Stallion Series (Sofia Edition) Chapter 248

Napakatahimik ng tribo nang dumating sila Daeia at Mark Ashley. Marahil ay natutulog pa ang karamihan dahil sa kasiyahah nang nagdaang gabi. Tahimik din rin si Mark Ashley subalit na ramdam na ramdam niya ang tensiyon nito. Habang siya naman ay lumulutang pa rin ang isip at sumusunod lang kung saan ito pumunta dahil mariin pa rin nitong hawak ang kamay niya.

“O! Bakit bumalik agad kayo?” tanong ni Haru na may bitbit na basket ng gulay nang makasalubong nila. “Sana magpahinga pa kayo.”

“Nasaan ang mga kasama ko?” anang si Mark Ashley.

“Nakaalis na sila kanina dahil sinundo sila ng sasakyang lumilipad.”

Nasapo ni Mark Ashley ang noo. “Damn! Iniwan na nila ako.”

“Kailangan kong makausap si Apo Tulka,” usal niya. Sa ngayon ay ito lang ang maari nilang makausap tungkol sa mga nangyari.

Pareho pa silang nagulat ni Mark Ashley nang magsalita si Apo Tulka na nakatayo sa di kalayuan. “Maaga pa para sa inyong paggising subalit binabati ko na kayong dalawa.” Parang inaasahan na sila nito.

Mabilis siyang binitiwan ni Mark Ashley. Marahil ay nadagdagan ang tensiyong nararamdaman nito. Isa siyang dalaga ng tribo at ginalaw siya nito. Ano nga ba ang nakatakdang mangyari sa kanila?

Hindi nawawala ang ngiti ni Apo Tulka nang nasa loob na sila ng kubo nito at pinaiinom sila ng tsaa. Nanginginig ang kamay niya nang akmang dadamputin niya ang tasa nang magsalita si Mark Ashley. “Apo Tulka…”

“May nangyari pong hindi inaasahan…” bigla ay dugtong niya.

“Hindi naman po namin sinasadya pero…” wika pa rin ni Mark Ashley.

Ngumiti lang si Apo Tulka at marahang uminom ng tsaa. Ni hindi man lang ito nakikisali sa tensiyong nararamdaman nila. “Hindi kayo dapat na magtaka sa nangyari. Ang pag-iisa ay isang magandang bagay. Ang simula ng buhay.”

“Hindi naman po talaga ninyo alam ang nangyari,” giit ni Mark Ashley.

Direkta itong tiningnan ni Apo Tulka sa mga mata. “Alam ko ang mga nakatakdang nangyari at alam ko ang nangyari. Kaya huwag na ninyong isipin pa ang bumabagabag sa inyo.”

Napalunok siya. May kakayahan nga pala si Apo Tulka na malaman ang hinaharap. Ang ibig sabihin ay alam na nito ang nangyari sa kanila ni Mark Ashley kahit na hindi pa sila magsalita.

Pinagsalikop niya ang palad. “Lolo, alam ko pong mali ang mga nangyari…”

Hindi niya maituloy na di iyon nararapat sa isang dalagang Aringan. Marahil ay pagsubok lang sa kanya ang nangyari kagabi at bumagsak siya sa pagsubok. Ngayon ay nanganganib ang kinabukasan niya.

“Kasal na kayo. Ano ba ang ikinakatakot ninyo?” tanong ni Apo Tulka.

“Kasal?” sabay nilang bulalas ni Mark Ashley.

Tumango-tango si Apo Tulka. “Tama. Kasal na kayo. Ang ritwal na ginanap kahapon sa pag-iisa ng tribo at ng mga haring pumapatnubay sa amin ay siyang pagbibigkis din para sa inyong dalawa. Kailangan ninyong maging isa para tuluyang magkaroon ng katuparan ang lahat ng iyon.”

Umuugong sa tainga niya ang sinabi nito. Kasal na silang dalawa ni Mark Ashley. Isang tunay na kasal at hindi lamang isang laro.

“Apo Tulka, nagbibiro lang po kayo!” mahina niyang usal. Hindi siya makapaniwala dahil pakiramdam niya ay tinraidor niya.

“Ibig bang sabihin kahit sinong lalaki ay ipapakasal ninyo sa kanya?” pagalit na tanong ni Mark Ashley.

“Ipinakasal lang namin sa kung sino ang nakatakda. At ikaw ang nakatakda para sa kanya, binata. Ikaw ang karapat-dapat para sa alay.”

Biglang tumayo si Mark Ashley. “Kalokohan po ang sinasabi ninyo. Alam ko na bastos ako pero anong klaseng mga tao kayo. Sinadya ninyo kaming ikulong sa kuwarto, hindi ba? At iyong alak na ininom namin ay hindi ordinaryong alak. I am sure it is an aphrodisiac. Pinaglaruan lang ninyo kami!”

Ang alak! Kaya pala hindi normal ang nararamdaman niya. Hindi niya kontrolado ang sarili niya dahil sa mismong alak na ininom niya.

Parang binubugbog puso niya sa bawat akusasyong lumalabas sa bibig ni Mark Ashley. Parang isang patibong sa kanya ang lahat. Ito ba ang kabayaran para muli siyang tanggapin ng tribo? Ang isuko ang kinabukasan niya para sa mga ito?

Gusto niyang umiyak subalit wala nang luhang lumalabas sa mga mata niya. Alam ng lahat ang maaring sapitin niya maliban sa kanya. Tiningala niya si Mark Ashley. Nang mga oras na iyon, parang ito lang ang nagmamalasakit sa kanya.

“Maaring isang simpleng palakasan lamang sa iyo ang aming ritwal, binatang tagapatag. Subalit isa iyong malaking responsibilidad para sa aming tribo. At si Daeia bilang isang alay ay dapat na nakatakda sa lahat ng mangyayari,” malumanay na wika ni Mark Ashley. “Isa iyan bagay na di mo maaring maintindihan kahit kailan.”

Nakuyom ni Mark Ashley ang palad. “Tama. Hindi nga maiintindihan iyon ng isang tulad ko.” Hinawakan nito ang kamay niya at hinatak siya patayo. “Halika na!”

“S-Saan tayo pupunta?” tanong niya nang hilahin siya nito palabas ng kubo ni Apo Tulka.

“Aalis na tayo dito. Dadalhin na kita sa malayo.”

“Iyon ang tama dahil ang lugar ng isang babae ay sa tabi ng kanyang asawa,” wika ni Dresdana na nasa labas lamang ng bahay ni Apo Tulka. Mukhang narinig din nito ang lahat ng pinag-usapan nila.

“Huwag mong kausapin ang asawa ko! Sarili mong kapatid pero tinraidor mo rin siya!” nagpupuyos na wika ni Mark Ashley. “Tama ka. Ilalayo ko siya dito. Hindi siya nababagay sa lugar na ito. Hindi ko na rin siya ibabalik dito kahit kailan.”

Kumapit siya sa braso ni Mark Ashley. “H-Hindi ako pwedeng umalis.”

Ang Aringan ang itinuturing pa rin niyang tahanan. Nais pa rin niya ang pagtanggap ng mga ito. Paano na ang pangarap niya para sa tribo?

Mariin na hinawakan ni Mark Ashley ang balikat niya. “Hindi kita iiwan dito. Pinaiikot nila tayo. Bakit nila tayo ikakasal nang hindi natin alam?”

Tumulo ang luha sa mga mata niya at napayuko siya. “Hindi mo kasi maiintindihan! Importante sa akin na manatili dito.”

Gusto niyang isipin na para sa kabutihan pa rin niya ang ginawa ng tribo.

“Isang malaking kalokohan ang ginagawa nila sa iyo. Sa atin.”

“Huwag sana kayong magagalit,” malumanay na wika ni Dresdana. “Sinusunod lang namin ang gusto ng mga anito.”

“Hindi na kami makikinig sa paliwanag mo,” mariing wika ni Mark Ashley. At parang ayaw na rin sana niyang makinig. Lalo lamang siyang nasasaktan.

“Daeia, naalala mo ba ang sinabi ko sa iyo noon? Kailangan mong maging matatag sa mga pagdadaanan mo para maging masaya. Tatagan mo ang loob mo!”

“Mali ka. Hindi na ako magiging masaya,” mahina niyang usal. Pakiramdam niya ay bumagsak ang mundo niya pati ang natitira niyang pag-asa.

Tumigil si Mark Ashley sa paglalakad at nilingon ito. “Sa palagay mo magiging masaya pa siya sa ginawa ninyo?” sigaw nito.

“Nasa mga kamay mo na ang kaligayahan ni Daeia.”

“Kukunin ko lang ang mga gamit ko,” taas noong wika ni Mark Ashley. “Subalit walang anumang kukunin si Daeia mula sa tribong ito. Asawa ko na siya at ako na ang mangangalaga sa kanya mula ngayon.”

ANIMO’Y gintong kumikislap na pilak ang pagtama ng sikat ng araw sa tubig ng Lawa ng Monandra. Hinihintay na lang nila ang pagbalik ng chopper na susundo sa kanila ni Mark Ashley. May clearing ground kasi sa tabi ng lawa.

Akala niya ay magiging buo siya sa pagbalik niya sa Aringan. Sa halip ay uuwi siyang bigo. Malaki pa ang nagkulang sa buhay niya ngayon.

Inabot niya ang cookies sa kanya. “Kumain ka muna. Pagdating natin sa riding club, saka tayo babawi sa pagkain.”

Umiling siya. “Wala akong ganang kumain.”

Umupo ito sa tabi niya. “Masyadong malalim ang iniisip mo. Hindi mo naman siguro iniisip na takasan ako.”

Maari siyang maging total outcast sa Aringan kapag tinakasan niya ang asawa niya. Isa iyong malaking kahihiyan sa tribo. Lalo siyang mawawalan ng pag-asa. At bilang alay ay mas mabigat ang responsibilidad niya.

“Hindi ko maaring gawin iyon. Hindi karaniwan ang kasal natin. Ako ang sumisimbolo sa aming tribo at ikaw naman sa tagapatnubay ng…”

“Puro tribo na lang ba ang iisipin mo? Paano naman ang sarili mo?”

Niyakap niya ang sarili. “Natatakot ako kung ano ang mangyayari sa akin. Hindi naman kita kilala. Pagkatapos naibigay ko ang lahat sa iyo.”

“Mas lalong hindi ko alam na ikakasal ako. Alam mo ba na noong isang buwan lang, wala pa sa isip ko ang pagpapakasal. Naisip ko lang na seryosohin ang kasal dahil tumatanda na ako. Thirty na ako. Heto kasal na ako. Hindi ko alam kung nakakarma ako sa mga babaeng napaiyak ko dati.”

Huminga siya ng malalim. Parang isang parusa nga naman dito ang mga nangyari. Siguro nga ay karma iyon para dito. Paano siya? Ano ang nagawa niyang mali samantalang sa una pa lang ay kapakanan na ng tribo ang nasa isip niya.

“Ashley, hindi mo ako kailangang isama. Hayaan mo ako. Isipin mo na isa lang masamang panaginip. Na isa lang ako sa babaeng dumaan sa buhay mo.”

“Nangako ako sa sarili ko na ang susunod na babaeng gagalawin ko ang pakakasalan ko. Well, kasal na tayo bago pa may nangyari sa atin. Kaya hindi kita maaring iwanan dito. Responsibilidad na kita.”

May humaplos sa puso niya. Kung ibang lalaki kaya ay seseryosohin siya? Nakakatuwang malaman na hindi siya nito pababayaan. Nang mga oras na iyon, ito lang ang maituturing niyang kakampi.

Tumayo ito nang marinig ang ugong ng paparating na chopper. “Nandito na ang sundo natin. Huwag kang matatakot. Hindi kita pababayaan.” Kinamayan ni Mark Ashley ang piloto at co-pilot ng chopper nang umakyat sila. “This is Daeia. Mga kasamahan ko sa trabaho, si Aldrin at Darwin.”

Tumango lamang siya nang kamayan siya ng dalawa. Ang totoo ay unang beses pa lang niyang sasakay ng chopper. Nakakatakot.

“Mag-relax lang kayo. Kami ang bahala sa inyo,” wika ni Aldrin.

“Hmm… ayusin natin ang seatbelt mo.”

Dumukwang sa kanya ni Mark Ashley at inayos ang seatbelt niya. Pigil niya ang paghinga dahil malapit ang mukha nito sa kanya. Bakit ganoon? Wala naman na siguro ang epekto ng alak sa kanya subalit bakit parang sinisilaban pa rin siya kapag masyado itong malapit sa kanya.

“Tama na ang…” Natigilan ito sa pagsasalita nang magsalubong ang mga mata nila at natuklasan nitong sobrang lapit nga sila sa isa’t isa. Mabilis itong lumayo. “Magpahinga ka muna. Gigisingin kita kapag nandoon na tayo.”

Inilahad niya ang palad. “Hawakan mo ang kamay ko. Natatakot ako.”

Ngumiti ito at ginagap ang kamay niya. “Sabi mo, eh!”

Bahagyang gumaan ang pakiramdam niya subalit nakadama naman siya ng lungkot nang unti-unting lumiliit ang Aringan sa paningin niya. Kailangan na ba niyang kalimutan ang lahat ng pangarap niya para dito?

DI MAALIS ang ngiti ni Daeia nang matanaw ang Taal Lake at Taal Volcano. Nakapunta na siya sa Tagaytay noon at nakita iyon subalit iba pala kapag nakikita iyon mula sa itaas. Parang masarap na lumipad.

“Maganda, hindi ba?” bulong sa kanya ni Mark Ashley. “Kaya nga pinili ko na maging piloto dahil gusto kong lumipad. Minsan isasama kitang sumakay dito at ako naman ang magiging piloto mo.”

“Saan tayo pupunta?” tanong niya.

Itinuro nito ang isang bahagi sa gilid ng lake. “Doon tayo sa Stallion Riding Club. Mula ngayon, iyon na rin ang magiging bahay mo.”

Muntik nang bumagsak ang panga niya. “Stallion Riding Club?”

“Kung hindi mo naitatanong, sikat na sikat ang riding club namin. Hindi lahat ng babae makakapasok diyan. At karamihan ng babae sa Pilipinas gustong pumasok diyan kaya maswerte ka dahil sa akin.”

Sino ang hindi nakakakilala sa Stallion Riding Club? Eksklusibo iyong club para sa mga mamayamang lalaki sa bansa. May sariling riding facility ang lugar. Madalas niya iyong nakikita sa mga commercial. Sumali pa nga siya sa raffle ng Stallion Shampoo and Conditioner dati dahil gusto niyang magkapera. Ngayon ay makakapasok na siya sa lugar na iyon.

Nanlaki ang mata niya ang makita ang mga kabayo na tumatakbo. Halos idikit niya ang mukha sa salamin para makitang mabuti. “Ang ganda!”

“Karaniwan mo na iyang makikita dito sa riding club.”

Di nagtagal ay lumapag na sila. Napaurong sila pareho ni Mark Ashley nang paglabas nila ay salubungin sila ng tunog ng mga gong at tambol. May mga nagsasayawan pa ng tradisyunal na sayaw ng taga-Cordillera.

“A-Anong mayroon dito?” tanong niya.

“Nandito kami para salubungin kayo,” sabi ni Richard Don na nakasuot ng woven vest na ethnic ang design at tali na may balahibo. Maong na pants naman ang pambaba nito. “Maligayang pagdating sa Stallion Riding Club, Daeia.”

Hinawakan ni Richard Don ang kamay niya nang iamba ni Mark Ashley dito ang nakakuyom na palad. “Huwag mo siyang hahawakan!”

“Come on! We are like cousins now! Wine-welcome lang namin kayo. Ang totoo naghihintay ang mga bisita sa restaurant ko,” wika ni Richard Don.

“Anong ibig sabihin nito?” mariing bulong ni Mark Ashley at ikinawit ang braso sa leeg ni Richard Don.

“We should celebrate because it’s your wedding.Your bachelor days are over.”

Pinisil ni Mark Ashley ang pisngi ninyo. “Alam mo na kasal kami?”

“Oo. Sinabi sa akin ng mga kainuman ko kagabi. Since plano naman natin na magpa-party dahil sigurado akong isa sa atin ang mananalo, pinili ko na lang na ibahin ang dahilan ng celebration natin. Proper welcome para sa cousin-in-law ko,” nakangising sabi ni Richard Don at sumakay ng kotse.

“I will kill you for this,”anang si Mark Ashley sa nagtatagis na ngipin.

“Bakit? Ayaw mo bang malaman nila na kasal na kayo?”

Nilingon siya ni Mark Ashley at huminga ng malalim. “Gusto ko munang sanayin si Daeia sa buhay dito. Ayoko siyang biglain. Isa pa, paano ako magpapaliwanag sa ibang tao? Ni hindi pa alam nila Mommy na kasal ako.”

Humalakhak si Richard Don. “Dadating sila ni Tita Nancy bukas.”

Hindi na niya pinansin pa ang usapan ng magpinsan. She had her own dilemma. Hindi biro biro ang Stallion Riding Club. Puro mayayaman ang mga tao doon. Paano kung snob ang mga ito? Tanggapin kaya siya ng mga ito? Muli ay parang mahihirapan na naman siya na tanggapin ng ibang tao.

Nagulat siya nang nakangiting mga mukha ang sumalubong sa kanila ni Mark Ashley. “Mabuhay ang bagong kasal!” hiyawan ng mga ito at sinabuyan sila ng bigas na may talulot ng bulaklak.

Sinalubong sila ni Richard Don ng mga bumabati. Una na ang mag-asawang Reid at Tamarra. Ang mga ito pala ang may-ari ng Stallion Riding Club. Ang iba ay mga miyembro ng riding club at nobya o asawa ng mga ito.

Lahat ng pagkain ay finger food at hindi na kailangang gamitan pa ng kubyertos. Lahat ay nakakamay at kumakain sa tingting plate na may dahon ng saging na sapin. Sa palagay niya ay ginawa iyon bilang konsiderasyon sa kanya.

Pinagkulumpunan siya ng mga babae. Parang isa siyang specie na ngayon lamang nakita ng mga ito. Lahat ay curious.

“Ang ganda naman ng damit mo,” sabi ni Jenna Rose na isang fashion designer. “Alam mo ba na ngayon lang ako nakakita ng ganyang style ng weaving?”

“You look so young and innocent,” wika ni Rei. “Ang ganda pa ng balat mo. Kahit morena, makinis ka.”

“And the hair… pang-Stallion Shampoo,” sabi ni Saskia.

“Paano kaya napangasawa ni Ashley ang isang inosenteng tulad mo,” iiling-iling na sabi ni Danzelle Ann. “Mag-iingat ka dahil babaero iyan.”

“Danz, akala ko ikaw lang ang kakampi ko dito,” saway dito ni Mark Ashley.

“Kapag lang si Richard Don ang pinagtutulungan natin. Pero pagdating sa kabaro ko, siyempre iyong girl ang concern ko. Lalo na itong asawa mo. Parang walang muwang sa mundo. Menor de edad pa ata ito.”

Namutla si Mark Ashley. “M-Menor de edad ka pa?”

“Twenty-one na si Dresdana. Twenty one na rin siya,” wika ni Eizhiro.

Nakahinga nang maluwag si Mark Ashley. “I am saved.” Nagtawanan ang lahat.

“Daeia, huwag kang mag-alala. Hindi mo poproblemahin ang mga babae ni Mark Ashley. Ako na ang bahala sa kanilang lahat,” tuwang-tuwang wika ni Richard Don.

Inipit ni Mark Ashley ang leeg nito. “Aha! Kaya mo ipinagkalat sa lahat ang kasal namin. Sabi na nga ba’t may ulterior motive ka.”

“Huwag mo akong patayin! Sayang ang lahi ko!” sigaw ni Richard Don. Umugong ang tawanan sa buong restaurant. Nagugustuhan na niya ang riding club.

NovelDark

Your free library of light novels, web novels and translations. Romance, fantasy, action, drama — thousands of chapters updated daily, no signup needed.

Genres

© 2026 Noveldark. All rights reserved.