang ng pera ang tiya niya. Hindi naman niya iyon pwedeng asahan dahil sa tiya lang niya ang pera na iyon. Di pwedeng wala siyang ibigay dahil maraming gastusin sa bahay. Pampaaral pa ng kapatid niya.

“Maghahanap na nga po ako ng trabaho sa Lunes. Baka matulungan po ako sa paghahanap ng trabaho ng mga kaibigan ko. Magaganda naman ang posisyon nila sa trabaho. Marami silang koneksiyon,” aniya at pilit na ngumiti para pagaanin ang loob ng tiya niya. Kahit naman nagbubunganga ito, nasasaktan ito para sa kanya. Alam kasi nito kung gaano niya kamahal ang trabaho niya.

“Dapat sana mas maganda pa dito ang buhay mo kung pinakasalan mo lang iyong boyfriend mo na si Hiro. Kundangan di mo ginagamit ang utak mo.”

Gusto niyang kumuha ng diyes na barya para itapal sa tainga. Tuwing may problema siya sa pera o may magandang nangyayari sa ibang tao na kabaligtaran ng nangyayari sa kanya, lagi na lang nitong isinusumbat si Hiro. Botong-boto kasi ang pamilya niya sa binata. Kaya nagtaka ang lahat nang tanggihan niya ito.

“Tama na, Tiya. Tapos na po iyon. Close book na.”

“Anong close book ang sinasabi mo diyan? Kung pinakasalan mo siya, aba’y may guwapo ka nang asawa, nakahiga ka pa sa salapi. Hindi mo na kailangang isipin ang mga bayarin. Sus! Kayang-kaya iyong bayaran ni Hiro. Hindi mo na rin kailangang magtrabaho. Pa-shopping-shopping ka na lang. Tapos pabaka-bakasyon ka na lang sa ibang bansa kasama kami ng kapatid mo. Naiahon mo sana kami sa kahirapan. Hindi iyong nakatira tayo sa mainit na bahay na ito.”

“Gusto lang naman ninyo si Hiro sa akin dahil mayaman siya.”

“Hindi lang basta mayaman. Mayaman at guwapo. Kung ako nga lang ay kaedad mo, hahabul-habulin ko iyon. Bakit ba walang kasing-guwapo at kasing-yaman niya sa mga nanligaw sa akin noong kabataan ko?”

“Alam naman ninyo kung bakit di ko pinakasalan si Hiro, di ba?”

“Puro ka pride. Ayaw mong magpakasal dahil may gusto kang patunayan sa sarili mo?” Ngumisi ito. “Ano? May napatunayan ka na ba? Wala! Ni hindi mo maisasanla ang pride mo. Kung binabalikan mo na lang kaya siya?”

Napailing siya. “May girlfriend na po iyon. Mas maganda at mas mayaman na hamak kaysa sa akin. Mas bagay po sila.”

Nakukulta na ang utak niya habang nag-o-online job-hunting siya sa computer sa kuwarto niya. Kapag may trabaho na sa palagay niya ay bagay sa kanya, nagpapadala agad siya ng resume.

Kumatok sa pinto si Robin. “Ate, pwedeng pumasok?”

“Bakit hindi ka pa natutulog? HIndi ba maaga pa ang pasok mo bukas?”

“Narinig ko ang usapan ninyo ni Tiya. Wala ka na daw trabaho.”

“Sus! Wala iyon.” Ayaw sana niyang ipaalam dito dahil mag-aalala ito. “Kita mo nga naghahanap na ako ng trabaho. Kaya huwag mo nang isipin.”

“Alam ko naman na kaya mo iyon, Ate.” Mabuti na lang at naroon ang kapatid niya na sinusuportahan siya. Kailangan niyang magsumikap para dito.

“WE’LL call you for the final interview.”

“Thank you, Sir!” pasasalamat ni Jemaikha at kinamayan ang interviewer niya. Isa sa mga nakuha niya sa paghahanap ng trabaho sa Internet ay ang isang international online translation company.

Mga multi-national company at mayayamang indibidwal ang kliyente ng mga ito na nangangailangang magpa-translate mula sa simpleng sentences hanggang sa mga komplikadong dokumento sa iba’t ibang lengguwahe. Sa palagay niya ay malaki ang bentahe niya na makukuha dahil na rin sa credentials niya. Maganda kasi ang recommendation na ibinigay sa kanya ng inalisang kompanya.

“Sana nga makuha ako. Ayokong mabakante nang matagal.”

Ilang sandali na lang ang kayang I-sustain ng eardrums niya bago tuluyang sumabog. Maya’t maya kasi siyang tinatalakan ng Tiya Vilma niya tungkol sa kawalan niya ng trabaho. Na dapat daw ay nagpakasal na lang siya kay Hiro.

“Magpapakasal lang ako kay Hiro kapag mayamang-mayaman na ako. Ako pa mismo ang magpo-propose sa kanya,” taas-noo niyang sabi pagbukas ng elevator.

Napalunok siya nang si Hiro mismo ang bumungad sa kanya sa elevator. “Hi!”

“H-Hi!” alanganin niyang bati at bahagyang yumuko nang samahan ito sa elevator. Medyo marami ring tao ang sakay kaya naman wala siyang magagawa kundi tumayo mismo sa harapan nito.

Salamin ang harap ng pinto ng elevator kaya kitang-kita niya ang nasa likuran niya. May mga babae nang nagbubungisngisan sa likuran niya. Pinag-uusapan ng mga ito si Hiro. Hindi makakalimutan ang mukha nito sa sikat na commercial ng Stallion Shampoo and Conditioner. Naiilang tuloy siyang kausapin ito.

Sikat na sikat ang kumag kong ex-boyfriend. Kung yumaman man ako, anong guarantee na tatanggapin niya ang proposal ko? Mas marami nang babae ang naghahabol sa kanya. Mawalan man siya ng girlfriend, maraming nakapila.

Napakalapit ni Hiro sa kanya. He was standing at her back, their bodies almost touching. Naalala niya noong college sila. He loved to stand at her back and embrace her. Saka nito ibabaon ang mukha sa buhok niya. Pakiramdam niya ay diyosa siya ng kagandahan dahil doon.

Nang nang magsalubong ang tingin nila ni Hiro ay nakangiti ito sa kanya. “Nasisikipan ka?” tanong nito at inunat ang kamay sa pinto ng elevator.

Di siya naitutulak ng ibang mga tao na nasa likuran at nagigitgit. Di niya mapigilang ngumiti. He was always like that. Kapag tingin nito ay nagigitgit siya, lagi siyang binabakuran. Nginitian niya ito sa salamin ng elevator at ibinuka ang bibig. “A-ri-ga-tou,” pasasalamat niya kahit na walang tunog.

Inilapit nito ang bibig sa tainga niya. “Dou itashimashite,” walang anuman daw bulong nito.

It was a habit they couldn’t break. Kapag gusto nilang sila lang ang magka-intindihan, nagsasalita sila ng Japanese. It was also like a game. Para daw lalo siyang matuto ng Nihonggo na paboritong lengguwahe na pinag-aralan niya.

Nang makarating sila sa ground floor ay inalalayan agad siya nito sa braso nang palabas na sila ng elevator. “Iyon ba ang girlfriend niya?” tanong ng isa sa dalawang babaeng nagbubungisngisan kanina.

“Malamang. Maganda ang buhok, eh!” anang isa pa. Nakasunod ang mga ito sa likuran nila ni Hiro kaya dinig na dinig niya.

“Pero hindi naman sila magkasama kanina, ah!”

“Pero sweet na sweet silang dalawa. Nakakainggit iyong girl.”

Ang haba ng hair mo, Jemaikha! Kagandahan ka kasi. Walang kapintasan, isip-isip niya habang nakikinig sa usapan ng dalawa.

“I didn’t expect to see you here,” wika ni Hiro.

“Ikaw ba, anong ginagawa mo dito?” tanong niya.

“I visited a friend. Remember Haku? His dad owns a construction company.” Tumango siya nang maalala ang kaibigan nito. “Ikaw, anong ginagawa mo dito?”

“Interview,” simpleng sagot lang niya.

“I see. Kung wala kang appointment for lunch, sama ka na lang sa akin.”

Tumango ito at hinawakan ang kamay niya. Hindi na siya nagdalawang-isip na sumama. Makakapalag pa ba siya kung hawak na nito ang kamay niya? And once Hiro held her hand, she knew that he wouldn’t let it go.

He parked his car in front of a seafood restaurant. “I will order for you,” sabi nito. “Let’s see if I can still remember the things you love.”

“Sige nga,” hamon niya dito.

“Seafood Piccata, Seafood paella, avocado juice…”

Nakatitig lang siya habang iniisa-isa ni Hiro ang lahat ng pagkain na gusto niya. “You got them right. Malakas talaga ang memory mo.”

“So what is your interview all about?” bigla ay tanong nito.

“Uhmm… It’s with an online translation company.”

“Ipi-feature ba ninyo sila sa newspaper ninyo?”

Nakagat niya ang labi. “We folded up last month. Yesterday was my last day.”

“What? What happened?”

“Nagkaroon ng problema ang ibang company ng boss namin sa Japan. So they have to close down the newspaper. Kapag ayos na daw ang problema saka babalik ang operation nila. So here I am. Looking for a new job,” kwento niya.

He looked agitated. “Bakit hindi mo sinabi sa akin. Natulungan sana kita.”

“I know you can help me. Pero kaya ko naman ito.”

“Lagi kang ganyan. Lahat kinakaya mong mag-isa. Kapag kasama kita, pakiramdam ko wala akong silbi.”

“Hiro, I don’t want to be dependent to anybody.”

“Yes. Even from a friend. When we broke up, you said that we are still friends. Na magtutulungan tayo kapag kinakailangan. But it’s bullshit, right?”

NovelDark

Your free library of light novels, web novels and translations. Romance, fantasy, action, drama — thousands of chapters updated daily, no signup needed.

Genres

© 2026 Noveldark. All rights reserved.