Danzelle Ann hated Richard Don so much. Isa itong babaero, lampa at walang inintindi kundi ang sarili nito. Kaya nang ipatapon siya sa riding club upang tulungan ito sa Lakeside Café and Restaurant kung saan kasosyo nito ang kapatid niya, parang nagdeklara na rin sila ng World War Three sa isa’t isa.
She hated him while he loved to tease her. At mukhang alam nito ang paraan para panginigin ang tuhod niya at pabilisin ang tibok ng puso niya.
She shouldn’t underestimate him. He is a very dangerous enemy.
Iginala ni Danzelle Ann ang paningin sa malawak na lupain ng Hacienda De Saavedra habang nakasakay sa paborito niyang kabayong si Ermengard.
Daan-daang ektaryang lupain ang natataniman ng mga pinya na nagsisimula nang mamunga. Ilang buwan pa ay aanihin na iyon para I-export. Isa sila sa mga independent growers ng pinya na ibebenta sa mga kompanyang namumuhunan. Subalit di lang iyon ang makikita sa mahigit isang libong ektaryang hacienda. May fruit orchard din sila na pawang export quality at cattle business rin sila. Para sa kanya ay natatanaw niya ay ang lupaing nasasakop ng kanyang kaharian.
“Ang ganda talaga dito,” sabi niya kay Ermengard at hinaplos ang leeg nito. “Kaya gusto ko dito lang ako dahil di ko ito ipagpapalit sa ibang lugar sa mundo!”
Isang paraiso ang tingin niya sa bahaging iyon ng Bukidnon. Dahil nasa isang talampas ang lalawigan ay malamig ang klima. Di rin dinadalaw ng bagyo ang Bukidnon kaya perpekto iyon sa pagtatanim at pag-aalaga ng mga hayop. Kaya naman ang Bukidnon ang agricultural capital ng Mindanao.
Ang Bukidnon din ang kanyang lupang tinubuan at ang tahanan ng kanyang lahi. Malanghap lang niya ang sariwa nitong hangin ay masaya at kontento na siya.
Maya maya pa ay lumapit sa kanya ang katiwala ng hacienda na si Mang Homer. “Señorita, dumating na po si Señorito Jeffrey.”
Ang Kuya Jeffrey niya ay ang nag-iisa niyang kapatid. Dumating na ito mula sa pag-aaral sa Manila. Matagal nang gustong makawala ng kapatid niya sa buhay sa hacienda. Mas gusto nitong mag-aral sa siyudad habang pinili niyang mag-aral sa Central Mindanao State University para di mapalayo sa tatay niya.
Umuwi lamang ang kapatid niya para sa Kaamukan Festival. Iyon ang isa sa pinaka-unique na festival sa bansa kung saan naipapakita ng mga taga-Bukidnon ang sariling kultura at paniniwala.
“May kasama ba siyang babae?” tanong niya.
“Wala po, Ma’am. Iyong kaibigan lang po niyang lalaki ang kasama niya,” balita nito. “Hinihintay na po nila kayo sa villa.”
Di mawala ang ngiti niya nang malamang walang kasamang babae ang Kuya Jeffrey niya. Hindi nawawalan ng nobya ang kapatid niya sa Maynila. Basta huwag lang nitong itatapak sa hacienda ang mga babae nito.
Possessive siya sa mga lalaki sa pamilya niya dahil nag-iisang babae lang siya. Namatay ang mama niya noong sampung taon siya nang mag-crash ang eroplanong sinasakyan nito papuntang Maynila. Simula noon, binabakuran na niya ang kuya at Papa niya.
Di na nakapag-asawa ang Papa niya dahil binantaan niya na sa pamilya ng mama niya sa Amerika titira. Ang Kuya Jeffrey naman niya ay di makapagnobya noong nasa Bukidnon pa dahil sinusungitan niya. Pwede itong magnobya basta huwag lang patutungtungin sa teritoryo niya.
Pinatakbo niya si Ermengard papunta sa Villa de Saavedra. Iniwan niya ito sa stable at tumuloy sa villa. “Nasaan po si Kuya Jeff?” tanong niya sa isa sa mga kawaksing naabutan niyang naglilinis ng lanai.
“Nasa greenhouse po kasama ang kaibigan niya.”
Paborito nilang lugar sa villa ang greenhouse dahil ang namayapa nilang ina ang mismong nag-aalaga ng mga halaman doon noong buhay pa ito. Marami silang alaala ng Mama nila sa greenhouse. Kaya pagdating sa villa ay doon ito tumutuloy.
Palapit sa greenhouse ay narinig niya ang hagikgikan ng mga babae. Ang mga pinsan siguro niyang babae na nagbakasyon sa kanila ang kasama ng kuya niya. Dumayo din ang mga pinsan niya mula sa Davao para manood ng Kaamulan Festival. Ano kaya ang pinag-uusapan ng mga ito at parang kinikilig?
“RD, ako ba ang ide-date mo sa Kaamulan?” tanong ng pinsan niyang si Odessa. “Ako ang tour guide mo.”
“Wala naman iyang alam dito. Paano ka niyang itu-tour?” kontra ng mas matanda niyang pinsan na si Bambina. “Saka hamak na mas maganda naman ako sa kanya. Ako ang nanalong Miss Davao last year. Mas bagay tayong dalawa.”
Pagdating niya ay pinagigitnaan ng pinsan niya ang isang guwapong lalaki habang nakaupo sa bench. Saglit niyang pinag-aralan ang itsura nito. Kahit nakaupo ay matangkad ito. Di nalalayo ang edad nito sa kapatid niya. He must be in his early twenties. Parang pinaghalong gatas at kape ang kulay nito. Maganda ang mata nito na parang nangungusap. Matangos ang aristokratong ilong at maganda ang ngiti.
Kumunot ang noo niya nang halos hihimatayin na ang mga pinsan niya sa isang ngiti at tingin lang nito. Humalukipkip siya. Masyado itong guwapo. Hamak na mas guwapo pa sa kapatid niya. At hindi niya gusto iyon. Hindi siya natutuwa na ginawa nitong parke ang sagradong greenhouse ng Mama niya at doon pa nakikipag-flirt sa mga pinsan niya.
“Sino ka at anong ginagawa mo dito?”
Napalingon ang tatlo sa kanya nang dumagundong ang boses niya sa buong greenhouse. She always had that effect. Kahit sino ay napapatingin sa kanya kapag nagtaas na siya ng boses. Dahil sa haciendang iyon ay siya ang batas.
“That’s not the proper way to greet a guest, Danzelle Ann,” anang Kuya Jeffrey niya na nasa likuran niya. Kasunod nito ang dalawa sa kawaksi na may dalawang merienda.
Guest? Wala siyang pakialam kung ang kaharap niya ay ang Mata Hari. Kung di tama ang ginagawa nito sa teritoryo niya, siya pa rin ang masusunod.
“Bisita mo siya?” Di pa rin tumataas ang kilay niya.
Inakbayan siya ni Jeffrey. “Richard Don, meet my lil sister, Danzelle Ann de Saavedra. And my best friend, Richard Don Robles. Hindi ba ilang beses ko na rin siyang naikwento sa inyo ni Papa? Kaya maging mabait ka sa kaibigan ko.”
May pakiusap sa malumanay na boses ng kapatid niya. Kahit na gusto pa niyang sungit-sungitan si Richard Don ay inilahad niya ang kamay at ibinaba ang kilay. Minsan lang naman kasi makiusap ang kapatid niya sa kanya.
Inabot ni Richard Don ang kamay niya at hinalikan ang likod ng palad niya. “Sa wakas nakilala ko na rin ang prinsesa ng mga de Saavedra.”
Saglit siyang natigilan dahil di niya inaasahan na hahalikan nito ang likod ng palad niya. Noon lang may tumrato sa kanya na parang babae. Parang tunay na prinsesa. Ayaw pa mandin niyang tinatawag siyang prinsesa.
Sa mga fairy tales kasi, kadalasan ay mahihina ang mga prinsesa at walang silbi. Naghihintay lang na pagsilbihan at iligtas ng mga prinsipe. At wala siya sa mga karakter na iyon. Hindi siya magiging prinsesa sa paningin ng kahit sinong lalaki.
“Hindi ako prinsesa,” kontra niya.
“But you are a princess. At maganda ka naman pala.”
Bahagyang tumaas ang kilay niya. “Naman pala? Parang napipilitan ka lang na sabihan akong maganda. You don’t have to say it just to be polite. Kung hindi ka nagagandahan sa akin, huwag mo na lang akong sabihan na maganda para pampalubag-loob lang.”
Aminado naman siya na di siya karaniwang babae tulad ng ibang kabataang babae. Ang mga pinsan niya ay mahilig sa mga maaarteng damit na pambabae. Naka-dress ang mga ito, naka-make up, may kulay ang stylish na buhok at namumutok na ang ugat sa binti dahil sa sandals at sapatos na mataas ang takong.
Siya ay walang hilig sa damit-pambabae. Dahil katu-katulong siya sa pagsu-supervise ng trabaho sa hacienda, kadalasan ay naka-polo siya at pantalon. Di siya nagme-make up dahil di iyon kailangan sa bukid. Katwiran niya ay di naman niya kailangang magpaganda dahil magtatrabaho lang naman siya. Wala siyang kailangang pagpagandahan. Tama na sa kanya ang ayos niya.
“I am sorry. I didn’t mean to offend you.” Nakita niya ang pagkabigla sa mukha ni Richard Don. Noon lang ba may kumontra sa obvious na pambobola nito?
Kumapit ang pinsan niyang si Bambina sa balikat ni Richard Don. “Huwag mo nang sungitan si Richard Don. Baka umuwi siya bigla sa Maynila. Wala na akong makaka-date kapag nanood ako ng rodeo.”
Habang si Odessa naman ay yumakap sa kabilang braso ng lalaki. “Yeah! Isasama pa niya ako sa dance clinic.”
“Danzelle Ann, sino ang ka-date mo?” tanong ni Richard Don.
“Di ako mahilig makipag-date. Mas gusto kong mag-isa,” sagot niya. Humalik siya sa pisngi ni Jeffrey. “Aalis muna ako, Kuya.”
“Saan ka pupunta? Di ka ba kakain?”
“Mag-miryenda na kayo. Busog pa ako.Mag-enjoy ka sana dito, Richard Don.”
Mamamasyal na lang sila nI Ermengard sa pastulan ng baka. Mas gusto na niyang makasama ang kabayo niya kaysa tumagal sa lugar na iyon kasama si Richard Don. Di talaga niya ito gusto. At di niya ugaling makipag-plastikan. Mabuti pang lumayo na lang muna siya.
“Danzelle Ann, wait!”
Nang lumingon sa kanya ay humahabol si Richard Don sa kanya. “Bakit?” tanong niya at tumigil.
“Look! I just want to correct your assumption that you are not beautiful in my eyes. In fact, you are beautiful. You have a rare and exotic beauty. Just like this flower.” Inabot nito sa kanya ang isang maganda at kakaibang species ng orchids. “Will you be my date for the festival?”
Kumunot ang noo niya. Iyon ang unang beses na may lalaking pumuri sa kanya gamit ang mabulaklak na salita. Kasing bulaklak ng bulaklak na inaabot nito sa kanya. “Yes. That flower is beautiful and rare indeed.” Matalim ang mata niya nang iangat ang tingin dito. “Sino ang may sabi sa iyo na pwede mong pitasin ang bulaklak sa greenhouse ng Mama ko?” asik niya.
Napaurong si Richard Don sa sobrang pagkabigla. Lumabas sa greenhouse ang Kuya Jeffrey niya. “Bakit? Ano na namang problema?”
“Nagalit siya dahil sa orchids,” sagot ni Richard Don.
“Kuya, alam mo naman na madalang iyang mamulaklak. Maswerte nang mamulaklak sa isang taon. DI ko nga pinipitas iyon dahil baka lalong magtampo at mamatay. Pinitas lang niya!” sumbong niya.
Pinigilan siya ni Jeffrey sa balikat. “Orchids lang naman iyan.”
“Paborito iyon ni Mama!”
Tumalikod na siya at tumakbo palayo bago pa makita ng mga ito ang pangingilid ng luha niya. Kasalanan ni Richard Don kapag namatay ang orchids ng Mama niya. Natitiyak niya na di nga sila magkakasundong dalawa.
ABALANG-ABALA si Danzelle Ann para sa paghahanda sa panlisig, isang ritwal mula sa isa sa mga tribo sa Bukidnon. Ang mismong punong-pari sa tribo ng Talaandig ang tinawagan niya para magsagawa ng mahalagang ritwal. Nasa hardin sila ng Villa de Saavedra. Nagsisimula na ang mga ito na magkatay ng manok nang dumating si Richard Don at ang kapatid niya mula sa pamamasyal sa hacienda.
“Aba! Mukhang wine-welcome ka ng kapatid ko, Richard Don,” sabi ni Jeffrey nang makita ang paghahanda sa ritwal. “Talagang nagpatawag pa siya ng punong-pari para lang magritwal para sa iyo.”
Nanlaki ang mata ni Richard Don sa sobrang pagkamangha. Nakasuot pa ng tradisyunal na kasuotan ang mga Talaandig. “Wow! You will do that for me?”
“Of course,” nakangiti niyang sabi. “Espesyal kang bisita dito.”
“Anong klaseng ritwal iyan?” tanong ni Richard Don.
Nagsisimula nang katayin ang dalawang manok bilang alay. Mag-aalay din ng panalangin sa kinikilalang diyos ng tribo at sisimulan ang sayaw.
“Panlisig. Ginagawa iyan para magtaboy ng masamang espiritu,” wika niya.
Tinapik ni Jeffrey sa balikat si Richard Don. “Para siguro sa proteksyon mo iyan, RD. Effective ang mga ritwal nila na pantaboy sa masamang espiritu.”
“Thank you!” tuwang-tuwang sabi ni Richard Don. “Lalo sigurong lulutang ang kakisigan ko kapag protektado ako ng mula sa masasamang elemento.”
“Ang totoo ang ritwal ay para sa hacienda at sa lahat ng tao dito. Para protektahan kami sa masamang espiritu tulad mo,” pagtatama niya.
Naumid ang dalawa. Namutla din si Richard Don. Bakas ang lungkot sa mga mata nito. “Sorry. Mukhang ayaw mo nga yata sa akin. Dahil ba sa pagpitas ko sa bulaklak ng Mama mo? I will replace it with a new one.”
“Hindi! Hindi mo na iyon mapapalitan. Ibang halaman na iyon. Paborito ni Mama ang orchids na iyon at inalagaan niya,” paglilinaw niya.
“Gusto ko lang naman na pasayahin ka,” sabi ni Richard Don.
“Pwes, hindi ako naging masaya.” Akala yata nito ay eepekto ang mga pambobola nito. Pagdating sa kanya ay palpak lahat ang gagawin nito.
Nanatiling nakangiti si Richard Don ngunit lumungkot ang mata nito. “Sorry for the trouble, Danzelle Ann. Ayoko lang na may babaeng iniisip na pinaramdam kong di sila maganda. Every woman is unique on her own kind. At sa bulaklak ng Mama mo, hindi ko alam kung paano makakabawi. Salamat nga pala. Talagang nag-abala ka pa para lang ipakita sa akin ang kultura dito sa lugar ninyo.”
Tumawa si Jeffrey. “Come on, man! Huwag mong sabihin na masyado kang nagpapaapekto dito kay Danzelle Ann. She doesn’t hate you. No woman can.”
“I know,” kampanteng wika ni Richard Don at saka nawala ang lungkot sa mga mata nito.
Di mawala ang inis niya hanggang matapos ang ritwal. Hindi niya maitataboy si Richard Don. Kung may ritwal lang sana na makapagtataboy sa kayabangan ng isang tao, iyon ang ipapagawa niya para kay Richard Don.
Maaring mas malaki pa ang ego nito sa malawak nilang hacienda. Wala daw babaeng pwedeng magalit dito. Dapat na nitong tanggapin ang realidad na di lahat ng babae ay patay na patay dito.
“Bakit mo iyon ginawa kay Richard Don?” tanong ni Jeffrey nang puntahan siya nito sa greenhouse habang nagmumukmok siya at nakaupo sa bench.
“It is your fault. Di ko alam kung bakit nagdala ka ng bagyo dito sa Bukidnon galing sa Maynila.”
Tumawa ito. “That’s RD. Confident siya. Akala ko dati, confident na ako. Pero nang makilala ko siya, nalaman ko na pwede ko pang I-improve ang sarili ko.”
“Bad influence siya. Yumabang ka na dahil sa kanya.”
Umupo ito sa tabi niya. “RD is really nice. Lalo na sa mga babae. Kung pinitas man niya ang bulaklak kahapon, di niya gustong pasamain ang loob mo. Maganda naman ang hangarin niya sa iyo.”
Naipadyak niya ang paa. “Basta ayoko sa kanya.”
“The more you hate the more you love.”
Iningusan niya ito. “Kalokohan ‘yan. Di ko mamahalin ang lalaking tulad ng Richard Don na iyon.”
“Then be a little nice to him. Itinuro sa akin ni Mama na dapat maganda ang pagtanggap sa mga bisita kahit anong klaseng tao pa sila.”
Bumuntong-hininga siya. Kapag nabanggit na ang Mama niya, nagbabago na ang ihip ng hangin. “Okay. I will be a little nicer to him. Basta huwag lang siyang gagawa ng kapalpakan. Pagugulungin ko siya sa taniman ng pinya.”
“SEñORITA, iyon po ang bakang kailangang painumin ng gamot.”
Itinuro ng tauhan nilang si Rubio ang batang baka na nasa pastulan. Di naman malala ang sakit ng batang baka na iyon subalit mabuti nang magamot ito para di na mahawa sa iba. Maganda ang klima sa Bukidnon na bagay sa mga bakahan. At kapag may problema sa bakahan, gusto niyang ipinaaalam sa kanya.
Ibinigay niya ang chart kay Rubio. “Ako na ang bahalang humuli sa kanya. Ihanda na lang ninyo ang gamot.”
“Nakahanda na po, Señorita. Kayo na lang ang hinihintay namin.”
Sumakay siya kay Ermengard at pinatakbo ito sa direksiyon ng batang baka. Naramdaman ng batang baka ang paglapit niya kaya nagtatakbo ito palayo. Ihinanda niya ang lariat o lubid. Ipinaikot niya ang lubid sa ere at nang matantiya ang distansiya mula sa tumatakbong baka ay inihagis niya iyon.
Pumaikot sa leeg ng batang baka ang tali. Nang bumagsak iyon sa lupa ay pinahinto niya ang kabayo at bumaba. Dali-dali niyang nilapitan ang baka at itinali ang tatlong paa nito. Saka naman lumapit sila Rubio para turukan ng gamot ang batang baka. “Bagong record iyon, Señorita. Tiyak na mananalo na naman kayo sa rodeo ngayong Kaamulan.”
“Basta tawagin ninyo ako kapag may huhulihin pang baka.”
Calf roping ang isa sa mga category sa taunang rodeo competition. Hindi mahirap sa kanya na manalo dahil lagi siyang nagpa-practice kung may oras. Karaniwan na kasing bahagi ng trabaho sa hacienda ang pagla-lasso sa mga baka.
Pabalik siya sa kabayo niya nang may marinig siyang pumalakpak. “Wow! Danzelle Ann, that was way too cool. You are like a real cowgirl on rodeos,” wika ni Richard Don na bumaba ng Wrangler jeep at naglakad palapit sa kanya.