Nakatatlong customer na si Vienezze matapos ang tanghalian. Isang oras ang mga major massage. At mas maikli naman ang iba pang service. Mga foot and hand spa lang at paraffin service ang ipinagawa sa kanya pero malaki namang magbigay ng tip. Kaya marami pa siyang energy para magtrabaho.
“O! Bakit mukha kang down na down?” tanong niya kay Charmagne. Nakabusangot kasi ito habang kumakain.
“Di pa rin kasi ako nakakatagpo ng customer na binata at guwapo.”
“Hindi ba binata naman iyong isa sa customer mo kanina?” tanong niya.
“Binata nga pero di naman kaguwapuhan. Isa lang iyon sa mga client na nai-treat ng isa sa mga member.” Nagpapadyak ito. “Ni hindi yata niya kilala ang gym dahil puro flabs. Tapos parang maniac kung makatingin. No wonder binata pa siya hanggang ngayon. Matandang binata na siya.”
“Ay! Majonda na pala ang lolo mo.” Sumubo siya ng pininyahang manok na siyang tanghalian nila. “Ako mga babae ang clients ko. Mga guest sila dito pero sa dinig ko, wala siyang jowanez na member.”
“Paano mo nalaman ang mga iyan?”
“Nagkukwento sila sa akin. Nakikinig lang naman ako.” Iyon kasi ang isa sa key para bumalik-balik ang mga customer. Kailangan ay chika-chikahin din niya. “Saka malaki silang magbigay ng tip. DI na masama.”
Noong una ay puro mga Stallion Riding Club members lang ang laman ng utak niya. Pero nang makahawak na siya ng pera, naging secondary na lang yata ang paghahanap niya ng lalaki. Mas naging masidhi ang kagustuhan niyang makaipon. Ayaw naman niyang magmasahe buong buhay niya. Gusto rin naman niya na makatapos at maiahon ang Mamu Ferding niya sa kahirapan.
Marami din siyang customer sa beauty salon dahil kakaiba daw ang hagod ng kamay niya. Ang kaibahan lang doon ay walang tip.
Huminga nang malalim si Charmagne. “Sana naman makakuha tayo ng customer na guwapo at mayaman.”
“Kumain ka para may energy ka if fafanez ang makukuha natin.”
Todo-ngiti siya nang bumalik sila sa spa. Magandang factor din na laging nakangiti para pumasok ang swerte. Nilapitan agad sila ng receptionist na si Fatima. “Charmagne, Vienezze, sa room number ten kayo.”
“Ang bilis naman yata namin,” sabi niya at nilingon ang mga kasamang nauna nang nag-lunch break. Dapat ang mga ito muna ang magtatrabaho.
“Kayo mismo ang pinili ng customer natin. Gusto daw niyang masubukan ang mga bagong staff. You should be nice to them. Ilan sila sa pinakama-impluwensiyang member ng riding club. Lalo na iyong isa sa kanila.”
“Bakit parang di maipinta ang mukha ninyo, Ma’am?” tanong niya. Mukhang kinatatakutan ang mga customer na pagsisilbihan nila.
Luminga-linga ito at tumingin sa mga security camera na nakakalat sa paligid. Parang isang maling salita lang o kilos ay pwede na itong kaladkarin palabas ng riding club. “Mahirap nang magsalita. Basta galingan ninyo.”
Iwinagayway niya ang mga daliri. “No problem, sisterette. Kayang-kaya ng mga powers namin ang mga fafanez na iyan.”
Subalit mukhang diskumpiyado pa rin si Fatima at hinawakan nang mariin ang mga kamay nila ni Charmagne. “Good luck sa inyo. Sana paglabas ninyo dito may trabaho pa rin kayo.”
Napahawak si Charmagne sa dibdib at napasandal sa glass panel. “Vienezze, parang ayoko na yatang tumuloy. Uuwi na lang ako.”
“Saka ka na umuwi kapag nasesante ka na. Magdasal ka na lang muna.”
Kinakabahan din naman siya pero di siya dapat matakot. Kanya-kanya lang ang trip ng mga customer. Kailangan lang niyang mahuli ang kiliti ng bawat isa. Sanay na siya sa ganoong trabaho. Ang importante ay ibigay niya ang one hundred percent ng kanyang talento para masiyahan ang customer.
“Good afternoon, Sir!” bati niya sa mga customer na nakaupo sa couch. Hindi basta-basta ang spa amenities ng riding club. Lahat yata ng kasangkapan doon ay mamahalin. May CD player para I-play ang aromatherapy songs.
Luxurious ang style ng bawat kuwarto at may kanya-kanyang theme depende sa klase ng massage na gusto ng customer at sa klase ng ambiance na gusto ng mga ito para ma-relax. Sa kuwartong iyon ay Balinese style. May running water sa glass panel na nagbibigay ng water falls effect sa silid. May aromatherapy candles sa paligid para lalong ma-relax ang mga customer.
May sariling South Pacific Rain overhead shower na nakalagay sa labas. Makabago din ang hydrotherapy tub at ang heated lounging chair.
Bukod sa sariling sauna room, maari ring piliin ng customer na sa outdoor gallery magpa-massage. May sarili rin iyong outdoor Jacuzzi. Kaya naman nuknukan nang mahal ang ibinabayad ng mga customer doon. Sa kuwarto pa lang kasi ay sigurado nang mare-relax ang mga ito.
“Aba! Tama nga si Fatima. Magaganda ang mga bagong staff dito,” nakangiting sabi ng guwapong customer. “I am Richard Don Robles. Mukhang mas mapapadalas pa ang dalaw ko dito.”
Ito ba ang masungit at maimpluwensiyang member ng riding club? Mukha naman itong palangiti at friendly.
“Kayo lang po ba, Sir?” tanong ni Charmagne.
“Hindi. Nauna na akong nag-shower. Mamaya matatapos na rin ang kasama ko,” sabi nito at isinuklay ang daliri sa basa pang buhok.
Biglang pumasok ang lalaking nakatapis ng tuwalya mula sa outdoor gallery. Madilim ang mukha nito habang tumutulo ang tubig mula sa may kahabaan nitong buhok. Napanganga siya dahil well defined ang mga muscles nito. Parang gusto niyang humimlay sa matipuno nitong dibdib. Masarap maging girl kapag ganitong klaseng lalaki ang yayakap sa kanya.
Hinawi nito ang buhok mula sa mukha. Halos bumagsak ang panga niya nang mamukhaan si Danrick. Anong ginagawa nito sa eleganteng spa na iyon?
“Vienezze, iyong maggugulay mo!” kinikilig na bulong ni Charmagne.
“Shhh! Huwag kang maingay.” Baka malapit ito sa miyembrong si Richard Don. Ang swerte naman nito. May ka-close na member. “Good afternoon, Sir!”
“Danrick, sila ang bagong staff dito, Vienezze and Charmagne. Girls, this is Danilo Ricardo Tezzoro,” pagpapakilala ni Richard Don.
Napakasosyal talaga ng pangalan ng maggugulay na iyon. Tunog tagapagmana. Inaasahan niya na ngingitian sila ni Danrick pero lalo itong sumimangot. “Anong klaseng spa ito? Akala ko ba maganda ang serbisyo nila? Hindi ba sinabi ko na tuwing pupunta ako dito, kailangan may naka-ready na silang shampoo. Gusto nilang mag-shower ako pero walang shampoo!”
Napahawak sa braso niya si Charmagne dahil sa pagdagundong ng boses ni Danrick. “Vienezze, anong gagawin natin?” nahintatakutang tanong ni Charmagne. “Saan naman tayo hahanap ng shampoo?”
“Just a moment, Sir,” magalang niyang sabi at naghanap ng shampoo sa mga cabinet ng kuwarto. Naroon ang mga stock nila ng Stallion Shampoo and Conditioner. Tinandaan kasi niya kung nasaan ang mga stock.
May mga pagkakataon na kung anu-ano ang hinihingi ng customers at kadalasan ay nagmamadali. Kaya sa halip na sa main stockroom pa kumuha ay nagtalaga na lang ng kanya-kanyang cabinet sa bawat suite. Kung bakit naman napaka-demanding ng guwapong maggugulay.
Nakangiti niyang inabot ang shampoo kay Danrick. “Ito na po, Sir.”
Natigilan ito nang mapagmasdan siya. “Anong ginagawa mo dito?”
“Dito ako nagtatrabaho, Sir.”
“Si Vienezze ang isa sa mga bagong staff. Magkakilala na pala kayo?” anang si Richard Don. “Good. Sabi ko naman sa iyo ibibigay ko sa iyo ang mas maganda sa bagong masseur nila. Mabuti naman at mabilis kayong magkakasundo.”
Biglang lumapit sa intercom si Danrick. “Hello! Gusto ko ng babaeng masseur. AT gusto ko ng totoong babae.”
NAGKATINGINAN bigla sina Charmagne at Vienezze. Nag-usap ang mga mata nila, nagtatanong kung sino sa kanila ang hindi totoong babae.
Maluha-luha na si Charmagne. “Mukha ba akong bading?”
“Sir, pareho pong female masseur ang ipinadala namin sa inyo,” anang mahinahong boses ni Miss Fatima.
Matalim siyang tiningnan ni Danrick. “Nakakasiguro ba kayo?”
Napahawak siya sa sariling dibdib. Babae siya mula ulo hanggang paa. Di rin siya retokada. Siya ba ang tinutukoy nito?
“Danrick, what’s the problem?” tanong ni Richard Don.
“Gusto ko lang makatiyak na mga tunay na babae nga ang kasama natin,” mariin nitong sabi habang nakatitig pa rin sa kanya. “I want proof that your staff Vienezze is indeed a girl.”
“Mare, bading ka daw?” tanong ni Charmagne. “Totoo ba?”
“Ano?” bulalas niya at nasapo ang pisngi.
Napatingin siya sa salamin na naroon. Di niya alam kung bakit nasabi ni Danrick na kahina-hinala ang pagkababae niya. Marami ang nagsasabi na mukha siyang manyika. Makinis din ang kutis niya. Inalagaan pa iyon ni Mamu Ferdie dahil pangarap nito noon na isali siya sa Binibining Pilipinas. Kinapos nga lang siya ng height. Katamtaman din ang laki ng kanyang dibdib at di iyon ipinaretoke.
Alanganin ang ngiti ni Fatima nang dalhin ang lahat ng requirements na ipinasa niya. “Sir, ito po ang mga documents na nagpapatunay sa identity niya.”
Talaga bang kailangan nitong mag-aligaga para lang I-please si Danrick? Muntik na niyang batukan ang sarili. Di naman kaya di ito ordinaryong maggugulay lang kundi isang miyembro ng Stallion Riding Club? Lahat kasi ng ebidensiya ay nagtuturo na isa itong miyembro. He was eloquent in English. At kung ordinaryo lang itong taga-deliver ng gulay, bakit napaka-demanding nito at parang kung sino kung mag-utos? Kitang-kita pa niya ang panginginig ni Fatima habang kausap ito.
Maaring ito rin ang malupit na miyembro na kinatatakutan sa spa. Ang masama, ang pagiging babae pa niya ang pinag-initan nito. Malas yata siya.
“Totoo ba ang birth certificate na ito? Baka sa Recto lang ito.”
“Sir, they were authenticated and checked by our human resources department,” paliwanag ni Fatima. “They are real.”
Sumunod naman ay ang medical certificate niya. Nagpapalit-palit ang tingin nito sa kanya at sa papel. “Female? Ang doctor ba hindi nasusuhulan?”
“Mismong company doctor po ang nagbigay ng general check up sa kanya. You have nothing to worry, Sir.”
Huminga siya nang malalim dahil malapit nang sumabog ang dibdib niya sa inis. Ano ba ang gusto nito? Ipa-X ray pa ang matris at obaryo niya para lang mapatunayan na babae siya?
“Don’t worry, Sir. XX chromosome po ako,” malambing niyang sabi kahit ang gusto niya ay sakalin ito nang mga oras na iyon.
“XX chromosome?” nagsalubong ang kilay nito.
Matinding effort ang ibinigay niya para di umabot sa kisame ang kilay niya. “Yes, Sir. Iyon po ang twenty-third chromosome sa combination ng DNA. Iyon ang nagde-determine ng gender. Hindi po ako XY chromosome na tulad ng isang lalaki. Baka may iba pa po kayong patunay na gusto kung di pa po kayo satisfied.”
Wala siyang pakialam kung matanggal siya sa trabaho dahil sa pangangatwiran niya. Gusto niyang ipagtanggol ang pagkababae niya! Ang walang hiyang iyon! Isa pa at malapit na itong mamuro sa kanya.
“Are you satisfied, Sir?” tanong ni Fatima.
“You may go!” anang si Danrick at iwinaksi ang kamay.
“Halika! Mag-sauna na tayo,” sabi ni Richard Don at hinila si Danrick papunta sa Sauna room.
Napanggigilan niya ang unan na naroon. “Naku! Kung lumapit-lapit lang siya sa akin kanina, talagang kakalbuhin ko ang kilay niya.”
“Bakit naman niya nasabi na di ka babae?”
“Ewan ko sa kanya!” Di niya alam kung anong problema ni Danrick. Miss pa nga ang tawag sa kanya kahapon. Bigla ngayon ay nag-iba ang ihip ng hangin. It was humiliating. Kinuwestiyon nito ang pagiging babae niya!
“Hindi bale. At least hindi ka niya pinatanggal.”
“Aatakihin naman ako sa puso sa sobrang inis sa kanya.”
Kung hindi lang siya nanghihinayang sa kikitain niya doon, kanina pa talaga niya pinatulan si Danrick. Oo nga. Miyembro nga ito ng Stallion Riding Club. Bagay na bagay ang kaguwapuhan nito doon. Dakila naman itong impakto kaya wala na siyang kaamor-amor dito.
Maya maya ay lumabas ito ng sauna room. Bahagyang humupa ang inis niya nang mapagmasdan ang makisig na katawan nito. Ito ba ang katawan na masasayaran ng kanyang mga kamay? Napalitan ng excitement ang inis niya. Kung bakit di na lang ito naging pangit at puro flab para di na maging kanasa-nasa.
“Anong klaseng massage po ang gusto ninyo, Sir?” tanong niya.
“Gusto ko iyong massage na hindi ko pa nata-try.”
Matagal na sandali itong di nagsalita. Di naman nito sasabihin sa kanya kung anong massage ang nasubukan na nito at hindi pa.
“Sir, baka po gusto ninyong sabihin kung anong massage ang gusto ninyong I-try. Kasi bago pa lang po ako dito.”
“Iyong stone massage di pa niya nasusubukan,” sabi ni Richard Don. Mabuti na lang at accommodating ito.
Nalukot ang mukha ni Danrick. “Bato? May magagawa ba ang bato para sa akin. Nagbabayad ako ng maraming pera para sa spa ninyo tapos gagamitan lang ninyo ako ng batong panghilod. Marami niyan sa ilog.”
“Hindi po pang-hilod. Heated stones po sila para ma-relieve ang stress ninyo,” malumanay niyang paliwanag. Madami pang tanong. Di na lang magpa-massage.
“Ibig sabihin may powers ang bato? Ano ang proof mo?” hamon ni Danrick.
“Kilala ninyo si Darna, di ba? Lumululon siya ng bato para magka-powers.”
Bumulalas ng tawa si Richard Don. “Funny girl!”
Lalong tumalim ang tingin sa kanya ni Danrick. “Niloloko mo ba ako?”
Napigil ang pagtatagumpay niya. Mukhang natakdang maging miserable ang mga susunod na sandali sa buhay niya.