“May dalawang set po kami ng heated stone massage, Sir. We have the chakra semi precious stones and the other one are basalt stones.”
Nakatitig lang si Danrick sa dalawang set ng bato. “Chakra? Hindi ba para sa mga ninja lang iyon. Siguro mas mahal ang sisingilin ninyo dahil mas mahal ang bato na gagamitin sa amin.” Itinuro nito ang basalt set ng stones. “Kailangan bang mahal ang bayad dito kung kinuha lang naman iyan sa ilog?”
Bumuntong-hininga siya nang malalim. Nararamdaman niya na unti-unti nang nauubos ang pasensiya niya. Paano ba naging member ng riding club ang Danilo Ricardo Tezzoro na ito? Parang gusto na lang niyang batuhin ito ng bato para makaganti man lang sa torture na ibinibigay nito sa kanya.
“Just give him a Swedish massage, Vienezze. Tutal doon din naman mauuwi ang massage na gusto niya,” sabi ni Richard Don na kanina pa minamasahe ni Charmagne. Buti pa ang mga ito. They are living in peace and harmony. Habang siya ay malapit nang maubusan ng hinahon kay Danrick.
Hinila niya ang trolley kung saan nakahilera ang massage oil, massage cream at massage gel. “Sir, what would you like…”
“Vienezze, massage cream na lang. Kasi padadaldalin ka lang niya hanggang sa huli at idi-discuss sa iyo ang kung anu-anong brand ang mas magugustuhan niya pero Sacred Earth Massage Cream Botanicals naman ang gusto niya,” sagip na naman sa kanya nI Richard Don.
“Shut up, Richard Don!” saway ni Danrick dito at dumapa sa Napa massage table. “Karapatan ko naman na malaman kung anong products at service na ino-offer sa akin. It is my right as a customer.”
“Nagpunta ka dito para magpa-massage at mag-relax. Hindi para makinig ng lecture ng products nila. And give those girls a break. Ilang mga staff na ba ang nag-resign dahil sa pante-terrorize mo?” tanong ni Richard Don.
“They don’t have the guts to stay here so they may go. Di ko naman sila pinaalis. Sila ang kusang nag-resign.”
Tama. Ito nga ang malupit na member na kinatatakutan ni Fatima. Hanggang kailan siya nito pag-iinitan? Hanggang matapos kaya ang massage session na iyon? Ang tanong, matapos pa kaya niya iyon?
No! Hindi isang antipatikong miyembro lang ang magpapasuko sa kanya sa mga pangarap niya. Nasa riding club ang lahat ng ambisyon niya. Kailangan pa niyang habaan pa ang pasensiya niya. Kahit isang oras pa.
Nagsisimula na siyang maglagay ng massage oil sa upper back nito bilang panimula ng massage session nila nang bigla itong bumangon. “Sandali! Baka naman bukod sa stone massage may iba ka pang alam na massage.”
Talaga naman. Minamasahe na niya, di pa rin ito tumitigil sa pangungulit nito. Paano kaya ito mapapatahimik? “Magma super massage, Sir,” sagot niya.
“Magma super massage?” usal ni Danrick.
“Uy, bago iyan!” sabi ni Richard Don.
“Parang gusto ko iyang subukan,” nakangising sabi ni Danrick.
“Tamang-tama. Bagay na bagay inyo iyon, Sir,” aniya at pinagkiskis ang mga daliri. “I am sure mag-e-enjoy kayo doon.”
“Paano ba ang massage na iyan?” tanong nito.
“Hindi ba may Taal Volcano sa labas, Sir?” Tumango naman ito. “Tumalon kayo sa caldera ng bulkan. Tiyakin lang ninyo na may active magma sa ilalim. At presto! May special massage na kayo.”
Dumilim ang mukha nito. “Niloloko mo ba ako? Huwag mong sabihin na magkakaroon din ako ng special powers tulad ni Darna pag nilulon ang bato?” Mukhang kapag namali siya ng sagot dito, siya ang ihahagis nito sa bulkan.
“Sir, magiging si Magma Man kayo kapag lumabas kayo ng bulkan. Tapos makakabalik kayo sa Cretaceous Period.”
Mas bagay ito sa panahong marami pang dinosaurs sa mundo. Tutal ay ugaling dinosaurs naman ito kaya dapat ay samahan nito ang kauri nito.
“Kanina ka pa! Niloloko mo talaga ako.”
“Danrick, lumalakad ang oras. Sa halip na nagtatalo kayo, magpa-massage ka na lang. Ituloy na ninyo ang massage nito kanina.”
”Tiyakin mo lang na mare-relax ako or else…” anito at isinubsob ang mukha.
Maingat ang naging pagmamasahe niya kay Danrick. Ayaw niyang may marinig na angal mula dito. Subalit maigting pa rin ang muscles nito habang minamasahe niya ang likod nito. Parang ayaw nitong mahawakan ang katawan nito.
“Sir, mag-relax po kayo,” malumanay niyang sabi.
“Basta I-massage mo lang ako. Sasabihin ko kapag ayaw ko,” asik nito.
Pasimple niya itong pinanlakihan ng mata. Kung I-Thai massage na lang kaya niya ito para makaganti siya sa panto-torture nito? Lalamugin niya ang katawan nito. Kung di lang siya naawa dahil mukhang pagod na pagod ito. Parang nakikiusap ang mga muscles nito na tratuhin niya nang maayos.
“Anong trabaho ninyo, Sir?” tanong niya kay Danrick.
“Hindi ba maggugulay siya?” anang si Charmagne.
Inangat ni Danrick ang ulo at matalim itong tiningnan. “I own a farm which grows organic vegetables. Ako ang nagsu-supply sa karamihan ng restaurant sa area na ito.” Saka nito isinubsob ang ulo sa massage table.
Naninisi siyang tiningnan ni Charmagne. Maggugulay lang kasi ang tawag niya kay Danrick. Maggugulay nga ito. Gulay naman ang tanim nito sa farm.
“Kantahan ninyo kami para mas ma-relax kami,” sabi ni Richard Don. “Mas malaki ang tip ko kapag magaling kumanta.”
Tumikhim siya. “Anong klaseng kanta ang gusto ninyo, Sir?”
Basta naman kantahan ay di siya nagpapahuli. Isa siyang batang talentado.
“Kahit ano basta makakatulog ako.”
“Ako na lang ang kakanta, Sir! Ako ang birit queen sa baranggay namin,” pagmamalaki ni Charmagne.
“Sige nga. Iparinig mo sa amin,” sabi ni Richard Don.
“And I will always love you whooo!” Feel na feel ni Charmagne ang pagbirit nito. Kahit nga siya ay napahanga dahil magaling talaga itong kumanta.
“Ayoko ng Inday Inday na iyan!” asik ni Danrick.
“Sir, hindi po iyan ang kanta ko. I will always…”
“Ayoko nga niyan! Huwag ka lang kumanta,” masungit na sabi ni Danrick.
Nanginig ang labi ni Charmagne at nangilid ang luha. Sinenyasan lang niya ito na huwag umiyak. Baka lalong magalit si Danrick. Mukhang kaligayahan na nito na I-torture ang babae sa paligid nito.
Tumihaya si Danrick. Tapos na kasi ang likod ng katawan nito. Sa kanya nito ibinaling ang paningin. “Ikaw naman ang kumanta. Gandahan mo, ha?”
Natuliro siya. Kung iyon ngang magandang ang boses, di nito nagustuhan. Paano pa kaya siya? Nakatitig siya sa mga itim na mata ni Danrick. Sa kauna-unahang pagkakataon, gusto na yata niyang umuwi sa bahay nila.
“Did the cat got your tongue?” he asked in sarcasm.
Wala na siyang maisip na kanta. Na-mental block na siya sa takot. Ibinuka niya ang bibig. Bahala na si Batman kung ano ang kantang lalabas sa bibig niya.
“Aketch ay may lobing. Flylalu sa heaven,” kanta niya sa bading version ng Ako ay may Lobo. “Di ko na ma-sighting. Nyumutok na paler. Sayang lang ang anda ko. Pambili ng lobing. Buti pa ang lafang. Nabusog pa aketch.”
Saka lang niya na-realize na bading version ng Ako ay May Lobo ang nakanta niya nang matapos na. Di mapigilang humalakhak nina Charmagne at Richard Don. “Nakakatuwa. Anong kanta iyan?”
Nakagat niya ang labi. “It is a gay song, Sir.” Bahala na ito kung iisipin nito na masaya ang kanta o pam-vaklush.
“Huwag kang maingay, Richard Don!”
Minsan pa ay dumagundong ang boses ni Danrick. Saka niya naalala na may trauma pala ito sa mga bagay na may kinalaman sa mga pink ang dugo. Lagot! That song was her undoing. Mukhang tuluyan na siyang mawawala sa riding club.
Napalunok siya habang nakatitig kay Danrick. Dadating na lang ba ang security ng riding club at kakaladkarin siya palabas? Paalam mga pangarap at ambisyones. Goodbye, fafanez. Sayonara, Stallion Riding Club.
Pumikit si Danrick at unti-unting na-relax ang katawan nito. “Kumanta ka pa ulit. Gusto ko mas mabagal naman.”
“Ano po, Sir? Kakanta ulit ako?” di makapaniwala niyang usal.
“Sige na. Gusto kong marinig.”
“Aketch ay may lobing…” Noong una ay nag-aalangan pa siyang ulitin iyon. Baka kasi bigla na lang itong bumangon at brasuhin siya. Ngunit nang nanatili itong nakapikit at relax ang mukha, ipinagpatuloy niya ang pagkanta. For the first time, wala siyang nakuhang violent reaction mula dito.
“Himala. Nagustuhan niya ang kanta mo,” sabi ni Charmagne nang matapos siyang kumanta. “Wala yatang taste sa music iyan.”
Umungol si Danrick at biglang natahimik si Charmagne. Takot lang nitong masungitan ulit. “Ma, kantahan mo pa ulit ako,” parang bata nitong sabi.
Muli ay sinimulan na naman niya ang kanta. Paulit-ulit para di na siya makarinig pa ng angal mula dito. Sa wakas ay maayos niyang nagawa ang trabaho. Mas enjoy tuloy siyang saliksikin ang firm muscles nito. Mabuti pala pag tahimik ito at di nagsusungit. Gumugwapo pa ito sa paningin niya.
“Sir, would you like me to massage your abdomen?” tanong niya. May mga customer kasi na ayaw ipahawak ang sikmura ng mga ito dahil sensitive. Kaya bilang paggalang ay tinatanong muna nila.
Wala siyang nakuhang sagot mula dito kundi mahinang paghinga. Ni halos di na rin ito gumagalaw at relax na relax.
“Nakatulog na yata siya,” sabi ni Richard Don.
“Mukhang pagod na pagod nga po siya. Mabigat siguro ang trabaho niya.”
“Mabigat talaga ang trabaho niya dahil solo niyang pinatatakbo ang farm. Napaka-workaholic niya. Walang ginawa kundi magpayaman. Sabi ko mag-member siya dito sa riding club para makapag-relax naman. For the first time, nakapag-relax na rin siya. Kapag nandito sa riding club, sa halip na mag-relax mas gusto pa niyang magbenta ng produkto niya,” kwento ni Richard Don.
“Dati naman siyang nagpapa-massage, di ba?” tanong niya.
“Pero hindi na siya nakakatulog tulad ngayon. NI hindi nga niya natatapos ang massage niya. Nagre-resign ang mga staff na napupunta sa kanya. Ikaw lang ang tumagal sa lalaking iyan. Nakuha mo ang kiliti niya. Congratulations!”
Gumuhit ang ngiti sa labi niya lalo na nang pagmasdan ang payapang mukha ni Danrick. Sana sa susunod na massage session nila ay mas mabait na ito sa kanya. At kakantahan pa niya ito ng maraming Ako ay May Lobo, bading version.
HINDI mapigilang humikab ni Vienezze habang namimili sa grocery. Gabi na nang makalabas siya ng Stallion Leisure Spa. Nakapila ang gustong kumuha ng serbisyo niya. Lagi siyang inire-request. Kaya kahit na day off niya, kailangan pa rin niyang pumasok sa trabaho dahil puno ang nagpa-reserve ng slot para sa kanya.
“Vienezze, ituro mo naman sa akin ang secret weapon mo para mapaamo si Sir Danrick,” ungot ni Charmagne na may dala pang notepad at ballpen.
“Anong secret weapon?”
“Iyong mahiwagang kanta mo.”
Tumawa siya at dumampot ng Stallion Shampoo and Conditioner. “Mag-shampoo ka na lang ng Stallion Shampoo kaysa pag-aralan mo ang kanta na iyon. Si Danrick lang naman ang naaliw sa kantang iyon. Mas maganda boses mo.”
“Pero dahil sa kantang iyon, napaamo mo siya. Kita mo naman, marami ka nang parokyano ngayon. Please!”
“Hindi mo na kailangan. Sasali ka pa sa kalokohan ng Danrick na iyon.”
Pero pasalamat na rin siya dahil naging maaliwalas ang atmosphere nang malaman ng mga staff na di siya nasensante. May malaki pa siyang tip mula sa masungit na si Danrick. Pero kung mauulit na naman ang panto-torture ni Danrick sa kanya, di lang niya alam kung kakayanin pa niyang tumagal. Swerte lang siya.
“Baka naman type ka ni Sir Danrick kaya babait na iyon sa iyo.”
“Naku! Anong type? Kita mong kinuwestiyon niya ang pagiging girlaloo ko. Haller! Girl ako from head to toe! Girl ako pati sa atay at balunbalunan.”
“Baka naman nagpapapansin lang siya.”
“Papansin siya.” Pansin naman niya na guwapo ito. Di na nito kailangan pang magpapansin sa kanya. Dahil pag nasa isang lugar at isinama ito sa talaksan ng mga guwapo, ito agad ang napapansin niya. Di niya alam kung bakit. Siguro dahil ito lang ang unang guwapong nakikita niya at nasanay na lang ang mata niya dito.
Lumabas sila ng convenience store para hintayin ang huling trip ng service coaster na babalik ng Stallion Riding Club. Kinalabit siya ni Charmagne. “Vienezze, hindi ba si Sir Danrick iyon?”
Nang lumingon siya ay nakita niya si Danrick na kausap ang isang maganda at seksing babae. “Mukhang may ka-LQ na naman siya.”
Dalawang sasakyan lang ang pagitan ng kinatatayuan nila at ng pick up ni Danrick kaya naririnig niya ang usapan ng mga ito.
“Danrick, please! Mag-usap naman tayo,” pakiusap ng babae.
“Hindi ko kayo kilala. Bakit ko kayo kakausapin? Please leave me alone,” anang si Danrick sa malamig na boses. She was used to his cold, hard voice. Ngunit mas malamig ang boses na ginamit nito. It has a chilling effect.
Kumapit ang babae sa braso ni Danrick. “Anak, huwag mo itong gawin sa akin. Gusto kitang makasama.”
Pilit niyang inaninag ang babae sa dilim. Mukha ngang mas matanda ito kay Danrick. Ito ba ang nanay ni Danrick. Maganda ang babae. Female version ni Danrick. Pero bakit nag-aaway ang mga ito?
“Hindi mo ako anak!” Pumiksi si Danrick. “You want the farm? It is all yours. Pero hindi ako babalik doon hangga’t nandoon ka pa.”
Napaiyak nang malakas ang babae. Subalit nakita rin niya ang sakit sa mukha ni Danrick gayundin ang galit. Di niya alam kung sino sa dalawa ang dapat niyang kaawaan. Si Danrick o ang babae.
“Maghihintay ako hanggang bukas sa farm para magkausap tayo. Kapag hindi ka dumating, aalis na ako,” malungkot na sabi ng babae at sumakay ng kotse.