Inis na tinapak-tapakan ni Trizia ang mga damo na di kalayuan sa wooden pathwalk na patungo sa Lakeside Café and Restaurant. Wala siyang planong tumunganga doon habang nagngingitngit pa siya. Mabuti nang kausapin na lang niya ang mga damo kaysa sa ibang tao niya maibuhos ang galit niya.
“Ano ba ang palagay niya sa sarili niya? Santo? Okay lang ba talaga na yakapin niya ang bawat babaeng umiiyak at iiwan na lang niya ako?”
Akala ba niya ay espesyal siya para kay Zairo. Why did he always make her feel left out?
Masasabunutan na sana niya ang sarili sa inis nang makita niyang nakatingin sa kanya ang isa sa mga elite masseur sa Spa na si Vienezze. “Haller! Bakit mukha yatang nagkaka-lines ang lola ko? Pinupuyat ka ba ni Fafa Zai?”
Umingos siya. “Ewan ko sa kanya.”
“Hey! I smell a lover’s quarrel.” Sumandal ito sa puno. “Kaya naman pala nagdadrama kang mag-isa dito.”
“Ikaw? Wala ka bang trabaho?” pag-iiba niya sa usapan.
“Day off ko pero may dance lesson ako kay Danzelle Ann at Richard Don. Sa tingin ko magsasakalan na silang dalawa. Kaya eskapo na ang beauty ko bago pa ako maipit sa war nila. Tama nga si Fafa Myco. War zone basta magkasama silang dalawa. Nakalimutan ko pa mandin magdala ng helmet.”
Kasama rin sina Richard Don at Danzelle Ann sa Mister and Miss Stallion Riding Club. At gaya ng inaasahan, nagbabangayan na naman ang mga ito.
Matabang siyang ngumiti. “That sounds fun.”
“Anong fun doon? Nakakaloka kaya?” Pinagmasdan siya nitong mabuti. “Mukhang malaki ang problema mo. Come on. I-share mo naman sa akin.”
“Hindi ko alam kung sino ang problema. Ako o si Zairo. Hindi lang kasi ako sanay na basta may babaeng tumatakbo sa kanya, basta umiiyak tutulungan agad niya. Tapos nakakalimutan na agad niya ako.”
“Nagseselos ka?”
Marahan siyang tumango. “Masyado ba akong nagiging selfish? Hindi ko lang kasi matanggap na basta basta na lang may ibang babae na yumayakap sa kanya.”
“Sabagay bago ka pa lang dito. Pero sa riding club, si Fafa Zai ang takbuhan ng mga girls. Basta may problema sila sa lovelife, sa pera at kung anu-ano pang problema na pwede mong iyakan, sa kanya sila nagko-confide at hinihingan ng advice. Kahit nga ako makita lang niyang umiiyak, nilalapitan agad niya.”
“Pero kailangan ba talagang yakapin pa niya?” nanlalaki ang mata niyang tanong. Lalo kasing nginangatngat ng selos ang puso niya.
“Wala namang malisya sa kay Fafa Zai iyon. Saka mataas din ang respeto namin sa kanya dito.”
Ipinilig niya ang ulo nang maisip si Zairo yakap ang ibang babae. Nararamdaman pa rin niya ang ngitngit. “Ewan ko. Kahit kasi anong gawin kong pilit na balewala iyon, nagseselos pa rin ako.”
“Hindi ka naman masisisi kung naiinis ka sa mga babaeng yumayakap kay Sir Zairo. Pero karamihan kasi ng mga lalaki dito self-centered. Walang konsiderasyon sa nararamdaman ng mga babae ang iba. Masaya yata sila kapag may napapaiyak silang mga babae. Kaya maswerte na rin kami na may katulad ni Fafa Zai na pwede naming matakbuhan para hingan ng advice.”
Naalala niya ang unang pagkakataon na nilapitan siya ni Zairo. Umiiyak siya noon at nag-insist agad ito na alamin kung ano ang problema niya. Gusto na agad nito na makatulong sa kanya.
Biglang naging hungkag ang pakiramdam niya. Ano naman ang ipinagkaiba niya ngayon sa ibang babaeng tumatakbo dito kapag nangangailangan?
“Ano dapat ang gawin ko para di na ako magselos?”
“Mas maging considerate ka siguro sa mga nakikita mo. Hindi si Sir Zairo katulad ng ibang lalaki na nagsasamantala. Hindi rin siya ang mabilis na magpadala sa tukso kung may mga babaeng intensiyon na akitin siya. Sa dami ng babaeng nagkakagusto sa kanya, bakit ikaw pa ang naging girlfriend niya?”
Zairo must have really loved her. Natitiyak naman niya iyon dahil di naman kulang ang pagmamahal niya dito. Pero mukhang sobra ang hinihingi niya.
“Vienezze!” tawag dito ni Reid Alleje, ang may-ari ng riding club.
Biglang naging alanganin ang ngiti ni Vienezze nang humarap kay Reid. “Yes, King Reid? May iuutos po kayo sa akin?”
“Meron! Ikaw ang papalit kay Aya sa Miss Stallion Riding Club.”
Napanganga si Vienezze na mukhang gulat na gulat. “Me? Why me?”
“Nag-backout siya dahil ayaw na daw niyang ka-partner si Danrick. Kaya ikaw na lang ang pumalit sa kanya.”
Umasim ang mukha ni Vienezze at ipinadyak ang paa. “Bakit ako pa ang ipa-partner sa Danrick na iyon? Daig pa yata niya ang pinagsama-samang volcano sa SINking of Japan kapag sumabog. Masisira ang beauty ko, Sir!”
“Kung hindi ikaw ang ipa-partner ko sa kanya, sino na lang?” tanong ni Reid.
“Why not the bees, the trees and the flowers, Sir?” palusot ni Vienezze.
“Ikaw na ang maging bees, trees at flowers. Puntahan mo na siya. Dahil oras na siya ang mag-backout sa competition, ikaw ang lagot sa akin.”
Parang maiiyak na si Vienezze nang lumingon sa kanya at kumaway na parang beauty queen. “Goodbye, world. Ipagdasal sana ninyo ang kaluluwa ko bago garutayin ng Danrick na iyon. Please don’t forget me.”
“Trizia, pinasasabi ni Zairo na pumunta ka na sa Lakeside Café. Nag-aaala daw siya dahil hindi ka pa dumadating,” sabi ni Reid sa kanya.
Bahagya siyang yumukod. “Thank you, Sir. Pupunta na po ako.”
“Pasalamat si Zairo dahil good mood pa ako. I own this place. Ginawa lang niya akong messenger,” bubulong-bulong na sabi ni Reid.
Nang dumating siya sa Lakeside Café and Restaurant ay naabutan niya si Zairo na kausap pa rin si Aya.
Hinalikan siya ni Zairo sa pisngi at ipinaghila ng upuan. “Saan ka nanggaling? Kanina pa ako naghihintay sa iyo dito. You are not answering your phone.”
“Diyan lang ako sa baba.”
“Sorry kung nakaabala ako sa date ninyo,” sabi ni Aya na sunud-sunod ang pagsubo sa leche plan na in-order nito. Mukhang gutom na gutom ito. Pero isang linggo na itong on diet dahil gusto ni Danrick na magpapayat pa ito,
Nagseselos pa rin siya dahil niyakap nito si Zairo. Pakiramdam kasi niya ay siya lang ang may karapatang yumakap kay Zairo. Pero gaya nga ng sinabi ni Vienezze, si Zairo ang tumatayong kuya sa maraming kababaihan sa riding club. Wala siyang dahian para magselos dito. Bilang isang nobya, dapat ay maging mas considerate siya kay Zairo dahil wala itong masamang ginagawa.
Ngumiti siya kay Aya. “How are you? Okay ka na ba?”
“Nagawan na po ng paraan ni Sir Zairo. Pakiramdam ko kasi mauubos ang dugo ko kay Sir Danrick. Buti na lang pumayag si Sir Reid na mag-backout ako. Goodluck na lang talaga sa papalit sa akin. Ipagpapamisa ko siya.”
At katakot-takot pang papuri ang natanggap ni Zairo mula kay Aya. Siya tuloy ang nahiya sa sarili niya. Hindi kasi niya alam kung hanggang kailan niya kayang unawain si Zairo. O baka di siya ang babaeng nararapat dito.
ALAS tres ng hapon ay puno na ang storytelling area para sa mga bata. Nakaupo ang mga ito maging ang mga magulang sa rubber mat at siya na lang ang hinihintay. Iyon ang isa sa naisip ni Trizia na project para lalong makaakit ng iba pang mga customers ang bookstore nila kasama na ang mga bata.
Bitbit niya ang libro na matagal na niyang gustong basahin. Mulan.
Iyon mismo story book na bigay sa kanya ni Zairo. Maybe because she wanted to think a lot. Kung ano ba ang kaya niyang maging papel sa buhay nito. Kung kaya ba niyang lampasan ang simpleng pagsubok na ibinibigay sa kanya.
Sa particular na araw na iyon, hindi niya inimbitahan si Zairo. Ilang araw siyang di halos nakikipag-usap dito. Nararamdaman marahil nito na may problema pero hindi ito nagsasalita.
Kung napikon ito sa kanya o pinagbibigyan lang siya ay hindi niya alam. Ang natitiyak lang niya ay kailangan niya ng ilang sandali pa para mag-isip.
“Hello, kids!” bati niya sa mga bata at umupo sa harapan ng mga ito.
Nag-ipon-ipon ang mga bata sa harap niya. “Hello, Miss Trizia!” sabay sabay na bati ng mga ito.
“Are you excited to listen to our story this afternoon?” tanong niya.
“Ano po ang story natin?” tanong ng batang si Kenneth.
“Sana si Cinderella,” excited na sabi ni Jessica.
“Gusto ko naman si Sleeping Beauty,” wika ni Eyna.
“Our story is a very special girl as well. Pero hindi sila si Sleeping Beauty o si Cinderella.” Ipinakita niya ang libro. “Her name is Mulan.”
May ibang natuwa subalit ang iba naman ay nagtanong dahil di lahat ay pamilyar kay Mulan. Mas sikat nga naman ang mga Western stories.
“Ayoko yatang marinig si Mulan,” reklamo ni Jessica. Kasunod niyon ay nag-angalan na rin pati ang ibang mga bata.
“I want to listen to Mulan’s story.”
Nang lumingon siya sa nagsalita ay nakita niya si Zairo na nakasandal sa shelf habang nakahalukipkip. Hindi niya inaasahan ang bigla nitong pagdating.
“Miss Trizia, kasali rin po siya?” tanong ng mga bata.
Bagamat dati nang naroon si Zairo kapag storytelling session ay nasa may isang bahagi lang ito ng bookstore kasama ang mga magulang. Ngayon lang ito naihalo sa mga bata. Hindi rin niya inaasahan na pupunta ito.
Umupo ito sa rubber mat sa tabi ni Kenneth at inakbayan ang bata. “Siyempre naman kasali ako. Gusto kong makilala kung sino si Mulan.”
“Hindi ka naman kasali dito. Matanda ka na,” kantiyaw ni Eyna at nagtawanan ito kasabay ang ibang mga bata.
“Bata pa ako. Tanungin ninyo si Miss Trizia,” anitong humihingi ng saklolo sa kanya. Mahirap nga namang pagtulungan ng mga bata.
“Of course. Kasama sa storytelling natin si Kuya Zai.” At ngumiti siya sa mga bata. “Are you ready?”
Attentive naman ang lahat sa pakikinig ng istorya sa kanya. Bagamat may panaka-nakang tanong dahil kakaiba ang kultura sa China at kakaiba rin ang mga nakasama at naging kaibigan ni Mulan ay kailangan din niyang magpaliwanag. At dahil may istorya ng giyera, lalong naging interesado ang mga lalaki.
Tahimik lang si Zairo. Kung may tanong ito, ibubulong nito sa katabi nitong si Kenneth. At nang ngumiti ito sa kanya, unti-unti siyang nagiging positibo sa relasyon nila. She was hoping that somehow she could really work it out with him.
“Nag-enjoy ba kayo sa story ni Mulan, kids?”
Nang iangat niya ang tingin mula sa libro ay wala na sa kanya ang atensiyon ng mga bata kundi nasa kay Zairo na nakahiga sa rubber mat.
“Teacher, nakatulog na po siya,” mahinang sabi ni Kenneth.
“Lagyan natin siya ng paint sa mukha,” pilyang suhestiyon ni Eyna.
“Kids, don’t bother him!” saway niya sa mga ito. “Pabayaan na natin siyang matulog kaya huwag tayong maingay.”
Nag-angalan ang iba subalit sumunod naman ang marami. Nangako na lang siya ng mas mahabang story telling session sa susunod at maagang pinauwi ang mga ito. Kumuha siya ng comforter na ginagamit niya kapag gusto niyang matulog sa opisina tuwing breaktime at ikinumot kay Zairo.
“Ma’am, bakit hindi na lang ninyo gisingin?” tanong ni Bambina.
“I don’t have the heart to wake him up. Hayaan na muna natin siyang matulog.” Mukha kasing pagod na pagod si Zairo.
“Kaso baka maging tourist spot siya dito. Baka magpasukan ang iba niyang fans at bigla siyang dumugin,” sabi naman ni Kass.
“Ire-restrict natin ang area na iyan sa mga customers,” aniya at kumuha ng mga makukulay na barrier para kurdonan ang area.
Bandang alas otso na nang magising si Zairo. Sarado na ang shop noon at naglilinis na lang ang mga staff niya. Dim lang ang ilaw sa area nito.
Nagulat pa ito nang makita kung nasaan ito. “Nakatulog ako?” tanong nito sa kanya habang itinutupi ang comforter.
Tumango siya. “Hindi mo na nga natapos ang storytelling.”
Naghikab ito. “Bakit hindi mo ako ginising?”
“Masyadong masarap ang tulog mo. Sinabi sa akin ni Myco na huwag daw kitang gigisingin kapag masarap ang tulog. Baka maging kasing bagsik mo daw ang mga Huns,” pabiro niyang sabi.
Hinaplos nito ang dulo ng ilong niya. “Silly. Sabay na tayong mag-dinner. Hihintayin lang kita dito.”
Nauna nang umuwi ang mga staff niya at binalikan si Zairo sa storytelling area. Nakaupo pa rin ito sa gitna ng rubber mat habang hawak ang libro. Nakatitig lang naman ito sa cover pero di nito binubuklat.
“Zairo, umuwi na tayo?”
“Dito muna tayo. I just want to stay here even for a while.” Hinawakan nito ang kamay niya at hinatak siya paupo sa harap nito. “So what happened? Nasagip ba ni Mulan si Captain Shang? Buhay ba siya?”
“Mulan definitely has a happy ending. Yes, she saved Captain Shang. She saved the Emperor and all of China. She’s really the perfect heroine, right?”
“I think she’s just too hot to handle. Alam na niya ang lahat ng gusto niya. Kaya din niyang protektahan ang sarili niya. She even saved her own hero. She doesn’t need any protection at all.”
“Parang may naririnig akong overflowing male pride dito? Sofiajade told me before. Nagprotesta daw ang buong riding club against Artemis Riding School. Ayaw daw kasi ninyo sa mga amazona at mga babaeng marunong lumaban..”
“Hindi ako kasali sa kanila,” kaila agad nito. “Ang totoo gusto ko ngang maging girlfriend katulad ni Mulan. Noong bata ako, pinangarap ko pa nga na sana hindi nag-e-exist sila Cinderella o kahit sinong heroine na mahihina.”
“Talaga? Bakit naman?”
“Ayokong makakakita ng babaeng umiiyak. Ayoko na makita silang nasasaktan. I want someone who could stand up for herself in a way. Sana lahat ng babae hindi katulad ng mommy ko.”