“Karaniwan na iyang trabaho dito sa hacienda. Iyong nakikita mo sa mga rodeo, parte lang ng trabaho dito,” paliwanag ni Danzelle Ann at pinigil ang sarili na sumimangot. Sinusubukan niyang kausap nang normal si Richard Don. Tama ang kapatid niya. Bisita pa rin nila ito. Basta huwag lang magpapa-cute sa kanya, walang problema.
“Pero kasing galing mo ang mga napapanood ko sa rodeo. Pero hindi ba mahirap iyon lalo na’t babae ka?”
Ibinuka niya ang mga kamay. “Lumaki ako dito na kasama ang mga kabayo at ang mga baka. Madali na lang iyon. May rodeo night kami sa festival. Makakakita ka ng mga babae na magaling din sa calf roping.”
“Sasali ka ba sa rodeo?”
Tumango siya. “Siyempre. Siguradong ako ulit ang mananalo.”
Nagulat siya nang bigla nitong hawakan ang kamay niya. “I will cheer for you. Sana lang mag-iingat ka. Sayang naman ang kagandahan mo kung masasaktan ka o malalaglag ka sa kabayo…”
Iwinaksi niya ang kamay na hawak nito. “Magkakasundo na sana tayo kung hindi mo lang ako binola. Huwag mo nang sabihing maganda ako. Nakakainis lang.”
Bumuka ang bibig nito para magprotesta. Igigiit na naman marahil nito na maganda siya subalit pinili na lang isara ang bibig dahil mag-aaway lang sila. “Okay. Pero huwag mo rin sanang balewalain ang concern ko.”
Concern. Kailan ba niya naranasan na may nag-alala para sa kanya? Noon pa sigurong buhay ang Mama niya. Kapag nadadapa siya at nasusugatan, umiiyak pa ito. Pero nang mawala ito, wala nang umiiyak para sa kanya.
Kaya pinili na lang niyang maging matatag. Ayaw niyang kinaaawaan. Nasanay na ang lahat na kaya niyang bumangon kung nadadapa man siya. Kailangan niyang maging matatag para kilalanin siya at igalang sa mundong ginagalawan ng mga lalaki.
“Hindi ko ako dapat inaalala. Kaya ko ang sarili ko.”
“Kahit sinong babae, dapat may lalaking nag-aalaga sa kanya. Sabi ng kuya mo wala ka pang boyfriend. Wala ka ring date sa festival. Pwedeng ako ang ka-date mo para sa isang events ng festival.”
“Hindi ba ka-date mo na ang dalawang pinsan ko?” Wala na ba itong kasiyahan sa dalawang babae at pati siya ay isasama?
“Ano naman ang masama sa date? Nakikipagkaibigan lang ako.”
May punto ito. Di nga naman dapat nilalagyan ng malisya ang pakikipag-kaibigan nito. Napapansin niya na di nito sinasamantala ang kahinaan ng mga pinsan niya. Nakikisama ito nang maayos kahit halos maluray na ang kaluluwa nito kapag pinag-aagawan mga pinsan niya.
Tinapik niya ang balikat nito. “Sige. Samahan ko akong mamili ng halaman sa sa fair bukas kapag tapos na ang klase ko.”
Wala namang masama sa inaalok nito. Kung bilang kaibigan, ibig sabihin ay ligtas siya dito. Basta ba huwag siya nitong aakitin, ibabalibag niya ito.
“HIJA, nakita ko kayo kaninang nag-uusap ni Richard Don sa bakahan. Gusto ko ang batang iyon para sa iyo. Guwapo at simpatico tulad ko,” anang si Don Romulo habang nagku-kwentuhan sila sa verandah matapos ang hapunan.
“Pa, huwag ninyo akong tuksuhin. Nakikipagkaibigan lang iyong tao.”
“Pero magde-date na kayo sa Kaamulan.”
Kumunot ang noo niya. “Sinabi ba niya sa inyo?”
“Oo. Hindi naman na niya kailangang ipagpaalam sa akin. You are of age. Matagal ko na ring hinihintay na may magyayang I-date ka.
Nagulat siya. Di niya inaasahan na magpapaalam pa si Richard Don sa Papa niya. Marunong pala itong rumespeto. Siguro ay sinsero nga ito sa pakikipag-kaibigan sa kanya.
“Wala naman po iyon. Kahit magkakaibigan nagde-date. Huwag ninyong bigyan ng masamang kahulugan, Papa.”
Tinapik nito ang kamay niya. “Walang masama sa sinabi ko. Natutuwa ako kung sa wakas ay magkaka-boyfriend ka na.”
“Malayo pa po iyan sa isip ko, Papa. Saka walang manliligaw sa akin.”
Kilala ng lahat kung gaano siya kasuplada. At kayang-kaya rin niyang tapatan kahit sinog malakas na lalaki. Kung di lang din siya kayang talunin, bakit pa niya pag-aaksayahan ng panahon? At sapat na ang kuya at Papa niya para sa kanya.
“Paano kung ligawan ka ni Richard Don?”
Natawa lang siya. “Hindi po ako ang type niya, Papa. Saka mamaya magtampo sila Odessa at Bambina pag narinig nilang itinutukso ninyo ako kay Richard Don.” Gustong-gusto ng mga pinsan niya ang binata.
“Hindi na. Tawagin mo na lang ang kuya mo at may pag-uusapan kami.”
Pumunta siya sa garden kung saan nagkukwentuhan si Jeffrey at si Richard Don. Tatawagin sana niya ang kapatid nang di sinasadyang marinig niya ang usapan ng mga ito. “Ang hina mo naman, RD! Magde-date pa lang kayo sa isang bukas? Kailan ka pa naging ganyan kabagal sa pagpapaamo ng babae?” reklamo ni Jeffrey.
Natigilan siya sa paglalakad at nagtago sa likod ng malaking puno. Bukas siya susunduin ni Richard Don sa eskwelahan. Siya ba ang tinutukoy na paaamuin?
“Hindi dapat minamadali ang kapatid mo. She’s no ordinary girl. Just let me do things my way,” wika ni Richard Don.
“Your way? Kailan mo pa siya magiging girlfriend? Huwag mong sabihin na isang taon mo pa siyang liligawan para mapasagot mo. I want an immediate result. You won’t stay here forever and I am running out of time.”
“Relax…”
“How can I relax? Paano ko maidadala si Angelle dito? Hindi ko mapatunayan na seryoso ako sa kanya. Kailangang girlfriend mo na si Danzelle Ann kapag idinala ko si Angelle dito.”
Kung ganoon ay may seryosong girlfriend na ang kapatid niya. Di pa rin niya maintindihan kung bakit kailangan pa siyang maging girlfriend ni Richard Don para lang makapagdala ito ng girlfriend doon?
“Maidadala mo rin siya. At huwag mo akong madaliin kung ayaw mong tuluyan ka nang di makapagdala ng girlfriend dito sa hacienda.”
Nang sumilip ay nakita niya kung gaano kaseryoso si Jeffrey na nakikipag-usap kay Richard Don. “Ikaw lang ang pinagkakatiwalaan ko na makakapagpaamo kay Danzelle Ann. Kaya mo ba talaga siyang gawing babae?”
Naggiyagis ang ngipin niya sa sobrang inis. Gagawin daw siyang babae? Di pa ba babae ang tingin ng mga ito sa kanya?
“Wala ka bang tiwala sa akin? Sino ba ang dahilan kaya ka napasagot mo si Angelle? Ni di ka nga tinitingnan non sa sobrang suplada. Di ba ako? Kaya hayaan mo lang ako sa diskarte ko kay Danzelle Ann,” sabi ni Richard Don.
Di na siya nakatiis at tuluyan nang lumabas sa pinagtataguan. “Ah! Kung ganoon magkasabwat pala kayong dalawa. Gusto ninyo akong gawing babae,” walang kangiti-ngiti niyang sabi at pinagpalipat-lipat ang tingin sa dalawa.
Di makatingin nang diretso sa kanya ang kapatid niya. Ayaw kasi nito nang nagagalit siya. “Danz, let me explain. Ginawa ko lang ito dahil di ko na alam ang gagawin ko. Ayaw mong magdadala ako ng girlfriend dito. Naiintindihan ko na ikaw pa rin ang gusto mong maging number one na babae sa buhay ko at ayaw mong mahati ang atensiyon ko. But I am serious with that girl this time. Ayoko lang na masaktan ka.”
“Ayaw mong masaktan ako?” Huminga siya nang malalim dahil nagsisikip ang dibdib niya sa galit. “Idinala mo ang lalaking iyan para akitin ako. Pinagtutulungan ninyo ako. Sino ba ang matutuwa?”
Isang malaking kalokohan ang lahat. Gusto ng kapatid niya na ma-in love siya para sa sarili nitong kapakinabangan. Paano naman siya? Kapag ba natapos na ang problema nito sa nobya nito, di ba nito naiisip na siya naman ang masasaktan? Nagka-nobyo nga siya pero di naman siya gusto.
Lumungkot ang mukha ni Jeffrey. Bakas ang guilt sa anyo nito. “Naisip ko lang na kapag na-in love, madali sa iyo na maintindihan ako. Na normal lang magmahal at ma-in love pero di ibig sabihin na mababawasan ang pagmamahal natin sa ibang taong malapit sa atin.”
“Kuya, maldita siguro ang tingin mo sa akin. Alam ko na possessive ako sa inyo ni Papa. Pero mali ang ginagawa mo.” Matalim ang tingin niya nang bumaling kay Richard Don at itinuro ito. “Ito ba ang lalaking gusto mong ma-in love sa akin, Kuya? At sa palagay mo naman mai-in love ako?”
Tumikhim si Jeffrey. “Marami siyang alam sa mga babae. Saka hindi ba pumayag ka nang makipag-date sa kanya?”
“Iyon ang pinakamalaking pagkakamali ko.”
Dahil sa pakikisama niya at pag-aakala niyang matinong lalaki si Richard Don, binigyan niya ito ng pagkakataon na paikutin siya.
“Gusto ko rin naman na makita kang maging normal na dalaga, Danzelle Ann,” malumanay na wika ni Jeffrey. “This is for your own good.”
“Hindi ko kailangang maging totoong babae na gusto ninyo para lang mapagbigyan ang kalokohan ninyo!” asik niya.
“Gusto ko lang makatulong,” depensa ni Richard Don. “Iniisip mo siguro na pinagtutulungan ka namin ng kapatid mo. Pero seryoso ako na yayain kang mag-date. I really find you beautiful.”
Nakuyom niya ang palad. Gusto niyang suntukin na ang guwapong mukha ni Richard Don para magtanda. Buko na nga ito, pinapaikot pa rin siya. “At gusto mo naman paniwalaan kitang gusto mo nga ako?”
“Hindi ako sinungaling,” anito sa swabeng boses at tinitigan siya.
Di tulad ng kapatid niyang namumutla na sa takot, parang normal lang si Richard Don, At mas sensual pa ang boses nito ngayon. Parang gustong-gusto siyang akitin sa pamamagitan ng boses nito.
Hindi siya dapat magdala sa panghaharuyo nito. Di mawawala ang galit niya. At gusto niyang turuan ng leksiyon ang mga ito lalo na si Richard Don.
“Gusto mo pa rin bang makipag-date sa akin?” tanong niya.
Tumango ito. “Yes. I still want to go out with you. I still find you beautiful and interesting. Minamasama mo siguro ang ginawa namin ng kapatid mo. Pero kung magiging girlfriend kita, di kita lolokohin.”
Humalakhak siya. Kung noon nito sinabi ang tungkol doon, baka maniwala pa siya. Pero di na siya uto-uto. “Sige. Pagbibigyan ko kayo ni Kuya. Papayag akong dalhin ang girlfriend niya dito at makipag-date sa iyo sa isang kondisyon.”
“Ano iyon?” tanong ni Richard Don.
“Sumali ka sa rodeo. Kailangang matapos mo ang task ng cattle roping.”
Nanlaki ang mata ng dalawa. “Katulad ng ginawa mo na parang cowboy?”
Naglakad siya paikot kay Richard Don. “Dito sa lugar namin, iyon ang sukatan ng pagiging tunay na lalaki. Kung kaya mong magpatumba ng baka, ibig sabihin may karapatan ka makipag-date sa akin. Papayag pa akong maging girlfriend mo at magmukhang tanga para sa iyo. Magiging babae na rin ako. Magsusuot ako ng dress at magsusuot ng high heeled shoes. Di ba iyon naman ang gusto ninyo?”
“No, Danzelle Ann!” tutol ni Jeffrey. “Hindi mo iyan pwedeng gawin kay Richard Don. Taga-Maynila siya. Wala siyang alam sa ginagawa dito sa hacienda.”
“So? Ako nga gusto ninyong gawing babae. Walang masama kung patutunayan muna niya sa akin na lalaki siya.”
“Hindi siya marunong sumakay ng kabayo,” wika ni Jeffrey.
Nagkibit-balikat siya. “Hindi ko na problema iyon.”
“Danzelle Ann, you are being unreasonable!” Mariin siyang hinawakan ni Jeffrey sa balikat. “Sumosobra ka na!”
“Kung ayaw niyang gawin, di ko siya pipilitin. Pero mahihirapan kang patuntungin ang girlfriend mo dito sa bahay,” kampante niyang sabi. Sa pagkakataong ito, siya na ang may hawak ng alas.
“Jeff, kaya ko namang mag-aral mangabayo at manghuli ng baka, di ba?” sabi ni Richard Don at ngumiti. Parang di ito natatakot sa gagawin.
“Sa loob ng tatlong araw?” bulalas ni Jeffrey. “Hindi mo kailangang gawin ito.”
“Nangako ako sa iyo na maidadala mo dito si Angelle nang walang sagabal. Titiyakin ko na matututo ako kahit tatlong araw lang.”
NAKARAMDAM ng matinding pagod si Danzelle Ann matapos tapusin ang mga props na gagamitin sa street dancing competition. Hindi siya magpa-participate kaya inasikaso na lang niya ang mga props bilang isa sa mga officers ng college nila. Kinabukasan na rin ang opening ng rodeo night.
Naisip niya kung makakasali ba si Richard Don. Wala itong tigil sa pagpa-practice. Dalawang araw na itong halos di nagpapahinga. Nang matanaw niya kanina sa coral fence kung saan ito nagpa-practice ay kaya na nitong patakbuhin ang kabayo. Mabilis itong matuto. Subalit di doon nagtatapos ang misyon nito. Kailangan pa nitong hulihin at itumba ang batang baka. Hindi iyon madali ngunit ano ang gagawin niya sa isang taong determinado?
“Bakit nandito pa kayo? Hindi may date kayo kasama si Richard Don?” tanong niya nang makitang nasa sala sina Odessa at Bambina.
“Hindi na kami matutuloy. Thanks to you,” asik ni Bambina.
“Nag-collapse si Richard Don sa sobrang pagod. Kasalanan mo kapag may nangyaring masama sa kanya,” mangiyak-ngiyak na sabi ni Odessa.
Nakita niyang pababa ng hagdan si Romulo kaya patakbo niya itong sinalubong. “Pa, totoo ba na nag-collapse si Richard Don?”
Marahan itong tumango. “Napagod siya dahil mula kahapon pa siya nagpa-practice. Ni hindi na nga siya kumain. Kaya kanina sinundo na siya ni Jeff para maghapunan. Bumagsak na siya habang pasakay ng jeep.”
“Nasa kuwarto po ba siya? Pwede po bang puntahan?” tanong niya. Kahit paano ay concern din naman siya sa lalaki dahil siya ang humamon dito.
“Nagpapahinga pa siya. Binabantayan ng kuya mo sa guestroom.”
Nang dumating siya sa guestroom ay nakasandal sa dingding si Jeffrey habang binabantayan ang natutulog na si Richard Don. “Kuya, ako na ang magbabantay sa kanya.”
“Hindi na siya makakasali sa rodeo. Bahala ka kung di mo tatanggapin nang maayos si Angelle. She’s coming tomorrow whether you like it or not,” wika ni Jeffrey sa malamig na boses. “Tama na sigurong pinahirapan mo ang kaibigan ko.”
“Kuya, galit ka ba sa akin?” Ni minsan ay di pa nagtampo o nagalit ang kapatid niya sa kanya. Subalit ngayon ay ni di siya nito tinitingnan.
“No. Kasalanan ko ang lahat. At si Richard ang nahirapan dahil sa akin. Ginawa niya ang lahat para sa pagkakaibigan namin. Nang nandito na kami sa Bukidnon saka ko sinabi ang plano ko. Ayaw niya noong una pero ginawa niya para tulungan niya ako. And I think he really likes you.”
“Kahit naman yata sinong babae pwede niyang magustuhan.”
“All I can say is that he is a good friend. Gusto ko lang namang masaya. Siguro nga mali ang paraan ko pero ikaw din ang iniisip ko. Gusto ko rin na magka-boyfriend ka para…”
“Kuya, huwag na nating pag-usapan,” putol niya sa sasabihin nito nang marinig nilang umungol si Richard Don. Dinaluhan ito ng kuya niya.
“Jeff, bakit nasa kuwarto ako? Hindi ba nasa field pa ako kanina?”
“Tumumba ka matapos ang practice mo. Sabi ng doctor magpahinga ka muna. Kailangang bawiin mo ang lakas mo.”
“Kuya, magpapakuha ako ng pagkain,” sabi niya.
“Hindi. Ako na ang kukuha. Bantayan mo siya,” wika ni Jeffrey. Maasikaso ito kahit sa kanya. Ito mismo ang kumukuha sa pangangailangan niya kapag may sakit siya. Ganoon din pala ito kahit kay Richard Don.
Sinubukan nitong bumangon at pinigilan niya ang balikat nito. “Huwag ka munang bumangon. Baka makasama sa iyo.”
“Hindi pwede. DI ko pa kayang makahuli ng baka sa lubid. I need to practice some more. Kanina muntik ko nang mahuli. Bukas na ang rodeo night.”
“Huwag mong sabihin na sasali ka pa rin doon? Naghahanap ka ba talaga ng sakit ng katawan?” Di niya mapigilang magtaas ng boses. “Di ka nagpahinga at kumain sa kapa-practice mo tapos magkakasakit ka. Ako ngayon ang sinisisi ng lahat. Ngayon magpipilit ka pa. Nagpapaawa ka ba o gusto mo akong mapahamak?”
“Danzelle Ann! Inaaway mo pa rin ba siya?” tanong ni Jeffrey dala ang tray ng pagkain ni Richard Don. “Napahamak na nga siya dahil iyo. Mag-sorry ka.”
Nakaramdam siya ng pagre-rebelde. Kailangan ba talaga siyang mag-sorry? Di naman siya ang nag-utos kay Richard Don na sumali sa rodeo. Pwede naman itong tumanggi sa gusto niya. Ito ang nagpilit.
Kung siya nga nag may kasalanan, siya mismo ang magso-sorry. Pero di siya mapipilit na mag-sorry. Si Richard Don ang humanap ng sakit ng katawan.
“Hindi niya kailangang mag-sorry. Ako ang may gusto nito,” wika ni Richard Don. “Huwag mo na siyang sisihin.”
“Muntik ka nang mamatay dahil sa kapritso niya. Kung di pa kita sinundo, baka nalaglag ka na sa kabayo at tinapak-tapakan. Mabuti nga natumba ka lang dahil sa sobrang pagod,” wika ni Jeffrey.
“Basta hindi ako ang nagsimula nito,” giit niya.
“Masaya ka ba na may nasasaktang ibang tao?” pagalit na tanong ni Jeffrey. Ngayon lang niya ito nakitang galit. “Sarili mo lang iniisip mo.”
“Jeff, huwag ka nang magalit kay Danzelle Ann. Sasali pa rin ako sa rodeo bukas. You will see. Mape-perfect ko rin ang calf roping,” kampanteng wika ni Richard Don. Nakikita niya na gusto nitong tulungan ang kuya niya.
“Dito ka lang sa higaan mo hanggang di ka gumagaling,” mariin niyang sabi. “Huwag kang magmagaling. Di ka sasali sa rodeo competition.”
“Pero may kasunduan tayo.”
Itinapik niya ang paa sa sahig at nilingon si Jeffrey. “Kuya, pumapayag na akong dalhin mo dito ang girlfriend mo. You are right. Selfish ako. Gusto kong masolo ang atensiyon ninyo ni Papa. Kaya di na kita pipigilan kung seryoso ka.”
Tuwang-tuwa siyang niyakap ni Jeffrey. “Thank you, Danzelle Ann. Di naman mababawasan ang pagmamahal ko sa iyo kahit mag-asawa pa ako.” Nilingon nito si Richard Don. “Did you hear that? Di mo na kailangang sumali sa rodeo.”
Umiling si Richard Don. “No. Sasali pa ako. I still want that date.”
Di siya makapagsalita habang nakatitig ito sa mga mata niya. Seryoso ba ito? Gusto siyang I-date? Nagtago siya sa likod ni Jeffrey. Pakiramdam kasi niya ay tutunawin siya ni Richard Don sa titig nito.
“Hoy! Diyan ka lang. Ban ka sa mga kabayo at sa mga baka.”
“At paano ang date natin?” tanong ni Richard Don.
Gusto niyang awayin si Richard Don pero ayaw niyang mapagalitan siya ng kapatid niya. “Kuya, patigilin mo iyang kaibigan mo. Ilayo-layo mo sa akin iyan kung ayaw niyang samain.”
Saka siya nagmamadaling lumabas ng kuwarto ni Richard Don. Sapo niya ang dibdib habang habol ang hininga. Ano bang nangyayari sa kanya? Tinitigan lang naman siya ni Richard Don ay natutuliro na siya.
Di lahat ng babae ay pwede nitong makuha. Lalo na siya. Ang gusto niya ay totoong lalaki. At dahil di naituloy ni Richard Don ang paglaban sa rodeo, wala itong kahit anong napatunayan para sa kanya. Mapanganib ang lalaking tulad nito.