Stallion Series (Sofia Edition) Chapter 258

Di maiwasang pagmasdan ni Vienezze si Danrick mula sa malayo. Naitaboy na nito ang babaeng ipinagkakaila nitong ina. Pero bakit parang di ito masaya. He looked like a little boy lost. And her heart swelled with the thought of his sadness.

“May kadramahan din pala sa buhay si Sir Danrick. Pwedeng pang-Maalaala Mo Kaya ang buhay niya. Ano nga kaya ang nangyari?” tanong ni Charmagne.”

Biglang tumalikod si Danrick at sasakay pabalik sa kotse nang bumaling ito sa direksiyon nila. Nanlaki ang mata niya at mabilis na hinila si Charmagne paupo para magtago sa sasakyan. Di sila dapat makita ni Danrick.

Pinagsalikop niya ang palad habang pinakikiramdaman ang papalapit na yabag. “Sana di niya kami nakita. Sana di niya kami nakita,” usal niya.

Isang anino ang tumigil sa harap nila, hinaharangan ang anumang liwanag. Unti-unti niyang inangat ang tingin hanggang makarating sa madilim na mukha ni Danrick. “H-Hello, Sir Danrick!” Pilit siyang ngumiti at kumaway. Buking na sila.

“Anong ginagawa ninyo diyan?”

Napilitan silang tumayo ni Charmagne. “Naghihintay kasi kami ng service bus, Sir. Naiinip na nga kami,” sabi niya.

“Tapos nakita namin kayo,” dagdag naman ni Charmagne.

Siniko niya si Charmagne at pinanlakihan ng mata. “Bakit mo sinabi?” mahinang sisi niya dito.

“Nakita naman talaga natin siya,” pabulong nitong sagot.

“Nakita na pala ninyo ako, bakit pa kayo nagtitiis sa lamig dito? Sumabay na kayo. Huwag na ninyong hintayin ang service. Malamig na dito.”

Nagningning ang mata ni Charmagne. “Naku! Thank you, Sir.”

Nanatili lang siyang nakatitig sa mga mata ni Danrick. Inaaninag niya ang kalungkutan doon. Parang gusto niyang buksan ang puso nito. Gusto niyang pawiin kung anuman ang kalungkutan at sakit na maari niyang makita.

“Ano? Hindi ka pa ba sasakay?” untag nito sa kanya.

“Vienezze, halika na! Uwing-uwi na ako!” tawag ni Charmagne.

Umupo siya sa tabi ni Danrick at si Charmagne sa passenger seat. Napaka-eerie sa loob ng sasakyan sa sobrang katahimikan. Pare-pareho silang nagpapakiramdaman. Marami siyang gustong itanong kay Danrick ngunit hindi ito ang tipo ng tao na basta basta nagbubukas ng loob pag emosyonal.

“Sir, sino iyong babaeng kausap ninyo? Nanay ninyo?” tanong ni Charmagne.

“No. Hindi ko siya kilala,” malamig na sagot ni Danrick.

“Bakit kamukhang-kamukha ninyo? Nanay ninyo iyon, no?” giit ni Charmagne. “Mukha pang sexy at bata.”

“Hindi ko siya nanay. Patay na ang nanay ko.”

Natahimik si Charmagne. “Naku! Sorry po, Sir.”

Subalit maraming sinasabi ang mga mata ni Danrick na di maikakaila sa kanya. Labis ang emosyon na iniipon nito. “Sir, baka po kailangan ninyo ng kausap. Okay lang na kausapin ninyo kami. Di naman namin ipagsasabi,” sabi niya.

“You are a masseur. Di mo trabahong maging confidante ko,” anang si Danrick at nilingon siya.

Di niya pinansin ang pagtutol nito. Kailangan niyang sabihin ang nilalaman ng dibdib dahil para din naman sa ikabubuti nito. “Sir, minsan may mga isyu tayo na ikinakaila sa sarili natin. We just have to face it. Di dapat tinatakbuhan ang problema. Lalo na pagdating sa mga magulang natin. Hindi maganda na magtanim ng sama ng loob sa kanila.”

Bigla itong nagpreno sa sasakyan. Mabuti at naitukod niya ang palad sa dashboard kundi nasubsob na siya. “Sino ka para pagsabihan ako niyan?” asik nito. “Ano ang alam mo sa nararamdaman ko? NI hindi mo nga ako kilala.”

“Di ko nga kayo kilala at di ko rin alam kung ano ang pinagdadaanan ninyo. Pero pare-pareho lang naman tayong nakakaramdam ng sakit. At ayokong makitang may nasasaktan na ibang tao. Kung may magagawa lang ako…”

Nagtagis ang bagang nito. “Then there is nothing you can do for me. Just mind your own business,” mariin nitong wika at pinaharurot ang sasakyan.

Pinili niyang manahimik na lamang sa pagkakataong iyon. He didn’t want to share. He didn’t want to heal his own wounds. Pakialamera pa ang tingin nito sa kanya. Kung hayaan lang sana nitong makatulong siya, magiging mas magaan ang loob nito. Ayaw na kasi niya itong nakikitang parang isang sugatang hayop na nagngangalit. Gusto niyang makita ang payapang Danrick.

NAKIHALO sa umpukan ng iba pang masseur si Vienezze. Inaantok pa nga siya dahil di siya nakatulog. Magdamag niyang inisip si Danrick at ang babaeng kausap nito. Wala naman siyang mapapala sa mga ito. But she couldn’t leave it alone.

“Anong mayroon?” tanong niya kay Charmagne.

“May Mister and Miss Stallion Riding Club daw. Pageant daw iyon dito sa riding club na sinimulan noong isang taon.” Itinuro nito ang poster. “Sponsor pa ng Stallion Shampoo and Conditioner. Malaki siguro ang premyo diyan.”

“Teka! Pera?” Nagningning ang mata niya. “Paano sumali diyan?”

“Hindi kayo basta-basta makakasali diyan. Ang mga male contestant mula sa members ng riding club at female contestant na empleyado ng riding club ay pipiliin mismo ni Reid Alleje,” paliwanag ni Fatima. “Kaya swertehan lang kung sino ang mapili niya.”

Ihinawak ni Charmagne ang kanang kamay sa kaliwang balikat at nag-pose na parang modelo. “Sa palagay mo ba pipiliin ako ni King Reid?”

“Sa palagay ko hindi. Di pa naman tayo matagal dito sa riding club.”

“Saka nakapili na rin si Sir Reid ng kasali. Isa na si Sir Richard Don sa napili niya,” wika ni Fatima.

Nagtilian ang mga kasamahan niya. Naging paborito na kasi si Richard Don ng mga ito dahil napaka-friendly nito at magaling mambola.

“Kasali din si Sir Danrick,” dagdag pa ni Fatima.

“Ay! Si Sir Richard Don na ang mananalo,” pangunguna ni Charmagne at sumang-ayon naman ang iba. “Wala na iyang si MR. Terror.”

Mr. Terror ang tawag ng mga ito kay Danrick. Di talaga ito paborito ng mga staff. Kulang lang ng charm si Danrick. May kasungitan kasi sa katawan.

Ayon sa mga kasamahan niya, di naman daw laging masungit si Danrick. Palangiti rin naman ito at minsan ay nambobola pa. Nagkataon lang na kapag stressed out ito ay saka lang ito pupunta sa spa. Kaya naman silang mga nasa leisure spa ang ginagawa nitong stress reliever.

“Sino ang ka-partner ni Sir Danrick?” tanong niya.

“Si Aya sa Lakeside Music Lounge,” anang isa sa mga staff na si Leslie. “Kawawa tiyak si Aya. Goodluck sa kanya.”

Naging usap-usapan ang nalalapit na competition sa buong riding club. Mga bigatin daw kasi ang mga judges kaya kailangan ay bongga ang presentation.

Papalabas na siya ng spa nang lapitan siya ni Richard Don. “Vienezze, hindi ba marunong kang sumayaw?”

“Yes, Sir. Member ako ng dance troupe noong high school at college.”

“Pwede bang ikaw ang magturo sa amin ng sayaw?”

“Gusto ko ng hip-hop. Katulad sa Do You Think You Can Dance. Iyong dance show sa Amerika,” singit ni Danzelle Ann, ang magiging partner ni Richard Don.

“Anong hip-hop? Kita mong itik-itik lang alam mong sayawin. Mag-interpretative dancing na lang tayo para hindi halata na di ka marunong sumayaw,” kantiyaw ni Richard Don dito.

Tumikhim siya. Kapag magkasama ang dalawa, di natitigil ang pagtatalo ng mga ito. “Kailan po ba magsisimula ang practice?” tanong niya.

“Bukas ng hapon para hindi abala sa trabaho mo,” sagot ni Danzelle Ann.

“Dapat umaga pa lang magsimula na tayo para mapalambot niya ang katawan mo. Tutal excused naman siya dahil magpa-participate siya sa pageant. Bibigyan din natin siya ng talent fee,” katwiran ni Richard Don.

“Bukas na lang siguro natin pag-usapan. Mag-decide na rin kayo sa sayaw.”

Mukhang hindi magiging madali ang trabaho niya bilang dance instructor ng mga ito. Kumusta kaya si Danrick? Magiging maganda kaya ang presentation nito? Sana ay manalo ito sa competition.

NAKATAYO sa harap nina Richard Don at Danzelle Ann si Vienezze. Iyon ang unang araw ng practice nila. Nakakalat ang lahat ng CDs sa sahig ng dance studio. Alas otso pa lang ng umaga ay nagtatalo na ang mga ito kung anong isasayaw. Tatlong oras na ang lumipas pero di pa rin nakakapag-desisyon ang mga ito.

“Ito! Sino ang Tunay na Baliw!” excited na sabi ni Richard Don at ibinigay sa kanya ang CD. “Hindi na mahihirapan si Danzelle Ann dito kapag ginawang interpretative dance. Effortless.”

“Mas bagay iyan sa iyo. Ikaw ang sumayaw mag-isa tutal ikaw lang naman ang baliw sa ating dalawa,” kontra ni Danzelle Ann.

“Interpretative dancing has no rules. It is more on expression of the body and the face to interpret the song. Dapat magalaw ang katawan ninyo at graceful,” paliwanag niya. “Gusto ba ninyong gawan na natin ng step?”

Dalawang buwan lang ang ibinigay para maghanda sa competition. Kaya naman maaga pa lang ay naghahanda na sila. Pero kung ganitong hirap magkasundo ang dalawa, mukhang wala silang mabubuo na kahit ano.

“Cariñosa na lang sa atin. Hindi mahirap gumalaw.” At ibinigay ni Danzelle Ann ang CD sa kanya. “Ito na ang piece namin.”

“Doon tayo sa pambaliw!” giit ni Richard Don.

“Mag-isa kang mabaliw. Magfo-folk dance tayo.”

“Malaking percentage ng score ay galing sa talent,” matiyaga niyang paliwanag sa mga ito. “At dahil magka-partner kayo sa mga talent ninyo, kailangan synchronized kayo. Pareho kayo ng iniisip. May unity kayo.”

“Folk dance na, ha?” maagap na sabi ni Danzelle Ann.

“Sa tigas ng katawan mo, mas bagay sa iyo ang sayaw ng baliw. I am sure mas mako-convince mo ang mga tao.”

Sinapo niya ang sentido. Mukhang hahaba na naman ang usapan ng mga ito at walang patutunguhan. “Excuse me. Pupunta lang ako sa restroom. I suggest that you discuss what song we will use for your talent.”

Nadaanan niyang bukas ang pinto ng katabing dance studio. Magkahawak-kamay sina Danrick at Aya. Doon din pala nagpa-practice ang mga ito. Pumailanlang ang piyesa ng Tavierno tango. Tango pala ang isasayaw ng mga ito.

Ayaw sana niyang manood pero di niya maalis ang tingin kay Danrick. He looked like a very credible tango dancer. Sa posture pa lang, may dating na. Mukhang interesante ang magiging talent ng mga ito.

Iniikot nito si Aya ngunit biglang bumitiw si Aya dito. “Naku! Nakalimutan ko ang next step. Sorry,” hinging-paumanhin ni Aya.

“Simpleng step lang hindi mo pa makuha. Kanina pa tayo dito. Akala ko ba marunong kang magsayaw ng tango?”

“Oo. Pero professional na ang sa iyo. Ano isang semester lang nag-take up ng Social Dance,” angal ni Aya. Mukhang nagkakaproblema din ang magka-partner na ito.

“Hindi ka kasi nagfo-focus.”

“Pwede bang kumanta na lang tayo?” suhestiyon ni Aya.

“Pero hindi ako kumakanta. At least we both know how to dance,” katwiran ni Danrick. “Okay. From the top.”

Ginaya ni Vienezze ang posture ng dalawa. Masarap kasing sayawin ang tango. Paborito iyong sayawin ng nanay at tatay niya noong buhay pa ang una. Nang pumailanlang ang tugtog ay sinabayan niya ang step ng dalawa na animo ay may ka-partner siya. Nainggit siya. Parang masarap na makasayaw si Danrick ng tango. Pwede niyang isipin na lovers din sila ni Danrick na nagsasayaw ng tango.

Naputol ang pag-aambisyon niya nang marinig ang sigaw ni Danrick. “Hey, you!” Nang lumingon siya ay sa kanya ito nakatingin. “Come here!”

Nagpalinga-linga siya. Nang walang makitang tao ay itinuro niya ang sarili. “Ako po, Sir? Napadaan lang ako para mag-CR. Bye!” Baka ulanin na naman ng umaatikabong sermon ang beauty niya. Kailangan niyang tumakas.

Subalit bago pa siya nakatalilis ay nahawakan na ni Danrick ang kamay niya at hinila siya papasok ng dance studio. “I need your help.” Hinawakan nito ang isa niyang kamay at inilagay sa balikat nito. Hinawakan nito ang malaya niyang kamay at humawak ito sa baywang niya. “Aya, play the music and watch intently.”

“T-Teka, hindi ko alam ang gagawin dito,” angal niya. Sasayaw ba sila?

“Gawin mo lang ang step na ginagawa mo kanina,” utos ni Danrick na tuwid na ang tingin sa magkasugpong nilang kamay sa harap.

Pumailanlang ang musika at awtomatikong gumalaw ang katawan niya. Nakaalalay din si Danrick at nagbibigay ng step na dapat niyang gawin. “One, two, three, one,” bilang nito. “Slide back.” Magaling itong ka-partner kaya naman di siya nahirapang sumunod. Kakaibang kaba ang naramdaman niya. Kanina lang ay isang ambisyon ang lahat. Ngayon ay siya na mismo ang kasayaw nito.

Napasinghap siya nang pumaikot siya sa mga bisig nito. Nagkalapit ang katawan nila. “Side dip,” utos nito at kusang sumunod ang katawan niya. Nagpatuloy lang ang tugtog ngunit tumigil na sila sa pagsasayaw. “Nakuha mo ba, Aya?”

Nanatili pa ring magkalapit ang katawan nila. Nakakulong pa rin siya sa bisig ni Danrick. Damang-dama niya ang init ng katawan nito, ang bawat paghinga na tumatama sa tainga niya ay nakakakiliti sa balat niya. Parang langit. Kahit na may ganito kasungit na nilalang sa langit, pwede na rin.

Di niya alam kung hanggang kailan sila sa ganoong ayos. Sana ay forever and ever na lang sila na magkasama. At least kapag nagsasayaw ay magkasundo sila. Parang soulmates. At hindi rin siya nito sinusungitan. May ibig bang sabihin iyon?

“Medyo mabilis po kasi ang step, Sir Danrick,” angal pa rin ni Aya.

“Bakit si Vienezze hindi nahirapan?” Nagdikit nang mariin ang labi ni Danrick. “Paano pa ang next step kung di mo pa makuha ang basic?”

Walang salita ay ihinarap siya ni Danrick dito. Sumalo ang mga palad ni Danrick sa likod niya. “Front dip!” sigaw nito at ibinaluktot ang katawan niya. Awtomatikong yumakap ang isa niyang kamay sa leeg nito dahil sa takot niyang matumba siya. Pagkatapos ay bigla rin siya nitong hinila pabalik.

Nanlaki ang mga mata niya dahil gahibla na lang ang layo ng mukha nito sa kanya. Halos amoy na niya ang mabangong hininga nito. Maging ang labi nila ay halos maglapat na. Kakawala na ang puso niyang nagwawala sa dibdib niya. Kaunti pa, kapag di nito inilayo ang mukha nito sa kanya ay mate-tempt na siyang halikan ito.

Kumislap ang mga mata ni Danrick na parang natakot at bigla siyang binitiwan. Tumili siya dahil nawalan siya ng balanse. Mabuti na lang at sinalo siya ni Aya.

“Sir, ano ba?” Dali dali niyang binawi ang poise niya. Parang mula sa alapaap ng pangarap ay ibinagsak siya nito sa lupa. “Kung bibitiwan ninyo ako, sana sinabi ninyo.” Di niya alam kung iyon ang next step o natakot ito sa kanya.

“Sorry. Hindi ko sinasadya.” Tumalikod ito habang sapo ang noo. Iwinasiwas nito ang kamay. “You may go. Salamat sa tulong.”

“Kaya mo iyan, Aya,” pagbibigay niya ng lakas ng loob dito. Di na siya nagpaalam pa kay Danrick. Parang sumakay lang siya sa roller coaster.

Ngunit di niya makalimutan ang apoy sa mga mata nito kaninang naglapit sila. Parang gusto rin siya nitong halikan. Nanuyo ulit ang lalamunan niya. Parang lalagnatin siya. “Whew! Bakit ba nagpalakad pa ng ganoon ka-hot na lalaki sa mundo!”

Di bale sana kung gusto nga talaga siya nito. Kaso baka halusinasyon lang iyon.

NovelDark

Your free library of light novels, web novels and translations. Romance, fantasy, action, drama — thousands of chapters updated daily, no signup needed.

Genres

© 2026 Noveldark. All rights reserved.