Umabot hanggang sa gitna ng noo ni Danzelle Ann ang taas ng kilay niya habang pinagkukulumpunan ng mga babae si Richard Don. Hindi yata nito napansin ang paglabas niya sa boutique dahil natambakan ito ng mga babae.
“RD, ako dapat ang ka-date mo sa polo game mo next month,” anang babaeng naka-fishnet dress. Mas mukha itong mestizang isda na nahuli ng lambat.
“No! Usapan natin ako na ang naka-schedule na I-date ni RD sa polo game niya. Hanggang practice game ka lang, Olyn,” wika naman ng babaeng puro paru-paro ang nakakapit sa damit na parang lilipad. Natitiyak niyang di si Jenna Rose ang designer ng damit ng mga ito. Nakaririmarim kasi.
Inilabas ni Richard Don ang cellphone. “Hmmm… let’s see.”
Mukhang nakalimutan na yata ni Richard Don na may “date” din sila nang mga oras na iyon. Sasamahan siya nitong mamili ng supplies. Bilang bantay kasi niya ay kailangang samahan siya nito kahit na saan dahil di pa siya pamilyar sa riding club. Wala siyang planong maghintay nang matagal habang masaya itong nakikipag-flirt sa mga babae nito.
Di na siya nakatiis at sumingit sa kulumpunan ng mga babae. “Excuse me. Excuse me,” aniya.
Pumiglas ang mga babae sa likuran. “Ano ba? Pumila ka nga. Hindi pwedeng basta ka na lang lumapit kay Richard Don dahil nauna kami.”
Kaysa makipagtarayan sa mga babae ay umakyat na lang siya sa may hagdan ng boutique saka tinawagan si Richard Don. “Hello!”
“Richard Don Robles, sabihin mo lang sa akin kung ayaw mo akong samahan na mamili ng supplies ko. Ako na lang mag-isa ang aalis basta bigyan mo ako ng permiso na lumabas ng riding club.”
“Danzelle Ann?” His face was in awe when he looked around. Tumigil ang mga mata nito sa kanya nang makita siya. “Kanina ka pa?”
“Kanina pa. So could you please issue a permit now?”
“Sandali lang.” Nakangiti itong nagpaalam sa mga babae at lumapit sa kanya. “Kanina ka pa ba tapos?” tanong nito.
“Kanina pa. Nangangawit na nga ako katatayo dito.”
“Bakit hindi mo ako nilapitan?”
“Sabi ng mga babae mo na pumila daw ako dahil nauna sila. Mukhang enjoy ka naman sa atensiyon nila kaya maiwan ka na lang sa kanila. Babalik naman ako agad dito sa riding club. Basta bigyan mo lang ako ng instruction…”
Hinawakan nito ang kamay niya at iniluhod ang isang tuhod. “I am sorry. Di ko naman alam na nandito ka na. Please forgive me.”
Nagimbal siya. Di niya inaasahan na luluhuran siya nito. Pinagtitinginan na sila ng mga taong nagdadaan sa labas pati na rin ng mga tao sa loob ng boutique. They were a public spectacle. Daig pa na nila ang mga artista na nagsu-shooting.
“Hoy! Anong niluluhod mo diyan? Di ako santa. Tumayo ka diyan! Nakakahiya sa mga tao.”
“Hindi ako tatayo dito hangga’t hindi mo sinasabing pinapatawad mo ako.”
“Huwag ka ngang OA. Basta umalis na lang tayo dito.”
Ang gusto lang niya nang mga oras na iyon ay kunin ang atensiyon ng ibang tao dahil sa kalokohan nito. Ayaw niya ng kahihiyan. Isipin pang magnobyo sila. Kasiraan iyon sa kanyang reputasyon kung sakali.
Nakangisi itong tumayo. “It means I am forgiven.”
Nilapitan sila ni Miss Fishnet at ng babaeng paru-paro kasunod ang ibang alagad ng Kulto ni Richard Don. “Who is she?” tanong ni Miss Fishnet.
“Kapatid ni Jeffrey. Si Danzelle Ann.” At ipinakilala nito isa-isa ang mga babaeng nandoon. Dahil masakit ang mga itsura nito sa mata niya ay hindi na siya nag-abala pang tandaan ang mga ito. Sayang lang ang space sa utak niya.
“Sana naman walang favoritism. Di dahil kapatid siya ni Jeff, siya na agad ang ide-date mo. Ang alam ko kami ang nauna,” sabi ng Babaeng Paru-Paro.
Nakataas ang kilay niyang pinagmasdan ang mga ito. “Excuse me. Wala akong oras makinig sa mga complains ninyo. Kung may reklamo kayo dahil ako ang kasama ni Richard Don, magsumbong kayo sa baranggay.” Nilingon niya si Richard Don. “Aalis na ba tayo? Nangangawit na akong tumayo dito.”
Saka taas noo siyang naglakad papunta sa sportscar. Nagpaalam naman si Richard Don sa mga babae. Nag-flying kiss pa ito kasunod ng tilian ng mga babae.
“Iyang mga fans mo, ha? Ang babaduy!” patutsada niya.
“Hindi mo naman sila dapat pinagselosan. Kaibigan ko lang sila.”
“Correction. Sinungitan ko sila. Di ko sila pinagselosan.”
“Sinungitan dahil pinagselosan. Pareho na rin iyon. But be nicer to them. Mga kapatid sila ng mga members, kamag-anak at kaibigan. Malakas ang impluwensiya nila. Kasama ito sa personality development mo. Dapat masanay kang ngumiti.”
“Ibig sabihin kailangan kong makipag-plastikan dahil makakatulong sila sa negosyo? Naiirita ako sa kanila! Gusto pa nilang magpa-set ng appointment para makasama ka? Pakisabi sa kanila na di ako tulad nila na naghahabol sa iyo.”
“Huwag ka naman masyadong malupit sa kanila. I am just happy to see those girls happy. I love girls. They make me feel special. At nasasaktan ako kapag nakikita silang nalulungkot. That’s why I am giving my best to befriend them and give my love and attention. Para lahat masaya.”
“Pwes, hindi ako masaya! Ikaw lang ang nasisiyahan sa kanila. Huwag na lang nating pag-usapan. Naiinis lang talaga ako.”
Sa supermarket ng SM Dasma sila nakarating. Iyon kasi ang pinakamalapit na mall doon. Namimili siya ng bath soap nang bawiin nito sa kanya. “Masyadong matapang ang amoy niyan. Ito na lang melon and cucumber bath o kaya milk and rose liquid bath para feminine.”
“Mangangamoy-pawis lang ako diyan.”
“Wala ka na sa hacienda ninyo na lagi kang nakasakay sa kabayo at nakabilad sa araw. Mas madalas ka sa café. And these stuffs are perfect for you.”
Kinikilabutan siya sa mga pambabaeng scent. Di pa rin siya sanay. Biniwan niya ang push cart. “Ikaw na lang ang mamili tutal ikaw ang magbabayad.”
“Okay. Hmmm… Stallion Shampoo and Conditioner na ang shampoo mo.” Kumuha ito ng feminine wash. “Of course you have to use these.”
Tinapik niya ang kamay nito. “Ako na ang kukuha niyan.”
“Bakit?” Inilagay nito ang feminine wash sa pushcart. “Huwag ka nang mahiya sa akin. Nakayakap ka na nga sa akin kaya walang malisya. Ano nga palang brand ng sanitary napkin at pantiliner ang gagamitin mo?”
Mariin siyang pumikit. “Huwag ka na ngang makialam sa mga gamit ko.”
Humalakhak siya. “Wow! I never thought you could blush.”
Nakuyom niya ang palad at inambaan ito. “Kapag hindi ka tumigil sa katutukso mo, sasapakin talaga kita.” Di na ito nasiyahan na ito ang pumili sa damit at underwear niya. Pati ba ibang toiletries niya ay ito pa rin ang bibili?
Humalakhak ito at kumuha ng loofah. “I never thought that I could actually enjoy shopping with a woman and buying personal stuffs for her. Sa susunod nga na mag-shopping ka, sasama ulit ako.”
“Kuya RD!” tili ng isang babaeng kasalubong nila.
Iniikot ni Richard Don ang pushcart at itinulak sa kabilang direksyon. “Drat! Anong ginagawa ng intrimitidang babaeng iyan dito? Akala ko nasa bundok iyan.”
“Hoy! Saan ka pupunta?” tanong niya at hinabol ito.
“Stop asking questions. Kailangan nating tumakas.”
Subalit di pa man sila nakakalayo ay nasa harapan na nila ni Richard Don ang babae. “Kuya! Sabi mo hindi ka sasamang mag-shopping sa akin dahil may aasikasuhin ka sa café. Tapos magde-date ka lang dito.”
“Hello, Fridah Mae,” nakangising bati ni Richard Don.
“Wow! This is a surprise!” anang lalaking kasama ni Fridah Mae. “Naggo-grocery ka. Bagong strategy ba ito? Akala ko ba ayaw mong mag-shopping kasama ang isang babae lalo na ang mag-grocery dahil ayaw mong isipin niya na pakakasalan mo siya balang-araw. You know. Buying groceries with a woman is as close as asking her to marry you.”
“Don’t mind them,” sabi ni Richard Don.
“Anong don’t mind us?” angal ni Fridah Mae. “Pinsan namin ang pangit na iyan. I am Fridah Mae Narcisso. At ito si Kuya Mark Ashley. Pinsan din niya. At iyon ang boyfriend ko.” Inginuso nito ang lalaking na halukipkip sa di kalayuan at nagbabantay ng pushcart. “Ang guwapong-guwapong si Cedric Johannes Cristobal.”
“Sa paningin niya si Johann lang ang guwapo,” mahinang angal ni Richard Don. “Si Danzelle Ann. Kapatid siya ni Jeff.”
“Danzelle Ann?” Nanlaki ang mata ni Mark Ashley. “Whoa! Bakit ganyan ka kaganda? Sabi sa akin ni RD mas mukha ka daw lalaki sa kanya.”
Maasim siyang ngumiti nang marinig ang description sa kanya. Mukhang lalaki. Pasimple niyang siniko si Richard Don at bahagyang tumawa. “Iba na ang nagagawa ng siyensiya at teknolohiya ngayon. Mga mukhang lalaki pwede nang maging mukhang babae.”
“Siya na ang papalit kay Jeff,” paliwanag ni Richard Don. “Sinamahan ko lang siyang mamili dahil ako ang guardian niya.”
“Guardian?” Kumunot ang noo ni Mark Ashley. “Paano namang ikaw ang magiging guardian samantalang mas siga pa iyan sa iyo. Baka ibalibag ka lang niyan. Hindi ba nabasted ka nga niya dati…”
“Ay, siya ba ang nambasted kay Kuya RD?” anang si Fridah Mae at ngumisi. “Kaya pala mukhang under the saya siya ngayon. Tingnan mo. Puro gamit pambabae ang pinamili nila pero okay lang kay Kuya. Girlfriend ka na ba niya?”
Umiling siya. “Hindi, no?”
Iwinasiwas ni Richard Don ang kamay na parang nambubugay ng langaw. “Magsialis na nga kayo. Nakakaabala lang kayo sa pamimili namin.”
Hinatak na ni Johann sa braso si Fridah Mae. “Sa palagay ko kailangan na nilang mapag-isa. Nakakaabala tayo sa date nila.”
“Hind! Hindi kayo nakakaabala,” sabi niya. Mas gusto nga niyang may kasama silang ibang tao kaysa naman pagkamalan silang magnobyo ni Richard Don.
Nakahinga nang maluwag si Richard Don. “Salamat dahil matatahimik na ang buhay ko. Ano pa ba ang kulang sa supplies mo?”
Tumigil siya sa paglalakad at namaywang. “Magkalinawan tayong dalawa. Kung pwede sana sabihin mo sa kanila na hindi tayo nagde-date.”
“We are not dating,” he agreed.
“Sinamahan mo lang ako dito bilang guardian mo. Walang ibang ibig sabihin ang pagsa-shopping natin. Wala tayong anumang relasyon at lalong malayo sa realidad na katulad mo ang pakakasalan ko.” Hindi yata niya maatim na I-date ang isang lalaking itinuturing niyang mas mahina sa kanya.
“Naunahan mo lang ako. Iyon mismo ang gusto kong sabihin sa kanila kahit hindi mo sabihin sa akin.” Nakangiti itong humalukipkip. “Baka ikaw pinapangarap mo na pakasalan kita. Kaya sinasabi ko na sa iyo ang totoo ngayon para hindi ka na umasa pa na matutupad ang pangarap mo para sa ating dalawa.”
Mariing nagdikit ang labi niya. Siya pa ang binaligtad nito ngayon na nagkakagusto dito. Ang lakas din naman ng ambisyon nito.
Awtomatiko siyang dumampot ng sanitary napkin at ibinato dito. Di nito inaasahan ang ginawa niya kaya nasapol ito sa mukha. “Wala na akong ibang bibilhin. Bayaran mo na iyan sa cashier!” utos niya at saka nagpatiunang naglakad.
Hindi niya alam kung magkakasundo pa silang dalawa. Ito nga yata ang sisira sa mga pangarap at ambisyon niya sa buhay.
“WOW! Quarter horses, Arabian, Akhal-Teke, Andalusian and even a Lippizzaner. Lahat yata ng klase ng magagandang breed ng kabayo meron dito.”
Halos lumuwa ang mata ni Danzelle Ann sa dami ng magagandang kabayong nakaparada sa harapan niya. Nasa stable niya ng riding club para sa tour nila ni Richard Don bago magsimula ang trabaho sa araw na iyon.
“Reid Alleje travels in different countries just to spot the best breed of horses. Dumadalaw siya sa mga farm at mga auction. Kaya dinadayo rin ng mga horse aficionados ang riding club.”
“Sabi ni Kuya walo ang mga kabayo mo. Masasakyan mo ba silang lahat?”
“I have six Argentinean polo ponies and two leisure riding horses.”
Hindi kaila sa kanya na mayaman ang pamilya ni Richard Don. May sarili itong stocks sa steel business ng pamilya. DI na nga nito kailangang magtrabaho. Sa palagay nga niya ay libangan lang nito ang café sa riding club.
Pinanood niya ang si Mark Ashley na pinatatakbo ang bago nitong kabayo sa paddocks para sa early morning exercise. “Si Kuya Jeff hindi bumili ng sarili niyang kabayo. May kabayo naman daw siya sa hacienda. Namamahalan daw siya.”
“It is good to invest in horses. Wala naman akong ibang pagkakagastusan. Hindi katulad ng kuya mo na may asawa na. Pamilya ang uunahin niya.”
“At wala ka namang planong mag-asawa. Sa dami siguro ng mga girlfriend mo, di mo alam kung sino ang pipiliin mo sa kanila.”
“Girlfriend. Wala naman akong girlfriend,” kaila nito. “Kapag nag-commit ako sa isang babae, paano na ang ibang babae na naghahanap ng atensiyon ko? Kawawa naman sila. Di tulad kapag lahat sila kaibigan ko. Lahat sila masaya.”
“Masaya? Nang makita ko ang mga babaeng nagkakandarapa sa iyo, parang di lang friendship ang gusto nila. Gusto ka nilang lamunin nang buo.”
“Anong magagawa ko kung iyon ang kaligayahan nila? Basta ang alam ko handa akong mabuting kaibigan nila.”
Inirapan niya ito. “Nuknukan ka ng kaplastikan. Kaibigan lang. Pwede ba iyon?” Mabuti pa ang playboy umaaming babaero. Ito ay mapagkunwari. “Mabuti pa mag-horseback riding na lang tayo. Pahiram ng kabayo mo.”
“Hindi pwede. May bayad.”
“O sige. Babayaran ko kapag naibigay na ni Kuya ang allowance ko.”
Ngumisi ito at inilapit ang mukha sa kanya. “A kiss will do.”
Napasinghap siya. Isasakripisyo ba niya ang sarili sa isang makamundong halik para lang makasakay ng kabayo? Naalala niya nang halos halikan siya nito sa spa. Naisip niya kung ano ang pakiramdam kung hahalikan siya nito. Ito na ang pagkakataon niya. Malalaman na niya ang sagot sa katanungan niya.
Iniwas niya ang mukha. “Huwag na. Magtatrabaho na lang ako. Tapos sa Tagaytay na lang ako magho-horseback riding.”
“Hindi iyon kasing ganda ng riding club.” Ibinuka nito ang kamay. “Look around you. Parang nasa hacienda ka rin dito. At maganda pa ang breed ng kabayo.”
Matalim niya itong tiningnan. Hindi niya ito bibigyan ng pagkakataong na ipagmalaki ang kahinaan niya. Masisira lang ang konsentrasyon niya sa trabaho. Curiosity could kill a cat. Hindi niya dapat I-satisfy ang curiosity niya kung malaki ang kapalit. It would be her sanity and her good reputation.
“Danzelle Ann, gusto mong mamasyal sa may falls?” yaya ni Mark Ashley.
“Talaga? Isasama mo ako? Sige!” excited niyang sabi. Mukhang di ito mapagsamantala. Di tulad ni Richard Don na may ulterior motive.
“Akala ko mahirap kang yayaing mag-date. Hindi naman pala.”
“Anong date? Hindi siya pwedeng makipag-date,” kontra ni Richard Don.
“Teka. Paanong bawal siyang makipag-date?” maang na tanong ni Mark Ashley. “Hindi naman ikaw ang tatay niya, ah!”
“Si Tito Romulo mismo ang nagbilin sa akin na bawal siyang makipag-date. Alam niyang babaero ang mga tao dito tulad mo. Responsibilidad ko siya,” mariing wika nI Richard Don. “Kapag napahamak siya, ako ang masisisi.”
Hindi niya iyon alam pero pabor naman sa kanya iyon. Wala naman siyang balak na makipag-date. Nandoon lang naman siya para may patunayan sa Papa niya na kaya din niyang maging successful. Na makakabalik ulit siya sa hacienda.
“Ashley, magkita na lang tayo sa Lakeside Café. Oras na kasi ng trabaho ko,” sabi niya at niyaya si Richard Don na pumunta na sa café.
“Sa susunod, huwag kang basta-basta papayag na makipag-date. Ayaw mo bang makabalik sa hacienda ninyo?”
“G-Gusto ko,” mahina niyang sagot.
“Ang hirap-hirap ng trabaho ko. Ginawa pa akong yaya ko. Wala naman akong mapapala sa iyo. Makipag-cooperate ka naman!”
Marahan siyang tumango. “Di na mauulit. Sorry.”
Umiling ito. “Sorry ka ng sorry. Kapag napahamak ka, ako ang mapapagalitan ng kapatid mo. Kumpara sa ibang lalaki dito sa riding club, matino pa ako! Kaya nga ipinagkatiwala ka sa akin ng kapatid mo.”
“Oo na. Huwag ka nang magalit. Nagpapasalamat na ako dahil ikaw ang guardian ko. Di na ako makikipag-date.”
Di ito kumibo at nagpatuloy lang sa pagmamaneho. Mukha naman itong concern sa kanya. Tama nga ito. Di siya dapat na padalos-dalos. Sa bawat kilos niya, ito ang malilintikan sa pamilya niya.
“Si Brescia na ang bahala sa iyo,” sabi nito pagdating ng Lakeside Café. “May aasikasuhin lang ako na trabaho.”
“Sandali. Akala ko ba ikaw ang magtu-tour sa akin.”
Pinisil nito ang pisngi niya. “Maiintindihan mo naman ako dahil trabaho ito.”
“Trabaho?” Isang babae ang lumapit dito. Bagong babae bukod sa grupong kasama nito kahapon. Magpapakasarap lang naman pala ito.
Humanda ito sa kanya! Walang problema kung pakikialaman nito ang pakikipag-date niya. Ibang usapan na ang trabaho nila.
Sa ngayon ay pagbibigyan niya ito. Pero titiyakin niya na hindi magiging madali ang buhay nito.