This was Mark Ashley’s Miss Serious Girlfriend Number Three. Hindi agad siya nakahuma. She looked so intimidating. Nakilala na niya ang dalawang nauna at sumuko na ang mga ito. Ngayon lang niya ito nakaharap.
“May tinapos lang akong modeling contract sa London. Nagbigay na ng hint sa akin si Ash na magpapakasal kami kapag bumalik ako. Nagulat na lang ako nang ikwento sa akin ng kaibigan ko na kasal na daw kayo. And a mountain girl like you defeated me. Ni wala man lang akong nagawa.”
Nahalata niya sa boses nito ang pinipigil na galit. She felt cheated. Alam niya kung gaano ka-unfair dito ang nangyari. Sa isang iglap nga naman ay nawala dito si Mark Ashley dahil lang sa isang laro.
“I am sorry. Hindi ko gusto na manakit ng ibang tao.”
“For a mountain girl, you are pretty clever, aren’t you?” nakangisi nitong sabi at humalukipkip. “Masyado ka naman yatang nag-e-enjoy sa pagiging asawa ni Ash. Ginagamit mo lang naman siya para umangat ka, di ba?”
“Ginagamit? Dahil ba sa project na siya ang nag-suggest?”
“Poor Mark Ashley! Bakit hindi niya naisip na ginagamit mo lang siya? Is this your tribe’s plan? Na kailangan mong mag-asawa ng taga-Manila para nga naman umangat ang estado ninyo. That’s really dirty.”
Nakuyom niya ang palad. “Miss McGrath, watch your words. Wala kang karapatan na akusahan kaming manggagamit. You don’t even know the whole story. Sa ngayon, iintindihin ko na lang na masama ang loob mo na hindi ikaw ang pinakasalan ni Mark Ashley.”
Pero hindi niya palalagpasin na tawagin siya nitong manggagamit. Na patibong lang ang lahat ng mga katribo niya para umangat. Her tribe had so much pride. Hindi iyon maiintindihan ng isang katulad ni Francey.
She crossed her elegant legs. “Hindi masama ang loob ko na ikaw ang pinakasalan niya. Hindi naman talaga kayo kasal, hindi ba? Or do you understand that your wedding has no legal binding.”
Pinagsalikop niya ang palad niya. She knew. Kahit na sabihin pa ni Mark Ashley sa lahat na mag-asawa sila, alam ni Francey ang totoo. “Yes. He was considering about another wedding…”
“And you won’t miss the chance to be Mrs. Camello legally?”
“We want to take our time.”
Dati ay balewala sa kanya kung hindi pa man sila makasal agad ni Mark Ashley. She was trying to hold it off as much as she could. Pero ngayong dumating na ang babaeng ito, parang gusto niyang magsisi. Nararamdaman niya na hindi maganda ang hanging dala nito para sa kanila ni Mark Ashley.
“Bakit? Nag-e-enjoy ka pang paikutin siya?”
“This is a bit too much. Sa palagay mo ba si Mark Ashley ang lalaki na pwedeng basta-basta utuin at paikutin?”
“Yes. He is too principled at times that it freaks me out. Siguro kaya nandiyan lang siya sa tabi mo dahil pakiramdam niya responsibilidad ka niya. An innocent girl who was robbed of everything. Pero kahit ano pa ang prinsipyong pinaniniwalaan niya, hindi ka naman niya mahal. Ako ang mahal niya.”
Nahigit niya ang hininga. That idea hit her hard. Tama. Kahit na gaano pa siya protektahan at alagaan ni Mark Ashley. Kahit na alukin pa siya nito ng kasal. Kahit na sabihin pa nitong gusto siya nito, iba pa rin iyon sa pagmamahal. At kahit minsan, hindi sinabi nito na mahal siya nito.
Parang pinipiga ang puso niya. Masyado siyang masaya sa piling nito na nakalimutan niya ang importanteng bagay na iyon na siya ring dahilan kung bakit hindi niya matanggap ang alok nitong pagpapakasal. Lagi niyang hinihintay… lagi siyang umaasa na sasabihin nitong mahal siya nito.
At hanggang ngayon ay nananatili siyang bigo. Kailangan pang ibang tao ang magpa-realize sa kanya ng bagay na iyon.
“Iyan lang ba ang sasabihin mo?” aniya sa pinatatag na boses.
She was trembling. Ngayon ay kailangan niyang harapin ang katotohanan at natatakot siya sa mga susunod na mangyayari.
“I am back in Ashley’s life. Ako ang babaeng mahal niya. Sa palagay mo, ano ang gagawin niya oras na magkita kaming dalawa?” Humalakhak ito. “I am sure he’d come back to me in no time. And where would that leave you?”
Yumuko siya at kinuyom ang palad. “Tama ka. Posible ngang iwan niya ako.”
“Right. You’ll end up alone. Walang magagawa ang prinsipyo niya. Kung tutuusin, wala naman talaga siyang responsibilidad sa iyo, my dear. I’ll make him realize that.”
Nakagat niya ang labi. “Anong gusto mong gawin ko?”
Bahagya itong dumukwang sa kanya. “Get out of his life before it is too late. You have no hold on him. So set him free. All you want is your school. Naibigay mo na iyon sa kanya kaya hindi mo na siya kailangan. Leave Mark Ashley alone. Hayaan mo na siyang maging masaya.”
Hindi siya kumikilos sa kinauupuan niya kahit na matagal nang nakaalis si Francey. Hindi niya maiangat man lang ang paningin niya dahil ayaw niyang makita ng iba na umiiyak siya.
Parang pinipiga ang puso niya. Hindi pa ba masaya si Mark Ashley sa mga panahon na magkasama sila? Hindi ba siya nito nagawang mahalin?
Masyado ngang malaki ang hinihingi niya. Ang pagmamahal nito. Hindi iyon madaling ibigay lalo na’t may iba itong mahal.
Kaya ba niyang palayain ito? Dapat na nga ba niyang ibigay ang kalayaan nito kahit na siya ang nasasaktan?
Huminga siya nang malalim. Kapag nawala siya sa buhay nito, magiging masaya pa kaya siya?
Umiling siya. Hindi na siya magiging masaya pa.
HINIHINGAL na si Daeia. Matarik daan bago niya maabot ang tribo. Kinakapos na siya ng paghinga dahil nasa mataas na lugar sila. Napakahirap maglakad dahil may dala pa siyang malaking backpack. Pinasama pa ng malakas na ulan ang daan kaya mas lalo siyang nahirapan na maglakad.
“Magpahinga ka na muna, Daeia,” anang guide niyang si Jin. May lahi rin itong Aringan subalit sa bayan na ito nakatira.
“Hindi. Kailangan ko nang makarating sa Aringan ngayonang.”
Lubhang mahaba ang halos kalahating araw na biyahe niya para makarating sa bayan ng Maburaho. Mula sa rough road kung saan nakakarating pa ang sasakyan ay maglalakad na sila ng apat pang oras para makarating sa tribo.
Walang sinuman ang nakakaalam na babalik siya ng Aringan. Nasa Cebu si Mark Ashley at ang alam nito ay may klase siya. Hindi nito alam na sinamantala niya ang pag-alis nito para makakuha ng leave sa trabaho. Tiniyak niyang walang ibang makakaalam kung saan siya pupunta.
Lubhang mahalaga ang pakay niya sa pagbalik doon. Doon nakasalalay ang kaligayahan ni Mark Ashley.
Bago pa dumating sa kabahayan ng Aringan ay nakita niyang nakatayo na sa tabi ng isang puno si Dresdana. May saknong ito sa ulo na sumbrero na gawa sa dayami na nagpoprotekta sa ulo at katawan nito.
“Dresdana?”
Tipid itong ngumiti nang makita sila ni Jin. “Inaasahan ko na ang inyong pagdating. Nagpahanda na ako ng maiinom ninyo.”
Ganito din nang huli siyang dumalaw doon. Naghihintay na agad si Dresdana sa pagbabalik niya. Alam na rin ba nito ang pakay niya?
“Dresdana, kailangan kong makausap si Apo Tulka.”
“Hindi mo siya maaring abalahin ngayon dahil may isang mahalagan ritwal ngayon. Pero maari mo akong kausapin tungkol sa pakay mo.”
Pagdating sa tribo ay pumunta na si Jin sa kubo ng mga kamag-anak nito upang magpahinga. Habang siya naman ay idinala sa kubo ni Dresdana. Kalmado pa ito habang umiinom ng tsaang-gubat at di naman siya mapakali.
“Dresdana, paano ko puputulin ang taling nag-uugnay sa amin ni Ashley? Gusto kong malaman kung paano mawawalan ng bisa ang kasal namin.”
“Ang kasal ay panghabambuhay, Daeia. Alam mo kung gaano ito kasagrado sa ating mga Aringan.”
“Paano kung hindi na siya masaya sa akin? Paano kung may karapat-dapat para sa kanya at ako lang ang nakakasagabal sa kanilang dalawa.”
Tinitigan siya nito. “Kamatayan lang ang maaring maghiwalay sa inyong dalawa. Hindi ka naman siguro hangal para tapusin ang buhay mo.”
Napigil niya ang paghinga. “Kung ganoon, nakikita mo ba kung magiging masaya si Ashley? Mawawala ba ako sa buhay niya?”
Kung kamatayan ang sagot at gagawa ng tadhana ng paraan para mawala siya sa buhay nito, mas gusto niyang maging handa na siya.
“Hangal ka nga. Gusto mo bang mawala ka nang tuluyan sa daigdig na ito at sumama na sa ating mga ninuno para lang sa asawa mo?”
“Gusto ko lang na maging masaya siya. Hindi ko pa nararamdaman ito. Na handa akong magsakripisyo para sa kaligayahan ng isang tao.”
Ngayon lang niya naintindihan na ang pangarap niya para sa Aringan ay higit na pangarap niya para sa sarili niya kaysa sa mga tagatribo. She just wanted to be recognized and wanted. Habang kay Mark Ashley, handa siyang isakripisyo ang sarili niyang kaligayahan para ito naman ang sumaya.
“Mahal mo siya kung ganoon?”
“Tama ka. Nagiging baliw nga siguro ako dahil mahal ko siya. Siya lang ang taong masaya kapag masaya ako. Ginagawa niya ang lahat ng paraan pati mga simpleng bagay para ngumiti ako. Gusto ko iyong ibalik sa kanya.”
“At sa palagay mo ang babaeng iyon lang ang magpapasaya sa kanya?”
Marahan siyang tumango. “Habang tumatagal, minamahal ko siya. Gusto ko sanang balewalain ang nararamdaman ko pero kapag nalaman niyang mahal pa rin niya ang babaeng iyon at makakahadlang ako sa kanila, masasaktan lang siya.”
“Akala ko ba ay nais mo ng kaligayahan? Bakit tinatakbuhan mo ngayon?”
“Hindi ako makasarili, Dresdana. Paano ako magiging masaya kung nasasaktan naman ang lalaking mahal ko?”
“Tinanong mo ba si Mark Ashley kung mahal nga niya ang babaeng iyon?”
“Hindi. Natatakot akong marinig sa kanya ang sagot.”
“Hindi ka lang hangal. Duwag ka pa. Hindi pa nagsisimula ang laban, tumatakbo ka na palayo. Akala ko dahil nag-aral ka at nakatapos, mas magiging matalino ka. Hindi tinatakbuhan ang katotohanan. Hinaharap. Sana bago ka pumunta dito, tinandaan mo muna ang lahat ng ibinilin ko sa iyo.”
“Pinipilit ko namang maging matatag kaya ako lumayo.”
“Mali ang uri ng katatagan na pinaniniwalaan mo kung ganoon. Sa ginagawa mo ngayon, tinatakbuhan mo ang kaligayahan mo.”
Gusto niyang magalit. Nais ba nito na maging manhid siya at huwag pansinin ang mga taong nasasaktan? Ano pa ba ang gusto nitong gawin niya?
May kumatok sa pinto kaya natigil ang pag-uusap nila. “Dresdana, nandito ang asawa ng mahal na alay. Hinahanap mo niya ang asawa niya. Ayaw niyang maniwala na wala ang mahal na alay dito,” sabi ni Haru. Mukhang hindi pa nakakaabot sa buong tribo ang pagdating niya.
Nahigit niya ang hininga. “Nandito si Mark Ashley?”
Nasundan siya nito at natunton? Anong gagawin niya?
“Sabihin mo na nandito ang mahal na alay,” sagot ni Dresdana.
Pinigilan niya ang braso nito. “Bakit mo sinabi na nandito ako?” Mas gusto sana niyang magtago muna habang di pa malinaw ang sagot sa mga tanong niya.
“Gusto mo bang magsinungaling ako?” ganting-tanong nito.
Wala na siyang napagpilian kundi lumabas ng kubo nang buksan nito nang maluwag ang pinto. Nasa labas si Mark Ashley at basang-basa sa ulan.
Niyakap agad siya nito nang makita siya nito. “Daeia, nag-aalala ako sa iyo. Bakit basta ka na lang pumunta dito nang hindi nagpapaalam?”
“Anong ginagawa mo dito? Delikado ang panahon.”
“Makapal nga ang fog ngayon dahil sa ulan. Muntik na kaming madisgrasya,” sabi ng co-pilot nitong si Aldrin. “Iyang asawa mo ayaw magpaawat.”
“Huwag mo nang uulitin iyon.” Baka mabaliw siya kapag may nangyaring masama dito. Himala na lang na di bumagsak ang chopper ito.
“May nangyari ba kaya basta ka na lang umalis?” tanong ni Mark Ashley nang patuluyin sila sa isa sa mga kubo doon.
Inilabas niya ang towel sa bag niya. “Magpunas ka muna. Magkakasakit ka kung magpapakabasa ka sa ulan. Hindi ka nag-iingat.”
“Wala kasi ang asawa ko para magpaalala sa akin. Umuwi na tayo.”
Parang hiniwa ang puso niya sa pakiusap nito. Napakasimple lang ng hiling nito pero kapag sumama siyang bumalik dito, parang ninakaw na rin niya nang tuluyan ang kaligayahan nito. Hindi na niya ito ibabalik kay Francey.
“Ashley, hindi na ako sasama pabalik sa iyo.”
“What? If you want me to stay here then I will stay here as well.”
Umiling siya. “Bumalik ka na sa riding club. Nandito ako para pawalang-bisa ang kasal natin.”
Saglit itong hindi nakapagsalita. Noong una ay bakas ang pagkabigla sa mukha nito hanggang unti-unti iyong napalitan ng galit. Nagulat na lang siya nang haklitin nito ang balikat niya. “Damn you! Anong pawawalang-bisa mo ang kasal natin? You can’t! May ginawa ba akong mali sa iyo?”
Umiling siya at di na niya napigilang tumulo ang luha sa mga mata niya. “I don’t want to be unfair. This sham of a wedding was so wrong to start with. Ayoko nang ituloy. Nahihirapan lang ako.”
“Damn you! Basta ka na lang aalis nang di naiisip ang nararamdaman ko?”
“Ginagawa ko ito dahil ikaw ang iniisip ko. Ang kaligayahan mo. Francey is back. Sinabi niya sa akin na siya dapat ang pakakasalan mo. Kung mawawala ako sa buhay mo, maitutuloy na ninyo ang kasal ninyo.”
“Si Francey? Wala nang Francey! Ikaw na ang mahal ko.”
Natigilan siya sa pag-iyak. “Ako?”
Nasosobrahan lang ba siya sa pag-iyak kaya mali ang narinig niya o baka naman nag-iimahinasyon lang talaga siya?
Kinabig nito ang ang katawan niya at inangkin ang labi niya. At least that one wasn’t an imagination. Ramdam na ramdam niya ang mainit na labi nito sa kanya. It was like the first time they kissed. Subalit sa pagkakataong ito, puno na ng emosyon at mas nararamdaman niya ang lahat ng sensasyon na kaya nitong ibigay. She knew it was real this time. He was kissing her because he wanted to. He was kissing her because he cared for her. He was kissing her because he loved her.
“You can’t leave me, Daeia. You walked into my life, made me love you so you can’t just leave me like this.” Niyakap siya nito. “You can’t take my happiness away. Hahabul-habulin lang kita.”
“Talaga bang napapasaya kita, Ashley?”
“Yes. Noong unang beses ko pa lang na narinig ang tawa mo, gumaan na ang pakiramdam ko. As if it was a therapy for my soul.”
“Mas napapasaya kita kaysa kay Francey?”
Pinisil nito ang baba niya. “Tatlo silang sabay-sabay na girlfriend ko. Paano ba naman ako magiging seryoso. Sige nga.”
“Sabi mo isa sa kanila ang pakakasalan mo.”
“Iba pa rin iyon nang idispatsa ko silang tatlo para sa iyo. I fell for you the first time I saw you. Kahit na akala ko imahinasyon ka lang noong una.”
“Hindi ba inaway mo pa nga ako noong una tayong nagkita?”
“Hindi ko naman alam na ikaw ang babaeng iyon. Akala ko ikaw si Dresdana. Masungit kaya ang kapatid mo. Kung doon pa lang sa falls alam ko nang ikaw iyon, sana itinanan na kita. Wala akong pakialam sa ritwal o sa competition.”
“Ayaw mo pa rin sa akin kahit noong pagsamahin na tayo.”
Niyakap nito ang baywang niya. “Masyado ka kasing masungit. Gusto pa sana kitang ligawan noon. Kahit na patawirin pa nila ako sa bubog o sa nagbabagang uling, gagawin ko para ma-impress kita.”
“Hindi ba mas masama na napilitan kang magpakasal sa akin?”
Umiling ito. “No. You were like a gift handed to me from heaven. You are the exact opposite of what I want. Pero hinahabol-habol pa rin kita.”
“So do I.” Di niya maiwasang ngumiti nang maalala ang mga unang araw niya sa riding club. “Remember? Hindi mo pa alam dati kung sino talaga ako? Kung gaano ka hindi magkandatuto sa pagtuturo sa akin.”
“Drat! First time kong nakahawak ng feminine wash at panty liner. Puro mga babae ang kasabay kong namimili. Ikaw lang ang nakapaggawa sa akin non.”
“I really appreciate it. Sayang. Mas masaya sana kung makikita kong magsa-shopping ka na kasama ako.”
“Ibig bang sabihin sasama ka na sa akin pabalik sa riding club?”
Bago pa siya nakasagot ay may kumatok sa pinto at bumukas iyon. Hindi niya inaasahan na makikita si Apo Tulka. “M-Magandang araw po,” bati ni Mark Ashley. “Pasensiya na po kung bigla na lang kaming dumalaw.”
“Sa palagay ko hindi ko na kailangan pang ayusin ang problema. Natutuwa akong makita kang masaya, Daeia,” wika nito. “Iyan ang kaligayahan na sadyang nakatakda para sa iyo.”
“Apo Tulka, gusto ko lang pong malaman kung tanggap na ba ninyo si Daeia bilang isang Aringan. Walang ibang nais ang asawa ko kundi tanggapin ninyo.”
Ngumiti si Apo Tulka. “Mula pagkapanganak niya, isa na siyang Aringan.”
“Pero bakit hindi po ninyo ako matanggap dati?”
“Kailangan mong pagdaanan ang lahat ng paghihirap para matupad ang nakatadhana. Kailangan mong mawala sa Aringan upang ikaw ang magbukas sa bagong pinto para sa aming lahat.”
“Kung hindi ka aalis ng Aringan, hindi ka makakapag-aral. Hindi mo rin maiisip na magtayo ng paaralan para sa lahat. At kung hindi kayo maikakasal ng asawa mo, hindi mabubuksan ang magandang pagkakataon para sa iyo. Iyan ang tadhana para sa iyo, Daeia. Iyan ang iyong kaligayahan,” paliwanag ni Dresdana.
Sa wakas ay nakalaya ang lahat ng bigat ng loob na kinikimkim niya sa dibdib. Naiiyak niyang niyakap ang kapatid niya at si Apo Tulka. “Akala ko ayaw ninyo sa akin.”
“Sinusunod lang namin ang nakatakda para sa iyo, Daeia,” bulong ni Apo Tulka.
“Ibig po bang sabihin pumapayag ba kayong magtayo kami ng paaralan?”
“Nagkausap na sila ni Neiji kasama sina Reid at Tamarra,” kwento ni Mark Ashley. “Sorpresa ko sana sa iyo na dalhin ka dito para ground breaking ceremony next week. Gusto ko na lang malaman kung kailan mo ako pakakasalan.”
“Bilisan ninyo ang pagdedesisyon. Nakasalalay sa inyo ang susunod na henerasyon ng mga Aringan,” sabi ni Apo Tulka at umalis na.
Ngiting-ngiti si Mark Ashley nang magsolo silang dalawa. “You heard that. Masyadong mabigat ang responsibilidad na ibinibigay sa atin. Nakasalalay sa atin ang next generation ng tribo ninyo.”
“Saka na natin planuhin iyan.” Pag-uusapan pa nila ang kasal nila.
Unti-unting lumapit ang mukha nito. “I suggest that we work on the next generation project, Mrs. Camello.”
Hindi na siya tumutol nang naghinang ang labi nila. Nasa kanya na ang lahat ng bagay na magpapasaya sa kanya. Ang pagtanggap ng kanyang tribo at si Mark Ashley.