Stallion Series (Sofia Edition) Chapter 243

“Ano kaya ang magandang ilagay na kulay kay Steffan?” tanong ni Danrick. Kailangan kasing lagyan ng dye ang kabayo nito. At dahil katu-katulong sila sa pagbuo ng float, kailangang maging katu-katulong sila sa pagde-design. Ang kabayo kasi ni Danrick ang magiging chariot horse ng float nito.

“Gold kaya dahil may gold din sa costume ninyo,” suhestiyon niya.

“You can’t paint the horse gold all over,” sabi naman ni Danrick. “Tama na siguro ang white. Huwag nang kulayan.”

“Pink na lang para bongaseous!” deklara ni Vienezze na nakataas pa ang dalawang kamay. “Agree?”

“Anong pink?” sigaw ni Danrick at itinutok ang kahoy nitong espada na siyang sandata nito bilang Spartan soldier kay Vienezze. “Magkakamatayan tayo oras na gawin ninyong pink ang kulay ni Steffan.”

Niyakap ni Vienezze ang sarili. “I just want to make it livelier. Ang boring ng kulay na nai-suggest mo. Dapat colorful. Pwedeng rainbow color.”

Biglang ihinagis ni Danrick ang kahoy na espada sa inis. “Ayoko na. Hindi talaga ako sasali sa contest na iyan. Ikaw na lang mag-isa.”

“Oh, good! Ibig sabihin talo ka na sa usapan natin.” Umupo sa bench si Vienezze at pinagkrus ang hita. “Magkita na lang tayo bukas sa…”

Mabilis pa sa alas kuwarto ay kinuha ni Danrick ang espada nito at tumayo ulit sa kabayong si Steffan. “Sige! Anong kulay ang gusto mo? Pink? Rainbow color? Kahit ano pa iyan basta manalo lang tayo sa competition.”

Nakangiting lumingon sa kanila si Vienezze. Ngiti ng tagumpay. “Gusto ko ng rainbow color para sa main at sa tail ni Steffan at pink sa iba pang parte ng katawan. I think it would be perfect for the grand design of our float.”

Nakita niya ang pagtatagis ng bagang ni Danrick. Parang may gusto itong suntukin pero nagtitimpi lang. “Zai, magpaalam na kaya tayo sa kanila. Sa palagay ko pare-pareho na tayong dapat magpahinga.”

“Sa palagay ko nga. Bukas na lang natin ituloy ang dyeing.”

“Sige. I am going home. Babush!” sabi ni Vienezze at nakatikwas ang daliri na naglakad palayo.

“Sandali!” anang si Danrick at hinaklit ang braso nito. “Ako ang maghahatid sa iyo pauwi. Mag-uusap tayo nang masinsinan.”

“Mukhang mali yata ang desisyon ni Reid na gawin silang magka-partner,” bulong niya kay Zairo.

“I think it is perfect. Mukhang hindi ito labanan para sa title ng Mr. and Miss Stallion Riding Club. Labanan ito ng mga mister and miss mismo. Lahat yata ng magkaka-partner mga sworn enemies.”

Hinalikan nito ang noo niya nang ihatid siya sa gate ng working lodge niya. “Take a rest. Hindi mo na kami kailangang tulungan bukas. Alam ko naman na pagod ka na rin sa trabaho mo.”

“Pero pupuntahan ko pa rin kayo. Gusto kong makita kung ano ang nangyari sa float. O kung ano ang nangyari sa mga contestant natin.”

“Nag-uusap na silang dalawa. I guess that is fine.”

Napanganga siya. “Nag-uusap? Mukhang malapit nang gilitan ng leeg ni Danrick si Vienezze.”

“At least hindi siya umiiyak tulad ni Aya. Vienezze will survive.” Niyakap nito ang baywang niya at kinintalan siya ng halik sa labi. “I will call you later. Pwede mo ba akong kwentuhan para makatulog ako?”

“Anong story ang gusto mo?”

“Taketori Monotagari. The Tale of the Bamboo Cutter.”

“Hindi naman iyon happy ending, hindi ba?”

“Pero sexy iyong moon goddess na si Kaguya-hime. She’s really hot!”

Matalim niya itong tiningnan. “Hot pala, ha? Humanap ka ng ibang magbabasa ng moon goddess mo.”

Niyakap siya nito mula sa likuran. “Of course you are my moon goddess. Bigla ka namang nagselos diyan.”

“Okay. I will wait for your call later.”

Naghahanda na siya sa pagtulog nang makatanggap siya ng tawag. Nagtaka siya dahil hindi naka-register ang numero nito. “Hello.”

“Trizia, this is Macy. Pwede ba tayong magkita ngayon?”

NATAGPUAN na lang ni Trizia ang sarili sa isang public hospital. Sa maternity ward ay nakahimlay si Macy sa hospital bed at may nakalagay na IV sa kamay.

Malungkot itong ngumiti nang makita siya. “Pasensiya na kung naabala kita.”

“Sorry. Hindi agad ako nakapunta dito.” Late na rin kasi itong tumawag nang nagdaang gabi. Tapos na rin naman ang visiting hours sa ospital kaya di siya papapasukin. Pinili na lang niyang um-absent kinaumagahan para makita ito.

Inilapag niya ang basket ng prutas sa mesa sa tabi ng kama nito. “Kumusta ka na? Nag-premature labor ka?” Di pa naman nito kabuwanan subalit napilitan na ang mga doctor na paanakin ito.

“Patay na rin ang anak ko,” anito at humagulgol ng iyak.

“I-I am sorry.” Masayong masakit para sa isang ina na mawalan ng anak.

“Kasalanan ko ito. Kung hindi ko sana ipinilit ang sarili ko kay Toby, hindi ito mangyayari. Sana hindi ako nasasaktan ngayon.”

Ginagap niya ang kamay ni Macy. “Tapos na iyon. Kinalimutan ko na ang nangyari. Napatawad ko na kayo ni Toby sa nangyari.”

“Pero hindi pa rin niya ako napapatawad. Nang makita ka niya ulit, sinabi niya sa akin na ikaw pa rin ang mahal niya. Hindi niya ako mapakasalan dahil hanggang ngayon, umaasa pa rin siya na babalik ka sa kanya. At ngayong wala na ang anak namin, malaya ka nang makakabalik sa kanya.”

Mariing naglapat ang labi niya. “No! Hindi ako babalik sa kanya. Nang malaman kong nakipagrelasyon siya sa akin at pinagtaksilan ako, alam kong wala nang mangyayari sa relasyon namin. Pakasalan ka man niya o hindi, wala na akong planong bumalik pa sa kanya.”

“Bakit? Hindi mo na ba siya mahal?”

“Minahal ko siya dati pero nawala agad iyon nang saktan niya ako. Madali akong mawalan ng tiwala sa isang tao. Balewala sa akin ang ilang taong pinagsamahan namin kung siya ang unang nambalewala. At hinding-hindi ko ipagpapalit ang boyfriend ko ngayon kay Toby.”

Mula sa tamang pagtrato sa babae hanggang sa pag-ako ng responsibilidad, malayong-malayo ang agwat ng dalawa. Hindi perpekto si Zairo. Marami itong kinatatakutan. Pero kahit kailan ay hindi ito nagpatalo. Kung may takot man ito, hindi ito nanakit ng ibang tao para pagtakpan ang kahinaan nito. Kay Zairo din niya naramdaman ang totoong pagmamahal at pag-aalaga. At kahit may pagkakataong nagtatalo sila, she knew that they wanted their relationship to work.

“Bumalik ka man o hindi, aalis na rin ako sa kanya,” malungkot na sabi ni Macy. “Tama ang sinabi mo dati. Hindi nga niya ako kayang ipaglaban. Ni hindi niya masabi sa magulang niya ang tungkol sa amin. Ni hindi niya maamin sa iba na magkakaanak kami. Ayaw naman talaga niya sa anak namin.”

“That’s enough. Start anew.” Marahil ay kailangan nito ng panahon para maka-recover sa nangyari. “Kailangan mong maging matatag. Wala ka nang ibang maaasahan kundi ang sarili mo lang.”

“Sayang. Hindi ako kasing tatag o kasing tapang mo.”

“Hindi mo masasabi iyan hangga’t hindi mo nasusubukan.” Dahil iyon din ang nangyari sa kanya. Kung wala siyang pinagdaanang unos, hindi niya matutuklasan na may itinatago pala siyang lakas. At maswerte siya dahil naroon si Zairo para alalayan siya nang panahong pakiramdam niya ay inapi siya ng mundo.

“Ano nga pala ang gagawin mo kay Toby? Ang sabi niya kakausapin ka niya. Umaasa siya na babalik ka pa rin sa kanya dahil siya daw ang mahal mo.”

Tumayo siya. “I guess it is high time that I set the record straight.” Nang makalabas siya sa ospital ay tinawagan agad niya ang numero ni Toby. “Hello, Toby! Pwede ba tayong mag-usap?”

“MATAGAL ko nang hinihintay na magkausap tayo, Trizia. Matagal ka na ring hinihintay ng bahay na ito. Dapat sana yayayain na kitang magpakasal oras na mai-award sa akin ang bahay. Siguro naman matutuloy na ang pangarap natin.”

Iginala niya ang tingin sa bagong tayong bahay na pinagdalhan sa kanya ni Toby. It was a two-storey house in a subdivision in Rizal. May magandang view ng kabundukan mula sa bahay.

Nang tawagan niya ito, di niya inaasahan na doon sila mag-uusap. At di niya inaasahan na iyon ang isosorpresa nito sa kanya. Parang gusto niyang pagtawanan ito. Gusto niyang sabihin na burado na ito sa mga pangarap niya.

“Toby, hindi ako nagpunta dito para ituloy ang mga pangarap natin. They are all gone the moment you ditched me.”

Ginagap nito ang kamay niya. “Alam kong nasaktan kita dati. I am sorry. Nakalimot ako. And I am regretting it. Wala na rin si Macy sa buhay ko. Wala na ang anak namin. Pwede na tayong magsimula ulit.”

Walang emosyon niya itong tiningnan sa mga mata. “This is really convenient for you, right? Kapag may nagustuhan kang isang bagay, basta mo na lang itatapon kung ano ang hawak mo. At kapag nagsawa ka, babalikan mo naman ang isa. Anong palagay mo sa amin? Wala kaming nararamdaman?”

Hinalikan nito ang kamay niya. “That’s why I am making it up with you. Magpakasal na tayo. Wala nang habol sa akin si Macy.”

Hinablot niya ang kamay niya mula dito. Parang hindi na niya matagalan na hawakan pa siya nito. “Toby, it’s over. May bago na akong buhay. I am happy with Zairo. Matagal ko nang kinalimutan ang tungkol sa ating dalawa.”

Umiling ito at hinawakan siya sa magkabilang balikat. “Nararamdaman ko na mahal mo pa rin ako. Siguro nasasabi mo lang na masaya ka sa lalaking iyon para saktan ako. I am willing to forgive you. Handa akong kalimutan na nagustuhan mo…”

Pinalis niya ang kamay nito sa balikat niya. “Let me make this clear. Hindi mo ako kailangang patawarin. That was supposedly my line. Ikaw ang may kasalanan sa akin. Kung magmahal man ako ng iba, it is my right. Ikaw ang nang-iwan sa akin. At sa palagay mo ba sa iyo lang iikot ang mundo ko? Well, you are wrong.”

That was so lame! Tulad ng dati, siya na naman ang lumalabas na may kasalanan sa mga pagkukulang nito. Hindi siya makapaniwalang di niya nakita ang bahagi ng pagkataong iyon ni Toby. Self-centered ito at palala ito nang palala sa pagdaan ng panahon. Mabuti na lang at nakikita na niya iyon ngayon.

Niyakap siya nito. “Ako ang mahal mo.”

Itinulak niya ito nang malakas. “No, you are not. At huwag mo na akong hahawakan ulit. I am not yours anymore, Toby. Well, I was never yours. You know why? Dahil hindi ko na papangarapin na makasama ang insensitive at self-centered na katulad mo. Wala kang kayang mahalin kundi ang sarili mo.”

Saka siya nagmamadaling lumabas ng pinto. Nagulat na lang siya nang makitang nasa labas lang si Zairo. Pinapanood lang sila. Sinundan ba siya nito?

Nagpapalit-palit ang tingin niya dito at kay Toby. “Zairo, I…”

Hinapit ni Toby ang baywang niya. “Pare, pasensiya na pero ako ang mahal ni Trizia. Siguro sinasabi niyang mahal ka niya pero pera lang naman ang habol niya sa iyo. Hindi na niya iyon kailangan dahil ako na ang pinili niya.”

Nahindik siya sa sinabi ni Toby at pilit na kumawala dito. “Hindi totoo iyan.” Nilingon niya si Zairo. “Look, Zai… I will explain.”

Nakahalukipkip si Zairo habang matalim ang tingin sa kanila ni Toby. Naniniwala ba ito sa sinabi ng lalaki? “Mukha palang pera si Trizia kung ganoon. What a pity! Ganyan pala ang pagkakakilala mo sa kanya.”

Biglang nalito si Toby. “Hindi naman iyon ang ibig kong sabihin… kasi…”

Ngumisi si Zairo. “Sa palagay mo ba ikaw ang klase na babalikan ni Trizia? She must be really stupid if she’d do that.”

“Wala akong planong bumalik sa kanya!” mariin niyang tanggi. Hindi pa naman maluwag ang turnilyo niya para piliin si Toby. O kahit siguro lumuwag pa ang turnilyo niya, hindi niya ito babalikan.

“You heard Trizia. Ayaw niya sa iyo.” Hinawakan ni Zairo ang kamay niya at hinatak siya palapit dito. “Sana simula ngayon huwag ka nang lumapit sa girlfriend ko. Dahil kahit pa ikaw ang piliin niya, hindi ko siya ibibigay sa iyo.”

Nakadama siya ng kapanatagan habang hawak ang kamay ni Zairo. She knew that he would really fight for her if needed. At hindi rin naman ito makakayang labanan ni Toby kung sakali. Wala namang buto si Toby para labanan ang may karakter tulad ni Zairo. She was sure that he was only blabbing to save face.

Humalakhak ng malakas si Toby. “Sige. Magsama kayo. Magsisisi ka rin dahil malalaman mo na ako ang mahal niya. At pera lang niya ang habol niya sa iyo. Iyon naman talaga ang totoo.”

Malapad ang ngiti niyang nilingon si Toby. “Excuse me! Kahit na bumaba pa ang market value ni Zairo, mas pipiliin ko pa rin siya sa iyo. At kahit na wala siyang pera, lamang pa rin siya ng sampung paligo sa iyo.” Hinatak niya ang kamay ni Zairo. “Halika na! Baka kung ano pa ang magawa ko sa kanya,” ngitngit niya.

“Sa palagay mo ba natauhan na ang ex-boyfriend mo? Naniwala kaya siya na hindi mo na nga siya mahal?” tanong ni Zairo nang pabalik na sila sa riding club.

“Wala akong pakialam kung naniniwala man siya o hindi,” aniya at tinungga ang mineral water para kumalma siya. “Mag-ilusyon siya hanggang gusto niya. Iyon na lang naman ang magagawa niya. Ang mag-ilusyon.” Nilingon niya ito. “Ano nga pala ang ginagawa mo dito? Sinusundan mo ba ako?”

“Nag-alala lang ako. Basta ka na lang um-absent sa trabaho at hindi ko alam kung nasaan ka. Lalo akong nag-alala nang malaman ko na pinuntahan mo si Toby.”

“That jerk! Akala naman niya babalikan ko siya. Wala siyang puso. Matapos mamatay ng anak nila ni Macy, pakiramdam niya babalikan ko siya. At sasabihin niya na mahal pa rin niya ako matapos niya akong lokohin. Lalaki ba talaga siya?”

Nagpapasalamat lang siya na di niya nararanasan ang dinadanas ni Macy. Mas mahirap ang pinagdadaanan nito. Nawala na nga ang anak nito, nawala pa si Toby. At hindi rin nito alam kung paano magsisimula.

Hinawakan nito ang kamay niya. “I am glad you didn’t choose Toby.”

“Huwag mong sabihin na natatakot kang ipagpapalit kita sa kanya? Matagal na akong natauhan. He’s nothing but nightmare.”

“Kung hindi mo naman ako pipiliin, wala ka rin namang magagawa. I will take you back. Alam ko na mas mapapasaya kita kaysa sa kanya.”

“Paano nga pala kung mas pipiliin ko pa rin na bumalik sa kanya kaysa sa iyo?”

“Walang paano kung dito. There are no what ifs either. You are mine. Sa palagay ko naman hinding-hindi mo ako mapahihindian. At lalong hindi mo ako matitiis.”

Natawa lang siya. Kahit pa kasi ano ang tampo niya dito, basta makita lang niya ito ay hindi na tumatagal ang galit niya. Kahit ang pinaniniwalaan niyang mali ay nagiging tama basta iyon ang paraan para makasama niya ito.

Kinintalan niya ito ng halik sa gilid ng labi. “Thanks for coming into my life.”

Biglang nag-swerve ang sasakyan at nawala sa linya. “Trizia! DO you want to kill us both? Marami pa akong plano sa buhay. Gusto ko pang makita ang mga apo natin.”

She placed her hands on her lap and sat promptly like a real lady. “Sige. Ituloy na lang natin iyan pagdating sa riding club.”

“That is definitely a nice idea,” nakangiting sabi ni Zairo.

With that smile, she knew that she could last forever. Hindi siya perpekto at hindi ito perpekto. At hindi rin perpekto ang relasyon nila. Ngunit alam niyang kaya nilang malagpasan ang mga pagsubok na haharapin nila.

She knew that she could stay in love forever with Zantino Roberto Montevedra III.

NovelDark

Your free library of light novels, web novels and translations. Romance, fantasy, action, drama — thousands of chapters updated daily, no signup needed.

Genres

© 2026 Noveldark. All rights reserved.