“Anong problema?” tanong ni Mark Ashley. Iniwan nito ang pagkain nang mapansin na halos naghihisterya na siya.
“Hindi ko mabuksan ang pinto. Kailangan kong makalabas,” wika niya sa nanginginig na boses at itinulak muli ang pinto.
Hindi siya maaring manatili sa lugar na iyon. Silang dalawa lang ni Mark Ashley ang magkasama. Hindi siya sanay na makasama ang isang lalaki. Lalo na siguro ang isang lalaki na hindi niya kilala at kinaiinisan pa niya.
“Susubukan ko.” Itinulak nito ang pinto subalit walang nangyari. Binalya nito ang pinto ngunit di man lang natinag. “Ayaw talagang bumukas!”
“Akala ko ba ikaw ang pinakamalakas dito? Bakit di mo mabuksan?” asik niya. Frustrated pa siya dahil tumatagal ang panahon na silang dalawa lang ang magkasama. Wala naman pala itong silbi.
“Huwag kang magalit, Miss. Parang gusto kong makulong sa kubo na ito kasama ka. Huwag ako ang sisihin mo. Hindi naman ako ang nagkulong sa iyo.”
Inirapan niya ito at inikot ang tingin sa paligid. Nanlumo siya nang matuklasang walang bintana ang kubo na iyon. Nanlulumo niyang tinanggal ang tabing sa mukha niya. “Anong gagawin ko? Ayoko dito!”
“Huh! Dresdana!” bulalas nito habang nahihintatakutang nakatitig sa kanya. Nakasandal din ito sa pinto na parang isa siyang kakaibang nilalang. “Ayan ka na naman sa teleportation mo. May interes ka siguro sa akin.”
“Hindi ako si Dresdana.”
“Kung hindi ikaw si Dresdana, sino ka?”
“Ako si Daeia, ang kapatid niya. Saka huwag mo akong tingnan na parang ngayon ka lang nakakita ng tao. Walang espesyal sa akin.”
Hinaplos nito ang baba. “Tama! Ikaw iyong masungit na babae sa falls.” Pumalakpak ito. “Kapag sinuswerte nga naman. Sa dinami-dami ng babaeng pwede kong makasama ikaw pa…”
“Swerte? Minamalas ako dahil kasama kita.”
Paano namang nakulong siya sa kubo na iyon kasama ang pinaka-aroganteng lalaki na nakilala niya? Mas gugustuhin pa niya ang isang kuwebang puro ahas kaysa naman makasama ito.
“Sigurado ka na minamalas ka? If I know, masayang-masaya dahil nakasama mo ang isang guwapo at makisig na lalaki katulad ko.”
Bumagsak ang panga niya. “Akala ko mayabang ka lang. Hindi ko naman sukat-akalain na ubod ka pala ng yabang.”
“Bakit? Masama bang magsabi ng totoo? Hindi ko naman ugaling magkunwari. Hindi ako tulad mo na nagkukunwaring galit pero gusto naman ako. Sanay na ako sa mga strategy na ganyan.”
Lumapit siya sa mesa at tinikman ang tapa ng usa. “Hmmm.. masarap. Mas mabuti pang kumain na lang ka kaysa pag-aksayahan ka ng oras. Kumain ka na rin. Baka gutom lang iyan.”
“Hindi. Hindi ako gutom.”
Inabot niya ang malaking bayabas dito. “Gutom nga lang iyan. Kasi gising ka pa pero naghahalusinasyon ka na.”
Kinuha nito ang bayabas mula sa kanya at kinagatan nito. “Mukhang ikinulong talaga nila tayo. Baka magdamag na tayo dito.”
Bigla niyang pinagkrus ang mga braso sa dibdib. “Kung anuman ang binabalak mo, huwag mo nang ituloy.” Gagawin niya ang lahat para protektahan niya ang sarili mula dito. Di niya isusuko ang puri niya ng walang laban.
“Whoa!” Napahawak ito sa ulo. “Ikaw yata ang masyadong kampante sa sarili mo, Miss. Nasabi ko na kanina na hindi kita type. Hindi mo siguro alam na sa Maynila, nagpapakamatay ang mga babae sa akin tapunan ko lang ng tingin.”
“Talaga?” Ngumisi siya. “Hindi ka naman kagandahang lalaki.”
“Wala ka lang taste!” sigaw nito. Nang taasan niya ito ng kilay ay mabilis nitong kinalma ang sarili. “Miss, tinitiyak ko sa iyo na wala akong gagawing masama sa iyo. Kahit katiting, di kita gusto. May tatlo akong seryosong nobya sa Manila. Baka isa na sa kanila ang pakasalan ko.”
Nagsalubong ang kilay niya. “Seryoso na iyon sa iyo? Samantalang tatlo nga silang sabay-sabay na naging nobya mo. Ipinagmamalaki mo sa akin iyan?”
“Isa nga sa kanila ang ikinokonsidera kong pakasalan. Kaya huwag ka nang umasa na mapapansin pa kita. Okay?”
Pinagsalikop niya ang mga palad. “Ipagdadasal ko ang tatlong babaeng iyon na matauhan bago pa mahuli ang lahat. Nakakaawa naman kung isa sa kanila ang mapapariwara ang buhay oras na pakasalan mo.”
“Iniinsulto mo ba ako?”
“Naiinsulto ka naman dahil totoo?” Gumuhit ang ngiti sa labi niya. “Huwag ka nang umasa na magugustuhan ko ang katulad mo. Isa pa, walang lugar ang isang lalaki sa mga pangarap ko.”
“Ano ba ang pangarap mo?” tanong nito at umupo sa tabi niya.
“Akala ko ba hindi ka interesado sa akin? Bakit ka nagtatanong?”
Inunat nito ang mga kamay paitaas. “Magdamag tayong dalawa dito. Hindi pa naman ako inaantok. Sige na. Magkwento ka na.”
“Simple lang ang pangarap ko. Gusto ko lang magkaroon ng paaralan para sa mga taga-Aringan. Ayokong matulad sila sa ibang tribo na pinagsasamantalahan dahil wala silang alam. Naniniwala ako na mas uunlad ang tribong ito kung mas marami pa silang matututunan.” Naramdaman niyang nakatitig ito sa kanya. “Bakit? May problema ba sa pangarap ko?”
“Ngayon ko lang na-realize na ang mga bagay na binabalewala ko noon, mahalaga pala para sa iba. Tamad kasi akong mag-aral noong estudyante pa ako.” Inilahad nito ang palad. “Akin na ang kamay mo.”
“Bakit? Anong gagawin mo?”
Pumalatak ito at pilit na ginagap ang kamay niya. “Sabi nila maswerte daw ang sinumang mananalo sa paligsahan, hindi ba? Hindi ko naman kailangan ng swerte. Nasa akin na halos ang lahat ng gusto ko sa buhay bata pa lang ako. Kaya sa iyo ko na lang isasalin ang swerte ko.” Pumikit ito at mahabang sandaling hindi nagsalita. “Hmmm… ayan! Matutupad na ang pangarap mo.”
Hindi niya inaasahan iyon mula dito. Pwede naman niyang isipin na kalokohan lang ang sinasabi nito. Subalit nakikita niya sa mga mata nito na gusto nitong maging masaya siya para dito.
Bahagya siyang ngumiti. “Salamat!”
Nakangiti lang ito sa kanya at pinisil ang kamay niya. “Walang anuman.”
Nagtriple ang bilis ng tibok ng puso niya. Ano ba ang ginagawa nito sa kanya? Ilang sandali pa lang silang nagkakasama, nag-iiba na ang epekto nito sa kanya. Parang sa bawat sandali, magagandang bagay na ang nakikita niya dito.
Bahagya niyang hinila ang kamay. “Ang kamay ko.”
Binitiwan nito ang kamay niya, “Ayan, ha? Maswerte ka na.”
Nagsalin siya ng alak sa baso at uminom para mailayo ang atensiyon niya dito. “Hmmm… masarap pala ito. Tikman mo. Manamis-namis.”
Tumango-tango ito matapos tikman ang alak. “Masarap nga. Parang juice lang. Siguro gawa ito sa wild berries. Gusto mo bang ikwento ko sa iyo kung paano ko nahuli iyong kabayo.”
Nangalumbaba siya at pinagmasdan ito. “Sige. Ikwento mo.”
“Noong una, nanonood lang kami ng pinsan ko sa strategy ng mga kalaban namin. Lahat sila ihinagis ng mga kabayo. Nang mapagod sila sa kahahabol at kahahagis sa kanila ng kabayo, kami naman ang sumubok. Siyempre pagod na rin iyong kabayo kaya nanalo kami,” ngiting-ngiting kwento nito.
“Ah! Napakatuso. Nagpapakasasa kayo sa pinaghirapan ng iba.”
“Huwag mo namang maliitin ang kakayahan ko. Ang totoo hindi madaling kontrolin iyong puting kabayo. Masyado siyang malakas. Ilang beses na niya akong muntik na dambahan. Ilang beses din niya akong ihinagis.” Bahagya itong pumaling. “May sugat pa nga ako sa balikat ko. Nahiwa sa bato.”
May mahaba ngang hiwa sa likod ng balikat nito. Mukha nga iyong mababaw pero may posibilidad na maimpeksiyon. “HIndi mo pa ipinapagamot?”
Pinagpag nito ang balikat. “Sugat lang iyan. Ang tunay daw na mandirigma hindi iniinda ang maliliit na bagay tulad ng sugat.”
“Mga mayayabang lang ang may ganoong pag-iisip. Tao ka lang. Kahit na sabihin mong ikaw pa ang pinakamatapang na mandirigma dito, nasasaktan ka pa rin. At hindi natin alam ang pwedeng mangyari sa sugat mo kapag lumala.”
“Parang ikaw si Doc Kester kung magsalita. Minsan iyong maliliit na sugat masyadong sineseryoso.”
Kinuha niya ang maliit na punyal at kumuha ang isang prutas na maasim ang katas. “Gagamutin natin ang sugat mo.” Natatandaan niya na iyon ang madalas ipanggamot ni Apo Tulka sa sugat niya noong bata pa siya.
Natigilan siya habang nakatitig sa likuran nito. Parang ayaw niyang gamutin lang ang sugat nito. Parang gusto niyang haplusin ang malakad nitong balikat at ang likod nito saka ihimlay ang pisngi niya dito.
Naguluhan siya sa tinatakbo ng isip. Saan ba nanggaling iyon? Hindi naman siguro niya ito pinagnanasaan? Maganda lang ang katawan nito. Iyon lang. Kailangan niyang ituon ang atensiyon sa paggamot ng sugat nito.
Pumikit ito ng mariin nang akmang papatakan niya ng katas ang sugat. “Huwag! Baka masakit iyan!”
Humalakhak siya. “Kita mo. Takot ka rin pala.” Nang patakan niya ang sugat nito ay kumalma rin ito. Mabilis naman kasing mawala ang sakit niyon.
Nagulat siya nang salubungin niya ang mainit na titig nito. Parang nakakapaso. “Masarap pakinggan ang halakhak mo. Sounds music to my ears.”
“Ha?” usal niya. Parang siya naman kasi ang inaakit ng mga salita nito.
“Sabi ko gusto ko ang tunog ng tawa mo. Saka maganda ka kapag laging nakangiti. Sana lagi kang ngingiti para sa akin.”
“Ipagamot mo ito kay Dresdana bukas. May alam siyang mas epektibong gamot para diyan,” aniya at iniwas ang tingin dito. Nanginginig ang kamay niya nang ilapag niya ang punyal. Sinabihan lang siyang maganda, nagpadala na siya.
Ano ba ang ginagawa nito sa kanya? Hindi naman siya katulad ng ibang babae na basta basta nagpapaakit sa isang lalaki. Wala iyon sa plano niya. Ang gusto lang niya ay ang magandang kinabukasan para sa Aringan. Naikulong lang siya sa isang kubo kasama si Mark Ashley, nag-iba na ang isip niya.
“Sa palagay ko hindi ko na kailangan pang magpatingin kay Dresdana. Gagaling na ako dahil sa iyo.”
Napalunok siya nang nanatili pa rin ang mainit na titig nito sa kanya. “G-Gusto mo pang kumain?”
Tumango ito at sumubo ng tapa ng baboy ramo. Pinigilan niya ang sarili na tumingin dito subalit minsan ay di niya maiwasan ang tumingin. Parang sinasakal siya at hindi makahinga ng maayos kapag iniiwas ulit niya ang tingin sa takot na mahuli siya. Nararamdaman din niya ang pagsulyap nito sa kanya. Paano ba siya makakatagal sa gabing iyon? Hindi niya mabalewala ang presensiya nito.
Napapitlag siya nang hawakan nito ang kamay niya. “Daeia, nasabi ko na sa iyo na maganda ka, hindi ba?”
“Oo. Bakit sinasabi mo na naman iyan?” nanghihina niyang tanong. Gusto rin sana niyang bawiin ang kamay niyang hawak nito subalit di niya magawa. Pati ang buong katawan niya ay nanghihina na.
Inilapit nito ang mukha sa kanya. “Hindi ko rin alam kung bakit sinasabi ko. Ang totoo ayoko ngang malaman mo na nagagandahan ako sa iyo kahit na nagsusungit ka at hindi ka ngumingiti.”
Nahigit niya ang hininga. Parang mauubusan siya ng hininga. Isang pulgada na lang yata ang layo ng mukha nila sa isa’t isa. “Ashley, masyadong malapit ang mukha mo sa akin.”
“Bakit hindi mo ako itulak palayo?”
sinalubong niya ang naghahamon nitong mga mata. Tama. Kailangan na niyang lumayo dito. Kung hindi pa niya gagawin iyon ngayon, hindi na niya maaring mapigilan ang mga susunod na mangyayari.
Humawak siya sa balikat nito. Subalit sa halip na itulak palayo ay kinabig pa niya ito. Tinawid din niya ang pagitan ng mga labi nila.
Kabaliwan marahil ang ginawa niya subalit wala na siyang kontrol pa sa sarili niya. Alam niyang mali subalit hindi na niya magawa pang bumitiw dito. Hindi na rin niya halos nakikilala ang sarili niya.
Parang may sumapi sa kanya na ibang nilalang at pinapanood lang niya ang lahat ng nangyayari. Nararamdaman niya ang bawat haplos, bawat halik at tama ang lahat sa pakiramdam niya.
Nawala na ang inhibisyon niya. Ginawa niya ang idinidikta sa kanya ng isip niya. Sinunod niya ang pakiramdam niyang tama. Wala na siyang pakialam pa kung ano ang mali. Naputol na ang tanikalang nakatali sa kanya habang nasa bisig nito.
NAGISING si Daeia sa huni ng mga ibon. Masarap talagang gumising at malaman na nasa Aringan siya. Nasapo niya ang ulo nang tumama sa mata niya ang sikat ng araw mula sa siwang ng kubong tinutuluyan niya. Umaga na pero parang ayaw pa niyang bumangon. Kakaiba ang bigat ng katawan niya.
May umungol sa tabi niya. Boses ng isang lalaki. Biglang nawala ang antok niya. May lalaki sa tabi niya?
Dahan-dahan siyang lumingon. Natuklasan niya na ang isang palad niya ay nakalapag sa matipunong dibdib nito. Na parang natural lang sa kanya na matulog na may katabing isang lalaki. Di pa niya iyon nagawa sa tanang buhay niya.
Mabilis niya iyong binawi na parang napaso. May lalaki nga sa tabi niya! Tiningala niya ang nahihimbing na mukha nito. Si Mark Ashley ang katabi niya. Nakaunan pa siya sa braso nito.
Nakulong nga pala sila sa kubong iyon nang nagdaang gabi. Kaya siguro nakatulog sila ng magkatabi. Bumalikwas siya ng bangon. Dumausdos ang kumot sa katawan niya at natuklasan niyang hubad siya sa ilalim niyon. Nanlaki ang mata niya nang makitang hubad din ito.
Pumunot ang malakas na tili niya. Hindi! HIndi pwedeng mangyari iyon. Bakit hubad silang dalawa? Nangyari ba ang ayaw niyang mangyari?
Nagising si Mark Ashley sa lakas ng tili niya. “Anong nangyari? May sunog ba? May giyera? Ini-invade ba tayo ng alien?”
Muli siyang tumili at tinakpan ang mukha dahil tuluyan nang tumambad ang hubad nitong katawan nang bumaba ito sa papag.
Niyugyog nito ang balikat niya. “Anong nangyayari sa iyo?”
Itinulak niya ito palayo. “Huwag mo akong hawakan. M-Magbihis ka nga!”
Namaywang ito na parang ipinagmamalaki pa sa kanya ang kakisigan nito. Parang sanay itong iparada ang hubad na katawan sa mga babae. “What the heck is wrong? Mukha ba akong halimaw at parang takot na takot ka?”
Hinablot ang kumot at binalot ang sarili. “B-Basta huwag mo akong hahawakan. Lumayo ka sa akin! Huwag mo akong titingnan.”
Kinamot nito ang ulo at saka hinablot ang pantalon at isinuot. Nasa sahig din ang kubo ang mga damit niya at nagkalat. Nanginig ang katawan niya. Nakakalat ang ebidensiya ng nangyari kagabi subalit Malabo pa sa kanya ang lahat. Hangga’t maari ay ayaw niyang alalahanin. Baka hindi na niya kaya pang harapin ang sairli matapos iyon. Ano nga ba ang ginawa niya kasama ito?
“Give that virgin act a rest! Matapos mo akong akitin kagabi, ngayon naman parang diring-diri ka sa akin.”
Matalim niya itong sinulyapan. “Ako? Inakit kita? Ikaw ang ang lumapit sa akin.” At least iyon ang di niya nalilimutan.
“Ikaw ang kumabig sa akin.”
Namutla siya nang maalala ang parting iyon. Tama. Siya ang naging agresibo. Sa halip na itulak ito palayo ay siya pa ang humalik dito. Naisubsob niya ang mukha sa palad. Unti unti nang nagbabalik ang lahat. Parang isang magandang panaginip pero paggising niya ay bangungot na lahat. Ibinigay nga niya ang sarili dito.
“Hindi. Hindi totoo iyon,” mahinang usal niya.
“Huwag kang magkunwaring inosente!”
Inangat niya ang mukha. “Inosente ako!”
Napahagulgol siya ng iyak. Baliw nga marahil siya kagabi. Ang pinakaingat-ingatan niya nang mahabang panahon ay isinuko na lang niya dito.
Dumilim ang mukha nito. Naalala siguro nito kung paano siya nasaktan at umiyak sa pag-iisa nila. “Damn! Damn it all to hell!”
Hindi niya alam kung kanino ito galit. Sa kanya o sa sarili.
Tinadyakan nito ang pinto at bumukas iyon. Lumabas ito at ibinalibag ang pinto. Hindi niya mapigilang lumuha habang nagbibihis. HIndi na siya buo. Paano pa niya mahaharap ang sarili? Isa siyang guro. Paano niya matutupad ang pangarap niya sa kabataan ng Aringan kung hindi siya magandang ehemplo? Ibinigay niya ang sarili sa lalaking hindi naman niya asawa.
At si Mark Ashley. Anong sasabihin nito dito? Kaya ba niya itong harapin lalo na’t nakita at nakuha na nito ang lahat sa kanya? Di yata niya kaya.
Nanlulumo siyang lumabas ng kubo sa pag-aakalang wala na si Mark Ashley. Nagulat pa siya nang makita itong nakatayo sa baba ng kubo. “Nandito ka pa?”
“Hindi naman kita pwedeng iwan kita.”
Madilim pa rin ang mukha nito pero hindi pa rin iyon nakabawas sa kaguwapuhan nito. Dahil ba sa kaguwapuhan nito kaya siya nagpadala? Ganoon pa siya kababang babae? Kailan pa siya tumingin sa pisikal na anyo lang ng isang lalaki? Parang may hindi tama sa nangyayari.
“Ashley… ano…”
Hinaklit nito ang kamay niya. “Kakausapin natin ang katribo mo.”
“Ha? Ano naman ang sasabihin natin?” Sasabihin ba nito na wala na itong responsibilidad sa kanya? Babalik na ba ito sa Maynila at itutuloy ang buhay nito na parang wala lang nangyari sa kanilang dalawa?
“Hindi ko rin alam. I just want to get out of here.”
Isa lang ang ibig sabihin niyon. Malaking problema ang kinakaharap nila.