Tinakpan ni Daeia ang bibig nang mapahikab siya. Halos di matapos ang kasiyahan para sa kasal nila ni Mark Ashley. Napilitan na silang umalis nang mapansin nito na pagod na pagod na siya at inaantok.
“Malapit na tayo sa villa ko. Pwede ka nang matulog pagdating natin,” wika ni Mark Ashley habang sakay sila ng golf cart na service sa riding club.
Simple lang ang bahay ni Mark Ashley sa labas subalit pagpasok niya ay napaka-elegante ng disenyo na nadodominahan ng kulay brown. May malaki rin iyong bintana kung saan matatanaw ang lake. Mas maganda marahil doon kung umaga at makikita ang magandang view.
“Daeia, kailangan mo nang magpahinga,” untag nito sa kanya.
Nilingon niya ito. “Saan ako matutulog?”
“Sa kuwarto ko.”
“Ano? Sa kuwarto mo?” bulalas niya.
“Ano ang masama? Mag-asawa naman tayo.”
Nahigit niya ang hininga. “A…Ano… kasi….” Hindi pa siya handa na magsama sila sa isang kuwarto. Ni hindi pa nga siya handa na tanggapin ito bilang asawa. Tama nang minsang may nangyari sa kanila pero di na iyon mauulit pa.
Napakamot ito sa ulo. “Sige na nga. Sa guestroom ka na lang.”
Nakahinga siya ng maluwag dahil di ito nagpilit. May feminine touch ang guestroom nito. May king size bed doon at kumpleto sa appliances.
May binuksan itong pinto. “Ito ang banyo.” Hinila nito ang kamay niya. “Ito ang gagawin mo para lumabas ang tubig sa shower. At ito ang pipihitin mo para lumabas ang mainit na tubig. Ito naman ang shampoo.”
Matiyaga pa nitong ipinaliwanag sa kanya ang paggamit ng shampoo at sabon. Maging ang paggamit ng toothbrush at toothpaste ay itinuro nito. Gusto sana niyang sabihin na alam na niya ang lahat pero di siya makasingit. Inaliw na lang niya ang sarili sa pagtuturo nito,
“Naiintindihan ko na iyan,” wika niya.
“Hindi. Mas maganda pa siguro kung sabay na lang tayong maligo.”
“Ano?” bulalas niya. “Ayoko nga!”
“Paano kung madisgrasya ka dito? O kaya hindi mo alam ang gagawin. O kaya walang magsasabon sa likod mo. Mabuti nang kasama mo ako.”
Hindi niya alam kung concern nga ito sa kanya o gusto lang siyang utakan. Maasim siyang ngumiti. “Sinabi ko nang kaya ko na.” At ibinalibag niya ang pinto.
Kinatok nito ang pinto. “Pwede rin tabi tayong matulog, Daeia. Baka kasi managinip ka ng masama. Kailangan mo ng yayakap sa iyo.”
Binuksan na lang niya ang shower at sinimulan ang paliligo. Siguro naman ay titigil na ito at babalik na sa sarili nitong kuwarto dahil di na siya sasagot. May kalahating oras din marahil siyang nag-shower. Ilang beses din siyang nag-shampoo ng Stallion Shampoo and Conditioner. Nakabawas sa sakit ng katawan niya ang mainit na tubig at ang mabangong amoy ng shampoo.
Nakasuot na ang roba niya nang matuklasan niyang may kulang. Wala siyang damit na isusuot. Nagmatigas kasi si Mark Ashley na walang kukuning gamit niya kaya lahat ng gamit niya ay naiwan sa Aringan.
“Ano nang gagawin ko?” Di pwedeng naka-robe lang siya. Hindi siya magiging komportable doon.
Dahan-dahan niyang binuksan ang pinto at nagulat siya nang biglang sumilip doon si Mark Ashley. “May kailangan ka ba?”
Napahawak siya sa dibdib sa sobrang pagkagulat. “Nandiyan ka pa pala. Ano… wala kasi akong damit na maisusuot.”
Ngumiti ito. “Walang problema iyan. Nagregalo si Jenna Rose ng damit sa iyo dahil alam niyang wala kang gagamitin.”
May sexy na negligee na nakalatag sa kama at may ka-partner na silk robe. Namula siya nang makita ang underwear na nakalatag din doon.
“M-Magpapasalamat ako sa kanya bukas.”
Dinampot nito ang panty. “Gusto mong malaman kung paano ito isuot?”
Hinablot niya ang panloob mula dito. “Alam ko kung paano gamitin iyan.”
Napakamot ito sa ulo. “Bakit marami ka naman yatang alam?”
Di niya maiwasang ngumiti. Ang alam pala nito ay isa siyang tagabundok na walang alam pagdating sa sibilisasyon. Subalit na-appreciate niya ang effort nito para pagsilbihan siya at ibigay ang lahat ng kailangan niya.
“Magpahinga ka na. Alam ko na pagod ka rin tulad ko. Huwag mo na akong isipin. Kaya ko na ang sarili ko.”
Ginagap nito ang kamay niya. “Alam ko na mahirap sa simula. Hindi madali na makibagay sa mundo namin. Pero sisikapin ko na ibigay ang lahat sa iyo bilang asawa mo. Poprotektahan kita at walang mananakit sa iyo.”
Ngumiti siya. “Salamat sa lahat.”
Hinaplos nito ang pisngi niya. “Goodnight.”
“Goodnight, Mark Ashley,” usal niya nang makalabas ito ng pinto.
Nang humiga siya sa kama ay mukha nito ang nakikita niya. Nang ipikit niya ang mata ay nasa isipan pa rin niya ito. Nagsisimula na niya itong magustuhan.
PAGOD na pagod si Daeia. Sa palagay niya ay mahaba ang naging tulog niya. Malamig ang hangin sa Stallion Riding Club kaya masarap ang tulog niya. Gusto pa sana niyang ituloy ang pagtulog subalit naramdaman niya na may nakatingin sa kanya. Unti-unti niyang idinilat ang mga mata at dalawang babae ang bumuglaw sa kanya. Kung tingnan siya ng mga ito ay parang specimen siya sa microscope.
Bumalikwas siya ng bangon sa sobrang pagkagulat. “S-Sino po sila?”
Umupo sa kama ang mas nakababata sa dalawa. “Ako ang mommy ni Mark Ashley. Call me Mommy Girl. At siya naman si Tita Nancy.”
“S-Siya po ang lola ni Ashley?” tanong niya.
Nanlaki ang mata ni Nancy. “Ano? Tita lang ang tawag ni Ash sa akin. Hindi pa ako matanda, hija. Look at my face. Batang-bata pa ako. Tita Nancy, remember!”
“Mano po.” At dali-dali siyang nagmano sa dalawa.
“I hate this girl. She makes me feel old,” wika ni Nancy at hinalikan siya sa pisngi. “Huwag ka nang magmamano sa akin, hija. Ayoko pang tumanda.”
“Pasensiya na po,” nakayuko niyang wika.
“Tita, huwag mong takutin si Daeia. Nandito tayo para I-welcome siya,” anang si Mommy Girl sa magaang boses. “Huwag mong pansinin si Tita. Ganyan talaga ang matatandang dalaga. Nagsusungit.”
“Anong matandang dalaga? Hindi ako matanda!” singhal ni Nancy.
“Tita, ang lines. Ang mga pores, lumalaki,” paalala ni Mommy Girl.
Minasahe ni Nancy ang pisngi. “Natetensiyon ako. Hindi ako matanda.”
“Pasensiya po kung nakatulog ako,” aniya.
“Ganoon talaga ang magaganda. Dapat mahaba ang tulog,” sabi ni Mommy Girl. “Ang ganda-ganda mo at mukha ka ring mabait. Ano ba ang nakita mo sa anak ko na ubod ng yabang?”
“Wala na siyang magagawa. Kasal na daw sila,” sabi ni Nancy.
“N-Nasaan po si Mark Ashley?” Bagamat mababait naman ang mga ito, di pa rin niya alam kung paano pakikitunguhan ang mga kamag-anak ni Mark Ashley.
“Namili ng gamit para sa iyo. Dapat isasama ka niya pero iniwan ka niya sa amin. Mukhang dinidibdib niya ang pagiging mag-asawa ninyo,” anang si Tita Nancy. “Samantalang di ako maipag-shopping ng batang iyon kahit isang panyo.”
“Kami daw muna ang bahala sa inyo. Mag-ayos ka muna para makapag-agahan ka na,” sabi ni Mommy Girl. “Dumating na rin ang damit na in-order ni Mark Ashley sa boutique ni Jenna Rose. Gusto mo bang ipili kita ng isusuot?”
“Naku! Huwag na po. Abala lang po iyon sa inyo.”
“Pabayaan mo na ako. Wala kasi akong anak na babae. Mula ngayon ikaw na ang anak kong babae, ha?” Niyakap siya nito. “May baby girl na ako.”
Di mawala ang ngiti sa labi niya habang naliligo. Hanggang ngayon ay nararamdaman pa rin niya ang init ng yakap ng mommy ni Mark Ashley. Hindi kasi niya naramdaman ang yakap ng kanyang ina dahil binawi agad ito sa kanila.
Nang dumulog siya sa breakfast table na nakaharap sa may wide window ay di maalis ang tingin sa kanya nina Mommy Girl at Tita Nancy. “Bagay sa iyo ang damit,” wika ni Tita Nancy. Nakasuot siya ng long sleeve na cotton shirt at maong na skirt na may himulmol sa dulo bilang disenyo. “Makinis ang balat mo. Di na kailangan ng make up.”
“Maraming salamat po.” Kumuha siya ng ham at inilagay sa plato. Kumuha rin siya ng tasty. “Kain po tayo. Mukhang marami po ito. O diet po ba kayo?”
“Marunong kang gumamit ng kubyertos?” bulalas ni Mommy Girl.
“May alam ka tungkol sa diet?” tanong naman ni Tita Nancy.
Muntik nang bumara sa lalamunan niya ang pagkain. “Magpapaliwanag po ako. Hindi po kasi ako katulad ng pagkakakilala ni Mark Ashley sa akin.”
“Mukha nga. Ang sabi kasi niya wala ka daw alam. Nakatira ka daw sa bundok na walang kuryente, walang shampoo o sabon at nakakamay ang mga tao,” sabi ni Tita Nancy. “Pero marunong ka naman. Ano ka ba talaga?”
“Ipinanganak po ako sa Aringan at lumaki. Pero nang pitong taon po ako, kinuha po ako ng tatay kong doctor. Nakapag-aral po ako. Ang totoo po niyan, teacher po ako. Nagtuturo po ako sa isang eskwelahan sa Manila. Pasensiya na po kung hindi ko agad naipaliwanag kay Ashley. Wala po kasing pagkakataon.”
“Maganda naman pala ang buhay mo dito. Bakit bumalik ka pa sa tribo mo?” tanong ni Mommy Girl.
Nakadama siya ng lungkot. “Gusto ko pong tanggapin nila ako. Gusto ko rin pong magpatayo ng paaralan para sa kanila. Sinunod ko po ang lahat ng gusto nila para tanggapin nila ako pero ito ang nangyari.”
“Kawawa ka naman, hija,” wika ni Mommy Girl.
“Anong kawawa? Mabait naman si Mark Ashley,” depensa ni Tita Nancy subalit biglang iniwas ang tingin sa kanya. “Mabait sa mga babae.”
“But my son cares for you,” maagap na salo ni Mommy Girl.
“Alam ko po kaya dapat na malaman din niya ang totoo.” Siguro kapag alam na ni Mark Ashley ang totoo ay pababayaan na siya nito.
“Huwag mo namang iwan ang anak ko,” pakiusap ni Mommy Girl. “Ikaw ang pinapangarap kong mapangasawa niya. Hindi pa bukas ang mall pero magsa-shopping na daw siya para sa iyo. Sineseryoso niya ang pagiging mag-asawa ninyo.”
“Napipilitan lang naman po siya,” malungkot niyang usal.
“Darling, enjoy the Stallion Riding Club!” sabi ni Tita Nancy. “Sa palagay ko rin ay makakabuti ka para sa paborito kong apo. Hindi naman siya mahirap mahalin.” Sa kauna-unahang pagkakataon ay ngumiti ito. “At magtatampo talaga ako kapag iniwan mo siya nang hindi mo sinusubukan.”
“DAEIA, where are you?” Sa kauna-unahang pagkakataon ay pinagtaasan siya ng boses ng ama niyang si Dr. Donato Quimson. Nagkaroon siya ng pagkakataon na tawagan ito sa telepono matapos ang agahan. “Bumalik ka sa Aringan, hindi ba?”
“Opo, Tay,” mahina niyang usal.
“Napakatigas ng ulo mo. Nai-discuss na natin ito. Sinabi ko sa iyo na ayokong tatapak ka pa sa lugar na iyon. Di ka nila tatanggapin kahit kailan.”
“Sinubukan ko lang naman po.”
“Talagang hindi kita mapipigilan. Pagdating sa Aringan, handa kang labagin ang mga utos ko. Gusto mo bang mamatay ako sa atake sa puso? Hindi mo idinala ang cellphone mo. Umalis ka habang nasa conference ako. Hindi naman kita pinalaki para maging suwail, Daeia!”
“Sorry po, Tay. Huwag na po kayong magalit.”
Ang totoo ay nakokonsensiya siya. Lahat kasi ay ibinigay ng ama niya para punan ang pagmamahal na di maibibigay sa kanya ng mga taga-Aringan. Subalit kahit anong gawin niya ay di niya nakalimutan ang lupain ng kanyang ina.
“Nasaan ka? Susunduin kita.”
“Hindi na po kailangan. Ako na lang po ang dadalaw sa inyo.”
Magkahiwalay sila ng bahay dahil nakatira siya sa isang apartment malapit sa eskwelahan na pinagtuturuan niya sa Tondo. Ito naman ay isang resident physician sa Philippine General Hospital kaya sa malapit doon ito nakatira.
“Kailan? Kailan ka pa magpapakita sa akin?”
Narinig niya ang ugong ng sasakyan. Dumating na si Mark Ashley. “Tay, mag-usap po tayo kapag nagkita tayo. Magpapaalam na po ako.”
Mabilis niyang ibinaba ang telepono bago pa siya makita ni Mark Ashley.
“I am home!” ngiting-ngiting sabi nito habang bitbit sa dalawang kamay ang mga pinamili para sa kanya. “Para sa iyo lahat ito. Tingnan mo.”
Nanlaki ang mata niya nang makitang puno ang plastic bag ng underwear, feminine wash, sanitary napkin at kung ano-ano pang gamit na pambabae. “H-Hindi mo na sana ginawa ito, Ashley.”
“Alam ko na kakailanganin mo ito lahat. Katakot-takot na kahihiyan pa ang inabot ko kay Mommy para lang malaman ang lahat ng kailangan ng babae. Mabuti na lang din guwapo ako dahil pinagtitinginan nila ako sa grocery.”
“S-Salamat.”
“Kaso kailangan sila Mommy ang magpaliwanag sa iyo ng paggamit ng mga iyan. Hindi ko alam gamitin ang iba diyan.”
Nasapo niya ang pisngi. Kung alam lang niya na ang mga iyon ay bibilhin ni Mark Ashley, pinigilan na sana niya ito. “Kumain ka na ba?”
“Hindi pa nga. Nagluto ba si Tita Nancy?”
“Para sa agahan lang. Pumunta na sila sa Tagaytay Highlands dahil may dadalawin silang kaibigan.” Mas makakapag-usap daw sila ni Mark Ashley kung silang dalawa lang.
“That’s weird. Ang bilin ko huwag kang iiwan.” Ginagap nito ang kamay niya. “Let’s eat out. Kapag kasama kita, baka sakaling ilibre tayo ni Richard Don. Pagkatapos mamimili tayo ng damit sa boutique ni Jenna Rose. Bibilhin natin ang lahat ng mga damit na magugustuhan mo.”
Hindi na siguro kailangan pa. Habang nanananghalian sila mamaya ay ipagtatapat niya dito ang lahat. Hindi na niya ito pahihirapan pa.
“Mark Ashley!” tawag dito ng dalawang babae nang pasakay na sila ng kotse.
Kinawayan ni Mark Ashley ang mga ito. “Sabrina! Lou Ann! Himala yata na magkasama kayong dalawa.”
“Sumunod lang sa akin iyang si Sabrina,” wika ni Lou Ann.
“Narinig namin na may pinakasalan ka daw na mountain girl,” sabi ni Sabrina. “I can’t believe it. Tell me it is not true.”
Nahulaan niya kung sino ang dalawa. Mga babaeng sinasabi ni Mark Ashley na sineseryoso nito. Humawak siya sa braso ni Mark Ashley. Hindi kasi niya nagugustuhan ang komprontasyon na iyon.
“Meet my wife, Daeia,” pagpapakilala ni Mark Ashley.
“She looks cheap,” usal ni Sabrina nang tingnan siya mula ulo hanggang paa.
“I guess she’s a witch. Hindi ako naniniwala na basta basta mo na lang kami ipagpapalit sa babaeng tulad niya. Kinulam ka ba niya?” mataray na wika ni Lou Ann.
“Perhaps it is pikot,” nakaismid na sabi ni Sabrina. “That’s what promdis do. Nagkukunwaring inosente para makapang-akit ng lalaki.”
“How vicious!” Lou Ann remarked.
“Ladies, you better stop it. Alam ko na nasaktan ko kayo. Sa akin na lang ninyo ibuhos ang galit ninyo. Spare my wife.” Niyakap siya ni Mark Ashley. “I am sorry if I hurt you. Pero mula ngayon hindi ko na mapapatawad ang sinuman na mananakit sa asawa ko.”
Natutop ni Sabrina ang bibig. “Do you really like her? How about me?”
“You will find someone better.” Ibinukas nito ang pinto ng kotse. “Pumasok ka na sa loob, Daeia.”
Malungkot niyang nilingon ang dalawa. “Nasaktan ko yata sila.”
“Kailangan na nilang tanggapin ngayon na may asawa na ako.”
“Ashley, hindi ka ba nagagalit sa akin?”
Umiling ito. “Iyon yata ang hindi ko magagawa. Ang magalit sa iyo.”
Sana nga ay hindi ito magalit sa kanya oras na malaman nito ang totoo tungkol sa pagkatao niya. Masasaktan siya oras na anihin niya ang galit nito. Pakiramdam kasi niya ay ito lang ang maari niyang takbuhan.