Napapitlag si Jemaikha nang tumalim ang mata nito Hiro na nakatitig sa kanya. Hindi siya sanay na nakikitang nagagalit ito. At ayaw niyang nakikitang nagagalit ito. Ang tao daw na sobrang bait, delikado kung magalit.
“Hiro, don’t say that,” aniya sa malumanay na boses. “I am sorry if I hurt your pride. Hindi ako humihingi ng tulong kasi baka makaabala ako.”
“Ganoon naman magkakaibigan. We can bother each other if needed.”
“I am doing great. Tatawagan na nga daw ako ng kompanyang pinag-apply-an ko kanina para sa final interview.” Hinawakan niya ang kamay nito. “Kaya huwag ka nang magtampo sa akin, please.”
Inilayo nito ang kamay sa kanya at kumain. “You never needed me. At mamaya after lunch, mag-I-insist ka na magbayad ng part mo sa kinain natin. Ah, Jemaikha! You always do great for my ego.”
Mukhang napuno na ito sa kanya. Nasanay kasi siya na lagi nitong pinagbi-bigyan. “Sorry na. If you want to save your pride and your bruised ego, go ahead. Ikaw na ang magbayad.”
“I heard that. Ako ang magbabayad at hindi ka kokontra.”
“Oo na. Basta huwag ka lang sumimangot. Hindi ako sanay. Please smile!” malambing niyang sabi.
Awtomatiko itong ngumiti. “Got you! Sabi ko na nga ba, effective ang strategy na naisip ko para mailibre kita.”
“You tricked me!” Hindi talaga ito nagtatampo sa kanya. Umaarte lang. “Nakakainis ka! Muntik na akong umiyak dahil akala ko galit ka. Iyon pala…”
“It feels great to get the best of you. You should try it sometimes.”
“What?”
“Losing. Let other people do things for you. Di pwedeng laging ikaw.”
“Simula ngayon, hindi ba ako basta-basta maniniwala sa drama mo. Hinding-hindi mo na ako mauutakan.”
Ihinatid siya nito sa Megamall kung saan may dumadaang FX taxi na papuntang Pasig. “Ayaw mo bang ihatid kita?”
“Huwag na. May trabaho ka pa. Thank you sa libre. Sa susunod ako naman.”
“Hindi naman yata ako papayag.”
Tinapik niya ang pisngi nito. “Odaiji nii.” Mabilis niyang binawi ang kamay. “Ingat ka.” Matagal na silang hiwalay. But she still loved touching his face.
“You use Stallion Shampoo, right?” bigla nitong itinanong nang pagbaba niya.
“Ha? Oo. Bakit? Bibigyan mo ba ako ng libre?”
Tumawa ito. “Sure. Gusto mo ba ng one year supply?”
“Hindi, no? Kaya kong bumili ng sarili ko. Bakit mo naman naitanong?”
“The shampoo smells great on you. If you are the shampoo’s model, hindi ako papayag na magkaroon ng ibang lalaki sa commercial na hahati sa atensiyon mo.”
“Ha?” Nakatigagal na lang siya nang umalis ang sasakyan nito. Ibig bang sabihin no’n ay maganda siya? Nagkibit-balikat siya. “It must be a joke.”
“WE’LL call you. We’ll call you. Why not hire me right away? Maganda naman ang credentials ko, ah! Saka maganda rin ang buhok ko ngayon. What’s wrong?” inis na usal ni Jemaikha habang pababa ng escalator mula sa Megatrade mall sa SM Megamall kung saan nagkaroon ng job fair at nag-apply siya.
Hanggang ngayon kasi ay wala pa ring tumatawag sa kanya para I-confirm kung kailan siya magsisimula. Lahat na ng nangangailangan ng language teacher at translator ay nagalugad na niya. Malaki na sana ang chance niya sa online translator company na una niyang in-apply-an pero di pa ulit tumatawag ang mga ito para sa final interview niya.
Kakain sana siya nang mapadaan sa paborito niyang boutique. Pumasok siya at nagustuhan ang isa sa mga sapatos. New arrival pa iyon. “Hay! Malapit na ang birthday ko pero di ko maregaluhan ang sarili ko. Wala bang pa-birthday gift na trabaho sa akin kung sakali? Sawa na akong maging dukha.”
Puro pagtitipid na lang ang ginagawa niya para bumaba ang gastusin sa bahay. Malapit na silang tubuan ng damo dahil puro gulay na lang ang ulam nila. Malapit nang maubos ang savings niya.
Kagat-labi niyang pinagmasdan ang sapatos. “Huwag ka munang magpabili sa iba, ha? Sana nandiyan ka pa kapag nagkatrabaho ako at nag-sale.”
“If you like that one, why don’t you try it? I think it would look good on you.”
Napapitlag siya nang marinig ang boses ni Hiro. Napahawak siya sa dibdib nang matuklasang nasa likuran lang niya ito. “Hiro! Basta-basta ka na lang nagsasalita. Ginugulat mo naman ako.”
“Epekto lang iyan ng kape.”
No. It was simply Hiro’s effect on her. Kapag nakikita niya ito, di pwedeng di siya matuliro at bumilis ang tibok ng puso niya.
“You were too busy looking on the shoes. Kumusta? May trabaho ka na?”
“Hmmm… malapit na,” aniya at ngumiti. Malapit na akong mawalan ng pag-asa sa buhay dahil wala pang tumatawag sa akin. Di naman niya iyon pwedeng sabihin kay Hiro dahil mangungulit na naman itong tulungan siya.
Kinuha nito ang sapatos. “Bagay ito sa iyo. Bakit nakatitig ka lang? Isukat mo. Teka, anong size ba ang paa mo?” Lumingon ito sa sales lady. “Miss, isang size seven and half of this one, please.”
“Miss, huwag na lang!” aniya sa sales lady. Kinuha niya ang sapatos kay Hiro at ibinalik sa estante. “Hindi ko naman talaga bibilhin.”
“You won’t buy it. You will just fit it.”
“Hindi ko naman bibilhin. Bakit ko pa isusukat?” Kapag may pera siya at may nagustuhan, binibili agad niya pagkasukat. Wala nang tanong-tanong pa. “Saka hindi ko naman talaga gusto iyong sapatos.”
“Namamahalan ka na naman dahil new arrival. You try to fit it and I will buy it for you,” abog-abog nitong sabi.
“No, Hiro. I won’t allow that. You know that…”
Bahagya itong natawa. “What? Your usual hang up again? Na kung may gusto ka, kailangan galing sa iyo at hindi sa iba? Na ikaw ang gagastos?”
“Oo. And I won’t change my mind. If I want the shoes, I will buy it with my own money.” Kung ang girlfriend nito ay sanay na sanay nitong binibilhan ng kung anu-ano, hindi siya. Lalo na’t hindi naman na siya nito girlfriend.
“I will still buy it for you. Malapit na ang birthday mo. Three days from now, right? Hindi naman siguro masama kung bibigyan kita ng regalo.”
She stared at him dumbfounded. “Naaalala mo pa ang birthday ko?”
“Oo naman. Ilang taon din kitang naging girlfriend. Imposibleng basta-basta ko na lang iyong makalimutan.”
“Akala ko nakalimutan mo na kasi.” Three years din kasi niya itong naging nobyo. At kung naalala nito ang maraming bagay tungkol sa kanya, ganoon din siya dito. She still remembered almost everything about him.
“At hindi ko rin nakakalimutan na tuwing birthday mo lang ikaw tumatanggap ng regalo. So consider it as my gift.”
Hindi na niya magawang tumutol. She was still in a high to know that he still knew a lot of things about her. Maging ang size nga ng paa niya ay alam pa rin nito. She was glad that he still cared. Kahit na wala na sila.
“Ang totoo wala naman akong planong mag-celebrate ng birthday ko. I don’t have any reasons to celebrate after all.”
“You are a wonderful person, Jem. And you should celebrate your birthday. Iyon na lang ang time mo para magsaya, di ba?”
Kung makakasama siguro kita, bakit hindi? But she couldn’t voice it out. Isa lang namang ilusyon na magkakasama sila sa birthday niya.
Tatawagin na nito ang saleslady para magpakuha ng size para sa kanya nang may yumakap sa baywang nito. “Gotcha!”
“Morella!” gulat na usal ni Hiro.
“So you came here to visit me, huh?” Morella said with a wide smile. Ni hindi ito inalis ang pagkakayakap sa baywang ni Hiro kahit na maraming taong nakatingin. “Na-miss mo ako, no? Kaya nga iniwan ko ang work ko para makita ka.” Mukhang ito ang manager ng boutique.
“No,” tanggi ni Hiro. “Actually, I am just walking around until…”
Nakatitig lang siya sa babaeng nakalingkis kay Hiro. Maganda sana kaso nuknukan ng kapal ng make up. Mukha pa ngang mas matanda siya kay Hiro. Ito na ba ang girlfriend ni Hiro? Mukha silang mag-ate. Hindi bagay.
Naramdaman ni Morella na nakatingin siya dito kaya sa kanya bumaling at tiningnan mula ulo hanggang paa. “Hi!” bati niya. “You must be Hiro’s girlfriend.”
“Yes, I am. At sino ka naman?”
“I am Jemaikha, his old friend. Nagkataon lang na nagkita kami dito sa store.” Inilahad niya ang palad. “I am glad that I finally met you.”
Matabang ang ngiti nito nang kamayan siya. “Hindi ko alam na may kaibigan pala siyang babae. You are not familiar. You don’t visit Stallion Riding Club?”
“I had never been there.”
“Doon ko lang kasi nakikilala ang mga kaibigan ni Hiro.”
Nalito siya. Kapag ba hindi nakakapunta ng Stallion Riding Club ay hindi na pwedeng maging kaibigan ni Hiro?
Nag-init ang mata niya nang makita kung paano idikit ni Morella ang katawan kay Hiro. Gosh! Hindi ko iyan nagawa kay Hiro noong boyfriend ko pa siya. At wala kaming kahilig-hilig sa PDA.
Naisip niya na baka nagbago na si Hiro. After all, she was not her boyfriend anymore. Si Morella na ang girlfriend nito.
“Well, I have to go now. It’s nice to see you, Morella. Bye, Hiro!”
As in goodbye. Wala na talaga akong pag-asa sa iyo kahit sa ilusyon. Nadisilusyon na kasi siya nang makita ang bagong nobya nito. Masakit!
Dali-dali siyang lumabas ng boutique. Di na niya hinintay pa na magsalita si Hiro. Great! Kinalimutan na niya ang birthday gift niya sa akin dahil lang nakita niya ang girlfriend niya.
“O, KUMUSTA ang pag-a-apply, Jem? May maganda na bang result?” tanong ni Mayi nang magkita-kita silang magkakaibigan sa Congo Grill para I-celebrate ang birthday niya. It was the eve of her birthday. May kanya-kanya kasing trabaho ang mga ito kinabukasan kaya di makakapunta sa mismong birthday niya.
“Sabi nila tatawagan daw ako,” matamlay niyang sabi. “Iyong sa online translation company, wala pa ring tawag para sa final interview.”
Nginitian siya ni Cherie. “Okay lang iyan, Mare. Magkakaroon din nang magandang resulta ang lahat. Medyo tiis-tiis lang. Mahirap naman talaga na makakuha ng trabaho ngayon. Ayaw mo naman kasi mag-abroad.”
“Pinag-iisipan ko na nga iyan,” aniya at huminga nang malalim.
“Payagan mo na kasing mag-apply sa company ko si Robin. Para naman magka-experience na rin siya at mabawasan ang gastos mo,” suggestion ni Mayi. “Magaling naman siya kaya matatanggap siya agad. Aalalayan ko na lang.”
“Ayoko ngang mawala ang focus niya sa pag-aaral,” kontra naman niya. “Kaya nga pinipilit kong magkahanap ng trabaho, hindi ba?”
Pumasok si Jaimee na kanina pa nila hinihintay. “I am sorry, girls. Nagkita pa kasi kami ni John bago ako pumunta dito.”
“Ikaw, di ka na makagalaw nang wala ang boyfriend mo,” angal ni Cherie. “Kailangan ba talaga na alam niya ang lahat ng kilos mo? Di mo pa naman siya asawa. Boyfriend mo pa lang siya.”
“Oo nga,” sang-ayon ni Mayi. “Hindi naman kami ganyan ni Carriev.”
Itinaas ni Jaimee ang menu para matakpan ang mukha nito maliban sa mata. Saka nito iniikot ang tingin sa kanila. “O, bakit?” tanong niya.
Ibinaba nito ang menu sa mesa at inayos. “May gusto akong sabihin sa inyo, girls. Good news and bad news. At may kinalaman din ang dahilan na iyon kung bakit kailangan naming magkita ni John kanina.”
“Huhulaan ko!” sabi ni Cherie. “Nag-break kayo noong isang araw. Bad news. At ang good news, nagkabalikan din kayo kanina. Wala naman kasing bago, di ba?”
“Actually, mas bago pa diyan ang ibabalita ko,” sabi ni Jaimee.
“Iyong bad news na lang ang unahin mo para hindi masyadong masakit sa loob,” maasim ang mukha niyang sabi.
“I am afraid, hindi na ako makakasama sa mga gimmick natin, girls,” sabi ni Jaimee. “Pinayagan lang ako ni John na makipagkita sa inyo dahil birthday ni Jeje.”
“Hey, he has no right to do that. Di pa nga kayo kasal…”
Pinutol ni Jaimee ang pagkontra ni Cherie. “Ikakasal na kami. I am a couple of months pregnant. Iyon ang reason kaya di na ako makakasama sa inyo na lumabas-labas. Sensitive ang pregnancy ko.”
Natutop niya ang bibig. “Oh, God! Paano nangyari iyon?”
Humalakhak si Cherie. “Hindi mo ba alam kung paano nangyayari iyon? Ineng, beinte singko ka na bukas, di mo pa rin alam?” malisyosa nitong sabi.
Matalim niya itong tiningnan. “Hindi iyon ang ibig kong sabihin!”
Natawa na rin si Jaimee. “Dalawang taon ko nang boyfriend si John. Imposible naman na magtitigan lang kami kapag magkasama. And besides, it is an expression of love. Matured couples do that.”
Nasapo niya ang sariling pisngi. “I really can’t imagine it.”
Sa tagal na kasi nilang magkakaibigan, hindi niya nakakalimutan ang pangarap nila na maging virgin brides. Na sa araw lang ng kasal sila magme-make love ng mga lalaking pakakasalan nila.
“Hay, naku! Saang planeta ka ba nanggaling?” nakapangalumbabang sabi ni Cherie. “Sa ating apat, ikaw ang unang nagka-boyfriend. Tapos wala kang alam?”
Namula siya. “Gentleman naman kasi si Hiro.”
“Gentleman?” Itinirik ni Mayi ang mata. “Girl, we are grown and sophisticated women. And men won’t be satisfied with a relationship per se. Hindi lang puro emotional compatibility dapat. May physical aspect din sa isang relasyon.”
Pinagpalit-palit niya ang tingin kina Cherie at Mayi. “You mean, kayo din…”
“Yes, we do it with our boyfriends,” Cherie said shamelessly. “Doon din naman mapupunta iyon. We might as well enjoy it.”
“In short, ikaw na lang ang virgin,” walang kagatol-gatol na sabi ni Mayi. “You don’t even have a first kiss.”
Dinuro niya ito. “Hoy! May first kiss ako. Hiro loved to kiss my hair.”
Nagtawanan ang tatlo. “That’s not counted, dear!” Jaimee cleared.
“Hinalikan din niya ako sa pisngi saka smack sa lips. Minsan.”
“Oh, Je! You are pathetic! French kiss lang ang counted na kiss!” sabi ni Mayi. “Kung pinakasalan mo siya dati, sana hindi ka pathetic.”
Iningusan niya ang mga ito at sumimsim ng iced tea. “Shut up, Mayi! You are starting to sound like my aunt.”
“Bakit? Dahil virgin ka pa rin?” wika ni Cherie.
“Gaga! Kung pinakasalan ko daw si Hiro, di ako mamumulubi. Di ko na rin kailangang magtrabaho. Sana daw masarap ang buhay ko,” kwento niya.
“I think you missed a lot of stuffs when you refused to marry Hiro,” wika ni Jaimee habang kumakain ng spicy grilled squid. “Or I must say that you missed the only guy in your life who could make you happy. Wala ka nang matatagpuan na tulad niya, Jemaikha.”
“Ibig sabihin dapat ko pang balikan si Hiro para sumaya ako?”
“Oo naman,” wika ni Cherie. “Ganoon ang kaligayahan. Kapag nakawala sa iyo, dapat habul-habulin mo kung gusto mo ngang sumaya. Kaya nang malaman ko na si Ron ang happiness ko, hinabol-habol ko kahit ayaw sa akin. Look at me now, I am happy. Feeling ko rin susunod na akong magpakasal sa kanila.”
“Noon siguro mahal ako ni Hiro. But not anymore.” Kung may espesyal sa kanila ni Hiro, ilusyon lang niya iyon. “Nakilala ko na ang girlfriend niya.”