Stallion Series (Sofia Edition) Chapter 260

“Wow! Ang ganda naman ng design ng float na iyan. Ikaw ang gumawa?” tanong ni Charmagne nang makita ang sketch na tinitingnan niya habang breaktime. Iyon kasi ang pagkakataon para ma-check niya ang mga development sa preparation nila ni Danrick sa competition. Abala rin ito sa farm kaya may pagkakataon na kusa na siyang nagtatrabaho.

“Hindi. Si Mamu Ferdie. Itinawag ko lang sa kanya ang gusto ko na concept at ipinadala niya ito sa akin. Ako na daw ang bahala sa kulay.”

May float parade kasi na bibigyan din ng grado ng mga judges. Ancient civilization ang magiging concept kaya Ancient Greece ang nabunot nila ni Danrick.

“Ito namang Spartan costume, sino ang gumawa?”

“Nag-send din sila Mamu Ferdie at bestfriend kong si Madonna ang concept nila. Ni-revise lang ni Miss Jenna Rose kaya mas sosyal.”

“Mabuti naman at supportive ang Mamu Ferdie mo sa pagsali mo sa contest.”

“Siyempre! Pangarap yata ni Mamu na maging Miss Universe ako. Kaya gagawin niya ang lahat para sa akin. Di lang siya makaalis sa salon namin. Marami kasing customers ngayon. Buti nga naisisingit pa niya ang sketches para sa akin.”

Huminga siya nang malalim. Bigla niyang na-miss ang tatay niya at kaibigan. Pati na rin ang magulong baranggay nila kasama pati ang mga sunog-baga at mga tsismosang kapitbahay. Nami-miss niya ang kasimplehan ng buhay doon. Oras na manalo siya sa competition, gusto niyang bumalik sa simpleng buhay niya kasama ang mga mahal niya sa buhay at ipagpatuloy ang pangarap niya.

“Puntahan mo na ang Prince Charming mo at baka awayin ka na naman niya oras na ma-late ka sa meeting ninyo.”

Nang dumating siya sa Lakeside Café and Restaurant ay pasakay na ng pick up si Danrick. “Aalis ka na agad? DI pa naman ako late.”

“Ano ba ang pag-uusapan natin?” tanong nito.

“Ipapakita ko lang sa iyo ang designs para sa float at costume.”

Ang excitement niya ay sinuklian nito ng pagsasalubong ng kilay. “Sino ang nag-design sa mga ito?”

“Mostly si Mamu Ferdie. Iyon iba ako at ang bestfriend kong si Madonna.”

“Si Madonna ang kasama mo noon sa Mushroom Burger.”

“Naalala mo pala. Maganda ang design, hindi ba?”

“At sino naman si Mamu Ferdie? Nanay mo?”

“Tatay ko,” pagmamalaki niya.

Napanganga ito. “Tatay mo pero mamu?”

“Pinklalou ang blood niya pero nagawa niya ako.”

Matagal sandali siya nitong tinitigan na parang alien siya. “Ang nanay mo?”

“Chugi na si Mudra. Ten years old pa lang ako. Babae siya.”

Tumango-tango ito. “Ikaw at si Mamu Ferdie… pareho. Like father, like son?”

Saka niya naalala na isang higad nga pala ang pagkakakilala nito sa kanya. “Like mother, like daughter,” pagtatama niya.

“Have it your way.” Ibinalik nito ang design sa kanya. “Saka ko na titingnan. May date pa ako.”

Date? Nagawa pa nitong makipag-date samantalang kailangan na nilang magdesisyon sa design ng float. Bigla yata itong naging iresponsable. O ayaw lang nito ng design dahil mga pinklalou ang dugo ng gumawa.

“Sige. Mag-date ka,” usal niya habang pinagmamasdan ang papalayong sasakyan ni Danrick. “Pasensiyahan na lang tayo.”

“HALLER, people!” bati ni Vienezze pagpasok ng Reiven Hall. Doon ise-set up at ilalagak ang mga props at float. Kahit maaga pa ay sinimulan na ang pagbuo nila para hindi magahol sa oras. Naabutan niya sina Zairo at Trizha. Si Zairo ang sponsor nila ni Danrick. Si Illyze ang artist na mag-a-apply ng mga paintings sa float. At siyempre naroon ang guwapong-guwapo niyang partner na si Danrick na parang gusto siyang tustahin sa init ng titig nito. Hinaplos niya sa leeg ang kabayo nitong si Steffan na present din sa meeting. “Haller, horsey!”

Hinila siya ni Danrick sa isang tabi. “Bakit biglang aayusin na ang float? Bakit aprubado na nila ang costumes? I am not aware of this. Bakit gumagalaw ka nang hindi mo ipinapaalam sa akin.”

“Sinabi ko sa iyo pero pumunta ka sa date. Ano ang gagawin ko? Magkukumahog tayo kapag malapit na ang oras?”

Bumuntong-hininga ito at tiningnan ang kabayong si Steffan. Napilitan na lang kasi itong sumunod dahil si Zairo na mismo ang nag-request na simulan na ang float. Excited na itong masimulan ang project. Ito ang nagsisilbing ninong ng pares nila ni Danrick dahil ito ang gagastos sa lahat.

Lumapit si Danrick sa grupo nila Zairo. Maya maya ay nakikisali na rin ito sa pagbibigay ng suggestions sa mga kakailanganin sa float.

“Ano kaya ang magandang ilagay na kulay kay Steffan?” tanong ni Danrick. Kailangan kasing lagyan ng dye ang kabayo nito.

“Gold kaya dahil may gold din sa costume ninyo,” suhestiyon ni Trizha.

“You can’t paint the horse gold all over,” sabi naman ni Danrick. “Tama na siguro ang white. Huwag nang kulayan.”

“Pink na lang para bongaseous!” deklara niya at itinaas ang dalawang kamay. “Agree?” She loved pink.

“Anong pink?” sigaw ni Danrick at itinutok ang kahoy nitong espada na siyang sandata nito bilang Spartan soldier sa kanya. “Magkakamatayan tayo oras na gawin ninyong pink ang kulay ni Steffan.”

“I just want to make it livelier. Ang boring ng kulay na nai-suggest mo. Dapat colorful. Pwedeng rainbow color.” Wark freak talaga ito.

Biglang ihinagis ni Danrick ang kahoy na espada sa inis. “Ayoko na. Hindi talaga ako sasali sa contest na iyan. Ikaw na lang mag-isa.”

Matagumpay siyang ngumiti. Simpleng suggestion lang ay di na nito matanggap. Magku-quit na agad ito. Di ba nito alam na may hawak siyang alas? “Oh, good! Ibig sabihin talo ka na sa usapan natin.” Umupo siya sa bench at pinagkrus ang hita. “Magkita na lang tayo bukas sa…”

Mabilis pa sa alas kuwarto ay kinuha ni Danrick ang espada nito at tumayo ulit sa kabayong si Steffan. “Sige! Anong kulay ang gusto mo? Pink? Rainbow color? Kahit ano pa iyan basta manalo lang tayo sa competition.”

Winnie the Pooh na naman siya. Gusto niyang humalakhak. Takot lang nitong pagsawaan niya ang katawan nito. Okay lang sa kanya kahit matalo siya sa contest. “Gusto ko ng rainbow color para sa mane at sa tail ni Steffan at pink sa iba pang parte ng katawan. I think it would be perfect for the grand design of our float.”

Nakita niya ang pagtatagis ng bagang ni Danrick. Ipinagpaliban na lang ang dyeing kay Steffan na nag-uwian na lang ang iba. Naiwan silang dalawa ni Danrick.

“Masama ba ang loob mo dahil design ko ang nasunod?”

“Walang akong karapatang sumama ang loob.”

“Tell me. Kaya ba ayaw mo ng design na ipinakita ko dahil gawa iyon nina Mamu at Madonna. And you despise members of third sex.”

Mukha na itong mahinahon nang tumingin sa kanya. “I won’t deny it. Iyon ang dahilan ko. I have my own prejudices. Pakiramdam ko kahit anong gawin nila mali at di mabuti para sa akin. Pero sino ba ako para kumontra? This competition isn’t just about me. Gusto mo ring manalo. Mabuti nga may tumutulong sa iyong tao. Maganda naman ang design nila. Dapat magpasalamat ako.”

Hindi niya inaasahang magpapakumbaba ito. Danrick Tezzoro had always been high and mighty. Kahit na mali ay tama pa rin sa paningin nito. And she could see that he was sincerely apologetic.

“Hindi ka na galit sa akin?” tanong niya.

“Ako nga ang nahihiya sa iyo at wala akong ginagawa.” Tinapik nito ang balikat niya. “Good job, Vienezze. Kapag tapos na ang competition, iti-treat ko ang tatay mo at ang kaibigan mo sa Mushroom Burger.”

“Huwag ka ngang kuripot. Dito na lang sa riding club. After all, baka iyon na rin ang huling araw ko sa riding club. Aalis na ako.”

Nagulat ito. “Saan ka naman pupunta?”

“Mag-aaral ako dahil may scholarship na ako noon.”

Parang pinaglaruan siya ng mga mata niya dahil nakita niya ang lungkot sa mga mata ni Danrick. Ayaw ba nitong umalis siya sa riding club?

Tipid itong ngumiti. “Then we should do our best. Kailangan nating manalo para makuha mo ang scholarship mo.”

Itinaas niya ang kamay. “Alright! Winnie the Pooh dapat tayo!”

TENSIYONADO ang lahat ng staff pagdating ni Vienezze sa Stallion Leisure Spa. Sinalubong agad siya ni Fatima. “Mabuti naman dumating ka na.” Inabot nito ang shampoo sa kanya. “Bilisan mo. Dalhin mo na sa room number ten.”

Hindi na siya nagtaka nang dumating sa naturang kuwarto. Natanaw niya si Danrick na nakababad sa outdoor Jacuzzi. Nakatingin ito sa malayo at bakas ang lungkot sa mga mata nito. Mukhang mas tahimik ito kaysa sa nakakaraang pagpunta nito sa riding club na nagwawala ito kapag di nasunod ang gusto.

Inilapag niya sa tabi nito ang shampoo. “Sorry kung na-late ang shampoo, Sir. Bibigyan na lang daw kayo ng discount ni Ma’am Fatima.”

“She doesn’t have to. Okay na ako dito sa Jacuzzi.”

Tumayo siya. “Hihintayin ko kayo sa loob ng massage room, Sir.”

“It is my mother’s death anniversary today.”

Natigil siya sa paghakbang. “Gusto mo bang pag-usapan?”

Umiling ito. “Ayoko nang maalala. It is the lowest part of my life. Si Mama lang ang nagmamahal sa akin. Iniwan niya agad ako.”

“I feel the same. Malungkot din ako nang mamatay ang nanay ko. Iyak kami nang iyak ni Mamu.”

“Mabuti ka pa may tatay kahit ganoon siya.”

“Kahit vaklush siya?” Ngumiti siya. “Sa ngayon, siya ang pinaka-importanteng tao sa buhay ko. At kahit na ganoon siya, mahal niya kami ni Nanay.”

Tiningnan siya nito ng puno ng interes. “So they fell in love?”

“Nanay ko pa ang nanligaw kay Mamu. Naku! Iniyakan pa nga ni Mamu nang nakawan siya ng halik ni Nanay noong high school sila. Siyempre pakiramdam ni Mamu mas maganda siyang hamak kay Nanay at hindi sila talo. Ilang beses niyang binasted si Nanay. Pero walang dala si Nanay. Mahal talaga niya.”

Nangalumbaba ito. “Paano sila nagkatuluyan?”

“Nagkaroon ng ibang manliligaw si Nanay. Bigla siyang binakuran ni Mamu. Doon niya nalaman na in love din siya kay Nanay.”

“Sinubukan niyang maging totoong lalaki?”

“Hindi na kailangan. Mas gusto siya ni Nanay nang kung ano talaga siya. Iyon naman talaga ang minahal ni Nanay sa kanya. Takot lang daw ni Nanay na maagaw pa si Mamu ng ibang babae. Iyon nga lang, mas maganda pa si Mamu sa kanya.”

“Hindi ka ba nahirapan?”

“Ano? Iyong dalawa ang nanay ko at vaklush ang tatay ko? Mahirap noong una pero ipinaliwanag naman sa akin nila Mamu ang lahat. Hindi naman sila masamang tao. Nagkataon lang na iyon ang gusto nilang gawin sa buhay nila. Ang importante, tanggapin natin ang pagkatao ng isang tao. Mahalin natin kung ano siya. At hindi kung ano ang gusto nating makita. Para sa huli, tatanggapin din tayo ng isang tao kung ano tayo.”

Mahirap din ang pinagdaanan niya para ipagtanggol si Mamu Ferdie. Pero kahit minsan ay di niya ikinahiya kung sino ang magulang niya.

Sumandal ito at tumingala sa langit. “Maswerte ka sa magulang mo. I am sure your mother is happy. Kahit na iniwan ka niya, alam niyang naging masaya naman siya sa piling ninyong mag-ama.”

“Bakit? Hindi ba natutuwa ang nanay mo sa mga accomplishments mo? Kita mo naman! Member ka pa ng Stallion Riding Club.”

Ngumisi ito. “That is hardly an accomplishment. And we are different, Vienezze. Hindi mo napagdaanan ang pinagdaanan ko.”

“Katulad ng?”

“Rejection from the person whom you needed acceptance the most,” he said bitterly. “Masakit na talikuran kami ni Mama. At mas masakit na harap-harapan kang ipagkaila sa ibang tao.”

“Ang tatay mo ba?” maingat niyang tanong.

Makahulugan siya nitong tiningnan. “My father is not a man. At kahit kailan, wala siyang karapatan na tawagin akong anak. Iniwan niya kami. Ipinagkaila niya ako. Iyon ang mga bagay na hindi ko maiintindihan.”

Kaya ba masyado itong matigas dahil naranasan nitong ma-reject ng sarili nitong ama? Iyon marahil ang pinakamasakit na maaring maranasan ng isang tao. Ang hindi kilalanin. Ang hindi alagaan.

Ngayong wala na ang inang nagmamahal kay Danrick, nakapalungkot marahil ng buhay nito. Ni hindi nito naranasan pa na mahalin.

Tahimik na si Danrick habang minamasahe niya. “Vienezze, sorry kung hinusgahan kita dati. Nagsama-sama lang talaga ang galit ko.”

“Sino? Doon sa ex-girlfriend mo na gusto kang I-share sa mga kaibigan niya?”

His head suddenly shut up. “Alam mo rin iyon?”

Ngumisi siya. “Sorry. Parang may shooting kasi kayo. Hindi ko maiwasang marinig ang mga sinabi niya. Na-harass ka ba?”

“Almost. The thought of it gave me creeps.”

“Danrick, hindi kita hina-harass, ha?” Pinagpapantasyahan lang niya ito pero wala naman siyang planong pagsamantalahan ang kahinaan nito.

“Matutuwa ka ba kapag sinabi ko sa iyong pinagkakatiwalaan kita? Magaan ang loob ko kasi nang kantahan mo ako ng lullaby, parang naalala ko sa iyo si Mama. Iyon ang madalas niyang kantahan sa akin.”

“Hindi ba iyong mga lalaki na naalala ang nanay nila sa isang babae, doon sila madalas na naa-attract.”

Tiningnan siya nito na parang tinubuan siya ng tatlong ulo. “Nagpapatawa ka ba? Di ko nga alam bakit naalala ko si Mama sa iyo.”

Sinimangutan na lang niya ito. Ang alam pala nito sa kanya ay lalaking nag-iilusyon maging babae. “Oo na. Weird nga iyon.”

“Hindi ko alam kung bakit nasasabi ko ang lahat sa iyo. We are not even close.”

“Eh, di maging close.” Di niya mapigil ngumiti. Isang malaking karangalan na pinagkakatiwalaan siya ni Danrick.

Inilahad nito ang palad. “Friends?”

“Talaga? Gusto mong maging friend ako?” Nagtitili siya. “Beso-beso tayo, friend!”

Biglang kumuyom ang kamao nito. “Friends?”

Napangiwi siya at kinamayan na lang ito. “Okay. Friends.”

It was a big accomplishment for her. Pakiramdam niya ay espesyal siya nito. Sana ay maging more than friends din sila.

NovelDark

Your free library of light novels, web novels and translations. Romance, fantasy, action, drama — thousands of chapters updated daily, no signup needed.

Genres

© 2026 Noveldark. All rights reserved.