Stallion Series (Sofia Edition) Chapter 266

“Welcome home Kuya Jeff and Ate Angelle!” bati ni Danzelle Ann nang makasabay sa pagkain ang dalawa. Sa wakas ay nabuo na ang pamilya nila sa pag-uwi ng tuluyan nang paninirahan ng mag-asawa sa hacienda. At excited na rin siya dahil sa wakas ay magkakaroon na siya ng pamangkin.

“It’s about time that you stay here,” wika ni Don Romulo na mukhang nakahinga nang maluwag nang bumalik na si Jeffrey sa Bukidnon. “Matagal ka na ring hinihintay ng hacienda para pamahalaan mo. At wala akong plano na dalaw-dalawin lang ang apo ko sa Maynila. Isa siyang de Saavedra. Dapat dito siya isilang at lumaki. Gusto ko rin naman siyang alagaan.”

“Iyon nga po ang sinabi ko nang malaman kong buntis ako, Pa,” wika ni Angelle na lalong gumanda ngayong tatlong buwan nang buntis. “Hindi ideal na lugar ang Stallion Riding Club para sa magiging anak namin.”

Miyembro ng eksklusibong Stallion Riding Club ang kapatid niya. Isa iyong riding club kung saan pawang mayayaman at sikat na batang lalaki sa Pilipinas lang ang maaring maging miyembro. Mukhang nalibang doon ang kapatid niya kaya mas pinili nitong manirahan sa riding club kaysa ang umuwi sa Bukidnon.

“Magkakatulong na tayo sa pamamahala ng hacienda, Kuya,” excited niyang sabi. Na-miss din naman niya ang kapatid niya. “At kapag nagkapamangkin na ako, ako mismo ang mag-aalaga sa kanya.”

“At ano? Tuturuan mo kung paanong manakot ng mga trabahador natin?” Umiling si Don Romulo. “No, Danzelle Ann. Hindi ko iyon papayagan lalo na’t babae ang magiging apo ko. At dahil nandito ang kuya mo, di mo na kailangang tumulong sa hacienda. Mula ngayon, kay Jeffrey na kukuha ng utos ang mga tauhan natin.”

“Papa!” bulalas niya. “Ano pa ang silbi ko dito?” Buong buhay niya ay inilaan niya sa pamamahala sa hacienda. Tapos ay bigla siyang mawawalan ng karapatan? Dumating lang ang kuya niya ay echa pwera na siya.

“Magkabasyon ka. Dumalaw ka sa lola at lolo mo sa States. Ni hindi ka na nakakalabas ng hacienda. Magbiyahe-biyahe ka naman,” wika ni Don Romulo.

Lumabi siya. “Dito ko lang naman gusto.”

Sa hacienda na iyon, siya ang sinusunod. Sanay na siya sa buhay doon. Kapag umalis siya kahit pa bakasyon lang, parang pinutulan siya ng pakpak.

“Mag-asawa ka na lang o mag-boyfriend,” nangingiting suhestiyon ni Angelle. “Mawawala din sa isip mo ang hacienda kapag nagka-boyfriend ka.”

“Ayaw!” matinding tanggi niya. “Hindi ako interesado.”

Napailing na lang si Don Romulo. “Di ko na nga alam ang gagawin sa batang iyan. Lahat ng lalaking dadalaw dito, sinusungitan at hinahamon ng suntukan. Talagang wala nang lalaking babalik dito.” Tumingala ito. “Tiyak na nagagalit na si Genoveva ko sa langit kung bakit ganito lumaki ang unica hija namin.”

Nanghaba ang nguso niya. “Pa, walang mali sa akin.” Kung magsalita kasi ito ay parang freak of nature siya.

Tumikhim si Jeffrey. Kanina pa ito masyadong tahimik. “Pa, pwede po bang bigyan pa ninyo ako ng dalawa o tatlong buwan? May aayusin lang ako sa Stallion Riding Club. Tutal mas sanay naman si Danzelle Ann dito…”

Hinawakan ni Angelle ang kamay nito. “Jeff, napag-usapan na natin ito.”

“Ano ba ang problema?” tanong ni Don Romulo. “Akala ko ba naayos mo na ang lahat sa riding club bago kayo pumunta dito.”

“Naipagbili na namin ang villa pero ayaw niyang isuko ang parte niya sa Lakeside Café and Restaurant,” wika ni Angelle at matalim na sinulyapan si Jeffrey.

Di rin kaila sa kanya na kaya gusto ni Angelle sa hacienda dahil maraming magagandang babae sa riding club. Mga babae na papatol sa kahit sinong lalaki para lang magkaroon ng maraming pera o lalong sumikat. Walang pakialam ang mga ito kung may asawa man ang isang lalaki o wala.

“Pero kailangan ako ni Richard Don sa café. Kabibili pa lang ng business namin. Di niya kakayanin na ayusin ang lahat ng plano nang mag-isa lang siya. Kailangan pa rin niya ng tulong ko. Matagal na naming pangarap na magkaibigan ang restaurant na iyon,” giit ni Jeffrey.

“Walang problema. Ipadala mo si Danzelle Ann,” wika ni Don Romulo.

“Papa, no!” nanlalaki ang matang tutol niya. Hindi siya tatapak sa labas ng hacienda at lalong hindi siya lalapit sa Richard Don na iyon. Hanggang ngayon ay mainit pa rin ang dugo niya sa lalaki.

“Magugustuhan mo sa riding club,” wika ni Angelle sa magaang boses.

Yes, the Stallion Riding Club was indeed a paradise. But not her paradise. Pakiramdam niya ay di siya safe doon lalo na’t naroon si Richard Don.

“Maayos naman ang trabaho ko dito, Pa. Sinu-supervise na lang ninyo ang lahat ng desisyon ko at wala kayong inirereklamo,” apela niya.

“Wala naman akong problema sa iyo, hija. Pero sa palagay ko napapagod ka na rin sa trabaho dahil nagiging masungit ka na sa mga tauhan natin. Hindi na sila masyadong makahinga. They are not as perfect as you are. Tutal wala ka namang gagawin dito sa hacienda, bakit di mo subukang tulungan ang kapatid mo?”

Umuugong ang tainga niya. Parang wala na nga siyang silbi. Itinataboy na siya. “Paano naman ang mga pinaghirapan ko dito? Hindi ako umalis dito sa hacienda noon pa man dahil dito ko gusto!” giit niya.

“Nobody asked you to. Kahit kailan di kita pinilit sa responsibilidad. Ang Kuya Jeffrey mo ang dapat na namamahala dito.” Lumungkot ang mga mata ni Don Romulo nang pagmasdan siya. “I wish you have your mother’s feminine grace. Kasalanan ko ito kung bakit mas naging barako ka pa sa kapatid mo.”

Naninikip ang dibdib niya sa sama ng loob kaya di siya kumibo. Nang matapos ang tanghalian ay pinili niyang umupo sa harap ng swimming pool para magpahinga. Hindi iyon patas. Sa isang iglap ay wala na ang pinaghirapan niya.

“Galit ka ba kay Papa?” tanong ni Jeffrey nang lapitan siya.

“Nakakatampo lang. Nawala ang lahat sa akin sa isang iglap lang. Alam mo naman kung gaano ako kamahal itong hacienda.”

Umupo ito sa tabi niya at inakbayan siya. “I am sorry. Pero sa ngayon, iyon lang ang pinakamagandang magagawa natin. You will manage my restaurant and I will stay here. Huwag kang mag-alala. Hindi malulugi ang hacienda sa kamay ko.”

“Paano naman ang kaibigan mo? Di ko makakasundo iyon.”

Tumawa ito. “Walang problema kay Richard Don basta negosyo. Saka ikaw lang naman ang masungit sa kanya. RD is nice…”

“…to every woman in sight,” dugtong niya at humalukipkip. “Basta! Di ko pa rin alam kung pagbibigyan kita.”

“Kung mapapalago mo ang restaurant, ako mismo ang magsasabi kay Papa na dapat ka nang ibalik dito sa hacienda.”

Namilog ang mata niya at niyakap ito. “Talaga, Kuya? Salamat!”

“At mas matutuwa si Papa kung magdadala ka na rin ng boyfriend pag-uwi.”

Hinampas niya ang braso nito. “Nakakainis ka, Kuya! Basta titiyakin ko na mababantayan kong mabuti ang business mo.”

Kaya huwag gagawa ng kalokohan si Richard Don o babaliin niya ang mga buto nito.

“WELCOME to Stallion Riding Club, Miss de Saavedra,” bati sa kay Danzelle Ann ng security head ng Stallion Riding Club na si Myco Gosiaco. Isa sa mga tauhan nito ang sumundo sa kanya sa airport at nagdala sa kanya sa riding club. Habang si Myco Gosiaco mismo ang naabutan niya sa special lounge ng Lakeside Café and Restaurant na pag-aari ng kapatid niya.

“Thank you!” Kinamayan niya ito at pinagmasdan ang magandang tanawin. “Di na ako nagtataka na nawiwili ang kapatid ko dito. Maganda.”

Malawak ang berdeng damuhan na bagay sa mga mamahaling kabayo na nagkalat sa lugar at nakaka-relax din ang magandang lawa kung saan kita rin ang Taal Volcano. Isang napakagandang paraiso sa mga mayayamang pagod sa trabaho o kaya ay gustong magtago sa mundo.

“And I hope you enjoy your stay here. Here are the rules and regulations of the riding club,” wika ni Myco at isang Powerpoint presentation mula sa laptop nito ang ipinalabas para sa kanya.

“Ganito ba talaga ka-rigid ang mga rules dito? At isa pa, isa ako sa representative na part-owner ng isa sa mga establishments. Limitado ang kilos ko.”

“You are not one of the members. Walang magiging problema kung masusunod mo ang lahat ng rules. It isn’t that hard.”

Daig pa niya ang nasa military camp. Ano ba ang pinasukan sa kanya ng kapatid niya? Di siya sanay nang may nag-uutos sa kanya. Sa pinanggalingan niya, siya ang batas. Ngayon ay nasa mundo na siya ng mga lalaking parang pag-aari ang mundo at walang katiting na kapangyarihan ang natira sa kanya.

Huminga nang malalim. Mas nakakasikip kasi sa dibdib niya na tinitingnan siay ni Myco na parang security threat siya. “Thanks you, Mr. Gosiaco. Kung may tanong ako, ako mismo ang magtatanong sa iyo. Sa palagay ko naman hindi ako mahihirapang intindihin ang mga rules dito.”

“I am afraid I have to stay longer. Ibinilin mismo sa akin ng kapatid mo na ako ang mag-orient sa iyo at hanggang dumating si Richard Don. Siya mismo ang maggu-guide sa iyo dito sa riding club.”

Tumayo siya sa couch at namaywang. “Sandali! Nasaan nga pala ang lalaking iyon? Hindi ba responsibilidad niyang salubungin ako?” Pakiramdam tuloy niya ay lalo siyang hindi welcome sa lugar na iyon.

“Gusto muna kitang I-orient sa rules dahil may history kayo ni Richard Don.”

“History? Wala kaming naging relasyon!” aniya sa mataas na tono. Ang kapal naman ng mukha ng lalaking iyon kung ipinagkalat na may relasyon sila. Naku! Oras na magkita siya, mata lang nito walang latay.

Biglang pumasok si Richard Don at yumakap sa likuran ni Myco. “Hey! Mukhang may ka-date ka, Myco Boy! Sa wakas binata ka na. Sino ba ang…” Nanlaki ang mata ni Richard Don nang makita siya. “You! What are you doing here?”

“Hindi mo alam kung bakit ako nandito?” Iniikot niya ang mata. “Hindi ba sinabi sa iyo ni Kuya na ako na ang papalit sa kanya?”

“What?” Nakakunot ang noo nito na parang nabingi na. “Ikaw na ang representative ni Jeff? No! No way! Wala ito kasama sa usapan namin.”

Humalakhak siya na nang-iinis. “Bakit? Natatakot ka ba sa akin? Ako na ang makakasama mo dito sa café. I have the same power like you do.”

Itinaas nito ang kamay. “Hold that thought, Danzelle Ann de Saavedra.” Nag-dial ito sa cellphone at bakas ang pagkabalisa sa mukha. “Jeff, anong sinasabi ng kapatid mo na siya ang papalit sa iyo? No way!”

“Huh! Ayaw pa kasing maniwala sa akin na ako ang papalit kay Kuya.” Sa ayaw nito’t sa gusto, nandoon siya para sa café. At sa café niya ibubuhos ang lahat ng frustration niya sa naiwang hacienda.

Nilingon siya ni Richard Don. She could feel the animosity there. Mula nang I-reject niyang makipag-date dito at di pagbigyang sumali sa rodeo, di na ito naging sweet sa kanya at hangga’t maari ay di siya kinakausap kapag nagkikita sila.

“Jeff, she can’t bring her amazon ways here.”

Nakuyom niya ang palad. “Ano? Amazona ako? At ang impaktong ito…”

“Miss de Saavedra, proper decorum must be observed here,” paalala ni Myco sa kanya na parang isang anghel dela guardia.

Bahagya siyang huminahon. Di siya dapat gumawa ng gulo. Pasalamat si Richard Don at naroon si Myco. Kundi ay nakalimot na siya sa kanyang sarili.

“Inalis mo siya sa hacienda dahil aatakihin na sa puso ang mga tauhan mo sa pagiging istrikta niya?” patuloy ni Richard Don sa pakikipag-usap sa kapatid niya. “Tapos dito mo siya itatapon sa akin. Paano naman ako? Look! A couple of amazons hooked the Allejes. Magdadagdag ka pa ng isa.”

“Sumosobra ka na! Kung magsalita ka parang ibinasura lang ako! Hindi ako basura!” Di na siya nakapagpigil at sinugod si Richard Don.

Pinigilan siya ni Myco at ikinawit ang dalawang braso sa kilikili niya. “Miss de Saavedra, hindi mo gugustuhing magka-red mark sa first day mo dito.”

“Hindi maiiwasang magka-red mark siya. She’s so wild. Hindi iyan makikinig sa iyo,” nakangising sabi ni Richard Don kay Myco. “Tingnan mo nga susuntukin ako.” Bumalik ito sa cellphone. “Narinig mo, Jeff. Susuntukin ako ng kapatid mo.”

“Dapat lang iyon sa iyo!” Muli na naman siyang pinigil ni Myco dahil mapapasugod na naman siya sa sobrang inis. “Akala mo ba gusto kong makasama ka? Nagtitiis lang ako alang-alang sa kapatid ko.”

“How touching!” sarkastikong usal ni Richard Don nang lingunin siya.

“Touching talaga! Kaya manginig ka na sa takot kung gagawa ka ng kalokohan dahil hindi iyan uubra sa akin.” Madali lang sa kanyang magpatumba ng baka. Kaya din niyang gulpihin si Richard Don kung kinakailangan.

Hinarap siya ni Richard Don at saglit na itinigil ang pakikipag-usap sa kapatid niya. “Danzelle Ann, bago ka magsaya dahil dito ka maghahari-harian sa café ko, maghintay ka lang. Maghintay ka lang.” Matiim ang anyo nito nang bumalik sa cellphone. “Jeff, we have some serious matter to discuss.”

Ngingisi-ngisi siya habang sinusundan ng tingin si Richard Don nang pumasok sa private office nito. Tiyak niyang na-shock ito.

“Miss Danzelle Ann, what would you like to have? Coffee, tea or juice?” tanong ni Brescia, ang manager ng Lakeside Café and Restaurant.

“Tubig lang ako. Iyong si Richard Don ang bigyan mo ng kape para lalong nerbiyusin.” Napipikon man siya dito pero wala itong magagawa. Magiging bahagi na siya ng pamamahala ng café. May karapatan din siya doon gaya ng kapatid niya.

“This is dangerous. You and Richard Don are security hazards when combined,” iiling-iling na sabi ni Myco habang may ine-encode sa Palm Pilot.

“Ha? Security hazard?” Napaisip siya. “Di naman kami mga biological weapon. Di rin kami terorista. Isa akong mabuting mamamayan ng Pilipinas.”

“You have a history together. Noon pa magkaaway na kayo. At sa nakita ko ngayon, dapat obserbahan kayong dalawa. Di makakabuti sa imahe ng riding club at ng mismong café kung lagi kayong mag-aaway.”

Nakagat niya ang labi. “Sorry. Hindi lang talaga maiiwasan.”

“Be careful. You two are being watched from now on,” he warned.

Pati pala ang ganoong mga bagay ay dapat na alamin sa pagpasok pa lang niya sa riding club. Sumakit ang ulo niya. Pakiramdam niya nasa Big Brother house siya kung saan may mga camera na nakasunod.

Hindi pa nga siya dapat na magsaya.

NovelDark

Your free library of light novels, web novels and translations. Romance, fantasy, action, drama — thousands of chapters updated daily, no signup needed.

Genres

© 2026 Noveldark. All rights reserved.