Gusto nang isumpa ni Danzelle Ann ang Stallion Riding Club. Kahit saan yata siyang parte ilagay ay magkakaroon siya ng contrast. Kahit yata ang mga mala-carpet damo doon ay mamahalin. Ang mga kabayong tumatakbo doon ay pawang mamahalin. Di tulad ng simpleng working horses na ginagamit niya sa hacienda. Para iyon sa panlibangan lang ng mga mayayaman.
Ang alam niya ay mahal ang membership sa riding club. Bukod sa doon naglilibang ang mga mayayaman, ginagamit din ng mga ito ang pagkakataon para sa negosyo. Malaki ang naitulong ng riding club para makakuha rin ng kliyente ang kapatid niya para sa plantation nila. Kaya natural lang na bawat bahagi ng riding club ay naghuhumiyaw ang kayamanan.
“Dito muna tayo sa Stallion Leisure Spa,” wika ni Richard Don nang itigil ang sportscar sa harap ng spa.
“Kailangan ko ba talagang magpa-spa? Naliligo naman ako.”
Natural na ring makrema at makinis ang balat niya. Kahit naman kasi madalas siyang magtrabaho sa labas ay malamig ang klima sa Bukidnon. Di siya basta-basta nangingitim o kaya ay nagda-dry ang balat.
Mataman siya nitong pinagmasdan. “You definitely need a spa for starters.”
Sa spa ay sinalubong agad sila ng mga receptionist na mukhang artista at modelo. Todo pa-cute at ngiti ang mga ito kay Richard Don. “Hi, Sir!”
“Hi, girls! Lalo yata kayong gumaganda ngayon.”
Naghagikgikan ang dalawa na agad niyang ikinainis. Kapag ba nagsimula na ang trabaho niya ay kailangan makipaghagikgikan din siya sa customers? Huwag lang subukan ni Richard Don o ibabaon niya ito nang buhay.
“Good morning, Sir RD!” bati ng babaeng sa tingin niya ay nasa thirties na ngunit maganda pa rin at pwedeng pagkamalang bata. “Good morning, Ma’am.”
“Fatima, this si Danzelle Ann. She is Jeff’s sister. Nabanggit ko na sa iyo kagabi kung anong mga services ang maibibigay sa kanya. Kung may maidadagdag pa kayo para mas mag-improve siya, ibigay lang ninyo.”
“Yes, Sir. This way, Ma’am,” wika ni Fatima.
“Richard Don, anong gagawin nila sa akin?” aniyang di agad makaalis. Di niya alam kung anu-anong mga services ang gagawin sa kanya. Si Richard Don na pala ang namili para sa kanya. Baka mamaya ay di niya gusto o masaktan siya.
“Huwag kang matakot. Magmumukha kang tao pagkatapos ng mga treatment na gagawin nila sa iyo. Trust me.”
Napangiwi siya nang sumunod kay Fatima. Iyon nga ang problema. Wala siyang tiwala dito. Pero nakalimutan din niya ang iritasyon nang makita ang eleganteng kuwarto na inilaan para sa kanya. Parang nasa isang mamahaling hotel siya. May magandang private lanai pa sa labas na may harang na bamboo wall subalit tanaw pa rin ang magandang tanawin ng lake. May sarili rin iyong Jacuzzi at overhead rain shower. Kaya nagbabayad nang mahal ang mga tao doon. View pa lang ng lugar ay nakaka-relax na.
“Ma’am, mag-shower po muna kayo,” wika ni Rose, isa sa attendant ng spa. “You can use the overhead rain shower outside.”
Umiling siya. “Hindi. Gusto ko indoor shower.”
Baka mamaya ay may hidden camera pa na nakatutok doon. Wala siyang planong maghubad sa harap ng mundo.
Matapos mag-shower ay nag-sauna siya at milk and rose bath. Noong una ay naiirita siya sa mga rose petals na nakakalat sa tub. Mga maaarteng babae lang kasi ang nagsasayang ng bulaklak para lang magpaganda ng katawan. Pero nang nagsimula na siyang ma-relax, humilig na lang siya sa tub at ipinikit ang mata.
Napaungol siya dahil unti-unti siyang nakaramdam ng antok. Iyon ang epekto ng lugar na iyon. Parang masarap tamarin. Parang ayaw na niyang gumalaw at magtrabaho. Kung pwede sana ay matulog na lang siya.
“Ma’am, it is time for your massage,” anang boses ng spa attendant.
Naka-toweling robe siya nang pumunta sa massage table. Hindi naman siguro masama kung matulog siya mamaya habang minamasahe. Gusto na lang niyang sumuko sa lahat ng pagod na naramdaman niya. Ilang taon na din ba siyang walang pahinga dahil puro hacienda ang inaasikaso niya.
“Ma’am, you have to take off your robe,” wika nito.
“Teka, maghuhubad ako? Ayoko nga!” tutol niya at niyakap ang sarili.
“Ma’am, kailangan po talaga iyon para…”
Lumayo siya at tumakbo sa pinto. Hawak niya ang lapel ng robe habang nakaamba ang kamao. “Subukan mo lang na hubaran ako. Masasaktan ka talaga!”
Kahit kailan ay di pa siya naghubad sa harap ng ibang tao. Hindi ba pwedeng imasahe na lang siya nito nang di naghuhubad?
“Ma’am, huwag na po kayong mahiya. Kailangan po ito.”
“Ayoko! Over my dead body! Di mo ako mahuhubaran!” sigaw niya at nagtatakbo palabas. Wala siyang pakialam kung magmumukha siyang inosente sa mundo. Di naman niya alam na sa mga spa massage ay kailangan pang maghubad. Si Aling Trining na hilot sa kanila ay di naman siya pinaghuhubad pag nagpapahilot.
Nasa gitna na siya ng hallway ay nasalubong niya si Richard Don. “Danzelle Ann, bakit ka lumabas?” tanong nito. “Inaway mo daw ang attendant.”
Napayakap siya dito. Bigla ay nakakita siya ng kakampi lalo na nang makita niyang humahabol ang attendant niya sa kanya. “Ayokong maghubad. Sabihin mo sa kanya na ayokong maghubad!”
Kahit pa sa harap ng babae o lalaki ay di siya mapaghuhubad. Kahit na hindi siya magpa-masahe basta walang hubaran.
Kinabig nito ang balikat niya at hinaplos ang buhok niya na parang bata. “It is just a massage. Babae naman ang attendant na kasama mo. Wala siyang gagawing masama sa iyo.”
“Ma’am, we have disposable undies para di kayo mailang. Gagawin din po nating dim ang ilaw ng massage room para mawala ang inhibition ninyo,” wika naman ng spa manager na si Fatima.
Di na niya pinansin pa si Fatima at ang spa attendant niya. Ang tanging naririnig lang niya ay ang malambing na boses ni Richard Don na umaayo sa kanya.
Kailan pa ba niya iyon huling narinig mula nang mamatay ang Mama niya? She hated kind words since then. Ayaw kasi niyang manghina. Pero nang mga oras na iyon, parang gusto niyang pakinggan ang malambing na boses nito at humilig sa dibdib nito. Para saan pa ang spa massage kung dito pa lang ay nare-relax na siya? Mas tipid pa yata kung yayakapin na lang siya nito.
Bigla siyang natauhan at tumingala dito. Bakit naman siya nagpapayakap at nanghihna sa mga yakap nito? Baliw na ba siya?
Bahagya niya itong itinulak palayo. “Bakit nakayakap ka sa akin? Gusto mo akong pagsamantalahan, no? Igagaya mo pa ako sa mga babae mo.”
Natigilan ito. “Wait! Ikaw itong asal bundok na nagtatatakbo sa hallway na parang baliw tapos bigla kang yumakap sa akin. Bakit binabaligtad mo ako?”
“Bakit naman kita yayakapin?” Wala sa bokabularyo niya ang yumakap sa lalaki lalo na kay Richard Don na ubod ng kayabangan.
Tumingala ito. “They have security cameras here. Pwede nilang patunayan na ikaw ang unang yumakap sa akin. Dapat nga ako ang matakot dahil malamang ikaw ang may motibong harass-in ako.”
Napamaang siya. Tama. Siya nga ang unang yumakap dito. Pero kailangan ba nitong ipangalandakan na pagsasamantalahan niya ito. “Sandali lang! At bakit naman kita haharass-in? Di ka naman kakisigan.”
“Ako? Hindi makisig? Wala nang makisig sa mundo kapag di ako makisig!”
“Ma’am, Sir, excuse me po,” magalang na singit ni Fatima.
“Sandali!” aniya at itinaas ang kamay kay Fatima. Saka niya inililis ang manggas ng robe niya. “Nakakaloko na kasi ang lalaking ito, eh! Dapat siguro bigyan ko siya ng isang suntok para matuto ng leksiyon.”
Bago pa siya nakaporma ay nagtagpuan na lang niya ang sarili na nakasandal sa dingding, pigil na ni Richard Don ang dalawang kamay niya habang magkadikit halos ang katawan nila at mukha nila. Di siya nakagalaw sa sobrang pagkabigla. Paano nito nagawang pigilan siya sa isang iglap? Samantalang sanay siyang depensahan ang sarili sa mga lalaki. Ni hindi siya nakahuma dito.
“Oras na saktan mo ako, pwede kitang paalisin ng riding club. Well, I don’t even have to recommend it. They will do it right away. Guest ka lang dito, Danzelle Ann. Pinapanood ang bawat kilos mo.”
Napalunok siya. Gusto nang manghina ng isip niya. Unti-unting natutunaw ang katawan niya sa init ng katawan nito. Tumatagos iyon sa robe na suot niya. At sa sobrang pagdidikit ng mukha nila, halos hinahalikan na siya nito sa bawat pagbuka ng labi nito. She should loathe it. Pero bakit nae-excite pa siya?
“Sinasadya mo bang dalhin ako dito sa spa para ipahiya ako. Alam naman nating dalawa na ayaw mo sa akin,” mariin niyang wika habang nilalabanan ang kahinaan niya. “You provoked me!”
“Provoke you?” He laughed huskily. “Let me clear things here. I don’t hate you. I don’t think I could hate a girl. And I will never provoke you into violence. In some other more pleasurable ways perhaps. Pero hindi ako gagawa ng bagay na maaring makasakit sa iyo o sa akin.”
His voice was like satin. Humahaplos sa katawan niya. She should feel disgusted by the nearness of his body and sensuality of his voice. Mukhang tama ito. Hindi siya nito pino-provoke para magalit. He was provoking her in a more pleasurable way. A part of her brain was commanding her to desire him.
“Please spare me from your carnal enticement. Nagsasayang ka lang ng oras,” lakas-loob niyang sabi. At mahirap palang magkunwaring malakas kahit na pinanghihinaan siya. She was not prepared for it. Drat! Mukhang eksperto nga si Richard Don sa departamentong iyon kung saan wala siyang karanasan.
“Right. Deny it, Danzelle Ann. Alam naman natin pareho kung ano ang totoo mong nararamdaman. Pero sa susunod na gusto mo akong yakapin, magpa-spa ka muna para maging interesado din ako sa iyo.”
“Sir,” untag dito ng manager ng spa na si Fatima na namumutla na. Di nito alam siguro kung ano ang gagawin sa kanilang dalawa.
Saka lang siya binitiwan ni Richard Don at kalmadong ibinulsa ang kamay sa bulsa ng pantalon nito. “Give her anything she wants. Kung ayaw niyang magpa-massaga, huwag. Huwag pilitin ang taong ayaw,” anito sa awtorisadong tono. Di man bakas sa mukha nito ay halatang dismayado ito sa kanya.
Natuon ang mata ni Fatima sa kanya. “Ma’am?”
Huminga siya nang malalim. “Sige. Magpapa-massage ako. I am sorry. Hindi ko naman sinasadya na makaabala sa inyo.”
“It’s okay, Ma’am. Huwag po kayong mag-alala. Titiyakin po namin na makakapag-relax kayo,” anang attendant sa magaang boses. “Bumalik na po tayo sa kuwarto ninyo, Ma’am.”
Nilingon niya si Richard Don na naglalakad sa kabilang direksiyon ng hallway. Bagsak ang balikat nito. Kahit kailan ay di pa niya ito nakitang down na down maliban nang tuluyan niyang tanggihan ang pagsali nito sa rodeo.
Siguro ay tinutulungan lang siya nito. At kung walang modo ito sa babae, sana ay hinalikan na siya nito kanina samantalang kaya naman nitong gawin. Ni hindi siya lalaban. Kaya siguro magpapa-spa na lang siya para walang gulo.
Isang araw pa lang siya sa riding club, nag-iiba na ang pakikitungo siya sa mortal niyang kaaway. It must be spa. O baka iyong aromatherapy scent kanina. Babait siya nang konti dito para sa café ng kapatid niya. Pero di siya makakapayag na manghina at pagnasaan ito. Never!
HINATAK-HATAK ni Danzelle Ann ang bagong side bangs habang pinagmamasdan ang sarili sa salamin. Kaninang umaga lang, isa lang siyang ordinaryong babae na nagmula sa hacienda. Ngayon ay ibang Danzelle Ann na ang nakikita niya sa salamin. Parang pagkalinis-linis niyang tingnan. Makinis na makinis ang balat niya at naggo-glow. Maging ang mahaba niyang buhok na dati ay basta tuwid lang ay nagkaroon na ng style ngayon. Paunti-unti ay natatanggap na rin niya na bagay din pala siyang magsuot ng pambabaeng kulay na dress at may ruffles o bulaklak.
“Itaas mo ang kamay mo,” sabi ni Jenna Rose habang iniikot ang tape measure upang sukatan siya ng bust line. Isa itong sikat na batang designer at nag-iisa ang boutique nito sa riding club.
“Ah! This is perfect for her,” usal ni Richard Don at itinaas ang magkapares na lacy bikini panties at bra. “I want a dozen of this design. And that one as well.”
“Para kanino ang binibili ni Richard Don?” tanong niya kay Jenna Rose.
“For you of course.”
Namutla siya. “Ano? Siya ang bibili ng underwear ko? Sandali lang, ha?”
“Okay.” Nagtataka man ay itinigil nito ang pagsusukat sa kanya.
Malalaki ang hakbang niya nang lapitan si Richard Don. “Hoy! Sino naman ang may sabi sa iyo na ikaw pa ang mamili ng underwear ko?”
“I am just doing you a favor. Knowing your taste…”
Nagsalubong ang kilay niya. “Anong knowing my taste? Ano naman ang alam mo sa mga underwear ko at nagmamagaling ka?”
Ngumiti ito. “Nakita ko ang underwear mo kanina. They are all boring. Dapat naman siguro sumama rin sa pagbabago ng personality mo ang underwear mo.”
Nakuyom niya ang palad. “Anong boring ang underwear ko? Wala kang karapatan na makialam sa underwear ko! Isusuot ko ang gusto ko.”
Humalakhak si Richard Don. “Kung may maisusuot ka. Ang alam ko naisama na rin ang mga iyon pati ang mga ibang luggage mo. Wala ka nang gagamitin.”
Naipadyak niya ang paa sa sobrang inis kahit ang gusto niya ay padapuin na lang ang kamao sa mukha nito. “Humanda ka talaga sa akin!”
Wala na ang disenteng underwear niya.
“Magaganda naman ang napili niya, ah. They look sexy yet comfy,” wika ni Jenna Rose. “Mae-enhance din ang figure mo.”
“Dapat nga magpasalamat ka sa akin dahil mai-improve ang fashion sense mo. Tanggapin mo nang wala ka sa bundok,” anang si Richard Don at pumalatak. “Jenna Rose, ipa-deliver mo na lang sa lodge niya.” At saka ito lumabas ng boutique.
“Pwede naman nating papalitan kung ayaw mo,” sabi ni Jenna Rose.
“Same design basta huwag iyong nahawakan na niya. Baka may bacteria.”
Pakiramdam niya ay hinawakan na rin ni Richard Don ang katawan niya kapag isinuot niya ang nahawakan na nito. Kinikilabutan talaga siya!