Stallion Series (Sofia Edition) Chapter 245

Lulugo-lugong bumalik ng tent si Mark Ashley. Naabutan niya si Richard Don na nasa harap ng bonfire at naglalagay ng instant noodles sa kaldero.

“Gutom ka na ba, ‘insan? Specialty ko ang noodles na ito!” pagmamalaki nito. May-ari ito ng restaurant sa riding club pero puro instant lang ang alam nitong lutuin. Subalit wala sa isip niya na kantiyawan ito nang mga oras na iyon.

Bumuntong-hininga siya. “Sino nga ba ang babaeng iyon?”

“Babae? May nakita kang babae?” anitong biglang nabuhayan ng dugo. “Saan? Maganda ba?”

“Oo. Maganda siya.”

“Talaga? Anong itsura?”

“Mahaba ang buhok niya. Tuwid na tuwid at itim na itim. Tapos medyo morena saka mukhang makinis.”

“Ah!” Nagsalin ito ng noodles sa metallic mug. “Tapos?”

“May hinahabol siyang puting kabayo.” Tinapik niya ang balikat nito. “Tapos maganda ang boses. Parang matutunaw ang puso mo.”

“Parang commercial pala ng Stallion Shampoo at Conditioner ang nakita mo.”

“Puro ka kalokohan!” Itinapik-tapik niya ang daliri sa baba. “Pamilyar siya sa akin. May kahawig siya, eh!”

“Kung maganda na tagadito lang, isa lang ang naiisip ko. Iyong babaeng nag-welcome sa atin kanina.”

Napapitik siya. “Tama. Si Dresdana!” Kahawig nga iyon ng dalagang apo ng spiritual leader ng mga Aringan.

“Iyon si Dresdana, di ba?”

“Ha?” aniya at nilingon ang itinuro nito.

Tumayo ito at kumaway. “Dresdana!”

Palapit nga sa kanila si Dresdana. May dala itong mga mga damo at dahon-dahon. Marahil ay gagamitin sa panggamot.

“D-Dresdana! Magandang hapon,” bati niya.

Bahagya itong yumukod bilang pagbati. Ni hindi man lang ngumiti.

“Dresdana, nakita ka daw ni Mark Ashley kanina,” wika ni Richard Don.

“Ako?” anito at itinuro ang sarili. “Saan niya ako nakita?”

“Doon!” Itinuro niya ang kabilang direksiyon na palayo sa pinanggalingan nito. “Pero paano ka napunta dito?” nagtatakang tanong niya.

“Nanguha ako ng mga halamang gamot doon,” sagot nito. Itinuro nito ang direksyon na pinanggalingan.

Naipilig niya ang ulo. “Parang ikaw talaga ang nakita ko.” Subalit imposible naman na makalipat ito ng lugar.

“Ah! Alam ko na! Sabi ni Eizhiro may kapangyarihan ka daw. Marunong ka rin sigurong mag-teleport,” suhestiyon ni Richard Don.

“Anong teleport?” inosenteng tanong ni Dresdana.

“Iyong magpalipat-lipat ng lugar sa isang kisapmata lang.”

Umiling si Dresdana. “Kaya ko lang makipag-ugnayan sa mga anito subalit hindi ako isang ispiritu na magagawa iyon. Tao pa rin ako.”

Napatitig siya kay Dresdana. Maganda nga ito. Kahawig din ito ng babaeng nakita niya kanina. Subalit walang ekspresyon ang mukha nito. Ni hindi man lang ngumingiti. At mukhang bilang na bilang ang mga kilos nito. Hindi ito kasing laya tulad ng babaeng nakita niya kanina na nakakahalakhak. Isa pa, ginawang palda ang hinabing tapis nito at may puti itong pang-itaas. Maayos din na nakapusod ang buhok nito. Iba nga ito sa babaeng nakita niya kanina.

“Sino iyong babaeng nakita ko kanina?” tanong niya.

“Baka guni-guni mo lang iyon. Nagtitipon sa tribo ang lahat ng kababaihan para sa ritwal. Kailangan lang ni Apo Tulka ang mga halamang gamot. Mabuti pang magpahinga na lang kayo para may lakas kayo bukas. Paalam.”

Nakasunod pa rin siya ng tingin kay Dresdana habang palayo. Hanggang ngayon ay di pa rin maalis sa isip niya ang babaeng kahawig nito. Nakapunta na siya sa tribo noon subalit wala naman itong kahawig.

Binatukan siya ni Richard Don. “Huwag mong pag-interesan si Dresdana! Mahigpit na bilin ni Eizhiro na di daw sila maaring hawakan o pagnasaan man lang. Pinoprotektahan siya ng mga anito.”

Napahawak siya sa ulo niya. “Ano ka ba? Hindi ko siya type.”

“Hindi mo siya type? Eh, bakit hinahabol-habol mo pa iyong babaeng kahawig niya kung hindi naman tulad nila ang type mo?”

“Gusto ko lang makipagkilala. Masama bang maging friendly?”

“Pero sino nga kaya iyong babaeng nakita mo? Guni-guni?”

Nagsalin din siya ng noodles at kumain. “Imposibleng guni-guni ang babaeng nakita ko. Kitang-kita ko talaga siya. She just disappeared in the mist.”

“Aha! Alam ko na kung ano ang nakita mo.”

Nilingon niya ito. “Ano?”

“Baka diwata o engkanto iyon na nagkatawang-tao. Tapos nagpapakita talaga sila sa mga tao lalo na sa mga lalaki para akitin at dalhin ka sa mundo nila. Weakness mo kasi ang mga babae, hindi ba? Doon ka nila titirahin.”

“Puro ka kalokohan! Hindi ako naniniwala sa mga engkanto.”

“Kaya siguro sila nagpapakita sa iyo para maniwala ka na nag-e-exist sila. Saka nasa gitna tayo ng gubat. Natural lang na may ganoon.”

“Bakit sa akin lang sila nagpakita? Weakness mo rin naman ang mga babae.”

Ngumisi ito at pinagkiskis ang mga palad. “Correction. Hindi ko weakness ang mga babae. Ako ang weakness nila.”

Muntik na niya itong mabatukan para matauhan. “Matanda ka na, nagpapapaniwala ka pa sa mga engkanto. Nakakahiya ka!”

“Ano naman ang masama na maniwala ka sa kanila?”

“Kumain ka na lang! Gutom lang iyan!”

Maaring ilusyon lang niya ang magandang babaeng iyon. Baka nami-miss lang niya ang mga babae sa Stallion Riding Club. Subalit kung imahinasyon lang ito, bakit malinaw pa rin ang imahe nito sa isip niya? Parang gusto niyang makita ulit ang babaeng iyon. Ano ba talaga ito?

Naipilig niya ang ulo. Baka nga naeengkanto lang siya.

PARANG torture kay Daeia ang kasiyahan sa labas. Pumapailanlang ang tunog ng tambol at ng gangsa. Simula na ng kasiyahan. Simula na ng salika, ang pagtitipon para sa pagbabalik ng mga kabayo sa sagradong lawa. Pangalawang beses pa lang daw isinagawa ang naturang ritwal. Noong panahon ng digmaan sa mga Hapon ay nagsilayo din daw ang mga kabayo sa Marubaho.

Masayang-masaya ang lahat habang nagtitiis siya sa maliit na kubo na iyon. NI hindi siya maaring sumilip. Muli ay nag-iisa na naman siya.

Bumuntong-hininga siya. Katulad pa rin ng dati. Hindi pa rin siya kabilang sa mga ritwal. Kanina nga ay si Dresdana lang ang maari niyang kausapin. Ngayon ay nasa sarili nitong kubo ang kakambal niya. Sa pagtitipong iyon, mahalaga ang gampanin ng kapatid niya. Di ito maaring abalahin sa pakikipag-ugnayan sa mga ninuno. At kailangan na lang niyang magtiis habang mag-isa.

Napapitlag siya nang may kumatok sa pinto ng kubo niya. “Ipinatatawag kayo sa kubo ni Apo Tulka.”

Nagulat siya at dali-daling binuksan ang pinto. Dalawang matipunong mandirigma na may hawak na sulo ang bumungad sa kanya. “Totoo bang ipinapatawag ako ni Apo Tulka?”

“Importante daw ang inyong pag-uusapan ngayundin.”

Hindi niya inaasahan na ipapatawag siya ng lolo niya. Sana lang ay maganda ang sasabihin nito. Malaki ang posibilidad na paalisin siya nito sa tribo. Di siya makakasali sa festival. O maaring di na siya makatapak sa tribo kahit na kailan.

Malakas ang kabog ng dibdib niya nang makapasok sa kubo. Di iyon ordinaryong kubo. It was hexagonal in shape. Para lang iyon sa mga ilka. Sa labas pa lang ay may sungay na ng kalabaw. Status symbol iyon ng tribo. Mas maraming kalabaw na mapapatay para sa mga festival ay mas mataas ang estado ng pamilya.

Napuno ng usok ang kubo dahil sa iba’t ibang mga halaman na sinunog para sa mga ritwal at proteksiyon ng tribo. May ilang sulo na tumatanglaw sa kubo. Sa gitna niyon ay nakaupo sa ibabaw ng nakalatag na hinabing tela si Apo Tulka. May suot itong kuwintas na gawa pa sa sinaunang capiz na nagmula pa sa kanilang mga ninuno bago pa man dumating ang mga Kastila.

Isang malaking karangalan na marahil sa kanya na papasukin sa kubo ng lolo niya. Matapos malaman na si Dresdana ang susunod na ilka, ni hindi siya nito tinapunan ng pansin. Parang di na sila magkadugo at itinuring na estranghero.

“Maupo ka,” utos nito at nagulat siya nang hainan siya ng ilang kababaihan ng pagkain at tsaang-gubat. Parang bisita ang turing sa kanya.

“I-Ipinatatawag daw po ninyo ako,” aniya sa nanginginig na tinig.

“Sinabi ni Dresdana na kaya ka nagbalik ay dahil nais mo pa ring maging isang Aringan. Hindi ba dapat ay kalimutan mo na kami dahil sa pagpapaalis namin sa iyo noon?” tanong nito.

“Maaring di man po ako ituring na isang Aringan ng lahat, dugong Aringan pa rin ang nananalaytay sa akin.” Tiningnan niya ito sa mga mata. “Ito pa rin ang aking tahanan. Ang tahanan ng aking ina at ng mga ninuno ko.”

Uminom ito ng tsaa. “Katulad ng pagbabalik ng hari. Pakiramdam marahil nila ay ito pa rin ang kanilang tahanan.”

“Kung nais po ninyo akong umalis ako, bukas na bukas din po ay aalis ako para di ako makagulo sa salika.”

“Nais mo bang sumali sa kasiyahan bukas?”

Napaawang ang labi niya. “Opo.”

“Nais mo rin ba na maging isang Aringan?”

Lumakas ang pintig ng puso niya. Nagkaroon siya ng pag-asa. “Malaking karangalan po sa akin kung tatanggapin ninyo ako.”

“Bibigyan kita ng pagkakataon, Daeia. Malaking pagtitipon ang salika. Kailangang ipagdiwang natin ang muling pagsagana ng ating tribo sa pagbabalik ng mga hari. At kailangan natin ng isang alay. Ikaw ang alay na iyon.”

Itinuro niya ang sarili. “A-Ako po?”

“Ikaw ang magsisimbolo sa mga Aringan upang makipag-isa sa hari. Isa itong mahalagang tungkulin. Tinatanggap mo ba?”

Ilang sandali siyang di nakahinga. Di niya inaasahan na ibibigay sa kanya ang ganoon kalaking gampanin. Matagal na niyang pangarap na maging bahagi ng tribo. At di niya inaasahan na magkakaroon pa siya ng pagkakataon.

“Subalit bakit po ako? Kung malaki ang gampaning ito, hindi po ba dapat ay sa isang katulad ni Dresdana ninyo ito ibigay?”

Umiling ito. “Hindi para kay Dresdana ang pag-aalay na ito. Iba ang gampaning nakalaan para sa kanya. Iba ang para sa iyo.”

Tumango siya at yumukod. “Kung ganoon ay tinatanggap ko po.”

Ito na ang pagkakataong hinihintay niya. Ang katuparan ng pangarap niya na tanggapin ng mga kalahi ng kanyang ina. Di na niya ito palalagpasin pa.

Nang iangat niya ang ulo ay nakalapag sa harap niya ang hinabing damit. Kakaiba ang disenyo niyon na noon lamang niya nakita. Maging ang mga palamuti o alahas ay gawa sa mga mamahaling bato. Luma na iyon. Natitiyak niyang galing pa iyon sa kanilang mga ninuno.

“Para po saan ito?” tanong niya.

“Damit iyan ni Yumi.”

Nangilid ang luha sa mata niya. “Damit ito ni ina?”

“Iyan ang isusuot mo bukas. Sa palagay ko ay matutuwa siya na makitang suot mo ang damit niya.”

“M-Maraming salamat po.”

Niyakap siya nito. “Maligayang pagbabalik, Daeia. Isa ka nang Aringan.”

PARANG isang prinsesa ang pakiramdam ni Daeia. Limang kababaihan ang tulong-tulong sa pagpapaligo sa kanya. Nasa talon sila. Kailangan daw siyang paliguang mabuti bilang isang alay. Papasikat pa lang ang araw noon. Buong tribo ay abala para sa pagsisimula ng salika.

Minamasahe ng mga ito ang buhok niya habang siya ay nakatingala sa langit. Grand welcome pa ang pagtanggap sa kanya ng Aringan. Nang ideklarang siya ang alay, bigla ay naging maganda ang trato sa kanya ng lahat.

“Ako ang mag-aayos sa buhok ninyo, mahal na alay,” wika ni Haru.

“Hindi. Mas mabuti pang ako na lang,” kontra naman ni Sumi.

“Huwag na kayong magtalo,” aniya sa magaang boses.

“Ano kayang klaseng lalaki ang mananalo sa paligsahan?” tanong ni Asuka.

“Tama. Ang pinakamatipuno sa lahat at magiging pinakamakapangyarihan,” anang si Haru na parang nangangarap. Sa pagsubok na iyon malalaman kung sino ang pinakamalakas at pinakapinagpala sa mga kalalakihan sa tribo.

“Nakita na ba ninyo ang mga dayuhang sasali sa paligsahan?” tanong ni Maki.

“May mga dayuhan na sasali?” Napabangon siya at lumabusaw ang tubig. “Akala ko ay mga kalalakihan lang natin ang kasali.”

“Isa po iyong pagbibigay sa kahilingan ng mga kaibigan natin,” wika ni Sumi.

Umismid siya. “Siguro naghahanap lang ng adventure ang mga iyon. Tingnan natin kung kaya nila ang pagsubok.”

Nagsusuot siya ng tapis nang lumapit sa kanila ang mga bantay nilang mandirigmang babae. Kasama nito ang dalawang lalaki na nakasuot ng T-shirt at sando at khaki shorts at nakasuot ng mga boots. Nakataas ang kamay ng mga ito habang nakaamba sa likuran ang sibat ng mga mandirigma. Ito marahil ang mga dayuhan na pinag-uusapan kanina.

Parehong guwapo ang dalawa at matangkad. Ang naka-royal blue na T-shirt ay may takot sa mga mata. He looked cute. Habang ang naka-brown na sando at mukhang bored na bored pa sa nangyayari. Parang di man lang ito natatakot na anumang oras ay mawala ang buhay nito.

“Mahal na alay, nakita po namin sila na pinanonood ang inyong paliligo. Nais ba ninyong utasin na namin ang kanilang buhay?” tanong ng pinuno ng bantay.

“Huwag! Huwag!” pakiusap ng lalaking nakasuot ng royal blue na T-shirt. Yumukod ito sa kanya. “Kamahalan, parang awa na ninyo. Pakawalan ninyo kami.”

Hinatak ito patayo ng naka-brown na sando. “Huwag ka ngang yumuko diyan. Wala naman tayong ginagawang masama.”

Humalukipkip siya. “Pero nahuli kayong nanonood sa paliligo ko.”

“Hindi kami nanonood. Hinihintay lang namin kayong matapos para makaligo rin kami,” katwiran ng naka-brown na sando. “Wala kaming balak na masama.”

“Ashley, huwag ka nang sumagot. Baka tuluyan tayo.”

“Babae lang iyan. takot na takot ka naman.”

Umangat ang gilid ng labi niya. Sa kanilang tribo, nirerespeto ang kakayahan ng mga kababaihan. But this Ashley was just a typical male. Maliit lang ang tingin nito sa mga babae. Parang masarap ingudngod sa punong puro tinik. O kaya ay hayaan na niya ang mga bantay niya na balatan ito ng buhay para matuto.

“Hindi kaya nais lang ninyo kaming pagsamantalahan?” tanong niya.

Ganoon naman talaga ang ibang dayuhan. Sasamantalahin ang hospitality nila. Iisipin na mga ignorante sila dahil tagabundok. Pagkatapos ay iiwan matapos paglaruan. Ilan nang babae ang nabiktima noon. At nasa tipo ng dalawa na mahilig maglaro sa babae lalo na ang naka-sando na brown.

Umiling ang naka-royal blue na T-shirt. “Hindi totoo iyan. Nandito lang kami para sumali sa paligsahan. Mababait kami. Totoo iyon. Kung may masama kaming balak, sana kanina pa namin ginawa.”

“Tama si Richard Don,” wika ni Mark Ashley. “Saka hindi katulad mo ang type ko, Miss. Malayong-malayo ka sa gusto kong babae.”

Napamaang siya. Hindi daw siya type. Kapal!

“Paano ako nakakatiyak na wala kayong nakita?” nakataas ang kilay niyang sabi. “Mukhang kanina pa kayo nanonood sa amin.”

Iniwas ni Ashley ang tingin. “Ano namang makikita ko? Hindi kami mukhang nauubusan ng babae. Sa Maynila, halos naghuhubad sa harap namin ang mga babae. Gaya ng sinabi ko sa iyo, hindi ako interesado sa iyo.”

Gustong mainsulto ng kagandahan niya. Sa Maynila pa lang ay marami na siyang manliligaw. Naka-focus nga lang siya sa pagtuturo at sa misyon niya bilang isang Aringan kaya hindi niya pinapansin.

“Pabayaan na natin sila, mahal na alay,” sabi ni Maki na nagpapapungay pa ng mga mata. “Mukha naman silang mababait.”

Sumang-ayon pa ang ibang mga babae. Basta talaga guwapo, kahit ano sigurong salita ay tatanggapin ng kahit sinong mga babae. Mga baliw talaga.

“Kailangan na nating bumalik, mahal na alay,” wika ng pinuno ng mga bantay. “Maari na natin silang isama pabalik sa tribo para litisin.”

Iwinaksi niya ang kamay. “Pabayaan na natin sila. Mukhang wala naman talaga silang nakita.” Nakatapis naman kasi siya habang naliligo. Isa pa, aksaya lang sa oras kung magkakaroon pa ng paglilitis. Ayaw na niya ng gulo.

Yumuko si Richard Don at halos sambahin siya. “Salamat po, mahal na alay. Hindi na po ito mauulit.”

“Anong hindi na mauulit? Aksidente lang naman talaga iyon,” sabi ni Ashley.

“Sana nga ay aksidente lang,” usal niya. Wala pa rin siyang tiwala dito.

“Huwag kang mag-ilusyon, Dresdana. Hindi ikaw ang gusto ko,” mariin na sabi ni Ashley.

Kumunot ang noo niya. Akala pala nito ay siya si Dresdana.

“Mahal na alay, kailangan na po nating umalis,” wika muli ng pinuno ng bantay. Di na tuloy siya nakapagpaliwanag pa.

“Mag-ingat kayo sa paligsahan mamaya,” aniya at naglakad palayo.

“Alam mo, mas maganda ka sana kung ngingiti ka!” sigaw ni Ashley.

Maasim siyang ngumiti at nilingon ito. “Sa inyo siguro pwede mong mauto ang mga babae sa linya mo pero hindi dito.” Saka niya ipinagpatuloy ang paglalakad.

“Si Dresdana ba talaga iyon?” narinig niyang tanong ni Richard Don.

“Hindi siya si Dresdana. Siya ang mahal na alay!” sagot ni Haru.

“Haru, halika na!” tawag niya dito.

Hindi na nito kailangan pang magpaliwanag. Hindi man siya kasing-halaga ng kapatid niya na siyang susunod na ilka, sapat na siyang maging mahalagang bahagi ng tribo kahit sa araw lang na iyon. At iyon ang kailangan niyang intindihin. Wala siyang oras sa aroganteng lalaking iyon.

NovelDark

Your free library of light novels, web novels and translations. Romance, fantasy, action, drama — thousands of chapters updated daily, no signup needed.

Genres

© 2026 Noveldark. All rights reserved.