Hindi maiwasang sulyapan ni Vienezze ang sarili sa head mirror ng sasakyan. Papunta siya sa Stallion Riding Club para sa orientation niya at simula ng forever na pamamayagpag ng kagandahan niya doon. Stay in na siya sa riding club dahil malayo ang bahay niya. Sa workers’ lodge siya titira.
Hinaplos niya ang manibela ng kotse niyang si Potchi. Regalo iyon sa kanya ni Mamu Ferdie noong nag-twenty one siya noong isang taon. Isinangla at naremata ng kapitbahay nilang si Mang Fidel. Symbol status pa rin ang tingin niya sa second-hand niyang kotse dahil di na niya kailangan pang mag-commute.
“Sa susunod, sa mga mansion naman tayo ng riding club titira. Hindi kita ipagpapalit, don’t worry. Ipapa-transform kita para maging Jaguar.”
Kaya pinaghandaan niya ang pagpasok sa Stallion Riding Club. Mula sa buhok niya na alaga sa Stallion Shampoo hanggang sa talampakan. Nag-shopping din sila ng latest na damit sa Divisoria para di siya mapag-iwanan sa fashion pagpasok niya sa riding club. Titiyakin niyang makukuha niya ang atensiyon ng mga guwapong member ng riding club.
“Stallion Riding Club, here I come!” sigaw niya nang makita ang sign na nagsasabing kulang-kulang kalahating kilometro na lang siya bago makarating sa entrance ng riding club. Pasimple pang sinuklay ng daliri niya ang mahaba at itim na itim niyang buhok. Pinalagyan pa niya iyon ng side bangs para mas in.
Kung kailan feel na feel na niya ang pagliko sa eksklusibong kalsada papasok ng riding club nang biglang may narinig siyang umubo si Potchi. Humigpit ang hawak niya sa manibela. “Oi, Potchi! Huwag kang matsu-tsugi. Paano kita irarampa sa riding club kung pupugak-pugak ka?”
Subalit mukhang hindi na kinaya ng katawang-lata ni Potchi at tuluyan na itong namatay. Sinubukan niya iyong I-start subalit namamatay pa rin ang makina. “Potchi naman! Bakit ngayon ka pa bumigay kung kailan malapit na tayo?”
Bumaba siya ng kotse at natigilan nang tangkang bubuksan niya ang hood. Dapat ay presentable siya sa orientation. Kung titingnan pa niya ang sira ng sasakyan, madudumihan ang maganda niyang kuko. Mabibilad din siya sa init ng araw at pati ang make up niya ay malulusaw. Ano rin ba ang silbi ng pagtingin niya sa makina ng kotse kung kahit kailan ay di naman siya natuto sa makina? Kaya nga mababa ang grade niya sa automotive class niya noong high school.
Nasapo niya ang ulo at bumalik sa sasakyan. “What am I gonna do?” Di niya alam kung kanino siya hihingi ng tulong. Wala siyang makitang taxi. “Potchi naman! Ipina-carwash pa kita para shining, shimmering, splendid ka. Hindi nga ako nag-company service dahil gusto ko ikaw ang kasama ko sa grand entrance ko. Pero paano na ito? Iniwan mo na ako! Potchi!” At yumukyok siya sa manibela.
Goodbye na ang kagandahan niya. Wala na ang pinapangarap niyang mala-grand entrance sa riding club. Ayaw niyang sumakay ng company bus. Gusto niyang maging angat siya sa iba. Ang isang prinsesang tulad niya, di dapat nagbu-bus lang. Nariyan naman ang mabulaklak niyang karwahe na si Potchi. Itinirik nga lang siya.
Sinapo niya ang pisngi. “Ayokong pumasok sa riding club ng naglalakad.”
Napapitlag siya nang may bumusinang sasakyan. Isang pick up ang tumigil sa likuran niya. Lumabas ng sasakyan ang driver at tumigil sa harapan niya. “May problema ba, Miss?”
Nagningning ang mga mata niya nang masiyalayan ang kaguwapuhan ni Danrick, the super hot magggugulay. Oh, my gulay! Parang gusto niyang maglupasay tulad ni Sheryl Ann at magpabuhat dito papasok sa riding club. Mas maganda yatang grand entrance kung buhat siya ng isang lalaking mala-prinsipe sa kakisigan at kaguwapuhan. It must be her lucky day.
“Basta na lang tumirik ang sasakyan ko. Hindi ko alam ang gagawin.”
Tiningnan nito ang sasakyan niya. Nakagat niya ang labi habang pinagmamasdan ang makisig nitong katawan. Kitang-kita ang muscles nito sa white na T-shirt at pantalong maong. Hindi rin ito mukhang amoy-pawis. Parang napakabango. Nate-tempt tuloy siyang yumakap sa likuran nito.
Namaywang lang ito habang tinitingnan ang kotse. Ni di man lang binuksan ang hood. Parang natatakot pa nga itong hawakan. “Luma na itong kotse mo. Hindi na iyan bagay sa iyo. Dapat diyan ipinadadala na sa junk shop.”
“Anong junk shop?”
Halos umabot sa hairline niya ang kilay niya. Hindi niya ipapadala sa junk shop ang pinakamamahal niyang si Potchi. No! No! No! Ano naman ang karapatan nito na sabihin na pang-junk shop na ang kanyang karwahe? Di ba nito nakikita na bagong carwash lang si Potchi?
“Ipakilo mo na ito at bumili ka ng bago. Road hazard na ito. Malamang nga hindi na iyan kayanin ng mekaniko.”
Matamis siyang ngumiti. Kanina ay isang anghel ang tingin niya dito. Ngayon ay isang impakto na dinadagdagan ang hinagpis niya. Itinirik na nga siya ng sasakyan niya. Sa halip na tulungan siya, lalo pa siyang ibinabaon sa sama ng loob.
“Mekaniko ka ba? Wala kang karapatan na lait-laitin ang kotse ko! At hindi ko siya ipapakilo!” pagtatanggol niya kay Potchi.
“Prangka lang ako, Miss. Hindi ka na dapat nagmamaneho ng katulad nito. Baka mamaya matiyempuhan ka pa ng masasamang loob. Sexy ka pa mandin.”
Niyakap niya ang sarili at inirapan ito. Balewala na sa kanya ang mga papuri niya. Di pa rin niya makakalimutan na nilait nito si Potchi. “Saan ba ang malapit na talyer dito? Kailangan ko ng mekaniko.”
“Ipa-tow na lang natin.” Naglabas ito ng cellphone at nag-dial.
Towing service? Magkano naman iyon. Sakto lang ang pera niya para pampa-gasolina at pagkain sa mga dadating na araw. Wala siyang pang-tow.
Marahan niyang kinalabit ang braso nito. “Wala akong pambayad sa towing service. Ang pera ko pampagawa lang kotse para makaalis na ako. Saka may importante pa akong pupuntahan.”
“Kilala ko naman sila. Ako na ang bahala. Dadating na siya maya maya lang. Kung di naman malayo ang pupuntahan mo, ihahatid na lang kita.”
“Really!” Nagtatalon siya sa tuwa at niyakap ito. “Thank you! Thank you! Isa kang true fafanez! Winnie the Pooh ang kaguwapuhan mo. Naku! Konti na lang magiging ecklavoo na kita. I swear.”
Nakalimutan na niya ang pamimintas nito kay Potchi. Di naman ito nagkait ng tulong sa kanya. Madali naman kasi siyang I-please basta mabait.
At hindi lang ito basta mabait at makisig. Mabango rin ito. Wagi talaga ito. Kahit siguro di na siya tumuloy sa riding club. Sa mga bisig na lang niya ito.
“T-Teka! Huwag mo akong yakapin!” galit nitong bulyaw at inilayo siya. Nakita niya na nakakuyom pa ang isang kamao ito na parang gustong manuntok.
Umurong siya ng isang hakbang. “Sorry! Na-excite lang ako dahil gagawin na si Potchi.” Ano ang nangyari? Bakit bigla itong nagalit sa kanya? Mabango naman siya, maganda, makinis at kaakit-akit. Hindi ba siya nito type?
Bahagya itong kumalma nang dumating na ang mekaniko kasama ang towing truck. Saglit nitong sinipat ang kotse. “Mabilis mag-init ang makina, Miss,” sabi ng driver. “Kailangan lang palamigin. Ide-deliver na lang namin sa inyo. Bibigyan pa kita ng discount dahil kilala mo naman yata si Danrick.”
“Thank you, Kuya. Thank you!” pasasalamat niya sa mekaniko. Sinulyapan niay ang relo. “Naku! Male-late na ako.”
“Saan ba kita ihahatid, Miss?” tanong ni Danrick na nakasandal sa pick up nito. Mula nang yakapin niya ito ay naglagay na ito ng distansiya sa pagitan nila.
“Sa Stallion Riding Club.”
“Sakto doon din si Danrick. Iwan mo na lang ang pangalan mo at kung saan ko pwedeng ipadala ang sasakyan,” sabi nito.
Nagbayad siya at pinirmahan ang resibo. “Kayo na ang bahala kay Potchi.”
“No problem! Basta naman magaganda, walang problema.”
“Sigurado kang gusto mong ipasok sa Stallion Riding Club ang sasakyan mo?” tanong ni Danrick na mukhang diskumpiyado. “Baka di iyan papasukin doon.”
Umupo siya sa tabi ng driver’s seat at sinulyapan ito. “At bakit naman hindi pwede?” Muli ay umabot sa hairline niya ang kilay niya. Basta kapag pinag-usapan nila si Potchi, on guard agad siya. Wala yata itong sasabihing maganda.
Pumalatak ito at iniliko ang sasakyan. Tanaw na niya ang gate ng riding club. “Tiyak na ipapaharang ni Reid Alleje ang kotse mo. Road hazard na nga ang kotse mo, health hazard pa.”
“Health hazard?” Lumagpas na sa hairline ang kilay niya.
“Kalawangin na ang kotse mo. Baka maraming matetano. Magagastusan ka pa kapag ipinagamot mo ang mga biktima.”
Pilit siyang ngumiti kahit na gusto niyang ihampas sa guwapong mukha nito ng takong ng sapatos niya. Bawal nga palang masira ang mood niya dahil papasok siya sa riding club. Baka sundan pa siya ng malas dahil dito. At di niya ito pwedeng sungitan at baka maglakad lang ang beauty niya papasok ng riding club.
Pwede na niyang pagtiisan ang grand entrance niya sa truck ng gulay basta huwag lang naglalakad. Ford Ranger naman ang pick up nito. Di na masama. Sosyal naman ang tatak. Ford. “May delivery ka sa riding club?” tanong niya. “Madalas ka bang pumunta dito?”
“Oo.” Tipid na sagot nito. Kaya siguro ito magaling mag-English ay dahil madalas ito sa riding club. Isa nga itong sosyal na maggugulay.
“Thank you sa pagtulong mo sa akin. Di ko naman alam na ititirik ako ni Potchi. Sana pala nag-employee’s service na lang ako papunta dito.”
“Mas convenient iyon kaysa magpasok ka ng sasakyan. Kung ako sa iyo, bibili na lang ako ng bagong kotse. Mahirap nang I-maintain ang kotse mo.”
Humalukipkip siya. “Ayoko! Love na love ko si Potchi! Regalo pa iyon sa akin ni Mamu Ferdie. Hindi ko kakayanin na mawala siya sa akin.”
“Sorry. Sa tingin ko lang delikado na talaga ang kotse mo.”
“Huwag ka nang masyadong mag-alala. Inaayos na si Potchi, di ba?” Humawak siya sa braso nito. “Thank you, ha?”
Bigla itong nagpreno at nahintatakutan na lumingon sa kanya. “Sabi ko huwag mo akong hahawakan, di ba?”
Inilayo niya ang kamay. “Eh, di huwag.”
May allergy ba ito sa mga babae at ayaw nitong mahawakan? Baka naman na-trauma ito dahil sa ginawa ng dati nitong nobya. Kung siya naman ay mata-trauma din. Di tuloy niya maiwasang maawa dito. Parang napaglaruan kasi ito.
“Girlfriend ninyo, Sir?” tanong ng guwardiya na nag-I-inspect sa kotse. Mahigpit kasi ang security sa pagpasok ng riding club.
“Anong girlfriend?” asik ni Danrick.
At bakit di siya pwedeng maging girlfriend nito? Hamak na kagandahan naman siya sa ex-girlfriend nito.
Pero kung ayaw nito sa kanya, ayaw din niya dito. Guwapo nga ito pero di pang-maggugulay ang beauty niya. Sa Stallion Riding Club na nga siya papasok, tapos ay babalik pa ba siya sa kangkungan. No way!
“Sa spa ako, Sir,” sabi niya at ipinakita ang ID.
“Ah! Vienezze Nevada.” Inilahad ng guard ang kamay. “Sige po. Tumuloy na kayo. Welcome to Stallion Riding Club.”
“Sa susunod na pupunta ka dito, dapat magpasundo ka sa boyfriend mo,” sabi ni Danrick nang ipasok ang sasakyan sa gate.
“Wiz ako jowa. Kumusta na kayo ng jowanez mo?”
Tumikhim ito. “Pasensiya na. Hindi ko alam ang lengguwahe mo. Kung pwede magsalita ka ng normal para magkaintindihan tayo. At hindi ka rin dapat ganyan magsalita sa mga members ng riding club.”
May trauma pa pala ito sa mga kapatid sa pananampalataya. “Sorry. Ang ibig kong sabihin wala akong boyfriend. At kinukumusta ko ang girlfriend mo. Iyong hinimatay sa Mushroom Burger.”
“Ah! Si Sheryl Ann.” Itinutok nito ang paningin sa kalsada. “She’s pregnant.”
“Ikaw ang tatay? Congatulations!” Sayang. Nalawayan na ito ni Shery Ann. At di na niya ito mapapangarap dahil isa na itong ama.
Matalim siya nitong sinibat at tingin. “Hindi! Tumatakbo lang siya sa akin dahil wala siyang mukhang ihaharap sa magulang niya. Di ko alam kung sino ang ama. Siguro isa sa mga boyfriend ng mga kaibigan niya.”
“Sorry.” Brokenhearted pala ito kung ganoon.
“I am okay. Break na kami bago ko pa malaman na buntis siya. Nirespeto ko siya dahil akala ko katulad pa rin siya noong mga bata kami na inosente, mahinhin at sweet. Pero siya mismo ang sumira sa sarili niya. Hindi ko na iyon problema. Ang magagawa ko lang, hanapin ang ama ng anak niya para panagutan siya.”
Tinapik niya ang braso nito. “Makakahanap ka rin ng babaeng magmamahal sa iyo. Iyong di ka lolokohin. I swear.”
Bigla itong nagpreno ng sasakyan. Muntik na siyang masubsob sa pagkagulat. Saka niya naalala na ayaw nitong hinahawakan. Matalim ang tingin nito nang lingunin niya. “Nandito na tayo sa spa.”
“Thank you!” Kumaway na lang siya. “Mag-ingat ka sa pagda-drive, ha?”
Tumango lang ito at pinaharurot ang mga sasakyan palayo. Magaan ang loob niya at di nito nakatuluyan ang nobya nitong manloloko. Sayang at medyo nagsusungit sa kanya si Danrick. Guwapo pa mandin.
Sayang at di sila magkapalad. Iba na ang mundo niya ngayon. Pang-Stallion Riding Club na ang beauty niya at di niya palalagpasin ang pagkakataong iyon.
HINAPLOS-haplos ni Vienezze si Potchi. “Sorry. Kailangan kitang iwan dito. Di tayo pwedeng rumampa sa riding club. Magpahinga ka muna, ha?”
Nai-deliver na iyon noong bandang hapon. DI na siya siningil dahil kaibigan daw siya ni Danrick. May buti naman palang dulot sa kanya ang gwapong maggulay.
“Vienezze, halika na!” tawag sa kanya ni Charmagne, ang kasamahan niya at room mate niya sa lodge. Gaya niya ay bagong masseur din ito sa riding club.
“Teka. Nagpapaalam lang ako kay Potchi.”
“Bakit kasi idinala mo pa ang kotse mo? Di ka rin naman masyadong makakapag-ikot dito. Tingnan mo nga. Lahat dito puro luxury vehicles.”
“Bakit si Cinderella? Hindi ba pumpkin lang ang karwahe niya at mga bubwit ang ginawa niyang tagahila? At least ako kotse.”
“May mga service naman dito sa loob ng riding club.” Hinila siya nito. “Pumasok na tayo at kukunin pa natin ang uniform natin.”
Excited siya sa unang araw niya sa spa. Sa palagay niya ay iyon ang pinakamagandang trabaho sa lahat. Masasayanaran ng mga kamay niya ang mga mala-diyoses na katawan ng mga member ng riding club. Parang langit!
“Sino kaya ang una nating magiging customer?” tanong niya.
“Gusto ko si Reid Alleje!” tukoy nito sa may-ari ng riding club.
“Hindi pwede iyon. Baka jombagin tayo ng asawa no’n. Saka talbog ang beauty natin kay Doc Tamara.”
“O sige. Kahit sinong member na lang na binata, guwapo at mayaman.”
Sumakay sila sa dumadaang golf cart na nagsisilbing service ng riding club. Nang dumaan sila sa Rider’s Verandah ay nakita niya ang pick up ni Danrick. Nagbababa ito ng mga gulay na ide-deliver nito.
“Teka! Mama, para po!” sabi niya at dali-daling bumaba. “Hintayin mo lang ako, Charm. May kakausapin lang ako.”
“Bilisan mo. Ayokong ma-late tayo.”
Ibinababa ni Danrick ang mga broccoli nang lapitan niya. “Good morning! Mukhang maaga kang magtrabaho, ah!”
“O, Miss… err..” Parang di nito alam ang itatawag sa kanya.
“Vienezze! Di ko pala nasabi ang pangalan ko sa iyo.”
“Nagpadagdag lang sila ng order kaya ako bumalik. Okay na ang kotse mo?”
“Nagawa na nila si Potchi. Hindi pa naman daw kailangang dalhin sa junk shop. Saka salamat din dahil binigyan nila ako ng discount dahil sa iyo.”
“Wala iyon. Kahit naman sino tutulungan ko.”
Guwapo talaga ito at mukhang anghel kapag mabait. Sa susunod na magkita sila, bibigyan niya ito ng libreng masahe para naman makabawi siya.
“Sige. Aalis na ako. Baka kasi ma-late pa ako.”
Abot-tainga ang ngiti ni Charmagne nang bumalik siya sa golf cart. “Sino ang hombre na iyon? Member ba ng riding club? Ang bilis mo naman!”
“Si Danrick? Maggugulay lang iyon. Tinulungan niya ako kay Potchi kahapon.”
Napakagat si Charmagne sa labi. “Ang guwapo namang maggugulay.”
“Don’t tell me type mo iyon? Nasa riding club na tayo. Kung magpapa-cute ka lang din naman, doon ka na sa mga rich na members.”
“May point ka diyan, sister. Pero kahit si Danrick, okay na sa akin.”
Okay na rin naman si Danrick sa kanya… kung di lang siya ambisyosa.