Stallion Series (Sofia Edition) Chapter 261

Lamig na lamig si Vienezze sa panahon at ayaw pang bumangon. Day off naman niya kaya wala siyang magiging problema. Pwede siyang magpatanghali sa higaan. Nagising siya sa sunud-sunod na ring ng cellphone. Pakapa niya iyong kinuha. “Hello!” Sabay-pikit ulit.

“Vienezze, bibigyan kita ng thirty minutes para puntahan ako sa Lakeside Café. So get up now.”

Biglang nawala ang antok niya. “Ikaw ba iyan, Big Brother.”

“Anong Big Brother? Si Danrick ito!”

Halos mabasag ang tainga niya sa pagsigaw nito. “Oo na! Gising na ako!” asik niya. Mukhang may emergency kaya ginising siya nito ng maaga. Dapat ay may isang oras pa siya para matulog pero bigla na itong nambulahaw.

Nagulat pa si Charmagne na naghahanda sa trabaho nang makita siya. “Bakit nagising ka na? Hindi ba mamaya pa naka-alarm ang cellphone mo?”

Humikab siya. “Ginising kasi ako ni Danrick. Puntahan ko daw siya sa Lakeside Café within thirty minutes.”

Nagtitili ito. “Gora na!” Itinulak nito ang balikat niya. “Huwag ka nang shoshonga-shonga. Baka gusto niyang mag-date kayo. Ecklavoo ba itech?”

Napatitig siya dito sa sobrang gulat. Parang lumipat kasi dito ang pagkatao niya. “Sinapian ba kita?” tanong niya.

“Hindi. Pero isa na akong estudyante mo. Kinakabisa ko na rin ang Aketch ay May Lobing.” Humalakhak ito. “Nakakuha kasi ako ng malaking tip sa isa sa mga guest nang kantahan ko. Effective talaga ang style mo.”

“Sige! Ipangalat ang pagka-vaklush!”

Natatawa siya dahil may isa pala siyang disipulo sa katauhan ni Charmagne. Huwag lang itong magkamali na gamitin ang mga natutunan sa kanya kay Danrick dahil tiyak na iihawin ito ng binata nang buhay.

Pagdating sa Lakeside Café ay nakahanda na sa table ang agahan na in-order ni Danrick para sa dalawang tao. “Wow! Puro damo ang nandito.”

“Kailangan mong mag-diet. Nananaba ka na. Puro chocolates ang kinakain mo sabi ni Charmagne.”

Napahawak siya sa baywang niya. “Sumbungera talaga iyon.”

May mga admirers na kasi siya sa Stallion Riding Club lalo na nang malaman na kasali siya sa pageant. Pero dahil si Danrick ang ka-partner niya ay di direktang makaporma ang mga ito. Pakiramdam kasi ng mga ito ay pet siya ni Danrick.

“Simula ngayon, huwag ka nang tatanggap ng chocolate mula sa mga lalaking nauuto mo,” sabi nito at nilagyan ng salad ang plato niya.

“Ano na lang ang hihingin ko kung hindi chocolate?” Hinaplos niya ang baba. “Ibig sabihin okay lang tanggapin iyong nag-o-offer ng house and lot sa akin? Ayoko no’n. Sabi ko hanggang chocolate at flowers lang ang tatanggapin ko.”

Napapitlag siya nang gumawa ng ingay ang pagkalansing ng hawak nitong kubyertos sa plato. “Hindi ka na pwedeng magpaligaw mula ngayon.”

Nanghaba ang nguso niya. “Huwag kang killjoy diyan. Anong gagawin ko sa buhay ko kung hindi ako magpapaligaw?”

“Hangga’t ako ang ka-partner mo, hindi ka pwedeng magpaligaw. Gusto ko mag-focus ka lang sa laban natin. Gusto mo bang manalo?”

“Siyempre naman.”

“Ano ang pipiliin mo? Career o lovelife?”

“Siyempre lovelife. Kaya nga I love you, Pare,” aniya sa pinababang boses.

Muli na namang kumalansing ang kubyertos. “Huwag mong ubusin ang pasensiya ko. Wala iyan sa usapan natin!”

Gusto niyang bumulalas ng tawa dahil pinagpawisan nang malapot si Danrick. Mas mabait na ito sa kanya pero parang bulkan agad ito na sasabog kapag nagkunwa-kunwarian na siyang vaklush na may interes dito.

“Naku! Masyado kang seriousnez. Joke lang iyon.”

Tumikhim ito at kumalma. “Umayos ka!”

Pinagtitiisan na lang niya ang kasungitan nito. Tuwing magkasama naman sila ay iniisip na ng lahat na boyfriend niya ito. Di kalat sa riding club na isang lalaking pinklalou ang dugo ang tingin sa kanya ni Danrick. Ang tingin sa kanya ng lahat ay ang mabait na babaeng nagpaamo sa leon na si Danrick Tezzoro.

“Pwede bang kapag nanalo ka na sa competition at umalis ka ng riding club bumalik ka na sa normal na buhay?” tanong

Naglalakad-lakad na sila noon sa pathwalk sa tabi ng lake dahil tapos na ang agahan. Kalahating oras pa at naka-schedule na ang practice nila sa dance studio. Palapit na kasi nang palapit ang competition at pahigpit na rin nang pahigpit ang laban. Sa narinig nila, di basta basta magpapatalo ang mga kalaban nila.

“Anong normal na buhay?”

“Maging lalaki ka ulit.”

Muntik na siyang matalisod sa sobrang pagkagulat. “Danrick, magiging ako si Darna pero hindi ako magiging lalaki. Girlaloo ako from head to toe. Inside and out. Pati atay at balun-balunan ko babae.”

“Sorry. Naisip ko lang kasi na baka gusto mong magbagong-buhay. Pwede naman kitang tulungan.” May inabot itong kahon sa kanya.

Muntik na niyang bitiwan nang makita ang laman. “Brief?” Bigla niyang ibinalik dito ang kahon. “Naku! Virgin pa ako. Wag mo akong binibigyan ng mga ganyan at nadedemonyo ako.”

“Nate-tempt ka nang maging lalaki ulit?” nakangisi nitong tanong.

“Hindi! Sinabi ko na ngang girlaloo ako, di ba?” Namaywang siya. “Isa pang pamimilit sa aking maging lalaki, aahitin ko ang kilay mo! I-work out mo na lang iyang ngiti mo para lumabas ang fafanez factor mo.”

“Anong problema sa ngiti ko? Hindi na kailangan iyon. Mananalo na ako kahit na di pa ako masyadong magngingiti.”

Parang napakamahal naman ng ngiti nito. Ngingiti lang yata ito kapag may gusto itong inisin o tagumpay ito dahil nakapang-inis na ito. Sarcastic na ngiti lang ang na-perfect nito. Di pwedeng ilaban sa pageant.

“At paano ka naman mananalo sa sarcastic smile mo?”

Sumandal ito sa wooden rail ng pathwalk. “Hindi mo ba nakikita? Kaya ako napasok sa competition sabi ni Reichen Alleje dahil hot ako, guwapo at makisig. Ano pa ang hahanapin mo sa akin?”

Si Reichen Alleje kasi ang consultant ng mga male contestants pagdating sa character ng mga nasa competition. Pero dahil lalaki, di nito masyadong pinapansin ang flaw ng mga co-member sa riding club. Tingin kasi ng mga member doon ay perpekto na ang mga ito na male specimen pagpasok ng riding club.

“Charm. Luz Valdez ka sa charm.”

Awtomatikong dumilim ang mukha nito. “Aanhin ko ang charm. Hot na ako.”

“Puro ka hot! Mainitin ang ulo mo. Sa popularity sa girls, chugi ka. Di lang ikaw ang fafanez sa contest.” Itinuro niya si Richard Don na dinadayo ng mga babae sa Lakeside Café and Restaurant. “Kita mo naman. All smile siya sa mga girls. Iyan ang wala ka. Di ka kasi nagngingingiti.”

“Iyon ba ang gusto mo? Iyong mukhang tangang nakangiti nang walang dahilan. Tapos pakaway-kaway. Di naman siya pa samantalang hindi naman siya tatakbong baranggay captain. Ganyan ang lalaking gusto mo?”

“Mag-aral ka nang ngumiti. Iyong natural na masaya ka. O kaya iyong flirty smile. Gayahin mo si Richard Don.”

Napailing si Danrick. “Minsan ko lang nagagawa ang ganyang ngiti. Kapag birthday ko lang din ako nakakapag-flirt. Doon lang ako nagpipilit maging masaya.”

“Kung ayaw mong ngumiti, ako ang magpapangiti sa iyo.”

Bigla niyang hinawakan ang tagiliran ng baywang nito. Napapitlag ito sa sobrang pagkagulat. “Ano bang ginagawa mo?”

“Kikilitiin ka,” aniya at iginalaw-galaw ang daliri, nakahandang umatake.

“Wala akong kiliti. Tigilan mo ako!” Umurong ito palayo sa kanya.

“Ako ang exclusive masseur mo. Kabisado ko ang katawan mo. After all, nakita ko na ang lahat-lahat sa iyo. Kabisado ko lahat iyan.” Saka siya humalakhak.

Namula ito at maang siyang tiningnan. “Ano? Lahat ng…”

“Uy, nagba-blush.”

Bahagyang nakababa ang depensa nito kaya naman mabilis siyang kumilos. Naglakbay ang ekspertong daliri niya sa area kung saan alam niyang may kiliti ito.

Pilit na lumaban si Danrick. “Vienezze, lagot ka sa akin.”

Sinubukan nitong hulihin ang daliri niya pero mas mabilis iyong gumalaw. Bago pa nito mahuli ay pumailanlang na ang halakhak nito sa buong riding club.

“Vienezze, huwag diyan,” sigaw nito kasabay ang tawa. Nakalupasay na silang dalawa sa sahig ng wooden pathwalk dahil di niya ito tinigilan hangga’t hindi nasusulit ang tawa nito. Masarap kasing pakinggan.

“Perfect! Authentic fafanez ka kapag tumatawa.”

Hinuli nito ang mga kamay niya. “Gaganti ako!”

Napatili siya nang tangkain nitong kilitiin siya. Itinulak niya ito sa dibdib at napahiga ito. Ngunit mabilis ding pumaikot ang bisig nito sa baywang niya. Nahila siya nito at nakadapa siya sa ibabaw nito.

“Danrick, ano ba?” bulalas niya nang matigilan.

Sobrang lapit kasi ng mukha nila sa isa’t isa. Di niya magawang gumalaw dahil titig na titig si Danrick sa kanya. Nakita na naman niya ang apoy sa mga mata nito. Napakurap ang mga mata niya. Parang dahan-dahan din kasing nawawala ang distansiya sa pagitan nila. Lumalapit ang mukha nila sa isa’t isa.

Subalit biglang naglaho ang apoy na iyon. Iniwas nito ang tingin sa kanya. “S-Sorry,” sabi nito.

Dali-dali siyang tumayo nang makabawi. Bigla silang nagkailangan. “Ngingiti ka na mula ngayon. Kung hindi, kiliti ang magiging parusa mo.”

“Okay. Panalo ka na.”

Humagikgik siya at kumanta. “Huwag diyan! Aw! May kiliti ako diyan.”

Tiningnan siya nito ng matalim. “Matapos ang pageant na iyan, makakatikim ka rin sa akin,” banta nito at nagpatiunang maglakad papuntang dance studio.

Nakagat niya ang labi. Dapat ay matakot siya sa banta nito pero sa halip ay na-excite pa siya. Ano kaya ang ipapatikim nito sa kanya? Kung isang matamis na halik, pwede na siguro.

NAKABALUKTOT sa kama si Vienezze. Nananakit ang puson niya dahil sa dysmenorrhea. Madalang na iyong umatake kapag may period siya. Pero dahil sa sobrang stress, it was back with a vengeance. Hindi siya halos makagalaw sa sakit. Hindi na nga rin siya pumasok dahil doon.

Narinig niyang bumukas ang pinto ng kuwarto niya. “Charmagne, ikaw na ba iyan?” ungol niya. Nakiusap kasi siya sa kaibigan na may bilhin na ilang gamit para sa kanya at dalhan na rin siya ng pagkain.

“Si Danrick ito. Sinabi sa akin ni Charmagne na may sakit ka kaya ibinigay niya sa akin ang susi para madalaw kita. Di ka daw makabangon.”

“Danrick?” Napahawak siya sa puson. “Sorry. Hindi ako makakapag-practice. Siguro bukas na lang o sa susunod na araw pag okay na ako.”

“Natingnan ka na ba ni Doc Kester?” tukoy nito sa resident physician ng riding club at sinalat ang noo niya. “Ako muna ang mag-aalaga sa iyo, ha?”

“Magiging okay din ako. Hindi ko kailangan ng doctor.”

“Iyan nga at hindi ka na makabangon.” Saka nito inilabas isa-isa sa plastic bag ang mga pinabili niya kay Charmagne. “Sabi niya ako na ang magdala dito. Baka kasi ma-late na siya sa spa. Kulang ng tao dahil wala ka.”

“Ako na ang bahala diyan. Thank you.”

Kumunot ang noo nito nang ilabas ng sanitary napkin. “Kay Charmagne ‘to?”

“Sa akin iyan!” Naiilang siya dahil personal niyang gamit iyon.

“Gumagamit ka nito? Para saan?”

Naggiyagis ang ngipin niya. Baka kahit I-explain niya ay sabihan pa siya nitong ambisyosa. Isang bading na may menstrual cycle. “Iwan mo na lang iyan.”

“Gutom ka na ba? Dadating na iyong ipina-order ko.”

May kumatok sa pinto na agad nitong pinagbuksan. Nang bumalik ito kay kasama na nito si Doctor Kester Mondragon. “Ipinatawag mo pa siya? Dysmenorrhea lang naman ito. Normal lang ito.”

“Hindi ka ba umiinom ng gamot? Or do anything to relieve the pain?” tanong agad ni Doc Kester at umupo sa wicker chair sa tabi ng kama.

“Wala po. Hinahayaan ko lang.”

“Iyong iba ayaw inuman ng gamot. But to ease the pain, you may use a hot compress. Magpapadala na lang ako dito kung wala ka. Just call me if you still need anything. You must be having a hard time,” sympathetic na sabi nito.

“Thanks you, Doc,” usal niya at ipinikit ang mga mata. Hot compress. Parang langit na iyon sa pandinig niya.

“Anong dysmenorrhea?”narinig niyang tanong ni Danrick kay Doc Kester.

“Menstrual cramps. Iyan ang nararanasan ng mga babae kapag may menstrual cycle sila,” paliwanag ni Doc Kester.

“Ano pa ang ibang ibig sabihin ng dysmenorrhea?”

Natawa si Doc Kester. “Di ko alam kung may bago iyong meaning sa dictionary. May problema ba?”

Kumunot ang noo niya habang nakikinig sa usapan ng ito. Ano na naman ba ang problema ni Danrick at pati dysmenorrhea niya ay pinakikialaman?

“Para magkaroon ng menstruation, di ba kailangan ng babae ng ovary, fallopian tube at ng uterus? May transplant na ba para sa mga iyon sa mga lalaking nagpa-sex change?”

“From what I’ve heard of, it hasn’t been discovered yet.”

“So wala pang transsexual e na pwedeng magkaroon ng menstruation.”

“Wala. Babae lang ang may menstruation. Babae lang din ang nabubuntis. You are acting weird, pare.”

NovelDark

Your free library of light novels, web novels and translations. Romance, fantasy, action, drama — thousands of chapters updated daily, no signup needed.

Genres

© 2026 Noveldark. All rights reserved.