Stallion Series (Sofia Edition) Chapter 244

Isa lang ang nais ni Daeia sa pagbalik sa Aringan, tribong pinagmulan. Nais niyang tanggapin ng tribo na nagtakwil sa kanya noong bata pa siya at maipagpatayo ng sariling paaralan ang Aringan para umunlad.

Tuwang-tuwa siya nang sabihin ng mga ito na maari siyang maging bahagi ng tribo. Tinanggap nga siya ng mga ito subalit mabigat ang kapalit. Kailangan niyang pagtiisan ang presensiya ni Mark Ashley Camello, ang pinakaguwapo pero pinaka-aroganteng nakilala niya sa buong buhay niya.

Ngunit di basta-bastang lalaki si Mark Ashley. Nang makasama niya ito sa Stallion Riding Club, natuklasan niya na malaki ang agwat nila. Natutunan niya itong mahalin sa kabila niyon. Subalit kahit kailan, hindi naman siya ang babaeng nanaisin nitong makasama.

Muli ay parang napaka-imposible ng kaligayahan para sa kanya.

“Ah! Ang lamig ng tubig dito! Parang masarap magtampisaw at maligo!” Naghilamos pa ulit si Daeia sa tubig mula sa talon. “Halika! Samahan mo rin ako,” yaya niya sa kakambal na si Dresdana na nakatayo sa may batuhan.

“Hindi maari. Bawal akong lumayo ngayon sa tribo pero gusto rin kitang samahan dito,” wika nito habang pinagmamasdan siya.

“Sila na ang kasama mo sa loob ng ilang taon. Habang anim na taon tayong hindi nagkita. Unfair naman kung sa kanila ka pa rin habang nandito ako.”

Labinlimang taon siya nang huling makapunta sa Aringan at tuluyan nang ilayo ng kanyang ama doon. Ang ama niya ay hindi bahagi ng tribo. Taga-Maynila itong doktor na minsang nagtungo sa Aringan para sa isang medical mission. Bagamat wala itong tutol sa pagbalik niya sa Aringan, hindi nito matagalan ang pagtrato sa kanya na parang outsider doon.

“Hindi rin naman kita matitiis.” Dahil marahil sa iisa lang ang kanilang dugo, tinanggap pa rin siya ni Dresdana sa kabila ng pagtutol ng mga taga-Aringan.

Nag-floating siya sa tubig at pinagmasdan ang asul na langit. That place was her only solitude before. Kapag walang pumapansin sa kanyang taga-tribo, doon siya tatakbo at gagaan na ang loob niya kapag napakinggan ang lagaslas ng tubig.

“Halos walang nagbago sa lugar na ito. Maganda pa rin,” komento niya.

“Hindi mo lang napapansin pero marami nang nagbago dito. Ang tubig, ang mga puno at maging ang mga bato ay hindi na tulad ng dati. Marami na silang pinagdaanan tulad ng mga tao. Nariyan ang ulan, ang init ng araw maging ang hangin ay nakapagpabago sa kanila.”

Ngumiti siya. “Ayan ka na naman. Dinadaan mo na naman ako sa talinghaga. Ang ibig ko lang namang sabihin maganda pa rin dito.”

Lumungkot ang mga mata nito. “Napakatagal mong nawala. Akala ko hindi ka na babalik pa at hindi na tayo magkikita.”

“Bakit naman hindi na ako babalik?” Umahon siya sa batuhan at umupo sa tabi nito. “Isa pa rin akong Aringan at ito pa rin ang tahanan ko.”

Huminga ito nang malalim. “Pero ang sabi ni Apo Tulka, sa kapatagan ka nababagay. Dahil sa di rin pagtanggap sa iyo, naisip ko na mas magugustuhan mo doon. Makakalimutan mo na ang Aringan pati ako.”

Ginagap niya ang kamay nito. “Magkakambal tayo. Sabay tayong ipinanganak. Iisa lang din ang mga magulang natin. Kahit na paghiwalayin pa tayo, iisa pa rin tayo. Tulad ng Aringan. Pakiramdam ko lagi akong may lugar dito.”

Ang Aringan ay isang tribo sa gitna ng kabundukan ng Cordillera. Dahil di naabot ng sibilisasyon, napanatili pa rin ang kultura nila. Walang sinuman sa Aringan ang nakapag-aral dahil lubhang malayo ang pinakamalapit na paaralan. Sa palagay din ng marami ay sapat na ang kaalaman nila.

Minsan lang itong nagbukas para sa isang medical mission ng mga doktor kung saan kasama ang kanyang ama. Na-in love ito at ang nanay niyang si Yumi sa isa’t isa. Nangako ang ama niya na babalik subalit di na ito nakita pa ng ina niya. Namatay ang ina nila ni Dresdana noong ipanganak sila.

Noong una ay pantay ang trato sa kanila. Limang taon siya nang sadya silang pinaghiwalay ng tadhana ni Dresdana. Isa lamang ang kikilalanin sa kanilang Aringan. Kung sinuman ang may nagtataglay ng kapangyarihan ng isang ilka o pang-ispiritwal na pinuno ng tribo na maihahambing sa mga shaman, iyon ang pipiliin na makabilang sa tribong Aringan.

Mahigpit ang batas sa kanila na nasa linya ng mga ilka. Iginagalang kasi ang pamilya nila sa tribo. Isang ilka ang lolo nilang si Apo Tulka. May kakayahan itong makipag-usap sa mga anito o espiritu ng mga ninuno nilang gumagabay sa tribo. May kakayahan din itong makita ang hinaharap. Habang siya ay isang ordinaryo lang na nilalang. Isa siyang tagapatag at hindi isang Aringan. Kaya nang dumating ang kanyang ama noong pitong taon siya, siya ang isinama nito pabalik sa Maynila.

Bumabalik-balik siya sa tribo subalit halos di siya kinakausap ng lahat. Kailangan pa nilang tumakas ni Dresdana para makapag-usap. Masakit iyon para sa kanya. Ang di makausap ang sarili niyang kapatid. Ito lamang kasi ang tumatanggap sa kanya. Kaya nang tuluyan na siyang di papuntahin ng ama niya sa Aringan, nangako siya sa sarili na babalik siya sa tribo. At ito ang araw na iyon.

“May pangarap ako kaya bumalik ako dito, Dresdana. Gusto kong makapagpatayo ng sarili nating paaralan para sa Aringan.”

“Paaralan? Hindi na natin kailangan iyon. Ang lahat ng kailangang matutunan ng mga bata ay naituturo na ng magulang sa tahanan.”

“Ayoko lang matulad ang tribo natin sa ibang tribo na walang alam kaya pinaglalaruan lang ng ibang mga tagapatag. Iyong iba inaagawan ng lupa at pinapatay. Kung matuturuan natin ang lahat, di tayo basta basta maloloko. Simpleng pagbabasa, pagsulat at pagbilang lang pero malaki na ang maitutulong sa lahat.”

Hindi lingid sa kanya ang ilang mga tribong inagawan ng ancestral domain dahil kulang sa kaalaman. At ang mga lumalaban naman ay binabawian ng buhay. Karamihan sa mga ito ay hindi na nabigyan ng katarungan. HIndi malayong maranasan din iyon ng mga Aringan pagdating ng panahon.

Mukhang diskumpiyado pa rin si Dresdana. “Hindi ba iyon makakasira sa kaalaman ng tribo natin?”

“Sa palagay ko naman hindi. May mga katutubo na napapanatili pa rin ang kultura nila sa kabila ng modernisasyon. Iyon din ang gusto kong mangyari sa atin.” Pinaglaruan ng paa niya ang tubig. “Nang mag-aral ako, nabuksan ang isip ko sa mga kakulangan ng tribo natin. Una na ang edukasyon. Kaya nga pinilit kong maging guro. Hindi ba maganda kung mas maraming matututunan ang lahat. Kung mag-aaral ang lahat, mas maiintindihan din natin ang tungkol sa paligid natin pati na rin ang mga taong di kabilang sa tribo natin.”

“Parang napakaraming kailangang pag-aralan. Mahirap yata.”

“Madali lang iyan. Sa palagay ko nga mas mahirap pa ang responsibilidad mo bilang susunod na ilka kaysa sa pag-aaral. Tutulungan mo ba ako?”

“Gusto man kitang suportahan, wala pa akong kapangyarihan para impluwensiyahan ang mga kasama natin. Hindi pa ako ang ilka. Si Lolo pa rin.”

“Basta sabihin mo lang na naniniwala ka sa mabuting layunin ko sa tribo, pwede na iyon. Pwede ko bang kausapin si Lolo?”

“Pagkatapos na marahil ng piging.”

May panahon pa siya para paghandaan ang sasabihin niya sa tribo kung ganoon. Sana lang ang makumbinsi niya ang mga ito. Alam niyang mahirap dahil di pa siya tanggap ng Aringan. Subalit kailangan niyang maging matatag.

Tinalunton nila ang daan sa tabi ng ilog pabalik sa tribo nang mapansin niyang may iba pang nilalang sa di kalayuan. Bumilis ang tibok ng puso niya nang makita niya ang isang puting kabayo na umiinom sa kabilang pampang ng ilog.

Napanganga siya dahil naakit siya sa ganda niyon. “Iyan ang…”

“Ang hari. Siya ang hari ng pulutong ng mga kabayo.”

Bata pa lang siya ay pamilyar na siya sa mga wild horses na dumadalaw sa tribo. Malapit sa tribo nila ang isang lawa na sagrado dahil sa mga wild horses. Naniniwala kasi ang tribo nila na ang mga kabayo ay may ispiritwal na kapangyarihan. Kaya naman iginagalang ito ng tribo nila.

“Bumalik na sila?” aniya sa masayang boses. Nakakabalik pa siya sa tribo noon nang mabahala ang tribo sa pagkawala ng mga kabayo. Isa iyong masamang senyales para sa tribo nila. Natutuwa siyang makita muli ang mga ito.

“Subalit nananatiling mailap.”

Kinuyom ang palad. “Ako ang makakasakay sa kabayong iyan.”

Lumusong siya sa tubig para puntahan ang kabayo. Sinuman ang makasakay hari ng mga kabayo ay magtatamo ng kaligayahan. Bata pa lang siya ay hinahabol-habol na niya ito. Marami siyang kahilingan na gustong matupad.

Gusto niyang subukan ulit. Gusto niyang maging masaya. Gusto niyang tanggapin bilang isang Aringan at maipatayo ang paaralang gusto niya.

Nang lumusong siya sa tubig ay nabulabog ang kabayo at nagtatakbo palayo. Binilisan niya ang pagtawid sa ilog. “Sandali! Hintayin mo ako!” aniya sa kabayo.

“Daeia, bumalik ka dito! Hindi mo na siya mahahabol!” anang si Dresdana.

“Mauna ka nang umuwi. Babalik din ako kapag nahabol ko na siya!”

Kahangalan marahil ang gagawin niya. Subalit marami siyang gustong gawin. Marami siyang gustong tuparin. Kung kailangan, gagawin niya ang imposible.

SARAP na sarap si Mark Ashley sa pagtulog. Malamig na malamig ang panahon dahil nasa gitna siya ng kabundukan ng Cordillera at sa tent lang siya nakatira. Sinasamantala na rin niya dahil ilang oras din ang nilakad nila makarating lang doon. Malayo pa kasi ang kalsada kung saan sila ibinaba ng van na sinakyan nila kanina. Kaya naman masarap sa pakiramdam ang lamig na bumabalot sa paligid. Walang ingay, walang polusyon. Makakapagpahinga siyang mabuti.

Naalimpungatan siya nang may humila sa kanya. “Ash, bangon! Pumunta tayo sa tribo ngayon na. Excited na talaga akong makita sila,” pangungulit ng pinsan niyang si Richard Don na kasama niya sa bakasyong iyon. Don Richard ang tawag niya dito dahil parang isa itong don. Mahilig magtapon ng pera.

Napaungol siya. Gusto man niyang idilat ang mga mata, kusa iyong sumasara. Tiyak na sasakit ang ulo niya dahil naputol ang tulog niya. “Don Richard, nakita mo nang natutulog ang tao.” Humiga ulit siya at itinalukbong ang paborito niyang blanket. Kahit saan pa siya bundok mapadpad ay bitbit niya iyon.

“Bakit ka pa magtitiis dito sa tent at matutulog kung pwede naman tayong pumunta sa tribo? Kaya nga ako pumunta dito sa Cordillera para sa kanila. Pagkatapos hindi man lang tayo makalapit,” angal nito.

Ang Aringan ay isang tribo sa Cordillera. Tahimik na namumuhay ang mga ito at di masyadong nakikipag-ugnayan sa mga tagalabas. Mababait naman ang mga ito. Minsan na siyang nakapunta sa naturang tribo bilang chopper pilot ni Reid Alleje, ang may-ari ng prestihiyosong Stallion Riding Club. Nakatulong ito at ang asawa nitong si Tamarra sa pagprotekta sa mga wild horses.

Ngayon ay nagdiriwang ang tribo para sa pagbabalik ng mga kabayo sa Maburaho. Naniniwala kasi ang mga Aringan na may kapangyarihan ang mga kabayo lalo na ang pinuno ng wild horses. Ayon sa paniniwala, sinuman ang makakontrol sa naturang kabayo ay magtatamo ng habambuhay na kaligayahan.

Di siya naniniwala sa mga pamahiin at kasabihan. Naroon lang silang magpinsan para sumali sa kasiyahan. Interesado rin sila na maglaban sa pagsakay sa wild horses. Pareho kasi silang mahilig sa kabayo. Sa riding club kung saan miyembro sila at nagsilbi na ring tahanan nila ay may mga kabayo sila. Pero iba pa rin ang challenge na magkontrol sa wild horses.

Gusto lang nilang patunayang magpinsan kung sino ang mas magaling sa kanilang dalawa. At patutunayan niya sa lahat na siya iyon. Siya ang mananalo.

“Mamayang gabi pa sila magsasagawa ng ritwal para sa cleansing. Baka daw may dala tayong kamalasan. Kailangang protektahan ang tribo,” paliwanag niya. “Magtiis na muna tayo dito sa tent.”

“Bakit si Eizhiro nakasama?” angal nito. Si Eizhiro ay miyembro din ng Stallion Riding Club at nagsilbing guide nila.

“Ilang beses na siyang nakapunta dito. Parang ampon na nga siya ng tribo. Saka official business ang ipinunta niya dito. Kailangan niyang I-cover ang festival kaya nandoon siya para kunan ng pictures ang ritual.”

Isang photographer para sa isang cultural at wildlife photograper para sa isang international magazine si Eizhiro. Assignment nito na kunan ang festival para sa wild horses. Naka-scoop na ito noon ang tungkol sa mga Aringan. Ipapasundo na lang daw sila nito sa mga katutubong Aringan kinabukasan.

Niyakap ni Richard Don ang tuhod. “Nakakainggit. Siguro nag-e-enjoy siya sa company ng mga magaganda at sexy na babae.”

“Huwag ka nang magpilit na pumunta doon. Magpasalamat ka na lang dahil makakasali tayo sa festival nila bukas. Excited na akong sumakay sa wild horses.”

Malaki ang utang na loob ng mga Aringan sa mag-asawang Alleje. Kaya bilang mga kaibigan ng mga ito ay pinahintulutan sila na sumali sa paligsahan sa pagsakay sa wild horses. Saka na niya iisipin ang mga babae.

“Hindi ka interesado sa mga babae?”

Ngumisi siya. “I go for sophisticated women. Iyong mahilig sa fun. Allergic ako sa mga conservative. Alam mo iyan.”

“Yes. Tulad ng mga babae sa riding club.”

Sikat na sikat ang Stallion Riding Club sa mga kababaihan sa bansa. It was a haven for rich young men in the country. Pangarap ng mga babae na makapasok doon para lang makakita ng prinsipe. At siya, si Mark Ashley Camello, ay di magiging interesado sa isang babae mula sa tribo. Wala siyang balak na mapikot.

“Maglakad-lakad ka na lang para mawala ang inip mo,” aniya at humiga.

“Matutulog na lang ako,” anito at humiga sa tabi niya.

Nawalan na siya ng ganang matulog nang marinig ang hilik ng pinsan. Mukhang pagod na pagod ito sa mahabang lakarin. Bumangon siya at lumabas ng tent. Nag-inat siya. Di na siya makakatulog pa kaya naglakad-lakad na lang siya.

He was a nature lover. Gustong-gusto niya ang mga tahimik na lugar na walang masyadong tao kapag gusto niyang mapag-isa. Minsan na siyang nakapag-trek doon. Ang alam niya ay may falls di kalayuan sa tent nila. Aaliwin na lang marahil niya ang sarili doon kaysa naman tiisin ang hilik ni Richard Don.

Naririnig na niya ang lagaslas ng tubig nang makarinig siya ng mga yabag. Ilang metro sa likod ng mga nagtataasang puno ay may puting kabayo na humahagibis ng takbo. Natigil siya sa paglalakad at pinagmasdan ang malayang pagtakbo nito. He really loved horses. Gusto niya ang pagiging malayo nito. Iyon ang unang pagkakataon na makakita siya ng wild horse in action.

Nakalagpas na ang kabayo nang maya maya ay nakarinig siya ng halakhak ng isang babae. “Sandali! Hintayin mo ako!”

He was dumbfounded. It was a very captivating voice. It seemed to echo around him. Tinatangay ng hangin ang magandang tinig na iyon.

Maya maya pa ay isang babae na nakatapis at nakasuot ng hinabing katutubong tapis dumaan. Mukhang hinahabol nito ang kabayo. Mahaba ang itim nitong buhok nito na malayang tinatangay ng hangin. Pinaghalong gatas at kape ang kulay nito. She looked so earthy and natural. As if she was one with the nature.

Natulala na lang siya at sinundan ito ng tingin. May ganoon ba talaga kagandang babae sa lugar na iyon? At ang tawa nito ay musika sa pandinig niya.

Nang makagalaw siya ay nagtatakbo siya patungo sa direksiyong tinahak ng babae. “Miss, sandali!” tawag niya dito.

It was so weird. Kahit kailan ay di pa siya naghabol sa isang babae. Subalit ngayon ay siya pa ang humahabol. Ano ba ang nangyayari sa kanya? Namagneto siya ng kagandahan nito at ng magandang boses.

Subalit parang napakabilis nitong tumakbo. Kahit anong habol niya ay malaki pa rin ang agwat sa pagitan nila. At bigla na lang itong naglaho sa likod ng makapal na hamog. Nawala na ang halakhak nito at ang magandang tinig.

NovelDark

Your free library of light novels, web novels and translations. Romance, fantasy, action, drama — thousands of chapters updated daily, no signup needed.

Genres

© 2026 Noveldark. All rights reserved.