“Jaimee, I am sorry. Hindi ko pa yata maibabalik sa iyo ang ten thousand na nahiram ko. Wala pa kasi akong trabaho.” Nagkasabay sila nito sa powder room. Sila lang tao doon kaya nai-open niya ang dilemma.
Hinawan nito ang braso niya. “It’s okay. Wala naman sa akin iyon.”
Nanlaki ang mata niya. “Come on. Ten thousand is ten thousand. Ikaw na ang nagsabi na kailangan mong magtipid dahil bubukod na kayo ni John ng bahay. You need the money to start. With the wedding and the baby coming…”
“It is okay. Hindi naman sa akin ang pera.”
“Akala ko ba bonus mo iyan? Kung hindi sa iyo ang pera, kanino?”
May bahid ng takot ang mga mata nito nang salubungin ang tingin niya sa salamin. “Bigay ni Hiro para sa iyo.”
“Si Hiro?” Napasandal siya sa tiled bathroom wall. “Paanong napasok si Hiro dito? Hindi naman kayo nag-uusap o nagkikita, hindi ba?”
“Naalala mo ba noong nagkita kayo sa Mocha Blends? Nanghihiram ka ng pera sa akin noon pero di naman kita napahiram. Tinawagan niya ako at tinanong niya kung ano ang problema mo.”
“Paano naman niya malalaman na may problema ako?”
“Napansin kasi niya na tubig lang ang iniinom mo at di ka um-order ng kape. Kilala ka niya. Kung may pera ka lang din naman, kape agad ang bibilhin mo. Kaya naman tinawagan niya ako. Sinabi ko na inabot ka ng kamalasan. Na di mo nakuha ang sweldo mo sa office at kinain ng ATM machine ang ATM card mo. Na pati iyong fifty pesos mo na pamasahe, pinagtripan ng mandurukot.”
Naisuklay niya ang mga daliri sa buhok. “Ano ka ba naman, Jaimee? Bakit naman pati iyon ikinuwento mo pa sa kanya?”
“Siyempre. Iyon naman talaga ang nangyari sa iyo. Nakakaawa ka naman.”
“Hindi ko kailangan ng awa niya.”
“Hindi naman awa iyong pera na iyon. Tulong iyon. Sa akin na nga lang niya pinadaan ang tulong kasi alam niyang hindi mo tatanggapin. Tapos lagi ka lang magde-deny na kaya mo ang problema kahit na hindi naman.”
Naipadyak niya ang paa. “Nakakainis ka naman, Jaimee! Alam mo naman na ayokong hihingan ng tulong si Hiro. Hangga’t maari nga ayokong may malaman siyang hindi maganda tungkol sa akin.”
Nangilid ang luha nito. “Nakokonsensiya kasi ako. Gusto kitang tulungan pero wala akong pera. Natutuwa ako na hanggang ngayon, concern pa rin sa iyo si Hiro.”
Naalarma siya nang makitang paiyak ito. Saka niya naalala na napaka-sensitive pala ang feelings ng mga buntis. Hinaplos niya ang likod nito. “Huwag ka nang umiyak, Jaimee. Hindi naman ako galit sa iyo. Iyon lang naman kasing kay Hiro….” Napapalatak siya. “Bakit naman sa dinami-dami, si Hiro pa?”
Mula nang makita niya nang harapan ang nobya ni Hiro ay nawala na ang anumang ilusyon niya. Kasama na ang pagpapakasal dito kapag ubod na siya nang yaman. She already missed her chance. May bago na itong buhay. Kung tatanggap pa siya ng tulong o atensiyon mula dito, paano pa siya makaka-recover? Kahit katiting na pag-asa kay Hiro ay ayaw na niyang buhayin.
“Siya lang naman kasi ang nag-offer ng tulong. Huwag ka ring magalit kay Hiro kasi gusto lang naman niyang tulungan ka.”
“Basta mag-uusap kaming dalawa.”
MABIBIGAT ang hakbang ni Jemaikha nang dumating sa bahay. Medyo gabi na rin iyon dahil nagyayang magpunta sa KTV bar ang mga kaibigan niya. Di kumpleto ang birthday celebration niya kung wala iyon. Pero wala na rin siya sa mood na kumanta. Hanggang ngayon kasi ay di pa rin niya alam kung ano ang gagawin kay Hiro.
Sabi ni Jaimee ay pabayaan na lang niya at magkunwaring walang alam. Sabi naman ni Mayi at Cherie ay dapat siyang magpasalamat nang personal. Pero dapat nga ba siyang magpasalamat? Nagngingitngit pa rin kasi siya.
“Ate! Ate! May nagpadala sa iyo ng regalo,” bungad ni Robin sa kanya.
“Regalo? Galing ba sa Ate Rushell mo sa Dubai?” Nasa Dubai kasi ang kabarkada rin niya kaya kapag may okasyon ay nagpapa-FedEx na lang.
“Hindi, Ate. Wala naman kasing nakalagay kung kanino galing,” sabi ni Robin.
Hinila siya ng Tiya Vilma niya papunta sa kuwarto. “Tingnan mo, dali! Inilapag namin sa kama mo. Excited nga akong malaman kung kanino galing. Tingin ko kasi sa manliligaw mo iyan na mayaman galing. Sino ba iyon?”
“Tiya, wala po akong manliligaw na mayaman.”
“Baka ngayon pa lang manliligaw. Baka sagot na iyan sa mga dasal ko. Na may lalaking dadating para mag-ahon sa atin sa kahirapan.”
May dalawang box na nakapatong sa kama niya. Parehong may ribbon ang mga iyon. Nang buksan niya ang mas malaking kahon ay black sequined crepe jumpsuit ang laman. Nauna na ang tiya niya na kunin ang damit at inilapat sa katawan niya. “Ang ganda, Jem. Bagay na bagay sa iyo.”
Nang buksan niya ang mas maliit na kahon ay naroon ang sapatos na nagustuhan niya sa boutique at ipinangako ni Hiro na bibilhin para sa kanya. Galing pa sa boutique ng girlfriend nito ang regalo. Nakakainis!
“Kanino galing, Ate?” tanong ni Robin. “Niyayaya ka bang makipag-date ng nagbigay niyan? Alam mo na ba kung sino?”
Isinara niya ang kahon. “Hindi ko type,” matabang niyang sabi.
“Iyong regalo o iyong nagbigay?” tanong ng Tiya Vilma niya.
“Pareho po. Kaya ibabalik ko na lang ito.”
“Huwag mo ngang sayangin iyan, Jemaikha! Kung ayaw mo sa regalo sa iyo, akin na’t ako ang magsusuot. O kaya ibebenta ko ng pahulugan para naman makabawas-bawas sa gastusin natin kahit papaano.”
Mahigpit niyang hinawakan ang kahon. “Hindi po, Tiya. Ibabalik ko ito.”
“GOOD morning, Miss. I came here to see Mr. Hinata.”
Sinuyod siya ng tingin ng sekretarya nito. Iniisip siguro na isa siya sa mga babaeng nagkakandarapa kay Hiro. “Do you have an appointment?”
“I don’t. Just tell him that Jemaikha Caliente wants to see him.”
“If you don’t have an appointment, I don’t think…”
Tinaasan na niya ito ng kilay. “Why don’t you tell him my name first? If he tells you that he doesn’t want to see me, then I’ll leave.”
Nagulat marahil ito sa tapang na ipinakita niya kaya inayos nito ang headset at saka komunekta sa intercom. “Sir, a certain Miss Jemaikha Caliente came here to see you. Shall I send her in?”
Bumukas ang pinto ng private office ni Hiro at lumabas ito. “Jem!” bati nito at kinintalan siya ng halik sa pisngi. “It is nice to see you.”
Matabang siyang ngumiti. “I am sorry. I don’t have an appointment.”
“You don’t need one,” sabi ni Hiro at binalingan ang sekretarya. “Please hold my calls. I don’t want any interruptions.”
“Yes, Sir,” anang sekretarya nito at di makatingin nang diretso sa kanya.
“And please bring two cups of coffee.”
Tumayo ito sa likuran niya. “Happy Birthday!” bulong nito.
Humarap agad siya dito. “Thank you!” Ngayong kaharap na niya ito, di niya alam kung paano magagalit. Napakaamo kasi ng mata nito at maganda ang ngiti. Parang wala siyang lakas na magalit dito.
“I was about to invite you for dinner tonight.”
Mahigpit niyang hinawakan ang malaking paper bag na hawak. Kailangan niyang ilagay sa isip na di siya nagpunta doon para makipag-ayos dito o makipag-dinner. She had to flung the stuffs he gave her back to him.
“You don’t have to, Hiro. I just came here to bring these back.”
Nagtataka nitong inabot ang paper bag at tiningnan ang laman. “Why? Mga regalo ko ito sa iyo, ah!”
“Tatanggapin ko na sana iyan. Kung hindi ko lang sana natuklasan na kinuntsaba mo si Jaimee para bigyan ako ng pera.”
Humilig ito sa desk nito at humalukipkip. “And what is wrong with that? I am just trying to help.”
“Ayoko ng utang na loob. I can’t sleep if I know that I owe something to someone at hindi ko alam kung paano iyon ibabalik.”
“You don’t owe me anything. Ikaw lang kasi ang problema. Masyadong mataas ang pride mo. I really thought I am your friend. Na tatakbuhan mo kapag kailangan mo. Naghihirap ka na pero di ka nagsasalita. Nakakahingi ka ng tulong kina Mayi at Jaimee. Bakit sa akin hindi?”
“Because yours is different.”
“Dahil ex-boyfriend mo ako?”
Saglit siyang napipilan. “Yes. That’s one thing. Saka iba ang tulong mo. Iyong kina Mayi, utang. Ikaw naman, bigay. Hindi ko na kailangang bayaran. At iyon ang nagpapahirap ng loob ko kaya ayaw kitang lapitan.”
“Mas gusto mo ang utang kaysa sa utang na loob?”
“Yes. After all, ako ang gagamit ng pera. I might as well work for it.”
“Mine is different. You are my friend. Kung may maitutulong ako sa iyo, bakit hindi ko ibibigay. After all, it’s just a few thousand.”
She grimaced. Ano nga ba naman ang sampung libo para dito? Barya lang. “Sige. Hindi na ako magagalit,” aniya nang huminahon. “I should thank you because you helped me. Pero iko-consider ko na utang ang perang ibinigay mo.”
Napailing ito. “You don’t have to pay me,” he insisted.
“Mayaman ka kaya di mo ako naiintindihan. Yes, I have pride. Iyon na lang ang natitira sa akin. Will you help me save the little dignity I got?”
“Go ahead. Magbayad ka!”
Napipilan si Jemaikha nang sabihin ni Hiro na magbayad siya. “H-Hindi pa ako makakapagbayad ngayon, ha? Kasi wala pa akong trabaho. Babayaran na lang kita kapag mayroon na. Okay lang?”
“At kailan ka naman magkakatrabaho?”
“Malapit na! Basta magbabayad ako!”
Lumapit ito sa kanya at umuklo. Halos magkatapat na ang mukha nila. Hinaplos nito ang ilalim ng mata niya. “Kawawa ka naman. Mukhang hindi ka na nakatulog kagabi dahil sa kaiisip sa utang mo sa akin.”
Yumuko siya para iiwas ang tingin dito. Hay! Alam niyang napuyat ako dahil sa kanya. Naiilang talaga siya na magkautang kay Hiro. Minsan, iniisip na lang niya na hindi niya nalaman na dito galing ang perang hiniram niya. Sana ay nakakatulog pa siya nang mahimbing. At mukhang maraming araw pa siyang di makakatulog nang mahimbing. Di lang dahil sa utang niya dito kundi dahil lagi niyang maalalala kung gaano kalapit ang guwapo nitong mukha sa kanya. Parang hahalikan na siya.
Umurong siya palayo dito. Sobra naman kung hahalikan pa niya ako. Baka naman tuluyan na akong mabaliw no’n. Naalala niya ang sinabi ng mga kaibigan sa kanya nang nagdaang gabi. Na siya na lang ang virgin sa mga ito. Ayokong mademonyo. Baka ma-rape ko pa si Hiro kapag umatake ang hormones ko.
“Problema ko na iyong tulog ko. Basta magkita na lang tayo kapag may trabaho na ako at mababayaran na kita. Sige, aalis na ako,” sabi niya at mabilis ang lakad na tinungo ang pinto.
“Wait!” sigaw nito.
Anong wait ang sinasabi mo diyan? Gusto mo bang mapikot ka nang wala sa oras kapag tumagal pa ako sa kuwarto na ito?
Nang hawakan niya ang handle ng pinto ay di niya iyon mabuksan. Nakita niya na hawak nito ang remote. Hi-tech nga pala ang opisina na iyon. Courtesy of Hinata Technologies. “Hiro, na-lock ang pinto. Pakawalan mo ako!” natutuliro niyang sabi. Huwag mo akong pupwersahin, Hiro. Pwede mo naman akong akitin na lang.
Umupo ito sa office chair nito. “Bakit ka ba nagmamadaling umalis? Nag-uusap pa tayo, di ba?”
Nanatili lang siyang nakatayo sa may pinto kahit di naman ito mukhang banta sa kanya. “Tapos na usapan natin. Sabi ko magbabayad ako ng utang kapag may trabaho na ako. Wala pa akong trabaho kaya saka ko na babayaran.”
Pinagsalikop nito ang mga kamay. “May naisip kasi akong paraan para makabayad ka sa akin nang utang. Para hindi mo na masyadong isipin iyon.”
“Ano?” Mabilis siyang humalukipkip. Huwag ang katawan ko, Hiro. Pwede mo akong akitin pero di ako magpapabayad!
Tumayo ito. “May trabaho ako para sa iyo. Kung papayag ka, iyon na ang magiging bayad mo sa pagkakautang mo sa akin.”
“Depende sa trabaho.” Magkasalubong na ang kilay niya habang hinihintay kung ano ang trabahong sasabihin nito. Di naman siguro katawan ko ang hihingin niya. Noong boyfriend ko nga siya, ni hindi niya ako halos nahalikan. Sa tingin ko naman perfect gentleman pa rin siya hanggang ngayon.
“I have a group of Japanese investors coming this week. I have to convince them to invest in Hinata Technologies. And I need an assistant. Someone who would take down the details of our meetings, deal with the investors and make a report both in English and Japanese.”
Hehehe! Mukhang malayo naman pala sa iniisip ko.
“Bakit kailangan mo pa akong kukuning assistant? Hindi ba mayroon ka naman? Baka mamaya magka-conflict pa iyan sa kompanya ninyo.”
“Naka-leave si Chidori.” Chidori was his cousin. “Kung nandito siya, wala akong problema sa pakikipag-deal sa mga investors.”
“Anong ginagawa ng isa mo pang assistant sa labas? Di ba siya magaling?”
Nagkibit-balikat ito. “She’s good at her job. But she doesn’t know a Japanese word. I want uninterrupted conversation. Japanese ang lengguwaheng gagamitin namin sa mga meeting. Kaya kailangan ko ng assistant na pwedeng kumausap sa kanila sa Japanese. I don’t want to translate for my assistant and I don’t want to hire a translator just for her benefit either. That would be costly and messy. Sayang lang ang oras, hindi ba?”
Tumango-tango siya. Maganda nga ang naisip nito. Dahil sanay naman siya sa Japanese, magiging madali na lang ang trabaho sa kanya.
“How long will they stay here?”
“Four days. Or until they give the final answer on signing na contract.”
“Four days din ba ang magiging trabaho ko?” Parang nalulula naman yata siya sa laki ng bayad sa kanya. Ten thousand ang hiniram niya.
Lumakad ito palapit sa kanya. “How about we discuss it tonight over dinner?”
“Ha? Magdi-dinner tayo?”
“Yes. Because it is your birthday tonight.” Inunat nito ang kamay at na-corner siya nito. “And I don’t want any complaints. Dahil ako na ang boss mo.”