Stallion Series (Sofia Edition) Chapter 246

Hindi maalis ni Daeia ang tingin sa sarili. Di siya makapaniwala na suot niya ang damit na pinakakaingatan ng kanyang ina. Makulay na hinabing palda na may iba’t ibang kulay at may nakasabit na sinaunang shells ang palda niya. May suot din siyang kuwintas na gawa sa agate beads. Habang ang mukha niya ay natatabingan ng linya ng pinagsalit na beads at ancient shells.

Iyon ang isusuot ng kanyang ina kung sakaling ikinasal ito. Di niya inaasahan na ipapamana iyon sa kanya. At ngayon ay isusuot niya iyon bilang isang alay.

Malakas ang kaba sa dibdib niya. Kasing lakas ng tunog ng mga tambol na pumapailanlang sa buong tribo. Iyon ang unang pagkakataon na makakasama siya sa isang ritual para sa pagtitipon. Dati ay lagi lang siyang nakakakulong sa kubo. Outsider daw siya kaya di siya maaring sumali.

Nagsisimula na ang paligsahan. Subalit dahil nakakulong siya sa loob ng kubo niya, di siya maaring manood. Wala siyang ideya sa nangyayari sa labas. Makakalabas lang siya sa kubo kapag nagsimula nang bumalik ang mga makikisig na mandirigma na nagtagumpay na makasakay ng kabayo at nagawang ibalik sa tribo.

Bumukas ang pinto at pumasok si Dresdana. Suot nito ang espesyal na damit na hinabi lamang para dito bilang susunod na ilka. Ngumiti siya nang makita ito. “O! Akala ko ba hindi ako maaring puntahan ng kahit sino?”

“Hindi ko matiis na di ka makita bago ang ritwal.”

Nagtaka siya. Kahit noong bata pa sila ay di ugali ni Dresdana na lumabag sa ipinag-uutos dito. Maliban na lang kung may importante itong pakay sa kanya.

“May sasabihin ka ba sa akin?”

Kinuha nito ang kamay niya at inilagay doon ang bracelet na may asul na bato. “Gusto kong ibigay sa iyo. Espesyal ang araw na ito para sa iyo.”

Lalo siyang ngumiti sa pagiging thoughtful ng kapatid. “Salamat!”

Ginagap nito ang kamay niya. “Nanlalamig ang kamay mo.”

“Kinakabahan ako. Hindi ko alam ang gagawin ko. Baka mamaya magkamali ako sa dapat kong gawin.”

“Naroon naman ako para alalayan ka.” Tutulong ito sa pagsasagawa ng ritwal. Nanatili pa rin nitong hawak ang kamay niya. “Daeia, alam kong hindi mo pa naiintindihan ang lahat sa ngayon.”

“Ano? Ang pagiging alay ko?”

Niyakap siya nito na ikinagulat niya. Kahit noong nagkita silang muli matapos ang mahabang panahon, di siya nito niyakap kahit minsan. “Sana huwag kang magagalit sa akin… sa amin.”

“Dresdana, hindi ako galit. Bakit naman ako magagalit? Dahil ba pinaalis ninyo ako dati? Wala na sa akin iyon. Isa pa tinanggap ninyo ako ulit…”

Umiling ito. “Ito ang tandaan mo. Kailangan mong pagdaanan ang lahat ng nangyayari sa iyo para makamit mo ang kaligayahan. Kaya dapat kang maging matatag dahil maganda ang bukas na naghihintay sa iyo.”

“Inaasahan ko naman na maraming pagsubok ang dadating sa akin pero anu-ano pa ba iyon?” usisa niya. May kakayahan ang kapatid niya na makita ang hinaharap. Kaya gusto niyang bigyan siya nito ng clue para mapaghandaan niya.

Naghiyawan ang mga tao sa labas. “May nagtagumpay na at nakabalik sa tribo. Kailangan na nating lumabas.” Matiim siya nitong tiningnan sa mga mata. “Dadating ang panahon na maiintindihan mo rin ang sinasabi ko.”

NAGHIHIYAWAN ang mga katribo ni Daeia sa pagdating ng mga mandirigmang sumali sa paligsahan na dala ang kabayo. Nagsasabay ng bulaklak ang lahat bilang pagsalubong. Halatang pagod ang mga ito. Di biro ang makipaghabulan sa mga wild horse. Naranasan niya iyon pero di siya nakalapit man lang kahit minsan. At ang iba ay natural nang umuwi ng talunan.

Pinaparangalan ng tribo ang lahat ng mandirigmang makakabalik sakay ng kabayo. Isang malaking karangalan iyon dahil doon napapatunayan ang kakisigan ng isang lalaki. Bukod pa sa paniniwala na sinuman ang makakasakay ng maraming beses sa wild horse at magawang kontrolin ito ay magtatamo ng kaligayahan.

Nasa gilid sila ng Lake Monandra, ang sagradong lawa dahil doon laging bumabalik ang mga kabayo para mamahinga at uminom. Hinihintay nila ang pagbalik ng mga mandirigma. Sinumang makabalik ay lalapit kay Apo Tulka para basain ng sagradong tubig sa ulo bilang pagpaparangal.

Iginala niya ang paningin. Hapon na noon. Wala pa rin sinuman sa dalawang tagapatag ang may dalang kabayo. Marahil ay sumuko na ang mga ito. Ganoon lang naman ang ibang taga-Maynila. Pupunta lang sa ganoong lugar para sa adventure. Pero dahil di naman sanay sa bundok at gubat, uuwi ring mga talunan.

“Nasaan na kaya ang mga guwapong tagapatag?” narinig niyang bulong ni Haru. “Baka may nangyaring hindi maganda sa kanila.” Nasa likuran lamang niya ang mga tagapaglingkod niya at nagkukwentuhan.

“May mga tao doon na magdadala sa kanila dito kung sakaling may nasaktan man sa kanila,” narinig niyang sagot ni Maki.

“Ako ang mag-aalaga sa kanila,” kinikilig na sabi ni Asuka.

“Ako rin! Gusto ko rin,” sabi naman ni Haru. “At matapos ko silang alagaan, tiyak na hindi na nila nanaisin pang umalis dito sa tribo.”

Napabuntong-hininga siya. Mukhang pati ang mga kababaihan ng Aringan ay nabighani rin ng dalawang tagapatag. Pero sino ba ang magkakagusto sa mga lalaking lalampa-lampa? Aanhin pa ang kaguwapuhan ng mga ito.

“May paparating!” Halos matulig ang tainga niya nang magtilian ang mga ito. Parang nakakita ng artista. “Ayan na ang isang tagapatag.”

Sakay ng isang brown na kabayo ay natanaw niya si Richard Don. Mukhang napakatikas ng kabayong nakuha nito. Hindi iyon madaling paamuin subalit nagawa nito. Dahil doon, nakuha nito ang kanyang respeto.

“Papalubog na ang araw. Wala pa rin ang hari,” wika ni Apo Tulka. Ang hari ng mga kabayo ay ang puting kabayo na siyang pinuno ng pulutong ng mga ito. Isang malaking gantimpala daw ang naghihintay sa sinumang makakasakay doon.

Subalit sadyang mailap ang puting kabayo. Isang matipuno at makisig lamang na lalaki ang makakakontrol dito.

“At wala pa rin ang isang tagapatag,” bulong ni Haru.

“Kawawa naman siya,” anang si Asuka.

Umangat ang gilid ng labi niya. Papalubog na ang araw. Hudyat iyon ng pagtatapos ng paligsahan. Kapag di nakabalik si Ashley, isa na itong tunay na talunan. Siguro nga ay kanina pa ito sumuko.

Gaya ng inaasahan niya ay hanggang yabang lang ang lalaki. Wala naman palang sinabi. Isa itong malaking lampa. Kung di lang bawal sa kanya na magsalita ng kahit ano, kanina pa marahil siya humalakhak ng malakas.

Isa sa mandirigma ang hangos na tumakbo palapit sa kanila. “Paparating na ang hari sakay ang tagapatag,” sigaw nito.

“Mark Ashley did it!” tuwang tuwang wika ni Richard Don.

Napanganga na lang siya sa sobrang pagkagulat. Imposible. Ang nuknukan ng yabang na Mark Ashley na iyon, nagawang kontrolin ang puting kabayo?

“Nagawa niya!” tilian naman nila Asuka sa likuran niya. Nang lumingon siya ay nagtatatalon pa ang mga ito. Simula na iyon ng pagbubunyi dahil sa wakas ay may nakakontrol na sa pinuno ng mga kabayo.

Pinamanhid ni Daeia ang sarili habang pinanonood ang pagsalubong ng tribo kay Mark Ashley. Tumugtog ang mga gong habang ang mga kababaihan ay nagsasayawan sa daraanan nito. Pakaway-kaway naman ito sa mga tao na parang artista. At ang mga kababaihan ay nakatulala lahat dito.

He looked so proud riding that white horse. At ang dungis at sugat sa mukha at katawan nito ay simbulo ng kakisigan nito. Oo na. Guwapo na ito. Mabuti na lang at hindi kita sa likod ng mga beads na nakatabing sa mukha niya ang pag-ikot ng mga mata niya. Tiyak na madadagdagan ang kayabangan nito.

Yumukod si Mark Ashley sa direksiyon nila matapos bumaba ng kabayo. Inabot ni Dresdana sa kanya ang ulik, hinabing pantali sa ulo na may simbolo ng kabayo. Sadya lamang iyon sa sinumang makakasakay sa pinuno ng mga kabayo.

“Ibigay mo ito sa kanya,” malumanay na utos ni Dresdana.

Halos kaladkarin niya ang paa niya palapit kay Mark Ashley. Masamang masama sa loob niya na ito ang nanalo sa paligsahan. Paano pa siya magkakaroon ng satisfaction na tawagin itong lalampa-lampa?

Tumayo siya sa harap nito at inilahad ang palad na may ulik. “Isuot mo iyan bilang gantimpala,” wika ni Dresdana na nasa likuran niya.

Sinunod nito si Dresdana. Parang tinadyakan ang dibdib niya nang iangat nito ang tingin sa kanya at ngumiti. “Salamat.”

Bakit kailangan pa nitong ngumiti sa kanya? Maganda pala ang ngiti nito. Mabilis niyang iniwas ang tingin. Nahawawa na siya sa ibang babae na halos mabaliw sa paghanga dito. Mali iyon. Hindi niya ito magugustuhan kahit kailan.

“Maari ka nang tumayo,” utos ni Dresdana.

Nagulat na lang siya nang paghawakin nito ang kamay nila ni Mark Ashley. Parang may kuryenteng gumapang sa katawan niya.

“Lumapit kayo dito,” utos ni Apo Tulka na nakatayo sa gilid ng lawa. Hindi na binitiwan pa ni Mark Ashley ang kamay niya mula noon.

Nanlalambot ang tuhod niya at halos hilahin niya ang sarili niya palapit kay Apo Tulka. Ganito ba kahirap ang pagsubok sa kanya bilang isang alay? Ang lalaki bang may hawak sa kamay niya ang pagsubok para sa kanya?

Kalmahin mo ang sarili mo, Daeia. Hindi kayo habambuhay na magsasama ng lalaking iyan. Kailangan mo lang tapusin ang ritwal na iyan. Basta ang mahalaga, magiging bahagi ka na ng tribong ito, paulit-ulit niyang usal sa isip. Hindi siya dapat magpaapekto kay Mark Ashley. Iisipin muna niyang di ito ang kinaiinisan niya.

Matapos umusal ng panalangin at mag-alay sa mga anito, itinaas ni Apo Tulka ang magkahawak nilang kamay at binuhusan ng tubig mula sa lawa.

“Ikaw magiting na mandirigma ang sumisimbolo sa hari. At ikaw mahal na alay ang siyang sumisimbolo sa Aringan. Kailangan ninyong maging isa upang maging matatag ang pagsasamahan ng mga hari at ng Aringan. Mula ngayon ay magsasama na kayo habambuhay at hindi na mapuputol pa ang taling nag-uugnay sa inyo kahit kailan.”

BUHAY na buhay ang buong Aringan. Pumapailanlang ang masayang tugtugin at lahat ay nakikiisa. Bumabaha ng pagkain at alak. Ito ang naalala ni Daeia noong bata pa siya. Ang bawat pagtitipon sa tribo ay nagsisilbing salo salo ng lahat na parang isang buong pamilya. Maliban sa kanya. Lagi na lang siyang nasa malayo at nakamasid dahil hindi siya itinuturing na kabilang sa mga ito.

Sa pagkakataong ito, isa na siyang alay. Siya na ang pinagsisilbihan. Sa kauna-unahang pagkakataon ay di lamang siya basta kabilang sa tribo. Isa na siyang mahalagang bahagi ng tribo. Ayon sa mga tagabantay niya, napakahalaga daw ng ginagampanan ng isang alay kaya maswerte siya.

“Ganito pala kasaya sa tribo ninyo kapag may festival,” komento ni Mark Ashley na nakaupo sa tabi niya.

Nilingon niya ito. Parang hari ito kung pagsilbihan ng tribo. At ang masaklap, kailangan niyang tiisin ang presensiya nito dahil lagi niya itong kasama. Bilang alay at ang nanalo sa paligsahan, di sila maaring maghiwalay.

Ibinalik ulit niya ang tingin sa mga nagsasayaw na kababaihan at sumubo ng tapa ng usa. Hahayaan niya itong magmukhang kumakausap sa hangin. Hindi siya interesado sa mga opinion nito.

Tumikhim ito. Mukhang napahiya yata dahil di niya pinansin. “A, hindi ka ba nakakaintindi ng Tagalog?” Kinamot nito ang baba. “Paano kaya tayo magkakaintindihan?” Itinuro nito ang sarili. “Mark Ashley. Ako si Mark Ashley.” Itinuro siya nito. “Ikaw? Anong pangalan mo?”

Sinulyapan lang niya ito. Alam na niya ang pangalan nito. At wala siyang planong makipagkilala dito. Tama nang pinagsisilbihan ito ng mga katribo nia. Sobra na iyon kung kakausapin pa niya ito.

Pumalatak ito. “Suplada pa yata,” narinig niyang usal nito.

Lihim siyang ngumiti. Suplada talaga siya lalo na sa katulad nito. Akala naman nito ay magpapakamatay ang kahit sinong babae na makausap ito. Isa pa, hindi naman daw siya nito gusto. Mas lalong ayaw niya dito.

“Hindi maaring magsalita ang mahal na alay,” wika ni Haru.

Nakahinga siya ng maluwag. Mabuti naman at hindi niya ito kailangang kausapin. Kaunting tiis na lang at matatapos na ang responsibilidad niya bilang alay. Matatapos na ang kanyang pagtitiis sa presensiya nito.

“Ganoon ba?” Tumango-tango si Mark Ashley. “Kilala ko na halos lahat ng tao dito pero siya hindi ko alam ang pangalan. Tapos di pa ako kinakausap.”

“Magkakakilala din kayong mabuti kapag nagkasarilinan na kayong dalawa,” anang si Sumi at humagikgik. Hindi niya gusto ang hagikgik na iyon.

At mas lalong hindi niya gusto ang ideya na magkakasarilinan sila ni Mark Ashley. Titiyakin niyang lalo itong mapapanisan ng laway.

“Oras na,” anang si Dresdana nang lapitan sila. “Sumunod kayo sa akin.”

Nagtataka man kung ano ang susunod na mangyayari, sumunod sila ni Mark Ashley dito. Walang sinuman ang nagsasalita. Malakas ang kaba sa dibdib niya. Hindi niya alam kung ano ang naghihintay sa kanya. Nanunuot sa kalamnan niya ang lamig dahil sa nakalambong na ulap. Hindi siya sanay sa ganoong lamig.

Nagtaka siya nang alisin ni Mark Ashley ang hinabing kumot na nakapatong sa balikat nito at ipatong sa ulo niya. “Mukhang nilalamig ka. Sa iyo muna.”

Maginoo naman pala ito. Natural na siguro iyon dahil sanay nga itong makisama sa mga babae. Dapat ba niyang ikatuwa ang pagmamagandang-loob nito?

Akmang tatanggalin niya ang balabal nang diinan nito ang ulo niya. “Huwag mo nang alisin. Sanay ako sa lamig. Chopper pilot ako. Kaya wala sa akin ang matataas na lugar at malamig na panahon.”

“Nandito na tayo,” untag sa kanila ni Dresdana. Nasa harap sila ng isang maliit na kubo. Nakahiwalay iyon sa mga kabahayan ng tribo.

Kumunot ang noo niya. Hindi siya pamilyar kung para saan ang kubong iyon. Bago pa siya nakapagtanong ay pinapasok na sila ni Dresdana.

“Wow! Marami pa ring pagkain!” anang si Mark Ashley. Kumuha ito ng isang wild berry at kinagatan. “Masarap. Para sa amin ito?”

Tumango si Dresdana na nakatayo sa pinto. “Maging maligaya sana kayong dalawa simula ngayon.” Matapos iyon ay lumabas na ito.

Bago pa siya nakapagtanong ay sumara na ang pinto. Nagulat siya. Hindi niya naiintindihan kung ano ang nangyayari. Itinulak niya ang pinto. Nakasara iyon mula sa labas at hindi niya mabuksan.

NovelDark

Your free library of light novels, web novels and translations. Romance, fantasy, action, drama — thousands of chapters updated daily, no signup needed.

Genres

© 2026 Noveldark. All rights reserved.