Stallion Series (Sofia Edition) Chapter 267

Pabalik-balik sa paglalakad sa lounge si Danzelle Ann. Tatlong oras na siya doon na naghihintay sa paglabas ni Richard Don. Papagabi na noon. Tapos na ang orientation nila ni Myco. Naubos na niya ang mga magazine at brochures tungkol sa riding club sa rack pero wala pa ring Richard Don na lumalabas.

“Talagang ginagalit ako ng lalaking iyon, ah!” usal niya.

Lumapit sa kanya si Brescia. “Ma’am, baka gusto po ninyong bumalik sa guesthouse para makapagpahinga. Susunduin na lang kayo ni Sir RD.”

“Hindi ako aalis dito hangga’t di kami nagkakaliwanagan.”

“Mukhang mahaba pa po ang pag-uusapan nila ni Sir Jeff.”

“Kung matagal pa ang usapan nila, mabuti pang sumali na rin ako!” Nagmartsa siya papuntang private office ni Richard Don at kinatok ang pinto. “Hoy! Ang tagal mo naman! Lumabas ka na! O gusto mong balyahin ko pa ang pinto?”

Napangiwi si Brescia. “Ma’am, magagalit po si Richard Don kapag may nag-iingay nang ganyan. Pwede naman po ang isang katok lang. Baka lang po busy…”

“Ay, hindi! Wala akong pakialam kung busy siya. Oras din niya ang sinasayang ko.” Kinatok ulit niya ang pinto. “Hoy! Harapin mo ako! Siguro natatakot ka sa akin kaya di ka makalabas sa lungga mo.”

Di nagtagal ay bumukas ang pinto at isang galit na galit na Richard Don ang bumungad sa kanila. “What the hell is going on here?”

“Sir, sabi ko po huwag kayong abalahin,” wika ni Brescia.

“Three hours na akong naghihintay dito. Naiinip na ako,” katwiran niya.

“Sana namasyal ka muna. I asked Myco to give you escorts to tour you around the riding club. Hindi mo kailangang mainip,” paliwanag ni Richard Don.

“Ah, hindi! Mag-usap na tayo ngayon. Ayoko na sinasayang ang oras ko.” Ayaw niya sa lahat ay walang ginagawa at nakatunganga lang.

“Brescia, ako na ang bahala sa kanya,” wika ni Richard Don.

Nang pumasok ito sa opisina ay sumunod siya. “Ano ito? Wala ka bang balak na kausapin ako? Tinubuan na ako ng pinya kahihintay sa iyo.”

“God please have mercy on me!” usal nito nang talikuran siya. “Deliver me from dominant females who think they rule the world.”

“Tigilan ako ng mga kadramahan mo. Mamaya ka na magdasal. Kahit naman anong gawin mo, di magbabago ang desisyon ni Kuya. I am here to stay.

Nag-ring ang telefax. Dali-dali iyong pinuntahan ni Richard Don at sinagot. “Sige, I-send mo na.” Maya maya pa ay lumabas na ang fax message. “Finally, it is here!” excited na wika nito at hinawakan ang kamay niya. “Let’s go!”

Pilit niyang binawi ang kamay dito. “Teka, saan tayo pupunta?”

“Magdi-dinner tayo sa villa ko. Gutom na ako.”

“Dinner? Date?” Lalo siyang pumiglas. “Ang tindi mo rin. Kadarating ko lang, gusto mo nang mag-date tayo? Grabe! Mahiya ka nga.”

“Gusto kong pag-usapan natin ang tungkol sa Lakeside Café. O gusto mong umuwi na lang sa Bukidnon,” anito sa tonong nauubusan ng pasensiya.

“Huwag mo nga akong tinatakot. May karapatan ako…”

Tumigil ito sa paglalakad nang makarating sa sportscar nito na nasa parking lot. “At para malaman mo ang karapatan mo, dapat mag-usap tayo nang maayos sa lugar kung saan pwede mo akong sigaw-sigawan hangga’t gusto mo. Definitely not in my café within the earshot of my guests. Ayoko ng eskandalo.”

“Parang sinasabi mo na eskandalosa ako.”

Nahigit niya ang hininga nang isandal siya nito sa katawan ng kotse nito at bakuran siya ng mga braso nito. Noon niya natuklasan na hamak mas matangkad ito sa kanya at mas malaki ang katawan. Kayang-kaya siya nitong sakupin. Ganoon na ba ito ka-matipuno nang unang beses silang nagkita sa hacienda?

“Shhh… not another word, Danzelle Ann,” he whispered in a low, dangerous voice. “Kung hindi ka tatahimik, hahalikan kita sa harap ng maraming tao.”

Pilit siyang nagtapang-tapangan. “G-Gugulpihin kita.”

Bakit napakahina ng boses niya? Bakit kinakapos siya ng hininga? Hindi siya ang dating Danzelle Ann na kahit mga higante ay napapabagsak niya. Si Richard Don lang ito. Ni di nga ito marunong makahuli ng batang baka. Hindi siya natatakot sa isang mahinang lalaking katulad nito.

“Bago mo nagawa iyan, nahalikan na kita.”

Bakit may kakaiba siyang enerhiyang nararamdaman mula dito na nagpapahina sa kanya habang bumibilis naman ang pintig ng puso niya habang iniisip niyang hahalikan siya nito? Ang lapit-lapit na niya dito. Lalaban pa rin ba siya para matikman ang halik nito o pansamantalang susuko?

Tumikhim siya at pilit na umiwas ng tingin dito. “Mag-dinner na tayo.”

“Good. Mabuti at nagkakasundo tayong dalawa.” Hinaplos nito ang buhok niya. “Sana lagi tayong ganito, Danzelle Ann.”

Pakiramdam niya ay marshmallow na ang mga muscles niya. Ngayon niya natitiyak na mapanganib nga si Richard Don. She underestimated his power.

DI maiwasang pagmasdan ni Danzelle Ann si Richard Don habang kumakain. Guwapo na ito noong unang beses niya itong nakita. At noong nagkita sila sa kasal ng Kuya Jeff niya ay di niya ito halos pinapansin dahil naiirita siya sa mga babaeng nagkakandarapa dito. Di niya alam kung paano ito naging guwapo.

Ngayon ay nasagot na niya tanong. His features were more defined now. His eyes were not just meant to seduce. Parang nag-mature ito at naging matalino. Dati ay parang happy-go-lucky lang ito. Ngayon ay pag-aari na nito ang isang restaurant.

Mas maputi pa ito sa kanya dati. Ngayon ay light tan na ang kulay nito. Gumanda na rin ang pangangatawan nito kung pagbabasehan ang paghakab ng blue gray cashmere shirt sa kawatan nito. Parang nag-aanyaya sa kahit sinong babae na humilig sa matipuno nitong dibdib at…

“Mind your food, Danzelle Ann,” he cut her thoughts. “Kung gusto mo ng dessert, ipapakuha ko na. Basta wag mo akong gawing dessert.”

Napakurap siya. “Ha? Anong dessert?”

Dahan-dahang kumurba ang sensual na ngiti sa labi nito. “Sweetheart, ang lagkit-lagkit ng tingin mo sa akin. Akala ko matutunaw na ako.”

“Pinalalabas mo na may gusto ako sa iyo?”

“Hindi ako nagsabi niyan. Ikaw. Pero di naman kita masisisi.” Sumubo ng shrimp with lemon sauce. “You must find me so hot. Normal lang iyan.”

“Hot?” Mariin niyang hiniwa ang grilled squid sa gigil sa kayabangan nito. “Ikaw ang kumain. Gutom lang iyan. Naghahalusinasyon ka na gusto kita.”

He let out a masculine laugh. “You don’t have to deny it. Alam ko naman na gusto mo ako kahit na hindi ka magsalita. I am sorry. You can’t have a sumptuous piece of me. Nandito lang ako para sa kapatid mo.”

Sumilakbo ang inis niya. “That was supposedly my line!”

Napakayabang talaga nito. Sinasabi pa na interesado siyas sa katawan nito. Maganda nga ang katawan nito pero parang ampaw ito. Hangin ang laman. Kahit na magmukha pa itong makisig, ito pa rin ang Richard Don na tinanggihan niya.

“Relax. Hindi ko naman sasamantalahin ang kahinaan mo. Isa pa, mas mapili na ako ngayon sa mga babaeng ide-date ko. You are definitely not my type.”

Nagtagis ang ngipin niya. “Tanungin mo muna ako kung type kita. Sabihin mo na lang sa akin kung ano ang napag-usapan ninyo ni Kuya Jeff.”

Inabot nito ang folder sa kanya. “This is a copy of our agreement. Signed and approved by both of us. Bukas ipapa-notarize na iyan sa abogado.”

Binuklat niya ang folder. Naroon ang fax na hinihintay nitong dumating kanina. Binasa niya ang nakasulat. “Richard Don Robles will be the guardian of my sister Danzelle Ann de Saavedra during the duration of her stay at the Stallion Riding Club. Anong guardian? I don’t need a guardian! Hindi na ako bata.”

“You do. Sa pagpasok ng kahit sinong bisita sa riding club, magiging responsible ang isa sa mga member sa lahat ng gagawin niya.”

“Teka, akala ko ba katulad lang ako ng ibang empleyado dito. Hindi ko na kakailanganin pa ng guardian.” Iyon ang rule na nabasa niya sa guidebook ni Myco.

“Hindi ka basta empleyado dito, Danzelle Ann. Hindi ka dumaan sa screening na ibinibigay sa mga tauhan na napapasok dito. Bilang kapatid ni Jeffrey at papalit sa posisyon niya, lumalabas na guest ka nang pumasok dito. At sa pagpasok mo dito, nasa sa akin na ang responsibilidad na bantayan ka. Anumang kapalpakan na gagawin mo dito sa loob, ako ang mamomoroblema.”

Ipinagpatuloy niya ang pagbabasa. “Di ako pwedeng lumabas nang wala kang permiso? Kailangan kasama kita kahit saan ako pumunta?”

“You are under my custody.”

Ngumisi siya nang mabasa ang sunod na nakasulat. “I have the same rights like you do as my brother’s representative. Nakita mo iyon?”

“I agree. Pumapayag din ako sa magiging sweldo mo bilang representative niya pero kayong dalawa na ang bahalang mag-discuss.”

Tumango-tango siya. “Ikaw pala ang magbabayad sa gastusin ko.”

“For the meantime. Lahat naka-charge sa kapatid mo. Hindi ako basta-basta gumagastos sa babae lalo na’t di ko naman girlfriend.”

Iningusan niya ito nang bahagya. Basta magtatrabaho siya. Wala siyang pakialam sa gusto nitong gawin o hindi. “Teka, ano itong mas gusto ng kuya ko na dito na ako tumira sa villa mo?”

“Gusto daw ng kapatid mo na bantayan kitang mabuti.”

“Ayoko! Di pwede.” tutol niya. Tumawag siya sa cellphone ng kapatid niya pero naka-off. Maging ang phone sa bahay ay walang sumasagot. Parang nananadya. “Ano ba ang naisip ni Kuya at dito ako patitirahin? Sa worker’s lodge na lang ako. Sabi ni Brescia may isa pa namang manager’s bunk doon.”

Ngumiti ito. “Pabor sa akin iyon. Kung dito ka titira, baka pagsamantalahan mo pa ako. Paano na ang mga girls na mahal na mahal ako. Masasaktan sila kapag tuluyan mo na akong nilapastangan.”

Pinanlakihan niya ito ng mata. “Kilabutan ka nga!” Itinuloy na lang niya ang pagbabasa. “Ano ito? Kailangan kong sundin ang lahat ng utos mo pagdating sa personality development ko? Bakit? Ano ang problema sa personality ko?”

“Lahat!” bigla ay walang ngit nitong sagot.

Tumayo siya. “Iniinsulto mo ba ako?”

“Hindi. Hindi lang bagay ang personality mo bilang bagong kapalit ni Jeff.”

“Ano ba ang gusto mo? Iyong katulad ng mga babaeng naglipana dito sa riding club na halos wala nang itago sa sobrang ikli ng damit at parang anemic na sa sobrang kaputian? Iyong tinambakan ng isang truck na make up ang mukha?”

Bumuntong-hininga ito. “No. I want you to project the image of a cool and confident woman who acts on behalf of the owner of Lakeside Café. At hindi ka haharap sa mga bisita nang ganyan ang itsura mo.”

Inikot niya ang mata. Matapobre nga pala ang mga tao doon. Samantalang siya ay nakakaharap sa mga investor nang kahit ano ang suot. Walang arte-arte. Ang importante ay ang produkto. “Hindi ako pababalikin ng Bukidnon at paaalisin din ako sa riding club kapag di kita sinunod?” bulalas niya sa mataas na boses. “Ano sa palagay mo ang gagawin ni Kuya sa buhay ko? Saan ako pupunta?” Wala siyang alam uwian kundi ang Bukidnon lang.

“Papa mo naman ang nagsabi niyan. Kaya kung di ka magtitiis at susunod sa akin, wala akong pagpipilian. Sinusunod ko lang ang kasunduan.”

“At hanggang kailan ako dito sa riding club?” nakakunot-noo niyang tanong. Di pa man siya tumatagal doon nang isang araw, di na siya makahinga. Parang limitado na ang magiging kilos niya at lahat ay oobserbahan siya.

“Depende sa usapan ninyo ng kuya mo. I am just here to be your guardian.”

Uminom siya ng tubig. Naninikip ang dibdib niya. The agreement was signed by both parties. Wala siyang kakayahang tutulan ang mga nakasulat doon. Parang nakakulong pala siya sa isang hawla kung ganoon.

At ang kanyang kalayaan ay kay Richard Don lamang nakasalalay.

Gusto niyang bumalik sa Bukidnon. Gusto niyang makasama ulit ang pamilya niya. Patutunayan niyang karapat-dapat siyang maging bahagi ng hacienda.

Kung kailangan niyang tiisin si Richard Don ay gagawin niya.

AMOY NA AMOY ang pambabaeng scent ng Stallion Shampoo and Conditioner matapos maligo ni Danzelle Ann. Di niya gusto ang naturang shampoo dahil ayaw niyang mag-amoy babaeng-babae. Subalit dahil iyon ang exclusive shampoo ng riding club para sa mga kababaihan, kasama nang nawala ang consumer rights niya sa pagpili ng shampoo. Wala naman kasing ibang shampoo doon.

Pinupunasan niya ng tuwalya ang basang buhok nang pumasok sa kuwarto niya. Wala siyang kasama sa lodge dahil umalis na si Brescia at ang iba pa.

“Good morning!” bati sa kanya ng boses ni Richard Don.

“Good…” Hinawi niya ang buhok na nakatabing sa mukha at napanganga nang makitang hinahalungkat nito ang closet niya. “Anong ginagawa mo?”

“Ineempake ko na ang mga damit mo. Your wardrobe sucks.”

Inagaw niya ang checkered polo na hawak nito. Iyon ang isusuot niya sa araw na iyon. “Huwag mong pakialaman ang gamit ko! So what if it sucks?”

“They have to go. Kung ganyan ang damit na isusuot mo, baka si Reid Alleje mismo ang mag-recommend na ipatapon ka sa labas ng riding club. Gusto mo bang masira ang magandang imahe ng riding club dahil sa pangit mong fashion sense.?” Si Reid Alleje ang may-ari ng riding club. Ito ang batas.

“Masyado naman kayong matapobre! Wala pang nagsabi sa akin na pangit ang fashion sense ko. Saka mga kabayo naman ang nasa paligid. Kaya ano naman ang problema kung mukhang pang-rancho ang outfit ko?”

“Hindi ka naman magpapastol ng baka dito. Hand in hand, we will entertain the guests at the café. We must project a good image. And you must show an image of feminine and grace. At hindi ito ang dapat na isusuot mo. Itatapon na ito.”

“Kapag itinapon mo iyan, anong isusuot ko?” tanong niya.

Binuksan nito ang kahon na nasa kama. “This one.”

It was a peach dress with ruffled straps. May ka-partner pa iyong wide-brim white hat at white na sandals. “Ipapasuot mo iyan sa akin?”

Ayaw niyang magsuot ng dress. Napaka-over pa ng damit dahil may ruffles pa at peach ang kulay. Kamag-anak ng pink. Pambabae. Kinikilabutan siya.

“Oo. Dahil di ako papayag na lalabas ka ng lugar na ito kasama ako di mo suot iyan. DI ka magpapastol ng baka. Personality development. Remember?”

“Alright. Personality development.”

Gagawin niya ang lahat para may mapatunayan. Hindi siya papayag na mapaalis sa lugar na iyon na isang busabos at palaboy. Walang tutuluyan. Daig pa niya ang itinakwil ng pamilya niya.

Umupo ito sa kama at humalukipkip. “Sige na. Magbihis ka na.”

“Baka gusto mo nang lumabas. Di naman siguro ako magbibihis sa harapan mo.” Magkakamatayan sila bago nito makita ang katawan niya.

Nanatili pa rin itong nakaupo sa kama. “I don’t mind. I am not interested.”

Nakakainsulto ito kung ngumisi. Na parang walang interesante sa katawan niya. Kahit na gaano pa siya kapangit babae pa rin siya. At wala itong karapatan na insultuhin siya.

Ihinagis niya ang ilan sa mga damit dito. “Itong mga damit na ‘to, iempake mo at ipabalik mo sa Bukidnon. Ibigay kamo sa mga tauhan namin. At ikaw, huwag kang mag-ambisyon na maghuhubad ako sa harap mo. At kapag nag-ambisyon ka pa, babaliin ko ang buto mo! Lumabas ka na.”

“Amoy babae ka rin pala kapag nag-iba ng shampoo. May potential ka naman palang maging babae,” ngingisi-ngisi nitong sabi paglabas. “Bilisan mo. This will be a very busy day for you.”

NovelDark

Your free library of light novels, web novels and translations. Romance, fantasy, action, drama — thousands of chapters updated daily, no signup needed.

Genres

© 2026 Noveldark. All rights reserved.