Stallion Series (Sofia Edition) Chapter 250

“Daeia, bakit hindi mo ginagalaw ang pagkain mo?” untag ni Mark Ashley sa kanya habang ganadong-ganado naman ito sa pagkain. Halos di niya nagalaw ang morcon na in-order nito para sa kanya.

“P-Pasensiya na.” Hawakan pa lang niya ang kubyertos ay nanginginig na siya. Di kasi niya alam kung paano sisimulan ang pagtatapat dito.

“Gusto mo subuan na lang kita?” alok nito. Halos lahat ng galaw niya ay inaalalayan siya nito. Ginagawa nito ang lahat para di siya mailang. Lalo tuloy sumasama ang pakiramdam niya na di niya nasasabi ang totoo.

“Ashley, kailangan kong pumunta sa Manila.”

“Manila? Ano naman ang gagawin mo sa Manila?” nakakunot ang noo nitong tanong at sumubo ng beef tapa.

“Kailangan kong makita ang tatay ko.”

Ginagap nito ang kamay niya. “Daeia, huwag kang padalos-dalos. Malaki ang Manila. Baka mamaya hindi mo alam ang pupuntahan mo.”

“Alam ko! Ashley, hindi ko alam kung saan sisimulan ang paliwanag ko sa iyo pero mas mabuti nang samahan mo ako sa kanya para makilala mo siya. At matapos natin siyang kausapin, saka ko ipapaliwanag sa iyo ang lahat.”

“Hindi! Hindi ka aalis ng riding club. Dito ka lang. Delikado ang Manila.”

Direkta niya itong tiningnan sa mga mata. “Basta huwag ka nang magtanong. Sundin mo na lang ang lahat ng sasabihin ko.”

Mahabang sandali itong hindi nagsalita. Ni hindi na rin nito ginalaw pa ang pagkain. “Sige. Pupunta tayo kung saan mo man gustong pumunta. Pero oras na sabihin ko na uuwi na tayo dito, uuwi na tayo. Wala akong pakialam makita mo man ang tatay mo o hindi. Saan tayo pupunta?”

“Sa PGH,” sagot agad niya.

“PGH? Philippine General Hospital? May sakit ang tatay mo?”

Huminga siya ng malalim. “Sabi ko mamaya na ako magpapaliwanag oras na makita na natin siya, hindi ba?”

Itinaas nito ang mga kamay. “Alright! Pupunta na tayo doon.”

A few hours of travel from Tagaytay City to Manila seemed like eternity. Walang sinuman sa kanila ni Mark Ashley. Pareho silang tensiyonado. Sana lang kapag nasabi na niya ang totoo dito ay maintindihan nito.

Nang dumating sila sa PGH ay tahimik lang din itong sumunod sa kanya. Nang makarating sa opisina ng daddy niya ay sinalubong siya ng matandang sekretarya nito. “Daeia! Mabuti dumating ka na. Galit na galit si Doc.”

“Nasa loob ba si Tatay? May pasyente pa ba siya?”

“Wala na. Sakto lang dating mo.” Nilingon nito si Mark Ashley. “Wow! Ang guwapo naman ng kasama mo. Hi, Pogi!”

“Ate Malou, taken na iyan,”sabi niya at hinawakan ang kamay ni Mark Ashley.

Sakto naman na bumukas ang pinto. “Malou, wala na ba akong pasyente?”

“Tay!” tawag niya kay Dr. Quimson.

Nagdilim ang mukha nito nang makita siya lalo na nang makitang magkahawak ang kamay nila ni Mark Ashley. “Pumasok kayo sa loob. SA palagay ko madadagdagan ang pag-uusapan natin.”

Di agad siya nagsalita hanggang pare-pareho na silang nakaupo. Matiim ang tingin ng tatay niya lalo na sa magkahawak na kamay nila ni Mark Ashley. Kinakabahan din ito at parang kumukuha lang sila ng lakas sa isa’t isa. Alam niyang marami itong tanong subalit nagpasalamat siya dahil di ito nagsasalita.

“Ashley, tatay ko. He is Dr. Donato Quimson,” pagpapakilala niya. “Tay, si Mark Ashley po. Asawa ko.”

Di agad nakapagsalita ang tatay niya at natigagal lang. Si Mark Ashley naman ay mabilis na ipinakilala ang sarili. “I am Mark Ashley Camello, Sir. I am thirty years old, a licensed pilot and currently residing at the Stallion Riding Club. Wala po akong criminal record. I have healthy genes. Alam ko po na dati akong playboy pero hindi na po ako titingin sa ibang babae ngayong kasal na po ako sa anak ninyo. Titiyakin ko rin po na hindi siya magugutom sa piling ko,” tuloy-tuloy nitong sabi.

Napapitlag sila pareho nang bayuhin ng tatay niya ang desk nito. Galit na galit ito. “Akala ko ba pupunta ka sa Aringan para sa eskwelahan na itatayo mo. Saan mo naman napulot ang lalaking iyan at bigla kang nagkaroon ng asawa?”

“M-Magpapaliwanag po kami,” nanginginig na wika ni Mark Ashley.

Magkatulong nilang ipinaliwanag sa tatay niya ang sitwasyon. Sa bawat kwento nila ay lalong nagdidilim ang mukha ng tatay niya.

“Sinabi ko na sa iyong huwag ka nang babalik pa sa Aringan!” singhal ni Donato. “Matigas kasi ang ulo mo. Ngayon ikaw pa ang napahamak.”

“Akala ko po kasi tatanggapin na nila ako.” Di niya maiwasang mapaiyak muli. Ayaw kasi niyang magalit pa ang tatay niya sa kanya. She felt bad enough. Parang lahat na lang ay nagagalit sa kanya.

“Daeia, hindi ka nila ituturing na isa sa kanila dahil anak kita. Kung hindi kita kinuha sa kanila, baka ano na ang ginawa nila sa iyo. Kaya magmula ngayon, kalimutan mo na ang Aringan. Baka ano pa ang gawin nila sa iyo,” mas malumanay na wika ni Donato.

“Tay, paano po ang mga plano ko?”

Pinahid ni Mark Ashley ng panyo ang luha niya. “Kalimutan mo na muna iyon. Hindi mabuting ipilit mo iyan sa ngayon. Kahit ako pipigilan kitang bumalik.”

“Ikaw, ano naman ang plano mo sa anak ko?” tanong ni Donato kay Mark Ashley. “Di naman kita pipilitin na gustuhin siya. Pareho lang kayong napilitan. And I don’t think there is a legal binding. Maari mong ibalik ang anak ko sa akin.”

Tama. Walang anumang nagbibigkis sa kanila ni Mark Ashley kung legalidad ang pag-uusapan. Wala itong responsibilidad sa kanya.

“Mag-asawa po kami ni Daeia at hindi ko po siya iiwan. I will take care of your daughter. That is a promise that I intend to keep.”

“Ashley…” Determinasyon ang nababakas sa mukha nito. Hindi niya inaasahan na magagawa nitong harapin ang tatay niya. Parang may kamay na humaplos sa puso niya. Handa pa rin ito na alagaan siya.

“Kung hindi po kayo busy, nasa riding club po ang mommy ko at ang tita ko. Gusto ko rin po na makilala ninyo ang pamilya ko.”

Nang ngumiti ito sa kanya ay tuluyan nang nahulog ang puso niya. Ang alam kasi niya ay sa guni-guni lang matatagpuan ang lalaking tulad nito.

“SANA hindi mo na iyon sinabi kay Tatay. Sana pinabayaan mo na lang ako.”

Hindi maipinta ang mukha ni Daeia habang ineempake ang mga gamit niya sa apartment niya. Nakabakasyon ang kasama niyang co-teacher doon kaya wala siyang naabutan. Gusto sana niyang doon na natulog subalit nagpilit si Mark Ashley na kunin na niya ang gamit niya dahil babalik na sila sa riding Club. Pangangatawanan na nga nito ang pagiging mag-asawa nila.

“Ayoko nga. Nangako na ako sa lahat na magiging asawa mo ako sa isip, salita at sa gawa. Nangako na rin ako sa mga anito ninyo. And I won’t break my word. Nasimulan na natin kaya ituloy na natin.”

Nilingon niya ito. “Tama na iyong mag-asawa tayo sa isip at sa salita. Pero sa gawa… just hold that thought.”

Nakangisi nitong pinisil ang braso niya. “Nagpapakipot ka pa.”

“Shut up! Basta sa guestroom ako matutulog.”

Dinampot nito ang cellphone niya na nasa ibabaw ng drawer. “Luma na itong cellphone mo. Ibibili kita ng bago. Iyong may camera at may TV.”

“Bakit pa? Nakakapag-text at naipantatawag ko naman iyan.”

“Mrs. Camello, member ng Stallion Riding Club ang asawa mo. Pagkatapos mumurahin lang ang cellphone mo. Paano naman ang reputasyon ko?”

“I am not Mrs, Camello yet. Ni wala tayong marriage certificate.”

Humiga ito sa maliit na kama niya. “Madali lang iyon. Magpakasal tayo.”

“Ha?” Hindi pa nga siya nakaka-recover sa trauma ng una niyang kasal, gusto na naman nitong magpakasal sila. “Pwede bang huwag muna? Maghintay muna tayo ng mga isang taon. Gusto ko kilalanin muna natin ang isa’t isa.”

Nagkibit-balikat ito. “Sige.” Dinampot nito ang picture frame na may class picture ng mga estudyante niya. “Malayo pala ang eskwelahan mo. Sa Tondo pa.”

“Dito na muna ako uuwi. Tapos doon ka sa riding club.”

“Ayoko! Ikaw na lang ang lumipat. Hindi maganda ang environment ng eskwelahan na pinapasukan mo. Malapit sa squatter’s area, pugad pa daw ng mga mandurukot at magnanakaw. May magagandang eskwelahan malapit sa riding club. Mas maganda pa ang working environment.”

“Pero mas nararamdaman ko na useful ako sa eskwelahan na pinapasukan ko. Gusto ko ang mga estudyante ko. Mahirap sila at magaspang ang ugali ng iba pero nararamdaman ko na pinahahalagahan nila ako. Ito ang working environment na gusto ko. Iyong maipaparamdam ko sa mga batang iyon na may pag-asa sila.”

“At iyan din ang gusto mong maramdaman sa Aringan, hindi ba?”

Tumango siya. “Nagsusumikap ako para sa kanila.”

Tumayo ito at hinaplos ng palad ang pantalon. “I guess it can’t be helped. Sa condo ko na lang sa Manila ka tumuloy. Pwede kitang ihatid at sunduin.”

“Paano naman ang trabaho mo sa riding club?”

“My hobby you mean? I own the three choppers at the riding club. The members can rent it if they want. Kaya may pera pa rin ako kahit na di ako magtrabaho.” Kinindatan siya nito. “Wala na tayong problema?”

She sighed. Parang malaki kasi ang isinuko nito para sa kanya. “Ashley, I know how much you love your job. Hindi mo kailangang isuko para sa akin.”

“Come on. Makakapunta pa ako sa riding club anong oras ko man gustuhin. Sa ngayon kailangang ikaw muna ang alalayan ko.”

“You don’t really have to do this.”

Ngumiti ito. “But I want to. I really want to. Gusto kong gumawa ng mga bagay na makakapagpangiti sa iyo. Alam ko hindi ako kasama sa mga pangarap mo. Pero makita lang kita na ngumiti, sapat na para di ko indahin ang sakripisyo ko.”

She gave him a gentle smile. Nararamdaman niya ang sincerity sa bawat sa salita nito. Kung may maibabalik pa sana siya para dito bukod sa ngiti niya.

“Let’s go home. Ikaw naman ang ipagluluto ko.”

“CONAN, I really like you. You are so cuddly. Napaka-sweet mo pa. From now on, mahal na kita,” tuwang-tuwang sabi ni Daeia habang nakayakap sa kabayo ni Mark Ashley na si Conan. Isang linggo na siya sa riding club nang magkaroon sila ng pagkakataon na mag-horseback riding. Marami kasi siyang inaasikaso para sa pagbubukas ng school year.

“Tama na. Huwag mo nang yakapin si Conan. Naiirita na sa iyo. Baka mamaya dambahin ka pa niyan,” saway sa kanya ni Mark Ashley.

Nang lingunin niya ito ay di maipinta ang mukha nito habang nakasandal sa wooden fence ng paddock. Sasanayin sana siya nitong sumakay ng kabayo para makapamasyal sila pero di naman siya nito mailayo kay Conan.

“Hindi ako dadambahin ni Conan. Gusto nga niyang niyayakap ko siya. Hindi ba, Conan?” Humalinghing ito bilang sagot. “See?”

“That’s enough. Mag-practice ka na lang.”

“Bakit ba ayaw mong yakapin ko si Conan?” tanong niya.

“Kaya gusto kong mag-horseback riding tayo para ako ang yakapin mo at hindi iyang kabayo ko,” pagalit nitong sabi.

Iniikot niya ang mga mata. “Sabi na nga ba’t may ulterior motive ka.”

“Nakakasakit ka na ng ego. Ano ba ang mayroon sa kabayong iyan at mas gusto mo pang yakap-yakapin kaysa sa akin?”

“Noong bata pa ako, gustong-gusto kong habul-habulin ang mga wild horse sa Aringan. Sabi kasi nila sinumang makasakay sa kanila, magiging maswerte at masaya. Ang gusto ko lang noon maging masaya.”

Niyakap siya nito. “Ako na lang ang yakapin mo. After all, I symbolize your lucky horse. Hindi ka pa ba maswerte na nandito ako sa tabi mo? May asawa kang nuknukan ng guwapo!”

Nagseryoso siya. “Ashley, hindi ko pa natutupad ang pangarap ko. Gusto kong bumalik sa Aringan para maipagpatayo sila ng eskwelahan.”

Ibinaba nito ang kamay. “Malungkot ka na naman kapag pinag-uusapan iyang tribo ninyo. Sabi ni Tatay huwag mo nang masyadong isipin.”

“Hindi naman ganoon kadaling alisin sa isip ko. Lumaki na ako kasama sila. Isa pa, naroon pa rin ang kapatid ko.”

“Nami-miss mo ba ang Aringan?”

Tumango siya. “Sana nga nandoon pa rin ako.”

“I got an idea. Alam ko na ang gagawin para di mo ma-miss ang Aringan.”

Sakay ni Conan ay magkasama silang nagpunta sa Forest Trail. Namangha siya dahil nai-preserve ang bahaging iyon ng riding club. Nang nagsimulang bumaba ang ulap ay pumikit siya at humilig sa dibdib ni Mark Ashley.

“Inaantok ka na ba?”

“No. Iniisip ko na nasa Aringan na ako.” Unti-unti niyang naramdaman ang lamig ng hangin sa balat. Nang tumingala siya ay unti-unti nang bumababa ang ulap sa nagtataasang mga puno. “Wow! Maganda nga dito.”

“Ilang henerasyon ng mga Alleje ang nangalaga sa property na ito.”

Luminga-linga siya nang marinig ang lagaslas ng tubig. Maya maya ay naririnig na niya ang ugong ng bagsak ng tubig. “Falls? May falls dito?”

“Yup. It is one of the features of the riding club.”

Nang matanaw ang falls ay bumaba agad siya sa kabayo at nagtampisaw sa tubig na parang bata. Kinawayan niya si Mark Ashley. “Masarap ang tubig.”

“I really love to hear your laughter. Sounds music to my ears. Naalala mo ba noong supladahan mo ako habang naliligo ka sa falls?”

“Oo. Sabi mo hindi mo ako type.”

“I have something to confess.”

“Ano iyon?”

“I like you the first time I saw you, Daeia.”

NovelDark

Your free library of light novels, web novels and translations. Romance, fantasy, action, drama — thousands of chapters updated daily, no signup needed.

Genres

© 2026 Noveldark. All rights reserved.